/9/ Bagong Salta



Kabanata 9: 
Bagong Salta 


"ARE you really sure about this, Rah?" bakas sa tono at ekspresyon ng mukha ni Karl na hindi ito sang-ayon sa kanyang plano. "What did the anito exactly told you?"

Hindi umimik si Rahinel, nanatili lamang siyang nakahalukipkip at nakatanaw sa malayo. Kasalukuyan silang nasa veranda noong hapong 'yon, kakahatid lang ng kasambahay ng kanilang merienda.

Dumukwang si Karl sa mesa habang nakatingin pa rin sa kanya.

"Rah," tawag nito. "I'd like to remind you that anito is cursed, it belonged to a witch—"

"Alam ko," putol niya sa sasabihin ni Karl. "Pero ngayon na lang ulit ako nagkaroon ng pag-asa, Karl. Gusto kong subukang sumugal."

Napahinga nang malalim si Karl, napasandal ulit ito sa rattan na upuan. "I'm just concern you know. You're well aware that anito is a bit of a trickster."

"Trickster," ulit niya sa sinabi ni Karl, nilagay ni Rahinel sa ibabaw ng mesa ang lumang parihabang kahon, sa loob nito'y may nagtatagong bato kung nasaan ang anito. "Alam ko tinuturo ako nito sa tamang lugar."

"Pero hindi mo mahahanap ang mahahanap mo," seryosong sabi ni Karl. Natigilan siya. "Naisip ko lang na kung hindi kayo sumama ng tatay ko kay Dr.Donohue ay hindi kayo mapapadpad sa isla na 'yon, hindi n'yo rin maeenkwentro ang mga mangkukulam sa Siquijor."

"Malaki pa rin ang utang na loob namin ng tatay mo kay Dr. Donohue dahil siya ang nakagawa ng paraan kung bakit kami nakalabas ng buhay ng isla na 'yon," sagot niya.

"Tell me," dumukwang muli si Karl, "is it real? That place?"

"Ano?" tanong niya.

"Ibayo."

Nagkibit-balikat si Rahinel. Naalala niya na sumama sila ni Alberto, ama ni Karl, kay Dr.Donohue sa Siquijor para hanapin ang portal papuntang Ibayo, ito ang pinaniniwalang 'kabilang mundo' na pinaninirahan ng mga diyos at diyosa at iba pang mga alamat.

Desperado na noon si Rahinel na mahanap ang huling binukot kaya sumama sila ni Alberto. Subalit hindi nila inaasahan ang mga naengkwentro nila sa Siquijor.

"Hindi namin nahanap ang portal papuntang Ibayo pero sigurado ako na totoo ang mga aswang at manananggal," kaswal niyang sabi.

Nanlaki naman ang mga mata ni Karl at nasabik sa kanyang kwento.

"Kung gano'n totoo nga 'yung kwento sa'kin ni tatay noon, you slayed a lot of aswangs and monsters on that island," sabi ni Karl.

"Madali lang kaming nakatakas sa mga kamay ng halimaw pero pinahirapan kami ng mga mangkukulam," kwento niya. "At isa sa kanila—"

"Nagkagusto sa'yo at binigay sa'yo ang isang anito na magtuturo sa'yo ng direksyon sa hinahanap mo," pinutol siya ni Karl. "Pero nahuli ng nanay ng mangkukulam at sinumpa ka—na kahit ituro sa'yo ng anito ang direksyon ay hindi mo mahahanap ang hinahanap mo."

Napapikit saglit si Rahinel nang marinig 'yon, hinilot niya ang kanyang sentido. "Karl, pinupunto mo ba sa'kin na kahit sundin ko ang sinabi ng anito ay hindi ko pa rin mahahanap ang huling binukot sa eskwelahang 'yon?"

Napaisip si Karl saglit. "Kaibigan mo ako kaya dapat ko 'tong sabihin sa'yo, minsan hindi natin nahahanap ang mga bagay-bagay kapag tumitingin tayo sa maling direksyon."

"Wala na akong ibang pagpipilian, Karl."


*****


"UMAMIN ka nga sa amin, Arissa Kim." Kakagaling lang ni Lola Bang sa bakuran, ngayon ay hawak-hawak na naman niya ang kanyang paboritong manok. "Ano bang nangyari sa'yo at puro sugat ka na naman?"

Nakayuko lang si Arki habang pinaglalaruan ang itlog sa plato, ni hindi niya makuhang harapin ang kanyang lola dahil natatakot siyang magsabi ng totoo dahil baka hindi sila maniwala sa kanya—na nakaengkwentro lang naman sila ng aswang at niligtas siya ng isang tikbalang.

