/79/ Gunita sa Balang Araw


Ang buhay ay isang malaking paglalakbay, hindi ito natatapos hanggang iyong kamatayan. Maraming paghihirap subalit hindi pa rin maikakaila ang ilang kasiyahan. Subalit ang mahalaga'y hindi ang katapusan ng bawat paglalakbay kundi ang mga alaala na inyong gugunitain balang araw.


Kabanata 79:
Gunita
sa
Balang Araw


NAGSILBING musika sa paligid ang tunog ng pag-agos ng tubig. Napalitan ng katahimikan at kapayapaan ang nangyaring kaguluhan at digmaan. Ang daan ng pagkasira'y naging daan sa bagong kinabukasan.

Para sa mga diwata ay isang malaking karangalan sa isang nilalang na maihatid ang katapusan nito sa Talon ng Walang Hanggan. Pinaniniwalaan na sa oras na mahulog ang katawan ng yumao sa talon ay kaagad mapupunta ang kaluluwa nito sa langit at magiging kaisa sa mga bituin.

Isa-isa nilang naglagay ng kulay puting bulaklak ng luha sa gilid ng kahita ni Prinsipe Rakum na animo'y isang anghel na mahimbing na natutulog.

Hindi mapigilang humikbi ni Leo nang mag-alay ng bulaklak para sa kaibigan. Naalala nito ang minsan nilang paglolokohan ni Rahinel. Pagkatapos ay hinila ito ni Roni upang magbigay ng pagkakataon para kay Arki.

"Leo," tawag ni Arki sa kaibigan at tinapik ito sa balikat. Sumama na si Leo kay Roni at siya naman ang yumukod sa tabi ng kahita.

Pinagmasdang maigi ni Arki ang mukha ni Rahinel sa kahuli-hulihang pagkakataon. Hindi niya maiwasang mapangiti dahil alam niyang puno ng kapayapaan ang prinsipe. Bago umalis ay hinubad niya ang kwintas na suot at nilagay iyon sa loob ng kamay ni Rahinel.

Bumalik si Arki sa mga kasama at sabay-sabay nilang pinanuod ang mga diwatang kawal na buhatin ang kahita upang dalhin sa tubig. Walang umusal ng kahit anong salita sa kanila hanggang sa nawala sa kanilang paningin ang kahita nang tuluyan na itong mahulog sa Talon ng Walang Hanggan.

"Fly high, Rah," bulong ni Karl at sabay-sabay silang tumingala sa langit na pinaghalong kulay asul at lila. Iniimahe nila ang lumilipad na diwa ni Rahinel, nakatingin sa kanila at nakangiti bago umakyat papuntang langit.

Napangiti sila nang makita na kuminang ang isang bituin sa langit, naaayon sa paniniwala ng mga diwata, matagumpay nang sumakabilang buhay ang kanilang kaibigan.

"Tara na, Arki," sabi ni Jazis at hinawakan siya sa kamay upang hilahin pabalik sa kanilang pinaggalingan.

Bago lumisan ay muling tumingin si Arki sa langit.

"Paalam, Rah."


*****


KINAGABIHAN ay nagkaroon ng isang malaking pagdiriwang na ginanap sa palasyo ng Devatas matapos maganap ang isang malaking pagpupulong tungkol sa kinabukasan ng Ibayo matapos masira ng mga ugod.

Bukod sa mga tiga-Hilusung ay naroon ang mga tiga-Sama Dilaut, Siranaw, at Srivijaya na tumulong sa Hilusung na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama-sama sa iisang lugar. Maging ang mga mortal na pinalaya mula sa pang-aalpin ay naroon, kasama rin ang mga lumabang Maharlika.

Nakipagkita sila Leo sa mga naging kaibigan nila na naroon, sila Sultana Sulu, Bantugan, Agyu, Baba Gita, Marikit, Makisig, Master Yogi at iba pa. Nagsalo-salo ang lahat sa isang masagang piging. Napuno ng ingay, tawanan, kainan, at kasiyahan ang bulwagan ng palasyo.

