EPILOGUE
EPILOGUE
DALAWAMPUNG taon ang lumipas... Bisperas ng Pasko sa mansion ng mga Donohue.
Kanina pa sila nakapagpalitan ng mga regalo sa bawat isa at maririnig ang mga kalabog ng paa mula sa ikalawang palapag. Susundan iyon nang isang malakas na pag-iyak.
Natigilan si Arki sa pag-aayos ng hapag nang marinig ang ingay. Maya-maya pa'y pumasok sa kumedor ang apat na bata, ang isa'y hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.
"Haru, ano na namang ginawa mo kay Cinn?" nakapamewang na tanong ni Arki.
"Hala, ma! Hindi ako nagpaiyak diyan!" depensa ng walong taong gulang na bata na may hawak na laruang espada. Ang pangalan nito'y Haru, nakuha ang maalun-along buhok sa kanya at ang mga mata nito'y kuhang-kuha sa ama.
"Cinnard! Kaloka kang bata ka! Umiiyak ka na naman?" siyang pasok ni Jazis at saka hinila ang batang payat at may kulot na buhok, namumulta rin ang kulay ng balat nito. Inayos ni Jazis ang bonnet ng bata.
Biglang tumawa ang isang batang babae kung kaya't mas lalong umiyak si Cinnard.
"What's so funny my princess?" lumapit si Jaakko sa batang si Aiko upang buhatin 'yon, nakasuot ito ng kulay pink na bestida at maliit na korona, animo'y isang munting prinsesa.
"Daddy, sinabunutan ni Vera si Cinn!" nakatawang sagot ni Aiko sabay turo roon.
Sabay-sabay naman silang napatingin sa paslit na si Vera na nakairap pa rin habang nakahalukipkip.
"Darling, ibaba mo na si Aiko at kakain na tayo," biglang sumulpot si Yumi sa tabi ni Jaakko at hinawakan ang kamay ng bata.
"Naku, Cinnard! Ano na namang inasar mo kay Veronika?" tanong ni Jazis sa anak, bago pa makasagot ang bata'y biglang may pumasok sa kumedor.
"Hello, kids!" bati ni Leo na nakasuot ng magarang costume, animo'y isang makalumang mandirigma. Sumimangot si Jazis.
"Ano 'yang suot mo? Halloween ba?" tanong nito.
"Tito Leo!" lumapit si Haru kay Leo para makipagfist-bump.
"Para 'to sa storytelling mamaya sa mga bata! Oh, bakit umiiyak ang pogi kong anak?" tanong ni Leo nang makitang umiiyak si Cinn.
"Veronika? Why did you do that?" sunod na dumating sa kumedor si Vivienne kasunod ang asawang si Roni.
Hindi umimik si Vera at nanatiling nakasimangot ang mukha sabay pumunta sa upuan. Nailing na lang si Vivienne.
Si Leo naman ay pinangaralan bigla ang anak. "Cinn, dapat brave boy ka, kapag sinabunutan ka ng babae dapat hindi ka iiyak kahit ikaw ang nang-asar. Gayahin mo ako, kahit na parang dragon ang nanay mo—aray ko!" biglang nakatikim ng sapok sa ulo si Leo.
"Pinagsasasabi mo sa bata?" si Jazis. Natawa lang sila Arki. "Hay nako, hindi na ako nagtaka kung kanino nagmana ang bagets na 'yan."
"Haru, tawagin mo na ang papa mo, kakain na tayo," utos ni Arki sa anak at kaagad naman itong sumunod.
Nang makumpleto silang lahat ay nagsimula na silang magsalo ng pagkain. Naging tradisyon na nila taon-taon ang pagtitipon magmula nang tumuntong sa limang taong gulang ang kanilang mga anak. Mas pinatibay ng maraming pagsubok, karanasan, at oras ang kanilang samahan.
Nakasabit sa pader ang mga larawan ng kanilang grupo sa loob ng lumipas na dalawang dekada. Team Binukot Forever, maging ang mga anak nila'y lumaking magkakaibigan, kahit na madalas mag-away at magkasakitan dahil sa maliliit na bagay.
"Dad, why can't we eat those?" mahinang tanong ni Vera sa katabing ama habang nakatingin sa pagkain sa malayo.
"Vera, we already explained it to you," malumanay naman na sagot ni Roni. "We can't eat meat because it's bad for your mom and your health too."
"But... Kahit tikim lang? Dad?" gustong maawa ni Roni sa anak pero mas malaking dahilan kung bakit pinili nilang mamuhay ng vegetarian, para kay Vivienne at para kay Veronika.
Habang naglalaro kasi kanina ang apat na bata'y biglang napunta sa asaran, tinukso at pinagkatuwaan ni Cinn si Vera dahil pinagbabawalan itong kumain ng karne. Sa inis ni Vera'y sinaktan niya si Cinn kaya tuloy umiyak ang huli.
