/71/ Sa Isang Kundisyon

ANG NAKARAAN:

Nakausap na rin sawakas ni Arki ang apat na diyosa at binigyan siya nito ng direksyon na pumunta sa Devatas kung nasaan ang reyna ng mga diwata na si Makiling upang humingi ng basbas nang sa gayon ay lumakas ang Hatualu na kanyang kapangyarihan.

Samantala'y matapos dumating at patayin ng mga Maharlika ng Kampo Uno ang mga halimaw ay dinakip ng mga 'to sila Shiela, Raneah, Rahinel at Vivienne. Nang maiwan sina Karl, Leo, Yumi, Jazis, at Roni ay binura ng mga Maharlika ang kanilang mga alaala.


Kabanata 71:
Sa
Isang
Kundisyon

SA gabay ng apat na diyosa ay tinuro ng mga 'to ang direksyon kina Arki at Jaakko patungong Devatas, ang kaharian ng mga diwata kung nasaan ang kataas-taasang reyna nito, si Maria Makiling. Nagpalit anyo si Jaakko bilang agila at kasalukuyan silang lumilipad ngayon sa ere. Hindi nakaligtas sa kanilang paningin ang mga kaganapan sa kapatagan.

"A-Anong nangyayari sa kanila?" tanong ni Arki sa sarili habang nakatingin sa ibaba kung saan ay may digmaang nangyayari sa pagitan ng mga tikbalang at mga kampon ni Sitan na nakakawala sa Kasakitan.

"Mga kampon ni Sitan," sagot ni Aman Sinaya. "Nangyayari na ang mga nakita noon ni Tala."

"Tala?"

"Isa sa mga anak ni Bathala. Siya rin ang nakakita ng propesiya sa mga bituin na ang huling binukot ang magwawakas sa kasamaan, ikaw 'yon, Rajani," sabi ni Magayon.

"Yeah, no pressure!" bulalas ni Anitung Tabu.

Labag man sa kalooban ay tinuon ni Arki ang atensyon sa harapan at hindi na tiningnan pa ang mga kaguluhan sa ibaba. Hindi niya maiwasang makunsensya dahil pakiramdam niya'y nangyayari ang lahat ng 'to dahil sa kanya, kung hindi nakuha ni Sitan ang Mutya sa kanya'y hindi lalaganap ang kasamaan sa Ibayo.

Napuno ng pag-aalala ang kanyang isip at damdamin nang maalala ang lugar na mga pinanggalingan nila noon, ang Sam Dilaut, Siranaw, at Srivijaya. Tiyak niyang kasalukuyan ding nagkakaroon ng kaguluhan doon dahil sa mga nagising na selestiyal.

"Mahal na prinsesa, huwag kang mangamba." Narinig niya ang malambing at mahinahong boses ni Lakapati na naramdaman ang kanyang dinidibdib. "Ituon mo lamang ang iyong atensyon sa pakikiusap sa mga pinuno ng apat na elemento na bigyan ka ng basbas. Malakas ang paniniwala ko na tutulungan ka nila."

"Oo nga, Arki," sinundan 'yon ni Anitung Tabu. "Si Makiling ang kailangan mong kumbinsihin dahil naniniwala sa kanya ang iba pang mga pinuno. Kapag nabigyan ka nila ng basbas ay magagamit mo to the max ang powers namin, ang Hatualu."

"Gagabayan ka namin, Rajani." Si Aman Sinaya.

Tumango na lamang si Arki at mas lalong binilisan ni Jaakko ang paglipad patungong Devatas. Sinubukang iimahe ni Arki ang kanyang bagong makakaharap. Parang noon lang ay naririnig niya ang kwento tungkol kay Maria Makiling, hindi niya sukat akalaing ito pala talaga ang reyna ng mga diwata rito sa Ibayo.

Ilang sandali pa'y matapos nilang madaanan ang kapatagan at kabundukan ay napasok nila ang kaharian ng mga diwata, ang Devatas. Napaliligiran ito ng mga bundok kakahuyang punum-puno ng makukulay na bulaklak, at isang ilog na nagdudugtong patungo sa pinakamagandang talon sa Hilusung.

