/62/ Sa Kabilang Dako



Kabanata 62:
Sa Kabilang Dako


HALOS bumaligtad ang sikmura ni Leo nang masilayan nila ang kaenggrandehan ng laki ng dragong may pitong ulo sa bayan ng San Laon. Malayu-layo pa ang kanilang tatahakin subalit tanaw na tanaw na nila ngayon ang halimaw na nagdudulot ng gulo sa bayan ni Marikit.

Kasalukuyang nahihimbing sa pagtulog ang dragon, nakapulupot ang katawan nito sa bulkan at kung hindi mo titingnang mabuti ay mapagkakamalan mong parte ng kabundukan ang katawan nito sapagkat humahalo ang kulay nitong lupa na hinaluan ng kulay ng mga puno.

Narinig nila ang napanatag na buntong hininga ni Marikit, sabay na napatingin dito sila Leo at Jazis.

"Mabuti't natutulog pa ang dragon," halos pabulong na sabi ni Marikit subalit hindi iyon nakatakas sa kanilang pandinig.

"Huh? Bakit? Anong dapat naming ikatuwa ro'n?" mataray na tanong ni Jazis.

"Kung matulog ang dragon ay inaabot ng linggo, subalit kapag nagising ito'y kinakailangan itong mapakain 'agad ng mga tao—hindi lang basta tao kundi ay mga birheng dalaga," paliwanag ni Marikit.

"OMG, delikado pala ako!" bulong ni Jazis sa sarili. 'Tss...Bakit ba kasi pinasama ako ni Arki rito? Nadamay pa ko sa problema nitong babaitang ito at sa pagiging bida-bida ni Leo!'

Napansin ni Jazis na namumutla si Leo kaya lumapit siya sa binatilyo para asarin ito. "Oh, good news, Leo! Malapit na malapit na tayo! Ready ka na ba ipakita ang super skills mo? Nakita mo 'yun?" tinuro ni Jazis ang dragon. "Iyon lang naman ang papatayin mo—"

Pinalis ni Leo ang kamay ni Jazis, magkasalubong ang kilay at napalitan ng pagiging seryoso ang mukha kaya tumigil na si Jazis sa pang-aasar.

"Bilisan na natin, nasasayang ang oras sa kakasatsat mo," patag at malalim na pagkakasabi ni Leo sabay nauna sa paglalakad. Sumunod dito si Marikit.

"Wow ha."

Si Jazis naman ay ngumuso, kinuha ang bayong na pinaglalagyan ni Mari. Humabol siya sa mga kasama.

"Bakit hindi na lang tayo sumakay kay Mari tapos direktang sumugod sa dragon na 'yan habang natutulog?" suhestiyon ni Jazis subalit hindi siya pinansin ni Leo. "'Di ba may magic birang ka, gamitin mo na 'yan para matapos na 'to for once and for all!"

Hindi pa rin siya pinansin ni Leo at diretso lamang itong naglakad, sa inis ni Jazis ay nakabusangot na lang siyang sumunod sa dalawa.

Lumipas ang halos limang oras at narating nila ang bayan ng San Laon. Walang mga tao sa labas at lahat ng mga gusali at bahay ay mga sarado. Si Marikit na ang nangunguna sa paglalakad habang tahimik lang silang nakasunod.

Ngayon ay mas napagmasdan ni Leo nang malapitan ang dragon dahil ilang kilometro lamang ang layo nito sa bayan. "Nasaan na 'yung mga tao?" hindi maiwasang itanong ni Leo.

"Tumakas na ang karamihan subalit hindi rin nila magawang makatakas ng islang 'to dahil sa dami ng tao sa pier," sagot ni Marikit nang hindi lumilingon. "Iilan na lamang ang naiwan at lumalaban."

Parehas na tumayo ang balahibo nila Leo at Jazis nang saktong madaanan nila ang isang parte ng bayan kung saan tinupok ang mga gusali. Halos lumuwa ang mga mata at masuka sila nang makita ang ilang katawan ng mga tao na nasunog. Napatakip ng ilong si Jazis at si Leo naman ay sinapo ang bibig at sikmura upang pigilang sumuka.

Ilang sandali pa'y narating nila ang isang bahay na bato, hindi na sila kumatok pa at diretsong pumasok sa gusali.

"Marikit!" bulalas ng isang binata na halos kasing edad lamang ni Marikit. "Saan ka nanggaling?!"

