/63/ Kapangyarihan ng Hiraya


Kabanata 63: 
Kapangyarihan 
ng 
Hiraya


"WALANG saysay ang pagpupumiglas mo, ineng," malamig na sambit ng ginang sa kanya nang subukan niyang kumawala sa mahigpit na pagkakatali sa kanyang mga kamay at paa. "Malapit nang magsimula ang kasiyahan, naisin ko mang imbitahan ka subalit mukhang maya-maya ka pa magpapalit ng anyo." Sumilay ang mala-demonyong ngisi sa mukha nito. "Huwag kang mag-alala dahil pagkatapos ng piyesta ay dadalhan kita rito ng pagkain, anong parte ang gusto mo? Braso? Binti? Ulo?"

"A-Anong piyesta? Anong gagawin n'yo sa kasama ko?"kahit na hindi nagpapakita ng takot si Vivienne ay damang-dama niya ang malamig na pawis sa kanyang katawan.

"Kung gano'n ay kami na ang bahala ang magtira para sa'yo," sabi ng ginang at saka lumabas ng silid.

Nang maiwan si Vivienne ay muli niyang sinubukang magpumiglas subalit hindi pa rin naging sapat ang kanyang lakas upang mapatid ang lubid.

Mas lumakas ang tambol sa labas at narinig niya ang ingay ng pagtitipon. Mukhang mayroong nagagananap na selebrasyon sa labas lalo pa't mas kumakapal ang usok na pumapasok sa kanyang silid.

Iginalaw ni Vivienne ang kanyang katawan, tila isang bulate na pilit na gumapang sa sahig upang makalapit sa dingding na yari sa pawid, humanap siya ng maliit na butas upang sumilip sa nangyayari sa labas.

Nakita niya ang mga mamamayan ng baryo na nagtitipon sa labas habang nakapalibot sa isang apoy na may kumukulong kawa. Ang mas nagpatalon ng kanyang puso ay nang makita niya ang isang nilalang na nakagapos sa harapan na tila isang maliit na entablado, nakatakip ang ulo at walang saplot na pang-itaas.

Mas lumakas ang pagkalampag ng kanyang puso nang makita ang pinuno na umakyat doon habang dala-dala ang isang kumikinang na itak. Nagsalita ang pinuno habang ang kanyang asawa ay nakatayo sa gilid nito, hindi niya maintindiha ang mga sinasabi nito subalit nadiktahan na ng kanyang isip ang susunod na mangyayari.

Matapos ang pagsasalita ng pinuno ay walang ano-anong hinataw nito ang itak sa ulo ng nakapos sa harapan.

"N-No!" sigaw niya. Sunod na dumaloy ang luha sa kanyang pisngi kasabay nang malakas na hiyawan ng mga aswang.

Hindi pa rin maalis ang kanyang tingin sa mga nangyayari. Nakita niyang binuhat ang katawan na walang ulo sa isang tabi at saka pinagtataga at inihiwa-hiwalay ang parte ng katawan nito at lamang-loob nito.

Binagsak niya ang kanyang katawan sa sahig habang patuloy pa rin ang pag-agos ng kanyang luha. Hindi niya magawang makabangon sa tila kasing bigat ng bato nakadagan sa kanyang dibdib. Ipinikit niya ang kanyang mga mata upang subukang burahin sa memorya ang karumal-dumal niyang nasaksihan.

Inalala niya ang mukha ni Roni, ang ngiti nito, mga simpleng biro, at pag-aalala sa kanya. Naalala niya ang pagboluntaryo nito na samahan siya na hanapin ang gamot para sa kanyang kalagayan.

'I deserve to become a monster... I deserve to die...' paulit-ulit niyang sinisisi ang kanyang sarili sa nangyari, na kung hindi dahil sa kanya ay hindi mangyayari ang kapalarang 'yon kay Roni.

Hindi namalayan ni Vivienne na nakaidlipan niya ang kanyang pagluha. Muli siyang nagising nang maramdaman niya ang muling tawag ng kanyang gutom. Sa pagmulat ng kanyang mga mata'y nag-iba ang kanyang paningin, unti-unting humaba at tumulis ang kanyang mga kuko, nararamdaman niya ang paglagutok ng buto sa kanyang likuran—hudyat na nais kumawala ng kanyang pakpak.

