/68/ Pagdakip ng mga Duwende


Kabanata 68:
Pagdakip
ng mga
Duwende

NAGKAROON na rin ng malay si Rahinel matapos mabigyan ng mga mahikang lunas ni Master Yogi. Hindi pa man nanunumbalik ang kanyang buong lakas ay pinilit niya na sumama sa importanteng pagpupulong noong araw na 'yon.

"Rah!" kaagad siyang sinalubong ng yakap ni Leo nang makita siyang lumabas sa silid. Kaagad din itong kumawala sa kanya at hinila siya palapit sa mga kasama, kaagad siyang kinamusta nila Roni, Vee, at Jazis, bakas sa mga itsura nila ang lungkot dahil sa nangyari.

"Huwag kang mag-alala, ililigtas natin si Arki," sabi ni Roni at sinagot niya ito ng isang matipid na ngiti.

"Alam mo ba, Rah, siyempre hindi mo pa alam," panimula ni Leo nang umupo siya.

Si Jazis naman ay napaikot ang mga mata. "Hay nako, natutulilig na 'ko sa kwento mo—"

"Siyempre hindi pa alam ni Rah kung paano ko pinatay 'yung dragong may pitong ulo!" giit ni Leo, naging sabik at masaya ang itsura nito.

Si Roni naman ay natawa at sinenyasan si Jazis na hayaan na lamang si Leo na magkwento kahit na natutulilig na sila sa magdamag nitong pagbibida kung paano nito napatay ang dragon sa San Laon.

Nasa kalagitnaan ng pagkukwento si Rahinel nang dumating si Karl at Shiela kaya tumahimik na si Leo.

"Rah?" kaagad lumapit si Karl sa kanya. "It's good to see you again." Niyakap siya nito at kaagad din silang naghiwalay nang magsalita si Shiela.

"Si Yumi? May malay na ba si Yumi?"

Umiling siya. Sabay lumabas si Master Yogi sa silid na kanyang pinanggalingan.

"May natitira pang lason sa katawan ng bata pero huwag kayong mag-alala dahil magiging mabuti rin ang kalagayan niya," sabi nito. "Maya-maya ay magkakamalay na rin si Mayumi subalit hindi pa manunumbalik ang kanyang lakas."

Nagtipon sila sa sala ng maliit na bahay. Naalala pa rin ni Rahinel ang araw na 'yon kung kailan niya nalaman ang katotohanan na si Arki ang prinsesang kanyang matagal na hinahanap, hindi pa rin humuhupa sa kanyang puso ang kabiguan dahil wala siyang nagawa para mailigtas si Arki.

Lumikas sila noon sa siyudad ng Biringan sa katabing isla ng Madhi upang magamit ni Master Yogi ang kanyang mahika upang magamot sila. Matagal bago maghilom ang kanyang tinamong sugat at doon napagtanto ni Rahinel ang posibilidad ng kanyang katapusan, tanging diyos ang maaaring kumitil sa kanyang imortal na buhay.

Laking pasasalamat nila kay Master Yogi dahil may kaibigan itong engkanto sa Biringan ang nagpatuloy sa kanila sa munting bahay. Nanumbalik ang atensyon ni Rahinel sa kasalukuyan nang marinig niya ang boses ni Shiela.

Nagsimula ang kanilang pagpupulong, ikinuwento ni Shiela ng pahapyaw ang mga kaganapan at pati ang katotohanan tungkol kay Arki. Napag-alaman ni Rahinel na dating uripon si Shiela ng pamilya ni Datu Kagirim at gamit ang kapangyarihan ng kanilang babaylan ay dinala sila nito sa kasalukuyang panahon. Kinupkop ni Barbara Salamanca sina Shiela at Arki kalaunan. Naging bakas sa mukha ni Shiela ang kunsensya nang ilahad na sinadya nito na ibigay kay Yumi ang Mutya upang maitago ang katauhan ni Arki.