Samantala'y nanatili si Arki sa kanyang silid, nakaupo sa gilid ng napakalaking bintana at doon ay nakatanaw siya sa makulay na kalawakan na punum-puno ng mga bituin.

Naramdaman niyang may paparating kung kaya't napalingon siya at nakita si Shiela.

"Bakit hindi ka lumabas? Naroon ang mga kaibigan mo," nakangiting sabi ni Shiela subalit bakas ang bahagyang pag-aalala sa kanya. Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa balikat.

"Wala po ako sa mood makipagkasiyahan, Ate Shiela. Gusto ko lang po muna ng katahimikan," sagot niya.

"Sigurado ka ba?" sabi nito, pinapahiwatig na aalis din sila kaya dapat ay sulitin niya ang mga pagkakataon.

"Sige po, mamaya rin lalabas ako," sagot niya. Bigla siyang may naalala. "Ate... Ano na pala mangyayari sa Kampo Uno? Sa Maharlika?"

Halatang nagulat si Shiela dahil hindi nito sukat akalaing itatanong ni Arki ang tungkol doon. Umupo si Shiela sa harapan niya at pahapyaw na kinuwento ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Maharlika, na pansamantalang nabuwag ang organisasyon, nagkaroon ng grupo upang tugisin si Benjamin Aquinas at ang iba'y tutugisin ang mga Maharlika sa Kampo Dos na naging traydor.

"Basta palagi kang mag-iingat, Ate, ha?" napakunot si Shiela sa sinabi niya. "Hindi ba maiiwan ka rito dahil isa kang Maharlika?"

Napabuntong-hininga si Shiela sabay tumayo at muling lumapit sa kanya. "Arki, sasama ako sa pagbalik sa kabila." Namilog naman ang mga mata ni Arki at napayakap sa kanya. Napangiti si Shiela. "Hindi na kita iiwanan ng matagal. Lalo pa't wala na si Lola Bangs."

Bumitaw si Arki at sinabing, "Si Lola Bangs si Mari—"

Umiling naman si Shiela. "Naroon lang ang ilang esensya ng diwa ni Lola Bangs upang masigurong ligtas kayo sa paglalakbay."

Medyo lumungkot ang itsura niya kung kaya't hinawakan ni Shiela ang kanyang baba upang hindi siya yumuko.

"Arki, kung nasaan man si Lola Bangs ngayon, alam kong sobrang proud niya para sa'yo. At ako rin, proud na proud sa'yo." Muling nagyakap ang dalawa subalit kaagad din silang bumitaw nang marinig ang katok sa pinto. "Mukhang sila 'yan, maiwan ko muna kayo."

Nang lumabas sa silid si Shiela ay pumasok naman sa loob si Yumi.

"Yumi!"

"Arki!" sa pagkabigla ni Arki na dumating na si Yumi'y kaagad siyang tumayo upang salubungin ito ng yakap.

"Bakit ngayon ka lang?" tanong ni Arki habang nakayakap. "Nasaan si Jaakko? O-Okay lang ba siya?"

"May mga Maharlika na nagligtas sa'min, natagalan lang sa pagpunta rito dahil pinagaling muna namin si Jaakko." Bumitaw si Arki rito at tila nakahinga nang maluwag nang marinig ang pangalan ni Jaakko.

"Mabuti naman kung gano'n, ang mga masasamang damo talaga hindi pa 'yan namamatay," biro niya.

"Ehem! Ehem!" sabay silang napatingin sa tumikhim na nasa may pintuan. "Buhay pa ako kasi ikakasal pa kami ni Yumi."

"Hoy!" si Arki sabay salubong kay Jaakko at binigyan ito nang malakas na hampas sa balikat bilang pagbati.

"Aray ko! Hindi pa 'ko magaling! Kasalanan mo 'to!" sigaw ni Jaakko at tinawanan sila ni Yumi ngunit kaagad ding sumeryoso nang may maalala.

"Arki... Nabalitaan na namin 'yung tungkol kay Rahinel... Sorry..." narinig niyang sabi ni Yumi.

Umiling si Arki at bigla siyang niyakap ni Yumi. Pagkaraan ng saglit na katahimikan ay bumitaw sila sa isa't isa.

