/67/ Ang Prinsesa at ang Hari ng Kadiliman
Kabanata 67:
Ang Prinsesa
at ang
Hari ng Kadiliman
NARAMDAMAN ni Arki ang bigat sa kanyang mga braso at kamay nang dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Subalit sa kanyang pagmulat ay tanging walang hanggang kadiliman ang sumalubong sa kanya.
Naisip noon ni Arki na nasa kamay na siya ng hari ng kadiliman ng Hilusung dahil natatandaan pa niya na kusang loob siyang sumama kay Magwayen upang maprotektahan ang dalawang kaibigan niya. Kaagad na rumehistro sa kanyang isip ang mukha nina Rahinel at Yumi.
'Sana okay lang sila... Nasa normal na mundo na kaya sila ngayon?' Wala sa isip ni Arki na mayroong magliligtas sa kanya dahil nasa puder na siya ng mga kalaban. Nangingibabaw sa kanya noong mga sandaling 'yon ang pangako sa kanya ni Rahinel.
Sinubukan niyang igalaw ang kanyang kamay at mga paa nang makumpirma ang kanyang hinala na nakagapos iyon ng malalaking kadena. Naramdaman ni Arki na nakasuksok sa kanyang likuran ang dalawang yantok ng kanyang Lola Bangs.
Tumingala siya at saka naramdaman ang kirot ng kanyang mga sugat na tinamo niya sa labanan nila ni Magwayen. Muling naulit sa kanyang isipan ang mga kaganapan bago siya mapadpad sa kasalukuyang sitwasyon.
'Ang mahalaga'y ligtas na si Yumi...'
Nasilaw siya sa liwanag nang biglang bumukas ang isang malaking pintuan at nang sabay-sabay sumindi ang kulay berdeng apoy sa paligid. Saka lang napagtanto ni Arki na tila ba nasa isang itim na palasyo siya na yari sa bato at kristal.
Natanaw niya ang dalawang nilalang mula sa pintuan na naglalakad palapit sa kanya. Nakilala niya 'agad si Magwayen dahil sa nangingibabaw nitong kasuotan.
"Well, well, gising na pala ang mahal na prinsesa," bati ni Magwayen sa kanya. Napatingin siya sa kasama nito, kilala niya ang lalaki subalit hindi niya maalala kung saan niya ito nakita. "Paano ba 'yan? Baka naman pwede ko nang makuha ang aking premyo?"
Hindi umimik ang lalaki at nilabas nito mula sa kawalan ang isang mahabang itim na tungkod. Bumulong ito ng tila isang dasal, at saka malakas na hinampas ang tungkod sa sahig. Ilang sandali pa'y yumanig ang buong paligid at maririnig ang pagtaas ng isang bakal na pintuan.
Awtomatikong tumingala si Arki nang maramdaman ang kakaibang presensiya at hindi nga siya nagkamali dahil nakita niya ang isang tila higanteng ahas na bumubulusok paibaba. Walang kamalay-malay si Arki na nakakulong siya sa isang selda kasama ang mga bakunawa na alaga ni Sitan.
Narinig niya ang paghagikgik ni Magwayen nang lumipad sa paligid ang bakunawa. Hindi malaman ni Arki kung matatakot ba siya o mamamangha dahil mistula itong dragon.
Naglabas si Magwayen ng isang maliit na bote at gamit ang kapangyarihan ay hinigop nito ang bakunawa at ikinulong sa loob.
"Sawakas naman at magkakaroon din ng sariling selestiyal ang Srivijaya, in the first place ay sa amin naman talaga matatagpuan ang mga bakunawa! Kung hindi lang ito pinaslang ni Kaptan at ng iba pang mga bida-bidang bagani!" naghihimutok na sabi ni Magwayen habang pinagmamasdan ang halimaw sa loob ng bote.
"Ang balita ko'y nagising daw ang dragong may pitong ulo sa isang bayan sa Srivijaya," sabi ng lalaki.