"Arki," seryosong tawag ni Shiela na kaharap niya. "Anong nangyari? Pwede mo bang sabihin sa amin?"

Isa pa, naging isang malaking katatawanan sila sa buong eskwelahan dahil kumalat ang balita sa nangyari sa kanila. Napapikit saglit si Arki, iniisip mabuti kung sasabihin ba ang totoo.

"M-may iba na po kasing gusto 'yung crush ko," pagsisinungaling niya.

Napabuga bigla si Mawie ng iniinom niya at si Shawie naman ay nabulunan, kasabay kasi nila ang dalawang 'to mag-agahan, at sinundan 'yon nang malakas na tawanan.

"Hahahaha! Si Arki may crush?!" pahampas-hampas pa sa mesa sila Shawie at Mawie.

Si Lola Bangs naman ay muntik ng maniwala, 'di mawari ang itsura. Si Shiela naman ay seryoso, alam na hindi siya nagsasabi ng totoo.

"Arki," seryosong tawag ulit sa kanya ni Shiela.

"Hoy, tumigil nga kayo sa kakatawa!" inis na saway niya kila Shawie at Mawie. "Nakakainis kayo ah! Bakit mas kapanipaniwala naman 'yung crush kesa sa mga aswang, kapre, at tikbalang ah!"

Natahimik ang lahat nang marinig ang mga salitang 'yon mula sa kanya.

"Arki, sa labas." turo ni Shiela at wala siyang nagawa kundi sumunod dito. Naiwan sila Lola Bangs, Shawie, at Mawie na nakanganga.

"Ate Shiela, maniniwala ba kayo sa'kin kapag sinabi kong muntik na kaming mapahamak nina Leo at Yumi dahil sa mga nilalang na binanggit ko kanina? 'Di ba hindi—"

"Oo." natigilan si Arki. Nasa bakuran na sila ngayon. "Naniniwala ako sa'yo, Arki."

"Eh?" hindi alam ni Arki ang susunod na sasasabihin. "P-pero, bakit?"

"Simula bukas, gigising ka ng alas kwatro ng madaling araw, hanggang ala siete ng umaga ay mag-eensayo tayong dalawa."

"E-Ensayo?"

"Para ma-protektahan mo ang iyong sarili."


*****


LULUGU-LUGONG pumasok si Arki sa loob ng classroom noong umagang 'yon. Hindi niya alam kung seryoso ang kanyang Ate Shiela sa mga sinabi nito kanina, ni hindi man lang ito nagpaliwanag nang malinaw.

Pagkaupo niya at saka lang niya napansin na halos nasa labas ang kanyang mga kamag-aral, tila may pinagkakaguluhan.

"Good morning, Arki!" bati sa kanya ni Yumi, mas masigla na ito kumpara kahapon.

"Yumi, anong meron sa labas?" tanong niya. Napakibit balikat lang si Yumi dahil hindi rin alam ang nangyayari. "Si Leo nasaan?" tanong niya ulit.

"Eh, ano pa ba? Nandoon din sa labas at nakikiusyoso," natatawang sagot ni Yumi.

Napailing siya at sinabing, "Kahit kailan talaga'y tsismoso 'yang si Leo, ayaw papahuli sa mga ganap at balita."

Naisip niya na mukhang may ibang pinagpipiyestahan ang mga estudyante at mainam na 'yon dahil hindi na sila ang sentro ng atensyon.

Napansin niya na parang nababalisa si Yumi habang kinakalkal ang bag.

"Anong hinahanap mo?" tanong niya.

"'Yung assignment ko sa Filipino nawawala!" nag-aalalang sagot ni Yumi.

"Ha?"

Saktong tumunog ang bell at parang mga daga ang mga kamag-aral nila na nagsipasukan sa lungga. Ilang sandali pa'y pumasok na rin sa loo bang kanilang adviser na si Miss Anita. Tumayo ang buong klase para batiin ang kanilang guro.

"Magandang umaga!" 

"Magandang umaga rin po, Binibining Anita!"

"Magsi-upo."

Nang umupo sila'y napansin ni Arki na tila may kakaibang ngiti ang mga kamag-aral niyang babae. Dudukwang pa lang sana siya para bumulong at magtanong kay Leo nang magsalita ulit ang guro sa harapan.

"Class, ipapakilala ko sa inyong lahat ang magiging bago niyong kamag-aral," nakangiting sabi ni Miss Anita. Umugong ang bulungan sa klase.

'Bagong classmate? Hindi ba masyado ng late para tumanggap ang school namin ng transferee?' sa loob-loob ni Arki.

"Pasok ka, hijo."