"Halika, sa baba?" yaya ni Arki sa dalawa.

Pagdating nila sa bulwagan ng palasyo'y sumalubong sa kanila ang tila pistang kasiyahan. Halos mapuno ang bulwagan at hindi maubos-ubos ang mga pagkain. Hindi nila mapigilang mamangha sa kapaligiran dahil higit na enggrande ang bulwagan ng palasyo kaysa sa mga nakita nila noon.

"Ayon sila! Arki!" nakita nila si Leo sa malayo na kumakaway sa kanila.

Ilang sandali pa'y nakisalo sila sa kainan at kasiyahan. Masayang nakita niya ulit sila Agyu, pinakilala rin ni Leo sila Makisig, at muling nagtagpo si Arki at Sultana Sulu.

"Salamat ulit sa pagpunta rito sa Hilusung, iniwan mo talaga 'yung kaharian n'yo para lang makatulong," sabi ni Arki.

"Walang anuman, Arki. Napakalaki ng utang na loob namin sa inyo," sagot naman nito. "Ngayong tapos na ang digmaan, babalik na kayo sa kabilang mundo, hindi ba?"

Tumango si Arki. "Hindi nga ko makapaniwala na uuwi na rin kami sawakas." Napansin ni Arki ang kakaibgang ngiti sa mukha nito.

"Kung ganoon ay hindi pa ito ang huli nating pagkikita."

"Huh?" at bago pa makapagtanong si Arki kay Sultana Sulu ay naabala sila nang sumingit ang isa sa alalay nito at tinawag ang kanilang Sultana.

"May binabalak si Sulu na pumunta rin ng kabilang mundo upang tulungan ang mga Badjao na naroon." Nagulat si Arki nang lumingon siya at nakita si Bantugan na nagsalita.

"Bantugan!"

"Ako nga. Binabati kita sa iyong tagumpay, prinsesa."

Umiling si Arki. "Hindi ko lamang po 'to tagumpay." Muling napatingin sa mga nagkakasiyahan si Arki. "Mabuti para kay Sulu, dahil hindi pa tapos ang misyon niya. Babalik na kami sa mundo namin... pati sa mga dati nating buhay."

Napangiti si Bantugan at humalukipkip. "Alam mo na hindi ka na makakabalik sa dati mong buhay, prinsesa. Dahil hinulma ka na nang mga naging paglalakbay ninyo at naging bahagi nan g iyong buhay ang Ibayo."

Napangiti si Arki at tumango bilang pagsang-ayon. "Hindi ko lang po alam kung ano na ang mangyayari pagkatapos nito."

Bumuntong hininga si Bantugan. "Ang buhay ay isang malaking paglalakbay, hindi ito natatapos hanggang iyong kamatayan. Maraming paghihirap subalit hindi pa rin maikakaila ang ilang kasiyahan. Subalit ang mahalaga'y hindi ang katapusan ng bawat paglalakbay kundi ang mga alaala na inyong gugunitain balang araw." Tumingin ito sa kanya saglit. "Huwag kang mag-alala dahil marami pang mga abentura na lalakbayin sa mga susunod."

"Salamat po, sa tingin ko 'yan ang kailangan kong marinig ngayon," sabi niya. "Ano na pong mangyayari sa Ibayo?"

"Nawa'y mas maging maayos ang Ibayo ngayon lalo pa't wala ng ugod ang namamagitan sa bawat mundo at hindi mo na dapat problemahin 'yon, prinsesa."

Wala naman nang ibang nagawa si Arki kundi tanggapin ang sinabi ni Bantugan.

"Arki, girl! Nandiyan ka lang pala!" biglang lumitaw si Jazis sa gilid niya at bago pa siya makapagpaalam kay Bantugan ay nahila na siya nito papunta kila Leo dahil mayroon daw ibabalita sila Agyu.

Napag-alaman nila Arki na nagdadalang tao si Agrida at nais nitong ibahagi ang kasiyahan sa kanila. Sinabi pa ni Agyu na kung lalaki ang magiging anak nila'y ipapangalan nila ang Rahinel at kung babae naman ay isusunod kay Arki.

