/69/ Ang Paggising ni Lakapati
Kabanata 69:
Ang
Paggising
ni
Lakapati
KAHIT na halos hindi makagalaw dahil sa lambat ay sinikap ni Jaakko na kapkapin sa kanyang bulsa ang kanyang mahiwagang kabibe upang gamitin iyon nang makatakas sila. Subalit nang makuha niya ang kabibe ay biglang dumaan ang kanilang karwahe sa isang lubak dahilan para umalog siya't tumalsik ang kabibe.
"Nooo!" sigaw niya.
"Hays, ang bobo mo talaga, Jaakko!" hindi na ring mapigilang sumigaw ni Arki dahil kanina pa siya nakatitig kay Jaakko. Magkahiwalay sila ng karwahe na hila-hila ng mga tila kalabaw na hayop.
Walang ibang nagawa si Jaakko nang makita nilang pinulot ng isang matabang duwende ang kabibe at binulsa 'yon sa pag-aakalang isa 'yong ordinaryong ginto.
Muling sinubukan ni Arki na manalangin at tawagin ang tatlong diyosa sa kanyang kalooban. Subalit katulad ng mga pagtangka niya noon ay hindi sumagot sa kanya sina Anitung Tabu, Aman Sinaya, at Magayon.
'Hindi kaya dahil nasa ibang lugar kami?' sa isip-isip ni Arki. 'Pero mga diyosa sila ng tagalog, at nasa Hilusung na kami...' naalala niya bigla ang mga sinabi noon ni Sitan, na wala nang nanatili pang mga diyos sa Hilusung dahil naging patron ito ng mga Maharlika.
Sa labis na kaguluhan ng pag-iisip ay hindi na sinubukan pa ni Arki na magpumiglas dahil matibay ang lambat, dinisenyo upang humuli ng mga mababangis na hayop. Hindi rin niya nakuhang makatulog kahit na hapong-hapo at nanatiling mulat ang kanyang mga mata habang binabaybay nila ang kagubatan.
"Tingnan mo 'tong unggoy na 'to, nakuha pang matulog," bulong niya habang nakatingin sa kabilang karwahe kung saan ay natutulog si Jaakko.
Ilang sandali pa'y napansin ni Arki na unti-unting dumidilim ang paligid nang pasukin nila ang isang malaking kweba. Wala siyang ibang makita at nararamdaman niyang paibaba nang paibaba ang kanilang tinatahak.
Hanggang sa unti-unti niyang naririnig ang ingay na tunog ng pagpukpok ng mga bakal at bato. Mula sa kadiliman ay umusbong sila sa liwanag at tumambad ang isang nakamamanghang tanawin, isang kaharian na hindi niya sukat akalain ay matatagpuan niya sa ilalim ng lupa, ang kahiran ng mga duwende, ang Bhairavas.
Napakalaki nitong kweba na tila kasing abot ng langit ang itaas, ang bawat istruktura'y nakaturok sa mga tusuk-tusok na bato ng kweba na pinag-uugnay ng mga tulay. Sa pinakaitaas ay naroon ang isang magarang palasyo.
Paibaba pa ang daan ng kanilang tinatahak. Nakita ni Arki ang mga duwendeng may tangkad hanggang baywang niya, mga nakasuot ng sombrero at salakot, matutulis ang tainga, ang iba'y hanggang lupa ang balbas, makukulay ang damit ng ilan at ang iba'y nakasuot ng pangkawal. Iba't ibang mga hugis, may mga mukhang tao, may mga mukhang karakter sa cartoon, may matatanda, at mga bata, iba't ibang antas.
Nang mas lalong umilalim ang kanilang tinatahak ay saka lamang nakakita si Arki na may mga normal na tao katulad niya. Tinitigan niya ang mga 'yon at nakitang abala ang mga tao sa pagmimina ng mga bato, ang mga babae naman ay abala sa pagwawalis, ang ilan ay nagbubuhat, wala siyang nakitang walang ginagawa.
Subalit ang pinakanakatawag ng kanyang pansin ay ang mga bagay na nakakabit sa paa ng mga tao, isang kadena.
"A-Anong..." Hindi niya maiwasang mapalunok dahil nararamdaman na niya ang magiging kapalaran nila ni Jaakko.
Hindi nga siya nagkamali nang marating na nila nang tuluyan ang pinakailalim na siyudad ng Bhairavas, ang lugar para sa mga mortal. Narito rin ang minahan ng Bhairavas na siyang pinagkukuhanan nila ng mga ginto at ng iba pa.