Bakas sa mukha nila Roni, Leo, Jazis, at Vivienne ang pagkakabigla nang malaman ang ilang detalye ng katotohanan at wala sa kanila ang makapagsalita pagkatapos.

"Sumama si Arki kay Magwayen," basag niya sa katahimikan. "Patawarin ninyo ako kung wala akong nagawa—"

"Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo, Prinsipe Rakum," sagot ni Shiela sa kanya. "Nandito tayo ngayon para pag-usapan ang mga dapat nating gawin para iligtas si Arki mula sa kamay ng kasamaan."

Biglang dumating si Raneah na kakagaling lang sa labas. "Magandang balita, natanggap na ng Kampo Uno ang pagsaklolo natin, naghahanda na sila ng hukbo sa pagsalakay sa Kasakitan kung nasaan si Arki." Nakita nila ang hawak-hawak nitong kabibe na may tinataglay na mahika upang makapag-abot ng mensahe sa kanilang kampo.

"Cool, bakbakan time—" siniko ni Roni si Leo upang manahimik ito.

"Nandito tayo sa siyudad ng Biringan, narito ang isa sa pinagbabawal na portal ng mga engkanto patungo sa mundo natin," sabi ni Shiela na nakaharap sa kanila ni Karl at sumulyap kay Raneah. "Sa oras na magising si Yumi ay tatawid tayong lahat sa portal, at pag nakabalik na tayo sa kabila ay saka tayo pupunta ng Hilusung."

"Yes! Arki, here we go!" hindi na naman nagpaawat ng kahyperan si Leo.

"Hindi kayo sasama," sabi ni bigla nii Shiela nang humarap sa direksyon nila Leo. Sabay-sabay napamaang ang apat. "Sa oras na makatawid tayo sa kabila, maiiwan kayo pati si Yumi at hindi na sasama sa amin sa Hilusung."

"Ate Shiela, gusto po naming tumulong, kaibigan po namin si Arki!" pilit ni Leo.

"Leo, alam ko 'yon. Pero dapat maintindihan mo na lubhang mapanganib, hindi porque nakapatay ka na ng dragon ay masisiguro mo na ang iyong kaligtasan," matigas na sabi ni Shiela.

"Ako po, mangkukulam ako—"

"Hindi. Hindi kayo sasama, mga bata, hindi ninyo alam kung sino ang kalaban."

"It's Sitan, we know who he is," lakas-loob na sabi ni Vivienne. "Roni and I can help you to fight. We—"

"Pwedeng makatulong ang kapangyarihan namin!" bulalas ni Roni na determinadong makasama.

Napakunot si Shiela. "Anong kapangyarihan?"

Nagkatinginan si Roni at Vivenne bago ipagtapat sa kanila ang katotohanan na hindi sila nagtagumpay na makuha ang Dhatura, na parehas pa rin silang halimaw. Gulat na gulat sila Leo dahil hindi nila sukat akalain na gano'n ang nangyari sa dalawa.

"Mas magiging delikado ang kalagayan ninyo," sumingit sa usapan si Raneah at humarap kila Roni at Vivienne. "Bilib ako na nagagawa ninyong makontrol ang inyong pagiging  tikbalang at aswang pero hindi ito magandang balita. Trabaho naming mga Maharlika na patayin ang mga katulad ninyo."

"Patayin?" maang ni Roni. "Hindi kami masama!"

"Alam ko," sabi ni Raneah. "Pero sa oras na makita kayo ng iba pang mga kasamahan namin sa Kampo Uno ay mapag-iinitan kayong dalawa. Sa tingin ko'y mas mainam kung maiiwan na rin kayo."

Tumingin si Rahinel sa mga kaibigan at saktong napatingin din ito sa kanya, tila nanghihingi ng suporta. Subalit umiling siya dahil alam niyang mas tama sila Shiela.

"Patawad..." ang tanging nasabi niya. "Ayoko nang may mapahamak pa sa inyo."

"Gising na siya." Biglang dumating si Master Yogi mula sa silid kung kaya't naputol na ang pagpupulong.