Magdamag na nagkasiyahan ang lahat, hindi sinabi sa bawat isa ang nagkukubling lungkot sa kalooban na kailangan na nilang lumisan kinabukasan.

Hindi tumigil si Arki sa paghahanap ng impormasyon kung ano na ang magiging kalagayan ng Ibayo pagkatapos ng digmaan. Napag-alaman niya na nagkaroon na ng kasunduan na magkakaisa ang buong Ibayo upang mapanatili ang kapayapaan.

Ang kaharian ng Sama Dilaut ay aanib na sa Siranaw. Ang pitong tribo naman ng Siranaw ay patuloy lamang sa kanilang kaamulan at handa silang tumulong sa mga nasalanta ng digmaan sa Hilusung. Ang mga pinuno ng bawat tribo'y bukas magbahagi ng kanilang mga kayamanan upang matugunan ang ilang mga pangangailangan.

Sa Srivijaya naman ay nagkaroon ng pagkakaisang kilusan ang mga tao at mabubuting engkanto upang tugisin ang mga engkantong nagkalat ng lagim sa bawat isla at maging si Magwayen at mga alagad nito. Napatalsik na rin ang mga diyos na naghahari-harian sa Madhi dahil nawala bigla si Magwayen. Ang kilusan ay tinulungang mabuo ni Master Yogi.

At sa Hilusung naman ay unti-unting bumangon ang apat na kaharian mula sa digmaan. Katulad ng mga pinangako nila Maria Makiling ay magiging malaya na ang bawat tao. Ayon kay Raneah sa oras na maitaguyod nila ang bagong Maharlika ay bubuksan nila ang pinto nito sa mga tao sa Ibayo.

Muling pinagmasdan ni Arki ang mga kasamang nagkakasiyahan. Maloko pa rin si Leo at parang aso't pusa pa rin sila ni Jazis, si Roni ang isa sa mga sumusulsol at minsa'y umaawat. Si Vivienne naman ay nakikitawa na rin sa mga kalokohan. Hindi maiwasang mapaisip ni Arki.

'Rah, sana kasama ka rin namin dito ngayon.'


*****


HINDI pa man sumisikat ang araw kinabukasan ay naghanda na ang grupo sa kanilang pagbabaliksa kanilang mundong tunay na kinabibilangan.

Napag-alaman nila na dahil sa nangyari'y magkakaroon ng mga panibagong tagong portal. Nagkaroon kasi ng pagpupulong mga diyos ng Hilusung sa iba pang mga diyos sa Ibayo, nang tanungin nga sila Arki kung ano ang gusto nilang gantimpala'y tumanggi sila.

Kung kaya't ang mga diyosa ang maghahatid sa kanila pabalik sa kabilang mundo. Bago magsimula ang seremonya ng kanilang pagbabalik sa beranda ng pinakamataas na bahagi ng palasyo ng Devatas ay binigyan sila ni Maria Makiling ng isang pinagpalang basbas.

"Oras na, Arki," tawag ni Shiela sa kanya.

Lumapit si Arki sa kinaroroonan nila Leo kung saan ay nakayakap silang dalawa sa sarimanok.

"Arki! Hindi ba natin pwedeng isama si Mari?!" umiiyak na tanong ni Leo.

"Leo, bumaba na kayo," kakamot-kamot na utos ni Roni.

"Noooo! Mariiii! Kasama ka namin!" maktol ni Jazis.

"Guys," nakangiting tawag ni Arki sa dalawa. "Tara na."

Sa huli'y walang nagawa ang dalawa kundi bumaba. Nakaharap sila ngayon sa sarimanok na nasa malaki nitong anyo.

"Mari..." Lumapit si Arki at kusang bumaba ang ulo ng sarimanok upang mahawakan niya ito. "Salamat sa lahat. Salamat sa inyo ni Lola Bangs." Pumatak ang luha sa kanyang mga mata na kaagad niyang pinalis, hindi pa rin maalis ang ngiti sa kanyang labi.