Nagising na rin si Jaakko nang marating nila ang isang gusali. Nakatingin sa kanila ang mga tao na naroon subalit pinabalik sila sa kanilang mga gawain ng ihampas ng bantay ang latigo. Hindi tinangkang lumaban ni Arki nang pakawalan sila sa lambat , alam niyang wala siyang magiging laban kung napaliligiran siya ng napakaraming duwendeng kawal. Pilit na kinuha sa kanya ng matabang duwende ang kanyang arnis, pinigilan niyang sumigaw dahil alam niyang latigo ang kanyang aabutin.
Namalayan na lamang niya na pinaghiwalay sila ni Jaakko at tinulak siya patungo sa mga babaeng mortal, lumapit sa kanya ang isang babae na kaedad niya lang.
"Halika't magpalit ka ng damit." Hinila siya nito at tinulungan siyang magpalit ng damit na mukhang basahan. Pagkatapos ay lumapit sa kanila ang isang kawal upang lagyan siya ng kadena sa paa. Pagkatapos ay iginiya siya ng babae na nagpakilalang Palita patungong minahan kung saan ay kailangan niyang magpulot ng mga nagkalat na bato.
Nakita ni Arki na dinala si Jaakko ng mga kalalakihan sa kabilang banda upang magmina. Nang magkatinginan silang dalawa'y tila nag-usap ang kanilang mga isip, kailangan nilang makagawa ng paraan para makatakas. Nasa isip ni Jaakko na kailangan niyang mabawi ang kabibe sa matabang duwende. Si Arki naman ay mas nangibabaw sa kanyang isip ang mga diyosa.
'Mga alipin ang mga tao rito?' tanong ni Arki sa isip habang nagpupulot, sinubukan niyang maghanap ng ibang tao na hindi katulad ng mga kasama niya pero wala siyang nakita. "Uy, may tanong ako."
"A-Ano 'yon?" pabulong at kinakabahang tanong ni Palita. "Hindi pwedeng mag-usap sa oras ng trabaho."
"Nasaan ang ibang tao rito? At saka bakit kayo inaalipin dito ng mga duwende?" sa mga tanong niya ay halatang nagimbal si Palita.
"Hindi ko 'yan masasagot sa ngayon," nakayukong sagot ni Palita at hindi na ito kumibo pa.
Nagtiis si Arki buong araw sa tila walang katapusang trabaho, sumapit ang oras ng pahinga nang tumunog ang mga kalembang.
Parang mga langgam na pumunta sa lungga ang mga tao, hindi siya humiwalay kay Palita. Hanggang sa napadpad sila sa isang malaking yungib kung saan doon ay magkakasama ang mga tao, nakaupo sa sahig habang kumakain ng mga rasyon na binigay ng mga amo.
Noon lang napagmasdan nang maigi ang iba niyang mga kasama. Mga buto't balat ang katawan, madudungis, at bakas ang pasakit sa mga mukhang ni hindi man lang ngumingiti. Winawari ni Arki kung kailan huling naarawan ang mga tao dahil karamihan sa kanila'y namumutla ang mga balat, maaaring lahat sila'y hindi pa nasikatan ng araw kailanman.
Nakita niya ang isang batang karga ng isang nanay na nakatitig sa hawak niyang matigas na tinapay. Kahit na kumakalam ang tiyan niya'y inabot niya ito roon. Ngumiti ang bata at maluha-luha nang kagatin ang tinapay, hindi niya maiwasang mapangiti na may halong awa.
Biglang may sumipa sa likuran niya at muntikan na siyang masubsob sa lupa.
"Hoy—" nakita niya si Jaakko ang sumipa sa kanya. Sa inis niya'y gumanti siya ng sipa kaya nadapa ito. "Tch! Gumawa ka nang paraan para makatakas tayo rito, hindi 'yong sitting pretty ka dyan!" gigil nitong sabi pagkaupo sa kanyang tabi at pinipigilang pataasin ang boses.
"Para sa kaalaman mo kanina pa ako gumagawa ng paraan. Sa oras na bumalik ang kapangyarihan ko, makakatakas tayo rito, pero ikaw, kuhanin mo 'yung kabibe mo at 'yung armas ko—"
"Huwag mo akong utusan—"
"Sino bang nauna?!"
