IKATLONG YUGTO: Katapusan Patungo sa Simula

IKATLONG YUGTO:
Katapusan
Patungo
sa
Simula



MAGMULA nang mangyari ang Unang Kaamulan sa Siranaw ay hindi na muling yumanig ang lupa ng kanilang mundo mula sa tila walang hanggang digmaan sa pagitang ng Manuvu at Mansaka. Ang pag-iisang dibdib nina Agrida at Agyu ang sumisimbolo ng pagkakaisa at ng kapayapaan.

Subalit dumating ang isang hindi inaasahang pangitain mula sa hinaharap. Lumitaw sa malaking kawa ni Baba Gita ang imahe ni Arki, ang kusang loob na pagsama nito kay Magwayen ay may isang malaking kahihinatnan ssa hinaharap para sa buong Ibayo.

Winawari ni Baba Gita kung bakit paulit-ulit na nakikita niya sa kanyang kawa ang imahe ni Arki. Hanggang sa umusal siya ng orasyon upang humingi ng mga kasagutan at isang bulong mulas a mistikal na hangin ang nagbigay sa kanya ng kasagutan.

"Ang huling binukot?"

Hindi man tiyak ni Baba Gita kung ano ang buong kalinawan ng mga pangyayari'y nakutuban na niyang hindi magiging maganda ang mga pangyayari. Kung kaya't habang abala ang buong Siranaw sa kasiyahan ay nanatili siyang nakakulong sa kanyang silid habang ginagawa ang mga makapangyarihan niyang orasyon upang matukoy ang mga posibilidad ng hinaharap ng kanilang mundo.

Nagsimulang mag-aalala ang mga mamamayan ng Sangkil sa kanilang mahal na pinuno sapagkat hindi ito lumalabas at kumakain sa loob ng maraming araw. Kahit na walang kasiguraduhan na kakayanin ni Baba Gita ang malakas na orasyon na kanyang sinasagawa ay ipinagpatuloy niya 'yon, sa kabila ng pagdedelihiryo'y nagbunga ang lahat ng kanyang paghihirap nang malinaw niyang makita sa kawa ang hinaharap.

Nagimbal ang baylan nang makita sa Siranaw ang pagkagising ng dalawang selestiyal, ang Minokawa at Tambanokano. Hindi magiging handa ang pitong tribo sa muling pagbangong ng mga busaw, at sa pagkakataong 'yon ay hindi na kontrolado ng T'blan ang mga Ikugan at hindi kontrolado ng Sangkil ang mga Ta-awi, lumusob din ang mga Markupo mula sa tribo ng Subanon.

Isang karumal-dumal na hindi inaasahang digmaan, kahit na nagkaisa ang buong Siranaw ay hindi nito mapipigil ang paglipana ng mga halimaw at ang pagsira ng dalawang selestiyal sa dalawang Ugod na humaharang sa Srivijaya at Sama Dilaut.

At ang dulo ng posibilidad ay mabubuksan ang portal patungo sa mundo ng mga mortal—ang mga mundo ng Indio, doon ay sasalakay ang mga halimaw ng kadiliman at magkakawatak-watak ang mga tribo. Isang malaking kaguluhan, kasiraan, at pagkakawala.

Natauhan si Baba Gita nang makita ang hangganan ng kanyang orasyon. Kaagad siyang kumilos at kaagad na lumabas ng kanilang tribo. Wala siyang sinumang pinaliwanagan at nagpadala siya ng mensahe kay Bantugan, gamit ang mistikal na hangin, upang iparating sa kaharian ng Sama Dilaut ang maaaring mangyari upang sila'y makapaghanda.

Samantala'y piniling ilihim sa ngayon ni Baba Gita ang nalaman mula sa Unang Kaamulan o iba pang mga tribo dahil alam niya na isa sa mga pinuno roon ang impostor. Walang ibang nagawa si Baba Gita kundi sila ang puntahan.

Sa buong Siranaw ay tanging mga diyos lamang ang nakakaalam sa kanilang presensiya, walang sinumang nilalang sa kanilang mundo ang nakakita sa mga Maharlika ng Kampo Tres, ang mga Indio na lihim na nagkukubli sa kanilang mundo upang magsanay na pumaslang ng mga halimaw.

Alam ni Baba Gita na sa malawak na kagubatan ng Sangkil nagkukubli ang Kampo Tres, mayroong makapangyarihang mahika ang nagtatago rito kung kaya't hindi ito natatagpuan ng kanilang tribo o ng mga Ta-awi.

At dahil siya ang baylan ng Sangkil at iisa sila ng puso ng kagubatan ay hindi na naging mahirap sa kanya na matunton ang pinagtataguan ng Kampo Tres.

Naalarma ang mga Maharlika nang makita ang pinakamataas na baylan ng Sangkil.

"Nais kong makausap ang inyong pinuno," mahinahon na sabi ni Baba Gita.

Nang maipabatid ng baylan sa hepe ng Kampo Tres ang kanyang nalaman ay kaagad na nagpatawag ng pagpupulong sa hepe ng Kampo Uno a Kampo Dos.

*****

SAMANTALA'Y habang wala pang balita kay Magwayen ay binisita ni Sitan si Mebuyan sa kanyang Banua sa Gimokudan. Kahit na abala ang diyosa ay hindi nakatakas sa kanya ang balitang nagkaisa na rin sawakas ang pitong tribo ng Siranaw.