Marami nang nakitang magaganda at kakaibang bagay si Arki sa Ibayo subalit hindi pa rin niya mapigilang mamangha nang makita ang enggrandeng palasyo ni Makiling. Kumikinang at halos abutin ang langit, tila nakiisa ang itsura nito sa kalikasan na pinaghalong asul, kayumanggi, at berde.

Tumambad sa paningin nila ang hukbo ng mga diwata na papalabas ng kaharian, batalyon ang dami ng mga 'to na handang sumabak sa gera. Nagbalik sa sarili si Arki nang marinig ang tinig ng apat na diyosa na may inuusal na hindi maintindihang lenggwahe.

Diri-diretso ang paglipad ni Jaakko nang lumitaw sa harapan nila ang isang mistikal na portal na ginawa ng apat na diyosa. Pagpasok nila sa loob ay nag-iba ang kapaligiran, napunta sila sa isang tila magarbong bulwagan.

Bumasak sa marmol na sahig si Arki at si Jaakko na bumalik sa normal na anyo.

"A-Aray ko," daing niya sabay hampas sa katabing si Jaakko. "Hindi ka ba marunong mag-landing?! Daig ka pa ng sarimanok naming si Mari!"

"This bitch is so ungrateful," bulong ni Jaakko na hindi nakaligtas sa pandinig niya.

"Sinong bitch—"

"Sshh... Nandito na kayo sa palasyo ng reyna ng mga diwata," sabi ni Magayon na nagpatigil sa kanilang dalawa sa pag-aaway.

Nang makatayo silang dalawa ay nilibot nila ang paningin at halos malula sa nakita.

"Akala ko ang palasyo na ni Prinsipe Bibot ang pinakamagandang nakita ko... Hindi pa pala," 'di maiwasang mamutawi ni Arki ang pagkamangha.

"Saan ba tayo pupunta? Just finish your business nang makauwi na tayo—" Dali-daling hinila ni Arki si Jaakko para magtago sila sa likuran ng malaking poste. Ang apat na diyosa naman ay nanatili sa kanyang likuran.

"Mas mainam siguro kung maging langaw ka muna ulit, Jaakko," mahinang sabi niya rito.

"Hah?! You want me to become—"

"Please, Jaakko, seryoso ako. Natatandaan mo ba na noong naging langaw ka ay naligtas ako?" Halatang napaisip si Jaakko nang sabihin niya 'yon. "Just in case of emergency lang, hindi maganda ang kutob ko ngayon." Aminado si Arki sa sarili na hindi siya kampanta sa gagawin niya.

Sa huli'y walang nagawa si Jaakko kundi sumunod sa kanyang utos, gamit ang kabibe ni Kaptan ay walang kahirap-hirap na naging langaw ito. Dumapo si Jaakko sa kanyang balikat at saka siya humarap sa apat na diyosa.

"H-Handa na ako," sabi niya.

Tumango ang apat na diyosa at nauna ang mga 'yon na lumipad upang ituro sa kanya ang daan papunta kay Makiling. Walang ibang nakakita sa kanila at nakarating siya sa harapan ng isang malaking pintuan. At bago pa siya makakatok ay may narinig siyang nagsalita.

"Tumuloy ka, Indio." Isang tinig ng babae na halos umalingawngaw sa paligid, malamig, malalim, subalit mararamdaman mo na sa pananalita pa lamang nito'y may tinataglay na kapangyarihan.

Kusang bumukas ang malaking pinto at halos masilaw siya nang bumukas ang loob. Dahan-dahan siyang pumasok sa silid kung saan ay naroon si Maria Makiling. Halos mapanganga si Arki dahil sawakas ay kaharap na niya ngayon ang diwatang naririnig lamang niya sa kwento noon.

"Ikinalulugod namin na makita ka, Diyan Masalanta." Nakita ni Arki ang apat na diyosa sa harapan niya na yumuko bilang paggalang at pagbati kay Maria Makiling. Kaagad siyang nagtaka.

