/8/ Ang Hindi Inaasahan
Kabanata 8:
Ang Hindi Inaasahan
NAGSUKATAN ng tingin si Arki at ang aswang. Kung paano nagkaroon ng aswang sa harapan nila ngayon ay walang nakakaalam.
Sa labis na takot nina Leo at Yumi ay hindi na nila nakuhang sumigaw pa. Alam ni Arki na hindi ito panaginip. Wala siyang ibang nagawa kundi maging matapang sa mga oras na ito.
"Leo, Yumi," mahinang tawag niya sa mga kaibigan. "Dahan-dahan kayong umatras, ako ng bahala rito."
"Ha?! Nababaliw ka na ba?!" pigil na pigil ang boses ni Leo. "P-paano mo matatalo 'yan?"
"Hindi ko rin alam. Pero gusto kong lumaban," sagot niya. Hindi rin niya alam kung saan siya humuhugot ng katapangan, pakiradam niya ay may tinatago siyang lakas.
Unti-unting umatras sina Yumi at Leo.
Parang dati lang ay naririnig lamang niya sa mga kwento ni Lola Bangs ang mga aswang, mga taong kayang magpalit-anyo, may matutulis na ngipin, matatalas na mata at mga kuko, humahaba ang mga dila, mabalahibo, at kumakain ng laman-loob ng mga tao.
"Leo, Yumi, takbo!" sigaw niya nang maramdaman niya na aatake ang aswang.
Tumalon pababa ang aswang mula sa puno sabay takbo nila Yumi palayo.
Nilabas nito ang matatalas na kuko at mga ngipin, susunggaban siya nito subalit maliksi siyang nakaiwas. Kaagad na naman itong sumunggab at sa bilis ay umiwas siya patilapon sa lupa.
Huli na para muling makabangon si Arki nang tuluyang umibabaw sa kanya ang aswang. Gamit ang payong ay nasalag niya ang bibig nitong kakagat sa kanya.
Nanginginig ang kanyang dalawang kamay habang nakikipagbunuan ng lakas sa halimaw. Sa oras na bumitaw siya ay tiyak na magiging hapunan siya nito.
Papalapit nang papalapit ang bunganga nito sa kanya at nararamdaman niya na bibigay na ang payong na kanyang pinansasalag.
'K-kailangan kong... lumaban! P-pero... Masyado itong malakas!'
Nawawalan na ng kumpiyansa si Arki nang maalala niya an kanyang mga kaibigan. Wala siyang ibang hiling kundi ang kaligtasan nila.
Nakarinig siya ng kakaibang sigaw na umalingawngaw sa buong paligid.
Bigla na lang tumalsik palayo ang aswang sa kanyang ibabaw. Kaagad siyang napabangon at nakita ang isang nilalang na nakatayo, malaki ang pangangatawan nito.
Natigilan siya nang makita ang isang tikbalang!
Ito ang may kagagawan kung bakit tumalsik ang aswang na ngayon ay muli nang nakabangon at handa na namang sumunggab.
Laking gulat ni Arki nang umatake ang tikbalang sa aswang, nakita niya kung paano binali ng tikbalang ang katawan ng aswang.
Bigla siyang natauhan, kaagad siyang kumaripas ng takbo papalayo roon.
*****
KANINA pa nakalabas ng kakahuyan sina Leo at Yumi, natagpuan nilang muli ang kanilang mga sarili sa kalsada.
"Y-Yumi! A-Anong gagawin natin?! S-Si A-arki, n-naiwan?!" nanginginig na sigaw ni Leo.
Pinilit ni Yumi huminga nang maayos upang makapag-isip kung ano ang dapat gawin.
"K-kailangan nating humingi ng tulong, Leo!" iyon ang naisip ni Yumi sapagkat nag-aalala siya sa kaibigan.
Sumang-ayon si Leo at kaagad silang tumakbo ni Yumi pabalik ng eskwelahan, iyon lang kasi ang pinakamalapit na pwede nilang hingian ng tulong. Nagbabakasakali silang may mga tao sa eskwelahan na pwedeng tumulong sa kanila.