Mula sa kawalan ay lumitaw ang isang malaki at nagliliwanag na itim na anino sa harapan ni Mebuyan. Itinago niya ang mga kaluluwa ng mga sanggol na nasa kanyang bisig bago harapin ang diyos ng Kasanaan ng Hilusung.

"At kanino ko nararapat ibigay ang pasasalamat ng iyong pagdalaw, Sitan?" hindi ngumingiting tanong ni Mebuyan sa hindi inaasahang bisita.

"Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Mebuyan," umpisa ni Sitan. "Narito ako upang yayain ka sa aming alyansa ni Magwayen."

"Ni Magwayen?" hindi naitgo ang pagkadisgusto ni Mebuyan. "At ano naman ang dahilan ng inyong alyansa?"

"Uparang sirain ang mga Ugod na namamagitan sa Hilusung, Srivijaya, at Siranaw, upang mapagkaisa ang daigdig ng Ibayo," sagot ni Sitan na hindi pinaniwalaan ni Mebuyan.

"At papaano n'yo magagawa iyon?"

"Gamit ang mga selestiyal," sagot ni Sitan. "Sa oras na mapasaakin ang Mutya ni Bathala ay magiging madali na ang lahat upang magising ang mga selestiyal."

Napaisip si Mebuyan. "Kung gano'n ay totoo nga ang kwento tungkol sa huling binukot, ang kwento na ibinigay ni Bathala ang kanyang Mutya sa isang mortal na prinsesa."

"Ginawa ni Bathala iyon upang walang sinuman ang makakuha ng Mutya subalit nagkamali siya, ang Mutya rin ang nag-uugnay sa Ibayo at mundo ng mga mortal," sabi ni Sitan. "Nalalapit na mapasakamay ko ang Mutya at ang huling binukot kaya naman kakailanganin ko ang iyong tulong."

Saglit na tumitig si Mebuyan sa aparisyon ni Sitan bago siya ngumisi.

"Alam nating hindi mo kakailanganin ng tulong ng isang katulad ko, Sitan," sagot ni Mebuyan. "Hindi ako interesado sa mga plano mo at wala akong pakialam kung gumuho man ang mundo at mas mainam pa nga na mas dumami pa ang mga batang kaluluwa sa aking pangangalaga... Gusto mo lang patunayan kay Bathala na mayroon kang mga kakampi sa mga ipinaglalaban mo."

Hindi nakasagot si Sitan sapagkat tama ang tinutukoy ni Mebuyan.

"Mali si Bathala," mahinahong sabi ni Sitan kahit na napupuno ng poot sa tuwing mababanggit ang pangalan na 'yon. "Ang iniisip ng lahat ay nilikha niya ang Ibayo upang protektahan ang kultura ng mga mahal niyang Indio mula sa mga mananakop, subalit hindi. Makasarili siya sapagkat nais niya tayong ikulong dito—nais niyang supilin ang mga nakababang diyos na katulad natin. Ang akala ba ni Bathala ay siya ang pinakamakapangyarihang diyos sa lahat? Wala siyang karapatag supilin ang ating mga kapangyarihan at hayaan tayong mabulok sa mundong ito."

Sa pagkakataong 'yon ay si Mebuyan ang hindi makapagsalita sapagkat unti-unting nagbabago ang pakiradam niya sa paligid. Kahit na kalmado at mababa ang tinig ni Sitan ay damang-dama niya ang nagbabaga nitong kapangyarihan na dinulot ng matinding poot.

"Sisirain ko ang mga Ugod na nagbubukod sa ating lahat, palalayain ko ang lahat ng mga mortal na ikinulong niya sa pantasyang mundo ito, at tayong mga diyos ay muling magbabalik sa kabilang mundo upang makialam sa mga pinaghaharian doon ni Bathala."

"Naiintindihan ko ang poot na nararamdaman mo, Sitan," ang tanging nasabi ni Mebuyan. "Nilikha ni Bathala ang Ibayo upang ikulong tayong mga nakabababang diyos dito. Subalit ikinalulungkot ko na hindi kita masasamahang masaksihan ang pagguho ng mga Ugod at ng portal patungong mundo ng mga Indio."

"Wala namang problema sa akin, Mebuyan," sagot ni Sitan. "Magiging problema nga lang kung magiging balakid ka sa aking mga binabalak."

Ngumisi si Mebuyan. "Makaaasa kang hindi ako magiging balakid, Sitan.

Nagwakas ang pag-uusap ng dalawang diyos at naglaho ang aparisyon ni Sitan sa harapan ni Mebuyan.

Pagkabalik ni Sitan sa kanyang balwarte ay kaagad na sumalubong sa kanya ang mga tapat niyang tigapagsilbi.

"Maligayang pagbabalik, aming panginoon."

"Isang magandang balita, poon ko," nakaluhod na sabi ni Mangangaway sa kanya.

Tumayo si Khalil mula sa pagkakaluhod. "Napasakamay na ni Magwayen ang huling binukot."

"Naging isang mabuti kang alagad, Bagobo. Magwawakas na rin ang paggamit mo sa mga mortal," Tumango at muling yumukod si Khalil.

Sumilay ang ngisi sa mukha sa diyos ng Kasanaan, sawakas ay malapit na ring matupad ang paghihiganti niya kay Bathala. 



-xxx-



TEAM BINUKOT GALLERY:


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top