/75/ Sulong, Team Binukot!

ANG NAKARAAN:

Matagumpay na iniligtas ni Rahinel si Arki at maligayang nagkasama ang dalawa. Samantala, bago pa man makitil ang buahy nila Shiela ay matagumpay na napigilan 'yon nang nilikhang gulo nina Vivienne at Jaakko. Dumating sila Arki, kasama ang mga diyos at diyosang pinakakawalan ni Rahinel. Humingi si Arki ng pagkakaisa na hindi nagustuhan ng supremo. Hindi matanggap ni Benjamin Aquinas ang pagkatalo kung kaya't bago ito tumakas ay natarak nito ang balarao kay Arki.

Habang nasa bisig ni Rahinel ang sugatang si Arki ay siyang dating ng isang sarimanok—si Mari, kasama sila Leo, Jazis, Karl, Roni, at Yumi.



Kabanata 75:
Sulong,
Team Binukot!


NAGLAHO ang malaking ngiti sa mukha nila Leo nang makalapit sa kinaroroonan ni Rahinel. Samantala'y mahigpit na nagyakap sina Roni at Vivienne nang makalapit sa isa't isa. Si Karl naman ay pinigil ang sarili na hagkan si Shiela nang makita ito.

"Y-Yumi?" si Jaakko naman ay tila napako sa kinaroroonan nang makita si Yumi na naglalakad sa direksyon nila Rahinel. Gusto niya itong lapitan at yakapin ng mahigpit dahil sa galak na ligtas ito.

Ang dapat na masayang muling pagkikita-kita ay naudlot. Nang bumitaw sina Roni at Vivienne sa isa't isa ay lumapit na rin sila sa kanilang kaibigang malubhang sugatan.

"Anong nangyari kay Arki?!" hindi mapigilang mapabulalas ni Leo nang sumalampak sa tabi nito.

"Arki, we're here! Ano ka ba, wake up!" bulalas naman ni Jazis na nangilid ang luha dahil sa kaawa-awang kalagayan ng kanilang kaibigan, walang malay at naliligo sa sarili nitong dugo.

"H-Hayaan n'yo akong subukan ko." Napatingin ang lahat nang magsalita si Yumi.

"Yumi, narito ka..." hindi makapaniwalang sambit ni Shiela, lalapit sana ito subalit hinawakan siya ni Karl sa braso. "Karl? Paano—"

"Mahabang kwento." matipid na ngumit si Karl subalit kaagad ding naglaho. Gustong gusto sabihin kay Shiela ang naramdang pangamba. Sabay silang tumingin kay Yumi na yumukod na sa tabi ni Arki at Rahinel.

Namayani ang katahimikan sa paligid, maging ang mga diyos at diyosa ay hinihintay ang mga sumusunod na mangyayari.

Hindi rin maipaliwanag ni Yumi kung bakit tila nawala ang lahat ng pag-aalinlangan sa kanya nang makalapit siya kay Arki. Naging malinaw sa kanyang isip ang kanyang nais. Nang hawakan niya si Arki ay pumikit siya at taimtim na nanalangin.


*****


ALAM ni Arki noong mga sandaling 'yon na nasa loob siya ng isang mahabang panaginip.

Hindi nga lang siya sigurado kung magigising pa ba siya dahil pakiramdam niya'y totoong-totoo ang paligid niya.

Isang lumang panahon, iyon ang sigurado ni Arki. Naglakad-lakad siya sa loob ng isang maliit na nayon, hindi siya nakikita ng mga sinaunang tao na abala sa kanilang mga gawain. Diretso siyang pumasok sa pinakamalaking gusali at doon ay tumambad niya ang isang mag-asawa, may karga na supling ang babae.

Natigilan si Arki nang makita niya ang masayang mag-asawa. Lukso ng dugo, iyon ang tawag sa nararamdaman niya ngayon. Biglang pumasok sa kanyang alaala ang mga inakala niyang panaginip noon ng imahe ng isang lalaki at babae.

Ang mga imaheng nakikita niya noon sa kanyang panaginip ay ang kanyang mga magulang.

"Rajani?" nabigla siya nang namalayan na nasa harapan na niya ang dalawa. Malaki at nagliliwanag ang mga ngiti nito sa mukha.

"Anak ko!" naramdaman niya ang yapos ng kanyang ina. Niyakap niya ito pabalik. Pamilyar na pamilyar sa kanya ang mga yakap nito, kinumpirma ang mga inaakala niyang panaginip lang noon.