Dahan-dahang bumukas ang pinto at pumasok sa loo bang isang matangkad at morenong lalaki.

Napansin ni Arki na tila nagkabulate sa pwet ang mga kaklase niyang babae nang makita ang bagong salta. Tumingin ulit si Arki sa lalaki, kapansin-pansin ang mapupungay nitong mga mata na tila walang buhay, matangos na ilong, manipis na labi, at maalun-along buhok.

'Sino ba 'tong kumag na 'to?' sa isip niya.

"Class, mula ngayon ay magiging kaklase niyo na siya hanggang graduation. Sige, hijo, magpakilala ka."

Humarap ang lalaki sa kanilang lahat habang nakapamulsa.

"Ako nga pala si Rahinel Montoya."

"Kyaahhh, ang hot niya!"

"Ang pogiiii, dito sana siya sa tabi ko umupo!"

Nairita si Arki sa mga narinig niyang bulungan.

'Bakit ba parang ngayon lang sila nakakita ng tao?' sa isip niya ulit.

"Nasa abroad ang pamilya ni Rahinel at pinadala siya sa Pilipinas para tapusin ang kanyang pag-aaral, kaya sana maging mabuti kayong kamag-aral sa kanya."

"Opo!" nangingibabaw ang boses ng mga kamag-aral niyang babae.

"Rahinel, doon ka maupo." tinuro ni Ma'am Anita ang bakanteng pwesto sa tabi ni Leo, sa harap ni Yumi. Tumango ang bagong salta.

Tuluyan na nga atang nakalimutan ng kanyang mga kaklase ang nangyari sa kanila. Lihim na nagpapasalamat si Arki sa bagong salta dahil nawala sa kanila ang atensyon ng lahat.

Mabilis na sumapit ang ikawalang asignatura, Filipino. Oras na para ibahagi sa buong klase ang kanilang takdang aralin na binigay ni Ginang Garcia sa kanila noong nakaraang linggo.

"Ano, Yumi, nahanap mo na ba?" tanong ni Arki.

"Hindi pa rin eh," mangiyak-ngiyak na sagot sa'kin ni Yumi. "Lagot ako kay Tita nito, sana hindi pa ako matawag."

"Hindi 'yan, bunutan naman eh," paniniguardo niya.

"Okay, next." bumunot na si Ginang Garcia ng susunod na magsalaysay "Garcia, Mayumi."

'Patay. Ang malas naman ni Yumi ngayon!' sa isip ni Arki, bigla siyang may naisip. "Sige, Yumi, ito na munang assignment ko 'yung basahin mo, wala pa namang pangalan 'yan." dali-dali kong inabot sa kanya 'yung gawa ko.

"Ha? Paano ka?"

"Akong bahala, gagawa na lang ulit ako ng bago, dali!"

Walang nagawa si Yumi kundi kuhanin ang papel sa kanya. Nag-okay sign si Arki bago pumunta si Yumi sa harapan.


*****


ALAM ni Rahinel na nasa kanya ang atensyon ng lahat nang pumasok siya sa eskwelahan. Ang hindi alam ni Karl ay dala-dala niya ang kanyang anito.

Kanina pa siya nakikiramdam subalit wala man lang binigay na kahit anong pahiwatig ang anito. Walang senyales kung malapit na ba siya sa kanyang hinahanap.

Wala siyang ibang pagpipilian kundi magtiis sa paghihintay at pagpapanggap. Kasalukuyan siyang nasa klase at nakikinig sa mga sinasabi ng kanyang kamag-aral tungkol sa takdang aralin.

"A-Ang ibabahagi ko sa inyong lahat ay isang kwento na hindi naitala sa kasaysayan," nakita niya ang isang estudyanteng babae na may hindi pangkaraniwang kagandahan sa harapan, may hawak itong papel na binabasa. "Ang kwento ng huling binukot..."

Nanlaki ang mga mata niya nang marinig 'yon.

"Noong unang panahon ay may isang datu... Bumaba sa langit ang apat na diyosa upang basbasan ang isang prinsesa..."

Tila nahipnotismo si Rahinel noong mga sandaling 'yon. Naramdaman niya bigla ang buhay ng anito na nakatago sa loob ng kanyang jacket. Narinig niya ang mga bulong ng sinaunang hindi niya mawari, napahawak siya sa kanyang sentido.

Ilang segundo ang lumipas bago mawala ang sakit sa ulo. Inayos niya ang kanyang paghinga nang maglaho ang mga sinaunang salita.

Natapos sa pagsasalaysay si Yumi sa harapan at hindi niya maiwasang sundan ito ng tingin.

'Mayumi Garcia... Ikaw na ba ang hinahanap ko?'





Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top