/64/ Ang Bulaklak sa Yungib


Kabanata 64:
Ang
 Bulaklak
 sa
Yungib


HALOS ibalibag ang katawan ni Leo sa loob ng isang madilim na piitan, sumubsob siya sa lupa at naputikan ang kanyang mukha. Hindi niya maiwasang dumaing nang subukan niyang tumayo, pinahid niya ang putik sa kanyang mukha subalit mas lalo lamang iyong kumalat.

"Saan n'yo dinala si Marikit?!" sigaw niya sabay kalampag sa rehas. "Tch! Akala n'yo makukulong n'yo ako rito—" subalit naputol ang kanyang pagsasalita nang biglang may humila sa kanyang kwelyo.

Namalayan na lang ni Leo na halos may sumakal sa kanyang nilalang habang nakadiin ang kanyang katawan sa malamig na rehas.

"Nasaan si Marikit?" kahit na mahina ang pagkakasabi'y malalim ang boses nito at may diin.

"H-Ha? Sino ka?"

"Sagutin mo ang tanong ko."

"Ah... Eh... Pwede bitawan mo ako?" malumanay niyang sabi.

Natauhan ang nilalang at saka ito bumitaw sa kanya. Lumayo ang lalaki sa kanya at nakita niya nang bahagya ang itsura nito nang matamaan ng kakarampot na liwanag mula sa sulo sa labas.

"Paumanhin, nadala lamang ako ng emosyon," sabi ng lalaki. Nilarawan ng lalaki ang itsura ng tinutukoy nito at napatango lamang si Leo.

"K-Kasama ko siyang dumating dito... Humingi siya ng tulong sa'kin na iligtas ang bayan niya kaya sumama kami eh," sabi niya sabay kamot sa ulo. Rumehistro naman ang pagtataka sa mukha ng lalaki, ilang sandali pa'y muling tumingin ito ng diretso sa kanya.

"Ako nga pala si Makisig," pagpapakilala nito. "Pasensya na ulit sa ginawa ko kanina."

"Ako naman si Leo," sabi niya sabay tanggap sa pakikipagkamay nito.

Umupo sila parehas sa lupa kahit na maputik 'yon. Napabuga ng hangin si Makisig, isang bakas ng kaginhawaan.

"Hindi ako makapaniwala na bumalik siya..." sabi ni Makisig sa sarili habang siya naman ay nakikinig lang dito. "At ngayon... Nasa kamay na siya ng mga hayop na 'yon."

"Uhmm... Kaibigan n'yo si Ambong, hindi ba?" tanong niya.

"Oo, subalit tinraydor nila kami. Hindi kami sumang-ayon sa kanilang ideya na habang gumagawa sila ng paraan na patayin ang dragon ay gawin nilang alay ang mga dalaga ng aming bayan. Ang sabi nila'y iyon lang daw ang isa sa paraan upang hindi tuluyang magwala ang dragon pero hindi 'yon makatao!" damang-dama ni Leo ang hinagpis ng binata sa tinig nito.

"Kung gano'n ay kailangan nating iligtas si Marikit at ang iba pang mga dalaga!" bulalas niya.

Mapaklang ngumiti sa kanya si Makisig, humanga sa kanyang naisip subalit alam nito na hindi iyon magiging madali. Muling napabuntong hininga si Makisig.

"Naisin ko man subalit ilang linggo na kaming binubulok sa piitang ito," sabi ni Makisig na nagkuyom ang mga palad. "Kung makakatakas lamang ako rito'y ililigtas ko ang mahal ko."

Namayani ang katahimikan pagkatapos 'yong sabihin ni Makisig. Napaisip si Leo dahil alam niyang pwede siyang makagawa ng paraan subalit nanatili siyang tahimik. Naisipan ni Leo na pumikit upang muling mag-imahe na maaari niyang gawin sa kanyang kasalukuyang sitwasyon.

Hindi niya namalayan kung ilang oras o minuto ba ang lumipas, nang makita niya muli ang binuo niyang plano sa isip ay nagmulat siya. Nakita niyang nakatulog na si Makisig at saka niya nilabas ang kanyang maliit na notebook at lapis na nakatago sa loob ng kanyang jacket.

