/70/ Ang Paglaho ng mga Alaala
ANG NAKARAAN:
Nagising na rin ang diyosang si Lakapati at niligtas sila nito at matagumpay na nakatakas sina Arki at Jaakko mula sa kamay ng mga duwende. Kaagad itong pinarating ng hari ng mga duwende na si Haring Dugwas sa iba pang mga pinunong elemento sa Hilusung.
Samantala'y pagkabalik nila Shiela, Karl, Raneah, Leo, Jazis, Roni, Vee, Yumi, at Rahinel sa normal na mundo ay sumalubong sa kanila ang mga kampon ng kadiliman na nagmula sa binuksang portal ni Sitan.
Kabanata 70:
Ang
Paglaho
ng Mga
Alaala
TILA walang katapusan ang pagsulpot ng mga kampon ng kadiliman mula sa kawalan. Tiniyempuhang luminga ni Shiela sa paligid, hinahanap ang senyales ng pagdating ng mga Maharlika subalit nagbalik siya sa ulirat nang lusubin siya ng isang sigbin, mabilis niya itong napaslang.
Tumingin si Shiela sa mga kasama at nakita sina Raneah at Karl na nakikipagbunuan din sa mga halimaw. Nang sulyapan niya ang grupo ni Rahinel ay hindi siya makapaniwala sa nakikita. Nakita niya kung paanong nagpalit ng anyo sina Roni at Vivienne at naging mabangis na tikbalang at aswang ang dalawa bago nilusob ang mga kampon ng kadiliman.
Pinaliligiran ng mga kabataan si Yumi na nakaupo pa rin sa wheelchair nito, tulala at tila wala pa rin sa sarili. Nasaksihan niya ang katapangan ni Leo gamit ang isang sandata, si Jazis naman ay may pambihirang mahika na inuusal kung kaya't sunud-sunod na tinamaan ng kidlat ang mga kalaban.
"Shiela!" narinig niya ang boses ni Karl at pinaslang nito ang halimaw na sana'y dadapo sa kanyang gilid.
Muli niyang itinuon ang pansin sa pakikipaglaban, nananalangin na tumigil na ang oras upang maging hudyat ng pagdating ng mga Maharlika. Sa ngayon ay kailangan muna nilang paslangin ang mga halimaw nang sa gayon ay hindi ito makalusob sa kanilang bayan.
Malaki ang tiwala ni Shiela na darating ang mga kasamahan nilang Maharlika mula sa Kampo Uno sapagkat isa sa kanilang tungkulin na protektahan ang normal na mundo.
"Leo?!" sigaw niya nang makitang sumubsob si Leo sa lupa. Mabuti't kaagad niyang napugot ang ulo ng halimaw na akmang dadakma kay Leo. "Okay ka pa ba?" nag-aalala niyang tanong saka tinulungan itong makatayo.
"T-Thank you po, Ate Shiela!" naramdaman niya ang panginginig ng braso nito subalit nakita niya ang determinasyon sa mga mata ni Leo nang muli nitong pulutin ang sandata.
Lumapit siya kay Yumi at sinigurong walang makakalapit na kahit anong halimaw dito. Lumipas ang oras at tila hindi pa rin natitigil ang pagsulpot ng mga halimaw, unti-unti na silang nauubusan ng enerhiya sa walang tigil na pakikipaglaban.
"Taympers! W-Wala bang taympers?!" dinig nilang sigaw ni Jazis na hapung-hapo mula sa pakikipaglaban.
Naubos na nila ang mga halimaw na dumadating kung kaya't kinuha nila 'yong pagkakataon upang makahinga. Bumagsak bigla si Roni sa lupa nang bumalik ito sa normal na anyo dahil masyado nitong ginamit ang kapangyarihan.
"Roni!" sigaw nila Leo at kaagad dinaluhan si Roni. Si Vivienne ay nanatali sa anyong aswang nang bigla nitong maramdaman ang presensiya ng paparating na mga halimaw.