Naputol ang pagtatalo nila ni Jaakko nang muling tumunog ang mga kalembang. Nakita nilang halos nagmamadali kumilos ang mga tao upang bumalik sa kani-kanilang mga trabaho, animo'y mga tupa na pinasusunod. Walang silang nagawa kundi sumunod.
Hindi lubos maisip ni Arki na sagaran ang pang-aalipin sa mga taong kasama niya. Maghapong trabaho na may kakaparinggot na pahinga at pagkain, walang kalayaan magsalita ang bawat isa dahil kung hindi ay makakatikim ng hagupit ng latigo. Walang sinuman ang nagtatangkang magnakaw kahit butil ng ginto sa takot na maparusahan.
Lumipas ang tila walang katapusang pagtatrabaho ay muling tumunog ang mga kalembang. Naisip noon ni Arki na marahil ay oras na para magpahinga at gabi na.
'Nakagawa kaya ng paraan ang kumag na Jaakko na 'yon para mabawi 'yung kabibe niya at arnis ko?' sa isip-isip niya.
Pinaghiwalay ang mga kababaihan at kalalakihan sa mga tila seldang tulugan. Nagsisimula nang mainip si Arki dahil pakiramdam niya'y hindi na niya matatagalan ang mga pang-aaliping naranasan at nasaksihan.
Nakita niyang kanya-kanyang higa ang mga tao sa malamig na sahig, nakaramdam na rin siya ng pagod at tinigil ang kanyang pag-alala. Kung kailan humiga at ipipikit niya ang kanyang mga mata ay biglang may tumapik sa kanya, si Palita.
"Bakit?" pupungas-pungas niyang tanong.
"Hindi ko pa nasasagot ang katanungan mo kanina," mahinang sabi nito kaya napabangon siya. "Sumama ka sa'kin."
Walang salitang sumunod siya kay Palita, kinapa nila ang kadiliman at maingat na naglakad upang hindi maapakan ang ilang natutulog. Hindi man niya matanto ang kanilang kinaroroonan ay dinala siya nito sa isang sikretong silid sa loob ng kanilang selda. Ubod ng liit ang silid at umupo si Palita upang buksan ang nagtatagong pinto sa sahig.
Nakita ni Arki ang isang hagdanan paibaba, pinauna siya nito bumaba upang masara ni Palita ang pinto. Walang liwanag ang tumanglaw sa kanila habang paibaba sila hanggang sa ilang sandali pa'y narating nila ang isang sikretong bulwagan.
"Nasaan tayo?" tanong niya kay Palita. Masigla ang paligid, may mga nagkakasiyahang mga tao, ang ilan ay nagsasalu-salo ng alak. Hindi kalakihan ang bulwagan at halatang pinagtagpi-tagpi ang mga kagamitan.
"Nasa selda pa rin," sagot nito. "Hindi alam ng mga duwende ang bulwagan na 'to. Dito kahit papaano'y nababawasan ang pagod naming lahat dahil pwede kaming magkasiyahan."
Naupo silang dalawa sa isang bakanteng mesa at pinanood ang iba pang mga tao. Napansin ni Arki ang isang tila altar sa may entablado kung saan may kumakanta.
"Tungkol sa tanong mo." Napatingin siya kay Palita. "Dito na ako lumaki at ipinanganak, wala akong ibang kinalakihan kundi ang mundong ito, kailanman ay hindi kami natanglawan ng araw."
Gusto niyang humingi ng paumanhin subalit nanatiling tikom ang kanyang bibig nang magsimulang magkwento si Palita. Ikinuwento ni Palita na walang mortal na malaya sa Hilusung dahil ang mga mortal sa mundong ito ay inalipin ng mga naghaharing elemento, ang mga diwata, tikbalang, sirena, at duwende.
"H-Hindi naman 'ata makatao 'yon," halos pabulong niyang sabi nang maisip na lahat ng mortal sa Hilusung ay mga alipin. Ibang-iba sa sitwasyon na napuntahan nila sa Siranaw at Srivijaya. "At saka wala bang ibang pwedeng tumulong sa inyo? Bakit hindi ninyo ipaglaban ang inyong kalayaan?"
Ngumiti nang mapakla si Palita sa kanya. "Pinabayaan kami ni Bathala na mabulok sa mundong ito, walang mga diyos at diyosa ang dirinig sa aming mga panalangin, Arki."
Noong mga sandaling 'yon ay naramdaman niya ang tila pagtayo ng kanyang mga balahibo sa katawan. Posible nga kayang iyon din ang dahilan kung bakit hindi siya sinasagot ng mga diyosa?