"Mahal na mahal ka namin, Rajani."

"Nagagalak kami sa kung anong naging ikaw sa kasalukuyan, aming prinsesa."

Alam ni Arki noong mga sandaling 'yon na nasa loob siya ng isang mahabang panaginip.

Pagkaraan ng ilang sandali'y naglaho ang kanyang mga magulang at nag-iba ang paligid. Namalayan na lang niya ang sarili na tila lumulutang sa walang hanggang sansinukob.

Mula sa kawalan ay sumulpot ang isang liwanag na unti-unting nagkaroon ng anyo. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang sarimanok na si Mari, nilabas nito ang makukulay nitong pakpak at lumipad paikot sa kanya.

Pagkatapos ay muli itong pumunta sa kanyang harapan at unti-unting nagkaroon ng bagong anyo.

"Apo ko, Arki."

"L-Lola Bangs?" sunud-sunod na tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. "P-Paano... I-Ikaw si Mari?"

Higit na mas bata ang itsura ni Lola Bangs, nagliliwanag at mayroong pakpak. Alam niya na ito ang kanyang lola na nagpalaki sa kanya.

Hinawakan nito ang kanyang pisngi at pinahid ang luha. "Hindi ako tuluyang naglaho, parte ng aking kaluluwa ay nasa sarimanok, sinisigurong hindi kayo mapapabayaan sa inyong naging paglalakbay."

Naalala ni Arki ang lahat, mula sa simula ng kanilang paglalakbay. Buong akala niya'y wala na ang kanyang mahal na lola subalit heto at nalaman niyang kasama nila ang parte ng pagkatao nito.

"Kaya pala... Kaya pala... Si Mari... Kaya pala..." Hindi niya matuloy-tuloy ang sasabihin dahil sa labis na pinaghalu-halong emosyon. Walang patid ang kanyang luha habang nakulong siya sa bisig ni Barbara Salamanca.

"Malapit na, apo. Magpakatatag ka. Alam mong hindi ka nag-iisa."

"Arki, nandito na kami!"

"Huwag mo kaming iwan!"

"Hindi pa tapos ang adventure natin!"

"Arki!"

Sunud-sunod na umalingawngaw sa paligid ang mga pamilyar na boses, mga boses ng mga taong mahahalaga sa kanya na naghihintay sa kanya.

"Kailangan mo nang bumalik, Arki." Bumitaw sa kanya si Lola Bangs.

"P-Pero, Lola Bangs..."

"Wala man ako ng pisikal sa piling mo, apo, palagi akong mananatiling bahagi ng kalikasan. Nariyan pa si Shiela, pati ang prinsipe, at ang mga kaibigan mo... na nagmamahal sa'yo."

"Lola Bangs—"

"Pagpalain ka ng mga diyos, Arki. Ikaw ang tanging pag-asa ni Bathala na magwawakas sa pwersa ng kadiliman. Palagi mong tatandaan... Hindi ka nag-iisa."


*****


BASA ang kanyang pisngi nang magmulat si Arki ng mga mata. Dahan-dahan siyang bumangon sabay hinga nang malalim. At bago pa man siya makatingin sa kanyang kanan ay may sumunggab na sa kanya at halos mawalan siya ng hininga.

"Hoy, Jazis! Ano ka ba! Injured 'yong tao!" sigaw 'yon ni Leo kaya kaagad rumehistro ang ngiti sa kanyang labi.

Kasalukuyan silang nasa loob ng pagamutan ng Kampo Uno. Dalawang oras ang nakalilipas mula ang insidente.

Nanatiling nakayakap si Jazis sa kanya habang patuloy pa rin ito sa pagsasalita na hindi niya maintindihan. Kung hindi pa hinila ni Leo at Roni si Jazis palayo ay hindi niya makikita ang mga 'to.

"G-Guys." Natigilan ang mga 'to nang magsalita siya at ngumiti.

"Uwaaaa! Arki!" si Leo naman ang ngumalngal na parang bata. "Nabura 'yong memories namin alam mo ba 'yon?!" akma itong aakap sa kanya pero natisod 'to ni Jazis.

"Bawal hawakan ang may injury!" sigaw ni Jazis at nagtalo ang dalawa.

Napailing na lang sa kanya. Sinubukan niyang tumayo at himalang wala siyang naramdamang kahit anong sakit. Naalala pa rin niya ang huling pangyayari bago siya mawalan ng malay.