Gumuhit si Leo ng isang susi at inimahe na eksakto 'yon sa malaking kandado ng kanilang selda. Ilang sandali pa'y lumitaw sa kanyang palad ang susi na kanyang iginuhit. Tumayo siya at pinasok ang susi sa kandado.

Napapikit pa si Leo nang subukan niyang pihitin ang kandado at laking gulat niya nang bumukas 'yon.

"Yes!" mahinang pagdiriwang niya. Muli niyang nilingon ang walang malay na si Makisig, saglit siyang nag-isip bago ito lapitan. "Huy, Makisig." Ilang sandali pa'y nagising ito. "Tara, tumakas na tayo."

"Paano mo—"

"Huwag ka na munang magtanong," sabi niya sabay hila rito.

Litong-lito man ay tumayo na rin si Makisig at sumunod sa kanya. Tinanong niya rito kung nasaan ang mga iba pa niyang kasama at tinuro ni Makisig ang mga selda.

"Makisig? Paano ka nakakawala?" tanong ng isang lalaki na nakakulong sa kabilang selda.

Walang maibigay na paliwanag si Makisig sa kanyang mga kaibigan kung paano nakakuha ng susi si Leo. Nang matapos mabuksan ni Leo ang ibang mga selda'y umabot sa labingtatlo ang kanilang bilang.

"Sa tingin ko hindi muna oras para malaman kung paano niya nakuha ang susi," sabi ni Makisig sa kasama. "Ang mahalaga nakatakas na tayo ngayon dito at kung ano ang susunod nating gagawin. Habang hindi pa bumabalik ang mga nagbabantay ay kailangan muna nating magpulong."

"Ah eh ano—" sinubukang magsalita ni Leo subalit walang pumansin sa kanya nang pumalibot ang iba pang kalalakihan kay Makisig.

Si Makisig kasi ang isa sa pinakakilalang mandirigma ng kanilang bayan, matikas ito, maginoo, magaling sa pangangaso, at likas ang pagiging pinuno. Hindi na nakapagsalita pa si Leo hanggang sa mapagdesisyunan ng grupo na iligtas muna ang mga dalaga na nasa kabilang piitan.

Nanuod lang si Leo sa ginawa ng kanyang mga kasama, kumuha ang mga 'yon ng mga maaari nilang maging sandata, kahoy, bakal, bato, at iba pa.

Si Makisig ang nanguna sa pagtakas nila sa kanilang piitan. Hanggang sa matiyempuhan na walang nagbabantay sa labas, hindi na naging mahirap sa kanila na makapasok sa piitan ng mga dalaga.

Napuno ng pagsinghap ang piitin nang makita sila ng mga dalaga. Kaagad na inabot ni Leo kay Makisig ang susi kung kaya't nabuksan ang lahat ng mga selda.

"Mahal ko!" nakita ni Leo si Marikit na papunta sa kanyang direksyon subalit nilagpasan siya nito at nakita niyang kinulong nga mga bisig ni Makisig ang babaeng hinahangaan niya. "A-Ang akala ko'y... akala ko'y patay ka na!"

Bumitiw si Makisig kay Marikit at pinahid ang luha sa pisngi ng dalaga. "Iyon ba ang sinabi sa iyo ni Ambong? Kaya ka naglayas ng bayan natin?"

Tumango si Marikit at muling yumakap sa kasintahan. Hindi malaman ni Leo kung anong gagawin dahil hindi niya alam kung paano sasabihin sa kanila ang mga plano sa kanyang isip.

"Samantalahin natin ang pagkakataon na wala sila Ambong," sabi ni Markit sa lahat nang bumitaw sa nobyo. "Mayroon na naman silang inalay na dalaga sa dragon... Nasa paanan sila ng bulkan ngayon upang subukang patayin ang halimaw."

"Sabi ko na nga ba't tama ang hinala ko, kaya pala napakatagal nang kalmado ng dragon dahil palagi pala itong binubusog!" bulalas ng isang matabang lalaki.

"Ano—" subalit muling naputol ang pagtatangka ni Leo nang mapuno ng pagtatalo ang piitan. Labindalawang kalalakihan at labing-isang kababaihan, napalunok si Leo dahil kailanma'y ay hindi siya naging leader sa mga groupings noon kaya hindi niya alam kung paano magsasalita.