"Hangga't hindi nasisira ang mga ugod, hangga't naghahari ang mga elemento at Maharlika sa mundong ito, hindi kami magkakaroon ng kalayaan."
Pinagpawisan nang malamig si Arki. Tumitig siya kay Palita at alam niyang may mali sa mga mata nito, ang dami niyang gustong itanong.
"P-Paano mo nga pala alam ang lahat ng 'to... kung... kung dito ka lumaki at hindi mo nasilayan ang mundo sa labas?" iyon ang lumabas sa kanyang bibig. "At paano mo nalaman... ang pangalan ko?"
Tila huminto ang paligid nang itanong niya 'yon sa kanyang kausap. Sumilay ang kakaibang ngiti sa labi nito at doon lamang napagtanto ni Arki na may mali sa kanyang paligid nang maramdaman niya ang titig sa kanya ng mga tao sa bulwagan.
Dahan-dahan siyang tumayo at kaagad ding tumayo si Palita, habang unti-unti siyang umaatras ay nakita ng gilid ng kanyang mga mata ang unti-unti ring paglapit ng mga tao sa kanya.
"Sinabi ko na sa'yo ang dahilan, Prinsesa Rajani." Nag-iba ang tinig ni Palitam, doon niya nakumpirma na tama ang kanyang nakita sa mga mata nito—mata ng kadiliman. "Hayaan mong ipakita ko sa'yo ang katotohanan." Humugot ito nang malalim na hininga at nang huminga ay lumabas sa bibig ni Palita ang isang itim na usok—lumipad ang usok patungo sa entablado.
Bumagsak sa lupa si Palita, walang ulirat. Sumigaw ang mga tao nang makita ang kanilang sinasambang diyos sa entablado, ang aparisyon ni Sitan, hindi buo ang anyo nito pero nararamdaman niya ang nakakatakot nitong presesnya.
"Panginoong Sitan!"
Mas nagimbal si Arki sa reaksyon ng mga tao, halos sumubsob ang mga 'to sa lupa upang yumukod kay Sitan, paulit-ulit ng mga panalangin at papuri sa diyos ng kadiliman, ang karamihan ay naiiyak sa tuwa, kanya-kanyang bigay ng papuri at panalangin.
"A-Anong nangyayari?" Halos pabulong niyang tanong sa sarili.
Muli niyang narinig ang tinig ni Sitan sa entablado, patuloy pa rin itong sinasamba ng mga tao sa kanyang paligid.
"Marahil ay nagtataka ka kung bakit nila ako sinasamba, marahil ay nasa isip mo na kinukontrol ko lamang sila," sabi nito. "Subalit nagkakamali ka, Rajani. Ako lamang ang diyos ng Hilusung ang duminig ng kanilang mga panalangin, ako lamang ang makapagbibigay sa kanila ng kalayaan mula sa pang-aalipin ng mga elemento."
Napakuyom siya ng palad sapagkat hindi niya malaman ang gagawin. Sobrang daming tanong sa kanyang isipan. Naging patron ng mga Maharlika ang mga diyos ng Hilusung kung kaya't walang nagliligtas sa mga tao rito, hindi pa rin niya lubos maunawaan, sino ang mga Maharlika?
"Kaya naman laking pasasalamat ko sa'yo na nabuksan ko ang mga portal at gising na ang mga selestiyal, hindi magtatagal ay makakalaya na rin sila." Muli niyang narinig ang nakakikilabot na boses ni Sitan.
May isa pang tanong si Arki sa kanyang isip noon. Nakuha na ni Sitan ang nais nito sa kanya... Ano nang binabalak nito sa kanya? Alam ni Arki ang sagot, upang hindi na magkaroon ng hadlang ay wawakasan nito ang kanyang buhay.
"Mahal na panginoong Sitan! Kailan kami makakalaya sa walang hanggang pagdurusa?!" sigaw ng isang lalaki na itinaas pa ang dalawang kamay.
"Kailan mo tutuparin ang aming panalangin?!" napuno ng palahaw ang paligid.
"Kailangan n'yo na lamang maghintay. Magpasalamat kayo sa huling binukot na ating kasama ngayon," sumulyap ito sa kanya, "bilang pasasalamat sa kanya'y nais kong kuhanin ang kanyang buhay... Magagawa n'yo ba para sa'kin 'yon?"
