/78/ Naayon na sa mga Tala
Kabanata 78:
Naayon
na
sa mga Tala
INAASAHAN na noon ni Maria Makiling ang pagbabalik ni Arki sa Devatas. Nagulat pa nga si Arki nang salubungin siya ng reyna ng mga diwata sa bungad ng pinakamatas na veranda ng palasyo nito. Tila alam din noon ni Maria Makiling na siya ang agilang paparating kung kaya't hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa noong magpalit anyo siya sa harapan nito.
"Mahal na reyna," bahagyang yumuko si Arki bilang paggalang dito. "Narito po ako—"
"Para sa basbas," pagtutuloy ni Maria Makiling sa kanyang sasabihin. "Ikinalulungkot ko na hindi na namin maibibigay sa'yo ang basbas na iyong hinihingi."
"Oh no!" bulalas ni Anitung Tabu, lumitaw na rin mula sa kanyang likuran ang apat na diyosa, nagulat sa hindi magandang balita.
Bahagyang lumungkot ang itsura ni Maria Makiling bago muling nagsalita, "Sa kasamaang palad ay napaslang ang hari ng mga duwende, si Haring Dugwas. Nasa malalang kalagayan si Reyna Sabelia at si Haring Tibargo ay kasalukuyang nasa digmaan. Sinadya kong magpaiwan dito upang hintayin ang iyong pagbabalik."
"Paano na 'yan..." Saglit na nawalan ng loob si Arki subalit lumapit si Maria Makiling sa kanya at inangat ng kamay nito ang kanyang mukha.
"Matapos kang dukutin ng supremo ng mga Maharlika'y naiwan kaming nagpasya na ibigay ang basbas sa iyong pagbabalik," sabi nito at matipid na ngumiti. "Tutuparin namin ang iyong kundisyon na itigil ang pang-aalipin sa mga mortal sa Ibayo."
Hindi alam ni Arki ang sasabihin dahil nilalamon siya ng pagkabahala, kung paano na niya matatalo si Sitan kung hindi niya magagamit ang buong kapangyarihan ng Hatualu dahil walang basbas ng mga pinuno ng apat na elemento.
"Hindi man namin maibibigay sa'yo ang basbas na iyong minimithi, hayaan mong ibigay ko sa iyo ang isa sa kayamanan ng aming lahi." Umatras si Maria Makiling upang kumumpas ng isang mahika.
Mula sa kawalan ay nabuo ang isang mistikal na liwanag, mula roon ay unti-unting lumitaw ang isang parihabang kahoy na lalagyan. Bumukas ng kusa ang kahon at mula roon ay lumutang papunta sa kanya ang isang punyal. Kusang nilahad ni Arki ang mga palad niya at lumapag ito roon ang maliit na patalim.
"Ang sinaunang punyal ng aming mga ninuno ay binubuo ng kapangyarihan ng apat na elemento. Nilikha ito noon bilang simbolo ng pagkakaisa ng apat na kaharian." Napatingin si Arki kay Maria Makiling.
"Ayos lang po ba talaga kung ibibigay n'yo po ang importanteng bagay na 'to sa'kin?" tanong niya.
Tumango ang reyna. "Sa tingin ko'y magiging sapat ang kapangyarihan na iyan upang matalo si Sitan, subalit kailangan mong itarak sa kanyang puso ang punyal."
Humarap ang apat na diyosa kay Arki. Nagsalita si Magayon. "Mainam kaysa sa wala, kailangan mo lamang makaisip ng estratehiya upang makalapit kay Sitan."
"Hindi man sapat ang mabibigay naming lakas sa'yo pero naniniwala kami sa mga nakita na ni Tala," sabi naman ni Lakapati.
"Tutulungan ka pa rin namin sa abot ng aming makakaya," sinundan 'yon ni Aman Sinaya.
"Tama sila, Arki girl! We can do this together!" masiglang saad naman ni Anitung Tabu.
"Maraming salamat sa inyo," nakangiting sabi niya. "Maraming salamat din po sa inyo, mahal na reyna."
Umiling si Maria Makiling. "Walang anuman, prinsesa."