Diridiretso silang dalawa sa guard house at kaagad na humingi ng saklolo.
"Tulungan niyo po kami!" pagmamakaawa ni Yumi.
"Bakit, anong nangyari?" tanong ni Mang Yabo, ang head ng security.
"'Y-Yung kaibigan po n-namin! I-inatake k-kami ng mga h-halimaw!" tuluy-tuloy na wika ni Leo kahit na hindi makontrol ang panginginig.
"Halimaw?"
"Doon po sa may kakahuyan! May umatake po kay Arki na aswang!" dagdag ni Yumi. "Parang awa niyo na po, naiwan po siya!"
Lumapit sa kanila ang dalawa pang gwardiya nang marinig ang mga sinabi nila.
"Aswang? Okay lang ba kayo mga bata?"
"Totoo po! Sumama po kayo sa'min! Iligtas niyo po ang kaibigan namin!"
*****
PAPAUWI na si Vivienne, ang Vice-President ng Student Council, galing sa meeting nilang mga officers. Napahinto siya sa paglalakad nang marinig niya ang mga estudyante sa loob ng guard house.
"Vee? What's wrong?" tanong sa kanya ng kasabay na kaklase nang mapansing huminto siya.
Iilang mga salita lamang ang narinig niya subalit biglang nabuhay ang kanyang dugo nang marinig ang salitang 'aswang'. Kaagad na tumakbo si Vivienne papunta sa lugar na tinutukoy ng dalawang estudyante sa guard house. Naiwan ang kanyang kasama.
'Totoo sila? Totoo ang mga nilalang na 'yon?' tanong niya sa kanyang isip. Iisa lang ang intensyon ni Vivienne, kailangan niyang makita ang mga sinambit ng mga estudyante.
Papasok pa lang siya ng kakahuyan nang maaninag niya ang isang babaeng tumatakbo papunta sa kanyang kinaroroonan. Pamilyar ang mukha nito.
"T-Tulong!" bumagsak ito at saktong nasalo niya ang babae. Ngayong nakita niya nang mas malapitan ang mukha nito, naalala na niya. Si Arissa Kim Bonifacio.
"Hey, tell me what happened!"
"H-halimaw," nanghihinang sambit nito.
Nanlaki ang mga mata ni Vivienne. Kung totoo man ang sinasabi ni Arissa Kim sa kanya at ng dalawang estudyante sa guard house. Totoo nga sila.
Iiwan na sana ni Vivienne si Arki para pumasok sa kakahuyan pero dumating ang mga gwardiya ng kanilang mga eskwelahan.
"Arki! Ligtas ka!" sigaw ng dalawang estudyante na sa palagay ni Vivienne ay mga kaibigan ni Arissa Kim. Hinayaan na niya ang mga 'to. Tumayo siya para pumunta sa loob pero pinigilan siya ng gwardiya.
Inimbestigahan ng mga gwardya ang loob ng kakahuyan. Wala pang isang oras nang bumalik ang mga ito at sinabing wala silang aswang na nakita.
Hindi mapigilan ni Vivienne na madismaya, tumingin siya kila Arki, Leo, at Yumi.
'Hindi peke ang kanilang mga takot. Hindi sila nagsisinungaling,' Sa isip isip niya.
*****
NANGYARI na naman ang isa sa mga kinatatakutan ni Arki. Kung dati'y siya lang ang napupunta sa guidance, ngayon ay magkakasama silang tatlo, siya, si Leo, at Yumi.
Kalmado lang si Mrs.Janathan, nakaupo sa trono habang nakatingin sa tatlong mga bata na mga nakayuko.
"Children, alam niyo ba kung gaano kalaking abala ang ginawa niyo kagabi?" mahinahong tanong ni Mrs. Janathan sa kanila. "I only want to ask one question, anong nakain niyo para mang-prank na may aswang, tikbalang, at kapre kayong nakita?"
"H-Hindi po 'yon prank," matapang na sagot ni Leo pero halos mamatay na siya sa kaba. "H-Hindi po kami nanloloko."
Tahimik lang si Arki at Yumi. Kanina pa nila isinilaysay ang mga nangyari subalit mukhang walang balak maniwala ni Mrs. Janathan sa kanila.