Nagsalubong ang kilay ni Arki sa narinig. Ang akala niya'y si Sitan mismo ang papaslang sa kanya. Naisip niya na hindi kaya't dahil isa lamang itong tila usok na aparisyon at hindi nakakagalaw sa mundong ibabaw ng Hilusung?
Naglaho sa isang iglap ang aparisyon ni Sitan. Naiwan siya kasama ang iba pang mga tao na ngayon ay dahan-dahan nang lumalapit sa kanya. Kahit na alam niyang imposibleng makatakas ay sinubukan niyang tumakbo.
"P-Pakawalan n'yo ako!" sigaw niya subalit limang tao ang humahawak at humihila sa kanya patungong entablado. Iginapos siya ng mga 'to at sobrang higpit ng pagkakatali sa kanyang buong katawan.
Dala ng matinding pasakit, poot, at gutom ay wala na sa matinong pag-iisip ang mga tao na sumasamba kay Sitan. Nakita niya na may kanya-kanyang hawak ang mga 'to ng bato sa kamay. Halos madurog ang kanyang puso nang maisip na wala siyang magawa kundi sumigaw.
Isa...Dalawa...Tatlo... Hindi na niya nabilang kung ilang bato ang tumama sa kanyang katawa. Dalawang bato ang tumama sa kanyang ulo at naramdaman niya ang pag-agos ng dugo mula rito. Unti-unting lumabo ang kanyang paningin.
'Gusto ko kayong iligtas... Pero hindi n'yo kailangang sambahin ang panginoon ng kasamaan...' iyon ang tumatakbo sa kanyang isip. Paulit-ulit na panalangin na kung bibigyan siya ng pagkakataong mabuhay sa sitwasyong kinaroroonan niya ay ipinapangako niyang ililigtas niya ang mga alipin sa Hilusung, pinapangako niyang wawakasan niya ang pang-aalipusta sa mga tao.
Nang maubos ang mga hawak ay muling pinuno ng mga tao ang kanilang palad ng mga bagong bato na ipauulan sa kanya. Anumang sandali'y bibigay na ang katawan ni Arki kapag naparuhan siya ng mga bato.
Wala nang ibang nagawa si Arki kundi pumikit nang makitang sabay-sabay na inihagis ng mga tao ang bato.
'Bathala!' iyon ang kusang sinigaw ng kanyang isip bago pa man tuluyang tumama sa kanyang katawan ang mga bato. Isang malakas na pwersa ng hangin ang nagmula sa kanyang katawan ang nagpatigil sa mga bato.
Isang malamig na haplos sa pisngi ang kanyang naramdaman kung kaya't siya'y nagmulat, inaasahang makikita ang mukha ng diyosang si Anitung Tabu, subalit wala siyang ibang nakita kundi isang aparisyon o liwanag. Sabay na sumilay ang ngiti sa kanyang labi at pagtulo ng kanyang luha.
"A-Akala ko iniwan n'yo na ako..." bulong niya.
"Patawad, Arki, sinikap naming bumalik..." tinig iyon ni Anitubg Tabu na halos hindi niya marinig.
Dala ng pwersa na nagmumula sa kanyang katawan ay napigtas ang tali sa kanyang katawan. Hindi natinag ang mga tao sa himalang nakita nila bagkus ay mas nagimbal ang mga 'to at mabilis na kumalap ng mas malalaking bato sa sahig upang ibato sa kanya.
Naglaho ang aparisyon ni Anitung Tabu at naiwang bukas ang kanyang depensa. Bumubulok sa kanyang direksyon ang mga bato nang biglang napalitan iyon ng palay. Naramdaman ni Arki ang kirot sa kanyang likuran, isang pamilyar na pakiramdam.
Kaagad napalitan ng pagtataka ang takot ng mga tao at kanya-kanyang pulot ng palay sa sahig.
Sa pagkakataong 'yon ay alam ni Arki ay siya lamang ang nakakasaksi na isang pambihirang diyosa ang nasa likuran niya't may kagagawan kung bakit naging palay ang mga bato. Tumingin sa kanya ang panibagong diyosa na sawakas ay nagising na rin.
"L-Lakapati..."
Kumindat sa kanya ang diyosa subalit wala itong inusal at kaagad ding naglaho. Hindi siya makakilos, alam niyang pagkakataon na 'yon para makatakas.
"Arki!" nakita niyang tumatakbo sa kanyang direksyon si Jaakko, may winawasiwas ito sa ere, ang kanyang arnis.
