/65/ Ang Pag-ibig ng mga Halimaw
Kabanata 65:
Ang
Pag-ibig
ng mga
Halimaw
HINDI na nila namalayan kung ilang oras na ang nasayang sa kanilang pagtitig sa bulaklak mula sa malayo. Noong mga sandaling 'yon ay parehas na nabibingi sa kanilang mga sariling isip sina Roni at Vivienne. Unang humakbang si Roni nang bigla siyang hawakan ni Vivienne sa braso.
"I want to ask you something," mahinang sabi ni Vivienne na bahagyang nakayuko. Wala pa ring kamalay-malay ang nilalang na nasa gitna sa nagkukubli nilang presensiya dahil tila wala ito sa sarili na nakatulala sa langit. "Roni."
"Ano 'yon?" tanong nito sa kanya.
"Why did you insisted to come with me—to help me?" tanong niya na hindi pa rin direktang tumitingin sa kasama.
Napakunot si Roni, tinanggal niya ang pagkakahawak sa braso nito. "Ano bang sinasabi mo, Vee? Hindi ito ang oras para pag-usapan 'yan."
'Nag-iisa lang ang bulaklak, Roni.' Gusto sanang sabihin ni Vivienne subalit hindi iyon kumawala sa kanyang bibig.
"You came with me because you wanted to find a cure to your curse," bagkus ay iyon ang sinabi niya.
Mas lumitaw ang pagkadisgusto sa mukha ni Roni nang marinig 'yon.
"Sumama ako sa'yo rito dahil..." napatingin siya kay Roni nang bigla nitong hindi itinuloy ang sasabihin. Nagpakawala ng malalim na hininga si Roni at saka sinabing, "I care for you, Vee."
Pagtalikod ni Roni sa kanya ay biglang lumitaw sa harapan nito ang isang nilalang na kaninang nasa gitna. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay hindi na nilang magawang magkaroon ng reaksyon, namalayan na lamang ni Vivienne na tumalsik palayo si Roni.
"W-What the—" nanlamig ang buong katawan ni Vivienne nang hindi niya makita ang nilalang sa sobrang bilis ng pagkilos nito. "Roni!" wala siyang ibang nagawa kundi isigaw ang pangalan nito nang makita niyang nasa ere si Roni at sunud-sunod na tumamo ng mga pwersa galing sa kalaban na hindi niya halos makita.
Umalingawngaw sa buong paligid ang sigaw ni Roni, hindi pa man ito bumabagsak sa sahig ay nasalo ng katawan nito ang hindi mabilang na pwersa, tumalsik ang dugo sa paligid. Sunod nilang narinig ang mala-demonyong tawa ng isang dilag.
"Tamang-tama ang inyong pagdating..." sabi ng nilalang sa ere. Nang luminaw ang paningin ni Vivienne ay nakita niya ang kanyang kauri, si Assu Ang, ang kaninang maamo nitong anyo ay napalitan na nang kahindik-hindik na anyo. Kung kailan at paano ito nakapagpalit ng anyo ay hindi na niya alam sa sobrang bilis. "...dahil nagugutom na ako. Mukhang masarap kayong dalawa."
Nagtagis bagang at nagkuyom ang mga palad ni Vivienne nang makita niya ang tunay na kulay ng kanilang kalaban. "Roni!"
Muling nawala sa hangin si Assu Ang upang ipagpatuloy ang pag-atake kay Roni subalit tumalsik ito nang biglang naging tikbalang si Roni. Umalingawngaw ang sigaw ng tikbalang sa paligid at ang pagtama ni Assu Ang sa bato.
Biglang hindi nakakilos si Vivienne sa kanyang kinatatayuan nang muling nagpatuloy ang sagupaan ng tikbalang at ni Assu Ang. Tila nablangko ang kanyang isip at hindi malaman ang gagawin sa nasasaksihan.
'W-What should I do?' paulit-ulit na tanong niya sa kanyang isip pero nanatili lamang siyang paralisado.
"Isang tikbalang ang napadpad sa aking pugad?" dinig niyang komento ni Assu Ang nang tumigil ang dalawa. "Tch! Mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit kayo nanghimasok sa aking teritoryo!"
Muling nagsagupaan ang dalawa at mas lumala ang pagngitngit ng kalooban ni Vivienne nang hindi pa rin kumikilos ang kanyang katawan. Nagagawang mangibabaw ng lakas ni Roni, nadapuli ng malalaking braso nito ang leeg ng kalaban
Sakal-sakal na ngayon ng tikbalang ang leeg ng aswang hanggang sa buong pwersa nitong kinuyom ang kamay dahilan para mahiwalay ang ulo nito sa katawan. Halos mapanganga lang si Vivienne nang bumagsak sa lupa ang katawan ng aswang.