Narinig niya ang pagtatalo ng mga kalalakihan, ang isang panig ay nagsasabing tumakas na sila sa bayan dahil wala ng pag-asa na matalo pa ang dragon, ang panig naman ni Makisig ay huwag sumuko at humanap ng paraan upang masolusyunan ang problema ng kanilang bayan.

Lumipas ang halos kalahating oras ay walang napala ang kanilang pagtatalo. Nanatiling tikom si Leo hanggang sa napansin siya ni Marikit.

"Hindi pa huli ang lahat!" natahimik ang lahat nang sabihin 'yon ni Marikit habang nakatingin pa rin sa kanya. "Dahil nakahanap ako ng taong tutulong sa atin na mapatay ang dragon."

Napakunot si Makisig. "Anong ibig mong sabihin? Nasaan ang tulong na sinasabi mo?"

Napatingin ang lahat sa kanya nang ituro siya ni Marikit, ilang sandali pa'y lumapit ito sa kanya. Nagsimula ulit siyang kabahan dahil ito na ang pagkakataon para sabihin ang plano na nabuo niya sa kanyang isip.

Ang kaninang silid na puno ng ingay at pagtatalo ay napalitan ng nakabibinging katahimikan, hinihintay siya ng lahat na magsalita kaya nilunok niya ang lahat ng natitirang hiya sa kanyang katawan.

"May naisip akong plano!" bulalas niya. "Una kailangan muna nating matalo ang hukbo ni Ambong para walang sagabal. Pagkatapos, 'yung mga babae dapat na silang ilikas kasi delikado pero mas okay kung tutulong sila..." huminto siya saglit dahil napakunot ang mga dalaga sa sinabi niya pero nagpatuloy lamang siya. "Ah... Ayun nga, tapos 'yung mga lalaki sasakay sila sa ano... sa... malaking agila siguro tapos lilipad papuntang dragon tapos may dala nga pala silang mga bomba, siyempre 'yung bomba na 'yun ihuhulog sa bawat ulo ng dragon para sure kill. Tapos ano pala... 'Yung mga babae na naiwan sila 'yung kokontrol sa malalaking pana para tumulong sa pagpatay sa dragon... Ano...Tapos... Tapos ayon nga..."

Halos mapanganga ang lahat matapos niyang sabihin ang plano na nabuo niya sa kanyang isip. Hanggang sa nabasag iyon ng mga halakhak mula sa ilang kalalakihan.

"B-Bakit kayo tumatawa?" inosente niyang tanong.

"Marikit, seryoso ka ba rito? Mukhang nakagamit ata ng opio 'tong batang 'to," sabi ng isang matabang lalaki sa kanya. "Sasakay kami sa agila? Mga bomba? Malalaking pana?" muling tumawa ang lalaki. Ang mga dalaga ay napailing lamang.

Panghihinaan sana ng loob si Leo subalit naalala niya na nasa kanya nga pala ang isang natatanging kapangyarihan.

"Hindi kayo naniniwala sa plano ko?" sabi niya sabay hubad sa suot niyang birang sa ulo, itinaas niya ang kanyang kamay at ipinakita iyon sa lahat. "Nasa akin ang makapangyarihang birang na 'to, lahat ay posible!"

Naglaho ang mga halakhak sa paligid, halos lumuwa ang mga mata ng mga tao sa kanyang paligid maliban kay Marikit.

"A-Ang birang ni Haring Laon? Kung gano'n totoo nga!" bulalas ng isa na nasundan pa ng maraming kurukuro.

Sa isang iglap ay nahablot ni Makisig mula sa kanya ang birang. "Paano napunta sa'yo ang birang ng aming ninuno?" magkasalubong ang kilay nito.

"Makisig, hindi ito ang oras para riyan," pumagitna sa kanila si Marikit.

"Oy, akin na 'yan!" tinangka niyang agawin kay Makisig ang birang subalit mas matangkad ito at hindi nito hinayaan na maabot niya ang birang.

"Hindi mo pagmamay-ari ito, Leo," malumanay subalit seryosong sabi sa kanya ni Makisig.

"Leo... Pakiusap." Naramdaman niya ang paghawak ni Marikit sa kanyang braso kaya napatingin siya rito. Nangungusap ang mga mata ng dalaga at kahit na hindi nito sabihin ay alam na niya ang nais nitong ipakahulugan.