Lingid sa kaalaman ng pinuno at ng mga aswang ng baryong ito ay hindi siya pangkaraniwang aswang dahil nagmula ang kanyang itim na kapangyarihan kay Magwayen.

Buong lakas na lumabas ang kanyang pakpak dahilan para mapatid ang kanyang tali sa katawan. Madali lang niyang napigtas ang tali sa kanyang mga paa at kamay. Isang malakas na pwersa ang hinataw niya dingding upang makalabas ng silid.

Kaagad niyang nakuha ang atensyon ng lahat na abala sa pagkain ng mga lamang-loob. Awtomatikong inangilan siya ng mga kapwa niya aswang subalit napansin ng mga ito ang pagkakaiba nila sa kanya.

"Isang aswang na likha ng itim na mahika," manghang sabi ng pinuno habang nakatingin sa kanya.

Noong mga sandaling 'yon ay amoy na amoy niya ang aroma ng lamang-loob ng tao, o kay tagal na niyang hindi nakakatikim nito!

Nanatili siyang nakatayo sa kanyang kinaroroonan habang nakatingin ang lahat sa kanya. Sumenyas ang pinuno sa kanyang mga kasama na bigyan siya ng kinakain nila, hindi mangmang ang pinunos a kakayahan ng mga aswang na katulad niya, ang mga aswang na nilikha ni Magwayen ay halos kasing pantay ng kapangyarihan ni Assu Ang, hindi katulad nila na likas ang pagiging aswang.

Tinuring siyang parang panauhin ng hainan siya ng isang malaking parte ng lamang-loob ng tao. Mas lumakas lalo ang kanyang pang-amoy nang nakarap na sa kanya ang pagkain. Sinunggaban ng kanyang kamay ang isang piraso.

Nakatitig pa rin ang lahat sa kanya at tila hinihintay ang kanyang pagsubo. Subalit biglang rumehistro sa kanyang memorya ang mukha ng isang binata.

Noong una'y hindi niya maalala kung sino ang binata, habang nagtagal ay mas luminaw ang imahe nito at mas lumakas ang tinig na naririnig niya sa kanyang isip.

'Roni...'

Nang banggitin niya sa kanyang isip ang pangalang 'yon ay mulingg nanumbalik sa kanyang alala ang lahat. Maging ang imahe ni Arki, ni Rahinel, ni Leo, at ni Jazis. Pati ang lahat ng mga kaganapan sa kanilang paglalakbay.

Nagkuyom ang kanyang palad at malakas na ibinato ang hawak na laman. Naalarma ang lahat at bago pa makakilos ang mga aswang sa kanyang paligid ay mabilis siyang lumundag sa mga 'yon at isa-isang ginilitan ang kanilang mga leeg gamit ang kanyang napakatalas na mga kuko.

Ang kaninang nagkakasiyahan ay napalitang ng kaguluhan ngayon, mas dumanak ang dugo sa paligid. Sinubukang lumaban ng mga aswang subalit wala silang kalaban-laban sa katulad niya.

Sa takot ng pinuno ay kaagad itong umaksyon. Nakuha nito ang kanyang atensyon nang makita niyang may katawan itong itinilapon sa kanyang harapan saka itinaas ang mga kamay bilang pagsuko.

"Pakiusap, patawarin mo ang aming lahi," sabi ng pinuno na lubhang hindi inaasahan na magiging ganito ang sitwasyon.

Tiningnan niya ang katawan at nakita niya ang pamilyar nitong mukha. Si Roni, tila nahihimbing sa kanyang pagtulog. Kaagad niyang pinasan ang binata at saka lumipad palayo sa baryo ng mga aswang.

Muling hindi namalayan ni Vivienne kung ilang oras siyang nagpalipad-lipad sa kagubatan habang pasan ang katawan ni Roni. Lumipas ang buong magdamag hanggang sa unti-unting sumikat ang araw, unti-unti rin silang lumapag sa lupa at tuluyan nang bumalik sa normal na anyo si Vivienne.

Bumukas ang kahoy na pintuan ng isang maliit na dampa at niluwa noon ang isang matandang babae na nakasuot ng balabal. Kaagad nitong sinipat ang dalawang nilalang na nasa kanyang sinasakupan.

"Hmm..." pinagmasdan ng matanda ang anyo ni Vivienne na bumabalik pa rin sa normal. "Isang aswang na may dalang mortal?" sabi nito sabay baling kay Roni.