"Hindi mo kami pinabayaan," sabi naman ni Roni na humawak din sa sarimanok. "Thanks, Mari."

"Mariiii, we love you!" bulalas ni Jazis.

"Thank you for flying with us," sabi ni Vivienne.

"Walang anuman." Pare-parehas silang nagulat nang marinig ang isang tinig mula sa sarimanok.

"Eh?! N-Nagsalita si Mari?!" si Leo.

Ilang sandali pa'y bumwelo ang sarimanok bago tumakbo at lumipad sa langit. Sabay-sabay silang tumingala at nakita ang pag-alpas ng mga makukulay nitong pakpak.

"Bye, Mari!" tumalon-talon sila at kumaway dito.

Pagkaraa'y mabilis na lumipad paitaas sa langit ang sarimanok. Inimahe na lang nila na umuwi ito sa sariling pamilya at mamamahinga ng payapa. Nang mawala sa paningin nila ang sarimanok ay namayani ang katahimikan.

"Game na ba kayo, kids?" napatingin sila sa bagong dating at halos mapanganga sila sa nakita.

Kaagad lumapit si Arki sa apat at mahigpit na niyakap isa-isa ang mga diyosa.

"Bongga ba ng farewell outfit namin?" kikay na tanong ni Anitung Tabu. "Hays, we will miss you, Arki."

"Mamimiss ko rin kayo ng sobra," sabi niya sa apat. "Sobrang salamat sa pagtulong sa'kin."

"Ginawa lang namin ang dapat naming gawin," nakangiting sabi sa kanya ni Magayon.

"Mamuhay kayo ng masaya at malusog!" sabi ni Lakapati.

"Huwag kang mag-alala't paminsan-minsa'y sisilipin ka namin sa mundo n'yo," sabi naman ni Aman Sinaya.

Tumango si Arki at muli siyang niyakap ng mga diyosa. Hindi alam ni Arki kung bakit parang mayroon siyang pakiramdam na palagi pa ring mananatili ang mga 'to sa kanyang tabi kahit na hindi niya na sila makikita. Hindi siya gano'n ka nakaramdam ng lungkot sa alaalang simula nang maliit pa lang siya ay palagi na siyang pinuprotektahan nito.

'Di katagalan ay pumwesto na sila upang maghanda, hindi nila maiwasang mapatingala sa mga bituin sa langit habang ang apat na diyosa'y lumikha ng mahika na magbibigay daan sa kanila pabalik.

Naghawak-kamay sila at hindi maiwasang maalala ni Arki ang eksenang naghawak-kamay din sila noong unang papunta sila sa Ibayo.

Halos lumiwanag ang buong paligid nang lumitaw ang isang mistikal na portal sa kanilang harapan. Papalapit nang papalapit iyonsa kanila at mas humigpit ang paghawak nila sa bawat isa.

At bago sila tuluyang lamunin nang liwanag ay muli nilang naalala ang simula at mga naging karanasan nila sa loob ng maikling panahon, mga alaala at mga aral na kanilang nakalap. Napagtanto noon ni Arki na tama nga si Bantugan, ang katapusan ng isang paglalakbay ay simula lamang ng bagong adbentura.

Walang nagtangkang lumingon sa kanila. Lahat ay nakatuon sa kanilang harapan, sa kung anong maghihintay sa kanila sa kabila.

Sina Arki, Leo, Jazis, Roni, Vivienne, Yumi, Jaakko, Shiela, at Karl...

"Tara, uwi na tayo." 


-xxx-


UP NEXT: ANG HULING KABANATA! Kung binabasa mo 'to aba'y isa kang alamat! Naging kasama ka sa paglalakbay ng Team Binukot, maraming salamat sa pagsubaybay!

Samahan n'yo akong magtweet with your feels gamit ang hashtag na #TeamBinukotForever. 

Handa na ba kayong mamaalam sa Team Binukot? Leave your message here to your favorite character! 


Featured comments from the previous chapter:

Thanks kina @nicoleayaaa @_niixxxxx @vhilmzs_99 @PriyaCeleste @MisterDeMoral 


#PADAYON

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top