Habang kumakain ay napuno rin ng kwentuhan ang hapag-kainan. Nangunguna sa pagkwento si Leo at Jazis. Hindi kalaunan ay napunta ang kanilang usapan tungkol sa mga hindi kapani-paniwalang bagay, mga kwentong puno ng pantasya, kababalaghan at mahika.
Magiliw na nakinig ang mga bata sa mga nakamamanghang kwento ng kanilang mga magulang. Namimilog ang mga mata, hindi maalis ang kuryosidad sa kanilang mga musmos na kaisipan.
"Papa, 'di ba nakapatay ka ng dragon na may seven na ulo?" tanong ni Cinn.
"Oo naman! Ganito kasi 'yong nangyari..." Tumayo pa si Leo para muling ikwento ang mga pangyayari.
"Hay nako 'eto na naman tayo," sabi ni Jazis na umikot pa ang mga mata. "Kung alam n'yo lang kung paano naduwag 'yang si Leo," mahina nitong sabi kaya napalakas ang tawa ni Roni.
"Anong tinatawa mo riyan, Roni?!" sigaw ni Leo at akmang sasabihan ng tikbalang si Roni pero pinigilan nito ang sarili nang makitang pinanlakihan siya ng mga mata nila Arki. Kasama kasi sa usapan nila na huwag ipaalam sa mga bata ang tungkol sa kanila ni Vivienne. "Sabi ko nga uupo na ako."
"Ma, nasaan na po 'yung friend n'yong lumilipad na manok?" tanong naman ni Haru.
"Ah, si Mari?" sabi naman ni Arki at tumango ang anak niya. "Nasa malayong lugar, siguro lumilipad siya ngayon kasama ang mga diyos at diyosa."
"Daddy! Daddy! Can you transform into a dragon too?" bigla namang tanong ni Aiko sa ama nito.
"Sure, next time, baby." Nagkatinginan ang mga matatanda sa bawat isa, mga tinginang may ibang kahulugan.
Tila hindi naubos ang kwentuhan nila noong gabing 'yon. Subalit dumating din ang oras na kinakailangan nang matulog ng mga bata. Ayaw pa ngang matulog ng mga 'to dahil hindi na natuloy ang storytelling sa kanila ni Leo sa dami ng mga napag-usapan nila kanina.
Sa isang malaking silid ay magkakatabi ang kama nina Haru, Cinn, Vera, at Aiko. Patay na ang mga ilaw at tanging liwanag lamang ng buwan mula sa labas ng binta ang umiilaw sa silid. Maririnig ang kuliglig at wala nang ibang ingay pa sa paligid.
Pagkaraan ng ilang sandali'y nagsalita si Haru habang nakatingala sa kisame.
"Sa tingin n'yo totoo lahat ng mga kwento nila sa'tin?" tanong ni Haru sa mga kasama dahil alam nitong gising pa ang iba.
"Of course it's not real," sagot ni Vera. "It's just a fantasy stories for children like us."
"Vera, you're so KJ talaga," sagot naman ni Aiko rito.
"Feeling ko nga rin hindi 'yon totoo kasi wala namang dragon na may pitong ulo 'di ba?" si Cinn.
Walang anu-ano'y tumayo si Haru.
"Where are you going?" bumangon din bigla si Vera. Tumayo rin tuloy ang dalawa.
"Sshhh." Sumilay ang kakaibang ngiti sa labi ni Haru.
Hindi sumagot si Haru at nauna itong lumabas ng silid, awtomatikong sumunod sa kanya ang mga kasama kahit na kinakabahan.
"Haru, you're so dead to Tita Arki," sabi ni Vera.
"Sshhh!"
Dahan-dahang naglakad ang apat papunta sa kung saan, nangunguna si Haru at tila alam kung saan nagtitipon ang kanilang mga magulang.
Ilang sandali pa'y tumigil sila sa tapat ng isang malaking pinto. Mayroong maliit na uwang kung kaya't nagsiksikan sila upang makasilip sa loob.
Sa gitna ng silid ay nakita nila ang kanilang mga magulang na nag-uusap-usap. Sabay-sabay silang napasinghap nang makitang may lumitaw na portal sa isang pader.
"Anong ginagawa nila?" tanong ni Aiko.
"Aiko, don't push me." Si Vera.
"Huwag kayong maingay" saway naman ni Haru.
"B-Balik na tayo sa kwarto," sabi ni Cinn at hinihila ang mga kasama.
Subalit sa takot ni Cinn ay bigla itong natisod patalikod at lumikha ng ingay. Huli na para makatakbo ang apat nang biglang bumukas ang pinto.
Sa isang pitik sa hangin ay nakakumpas si Jazis ng isang mahika, unti-unting pumikit ang mga mata ng mga bata at sabay-sabay na nahimbing sa pagtulog.
Napailing na lamang sila Arki at binuhat ang kanilang mga anak pabalik sa silid na pinanggalingan ng mga 'to.