"Hmm... Kay tagal kong huling narinig na may tumawag sa aking lumang pangalan," sagot ni Makiling habang nakatalikod pa rin sa kanila. "Sa palagay ko'y totoo nga ang naging hakahaka noon tungkol sa isang prinsesang mortal na binasbasan ni Bathala ng kapangyarihan, at siyang mismong dahilan kung bakit nagkakaroon ng kaguluhan ngayon sa aming paraiso."

Dahan-dahang lumingon si Maria Makiling sa kinaroroonan ni Arki at hindi maiwasang mamilog ng kanyang mga mata nang makita ang reyna ng mga diwata. Higit pa sa mga salitang narinig niya noon ang tinataglay nitong kagandahan.

"Si Sitan ang dahilan ng kaguluhan, Maria," nagsalita si Magayon. "Ang huling binukot ang nakita ni Tala sa propesiya na siyang magwawakas ng kaguluhang ito."

Nanatiling nakatayo si Maria Makiling sa kanyang kinaroroonan habang nakatingin sa kanya, pakiramdam ni Arki'y tumatagos ang titig nito hanggang sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa.

"Kung gano'n ay narito kayo upang humingi ng basbas. Bakit mukhang hindi nakakapagsalita ang prinsesang Indio?" malamig na sabi ni Maria Makiling habang nakatitig pa rin sa kanya.

Walang ibang nagawa ang apat na diyosa kundi hindi magsalita at tumingin sa kanya, isang senyas na siya dapat ang magkumbinsi sa reyna ng mga diwata.

"A-Ano po... Ako nga po pala si Arissa Kim Bonifacio, Arki na lang for short." Gustong sampalin ni Arki ang sarili dahil nauumid siya sa kaharap na reyna. "N-Narito po ako upang humingi ng tulong sa inyo. Kailangan ko po ng inyong mga basbas nang sa gayon ay magamit ko ng husto ang Hatualu, para... para matalo si Sitan."

Namayani ang katahimikan pagkatapos dahil hindi na nagsalita pa si Arki at nanatiling nakatingin lang si Maria Makiling sa kanya. Ilang sandali pa'y bumaling si Maria Makiling sa apat na diyosa.

"Nakatala rin ba sa propesiya na nakita noon ni Tala na tutulungan ng mga elemento ang huling binukot?" sa tanong na 'yon ni Maria Makiling ay nagkatinginan ang apat. Naramdaman ni Arki na tila hindi siya magtatagumpay sa pagkumbinsi rito kaya pinilit niya muling magsalita.

"Pakiusap po! Kailangan ko po talaga ng basbas ninyo dahil gusto kong tapusin ang kasamaan ni Sitan... Para sa kapayapaan ng Ibayo at para makauwi na sa amin. Hindi man ako karapat-dapat ng kapangyarihan ninyo pero sisiguraduhin kong kakayanin ko..."

Sumilay ang matipid na ngiti sa mukha ni Maria Makiling matapos marinig ang kanyang sinabi.

"Nararamdaman ko ang pag-aatubili sa iyong puso, Indio," sabi nito sa kanya. "Subalit sa kabila nito'y nakikita kong busilak ang iyong intensyon. Kung parte ng iyong kapalaran ang katapusan ni Sitan at narito ka ngayon sa aking harapan—kung gano'n ay maaari kitang tulungan."

Napawi ang pag-aatubili ni Arki noong mga sandaling 'yon. Pumitik si Maria Makiling at mula sa kawalan ay lumitaw ang tila hologram ng iba pang mga pinuno, si Haring Dugwas ng mga duwende, si Haring Tibargo ng mga tikbalang, at si Reyna Sabelia ng mga sirena.

"Mga kaibigan, narito sa inyong harapan ang Indio na nasa propesiya ni Tala na nakatakdang magwakas ng kasamaan n gating kasalukuyang kalaban," panimula ni Maria Makiling. "Sa tingin ko'y karapat-dapat natin siyang bigyan ng basbas."

"Hah! Siya ang Indio na nakatakas sa aking minahan!" bulalas ni Haring Dugwas. "Hindi maaari! Nang dahil sa kanya'y nagkaroon ng kaguluhan dito!" Naalala bigla ni Arki ang mga mortal na naiwan sa kaharian ng mga duwende, sumakit ang kanyang damdamin nang maalala si Palita at ang pangmamaltrato ng mga duwende sa kanila.