"Hey, you're not supposed to—" lumapit sa kanya si Vivienne pero sinalubong niya ito ng yakap. Naramdaman niya ang mahigpit nitong pagganti. "I-I'm glad to see you again, Arki."

"Ako rin," sabi niya. "Natutuwa ako na makita kayong lahat." Bumitaw siya rito.

"I kinda failed to my mission, aswang pa rin ako, Arki," nakayukong sabi nito.

"Dahil pinili niyang iligtas ako," sumabat si Roni at umakbay kay Vivienne. "Ginawa namin ang lahat para makabalik, para makatulong sa'yo." Binigyan siya nito ng maiksing yakap.

"Salamat, Roni, salamat, Vee," sabi niya sabay bumaling sa kabila at nakita niya sa may pintuan nakatayo si Rahinel katabi ang guro nilang si Sir Karl, si Jaakko naman ay tahimik lang na nakaupo sa tabi. "S-Salamat sa inyo. Nasaan si Mari?"

Kaagad na ibinigay sa kanya ni Leo ang kanilang sarimanok at hindi niya mapigilang yakapin iyon. Pinigilan niyang lumuha nang maalala si Lola Bangs at lihim niyang pinasalamatan ito. Pagkatapos

"Alam na namin, Arki," sabi bigla ni Leo. "Kaya naman tara na—lusubin na natin si Sitan—aray!" bigla itong nakatikim ng batok kay Jazis.

Napaisip saglit si Arki, alam niyang lalabas din ang katotohanan. "S-Sorry kung hindi ko sinabi sa inyo, sorry kung naging selfish ako—"

"Napag-usapan na namin ang bagay na 'yan," sabi ni Rahinel at lumapit sa kanya. "Naiintindihan namin kung bakit mo 'yon ginawa."

"R-Rah, 'yung kamay mo." Alam ni Arki na higit kay Rahinel dapat siyang humingi ng tawad sa paglilihim ng kanyang sikreto.

Hinawakan siya ni Rahinel gamit ang kamay nitong may benda. "Okay na ako, Arki." Walang bakas ng pangamba ang ngiti nito.

"S-Si Ate Shiela?" kaagad niyang binawi ang kanyang kamay.

"May importanteng pagpupulong na dinaluhan ang ate mo," sagot nito. "May kailangan kang makita."

Hindi na siya nakatanggi pa nang iginiya siya ni Rahinel patungo sa pintuan. Tinanguan na lamang siya ng mga kasama nila kaya hinayaan niya ang sarili niya na sumama kay Rahinel. Ilang sandali pa'y napadpad sila sa kabilang silid.

"Maiwan ko muna kayong dalawa," sabi ni Rahinel, tinapik muna bago siya umalis.

Nagugulumihanan man ay dumiretso lang si Arki sa loob hanggang sa mapansin niya na may babaeng nakaupo sa gilid ng bintana.

At bago pa man niya matawag ang pangalan nito'y lumingon ito sa kanya.

"Y-Yumi?"

"Arki." Tumayo ito at dali-dali siyang lumapit dito at niyakap ito ng ubod ng higpit.

"Yumi!" Hindi niya mapigilang maluha at mapangiti. Nang bumitaw siya rito ay nakita niya rin ang luhaan nitong mukha. Kaagad niyang napansin ang pagbabago sa pisikal nitong anyo, sobrang pumayat ito. "Diyos ko, Yumi, salamat at ligtas ka! Pero... Pero hindi ka dapat nandito—"

"Arki, desisyon ko na sumama muli kila Leo na bumalik dito sa Ibayo," sabi nito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Ang dami ninyo nang isinakripisyo para sa'kin. Hayaan mo akong tumulong sa pagkakataong ito."

Muli niya itong niyakap. "Ikaw ba ang nanggamot sa'kin?" tumango si Yumi. "Salamat, Yumi."

Umiling si Yumi sabay bitaw sa kanya. "Ako ang dapat magpasalamat sa'yo, Arki. Sa lahat-lahat." Ngumiti siya rito.

"Ang dami nating dapat pag-usapan, Yumi..."

"Alam ko, pero hindi muna ngayon," sabi nito at hinila siya papunta sa silid na pinanggalingan niya at sinalubong sila nila Leo.


*****


NANG sumapit ang gabi'y masayang sinalubong ni Arki si Shiela nang dumating ito mula sa mahabang pagpupulong.