"Those things are just imaginary creatures created in order to scare children. I don't know what gotten in your heads para mang-trip ng mga security guard!" tumaas na ang boses ni Mrs. Janathan, pinilit nitong kumalma. "Okay, for the sake of saving you from humiliation, hindi lalabas ang lahat ng mga pinag-usapan natin sa silid na 'to. Never mention again those myths! Maliwanag?"
Labag man sa kanilang mga kalooban ay napilitan silang tumango.
"Very well, you may leave, and Ms. Anita," tawag ni Mrs.Janathan sa adviser nilang kanina pa walang kibo, "ikaw na ang bahalang dumisiplina sa mga batang 'to, mga sakit ng ulo."
"Yes, Ma'am."
Akala nila ay wala nang sasabihin si Mrs. Janathan pero humabol pa ito.
"And you, Ms. Garcia, I'm disappointed to you, honor student ka pa naman."
Hinawakan na lang ni Arki nang mas mahigpit si Yumi para hindi nito dibdibin ang sinabi ng bruhang Guidance Counsilor.
Paglabas nila'y may mga nakaantabay sa labas na mga usisero. Nakakapanibago kasi sa kanilang paningin na si Mayumi, ang pinakamagandang estudyante, ay na-guidance. Inutusan sila ni Ms. Anita na bumalik sa classroom at sundin ang habilin ni Mrs. Janathan.
Pero imposible na hindi na pag-usapan muli ang insidente, dahil kalat na kalat na sa buong eskwelahan ang nangyari—na nakakita sila ng kapre, tikbalang, at aswang.
At ngayon isa silang malaking katatawanan.
*****
PINAKAMAHABANG araw para kay Arki dahil buong araw siyang walang kibo. Maging sila Leo at Yumi ay hindi rin gaanong nagsasalita. Ang kanilang mga kaklase naman ay palihim silang pinag-uusapan at pinagtatawanan.
Mabuti na lang at hindi siya sinubukan ni Jaakko ngayong araw dahil baka masapak na naman niya 'to sa inis. Siguro dahil isa si Yumi sa pinag-uusapan ay maingat ito.
Hindi sila sabay-sabay umuwi. Si Yumi ay naunang umuwi kasabay ang kanyang tita, si Leo naman ay nagpaiwan sa clubroom nito para mag-drawing pa, nagpapatanggal ng stress. Siya naman ang naglalakad ngayong mag-isa.
Parang noong isang araw lang ay naglalakad sila pauwi nang mangyari ang insidente.
"Huy, 'yan ba 'yung fourth year student na nakakita raw ng aswang?" hindi niya alam kung sinasadya bang iparinig ng isang babaeng estudyante na pinag-uusapan siya ng mga 'to nang dumaan siya.
"Oo, krung krung 'ata."
Gets naman ni Arki na wala talagang maniniwala sa kanila, kaya nga kahapon nang umuwi siya ay hindi niya sinabi ang totoo sa kanyang Lola Bangs at Ate Shiela kung bakit na naman siya may sugat. Mabuti na nga lang at hindi na pinatawag ulit ng guidance ang guardian niya.
"Hindi man sila naniniwala sa'yo, pero ako, oo." Napahinto siya sa paglalakad at napatingin sa kanan kung saan nanggaling ang boses. Nakita niya ang isang matangkad na lalaki, nakasandal, at nakapamulsa.
"S-Sino ka?" kunot-noo niyang tanong.
Naglakad palapit ang lalaki.
"Roa Nikolo, Roni na lang," pagpapakilala nito sabay abot nito ng kamay. Nag-aalangan siyang tanggapin 'yon.
At saka biglang naalala ni Arki, ito 'yung nagligtas sa kanya noong nakulong siya sa lumang klasrum!
"Ikaw si Arki, tama ba?"
"Oo, ako nga. Anong sabi mo kanina?"
"Well, Arki. Those creatures, I know they're real."
Napansin niya na may benda sa braso si Roni at tinanggap na lang niya ang kamay nito.
'Di kalayuan ay nakamasid sa kanila ang Vice-President na si Vivienne.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top