Walang nagawa si Leo kundi sumunod sa agos. Wala na siyang nagawa nang isuot ni Makisig ang birang ni Haring Laon.

'Mas bagay sa kanya... Mas karapatdapat sa kanya 'yon... Siya ang totoong hero rito. Side character ka lang, Leo.'

Sumang-ayon na sa pagkakataong 'yon ang lahat sa naisip niyang plano. Habang si Makisig ang namumuno sa lahat ay sinubsob niya ang kanyan sarili sa pagguhit ng mga inimahe niya kanina, mga agila, mga bomba, malalaking pana, kumikinang na armor, at iba pang sandata na pwede nilang magamit. Iginuhit din ni Leo ang mga patibong na maaari nilang gamitin para sa hukbo ni Ambong.

Lumipas ang isang oras nang maging handa sila. Pagkalabas nila ng piitan ay saka niya ibinigay kay Makisig ang kanyang mga iginuhit, at sa isang iglap, sa kapangyarihan ng birang ay nabuhay ang kanyang mga drawing.

Manghang-mangha ang lahat subalit nabalik ang atensyon nila nang magsalita muli si Makisig. Nanatili ang mga babae upang tumulong, ang mga lalaki ay sumakay sa agila at lumipad patungo sa hukbo nila Ambong sa paanan ng bulkan.

Kasama si Leo ng mga babae, papunta sila sa isang burol malapit sa bulkan dahil naroon ang mga malalaking pana na iginuhit niya.

Nanonood lamang si Leo kung paano natalo ng labindalawang kalalakihan, sa pamumuno ni Makisig, ang hukbo ni Ambong. Isang malaking lambat ang trap na kanyang nilikha kung kaya't walang nagawa ang mga 'yon kundi makulong.

Nagsimula ang totoong laban nang sumugod ang labingdalawa sa natutulog na dragon. Katulad ng naging plano ni Leo ay habang sakay sa agila ay ihuhulong nila ang mga bomba na kanyang nilikha sa dragon.

Ilang sandali pa'y sunud-sunod na malakas na pagsabog ang yumanig sa buong paligid. Napatili ang mga kasama niyang dalaga sa lakas ng mga pagsabog. Natakpan ng makakapal na usok ang dragon kung kaya't hindi nila makita ang mga nangyayari.

Subalit umalingawngaw sa buong paligid ang ingay ng dragon—nagising iyon!

"Ngayon na!" bulalas niya sa mga kasama at nagsimulang kontrolin ng mga dalaga ang malaking pana. Malalaki rin ang palaso at mayroon iyong tinataglay na gamot, isang pampatulog na likido upang hindi makakilos ang dragon habang patuloy na hinuhulugan ng mga lalaki ng bomba ang dragon.

Sunud-sunod na lumipad sa ere ang mga higanteng palaso at tumama 'yon sa katawan ng dragon. Patuloy pa rin ang pagsabog ng mga bomba at mahusay na umiiwas ang mga lalaki sa ere sa pag-atake sa kanila ng mga ulo ng dragon.

Hanggang sa lumipas ang ilang sandali at napagtanto ni Leo na tila ba walang nangyayari.

'Mali... Mali ang plano! Kailangan alamin muna ang weakness ng dragon!' sigaw ni Leo sa isip. 'Hindi tinatablan ng bomba ang balat ng dragon!'

"Leo!" narinig niya ang sigaw ni Marikit nang kumaripas siya ng takbo. Sa pagkakataong 'yon ay hindi palabas ng San Laon ang direksyon ni Leo.

'Shit! Shit! Shit!' patuloy ang pagmumura niya sa kanyang isip habang papalapit siya sa paanan ng bulkan kung nasaan ang dragon na may pitong ulo. 'Kailangan kong hanapin 'yung kahinaan ng dragon na 'to!'

Isa sa pinakaimportanteng rule sa videogame na natutunan ni Leo, alamin ang routine ng kalaban, at pagkatapos ay tukuyin ang kahinaan nito.

'Paano na, Leo? Wala na sa'yo ang magic birang?!' muli siyang napamura sa isip pero kaagad din siyang umiling. "Hindi! Kahit walang magic magic, kaya ko 'to! Dragon lang 'to! Ako si Leo Makusug!"