Bago pa muling umusal ng salita ang reyna ay biglang dumating ang isa sa mga pinuno ng kawal ng mga diwata. Ipinabatid nito ang kasalukuyang sitwasyon, namayani ang kaseryosohan sa magandang mukha ng reyna ng mga diwata pagkatapos.
"Makinig ka sa'king mabuti, Arki," sabi nito sa kanya at nakinig siya rito.
Ipinaliwanag ni Maria Makiling sa kanya ang mga susunod na hakbang ni Sitan base sa natanggap nitong balita at sa mga nakita nito gamit ang mahika.
"Bumalik ka na sa iyong mga kasama," iyon ang huling sinabi ni Maria Makiling matapos magbilin.
"Maraming salamat po ulit." Hindi mapigilan ni Arki ang sarili na bigyan ng saglit na yakap ang reyna ng mga diwata, napangiti lamang si Maria Makiling.
At dahil nasa kamay ni Arki ang mahiwagang kabibe ni Kaptan ay muli siyang nagpalit ng anyo bilang agila. Habang nasa himpapawid ay kasama niya ring lumilipad ang apat na diyosa sa kanyang gilid.
"Sayang at hindi nakuha ni Arki ang basbas! Ayoko ng maging maliit na parang fairy!" bulalas na sabi ni Anitung Tabu.
"Annie, hindi ito ang oras para magreklamo sa kung anong anyo natin," sita naman ni Aman Sinaya.
"Huwag kang mabahala dahil sa oras na matalo ni Arki si Sitan ay makakabalik na tayo sa ating dating anyo," nakangiting sabi ni Lakapati.
"Saan ka pupunta, Arki?" tanong ni Magayon, ito lamang ang nakapansin sa ibang direksyon na tinatahak niya.
"Kung talagang palulusubin ni Sitan ang mga kampon niya sa Hilusung, maaaring makahingi ako ng tulong sa kanila," sagot niya.
"Sinong sila?" halos sabay-sabay na tanong ng mga diyosa.
"Sila." Napangiti si Arki sa isip at napuno ng pag-asa ng maalala ang mga taong minsan nilang natulungan.
*****
NAUNANG bumitaw si Arki kay Rahinel matapos itong saglit magbalik alaala kung paano ito bumalik sa kaharian ng Sama Dilaut, Siranaw, at Srivijaya.
Nakita nila Rahinel na may inilabas si Arki na maliit na sandata, isang punyal na sa unang tingin ay alam ng hindi pangkaraniwan.
"Binigay 'to ni Maria Makiling sa'kin, tinataglay nito ang purong kapangyarihan ng apat na elemento, kailangan ko lang 'to itarak sa puso ni Sitan," sabi nito sa kanila.
"Kung gano'n ay kinakailangan lang nating makagawa ng paraan para makaatake ka ng isang diretso kay Sitan," sabi ni Rahinel at tumango si Arki sa kanya.
Muli silang napatingin sa gitna ng lambak ni Batari at nakita ang malaking pagbabago ng labanan simula nang dumating ang mga pwersang tinawag ni Arki mula sa ibang mundo ng Ibayo.
"One direct hit!" bulalas ni Leo. "Iyon lang ang kailangan mong gawin, Arki!"
"Hays, iyon na nga 'yung sinabi ni Rahinel kanina," sabi ni Jazis na napabuntong hininga. "Sa selestiyal nga hindi tayo makalapit, kay Sitan pa kaya? At saka ang tanong, hindi nga natin alam kung nandito ba siya sa labanan."
"Nakita ko siya," sabi ni Rahinel, naalala ang eksena bago sila mahulog, nakita niya si Khalil. "Si Datu Bagobo."
"Huh? 'Di ba 'yon 'yung pinatay natin?" si Leo. "Este ikaw pala nakapatay. Buhay siya?!"
Umiling si Rahinel. "Malakas ang kutob ko na matapos ko siyang mapaslang ay ginamit ni Sitan ang katawan niya."