Sadyang mapaglaro ang kapalaran at tila pinagbigyan sila ng mga diyos noong mga oras na 'yon dahil mapadpad sila sa nilalang na makakatulong sa kanila.

"T-Tulong..." mahinang sambit ni Vivienne na nakapikit pa rin.

"Paanong napadpad sa aking dampa ang katulad mong aswang?" tanong ng matanda subalit hindi na nakakibo pa si Vivienne.

Pinagmasdan muli ng matanda ang dalawa. Winawari kung bakit niligtas ng isang aswang ang isang mortal.

"Maliban na lamang kung isang pag-ibig," ani ng matanda na nakatingin pa rin sa kamay ng dalawa na magkapulupot sa isa't isa.


*****


"KAINIS, nasaan na ba 'yung lalaking 'yon?!" sambit ni Jazis sa sarili habang patuloy na hinahalughog ang kagubatan.

Kanina pa siya nagpapasikut-sikot sa nadaanan nila papuntang San Laon subalit ni anino ni Leo ay hindi niya makita. Hindi namalayan ni Jazis na unti-unting nababalutan ng hamog na ulap ang paligid.

"Leo?!" muli siyang sumigaw. "Leo, ano ba! Okay, alam kong naduduwag ka pero come on! Hindi tayo pwedeng maghiwalay! Babalikan pa natin sila Arki!"

Subalit wala siyang narinig na sagot, wala pa ring Leo na lumalabas. Ilang sandali pa'y nabahala na siya nang mapagtantong nawawala na siya sa loob ng kagubatan. Nilibot niya ang kanyang tingin upang hanapin ang tanawin ng San Laon kung saan makikita kaagad ang bulkan at dragon.

"Shemssss, nasaan na 'yon?!"

Mas bumilis ang kanyang paglalakad ngunit kaagad din siyang tumigil nang mapagtantong nagpapaikut-ikot siya sa iisang lugar.

"Oh no!" napahawak pa siya sa kanyang ulo. "It' can't be!" kaagad ding humupa ang nakalukot niyang mukha nang maalala ang bruhula ni Baba Gita. "Oo nga pala, mayroon ako nito! Ituturo nito si Leo!"

Sinundan niya nag direksyon na itinuturo ng dahon at dahan-dahang naglakad. Ilang sandali pa'y lumapad ang kanyang ngiti nang makita si Leo 'di kalayuan, nakaupo sa isang bato habang nakayuko.

"Leo!" nawala na 'ata ang kanyang inis at galit dito.

Halos tumakbo siya papunta kay Leo nang bigla siyang mahulog sa isang walang hanggang kadiliman. Halos umalingawngaw ang kanyang sigaw sa paligid hanggang sa maglaho ang portal.


*****


BIGLANG napapitlag si Leo sa kanyang kinauupan.

'May tumawag ba sa'kin?' tanong niya sa kanyang isip at saka nilibot ang tingin. Nang wala siyang makitang iba ay nagkibit balikat na lamang siya at muling itinuloy ang kanyang pagmumunimuni.

Sa 'di malaman na dahilan ay nawala ang pag-iingay ng dragon at muli itong nahihimbing sa bulkan.

Muli siyang napasabunot sa ulo dahil sa hindi malaman na gagawin. Nang matigil ang pag-aalburoto ng dragon ay kahit papaano'y kumalma siya, masyado lang siyang nabigla. Damang-dama pa rin niya ang kirot ng suntok ni Jazis sa kanyang mukha pati ang mga salitang binitiwan nito sa kanya,

"Nakakainis, bakit ba ang duwag-duwag ko!" inis niyang sabi sa sarili.

Muling pumasok sa kanyang alaala ang mga ipinangako niya kay Marikit at Arki, na gusto niyang iligtas ang bayan na iyon dahil sa kagustuhan niya na ipakita na may ibubuga rin siya katulad ng kanyang mga kasama.

Naalala rin ni Leo ang dahilan kung ano ang isinagot niya noon kung bakit gusto niyang pumunta ng Ibayo, dahil gusto niyang maging matapang.

Pakiramdam ngayon ni Leo ay sobrang bigo niya, isang malaking kapalpakan. Wala siyang ibang magawa kundi matakot, ngumawa, umiyak, at umatras sa mga pagsubok na hinaharap niya. Naisip niya na wala siyang silbi at binatbat kapag wala si Arki.

'Hanggang kailan ka iiyak?'