Umirap si Magwayen. "Oo, pero palpak na naman ang mga alipores ko dahil sumabog daw ang bulkan at ayon natsugi ang dragon! Itong bakunawa ang aking pag-asa, mabuti't generous si Sitan na magshare ng alaga niya."
Naalala bigla ni Arki si Leo nang marinig ang pinag-uusapan ng dalawa. Parang nakahinga siya nang maluwag nang malamang napaslang ang dragon at ligtas na ang bayan ni Marikit.
'I'm so proud of you, Leo...' mangilid-ngilid pa ang luha ni Arki nang mapagtantong nagtagumpay ang kaibigan. 'Kamusta na kaya sila Vee?'
Naputol ang agam-agam ni Arki nang may lumipad na dalawang langaw sa harapan ng kanyang mukha.
"Tapos na ang agenda ko rito, nakuha na natin ang mga gusto natin kaya babush!" Nakita niya na sa isang iglap ay naglaho si Magwayen habang nagkalat ang itim na usok sa paligid.
Nanatili ang lalaki at tumitig ito sa kanya. Winasiwas niya ang kanyang ulo upang bugawin ang dalawang langaw.
Lumapit sa kanya ang lalaki at muli niyang sinubukang alalahanin kung sino iyon. Normal lamang ang kasuotan nito, tila isang eksekutibong nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya.
"After more than three hundred years, we finally found you," sabi ng lalaki sa pinakamababa nitong tinig. Tinanggal nito ang salamin at itinago iyon.
Nanatiling nakakunot ang kanyang noo habang hinuhukay sa kanyang memorya ang katauhan ng taong kaharap niya ngayon.
"Hindi siguro sukat akalain ng iyong mga magulang na aabot ka sa ganitong sitwasyon at panahon, Rajani," nagpatuloy ito sa pagsasalita habang iniikutan siya. Naglaho ang pagkakunot niya nang marinig ang isang salita.
"K-Kilala mo kung sino ang mga magulang ko?" hindi niya mapigilang itanong.
Nakita niya ang bahagyang pagngisi nito. "Yes, of course, I know them. I used to be friends with your father, Datu Kagirim." Huminto ito mula sa kanyang harapan.
"Ikaw..." naging malinaw na sa alaala ni Arki kung saan niya nakita ang lalaki, nakita niya ito noon sa eskwelahan nang minsang ma-guidance siya. "Ikaw 'yung alalay ng tatay ni Jaakko... 'Yung secretary Khalil?"
Mas lumawak ang ngiti nito. "Mabuti't naalala mo pa ako," sabi nito. "Hindi mo lang alam kung ilang katauhan na ang ginamit ko, subalit hayaan mong ipakilala ang aking sarili, mahal na prinsesa, ako si Datu Bagobo."
Nanlaki ang mga mata ni Arki nang marinig ang pangalang 'yon. Naalala niya bigla ang kwento sa kanya ni Lola Bangs tungkol sa huling binukot at ang sakim na datu na pumatay sa mga prinsesa upang ialay sa kasamaan. Napagtanto ni Arki na totoo ang kwentong iyon, na siya ang prinsesa at ang kaharap niya ngayon ay ang sakim na mandirigma na matagal nang gustong pumatay sa kanya.
"Ilang henerasyon na ng pamilya ng mga politika ang pinagsilbihan ko," patuloy na nagkwento si Khalil. "Those fools are easy to manipulate, to corrupt, bigyan mo lang sila ng kaunting kapangyarihan ay mas magiging ganid sila. In return, nagagamit ko sila para mahanap ka."
Matalim niya lamang itong tinitigan dahil hindi niya maatim ang kaitiman ng budhi nito para lang sa kapangyarihan.
"Isa lamang si Newman Lazano sa mga naging puppet ko, at hindi ko na siya kakailanganin pa dahil nasa kamay ka na namin ngayon."
"Papatayin n'yo na ba ako?" walang emosyong tanong niya.
Ngumisi si Khalil at mas lumapit sa kanya. "Ito ang kailangan namin sa'yo," sabi nito sabay hawak sa suot niyang kwintas. "Ang Mutya na may ilang butil ng kapangyarihan ni Bathala ang tutulong sa aming ritwal na magising ang mga selestiyal sa ibang mundo ng Ibayo—at mabubuksan nito ang lahat ng portal patungo sa normal na mundo!"