Nanlaki ang mga mata ni Rahinel nang makita ang direksyon ni Vivienne kung saan ay may panibagong mga halimaw ang lumitaw mula sa kawalan. Mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanyang espada, sumulyap siya kay Yumi at inalala ang mga salita ni Arki.
Muli nilang natagpuan ang mga sarili na nakikipagpatayan sa mga halimaw, sa kabutihang palad ay walang nakakapuslit na halimaw sa kanila. Ang hindi lang alam ni Shiela ay kung nagkalat na ba sa iba pang lugar ang pagsulpot ng mga kampon ng kadiliman, katulad na lang ng nangyari noon.
Dinaluhan ni Rahinel si Leo na nahihirapan sapagkat pinuprotektahan nito ang walang malay na si Roni. Si Shiela ang nanatali sa tabi ni Yumi at sumunod dito si Karl. Samantala'y unti-unti na ring nauubusan ng lakas si Vivienne kung kaya't unti-unti na rin itong bumabalik sa normal na anyo.
"Huwag kayong mawalan ng pag-asa!" sigaw ni Shiela sa mga kasama. "Darating sila!"
Tila biglang dumoble ang pagdating ng mga halimaw matapos 'yon sabihin ni Shiela, sinusukat ang kanilang lakas at panalangin na nawa'y malagpasan nila ang bingit ng kamatayan.
At bago pa sila tuluyang mawalan ng pag-asa'y nag-iba ang kulay ng langit. Huminto si Shiela at Raneah dahil alam nilang iyon ang senyales na kanina pa nila hinihintay. May mga pwersa ng liwanag ang lumitaw mula sa kawalan at sa isang iglap ay kaagad na naging abo ang mga kampon ng kadiliman.
"Vee!" mabuti't nahatak ni Jazis si Vivienne at niyakap ito upang maprotektahan mula sa liwanag.
Naramdaman ni Vivienne ang pagkasunog ng kanyang balat dahil sa mahika ng mga Maharlika subalit sa kabutihang palad ay hindi siya naging abo.
Nang humupa ang liwanag ay lumapag sa lupa ang mga magigiting na nilalang na nakasuot ng salakot at pulang balabal, ang mga Maharlika ng Kampo Uno.
"Robert!" sigaw ni Raneah nang makita ang pinuno ng hukbo na tumulong sa kanila. Katulad ni Raneah ay isa ring kapitan si Robert.
Ibinaba nila Rahinel ang kanilang mga sandata nang mapagtantong kakampi ang mga bagong dating. Sumunod si Shiela kay Raneah.
"Robert, maraming salamat sa—" bago pa matapos ni Shiela ang kanyang pangungusap ay biglang nagdikit ang kanyang mga pulso at nakita ang isang mistikal na poses. "A-Anong ibig sabihin nito?"
"Robert?!" sigaw ni Raneah nang mapagtanto ang nangyayari.
Walang emosyong nagsalita si Robert sa kanila, "Ito ay direktang utos ng Supremo, Shiela at Raneah, kayo ay inaaresto dahil sa inyong maraming paglabag sa batas ng mga Maharlika."
Nagalubong ang kilay ni Shiela at parang sasabog ang kanyang dibdib dahil sa galit.
"Anong katrayduran?!"
"Napag-alaman namin ang totoo mula sa hepe ng Kampo Dos, Shiela," sagot ni Robert sa kanya. "Inilihim mo sa ating organisasyon ang iyong kaalaman tungkol sa huling binukot at ang pagkupkop sa'yo ng isa pang traydor at kriminal—si Barbara Salamanca."
"H-Hindi traydor si Lola Bangs!" sigaw ni Shiela.
Mula sa kawalan ay umatake si Rahinel gamit ang kanyang nagbabagang espada, subalit mabilis si Kapitan Robert ng Kampo Uno. Madaling naiwasan nito ang pag-atake, at dahil hapo na rin si Rahinel ay hindi niya naiwasan ang atake ni Robert na may kaakibat na mahika ng diyos na patron nitong si Apolaki.