Habol ang hininga at halos maubos ang enerhiya'y bumalik sa normal na anyo si Roni, naglakad ito at lumapit sa ulo ng aswang, yumukod ito at saka kinuha ang bulaklak.
Hindi makapaniwala si Vivienne na nagawang makuha ni Roni ang Dhatura.
"R-Roni!" huli na para sumigaw nang makita niya ang ulo ni Assu Ang na kumagat sa balikat ni Roni. "Roni!!!"
Umalingawngaw sa paligid ang sigaw ni Roni dahil sa sakit, kahit anong palag at gawin nitong pagtanggal sa ulo ni Assu Ang sa kanyang balikat ay mas lumalalim ang kagat nito. Nabitawan ni Roni ang Dhatura habang patuloy na nilalabanan ang ulo.
Sa isang iglap ay tumalsik ang ulo sa malayo—hindi na napigilang maluha ni Vivienne nang makita niyang kasamang tumalsik ng ulo ang kanang braso ni Roni. Nakita niya na bumagsak si Roni sa lupa habang naliligo sa sarili nitong dugo, wala na itong kalakas-lakas para lumaban pa.
Narinig ni Vivienne ang pagtawa ni Assu Ang habang unti-unti itong bumabalik sa katawan nito na tila parang walang nangyari.
"Nagkamali kayo ng kinalaban, hindi n'yo 'ata ako kilala," sabi ni Assu Ang nang muling mabuo ang katawan. "Ako ang makapangyarihang aswang na nilikha ng diyosa ng kadiliman, hindi ako pangkaraniwan katulad ng inaasahan n'yo."
Noong mga sandaling 'yon ay nagsimulang magdilim ang paningin ni Vivienne habang nakatingin sa nakahandusay na katawan ni Roni sa damuhan. Hindi niya pinansin ang mga salitang binibitawan ni Assu Ang, mas nangibabaw ang kumukulong emosyon sa kanyang kalooban.
"Hmm... Nawalan na ako ng gana sa tikbalang, ikaw... Mukhang mas masarap ang iyong laman." Maliksing lumusob ito sa kanyang kinaroroonan subalit bago pa nito madakma ang kanyang leeg ay naunahan iyon ng kanyang kamay.
Bakas ang gulat sa itsura ni Assu Ang nang makita ang unti-unting pagbabago ng kanyang anyo. Hanggang sa napagtanto nito na hindi rin siya pangkaraniwan.
"Hindi lang ikaw... Hindi lang ikaw ang nilikha ng diyosa ng kadiliman." Nang sambitin ni Vivienne 'yon ay saka lumabas ang kanyang mga pakpak at malakas niyang sinakmal ng malaya niyang kamay ang kalaban.
Maririnig ang paghiyaw ni Assu Ang nang masugatan ang maamo nitong mukha. Lumayo ito sa kanya habang patuloy pa rin ang paghiyaw sa sakit at poot. Hindi pinalampas ni Vivienne ang pagkakataon at kaagad niya itong nilusob at binigyan ng sunud-sunod na atake.
Walang ibang ginawa si Assu Ang kundi sumalag at lumipad palayo. Noong mga sandaling 'yon ay saka lamang napagtanto ni Vivienne na mayroon pa palang ibang lakas na tinataglay ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya. Sa pinagsama-samang poot at matagal na kinimkim na galit ay mas naging malakas si Vivienne.
Sa isang iglap ay nagawa niyang maitumba si Assu Ang ng walang kahirap-hirap. Subalit hindi siya kaagad umalis sa ibabaw nito at pinatili niyang nakabaon ang kanyang kamao sa dibdib nito upang siguraduhing hindi maghilom ang mga sugat nito.
"May isang katanungan ako sa iyo..." narinig niya ang nanghihinang tanong ni Assu Ang sa kanya, sa kalagayan nito'y wala na itong natitirang lakas para lumaban sa kanya. "B-Bakit mo... Bakit mo tinanggap ang alok ni Magwayen? Bakit mo piniling maging halimaw?"
Ang tanong na 'yon ang tila nagpabalik sa kanyang ulirat, sa kanyang pagkatao, isang senyales na may natitira pa ring bakas ng pagiging ordinaryong mortal sa kanyang kalooban sa kabila ng kanyang kahindik-hindik na anyo.