Hindi sigurado si Leo kung guniguni lang ba ang mga salitang tila bumulong sa hangin. Nag-angat siya ng tingin at saktong nakita na paparating ang isang nilalang na muntik na niyang makalimutan na kasama nila sa paglalakbay.

"Mari?" tawag niya sa Sarimanok na tutuka-tuka sa lupa.

Tumayo siya at pinulot ang manok. "Nandito ka pala, sinundan mo ako? Pasensiya na kung naiwan kita," sabi niya sa manok at hinaplos ito. "Sorry, ang malas mo, sa'kin ka talaga nasama."

Hindi man sumasagot ang manok sa kanya ay patuloy niya lang itong kinakausap dahil pakiramdam niya'y gumagaan ang kanyang dibdib.

"Si Jazis?" tanong niya sa manok. "Tama naman sila eh, napakaduwag ko, parang hindi ko kayang gawin 'yon."

Muli siyang nanlumo at napaupo sa malaking bato habang kalong pa rin si Mari. Sunud-sunod na pumatak ang kanyang luha nang maalala sila Arki.

"Sorry, sorry kung ganito ako," lumuluha niyang sabi. "Gusto kong maging malakas pero natatakot ako."

'Leo, kaya mo 'yan! Ano ka ba? Hindi ba't pangarap mong maging super hero? ' biglang pumasok sa kanyang isip ang nakangiting imahe ni Arki.

'Ikaw man ang pinakaduwag kong kilala, alam kong may itinatago kang galing.' Sinundan iyon ni Rahinel.

'Leo! Kahit na patpat ka alam kong mas malakas ka sa'kin.' Si Roni.

'You are witty and street-smart who can outsmart someone bookish like me.' Si Vivienne.

'Hoy, sige na, magpakatapang ka na, cute ka na, sige na.' si Jazis

Alam niyang gawa-gawa lang ng kanyang imahinasyon ang mga salitang 'yon mula sa kanyang mga kaibigan. Hindi man totoo pero pakiramdam niya ay totoong sinasabi nila 'yo sa kanya.

'Naniniwala kami sa'yo, Leo.'

Pinahid niya ang basang luha sa kanyang pisngi at tumingin sa kanyang harapan. Mas lumakas ang paggamit niya sa kanyang imahinasyon dahil nakikita niya na ngayon sa kanyang harapan sina Arki, Rahinel, Roni, Vivienne, at Jazis, nakangiti sa kanya.

"Guys..." muling namuo ang luha sa kanyang mga mata. "K-Kaya ko 'to, 'di ba?"

'Oo, Leo, kaya mo.'

Isang malapad na ngiti ang kanyang ibinigay. Muli siyang pumikit at saka dumilat, nawala na ang imahe ng kanyang mga kaibigan. Tanging sila lang ni Mari ang natirang magkasama.

Muli mang nag-iisa ay napagtanto noon ni Leo ang kakaibang kapangyarihan ng imahinasyon. Kaagad niyang naalala ang sinabi ng isa sa kanyang paboritong imbentor, 'Imagination is more important than knowledge.'

Unti-unting nabigyan ng liwanag ang nagdidilim niyang isip noong mga sandaling 'yon. Nang subukan niyang iimahe sila Arki ay nabigyan siya ng lakas. Paano pa kaya kung gagawa siya ng imahe sa kanyang isip na kaya niyang talunin ang dragon na may pitong ulo?

Muling pumikit si Leo at inisip ang senaryo.

Habang papalapit siya sa kahindik-hindik na dragon ay nakaramdam siya ng takot, lalo na nang magmulat ang mga mata nito at akmang bubuga ng apoy ay dumilat siya.

"K-Kaya mo 'to, Leo!" sambit nioya sa kanyang sarili at muling pumikit.

Sa ikalawang pagkakataon ng kanyang pag-iimahe ay nakita niya sa kanyang isip ang isang posibilidad na kung iisipin sa realidad ay napakababang porsiyento na magtagumpay siya.

Ginamit ni Leo ang kanyang imahinasyon upang makaisip ng paraan kung paano matatalo ang dragon. Inalala niya ng mga video games, anime, comics, manga at marami pang ibang pwede niyang alalahanin sa mga nalaro, napanood, at mga nabasa niya kung paano pumatay ng dragon.

Makalipas ang ilang sandali'y nagmulat siya na may kakaibang kumpiyansa sa kanyang sarili. Sumilay ang isang ngiti, ngiting may bakas ng pag-asa sa kanyang mukha.