Bumagsak si Rahinel sa lupa at mabilis siyang naposasan ng Maharlika at kahit anong piglas niya'y hindi siya makakawala.
Humarap si Robert kila Shiela at sinabing, "Dadalhin kayo sa presinto n gating Kampo at harapin ang nararapat na parusa sa inyo." Tumingin si Robert sa kinaroroonan nila Yumi.
"Walang kinalaman ang mga bata rito!" sigaw ni Shiela.
"Dakpin ang aswang na 'yon." Tinuro ni Robert si Vivienne at walang nagawa si Jazis ng kuhanin si Vivienne sa kanila. Humarap muli si Robert kay Shiela. "Huwag kang mag-alala dahil wala kaming gagawing masama sa mga normal na tao katulad nila. Katulad ng palagi naming ginagawa ay magiging panaginip lamang para sa kanila ang mga kaganapang ito."
"A-Anong—"
Bago pumitik si Robert ay nagkatinginan si Shiela at Karl. Bago pa masigaw ni Karl ang kanyang pangalan ay sa isang iglap ay nagbago ang paligid. Napapikit si Shiela at hindi mapigilan ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata...dahil alam niyang buburahin ng mga Maharlika ang memorya nila Karl, Yumi, Leo, Jazis, at Roni.
✧༝┉┉┉┉┉˚*❋ ❋ ❋*˚┉┉┉┉┉༝✧
WALANG naramdamang kahit anong sakit sa katawan si Arki nang dumilat ang kanyang mga mata. Tumambad sa kanyang paningin ang kulay berdeng mga puno at narinig niya ang paghuni ng mga ibon. Naramdaman niya ang malambot na lupa na kinahihigaan niya.
Dahan-dahan siyang bumangon at napagtantong nasa isang tila paraisong hardin siya.
"Mabuti't gising ka na," isang tinig ng babae at kaagad siyang napalingon. Nakita niya ang isang maliit na nilalang na lumulutang na nababalutan ng kayumangging na liwanag, animo'y isang diwata.
"L-Lakapati?"
"Ako nga, mahal na prinsesa," nakangiti nitong sagot. Nakakunot pa rin ang kanyang noo dahil ibang-iba ang anyo nito kumpara sa nakita niya noon.
"Helloooo, Arki darling!" halos mapatalon siya sa gulat nang sumulpot sa harapan niya ang isa pang maliit na nilalang na lumilipad, nababalutan naman ito ng asul na liwanag. "Na-surprise ka ba? Na-missed mo ba kami?!"
Kinusot ni Arki ang kanyang mata at tiningnang maigi ang nasa harapan.
"Annie, huwag mo ngang ginugulat ang prinsesa," dumating ang isa pang maliit na nilalang na nababalutan ng berdeng liwanag.
"Kamusta ang kalagayan mo, Prinsesa Rajani?" sinundan pa iyon ng isa pa, nababalutan naman ng pulang liwanag.
Napagtanto ni Arki na ang mga maliliit na nilalang na nasa harapan niya ngayon na nagmistulan fairy ay ang apat na diyosa: sina Anitung Tabu, Aman Sinaya, Magayon, at Lakapati.
"G-Guys!" lumiwanag ang kanyang mukha nang makilala ang apat diyosa. Maluha-luha siyang napangiti at hindi makapaniwala na nasa harapan na ang matagal na niyang gustong makausap. "P-Pero bakit ganyan ang mga anyo ninyo?"
"Ipagpaumanhin mo na ngayon lamang kami dumating, Rajani," sagot ni Magwayen. "Humina lalo ang aming pwersa nang kuhanin ni Sitan sa'yo ang Mutya."
"Pero pinilit naming bumalik dahil alam naming tinatawag mo kami," dagdag pa ni Aman Sinaya.