"Dahil... Dahil kailangan ako ng mga kaibigan ko," mahinang sagot niya habang unti-unting lumuluwag ang kanyang pagkakahawak dito. "Kailangan nila ang tulong ko... Kahit na maging halimaw ako... Wala akong pakialam... Dahil ngayon ko lang naranasan na magpahalaga ng totoo sa ibang tao."
Nang pumatak ang ilang butil ng luha sa kanyang pisngi ay napangisi si Assu Ang.
"Hindi ako makapaniwala na ang isang halimaw na katulad mo ay nagagawang lumuha—isang kahinaan!" kaagad na nabaligtad ang sitwasyon nang mawala sa konsentrasyon si Vivienne.
Nakabangon si Assu Ang at sakal-sakal na nito ngayon si Vivienne.
"Nakita mo na? Sa isang pitik ay nakaya kita. Bakit?" kahit na nakabaon ang kanyang kamao sa puso nito ay tila hinihigop nito ang kanyang lakas, mas nanghina si Vivienne nang bumaon ang kuko nito sa kanyang leeg at anumang sandali'y mapipigtas ang kanyang ulo. "Dahil pinahihina ka ng emosyon mo! Pagpapahalaga? Pagmamahal? Mga walang kwentang bagay!"
Kahit anong palag ni Vivienne ay hindi na niya magawang makakawala sa sakal ni Assu Ang, mas nangingibabaw ito dahil sa ginagawang pagkuha ng lakas sa kanya dahil magkakonekta ang kanilang katawan.
"Minsan din akong naging mortal, katulad mo. Nagpahalaga ng mga kaibigan, umibig sa isang lalaki... Pero lahat sila... Manggagamit! Noong magkaroon ako ng kapansanan? Naging pabigat ako sa kanila! Isa-isa nila akong iniwanan! Maging ang taong mahal ko!" sigaw ni Assu Ang sa kanyang mukha. "Ibinenta nila ako upang maging alipin! At... At... lahat ng kahayupan at pangbababoy ay ginawa nila... Hanggang sa namatay ako't napunta sa Sulad... Nakita ako ni Magwayen dahil nangingibabaw ang aking kaluluwa—puno ng galit at puro ang poot ang aking budhi... Inalok niya ako ng isang pagkakataon... Isang pagkakataon upang mabalikan ko ang lahat ng mga taong lumapastangan sa akin...At tinanggap ko 'yon! Hindi ako nagsisisi na maging kampon ng kadiliman dahil napatay ko ang lahat ng mga nang-iwan at nanggamit sa akin! Mas naging malakas ako!"
Sa kabila ng pagkapos ng hininga ay nagawang makamutawi ni Vivienne ng mga salita. "P-Pero...N-Naging m-masaya k-ka b-ba?"
Sa pagkakataong 'yon ay ang kaharap niya ang napaisip. Ilang daang taon na nga ba ang lumipas? Subalit hanggang ngayon ay damang-dama pa rin ni Assu Ang ang poot, lahat ng pagkamuwi na hindi namatay-matay kahit ilang siglo na ang nagdaan. Heto siya at nag-iisa.
Wala itong nagawa kundi magpakawala ng sigaw. "Mamatay ka na!!!"
Napapakit si Vivienne dahil akala niya noon ay katapusan na niya subalit nagmulat siya nang marinig ang isa pang sigaw mula rito. Nakita niya ang isa pang nakatarak na braso na tumagos sa dibdib nito. Si Roni! Nagawa pa nitong bumangon muli upang tulungan siya.
Hinugot ni Roni pabalik ang braso kasama ang puso ng halimaw. Nabitawan siya ni Assu Ang kaya bumagsak siya sa lupa. At bago madurog ni Roni ang puso ni Assu Ang ay nahagip ng matutulis nitong kuko ang dibdib ni Roni. Parang abong naglaho si Assu Ang nang mapisak ang dugo nito, at si Roni ay tuluyan nang bumagsak sa damuhan.
Isa, dalawa, tatlong segundo.
Hindi na mabilang ni Vivienne at hindi niya sigurado kung gaano siya katagal nakahandusay sa lupa.
'Kailangan kong bumangon...' paulit-ulit niyang sinigaw sa isip hanggang sa kusang gumalaw ang kanyang sugatang katawan. Damang-dama niya ang tila pagkakapunit ng kanyang leeg at para bang anumang sandali ay mapuputol ang kanyang ulo.
Susuray-suray siyang lumapit kay Roni at nakita itong nakahandusay, nakatirik ang mata at bahagyang nakabuka ang bibig. Umiling siya nang sunud-sunod.
"H-Hindi, Roni..."