"Don't worry, they'll be fine," sabi ni Shim kay Arki bago nito isara ang pinto. "Someday, they'll know."
"Yeah, they'll know it's all real." Si Vivienne.
Tumango si Arki at saka tumingin sa mga kasama. "Halika na, guys, naghihintay na sila. At para makabalik din tayo kaagad."
Bumalik sila sa bulwagan upang ipagpatuloy angkanilang dapat na gagawin, ang bumalik sa Ibayo noong gabing 'yon.
WAKAS
November 22, 2018 - January 24, 2021
-xxx-
AUTHOR'S NOTE:
(Mahaba-haba to pero kung gusto mo malaman kung may book 2 atbpng trivia about AHB at kadramahan ni Demi, basahin mo na lang hehehe)
Sa totoo lang hindi ko alam kung anong sasabihin pagkatapos nito maliban sa pasasalamat. Hindi 'ata mauubos ang pasasalamat ko sa mga nagbasa at matiyagang naghintay ng nobelang ito.
Unang epic-fantasy-adventure story ko ito na online kung kaya't isang malaking accomplishment sa akin na matapos ito at sa totoo lang ay talagang nahirapan ako. Kaya naman ipagpaumanhin n'yo kung ang dami ko pang dapat matutunan sa pagsusulat ng ganito. Hindi man pulido, perpekto at kasing galing ng mga batikan, ako'y nagagalak pa rin.
Maraming salamat sa pagiging bahagi ng kanilang paglalakbay. Salamat din kung binabasa mo pa rin ang author's note na ito, haha!
Confirmation lang na si Shim at Rah ay iisa, dito ko na lang explain, hehe. Iyon ang reward sa kanya ni Bathala for fulfilling his duty. Hindi ko ugaling mag-give away ng explanation like this dahil gusto ko sana ang reader na bahala mag-isip. To be fair with Rah, inexplain ko haha! And... nakita n'yo naman na nagkatuluyan si Shim at Arki, naalala nga kaya ni Shim? Hmmm.... Kung may naisip kayong theory, baka iyon na nga ang dahilan :D
Anyway, regarding book 2... May plano ako i-expand ang AHB universe but unfortunately, hindi muna ngayon. It might be the second generation kung maisusulat ko na. Who knows pa, di ko pa rin sure, I'm always open to possibilities.
And... Unahan ko na rin kayo about publishing... Posible maging book ito but not soon, matagal-tagal pa siguro.
Sa mga nagsasabi na sana maging palabas ito o pelikula, maraming maraming salamat naappreciate ko ang inyong thoughts. Hehe.
I-acknowledge ko na rin nga pala ang mga sumusunod na tumulong sa akin mahulma ang kwentong ito, ang mga impluwensya sa aking pagsusulat ng Ang Huling Binukot:
To Eichiro Oda sensei na mangaka ng One Piece. Dahil talaga sa Strawhat Pirates nainspired akong gumawa ng sariling fantasy adventure story that tackles our own culture.
Lord of the Rings trilogy movies. Solid talaga 'to. Salamat J.R.R. Tolkien! Kahit babasahin ko pa lang ang mga books nito. Dahil sa LOTR napush akong tapusin tong AHB.
Kay F. Landa Jocano sa libro niyang Outine of Philippine Mythology na natagpuan ko sa library namin during thesis days.
The Lost Journal of Alejandro Pardo (Creatures and beasts of Philippine Folklore) book ng Summit Books, nahanap ko ang ilang impormasyon na wala sa internet.
Sa aswangproject.com na isang tigapagligtas na source about Philippine Mythology, salamat!!!
Sama ko na rin ang naging adventures namin sa Baguio, Sagada, at Buscalan. Sobrang ganda sa cordillera, nagpatattoo talaga ako kay Apo Whang Od para lang ma-feel ko talaga ang adventure! Haha!
At ang pinakadabest na panatang ginawa ko, ang pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa Luzon, ang Mt. Pulag o binansagang Playground of the Gods. Salamat sa mga anitong gumabay sa aming paglalakbay.
Dahil sa pagsusulat ng AHB ay napalapit ako sa ating sariling kultura, bukod sa pagriresearch ay ni ultimo pagpapatattoo sa mambabatok, pagsisid sa dagat, paggapang sa kweba, at pag-akyat ng mga bundok ay tinahak ko! LOVE OUR OWN CULTURE! MAHALIN NATIN ANG PILIPINAS!
MABUHAY ANG PHILIPPINE MYTHOLOGY! MABUHAY ANG ATING KULTURA!
Ayon, hanggang dito na lang ang author's note. Sabi nga ng character ko na si Cole, "No goodbyes, just see you next time."
Nawa'y mabasa niyo rin ang iba at mga paparating ko pang akda. :D
MAHAL KO KAYO!
#PADAYON
https://youtu.be/r4j_kCQ4f2Q
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top