"J-Jaakko!"
Inilabas ni Jaakko ang mahiwagang kabibe sa kanang kamay nito at sa isang iglap ay nagpalit anyo ito bilang itim na kabayo. Buong lakas siyang tumayo at sumakay dito. Mabilis na tumakbo ang kabayong si Jaakko papaalis sa lugar na 'yon.
Subalit sa labas ay sumalubong sa kanila ang mga kawal na duwende. Aatras sana si Jaakko subalit pinigilan niya 'yon. Alam ni Arki na hindi siya pababayaan ng mga diyosa. Nang maramdaman ni Jaakko na wala siyang balak umatras ay bumwelo ito bago tumakbo ng mabilis.
Nang madaanan nila ang isang tumpok ng mga bato't pilak ay napalitan iyon ng mga palay, labis ang pagkagulat ng mga duwende kaya nawala ang atensyon nito sa kanila. May nagpaulan sa kanila ng pana subalit hindi iyon nakadapo sa kanila nang umihip nang malakas ang hangin.
Isang malaking kaguluhan at isang malaking misteryo ang mabilis na kumalat sa buong Bhairavas. Kung paanong isang alipin ang nakatakas gamit ang isang kabayo mula sa kawalan, at kung paano napalitan ang mga bato't pilak ng mga palay.
Nakarating ang balita sa kataas-taasang hari ng mga duwende, si Haring Dugwas.
"Ipadala n'yo ang aking mensahe sa mga diwata, tikbalang, at sirena!" galit na sigaw ni Haring Dugwas. "Isang alipin ang nakatakas! Isang alipin na maaaring magsimula ng rebolusyon!"
"H-Haring Dugwas, may balita po mula sa reyna ng mga diwata..." takot na lumapit dito ang isang tigapagsilbi upang ibigay ang isang mensahe.
"Mula kay Maria Makiling? Anong mensahe ng mga diwata?" nakakunot nitong tanong.
"K-Kailangan po ng tulong ng ating hukbo upang lumaban—"
"Sa mga nag-alsang mortal na alipin?!"
"H-Hindi po, mahal na hari... N-Nasira na po ang ugod sa norte dahil sa mga selestiyal! Nagkalat ang mga kampon ng kadiliman! Kailangan po nating tulungan ang mga diwata sa digmaan!"
Unti-unti na ngang natutupad ang mga plano ni Sitan, matagumpay na nasira ng mga selestiyal ang depensa ng kaharian ng Ivatan (tigabantay ng portal sa norte) at papunta na ang mga selestiyal sa Hilusung. Samantala'y pakakawalan pa lamang niya ang kanyang natitirang bakunawa.
Tuluyan nang pinagharian ni Magwayen ang Srivijaya, at gamit ang bakunawa na binigay dito ni Sitan ay nakuha nitong masira ang timog na ugod ng Hilusung at hilagang ugod ng Siranaw. Naghari ang mga sakim na engkanto at mga aswang sa Srivijaya sa ilalim ng kapangyarihan ni Magwayen.
Samantala'y patuloy na nagkakaisa ang buong Siranaw sa pakikipaglaban sa mga busaw at dalawang selestiyal na sumira ng ugod: ang Minokawa at Tamabanokano. Nabigo si Baba Gita na makakuha ng suportal mula sa Kampo Tres dahil sa pag-uutos ng Kampo Uno na huwag makialam doon.
At sa kaharian ng Sama Dilaut ay nabigong protektahan ni Sultan Sulu ang kanilang ugod at tuluyan itong nasira ng Samadi na hindi na niya makontrol. Nabuksan ang mga portal at malayang nakakalabas ang mga kampon ng kadiliman na nagmula sa ilalim ng lupa.
Isa na lamang ang kailangan pang gawin ni Sitan, ang patayin ang huling binukot.
-xxx-
ABANGAN: Ngayong sira na ang mga ugod na namamagitan sa mga mundo ng Ibayo at bukas ang mga portal patungong normal na mundo. Paano mapipigilan ni Arki, ang huling binukot, ang kasamaan?
LAKAPATI
(Geena Rocero as Lakapati, the Transgender Goddess of Golden Rice and Fertility in Pre-colonized Philippines. Photographer Niccolo Cosme @niccolocosme assisted by @izzy.papa, from website: https://www.aswangproject.com/lakapati-the-transgender-tagalog-deity/)
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top