Nasulyapan ng gilid ng kanyang mata ang nagniningning na bulaklak, ang kaisa-isang Dhatura. Halos pagapang siyang lumapit doon at kinuha ang bulaklak.
Muli niyang binalikan si Roni at hindi pa rin matanggap ang katotohanan na wala na itong buhay. Nasa anyong halimaw pa rin si Vivienne pero malinaw na malinaw sa kanyang isip at damdamin ang lahat ng mga pinagdaanan nila simula umpisa. Naramdaman niya ang pag-agos ng luha sa kanyang pisngi na nahaluan ng dugo.
"Ililigtas kita..."
Gamit ang kanyang buong lakas na natitira, muli niyang binuhat si Roni at lumipad papalayo sa sinumpang kweba ni Assu Ang.
*****
"VEE."
"Arki?"
"Salamat."
"Para saan?"
"Sa lahat..."
"Arki, saan ka pupunta?"
"Paalam, Vee."
"Arki!"
Kaagad na nagmulat ang kanyang mga mata at tumambad sa kanyang paningin ang nakasisilaw na liwanag ng araw mula sa bintana. Naamoy niya ang aroma ng mga dahon na niluluto sa malaking kawa. Pamilyar sa kanya ang lugar dahil nakapunta na siya rito noon.
Muling natagpuan ni Vivienne ang sarili sa loob ng maliit na dampa ng misteryosang matanda na tumulong sa kanila noon. Sinubukan niyang alalahanin ang nangyari subalit wala kaagad na pumasok sa kanyang memorya.
Unang tao na pumasok sa kanyang isip ay ang kanyang kasama.
"Ro—"
Isang yakap ang sumalubong sa kanyan nang subukan niyang tumingin sa kanyang tabi. Hindi niya makita kung sino subalit pamilyar ang amoy, at matipunong bisig na yumayapos sa kanya.
"Roni?"
"Vee," nakangiti nitong sambit nang bumitaw sa kanya.
"P-Paano?" naguguluhan niyang tanong. Kaagad niyang tiningnan ang katawan nito at hindi niya maiwasang mapahawak sa kanang braso nito. "'Yung kamay mo..."
"Ah...Ito ba..."
"Ginamit ko sa kanya ang Dhatura, binalik nito ang kanyang buhay at kanang braso," biglang may sumingit sa kanilang usapan at nakita nila ang misteryosang matanda. "Halos patay na siya nang dalhin mo siya rito kagabi, hindi ko inaasahan na magagawa niyong makuha ang nag-iisang Dhatura kay Assu Ang."
Walang salitang kumawala sa kanyang lalamunan sa sobrang pagkabigla. At saka naalala ni Vivienne ang nangyari. Dinala niya si Roni rito sa dampa at halos magmakaawa siya sa misteryosang matanda na gamutin si Roni gamit ang Dhatura.
"Napabilib mo rin ako kung paano mo natagalan ang gano'ng lagay, halos maputol na ang leeg mo, hija," komento pa ng matanda at awtomatikong napahawak siya sa kanyang leeg. May benda at nakaipit na mga dahon subalit wala na siyang maramdan na kahit anong sakit, buung-buo na rin 'yon.
"Paano hong—"
"Aswang ka, naturalmente," kaswal na sagot ng matanda na bumalik sa ginagawa nitong pagluluto.
'Aswang pa rin ako?' ang nasa isip ni Vivienne. Dahil sa pagiging aswang niya at hindi pangkaraniwang halimaw ay nagawang maghilom ng kanyang mga sugat. Pero ang ipinagtataka ni Vivienne ay tila ba hindi na niya hinahanap pa ang laman ng tao at hindi na siya nagkakaagnas sa tuwing hindi siya makakakain nito. 'Pero aswang pa rin ako...'
Natulala lamang si Vivienne sa kawalan habang nakatitig si Roni sa kanya. Nang hindi niya matagalan ay kaagad siyang bumangon at lumabas ng dampa. Naglakad siya 'di kalayuan at sumalubong sa kanya ang payapang kagubatan.
"Vee!" sumunod si Roni sa kanya subalit hindi niya ito nilingon.
Napahinga siya nang malalim at tumingala. Napakapayapa ng paligid, para bang signos na tapos na ang unos na kanilang hinaharap. Naramdaman niya ang presesiya ni Roni sa kanyang likuran.
"S-Sorry, Vee," mahinang sabi ni Roni. "Sorry dahil sa'kin... Dahil sa'kin hindi mo nalunasan ang sumpa mo—"
"Wala kang kasalanan," blangko niyang sabi nang harapin niya ito. "Desisyon ko 'yon."