"We did our best, dear," sabi ni Anitung Tabu sa malungkot na tinig. "Ito lang ang kaya naming i-manifest na form dahil wala sa'yo ang Mutya. We're so tiny but cute pa rin! Aray ko naman, Amy!"
"Annie, hindi ito ang oras para sa mga biro," saway ni Aman Sinaya rito. "Sa ganitong anyo ay hindi natin matutulungan si Arki, para lamang tayong pangkaraniwang diwata!"
"Sorry naman, pero totoo naman at least cute pa rin—"
"Ang mahalaga'y gising na si Lakapati," sabi ni Magayon sabay baling sa tabi. "Ngayon ay maaari ka nang magsanay, Rajani."
"Patawarin mo ako, mahal na prinsesa, kung ngayon lamang ako dumating," malungkot na pahayag ni Lakapati.
"Girl, ang dami mong na-missed—oo nga sabi ko nga shut up na ako," sabi ni Anitung Tabu sabay tikom ng bibig.
"Magsanay?" balik-tanong ni Arki. "Gaano katagal ko kailangang magsanay? Hindi ba't wala ng panahon para roon?"
Nagkatinginan ang apat na diyosa. Nang namayani ang katahimikan ay saka napansin ni Arki na nawawala ang kanyang kasama.
"Teka, nasaan nga pala si Jaakko?" pagkasabi niya no'n ay siyang dating nito na basang-basa at may nahuling dalawang malaking bangus. "Hoy, saan ka galing?"
"You're welcome," nakasimangot nitong sagot. "Nakakahiya naman sa mahal na prinsesa at baka nagugutom ka na, ano."
"Wow, marunong ka pala manghuli ng isda," puri niya na may halong pang-aasar.
"OMG, who's the bagets?" tanong ni Anitung Tabu.
"Ah, si Jaakko, kumag 'yan," sagot niya.
"H-Hoy, sinong kausap mo?" gulat na tanong ni Jaakko.
At saka naalala ni Arki na hindi nga pala nakikita nito ang apat na diyosa. "Ay, sorry, 'yung mga friends kong diyosa nandito na sila at matutulungan na nila ako. Sayang, 'di mo sila nakikita."
Napailing na lang si Jaakko sabay upo para gumawa ng apoy. "Kung hindi lang sa dami ng mga pinagdaanan natin ay iisipin kong baliw ka na."
"Tss... Ikaw nga kaya mong maging kabayo, sana naging kabayo ka na lang palagi, mas bagay sa'yo," pang-aasar niya.
"Manahimik ka, hindi kita bibigyan nito, eh."
Nasanay na silang dalawa sa pang-aasaran at 'di kalaunan ay natigil din sila nang magkasalo silang kumain ng pagkain. Hindi pa rin komportable si Jaakko na makitang may kinakausap si Arki sa hangin dahil hindi nito nakikita ang apat na diyosa. Nakinig lamang si Jaakko sa pinag-uusapan nila.
'No choice but to team up with Arki. Mukhang sa kanya nakasalalay ang lahat, pati ang pagbalik ko sa normal na mundo. No choice but to help her.' Sa isip-isip ni Jaakko sabay sulyap kay Arki 'di kalayuan na tila kinakausap ang sarili.
"Kailangan na nating umpisahan ang training ko, para matalo na natin si Sitan!" determinadong pahayag ni Arki sa mga kausap.
Muling nagkatinginan ang mga diyosa bago muling humarap sa kanya.
"Tama ka sa sinabi mo kanina, Arki, masyadong huli na kung magsasanay ka," sabi ni Magayon.
"Pero huwag kang mapanghinaan ng loob dahil may naisip kaming paraan," nakangiting sabi ni Aman Sinaya.
"Ano 'yon?" nasasabik niyang tanong.