Wala nang nagawa sila Leo para baguhin ang desisyon nila Shiela. Tinapik siya ni Karl upang iparating na tama ang kanyang sinabi sa mga kaibigan dahil iyon ang mas nakabubuti para sa lahat.


*****


HINDI sinayang nila Shiela ang mga oras simula nang magising na si Yumi. Katulad ni Rahinel ay nanghihina pa rin si Yumi subalit kinakailangan na nilang kumilos upang pumunta sa nakatagong portal sa siyudad ng Biringan at makabalik sa normal na mundo.

Sa tulong muli ng mga engkantong kaibigan ni Master Yogi ay madaling nakapuslit ang kanilang grupo sa ilalim ng siyudad kung nasaan ang portal. Tahimik na naglalakad ang lahat sa madilim na lagusan. Tulak-tulak ni Raneah ang upuang may gulong kung saan nakaupo si Yumi, wala pa sa sarili at tila hindi sila nakikilala dahil hindi ito nagsasalita.

Lihim na nagsulyapan ang apat na nasa likuran. Alam nila na kahit anong pilit nila kay Shiela ay hindi sila nito papayagan. Nagtanguan sina Vivienne, Jazis, Roni, at Leo, kanina'y nakapuslit sila upang pag-usapan ang gagawin nilang plano.

Bago nila marating ang dulo ng lagusan kung nasaan ang nag-uugnay sa kabilang mundo ay biglang huminto si Master Yogi at humarap sa kanilang lahat.

"Maraming salamat sa lahat ng tinulong mo sa amin, Master Yogi," bukal sa loob na sabi ni Karl. "Alam namin na may iba ka pang misyon sa mundong 'to pero inuna mo kami."

"Kahit na hobby niya mamboso," bulong ni Jazis.

"At mangurakot ng ginto," dagdag ni Leo. Siniko na naman sila ni Roni.

"Ah, bago nga pala kayo tumuloy, may dalawang bagay lang ako na gustong sabihin sa inyo bago kayo umalis," sabi ni Master Yogi sabay turo sa likuran. "'Yang apat na 'yan may balak pumuslit sa Hilusung, walang balak magpaiwan."

Napamaang sila Leo.

"Nilaglag tayo!" si Roni.

Bago pa harapin ni Shiela ang apat ay kaagad na nagsalita ulit si Master Yogi. "Sa tingin ko ay nararapat lang na iligtas nila ang huling binukot."

"Anong—"

"Dahil huwag kayong magtitiwala sa mga Maharlika."

Nagkatinginan si Shiela at Raneah nang marinig ang huling sinabi ni Master Yogi.

"Alam namin na traydor ang Kampo Dos," mariing sabi ni Shiela. "Maraming salamat sa pagpapaalala, Master Yogi."

"Hindi ninyo alam ang tinatagong baho ng Kampo Uno," seryosong sagot ni Master Yogi. "Minsan kaming naging Maharlika ni Barbara sa Kampo Uno, subalit pinatalsik kami sa 'di pagsang-ayon sa kanilang sistema. Hindi ninyo alam ang sitwasyon sa Hilusung, mga kaibigan."

"Anong sitwasyon sa Hilusung?" tanong ni Rahinel.

Napabuntong-hininga si Master Yogi, pinipilit na pahabain ang pasensya. "Hindi ninyo pa rin pala lubusangg naiintindihan kung bakit gustong wasakin ni Sitan ang mga ugod ng Ibayo at buksan ang portal sa kabilang mundo."

Noong mga sandaling 'yon ay walang kamalay-malay ang lahat na matagumpay na naisagawa ng mga kampon ni Sitan ang orasyon gamit ang Mutya at dugo ng huling binukot. Sa isang iglap ay kumawala ang isang kakaibang aura na bumalot sa buong Ibayo.