"Sa pagkakatanda ko'y may sumpa si Sitan na hindi siya maaaring makatapak sa ibabaw ng lupa. Kung gano'n posible ngang gumamit siya ng katawan ng isang tao," sabi ni Arki.
"Hindi tao kundi imortal," sabi naman ni Rahinel. "Malinaw ko ring nakita ang itim na pwersang bumabalot sa kanyang katawan, mala-halimaw ang kanyang anyo."
"Si Sitan na nga ang tinutukoy mo, Rah," si Jazis.
"Akala niya siguro ay matagumpay akong nalason ng isa sa mga kampon niya," sabi ni Arki.
Kaagad na may pumasok sa ideya ni Rahinel kaya hinawakan niya sa magkabilang balikat si Arki, "Kailangan mo siyang mapatay, Arki, sa lalong madaling panahon. Nasa kanya ang mutya ni Bathala, hindi titigil ang pagdami ng mga halimaw hangga't hindi siya namamatay."
"A-Alam ko 'yon," sabi ni Arki, pinalis nito ang kamay niya at saka lumapit sa sarimanok.
Naramdaman noon ni Rahinel na tila parehas sila ng planong nasa isip ni Arki. 'Kailangan kong samantalahin ang pagkakataon,' saloob-loob niya at lumapit doon. "Arki, alam natin na may isang paraan."
"Anong paraan?" tanong ni Leo.
Biglang naagaw atensyon nila sa bagong dating. Sabay-sabay silang napabulalas nang makitang umibis mula sa kabayo sina Roni at Vivienne na kagagaling lamang sa digmaan.
"Roni! Vee!"
"Arki!" saglit na niyakap ni Arki ang dalawa.
"Vee! Gumagamit ka na ulit ng pana?!" manghang komento ni Arki at matipid lamang na ngumiti si Vivienne.
"Wow! Paano n'yo nalaman na nandito kami?!" tanong ni Jazis.
"Nakita ko si Mari na sa burol na 'to lumapag," sagot ni Roni saka bumaling kay Vivienne. "Kinumpirma ni Vee na nandito kayo nang makita niya na nandito rin si Arki."
"Wow, Vee! May super vision ka!" si Leo naman. "Sana lahat aswang—aray!" binatukan kasi ito ni Roni.
"Tamang-tama na nandito rin kayo," sabi naman ni Rahinel sabay tingin kay Arki.
"Kailangan kong makalapit kay Sitan at may naisip kami ni Rah—"
"May naisip akong paraan," putol ni Rahinel kay Arki. "Na kay Arki ang mahiwagang kabibe ni Jaakko at ganito ang mangyayari."
Nakinig ang lahat sa naisip na plano ni Rahinel. Nang matapos siyang magsalita'y wala kaagad nakapagsalita.
"Rah, are you really sure—"
"Oo, Vivienne. Ito lang ang paraan para makalapit si Arki kay Sitan." Nabasa ni Rahinel ang nasa isip ng mga kasama niya kaya bahagyang ngumiti siya sa mga 'to. "Huwag kayong mag-alala sa'kin, alam n'yo ang tinataglay kong kapangyarihan." Sa mga sandaling 'yon ay naramdaman niya ang buong tiwala ng mga kasama niya sa kanya kaya hindi maiwasang may kung anong tumusok sa kanyang kalooban. 'Ito lang ang paraan na alam ko na makakabuti sa lahat.'
Saglit na namayani ang katahimikan bago muling nagsalita si Arki. "Guys, matatapos din natin 'to. Sama-sama tayong babalik sa kabilang mundo at balang araw iisipin na lang natin na isa lang 'tong panaginip..." Halo-halo ang nararamdaman ni Arki pero nakuha pa rin nitong ngumiti. "...panaginip na punum-puno ng mga adventures. Sobrang saya ko na kayo ang kasama ko rito ngayon, alam n'yo ba 'yon?"
"Arki naman huwag ka nang magpaiyak!" bulalas ni Jazis na hindi na mapigilan ang sariling maluha.
"AHH! Bakit may tubig sa mata ko!" si Leo naman, inakbayan ito ni Roni at medyo niyugyog.
"We know, Arki," nakangiting sabi naman ni Vivienne.