"Salamat at dumating ka, Mari," sabi niya sa Sarimanok.

Humarap siya sa direksyon ng bulkan at dragon, saka buong bilis na bumalik sa bayan ng San Laon.

Subalit nang bumalik siya sa bahay ni Ambong ay saktong naabutan niyang walang malay si Marikit na ginagapos ni Ambong.

"A-Anong ginagawa mo?!" sigaw niya kay Ambong.

Nawala ang kainosentehan sa itsura ng matalik na kaibigan ni Marikit. "Sa tingin mo ba'y kakalma ang dragon kung wala itong makakain?!"

Mula sa kung saan ay sumulpot ang mga kasabwat ni Ambong.

"Dalhin niyo na si Marikit sa kulungan ng mga dalaga," utos ni Ambong sa mga kasama at saka siya itinuro. "At saka iyan, dalhin n'yo sa kulungan ng mga traydor."

"Masusunod, Ambong!"

Walang ibang nagawa si Leo dahil pitong tao ang nakapaligid sa kanya. Ginapos siya ng mga 'to subalit kakaiba ang kanyang pakiramdam.

'Kaya ko 'to! Gagawa ako ng paraan!'

Noong mga sandaling 'yon ay wala ng takot sa kanyang dibdib. Dahil natuklasan na ni Leo ang kapangyarihan ng kanyang hiraya



-xxx-


GLOSSARY:

Hiraya- Imahinasyon, vision, illusion



A/N: Nakangiti ako habang tinatayp ang eksena kung saan iniimagine ni Leo yung mga friends niya na pinapalakas ang loob niya. Minsan kasi gano'n tayo sa life, minsan walang ibang tao ang nagpapalakas ng loob natin kundi mga sarili lang natin. Kaya minsan kailangan natin mag-imagine na kaya nating harapin yung mga problema natin. Wala lang, natutuwa lang ako kasi natatouch ako sa sarili kong sinusulat. Haha, sana kayo rin.

Maraming salamat sa pagbabasa at paghihintay!

#PADAYON


Extra: (Mula sa aking Facebook post sa account na Demi Rizal)

Aaminin ko na minsan nagbabasa ako ng mga comments para maghanap ng feedback sa story kung ano ba 'yung insights ng readers, kung ano 'yung mga napansin nila, may mali ba na dapat i-improve etc.

Madalas kuntento na ako sa "Maraming salamat sa UD", immune naman na ako at hindi naooffend sa "UD na po pls", natatawa sa mga inline comment reactions at minsan nga'y sa "hahaha" lang ay natutuwa na ako kasi effective na natawa sila sa linya na 'yon.

Pero recently may natanggap ako na feedback na talagang nagpakilig sa'kin. Isang komento mula sa nobela kong on-going na Ang Huling Binukot mula kay karryllenavarrog:


"I'm amazed by how each of them learned something throughout this dangerous journey. Though Leo is scared, the fact that he went there, longing to help and protect someone is already enough to prove he's brave. The fact he wants to help, is already a strong source of will power. I am amazed by how Roni is understanding about Vivienne's situation. How he does not blame her, for hurting him because of the her curse. But mostly amazed by Arki. She did not doubt in the thought of risking her life just to find her bestfriend and save her from the hands of a creature much more powerful than her. She did not even hesitate to blaze that trail and follow her best friend. She chose to try and save her though that path is unsure. She chose Yumi over herself. She chooses others before her. She showed goodness even to the ones who at first did not do good . The reason why she continues to fight is because her source of hope, strength and will power is her friends. May mamatay man sakanila, they know to themselves na they did everything for their friends, for the same people who would dare to risk their life someone else's, for their own. Sana lahat mag pay off. ♥️"

Nakakamiss lang 'yung mga ganitong type ng feedback na madalas noong hindi pa uso ang inline comments ko natatanggap. Kaya naman sobrang thankful ako sa mga ganito, 'yung tipong kahit isa lang pero ganito kalaman at alam mong talagang binasa nang maigi at ninamnam ng reader 'yung mga pinagpaguran mo ay mapupush ka talagang magpatuloy kahit na isa lang siya. Muli, maraming salamat! Naibahagi ko lang dito kasi talagang pinataba nito lalo ang aking puso. :>❤ ❤ ❤#DemiNoticed#AngHulingBinukot#Wattpad #AnakniRizal

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top