"Salamat sa diyos at maayos ka na," sabi sa kanya ni Shiela, bumitaw pagkatapos at humarap sa kanyang mga kasama. "Kamusta kayo? Pasensya na kung matagal kayong naghintay dito sa infirmary."

"Okay lang po, Ate Shiela, nagugutom na nga po kami eh!" nakangiting sabi ni Leo. "Wala pa po bang bakbakan?" sabay na binatukan ito ni Roni at Jazis.

"Alam mo, bakit hindi ka na mauna kay Sitan?" inis na sabi ni Jazis at nailing na lang si Arki.

"Kasi naman, game na game na 'ko sa bakbakan nang lumipad tayo rito!" sagot naman ni Leo. Hindi nila namalayan kanina ang oras sa dami ng kwento ni Leo, nilahad lang naman nito ang bawat detalye kung paano sila nakarating sa Hilusung nang mabilis.

Sa kabutihang palad kasi'y dahil sa pagkakasira ng bawat Ugod sa Ibayo ay madali nang nilipad ni Mari ang Hilusung mula sa kaharian ng Sama Dilaut. Nang kamustahin ni Arki si Sultana Sulu'y hindi ito nakita nila Leo sa gitna ng labanan.

"As in, beast mode din sa paglipad si Mari! Sobrang bilis, kala mo jet fighter ang peg!" eksaheradang pagkakalahad ni Leo sa kanila kung paano lumipad ang sarimanok.

"Tara na sa cafeteria, alam kong gutom na kayo," sabi ni Shiela sa kanila, inakbayan si Arki, hinila naman ni Arki si Yumi at nauna ang tatlo lumabas.

Napansin ni Rahinel ang hindi maputol na titig ni Karl kay Shiela kaya tinapik nito ang kaibigan.

"You can talk to her all you want after this war," sabi ni Rahinel sabay labas at napabuntong hininga naman si Karl.

Si Vivienne at Roni naman ay magkahawak-kamay na naglakad palabas at kaagad namang sumunod sila Leo.

"Teka, kelan pa naging kayo? What?! Kayo na?!" bulalas ni Jazis.

"Inggit ka?" pang-aasar naman ni Roni. "Andyan naman si Leo, oh."

"YUCK!" Naunang naglakad si Jazis.

"Hoy, kapal mong mandiri sa'kin—" natigil si Leo nang mabunggo niya si Jaakko. "J-Jaakko?! B-Bakit andito ka?!"

"Tch." Hindi sumagot si Jaakko.

"He helped us," sabi ni Vivienne. "For some reasons, he got stuck here."

"Aba, aba, aba, character development ba ng kontrabida itu?" pang-aasar ni Leo at hinampas-hampas pa si Jaakko.

"If you don't shut up I'll transform into a fucking dragon and I'll kill you."

"Sabi ko nga ang masamang damo, masamang damo na talaga," sabi ni Leo at bahagyang natawa na lang si Roni at Vivienne.

Pagdating sa cafeteria ng Kampo Uno ay tumambad sa kanila ang malaking gusali at napakaraming nakahandang pagkain na animo'y isa silang bisitang pandangal. Malugod silang kumain, at hindi nag-aksaya ng oras si Shiela at kaagad na ipinaliwanag ang mga napag-usapan nila ng iba pang mga natitirang kapitan ng Kampo Uno.

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa Kampo Uno ng mga Maharlika simula nang maglaho si Benjamin Aquinas at nang makakawala ang mga diyos at diyosa mula sa kulungang ginawa nito na siyang pinaghuhugutan ng kapangyarihan ng bawat Maharlika.

Dahil sa nabunyag na madilim na lihim ng supremo ay nawalang bisa ang parusa kina Shiela at nagkaroon ng pagpupulong ang lahat ng mga may matataas na ranggo sa Kampo Uno.

Samantala'y hindi nakipagtulungan ang mga loyalista kay Benjamin Aquinas, hindi ito lumaban at bigla na lamang naglaho. Mabuti't mas marami pa ring naiwan ang nagboluntaryong tumulong kila Shiela.

Kaya naman nagpulong ang mga kapitan ng Kampo Uno upang hati-hatiin ang natitirang hukbo para sa mga sumusunod na misyon: protektahan ang kabilang mundo, lumaban kasama kay Arki, at protektahan ang Kampo Uno mula sa mga sasalakay.

"Pero paano ang mga Maharlika ng ibang mga kampo?" tanong bigla ni Karl, tinutukoy nito ang katrayduran na ginawa ng Kampo Dos.