"A-Ang portal?" pinagpawisan nang malamig si Arki nang maalala niya ang nangyaring pag-atake ng mga kampon ng kadiliman noon, sinara ni Lola Bangs ang portal na siyang kapalit ng buhay nito. "A-Ano ba talagang gusto n'yong mangyari?! Nananahimik ang mga tao sa kabilang mundo! Hindi ba ako lang naman ang gusto niyong makuha?!"
"Hindi mo lubusang maintindihan—" natigilan sa pagsasalita si Khalil nang muling bumukas ang malaking pinto at pumasok sina Mankukulam, Manisilat, at Hukluban. Yumukod si Khalil nang makitang pumasok din ang kanilang panginoon, si Sitan.
Kaagad na napako ang mga mata ni Arki sa hari ng Kasakitan, ang panginoon ng kadiliman sa Hilusung. Hindi katulad ni Magwayen ay walang kapansin-pansin dito maliban sa mala-higante nitong anyo ay nababalot ng maskara at balabal ang katawan nito. Kahit na hindi katangi-tangi ang anyo ni Sitan ay naramadaman ni Arki ang nakakatakot nitong presensiya sa likod ng maskara.
"Hayaan mong ipaliwanag ko sa kanya ang dahilan ng ating misyon, Bagobo," sabi ni Sitan na halos ikinatayo ng balahibo niya. Yumukod ang mga tigapagsilbi ni Sitan at lumapit ito sa kanya.
Nakatingala siya rito nang bahagyang yumuko si Sitan at itinaas ang kamay, higante subalit kalansay, kulay itim at matulis, hinawakan nito ang Mutya. Pakiramdam niya ay isang tusok lang ng daliri nito sa kanyang leeg ay mamamatay siya.
Walang kahirap-hirap na napigtas ang suot niyang kwintas at itinaas ni Sitan ang kanyang kamay habanag nakasabit sa matulis nitong daliri ang Mutya.
"Nais ko lamang tulungan ang mga mortal sa Ibayo na makapunta sa kabilang normal na mundo kung saan nagpapakapasasa ang mga katulad mo," sabi ni Sitan na pinagtaka niya. "Isang malaking ilusyon ang kapayapaan sa mundong ito at ipinaubaya ni Bathala sa mga elemento ang lahat—at ang ibang diyos? Naging patron ang mga diyos ng Maharlika! Samantalang inalipin ng mga elemento ang mga mortal at walang diyos ng Hilusung ang duminig ng kanilang dasal. Bilang paghihiganti kay Bathala na lumisan ng Ibayo upang protektahan ang mga mortal sa labas—bubuksan ko ang mga lagusan—sisirain ko ang ugod—sisirain ko ang Ibayo upang makakawala ang lahat sa kulungan na kanyang nilikha!"
Labis na naguluhan si Arki sa mga tinuran ni Sitan. Hindi niya maintindihan kung paanong nagkaroon ng ilusyon ng kapayapaan, kung paano naging alipin ang mga tao sa mundong ito, at kung bakit walang mga diyos sa Hilusung.
Ang tanging malinaw lamang sa kanya ngayon ay gagamitin nila ang Mutya upang buksan ang mga portal sa kabilang mundo, at gigisingin ang mga selestiyal na halimaw upang sirain ang mga ugod na namamagitan sa bawat mundo ng Ibayo.
"Nakita ng anak ni Bathala na si Tala ang mga kaganapan sa hinaharap kaya umaksyon siya na ibigay sa isang prinsesang mortal ang bahagi ng kanyang kapangyarihan—ang Mutya. At tumulong ang apat na diyosa ng mga tagalog upang protektahan ka, Rajani," sambit ni Sitan. "Tatlong-daang taon kang hinanap ni Bagobo at sawakas ay magagawa ko nang tuparin ang aking paghihiganti."