"Nasa Hilusung na tayo, kung hindi mo pa alam ay pinaghaharian ito ng apat na kaharian, ng mga duwende, diwata, tikbalang, at sirena." Lumapit sa kanyang mukha si Lakapati upang mas malinaw niyang marinig ang sasabihin nito. "Sila ang mga nagtataglay ng kapangyarihan ng bawat elemento. Ang hangin ay sa diwata, ang tubig ay sa sirena, ang lupa ay sa duwende, at apoy sa tikbalang."
"Kung gano'n... ang dapat ko bang gawin ay puntahan sila?"
"You got it right! Kailangan mo ng blessings nilang apat para ma-boost ang Hatualu powers mo!" bulalas ni Anitung Tabu.
"Ang kailangan mo lamang gawin ay puntahan ang reyna ng mga diwata sa kanilang kaharian. Kailangan mo siyang makumbinsi na bigyan ka ng basbas," sinundan 'yon ni Magayon.
Tumango si Lakapati. "Si Maria Makiling, ang reyna ng mga diwata, maimpluwensya siya sa iba pang mga pinuno. Kaya tiyak naming kapag pumayag siyang basbasan ka ay mababasbasan ka rin ng pinuno ng mga duwende, tikbalang, at sirena."
Napatango si Arki at ngumiti nang malapad. "Maraming salamat, alam ko na ang susunod kong gagawin."
Pagkatapos ng pag-uusap na 'yon ay tinawag niya si Jaakko.
"Kailangan ko ulit ng tulong mo, Jaakko," sabi niya rito.
"As if I had a choice," nabobored nitong sagot sabay ngiti nang matipid. "For the sake of going home, I'll help you."
Nang magkasundo silang dalawa ay kaagad nagpalit ng anyo si Jaakko, naging isang agila ito at mabilis na nilipad ang kataas-taasang kaharian ng mga diwata, ang Devatas.
✧༝┉┉┉┉┉˚*❋ ❋ ❋*˚┉┉┉┉┉༝✧
NATUYO rin ang mga luha ni Shiela nang makarating sila sa Kampo Uno. Sumalubong sa kanila ang enggrandeng kampo, ang lugar kung saan halos umikot ang kanyang buong buhay simula nang mapadpad sila ni Prinsesa Rajani sa modernong mundo.
Kumikinang ang bawat gusali, bawat kapwa Maharlika na makakita sa kanila'y umuugong ang bulungan. Nagbalik ang traydor, ang nabasa niya sa kanilang mga labi. Napatingin siya sa katabing si Raneah na tampok na rin ng usapan, ang dating kapitan ng ika-anim na hukbo ay isa ring traydor.
Napapagtagpi-tagpi na ni Shiela ang mga katotohanan.
Tama si Master Yogi, may bahong itinatago ang mga Maharlika. Ang akala noon ni Shiela ay Kampo Dos lang ang traydor subalit maging ang kampong kinabibilangan niya ay tinraydor siya.
Nang dahil lamang sa dalawang bagay: ang pagtago sa katotohanan tungkol sa huling binukot, at kay Lola Bangs na dati palang Maharlika.
Ikinulong sila Shiela, Raneah, Rahinel, at Vivienne, sa ilalim na piitan kung saan hindi sila masisikatan ng liwanag. Wala silang ibang magagawa kundi hintayin ang magiging hatol sa kanila ng hukom ng Maharlika.
Sa loob ng madilim at malamig na selda'y narinig ni Shiela ang boses ni Rahinel na nasa kabila.
"Anong gagawin nila sa mga naiwan?" hindi man bakas ang pag-alala sa boses nito'y alam niyang doble-doble rin ang pangamba ng prinsipe.
"Hindi nag-iiwan ng bakas ang mga Maharlika," halos pabulong niyang sagot. "Pagkatapos nilang ligpitin ang mga halimaw ay buburahin nila ang mga alaala ng mga tao... Kabilang na sila."
Wala nang umimik pa at nagsalita sa kanila dala ng matinding pagod at pighati.