*****


SI Roni ang unang nagkamalay noong hapon na 'yon. Narinig niya ang tunog ng isang kumukulong kawa at tunog ng naghihiwa sa kahoy. Kaagad siyang napabangon nang maalala ang nangyari subalit nanibago siya nang makitang nasa isang hindi pamilyar na lugar siya.

Maraming mga halaman ang nakasabit sa kisame, maliit lamang ang bahay na yari sa kahoy, mayroong malaking katawan ng puno sa loob at nakasabit doon ang iba't ibang garapon na mayroong halamang gamot sa loob.

Nasulyapan niya 'di kalayuan sa isang maliit na kusina ng nakatalikod na matanda, naghihiwa 'yon habang may niluluto sa gilid. Tumigil ito nang maramdaman ang kanyang presensiya.

"Mabuti't nagkamalay ka na," sabi ng matandang babae sa kanya at muling bumalik sa ginagawa.

At saka tiningnan ni Roni ang sarili, puno ng benda ang kanyang pang-itaas na katawan. Napasulyap siya sa kanyang tabi at nakita ang nahihimbing na si Vivienne, kagaya niya ay marami ring benda sa katawan nito at may nakaipit pang mga dahon.

"S-Sino ho kayo?" tanong niya sa matandang babae nang lumapit ito at nilapag ang isang tray na may dalawang bowl na yari sa niyog, may laman 'yon na sabaw at gulay. "Hindi naman siguro ho kayo aswang?"

Marahang natawa ang misteryosang matanda. Kung titingnan ay tila ordinaryong matanda lamang ito, tinignan niya ang kuko nito at nakitang hindi naman 'yon mahaba o matulis. Naghanap ang mga mata niya ng kakaibang bagay sa bahay nito subalit wala siyang nakita kundi mga halaman, gulay, prutas, mga garapon, libro, at mga gamit pangluto.

"Mangkukulam ho kayo?" tanong niya ulit.

"Huwag kang mag-alala, dapat ay kanina ko pa ginawa ang nasa isip mo. Malakas ang epekto ng gamot na ibinigay ko sa inyo kaya talagang hindi n'yo na mararamdaman kung may tangka man akong gawin ko kayong hapunan," sabi ng matanda sabay upo sa kahoy na upuan malapit sa kanila. "Kung mayroon ka mang dapat katakutan ay iyang kasama mo."

Nanlaki ang mga mata ni Roni dahil alam ng matanda ang pagiging aswang ni Vivienne.

"S-Sinaktan niya ho ba kayo?" hindi niya maiwasang itanong. "Pasensiya na ho kasi wala na akong ibang maalala kagabi."

Umiling ang matanda at nilahad nito ang naabutang pangyayari. Hindi siya makapaniwala na lumipad si Vivienne habang pasan siya at napadpad sila sa dampa ng matanda.

"Alam kong nagtataka ka, hijo," sabi ng matanda. "Kung paanong hindi ka kinain ng iyong kasama."

Hindi siya makasagot dahil hindi niya alam ang sasabihin.

"Maraming salamat ho sa pagtulong n'yo sa amin," sabi niya matapos mag-isip saglit. "Pero nagbabaka sakali lang naman ho kung may ideya kayo kung saan matatagpuan ang mga bulaklak na Dhatura."

Naglaho ang ngiti sa mukha ng matanda matapos niyang itanong ang huli. Sinasabi na nga ba niya ay maaaring lubhang delikado ang pinasok nila higit pa sa kanilang inaasahan base sa ekspresyon ng matanda.

"Hindi nga ako nagkamali sa aking hinala," napakunot siya sa sinambit ng matanda. "Kamatayan ang hinahanap n'yo, hijo, dahil ang Dhatura ay binabantayan—"

"Alam ho namin, Lola," sabi niya. "Pero malayo na ho ang narating namin para tumigil." Sumulyap siya sa katabi. "Kailangan namin ang bulaklak dahil naghihintay ang mga kaibigan namin..."

Walang kamalay-malay ang dalawa na dahan-dahang nagmulat ang mga mata ni Vivienne. Nakaramdam ito ng kakaiba at halos hindi nakita ni Roni ang pagbangon nito.

"Vee!" sigaw niya nang makitang aatakihin nito ang nakaupong matanda.