Natigilan sila nang maramdaman ang kakaibang presensiya na dumaan. Alam ni Master Yogi na hindi 'yon magandang senyales, naalala nito ang importante pa nitong misyon sa isla ng Pas'yim.

"Huwag ninyong kalilimutan ang mga sinabi ko, humayo na kayo!" pakasabi ni Master Yogi ay mabilis itong naglaho.

Walang salitang sumenyas si Shiela sa mga kasama at halos takbuhin nila ang dulo ng lagusan. Sa isang iglap ay tumama ang kanilang katawan sa portal at halos bumaligtad ang kanilang mga mundo nang higupin sila nito.

Pagkaraan ng liwanag ay kaagad na sumilay ang liwanag. Halos masilaw sila at nakita ang isang pamilyar na kagubatan. Kaagad na napagtanto ni Leo na malapit sila sa kanilang eskwelahan.

"Ate Shiela, baka naman pwede na kami sumama—" pilit ni Jazis subalit galit na humarap si Shiela rito.

Bago pa makapagsalita si Shiela ay naramdaman nila ang pagyanig ng mundo. Tiyak nilang nasa normal na mundo na sila subalit alam ni Rahinel na mayroong mali sa paligid.

"Shiela!" narinig nila ang sigaw ni Raneah at sabay-sabay silang napatingin sa tinuro nito.

Nanlaki ang kanilang mga mata. Alam nilang nangyari na ito noon subalit iba ang sitwasyon ngayon. Mula sa kawalan ay lumitaw ang isang itim na lagusan at niluwa noon ang batalyong mga halimaw ng kadiliman.

"Oh no, ito na naman!" naiiyak na sabi ni Leo.

Inihanda nila ang kanilang mga sarili sa pakikipaglaban dahil sa ikalawang pagkakataon ay nalagay sa malalang panganib ang mundo ng mga indio.


*****


"ALAM mo kanina ka pa mukhang tanga," naiiritang sabi ni Jaakko sa kanya. Tumayo siya at pumanewang sa lalaki.

"Hoy, hindi ka nakakatulong, ha!" inis niyang sagot dito. Kanina pa kasi kinakausap ni Arki ang sarili, pilit na kinakausap ang tatlong diyosa sa kanyang loob subalit ni isang tinig ay wala siyang narinig.

Kasalukuyan silang nakasilong sa puno ng mangga, tinawid nila ang malawak na kapatagan at naisipan nilang mamahinga muna dahil hindi rin nila alam parehas kung anong dapat gawin. Naisip ni Arki na humingi ng tulong sa mga diyosa pero hanggang ngayon ay bigo siya.

Umismid lang si Jaakko. Nawala na ang pasasalamat at tuwa ni Arki na kasama niya si Jaakko. Kanina pa nito nakwento sa kanya, sa pamimilit niya, kung paano ito napadpad sa Ibayo. Pati ang pangmamaltrato ni Magwayen dito at kung paano nito nakuha ang mahiwagang kabibe ni Kaptan.

Muling tumalikod si Arki at saka kinausap ang sarili.

"Guys? Please naman oh, baka gusto n'yong magparamdam? Kailangan ko ng tulong n'yo, please? Annie? Amy? Maggie?" tumingala pa si Arki at pinagdikit ang palad. "Anitung Tabu? Aman Sinaya? Magayon? I summon you!" tinaas ni Arki ang dalawang braso pero walang nangyari.

Narinig niya ang tawa ni Jaakko. Sa inis niya ay binato niya ito ng maliit na bato na pinulot niya.

"Aray ko! Bwisit ka!" sigaw nito. "Pasalamat ka sa'kin buhay ka pa!"

"Kanina pa ko nagthank you sa'yo, unggoy! Walang ibang tutulong sa'kin kundi 'yung mga diyosa!" biglang nakaisip ng ideya si Arki kaya lumapit siya kay Jaakko. "Alam ko na, baka pag nasaktan ako lalabas sila. Sampalin mo 'ko dali."

"Ha?"