Bago nila simulan ang pagkilos ay nilikom ni Arki ang mga kaibigan, nilagay ang bawat braso sa bawat balikat ng isa, magkakadikit ang ulo't saglit na napapikit kasabay ng pag-ihip ng hangin.
"Nice, group hug," nakangising sabi ni Roni nang maglayo-layo sila.
Tumingin si Arki kay Rahinel.
"Tapusin na natin 'to."
At katulad ng napagplanuhan ay lumabas ang apat na diyosa sa katawan ni Arki, halos masilaw ang lahat nang ang lahat ng 'yon ay sumanib kay Rahinel.
*****
NANG makarating ang walang buhay katawan ni Khalil sa ilalim na kaharian ni Sitan ay hindi na nagulat pa ang panginoon ng kasakitan.
Parte rin ito ng kanyang plano, gawing imortal si Bagobo at kuhanin ang katawan nito upang maputol ang sumpang hindi siya makakapunta sa ibabaw ng lupa.
Nasa isip noon ni Sitan na naaayon ang lahat sa kanyang plano, mabilis lamang ang naging proseso na mapasakanya ang imortal na katawang lupa ni Bagobo.
Bahagyang nag-iba ang kanyang plano nang makarating sa kanya ang balita na nagbalik ang mga diyos at diyosa ng Hilusung. Nanumbalik sa alaala ni Sitan ang huling malaking digmaan na naging sanhi ng kanyang pagkatalo at pagkakakulong sa mundong ilalim sa mahabang panahon.
Matagal nang patay si Bathala subalit hindi makakailang nabahala siya sa muling paglitaw ng mga diyos at diyosa. Kung kaya't itinuon niya ang buong pansin at pwersa ng kanyang hukbo sa Hilusung .
Lahat ng mga selestiyal na kontrolado niya, salamat sa mutya na dinala sa kanya ng huling binukot. Alam ni Sitan na kaunting sandali na lamang ay mapapabagsak na niya ang pwersa na humahadlang sa kanya sa Hilusung.
Subalit sa kalangitan ay sumulpot ang mga lumilipad na barko. Napagtanto ni Sitan na may mga pwersa na nagmula sa ibang mundo ng Ibayo ang handang tumulong sa Hilusung.
Hangga't nasa akin ang Mutya, ang ilang piraso ng kapangyarihan ni Bathala, hindi mauubos ang paglitaw ng aking mga kampon.
Naghanda ng mahika si Sitan upang pabagsakin ang maraming pwersa ng mga diwatang mandirigma. Ngunit bago niya ikumpas ang kanyang hawak na baston ay naagaw ang kanyang atensyon ng isang makulay na nilalang na lumilipad patungo sa kanya, isang sarimanok.
Kahit na nasa malayo'y naramdaman niya ang presensiya ng nilalang na nakasakay sa likuran ng sarimanok. Kaakibat ng nilalang ang presensiya ng apat na diyosa na nagtataglay ng Hatualu.
"Ang huling binukot."
"Sitan!"
Kusang gumalaw ang bakunawa na kanyang sinasakyan upang atakihin ang mga entremetido na paparating. Subalit namalayan na lamang ni Sitan na may kidlat na babagsak sa kanyang kinaroroonan. Mabilis siyang naglaho at lumutang sa ere.
Nakita niyang natamaan ang bakunawa at pagkatapos ay may mga bangkang mabilis na lumipad sa gilid nito't ang mga nakasakay doon ay magkakasunod na inatake ang halimaw. Ang mga indio!
Naiwasan niya ang pwersang paparating sa kanyang likuran. Nanggaling 'yon sa huling binukot na may hawak na dalawang yantok na nagliliwanag na sa palagay niya'y binibigyan ng kapangyarihan ng apat na diyosa na nakagabay sa likuran nito.
Pinag-ibang hugis niya ang kanyang sandata na maging isang mahabang tabak. Gamit ang kanyang bilis ay lumipad siya upang saksakin ito.