"Dugwas, sa tingin ko'y hindi ito ang oras upang kumontra, nasa kaguluhan ang buong Hilusung dahil kay Sitan! Ang sabi ng aking mga tauhang sirena sa norte'y malapit nang mabuwag ang ugod! Hindi maganda kung sasalakay pa rito ang mga halimaw na 'yon," nagsalita ang reyna ng mga sirena.

"Sang-ayon ako kay Sabelia, Dugwas," sinundan 'yon ng hari ng mga tikbalang. "Sa lalong madaling panahon ay kinakailangang solusyunan ang problema, kung isa 'tong paraan sa solusyon ay malugod kong babasbasan ang Indio na ito."

"Dahil ano? Siya ang nasa propesiya? Matagal nang wala ang mga diyos at diyosa sa Hilusung! Tayo na ang naghahari rito!"

Nagpatuloy sa pagmamatigas si Haring Dugwas. At habang nagtatalu-talo ang tatlo'y nanatiling tahimik si Maria Makiling at naramdanan nito ang kanyang iniisip. Nangingibabaw ngayon sa isip ni Arki ang mga mortal na inaalipin sa mundong ito, naalala niya ang mga kaawa-awang tao na nanakit sa kanya. Naghari ang awa at habag sa kanyang puso.

Sa huli'y wala nang nagawa si Haring Dugwas kundi magpatalo at pumayag na basbasan siya. Nagbalik si Arki sa sarili nang maramdaman ang titig ng apat na diyosa at apat na pinunong elemento.

"Handa ka na bang tanggapin ang basbas namin, prinsesa?" tanong sa kanya ni Makiling.

Subalit hindi siya nakapagsalita 'agad.

"May gusto lang po akong sabihin," sabi niya. "Na may kundisyon ako sa pagpaslang kay Sitan."

Hindi mapigilang mapamaang ni Haring Dugwas, nanatiling walang emosyon ang mukha ni Maria Makiling, nagkatinginan si Haring Tibargo at Reyna Sabelia. Ang apat na diyosa naman ay sumilay ang pagtataka sa mukha.

"Palalayain n'yo ang mga tao, mangako kayo na hindi n'yo na aalipinin ang mga mortal sa Hilusung."

Ilang segundo ang lumipas matapos niyang sabihin 'yon nang may paninindigan ay humagalpak ng tawa si Haring Dugwas. Halata sa mukha ng hari ng tikbalang at reyna ng sirena na hindi nagustuhan ang kanyang kundisyon.

"Lapastangan!" bulalas ni Haring Dugwas. "Mapang-abuso talaga ang mga Indio!"

"Kayo ang totoong mapang-abuso," sagot niya rito na ikinatahimik nito. "Hindi n'yo ba naiintindihan kung bakit ginawa 'to ni Sitan? Galit siya kay Bathala dahil kinulong sila rito sa Ibayo, pero si Sitan... Siya ang naging pag-asa ng mga mortal na inaalpinat inaabuso n'yo. Naniwala sila kay Sitan na palalayain sila nito kaya nagdidiwang ang mga mortal ngayon sa kaguluhang nangyayari sa Hilusung."

Walang makapagsalita sa kanyang tinuran. Nawala ang kahit anong pangamba at pag-aalinlangan kay Arki dahil seryoso talaga siya sa gusto niyang mangyari.

"At kung hindi namin tuparin ang iyong kagustuhan?" malumanay na tanong ni Maria Makiling.

"Hahayaan kong gumuho ang mundong 'to," direktang sagot niya.

"Arki!"

"Rajani!"

"Mahal na prinsesa!" kanya-kanyang bulalas ng pangalan niya ang mga diyosa, lubos na nagulat na nagawa niya 'yong sabihin.

Muli siyang tinitigan ni Maria Makiling, alam niyang sinisipat nito ang buo niyang pagkatao kung gaano siya kaseryoso sa kanyang mga sinabi. Kampante si Arki, alam niya na papasa siyas a paglilitis nito. Tumingin sa sahig si Maria Makiling pagkatapos, nakita ang totoo niyang katapangan. Nakapagpasya na ang reyna ng mga diwata, at tinanggap ang pagkatalo.