Walang anu-ano'y hinaplos ni Sitan ang kanyang pisngi at kaagad niyang naramdaman ang kirot, mabilis na dumaloy ang dugo mula sa kanyang pisngi. Nang pumatak ang dugo niya sa sahig ay kaagad niyang nakita na pumorma ang mga tigapagsilbi ni Sitan, kabilang si Khalil, upang magsimula sa isang orasyon.
"H-Huwag—" biglang nanghina ang kanyang katawan dahil sa dami ng dugo na nawawala sa kanya. Tila umikot ang kanyang paningin at hindi na niya maipaliwanag ang mga nangyayari sa kanyang paligid, naririnig na lamang niya ang mga hindi maintindihang orasyon at damang-dama niya ang mabigat na presensiya sa paligid.
"Mere, ghulam! Ab apa nashvar dunyah phar hamaala karanee lie ke sbantantr hain!" Nang matapos ang orasyon ay iyon ang sinambit ni Sitan habang nakataas ang mga kamay at nakatingala sa kulungan ng kanyang mga kampon.
Narinig ni Arki ang paghigikgik ng iba't ibang halimaw, pamilyar sa pakiramdam niya nag presensiya ng mga iyon—katulad ng mga halimaw na umatake sa kanilang eskwelahan. Ilang sandali pa'y animo'y mga paniki na lumabas sa kanilang mga lungga ang mga halimaw at lumipad palabas papunta sa lagusan na nilikha ni Sitan.
"H-Hindi..." bulong ni Arki at pinilit na tumingala, nakita niya ang portal at alam niyang papunta iyon sa kanilang mundo.
Natauhan si Arki nang mapagtanto niya na habang bilanggo siya ni Sitan ay gagamitin nito ang kanyang dugo at ang Mutya upang makontrol ang mga portal, kailangan niyang makatakas! Subalit kaagad din siyang nanlumo nang makita na imposibleng makatakas siya dahil walang lakas ang natitira sa kanyang katawan.
Sinubukan niyang tawagin ang mga diyosa sa kanyang isip upang humingi ng saklolo. Nabuhay ang pagnanais niya na lumaban. Ngunit nabigo si Arki nang maramdaman niya ang tila isang itim na mahika ang pumipigil sa kanya na makausap ang mga diyosa.
Hindi pa rin sumuko si Arki at kahit na alam niyang malabo siyang makatakas ay pilit siyang nagpumiglas. Maya-maya'y nagkaroon ng isang malakas na pwersa ang sumabog sa paligid dahilan para biglang makalas ang mga kadena na gumagapos sa kanya.
Nang bumagsak si Arki sa sahig ay biglang naglaho ang portal. Hindi kaagad nakakilos si Arki dahil sa pamamanhid subalit narinig niya ang isang pamilyar na tinig.
"Hindi ko na hahayaang saktan ka nila Arki." Nanlaki ang kanyang mga mata nang makilala ang nagsalita, sinikap niyang iangat ang ulo at nakita ang dating guro.
"M-Mam Anita?" hindi makapaniwalang sabi niya.
"Buhay ka pa pala, ang sabi ni Magwayen ay napatay ka na niya," sabi ni Khalil nang tumayo sila ng mga kasama at nang maudlot ang orasyon. "Subalit malala pa rin ang iyong sugat, kamangha-manghang buhay ka pa rin hanggang ngayon."
"Nandito ako upang makumpirma ang katotohanan, Sitan!" humarap si Anita sa kanyang dating sinasambang panginoon. "Ibinigay ko ang aking buong buhay upang pagsilbihan ka subalit sa huli'y wala ka pa ring balak na tuparin ang aking hiling?" Nahihirapan na si Anita sa pagsasalita subalit pinipilit nitong kayanin.
Ang totoo'y akala ni Anita katapusan na niya nang subukan siyang patayin ni Magwayen subalit nagkaroon ng himala at nakaligtas siya sa pagmamalasakit ni Jaakko.
"Noong umibig ka sa mortal ay nabigo ka na sa iyong misyon," sabi ni Sitan. "Nagawa mong traydurin ang iyong mga kasama para sa iyong sariling interes."