Nasalag ng huling binukot ang kanyang atake. Nang magkalapit sila'y sunod-sunod silang nagpalitang ng atake. Hindi niya sukat akalaing maalam sa pakikipaglaban ang huling binukot gamit ang dalawa nitong yantok.
Naglaho ang apat na diyosa sa likuran nito'y kinuha niya 'yong pagkakataon. Isang pwersa ang pinakawalan niya dahilan upang mahulog at bumagsak ito sa lupa.
Kaagad siyang sumunod doon at lumapag siya sa lupa. Sinusubukan nitong gumapang upang kuhanin ang dalawang yantok sa gilid. Ngunit wala na siyang balak bigyan pa ito ng pagkakataon. Gamit ang kanyang tabak ay tinarak niya iyon sa dibdib nito.
Sumilay ang ngisi sa kanyang labi dahil nagawa niyang baliin ang nakita ni Tala, napatunayan niya noon na hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang nakikita ng mga diyos at diyosa sa mga bituin.
Nakita niyang hinawakan ng huling binukot ang tabak, sinusubukan nitong magsalita.
"N-Ngayon na... Arki."
Isang pulang paruparo ang dumapo sa kanyang dibdib. Pagkaraa'y bigla siyang nakaramdam na may kung anong tumusok sa kanyang puso, at sa isang kisapmata'y nakita niyang unti-unting nagbago ang katawan ng paruparo, isang nilalang ang nasa kanyang harapan at mayroon itong itinarak sa kanyang puso.
Nakita ni Sitan ang isang lalaki ang nakahandusay sa gilid at ang taong sumaksak sa kanya ng isang punyal ay ang totoong huling binukot.
Gamit ang natitirang lakas niya'y hinawakan niya ang kamay nito upang subukang tanggalinang pagkakatarak ng punyal sa kanyang dibdib.
Nanlaki ang mga mata ni Arki nang maramdaman na may lakas pa rin ang kamay ni Sitan kung kaya't hindi siya bumitaw. Nagbunuan sila ng lakas subalit muling lumitaw ang apat na diyosa upang bigyan siya ng sapat na lakas.
Nagkaroon na ng delusyon ng mga sandaling 'yon si Sitan dahil tila ba nakita niya si Bathala sa kanyang harapan, hinawakan nito ang kanyang kamay at ibinaba 'yon sa kanyang gilid at saka sinabing, "Oras na para magpahinga, kapatid."
Bumagsak si Sitan sa lupa, naging abo ang katawan at saka unti-unting kumalat sa paligid, naglaho.
Napaatras si Arki nang maglaho rin ang hawak niyang punyal at nang makita ang pagbagsak ni Sitan. Natigilan ang buong paligid dahil kasabay ng pagiging abo at paglaho ni Sitan ay ganoon din ang nangyari sa mga kampon nito.
Ang mga selestiyal ay tila nagkaroon ng sariling isip, umakyat ang mga 'yon sa langit upang magbalik sa kanilang pagtulog.
Sumilip ang haring araw at muling lumiwanag ang buong paligid, wala na ang tunog ng labanan at pagdanak ng dugo sa lupa. Isang hudyat nang pagsilay ng bagong kapayapaan.
Pinulot ni Arki ang mutya sa lupa at saka iyon sinuot bago lumingon. Nakita niya ang apat na diyosa na nakangiti sa kanya subalit kaagad ding naglaho ang ngiti ni Arki nang makita si Rahinel na natiling nakahandusay sa lupa.
*****
KAAGAD dinaluhan ni Arki si Rahinel at saka ito inalalayan at hinawakan.
"Rah! Gumana ang plano! One shot!" natutuwa niyang sabi at ngumiti si Rahinel sa kanya. "Ngayon babalikan natin si Yumi, alam kong matutulungan ka niya. Kaya diyan ka lang ha, tatawagin ko sila Leo."
Pero bigla siya nitong hinawakan sa pisngi. "Arki... Patawad."
"B-Bakit ka humihingi ng sorry, mamaya na tayo mag-usap—"
"Patawad ulit kung huli na kitang nahanap at patawad kung hindi ko sinabi sa'yo... Ang mahalaga nagawa mo ang nakatakda na para sa'yo... ang pigilan ang kasamaan."