"Kung gano'n—" Subalit bago pa tuluyang makapagsalita si Maria Makiling ay sumulpot mula sa kawalan ang isang magnipikong mandala, napaatras ang apat na diyosa maging si Arki dahil sa lakas ng presensiya nito.

"Kamusta, mga kaibigan?" isang lalaki, na pamilyar kay Arki, ang sumulpot. Nagulat din ang apat na pinuno sa pagdating ng isang Maharlika.

"Ano ang sadya ng pinuno ng mga Maharlika rito?" tanong ni Haring Tibargo subalit hindi ito pinansin ng lalaki at diretsong lumapit sa kanya.

"Magandang araw sa'yo binibini, at sa inyong mga napakagandang mga diyosa," nakangiting pagbati ng lalaki sabay halik sa kanyang palad. Kaagad nagtaka ang mga diyosa dahil nakikita nito sila. "Ipagpaumanhin mo ang biglaan kong pagdating. I am Benajmin Aquinas IV, I am the supremo and founder of Maharlikas—"

"I-Ikaw 'yung Vice-President ng Pilipinas..." halos pabuong na sabi ni Arki na hindi rin makapaniwala.

"Tama ka, binibini. Nabalitaan ko rin mula sa iyong kapatid na si Shiela na ikaw ang huling binukot ng alamat." Nakaramdam siya ng masama sa pag-ngiti nito.

"S-Si Ate Shiela—"

"Pero hindi ko hahayaang pumayag ang mga elemento sa gusto mo na pakawalan ang mga mortal dito sa Hilusung."

Mabilis at mahigpit siyang hinawakan ni Benjamin Aquinas, nawalan siya ng lakas sa tinataglay nitong mahika—maging ang apat na diyosa. Lumitaw muli ang mga mandala at sa isang iglap ay naglaho sila sa harapan ng apat na pinuno ng Hilusung.


*****



NANG tumama ang sikat ng araw sa kanyang nahihimbing na mukha ay dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Yumi. Ilang segundo siyang tumitig sa kisame bago siya bumangon.

Tumingin si Yumi sa kanyang kapaligiran at napagtantong nasa kanyang kwarto siya ngayon. Sunod tiningnan ni Yumi ang kanyang mga kamay at nakita ang dumi ng kanyang mga kuko. Kinapa niya ang kanyang leeg at walang nakapang kahit na anong kakaiba, nawala na ang sakit.

Bumangon si Yumi atsaka lumabas ng kanyang silid. Naabutan niya sa kumedor ang kanyang tiyahin na biyuda, kumakain ng almusal habang nanonood ng telebisyon.

"Mayumi, gising ka na pala, kain na," sabi nito sa kanya.

Kusang gumalaw ang kanyang katawan at sinunod ang utos ng kanyan Tita Mercy. Pagkaupo niya'y kaagad niyang nalanghap ang masarap na aroma ng pagkain, bagong luto na sinangag, itlog, tuyo, tapa, hotdog, pandesal, at prutas na manga.

Natulala lamang si Yumi sa dami ng pagkain sa hapagkainan habang naririnig niya ang balita. May mga kakaibang kaganapan ang nangyayari na hindi maipaliwanag ng siyensiya, may mga nagkalat na larawan at video ng mga halimaw subalit hindi iyon napatunayan, ang mga tao'y nakaranas ng iba't ibang bangungot, at marami pang iba.

Napailing si Mercy habang nakatutok ang mga mata sa pinanonood na balita.

"Naku, mas mabuti kung sasabay ka na palagi sa akin sa pag-uwi, Yumi. Hindi natin masasabi sa dami ng nagkalat na masasamang loob sa paligid." Natigil ang kanyang tiyahin nang makita siyang nakatulala. "Yumi? Hija? Mahuhuli ka sa klase kapag hindi ka kumilos—"

Walang anu-ano'y sinunggaban ni Yumi ang pagkain, ni hindi na niya ginamit ang kutsara't tinidor. Halos lumuwa naman ang mga mata sa gulat ng kanyang Tita Mercy nang makita kung paano niya dakmain ang tapa at kinain na sabik na sabik.