"K-Kung gano'n..." nagkuyom ng palad siAnita. "Karapat-dapat nga na talikuran kayo..." Humarap ito sa kanya. "Arki," ngumiti ito sa kanya subalit hindi na niya makilala ang itsura ng dating guro sa pinsalang tinamo nito, "sana mapatawad mo ako."
"Humawak ka sa'kin!" biglang may sumulpot mula sa kawalan sa kanyang gilid na halos hilahin siya patayo.
"J-Jaakko?!"
Lingid sa kaalaman ni Arki'y may kakayahan si Jaakko na magpalit ng kahit anong anyo dahil nakuha nito ang mahiwagang kabibe ni Kaptan. Ang dalawang langaw kanina ay sina Jaakko at Anita. Ito ang naisip na ideya ni Jaakko, matapos nilang magpalit ng anyo ay kaagad silang dumapo kay Magwayen kaya sila nakarating dito.
Gulat na gulat si Arki at hindi na niya namalayan ang mga sumunod na pangyayari. Mabilis na umusal ng mahika si Anita at kaagad nitong pinadapo sa kanila—huli na para sa mga alagad ni Sitan dahil mabilis silang naglaho. Naiwan si Anita at bago pa ito makakurap ay mabilis itong napatay ni Sitan.
Sa isang iglap, gamit ang natitirang mahika ni Anita, ay nakalabas sila ng Kasakitan at nateleport sa ibabaw ng Hilusung. Bumagsak ang katawan nila ni Jaakko sa lupa at nadinig niya ang pagdaing nito.
Kahit na takang-taka ay kaagad na bumangon si Arki at hinila si Jaakko.
"I-Ikaw?! Paanong napunta ka rito?!" halos sigawan niya si Jaakko sa mukha.
"Huwag ka ngang sumigaw!" sigaw pabalik ni Jaakko sa kanya.
"Ikaw ba talaga 'yan, Jaakko? Hindi ka ba maligno?!" niyugyog niya ito subalit kaagad din siyang tumigil nang mapagtantong si Jaakko talaga ang nasa harapan niya.
"Oo, ako nga—pasalamat ka sa'kin! At hindi ako maligno!" natigilan si Jaakko nang makitang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. "H-Hoy—" hindi ito makagalaw nang bigla niya itong yakapin.
Hindi malaman ni Jaakko ang gagawin kaya hinayaan na lang niya si Arki.
Maya-maya'y bumitaw si Arki sa kanya at pinahid ang luha. "Sorry, nadala lang ako ng emosyon, kailangan ko ng explanation kung paano ka napadpad dito. Now na!"
"Wow, wala man lang bang thank you—"
Parehas silang natigilan ni Jaakko nang maramdaman nila na yumanig ang paligid. Muntik na silang matumba parehas. Napatanaw sila sa malayo.
Nanlaki ang mga mata ni Arki nang maalalang nabuksan ang portal sa mundo nila at may mga halimaw na paparating doon, at higit sa lahat—nagising na ang mga selestiyal na sisira sa mga ugod ng Ibayo.
-xxx-
Abangan: Ano na nga kayang mangyayari ngayong nagtagumpay sila Sitan na magising ang mga selestiyal at nabuksan ang portal sa kabilang mundo?
Note: Alipores ni Magwayen ang may kagagawan kung bakit nagising ang dragong may pitong ulo sa bayan nila Marikit, kinailangan niya ang bakunawa ni Sitan upang magkaroon ng selestiyal ang Srivijaya. Ang mga selestiyal na nabanggit ko na sa kwento ay ang Samadi (giant octopus sa Sama Dilaut kingdom), Minokawa at Tambanokano (sa Srivijaya) at bakunawa. May iba pang selestiyals at ang aim ni Sitan sa paggising sa kanila ay sirain ang ugod na namamagitan sa bawat world ng Ibayo.
Ayun pinaliwanag ko lang! :D
#PADAYON
(Ang mga larawang ginamit sa kabanata ng kwentong ito ay hindi ko pag-aari, credits to the rightful artist.)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top