Nagulumihanan si Arki sa mga pinagsasabi ni Rahinel. At saka siya napatingin sa sugat nito at biglang napagtanto ang isang bagay, hindi naghihilom nang mabilis ang sugat nito
"Rah, a-ano bang sinasabi mo."
Buong lakas at hindi niya napaghandaan na kinabig ni Rahinel ang kanyang ulo upang madampian siya nito ng halik sa labi. Sa labis na pagkagulat ay hindi siya nakapagsalita, pumasok sa kanyang isip ang minsang napag-usapan nila noon, nang tanungin niya si Rahinel kung ano ang balak nito sa oras na matagpuan ang prinsesang hinahanap.
'...gusto ko nang magpahinga.'
Nilayo niya ang mukha niya rito nang magsimulang mamuo ang luha sa kanyang mga mata. "Rahinel! Umayos ka nga—"
Isang matipid na ngiti subalit punum-puno ng galak at katuntentuhan, ngayon lamang nakakita si Arki nang ganoong klase ng ngiti. Saka dahan-dahang nagsara ang mga mata ni Rahinel at tila natulog na nang mahimbing.
"B-Bakit?" nanginig ang mga kamay ni Arki habang mahigpit na nakahawak dito.
"Arki... Hindi niya sinabi sa'yo para... para magtagumpay kang mapaslang si Sitan." Narinig niya ang boses ni Anitung Tabu.
"Alam ni Rahinel na tanging diyos lamang ang magtatapos sa imortal niyang buhay." Si Aman Sinaya.
"A-Ang daya... H-Hindi niya ba naisip na baka may iba pang paraan," sabi niya habang nakatulala at walang patid ang pag-agos ng mga luha.
"Mahirap tanggapin, Arki, alam namin," si Magayon. "Pero walang ibang paraan. Ang pagpapalit ninyo ng anyo, at pagsanib namin kay Rahinel para mapaniwala si Sitan na ikaw siya at saluhin niya ang saksak."
"Arki, nararamdaman ko na mayroong magandang kapalit ang sakripisyo niya sa'yo, pinili siya ni Bathala dahil alam ni Tala na si Rahinel lamang ang makakagawa nito para magtagumpay ka." Si Lakapati.
"Ginawa niyang magsakripisyo dahil... dahil mahal ka niya Arki."
"M-Mahal niya ako?" Muli niyang sinilip si Rahinel, para lamang talaga itong natutulog. Bumagsak ang luha niya sa pisngi nito.
"Arki!" narinig niya ang boses ni Leo at naramdaman ang pagdating ng mga kasama niya. "Anong nangyari kay Rah?!" Akmang lalapit sana si Leo pero pinigilan ito ni Roni.
Imbis na lumingon at sumagot si Arki ay nanatili siyang humikbi pero sa huli'y napagtanto niya ang mga naging paghihirap ni Rahinel. Daang-daang taong pagdurusa para lamang mahanap siya. Alam niyang hindi niya masusukat kung gaano kasakit at kahirap 'yon.
Unti-unti'y pinilit niyang tanggapin ang katotohanan, oras na para magpahinga ng kanyang prinsipe.
Huminga siya nang malalim at hinayaang matuyo ng hangin ang luha sa kanyang pisngi. Bago niya bitawan at buong loob na tanggapin ang katotohanan ay dinampian niya ng halik si Rahinel sa labi.
"Magpahinga ka nang maigi...Maraming salamat sa lahat. Nahuli ka man ng dating, pero hindi rito sa puso ko."
https://youtu.be/UiNwpNJ_HBI
-xxx-
A/N: Ang Huling Binukot 99% completed! Maraming maraming salamat sa pagsubaybayan, abangan ang sobrang nalalapit na pagtatapos! May susunod pang kabanata!
Thoughts about this final battle chapter? :D
(Just an ideal image of Arki, wala pang pang-comission ng art eh haha but the vibes of this art is same kay Arki uwu)
Featured comments from the previous chapter:
Thanks kina @berayed, @selle-nity, @Bakadera, @apricity_14,
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top