Subalit sa isang iglap ay sakal-sakal na ng matanda si Vivienne at hindi ito makagalaw.

"L-Lola, bitawan n'yo ho siya." Kalmado lamang ang matandang babae habang sakal-sakal nito si Vivienne. Hindi siya makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari at sa lakas na tinataglay ng matandang nagligtas sa kanila.

Binitawan ng matanda si Vivienne at halos hindi ito makahinga kaya kaagad niya itong dinaluhan. Tumayo ang matanda at naglakad pabalik sa kusina.

"A-Aswang..." dinig niyang sabi ni Vivienne sa pagitan ng pag-ubo.

"Vee... Wala na tayo sa baryo na 'yon..."

"A-Anong ginawa mo sa'kin?" tanong ni Vivienne sa matanda nang mahimasmasan. "Bakit nawala ang mga sugat ko?"

Hindi sumagot ang matanda bagkus ay itinuro nito ang mga halaman. Hindi pa rin makapaniwala si Vivienne.

"Alam ko kung saan matatagpuan ang Dhatura, kung nasaan ang pugad ni Assu Ang," sabi ng matanda na ikinatigil nila parehas. "Iyon lang ay kung parehas pa kayong makakalabas ng buhay doon."

Nagkatinginan silang dalawa, tumango siya kay Vivienne habang hinihimas ang likuran nito upang kumalma lang.

Nanghihina pa rin si Vivienne kaya hindi na ito kumibo pa. Tinanggap ni Roni ang direksyon na binigay ng msiteryosang matanda at humayo na ulit sila. Sa pagkakataong 'yon ay tinitiyak ni Roni sa sarili na hindi na sila naliligaw nang matagpuan nila ang daan na hindi nila nakita noon, gaya ng nilarawan ng matanda ay madadanan nila ang isang ilog, pagkatapos ay papasok sila sa isang yungib at paglabas nila sa kabila'y kinailangan nilang kumanan sa lahat ng direksyon at sundan ang direksyon ng hangin.

Matapos ang maghapong paglalakad ay natagpuan nila ang isang kweba, ang sabi ng matanda ay sa loob nito matatagpuan ang pugad ni Assu Ang, sa loob lamang ng kweba namumukadkad ang bulaklak na may himala, ang Dhatura.

Walang umiimik sa kanilang dalawa sa buong paglalakbay, isang tingin lamang sa isa't isa at walang pagdududa na pumasok sila sa madilim na kweba na walang dalang kahit na anong ilaw. Kabilin-bilinan din ng matanda na huwag silang magbubukas ng apoy hangga't hindi nila nararating ang dulo ng kweba.

Kinakapa ang kadiliman at nakabibinging katahimikan. Awtomatikong hinawakan ni Roni ang kasama at naramdaman niya ang nanlalamig na kamay ni Vivienne.

'Diretso lamang kayong maglakad sa kadiliman hanggang sa unti-unting lilitaw ang liwanag. Sa dulo nito matatagpuan niyo ang isang tila paraisong hardin ng iba't ibang bulaklak. Naroon ang Dhatura, naroon din ang pugad ng nagbabantay nito.'

Natanaw nila ang maliit na liwanag sa dulo hanggang sa mas binilisan nila ang paglalakad. Subalit hindi katulad ng inilarawan sa kanila ng matanda na paraiso ay bumungad sa kanila ang tila isang patay na hardin, ang bawat puno, halaman, at mga bulaklak ay nalalanta—wala ng buhay.

Mabuti na lamang ay mabilis silang nakakubli sa likuran ng isang puno nang makita nila sa gitna ang isang nilalang. Bukod sa mga lantang halaman ay napaliligiran ito ng mga buto ng mga tao. Sabay pa silang napatingin sa inaapakan at napagtantong halos mapuno ng kalansay ang lugar, mga nabiktima ng reyna ng mga aswang.

Alam nila parehas na iyon na si Assu Ang, isang halimaw na nagkukubli sa anyo ng napakagandang dilag, wala itong saplot sa katawan at ang mahaba nitong buhok ang nagtatakip sa maselan na bahagi ng katawan.

At ang pinakanakuha ng kanilang atensyon ay ang isang bulaklak na nakaipit sa tainga nito, ang nag-iisang Dhatura. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top