"Anong ha? Sampalin mo ko!" utos niya at nag-aalinlangan itong sumunod, malamya siya nitong sinunod. "Sampal na 'yan? Ang lambot mo naman—" kulang na lang ay lumipad ang ulo niya sa lakas ng sampal ni Jaakko. Pero wala pa ring nangyari.

Napaupo na lang si Arki dahil sa pagod. Hindi na niya alam ang gagawin kung paano sila makakaalis sa mundong ito. Alam ni Arki na nasa panganib ang mundo nila dahil nakita niya ang ginawa ni Sitan. Wala siyang ibang magawa kundi yakapin ang sarili at isubsob ang mukha sa kanyang tuhod.

Naramdaman niya na may umupo sa kanyang gilid. "Arki?" may bakas ng pag-alala ang boses ni Jaakko. "Okay ka lang?"

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin upang tingnan ito. "Mukha ba akong okay?" tanong niya habang basa ang mukha dahil sa luha at namumula ang pisngi bunga ng sampal ni Jaakko.

Inayos ni Arki ang sarili, pinahid ang luha sa kanyang pisngi dahil alam niyang walang saysay kung iiyak siya. Tumayo siya. "Wala tayong mapapala rito."

"Saan tayo pupunta?" tanong ni Jaakko na tumayo na rin.

"Kahit saan, basta hahanap tayo ng paraan. Hindi pwedeng walang paraan," determinado niyang sabi at nagsimulang maglakad patungong timog.

Binabaybay nila ang liblib na kagubatan, halos hindi na makapasok ang liwanag sa dami at taas ng mga puno. Hindi maiwasang mangamba ni Jaakko at mas dumikit ito sa kanya.

Samantala'y lihim na pinapanalangin ni Arki na sagutin na ng mga diyosa ang kanyang panalangin upang bigyan siya ng ideya kung paano sila makakaalis. Subalit naalala ni Arki si Sitan at naalala niya na nabanggit noon ng mga diyosa na nasa kapalaran niya na sugpuin ang kasamaan.

'Paano ko matatalo si Sitan? Paano? Paano? Sila Yumi nakauwi na kaya? Ligtas na kaya sila? At si Rahinel...'

"Sa tingin mo okay na kaya si Yumi?" biglang tanong ni Jaakko subalit hindi niya ito nilingon.

"May tiwala ako kay Rahinel, alam kong hindi niya pababayaan si Yumi," sagot niya habang diretsong naglalakad. "Bilib din ako sa'yo... Talagang ang lakas ng loob mong sundan si Yumi, ibig sabihin talagang gusto mo siya?" pinili niyang magsimula ng usapan nang sa gayon ay hindi siya malunod sa pag-aalala.

"Tss... Ikaw lang naman 'tong nagseselos—"

"Anong selos? Gusto mong jombagin kita?" mataray niyang sabi sabay taas ng kamao.

"I mean, ikaw lang naman 'tong kontrabida sa love story namin—"

"Wow, kapal."

"Totoo naman, seryoso talaga ako sa kanya. Sobra-sobra akong nag-alala kaya nagawa kong sundan si Khalil, kung saan-saan ako napadpad, ilang beses ko nang tinangkang magpakamatay pero sa tuwing naalala ko siya naiisip ko na baka mas doble pa 'yung hirap na nararanasan niya."

Hindi siya nakasagot nang sabihin 'yon ni Jaakko. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman ni Arki na sincere si Jaakko. Aaminin niya na inis na inis siya noon dito dahil sa pagiging mayabang nito pero ngayon lang niya kasi nakita na ganito si Jaakko, 'yung seryoso, 'yung hindi maangas. Siguro nga't binago rin si Jaakko sa mga naging karanasan nito kahit na mahirap. Pero hindi ba't lahat naman sila'y hinulma rin ng kanilang paglalakbay? Ang lahat ay para iligtas si Yumi. At ngayon ay nasa kamay naman ni Arki ang susi upang magwakas ang kasamaan.