"Y-Yumi?!" hindi mapigilan ng kanyang tiyahin na sitahin siya. "G-Gumamit ka ng kutsara't tinidor! Diyosmiyo!"

Noong mga sandaling 'yon ay tila nabingi si Yumi dahil mas nangibabaw sa kanya ang labis na gutom. Alam ng kanyang katawan na maraming araw na siyang hindi kumakain ng disenteng pagkain. Kusang kumilos ang kanyang katawan upang magkaroon ng laman ang kanyang tiyan at magkaroon siya ng lakas.

Nang maramdaman niya ang pagkabusog at pagkakaroon ng enerhiya ay huminto si Yumi, ilang segundo ang lumipas nang dumighay siya ng malakas. Hindi pa rin makapaniwala si Tita Mercy sa nasaksihan.

"Yumi, ang isang dalaga'y hindi—" bago pa matapos nito ang sasabihin ay tumayo si Yumi at niyakap ang kanyang tiyahin. "Yumi? Hija? Anong problema?"

Hindi pa rin mawari ni Yumi kung bakit pero alam ng katawan niya kung anong nangyari. Hindi siya sumagot bagkus ay tumulo ang kanyang luha.

"Yumi? Bakit? May masakit sa'yo? Diyosmiyo kang bata ka," nag-aalalang tanong nito nang bumitaw siya.

Pinahid ni Yumi ang luha. "S-Sobrang sama po ng panaginip ko."

Pagkatapos ay hindi na inusig pa ni Tita Mercy si Yumi dahil oras na para gumayak para sa eskwela. Kumilos na rin noon si Yumi upang humanda sa pagpasok sa araw na 'yon. Sabay sila ng kanyang tiyahin na nakarating sa St. Rose High School kung saan siya nag-aaral.

Malakas at kalat na kalat ang usap-usapan tungkol sa mga balita. Hindi maiwasang marinig ni Yumi ang pinag-uusapan ng kanyang mga kaklase pagpasok niya.

"May nagviral na video ng aswang, peke raw."

"Ows? Ang dami ring balita ng mga nawawalang tao."

"Weird, isa pa 'yung pagkakapare-parehas ng mga panaginip natin."

"Chill lang kayo, nagkalat lang talaga fake news, hindi pa end of the world. Hindi totoo ang mga aswang."

Nanatiling tahimik si Yumi sa kanyang pwesto at sinubukang ibaling ang atensyon sa libro. Ilang sandali pa'y may tumapik sa kanyang balikat.

"Good morning, Yumi!"

"L-Leo, good morning," balik bati niya rito na nanlalatang umupo sa pwesto nito.

"Wala pa si Arki?" tanong nito subalit hindi siya nakasagot. "A-Ah... Sorry, hindi pa nga pala kayo nagbabati..."

Hindi na umimik pa si Leo pagkatapos. Napaisip siya bigla nang marinig ang pangalan ni Arki. Parang pakiramdam niya'y may gusto siyang sabihin kay Leo subalit hindi naman niya maisip kung ano. Nahinto ang mga agam-agam ni Yumi nang pumasok ang isang guro.

Mas lalong umigting ang pagtataka ni Yumi nang makita na iba ang guro nila. Tumingin siya kay Leo at nakitang maging ito'y nagtataka sa nakita.

"Psst." Tinapik ni Leo ang nasa unahan. "Bago na teacher natin? Nasaan si Ma'am Anita?"

"Huh? Okay ka lang, Leo? Ang tagal ng wala ni Ma'am." Nakakunot na sagot ng kaklase nila kay Leo.

"Huh? Anong nangyari kay Ma'am Anita?"

"Leo, palagi ka kasing tulog at lutang sa klase, matagal nang napalita si Ma'am Anita, ang sabi nag-AWOL daw kaya bago na 'yung adviser natin."

Hindi na nakasagot pa si Leo. Si Yumi naman ay biglang nakaramdam ng kakaiba nang marinig ang pangalan ng kanilang guro. Gusto niyang kausapin si Leo pero hindi niya magawa, maging siya'y nagulat sa balita.