Magdamag na naging konsiyensya kay Roni ang bagay na 'yon dahil wala nang ibang paraan para maibalik kay Vivienne ang pagiging normal, mananatili siyang aswang habambuhay.
"Pero paano... paano ka?" tanong ni Roni.
"Kaya ko ang sarili ko, Roni, palagi kong kinakaya," sabi niya sabay kuyom ng palad.
Napangiti si Roni. "Hindi mo kaya mag-isa, palagi mo na lang kinakalimutan na may mga kaibigan ka."
Hindi siya sumagot at mag-iiwas sana siya ng tingin nang bigla siyang kabigin ni Roni upang hagkan sa labi. Ilang segundo lang ang tumagal nang bitawan siya nito, kahit si Roni ay hindi nito inaasahan ang naging aksyon.
"S-Sorry! Wala akong ibang maisip kung paano ka mapapasalamatan sa pagligtas sa buhay ko ng ilang beses—" sa pagkakataong 'yon ay si Roni ang nabigla nang muli niyang paglapatin kanilang mga labi.
Wala ng pakialam si Vivienne noong mga sandaling 'yon kung ano ang dinidikta ng kanyang isip dahil mas nangingibabaw ang dinidikta ng kanyang puso. Buong buhay ni Vivienne ay pilit niyang sinarado ang kanyang puso sa kahit na sino, buong buhay siyang nakulong sa kalungkutan at galit.
Noong mga sandaling 'yon, habang nagsasalo sila ng isang halik, ay parehas nilang natagpuan ang kaluwagan ng kanilang mga puso sa kabila ng pagdurusa at kalungkutan. Ang mga damdaming matagal na ikinubli ay parehas nilang pinakawalan. Kahit na pansamantala lamang dahil sa kanilang sitwasyon, alam nila na pagkatapos ng kanilang paglalakbay ay dahil sa halik ay hindi na magiging katulad ng dati ang kanilang mga buhay.
Sigurado na sila noong mga sandaling 'yon na hindi na sila mag-iisa—kailanman.
Nang matapos ang halik ay pinagdikit nila ang kanilang noo habang nakayapos sa isa't isa. Wala kaagad na umusal ng mga salita hanggang sa maalala nila parehas na hindi pa tapos ang kanilang misyon at may mga taong naghihintay sa kanila.
"May good news ako sa'yo," sabi ni Roni habang magkahawak pa rin sila.
"What is it?"
"Tikbalang pa rin ako."
"What? Hindi ba't ginamit sa'yo ang Dhatura?" tanong niya at kumawala sila sa isa't isa.
Mas lumaki ang pagkangisi sa labi ni Roni. "Sa kasamaang palad, hindi. Binalik nito 'yung buhay ko at braso ko pero 'yung sumpa nandito pa rin."
"Pero paanong naging good news 'yon?" naguguluhan niyang tanong.
Hinawakan siyang muli ni Roni sa balikat. "Kailangan ni Arki ng lakas natin, ng kapangyarihan natin, kahit na sumpa pa 'to." Natigilan saglit si Roni at naging seryoso nang may maalala. "Vee... Napanaginipan ko si Arki, nasa panganib siya."
Napaawang ang kanyang bibig dahil siya rin ay mayroong panaginip tungkol kay Arki. Nang mapagtanto nila ang malubhang kalagayan ng kanilang kaibigan ay dali-dali silang bumalik sa dampa at nagpaalam sa misteryosang matanda.
"Ah, bakit hindi muna kayo magtanghalian dahil tiyak kong mahaba-haba ang inyong magiging paglalakbay," alok ng misteryosang matanda at makahulugang tumingin kay Vivienne.
"Hindi na ho, maraming salamat ho sa lahat—"
"May gusto ho akong malaman," pigil ni Vivienne kay Roni, lumapit siya sa matanda. "Gusto ko hong malaman kung paano n'yo nakokontrol ang pagiging aswang." Mas lumawak ang pagkakangisi ng misteryosang matanda nang sabihin niya 'yon.
"Kung gano'n ay pagkakain natin ng tanghalian, ituturo ko sa iyo ang sikreto, hija," sabi ng matanda. "Ang sikreto kung paano makontrol ang sumpa sa atin ni Magwayen."
Napatingin si Vivienne kay Roni. "Kung kakailanganin ni Arki ang lakas natin kailangan kong mapag-aralan kontrolin ang kapangyarihang ito."
"Kahit na maging halimaw pa tayo."
"Kahit na maging halimaw pa tayo," ulit niya at mahigpit na naghawak ang kanilang mga kamay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top