"Hey." Tawag sa kanya ni Jaakko. "Don't you think it's time for us to make peace?"

Napakunot siya. "Ha? Peace peace na pinagsasasabi mo?" kinubli niya ang emosyon na nararamdaman kanina.

"Baka naman pwede mo na ako bigyan ng blessing na manligaw kay Yumi pag natapos na ang lahat ng 'to?"

Napahinto si Arki sa paglalakad at muntikan na siyang mabunggo ni Jaakko. Humarap siya rito at nakita ang kamay nitong nakalahad. Napaisip si Arki at napahinga nang malalim, napatunayan na ni Jaakko na karapat-dapat naman siya para sa kaibigan niya. Tatanggapin niya pa lang sana ang kamay nito nang biglang may bumukang malaking lambat sa lupa na kanilang inaapakan.

Bago pa sila makasigaw ay namalayan na lang nilang dalawa na nagmistula silang hayop na nahuli at nakalambitin sa puno.

"Fuck!" malakas na mura ni Jaakko.

Kitang-kita ni Arki na sumulpot mula sa pinagkukublihang puno ang mga nilalang na minsan nang nakwento sa kanya ni Lola Bangs noon. Katulad ng nasa kwento ng kanyang lola, kasing tangkad ng mga bata, may mahahabang balbas, sombrero na parang kabute, halos bilugan ang katawan.

Namalayan na lamang ni Arki at Jaakko na ibinaba sila ng mga nilalang at pilit na isinakay sa isang karwaheng kulungan. Hindi sila makatakas at makapiglas dahil sa tibay ng lambat.

Walang ideya sina Arki at Jaakko na pinaghaharian ng apat na kaharian ang Hilusung: Ang Kaharian ng mga Diwata, Kaharian ng mga Sirena, Kaharian ng mga Tikbalang, at ngayon ay wala na silang magawa nang dalhin sila ng mga duwende sa natatangi nitong kaharian. 


-xxx-



(art by anito anum, Jeremiah Torrevillas, Cal Santiago)

Up next i-explore natin ang mundo ng Hilusung kung saan ay pinaghaharian ito ng 4 great kingdom ng mga Diwata, Tikbalang, Sirena, at Duwende.  

Maraming salamat sa pagbabasa!


#PADAYON


FEATURED COMMENT:

Maraming salamat kay Aryllel

"really amazed by this story. I've learned a lot from here. In Leo's part, I learned how cowards can still be brave because of someone special. In Vivienne's part, I learned how even the people with the coldest hearts can learn to love. In Roni's part, I learned how love can really change us, how he wanted to give Vee the flower even if he also needs it, to be free from a curse living in their bloodline for ages. In Rahinel's part, I learned how we sometimes may be deceived by what our eyes see, how we fool ourselves believing we found it but we were actually looking at the wrong direction. In Yumi's part, I learned how jealous can eat us whole, being a fool of our own jealousness. How we bring danger because of it. In Arki's part I learned how friendship affects us. Arki is the ideal friend, the one friend we all want but not the friend we all deserve. Arki being a good friend, she doubtlessly takes a step forward to save her best friend, she risks her life for an unsure journey. Let's all be honest, hindi tayo kagaya ni Arki. Because Arki is that one friend na ibibigay ang buhay para magligtas ng buhay. I remember how she easily forgave Vee kahit sinaknat sya nito, she forgot that past, forgive and forget. While I recall how Arki remained friends with Roni despite her knowing his real identity. And I remember how she let Jazis be one of her friends, kahit mangkukulam ito. Her love to all of them have changed who they was before. Because of her, Vee learned to love, Jazis learned to open up about who she was. Leo learned to be brave. This is the kind of friendship and love we all are looking for. The kind of friendship and love that changes us.

TBH, I already have this kind of friendship, because I once was like Arki. My classmates hate me dahil sobrang sungit ko at lagi akong napapaaway. I was judgemental but after meeting someone from the lower section, nagbago ako. I became the friend that gets into fights for protecting them <<33"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top