"Si Arki at Jaakko absent na naman?" narinig niyang sabi ng kanilang guro. "Mag-iisang linggo na, ah."

Alam ni Yumi na hindi lang siya ang nagugulumihanan buong oras ng kanilang unang klase. Hanggang sa sumapit ang tanghalian ay hindi pa rin tinantanan si Yumi ng kanyang mga napanaginipan. Sa panaginip na 'yon ay kasama niya si Ms. Anita at kahindik-hindik ang mga ginawa nito sa kanya. May isang parte sa kanyang panaginip na nakita niya sina Arki, Rahinel, Shiela, Sir Karl, Jaakko, at sila Leo.

Hindi malinaw ang gitnang bahagi ng kanyang panaginip sapagkat naging sunud-sunuran siya sa isang babaeng kampon ng kadiliman, si Ms. Anita. Pilit winasiwas ni Yumi ang kanyang nasa isip at lumabas siya ng silid upang pumunta sa faculty room para sumabay sa kanyang tiyahin na kumain.

Bago pumasok si Yumi sa loob ng silid ng mga guro ay napahinto siya nang makita ang bulletin board sa gilid. Mga larawan 'yon ng kanilang mga guro sa iba't ibang asignatura. Kaagad nadapuli ng kanyang paningin ang mukha ni Ms. Anita.

Nakangiti si Ms. Anita sa larawan pero may bumulong sa kanyang isip na isa itong halimaw. Sa 'di malaman na dahilan ay tumulo ang luha ni Yumi at imbis na pumasok sa loob ng faculty room ay tumakbo siya papunta sa pinakamalapit na CR at nagkulong sa loob ng isang cubicle.

Habul-habol ni Yumi ang paghinga, napanood na naman niya sa isip ang kanyang panaginip. Natatandaan niya na totoong magkasama sila noon ni Arki, nag-uusap sila at binigay niya ang kwintas, nang sumulpot ang mga halimaw. Dinakip siya ni Ms. Anita dahil nagbabalatkayo lamang ito bilang tao.

Dinala siya sa isang lugar na hindi niya sukat akalaing totoo, pagkatapos ay naging malabo na ang lahat dahil hinipnotismo siya nito. Pero kahit nasa ilalim ng salamangka ng kasamaan ay natatandaan niya ang mga pinagdaanan niya.

Umiyak nang umiyak si Yumi hanggang sa kinapa niya ang kanyang leeg at napagtantong wala ang kanyang kwintas na palaging suot-suot, ang Mutya.

"K-Kung gano'n... T-Totoong binigay ko kay Arki ang kwintas... T-Totoong nangyari ang mga panaginip ko," bulong ni Yumi sa sarili.

Naalala ni Yumi ang lahat ng detalye sapagkat ngayon lamang tuluyang tumalab ang mahikang gamot ni Master Yogi sa kanyang isipan. Kung kaya't nang subukang burahin ng isang Maharlika ang kanyang alaala ay hindi iyon tumalab sa kanya.

Halos maubos ang kanyang paghinga nang unti-unting tanggapin ang katotohanan. Kaagad niyang naalala si Arki, sinusubukan siya nitong iligtas siya, sumunod ito sa kanila sa kabilang mundo upang iligtas siya.

"Arki..." Walang patid pa rin ang kanyang luha. "T-Tinulungan mo ako ng maraming beses noon..." Pinahid niya ang luha.

Lumabas si Yumi at naghilamos. Nang tumingin siya sa salamin ay wala na ang bakas ng kahinaan sa kanyang mukha.

"Kailangan mo ng tulong ko ngayon. Gagawa ako ng paraan," pagkasabi'y dali-daling lumabas si Yumi ng banyo at saka hinanap si Leo.


-xxx-


Abangan: Ang bise-presidente ng Pilipinas ay ang supremo ng mga Maharlika?! Bakit niya pinigilan at dinakip si Arki?! At si Yumi! Naalala niya ang lahat dahil sa malakas na mahika ni Anita, paano niya makukumbinsi sila Leo? 

Maraming salamat sa paghihintay at pagbabasa!

Kapit lang sa #TeamBinukot

#Padayon

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top