Nakasuot ng tsaleko at sa itsura pa lang ng binata ay mukha itong magsasaka, sunog ang balat, at nakasuot ng sombrero na yari sa dayami.

"Mahabang paliwanag, Ambong," sagot ni Marikit at humarap sa kanila. "Nakahingi ako ng tulong sa kanila. Sa'yo ako nagtungo dahil isa ka sa mga pinagkakatiwalaan kong kaibigan. Nasaan ang iyong mga magulang?"

Binaba ni Ambong sombrero at bakas sa mga mata nitong lupaypay ang kalungkutan. "Kasama sila sa mga lumikas, nagsara na raw ang pier sa dami ng tao. Sinubukang lumaot ng mga kababayan natin papuntang Madhi o ng Por'ob subalit hindi sila hinayaang makadaan ng mga engkanto at hindi binuksan ng Madhi ang kanilang pinto. Kasalukuyan silang kumampo sa malayong kagubatan. Ang panalangin ko lang ay hindi sila masaktan ng mga halimaw na nagkalat sa islang 'to."

"K-Kasama ba nila ang aking lolo at lola?" tanong ni Marikit at tumango si Ambong. "Pati ang mga bata? Ang mga dalaga? Nakatakas na ba sila?"

Nanatiling parang tuod na nakatayo sina Leo at Jazis sa isang tabi habang pinakikinggan ang pag-uusap ng dalawa. Nalaman nila na nagkaroon ng kaguluhan sa mga mamamayan sapagkat nais ng mga tao na ialay ang mga dalaga sa dragon upang hindi ito maghasik ng lagim. Siyang dahilan kung bakit tumakas si Marikit upang humingi ng saklolo.

"Ligtas ang mga dalaga, kasamas sila ng mga bata at matatanda. Naiwan kaming mga binata rito upang gumawa ng paraan para mapatay ang dragon hangga't hindi pa ito muling nagigising." Tumingin sa kanilang direksyon si Ambong. "Paano sila makakatulong sa atin? Anong kaya nilang gawin para patayin ang dragon?" bakas sa himig nito ang hindi paniniwala.

Napalunok lamang ng sunud-sunod si Leo dahil hindi rin sigurado sa kung anong sasabihin. Si Jazis naman ay nanatiling tikom ang bibig.

Bubuka pa lamang ang bibig ni Leo para magsalita nang biglang yumanig ang lupa at halos sabay-sabay silang natumba sa sahig. Sunod na isang malakulog na tunog ang narinig nila sa paligid, isang tinig ng halimaw ang naghari sa paligid.

"A-Ano 'yon?!" sigaw ni Leo.

"Nagising na muli ang dragon!" sa sinigaw na 'yon ni Ambong ay nanlaki ang mga mata ni Leo at panay naman ang tili ni Jazis. Nakadapa pa rin sila sa sahig habang patuloy na yumayanig ang buong paligid.

Nang humupa ang pagyanig at naglaho ang tinig ng dragon ay dali-daling tumayo si Leo at tumakbo sa labas.

"Hoy, Leo!" sigaw ni Jazis na kaagad kumilos upang sundan ito. Akmang susunod sa kanila siMarikit nang pigilan ito ni Ambong sa braso.

Mabilis na hinabol ni Jazis si Leo, muli nilang nadaanan ang natupok na mga gusali at mga tao kaya mas bumilis ang pagtakbo nito.

"Leo! Hoy! Bumalik ka!" sigaw ni Jazis. Sa inis niya'y hinubad niya ang kanyang sapatos at buong lakas na hinagis 'yon sa direksyon ni Leo. At nasapul niya 'yon sa ulo! Naabutan niya si Leo na nakasalampak sa lupa habang sapu-sapo ang ulo. Pinulot at sinuot muna ni Jazis ang kanyang sapatos. "Hoy, hunghang! Saan ka pupunta?!"

"A-Ayoko na! G-Gusto ko nang umuwi! N-Natatakot ako! H-Hindi ko kayang patayin 'yang dragon na 'yan! S-Sobrang laki pala, akala ko kasing laki lang ni M-Mari! B-Balik na tayo kay Arki—agh!" bigla niyang sinuntok si Leo sa mukha dahilan para mas tumalsik ito. "A-ARAY!" nang mag-angat ng tingin ay nagkaroon ito ng malaking black eye.

"Pagkalayu-layo nang nilakbay natin papunta rito tapos iyan ang sasabihin mo?!" sa 'di malaman na dahilan ay nag-init ang sulok ng mga mata ni Jazis dala ng sobrang inis at pagod. "Magpakalalaki ka naman, Leo!"