"Nasa magulong estado ang organisasyon ng buong Maharlika, tiyak kong magiging kalaban din sila ng Kampo Uno," sagot ni Shiela. "Ang Kampo Tres ay nabalitaan kong tumutulong sa Siranaw."

"Can I ask where the gods and goddesses of Kampo Uno right now?" biglang tanong ni Vivienne, nasa isip nito na gustong makita muli ng personal ang mga diyos at diyosa. "Are they going to help us in this war?"

"Oo, Vivienne, kasalukuyan silang kasama ng mga kapitan ng bawat tribo ng kampo."

"Alright, mas malakas chances natin manalo sa gera!" bulalas ni Leo.

"Sana nga'y gano'n ang mangyari, Leo," sagot ni Shiela sa mababang tono. "Napakatagal na panahon silang ikinulong sa pedestal ng mga naging supremo, iyon ang dahilan kung bakit namin nagagamit ang mga kapangyarihan nila."

"Huwag kayong mawalan nang pag-asa." Sabay-sabay silang napatingin sa pinanggalingan ng tinig.

"W-Woah!" Nagulat sila nang makita ang apat na diyosa sa likuran ni Arki. Si Aman Sinaya ang nagsalita. Nasa anyong diwata pa rin sila.

Tumayo si Arki para ipaliwanag ang sitwasyon niya. "Pero kahit na hindi ko nakuha ang basbas nila Maria Makiling. May naisip akong plano para matalo si Sitan."

"Anong plano?" tanong ng lahat. Maging ang apat na diyosa ay naintriga sa kanyang sinabi.

Pinagmasdan ni Arki ang mga kasama, si Shiela, Rahinel, Yumi, Leo, Jazis, Roni, Vivienne, Sir Karl, at Jaakko. Hindi niya maiwasang mamangha na ganito na kalayo ang narating nila sa paglalakbay nila na 'to. Napatingin siya kay Mari na nasa sahig at muling naalala si Lola Bangs.

"Palagi mong tatandaan... Hindi ka nag-iisa."

Humugot nang buntong hininga si Arki at ngumiti sa lahat, hinihintay ang susunod niyang sasabihin.

Subalit bago pa mabukas ni Arki ang kanyang bibig ay nakarinig sila nang malakas na pagsabog. Naging sunod-sunod 'yon at mabilis na kumilos ang lahat.

Sa isang iglap ay nawasak ang kalahati ng cafeteria. Sa tulong ng mahika ni Jazis ay hindi sila natamaan ng mga bumagsak na bagay.

"A-Anong nangyari?!"

Katabi ng bilog at maliwanag na buwan sa langit, nakita nila ang isa sa mga bakunawa ni Sitan. Mula sa kung saan ay matagumpay na nakasalakay ang mga kampon ng kadiliman sa Kampo Uno. Huli na para magplano ng mga susunod na hakbang dahil matagal nang sumiklab ang digmaan.

"Arki!" sigaw ni Rahinel at dali-daling hinugot ang nagbabaga niyang espada. "Si Arki ang pakay nila! Protektahan ang huling binukot!" sa sigaw ni Rahinel ay kumilos ang lahat.

Nabigla si Arki dahil namalayan na lang niya na hinila siya ng mga 'to sa likuran upang hindi siya mapahamak.

"Arki, we got you, girl!" sabi ni Jazis na may hawak na isang tungkod. Si Leo ay nilabas ang sandatang minana mula kay Makisig. Si Vivienne ay nilabas ang kanyang pana, si Roni ay kaagad na naging tikbalang.

May mahigpit na humawak sa kanyang kamay, nakita niya si Yumi. Nasa tabi nito si Jaakko na handang magpalit anyo anumang oras para protektahan si Yumi.

Nanlaki ang mga mata ni Rahinel nang makita niya na may nilalang na nakasakay sa likuran ng bakunawa, ang taong pumatay sa kanya noon, maging si Jaakko ay nabigla nang makita si Khalil o si Datu Bagobo.

At bago pa umatake ang bakunawa sa kanila ay sumigaw si Leo.

"Sulong, Team Binukot!"



-xxx-


ABANGAN: All out digmaan na sa susunod na kabanata! Maraming salamat sa paghihintay! 

Featured comments from the previous chapter, maraming salamat sa mga nakakatabang puso n'yong comments! @InosentengKahlil @KCMella Demon_Queen_09

#PADAYON

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top