"Kailangan tayo ni Arki, kailangan nating tumakas dito." Ilang sandali pa'y narinig niya ang tinig ni Rahinel.
"Alam ko, Prinsipe Rakum," sagot niya. "Sa araw ng paghahatol. Tatakas tayo. Iyon ay kung... Matakasan natin ang kamatayan."
✧༝┉┉┉┉┉˚*❋ ❋ ❋*˚┉┉┉┉┉༝✧
HINDI nagkamali si Shiela sa kanyang naging prediksyon sa magiging galaw ng mga Maharlika. Matapos siguraduhing wala ng mga halimaw at habang inoorasyunan ang portal na bumukas sa lugar na pinangyarihan ay binalik nila ang mga oras. Pero bago 'yon mangyari ay siniguro ng mga maharlika na walang makakaalala ng mga kaganapan.
Sa isang iglap ay tila naging normal ang lahat.
Nagising si Leo sa sunud-sunod na pagyugyog ng kamag-aral.
"Leo! Huy, gising!"
"H-Huh?"
"Uwian na! Tulog ka pa rin!"
At saka napagtanto ni Leo na wala na halos tao sa kanilang silid-aralan.
"Grabe, nakatulog din ako kanina, may mga umatake raw na aswang dito sa school!" dinig niyang sabi ng isa niyang kaklase.
Tinapik siya ng kaklase niyang gumising sa kanya. "Sige na, uwi na kami."
Naiwan si Leo mag-isa sa klasrum habang winawari ang nangyari.
"Panaginip?" sabi niya sa sarili nang mapagtantong may mahaba rin siyang panaginip.
Winasiwas ni Leo ang nasa isip at wala sa loob na dinampot niya ang kanyang bag at lumabas sa klasrum. Habang naglalakad sa pasilyo'y lumulutang pa rin ang kanyang isip.
Sa sobrang pagkalutang niya'y may nakabunggo siya pagkalabas ng campus.
"Sorry, sorry," sabi niya. Pinulot ng lalaki ang nahulog niyang notebook na naglalaman ng kanyang mga drawing.
"Tumingin ka sa susunod baka mamaya mapahamak ka," maangas pero may bakas ng pag-alala na sabi ng lalaki.
"Sige, sige," sagot lang ni Leo at nakita niya sa nametag nito ang pangalang Roa Nikolo J. Corpuz. Naglakad siya palabas ng gate.
Ilang sandali pa'y napahinto si Leo at lumingon sa lalaki na naglalakad palayo. Napaisip siya.
"Parang nakita ko na siya dati?" tanong niya sa sarili. "Hays, bangag ka talaga, Leo. Makauwi na nga at manonood pa ako ng anime."
Wala siyang kaalam-alam na maging lalaking nakabangga niya ay nagtataka.
"Kilala ko nga ba 'yon?" tanong ni Roni sa sarili at nilingon si Leo na nakalabas na ng eskwelahan.
(Itutuloy...)
-xxx-
ABANGAN: Paano na?! Nakulong sa Kampo Uno sina Shiela, Rahinel, Raneah, at Vivienne? At sila Karl, Leo, Jazis, Yumi, at Roni ay naiwan sa normal na mundo subalit nabura ang kanilang mga alaala? Paano na si Arki?!
A/N: Hello, guys! Ipagpaumanhin n'yo kung ngayon na lang ulit ako nakapag-update. Good news! Na-plot ko na ang magiging final arc ng kwentong ito! Malapit na talaga ang katapusan, sa tingin ko hindi na ito aabot ng 80 chapters, mga 6 or 7 chapters to go plus epilogue!
Maraming maraming sa paghihintay, pagbabasa, pagkokomento, at pagbo-vote!
TRIVIA: Ang Devata (देवता) ay galing sa mga Hindu na ang ibig sabihin ay "deity", dito rin nakuha ng ating mga ninuno ang pangalang "diwata".
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top