Naunang pumatak nang sunud-sunod ang luha ni Leo sa pisngi nito. Habang sapu-sapo ang pisngi ay umiling ito at gumapang, pagkatapos ay muling tumayo at saka tumakbo papalabas ng bayan ng San Laon.


*****


NAGISING si Vivienne sa pagtama ng sikat ng araw sa kanyang mukha. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata saka niya naramdaman ang kirot sa kanyang katawan. Nang hindi maigalaw ang katawan ay napagtanto ni Vivienne na nakaupo at nakagapos sa isang puno, mayroon ding busal sa kanyang bibig.

Impit lang ang lumabas sa kanyang bibig nang subukan niyang magsalita, masyadong mahigpit ang pagkakatali sa kanya. Pilit niyang inalala ang mga pangyayari noong nagdaang gabi subalit hindi kaagad 'yon rumehistro sa kanyang isip.

Tumigil siya sa pagpupumiglas at hinanap ng kanyang paningin si Roni. Wala siyang ibang makita kundi mga puno at halaman, nasa masukal na bahagi pa rin sila ng kagubatan.

Ilang minutong nakiramdam si Vivienne sa paligid subalit hindi pa rin dumadating si Roni. Nagsimula siyang pagpawisan nang malamig. Muli siyang nagpupumiglas, damang-dama niya ang higpit ng pagkakagapos sa kanya.

Tinusok ng takot ang kanyang dibdib nang maglaro sa kanyang isip ang maraming masamang senaryo sa isip. Buong lakas at walang tigil siyang nagpumiglas hanggang sa napatid ang lubid sa kanyang kamay. Tinanggal niya ang busal sa kanyang bibig saka napagtanto ang ilang bakas ng dugo sa kanyang damit.

'W-What happened?!' sigaw niya sa kanyang isip. Tatakbo pa lamang siya nang biglang dumating si Roni, katulad niya'y nanlalaki rin ang mga mata nito at bakas ang takot nang makita siya. "R-Roni..." Napaatras ito nang tawagin niya.

Saka pumasok sa kanyang isip ang buong pangyayari noong nagdaang gabi. Hindi na nila mabilang ang oras o araw sa kagubatan, hindi pa rin nila nahahanap ang kanilang destinasyon, ang pugad ni Assu Ang. Dala nang pagkaligaw at pagkakakulong nila sa walang hanggang kagubatan ay tila parehas silang nasisiraan ng bait.

May mga pagkakataon tuwing gabi na inaatake si Vivienne ng kanyang gutom, naibsan ang pagkakaagnas ng kanyang katawan sa tuwing kumakain siya ng laman ng hayop, subalit sa bawat pagtiis niya na hindi pagkain ng lamang loob ng tao ay mas tumitindi ang kanyang gutom.

Hanggang sa dumating ang pagkakataon na napilitan siyang magpalit anyo noong nagdaang gabi, walang ibang baryo o bayan siyang mapupuntahan, at ang tanging pinakamalapit na lamang loob na maaari niyang maging hapunan noon ay si Roni.

Naalala na ni Vivienne kung paano niya inatake si Roni, subalit bago pa niya ito malapa ay mabilis na nagpalit anyo sa pagiging tikbalang si Roni. Yumanig ang kagubatan sa kanilang sagupaan, dala ng kanyang pagkagutom ay mas nangibabaw ang lakas ng tikbalang, at sa huli'y ginapos siya nito sa puno upang hindi na siya makagalaw pa.

Nagtitigan lamang sila ni Roni noong sandaling 'yon, kitang kita niya ang bakas ng kanyang kalmot sa braso nito.

"I-I'm not going to hurt you," mahina niyang sabi. "I'm sorry for what I did."

Tila nakahinga si Roni nang mapagtantong bumalik na siya sa normal niyang sarili. Dismayadong tumalikod si Vivienne.

"You know what... I'm starting to regret this," sabi niya habang nakatalikod pa rin kay Roni. "Maybe that magical flower doesn't exist and if it does, it will take us an eternity before we find it." Bakas ang panlulumo at matinding hapo sa boses niya. "You should have killed me."

"Ano bang sinasabi mo?" dinig niya ang iritadong boses ni Roni. "Susuko ka na ba ngayong may nahanap akong baryo?"

Nagtatakang hinarap niya si Roni. Imbis na magpaliwanag ay dali-dali itong umalis, sumunod lamang siya rito. Wala pang isang oras ay tama nga si Roni nang marating nila ang isang maliit na baryo, sa entrada palang nito'y maaamoy na ang masarap na aroma ng isang nilulutong karne.

"Pwede muna tayong magpahinga rito," sabi ni Roni sa kanya na sumabay na ngayon sa paglalakad. "Baka pwede rin tayong makahingi ng impormasyon tungkol sa hinahanap natin."

Hindi siya kumibo dahil nangibabaw na naman ang gutom sa kanyang sikmura. Simple at payak lang ang mga mamamayan na tila isang tribo, ang mga bahay ay kubo, maraming mga nakampay na pinatutuyong balat, mga bigas na pinabibilad, at mga pinatutuyong isda.

Ilang sandali pa'y sinalubong sila ng isang matandang lalaki.

"Ako ang pinuno ng lugar na ito, mga dayo, ano ang inyong sadya sa aming lupain?" magalang nitong tanong.

"Mayroon po kaming mahalagang hinahanap na bulaklak na ang pangalan ay Dhatura," diretsong sabi ni Roni sa matanda.

"Malapit na kayo sa inyong hinahanap," sabi ng matanda na ikinatuwa nila. "Bueno'y mukhang hapong-hapo kayo sa inyong paglalakbay. Tumuloy muna kayo sa amin upang kayo'y makapagpahinga."

Natutuwang nagpasalamat si Roni, sumunod sila sa matanda. Mas nangibabaw ang gutom nila parehas nang pumasok sila sa loob ng bahay ng pinuno, malaking kubo iyon at bubungad ang isang bulwagan kung saan sa gitna ay may malaking kawa na may nilulutong pagkain.

Pinagsilbihan sila ng mga kasambahay, hinainan sila ng masasarap na pagkain. Para silang mga hayop na hayok na hayok kung kumain. Matapos kasing maubos ang supply ng kanilang pagkain ay nahirapan silang mangaso sa kagubatan, hindi rin sila makakain ng mga hindi pamilyar na halaman sa takot na may lason 'yon.

Ginamot din ang kanilang mga sugat pagkatapos kumain. Pinagsilbihan pa silang makaligo at makapaglinis ng sarili sa paliguan ng bahay ng pinuno. Nang presentable na muli ang kanilang mga sarili'y hinarap sila ng pinuno noong hapon, hinainan sila ng tsaa na malugod nilang ininom.

"Tungkol po sa Dhatura..." panimula ni Roni. Saka natauhan si Vivienne nang makitang bumagsak ang kanyang kasama.

"Roni!" Huli na para humarap siya sa pinuno nang manlabo rin ang kanyang paningin hanggang nawalan siya ng ulirat.

Hindi sigurado ni Vivienne kung ilang oras siyang nawalan nang malay, muli niyang natagpuan ang kanyang sarili na nakagapos sa isang hindi pamilyar na silid.

'I knew this is a trap!' galit niyang sigaw sa isip. Nagpadala siya sa gutom kaya hindi na nila nagawang magduda sa mabuting pakikitungo sa kanila sa hindi pamilyar na baryo. Pero aminado si Vivienne na magmula nang makasama niya sila Arki ay natuto siyang hayaang magtiwala sa ibang tao, subalit nang mga pagkakataong 'yon ay labis siyang nagsisisi na hinayaan niyang mahulog sila sa isang patibong.

Pumasok sa silid ang asawa ng pinuno, isa ito sa mga nagsilbi sa kanila kanina.

"Nasaan ang kasama ko?" mariin niyang tanong at hindi nagpakita ng anumang takot.

Ang kaninang nakangiting ginang ay tila naging tuod na ngayon, walang emosyon ang mukha nito. Nakaramdam siya ng kilabot nang maramdaman ang kakaibang aura mula rito.

Napansin ni Vivienne na wala nang araw sa labas, narinig din niya ang tunog ng mga tambol, halos masulahok siya sa usok na pumasok sa silid dala ng siga mula sa labas.

"Maswerte ka, ineng." Tila nanggaling sa ilalim ng lupa ang kakilakilabot na tinig ng ginang. "Hindi namin kinakain ang aming kauri."

Nanlaki ang mga mata ni Vivienne nang mapagtanto ang sitwasyon. Napadpad sila sa baryo ng mga aswang.

At higit sa lahat, nasa panganib ang buhay ni Roni. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top