/61/ Kusang Loob na Pagsuko


Kabanata 61:
Kusang Loob
na
Pagsuko


MAHIGIT tatlong daang taon. Hindi mailalarawan ng mga salita ang paghihirap at pagdurusa ni Rahinel sa loob ng tatlong siglo. Isang imortal at hindi tinatablan ng oras ang sumpang ibinigay sa kanya upang magampanan ang kanyang tungkulin, ang hanapin ang huling binukot at protektahan ito mula sa kasamaan.

Natatandaan pa rin ni Rahinel ang lahat. Ang pagpili sa kanya ng mga bituin upang maging kabiyak ng anak ni Datu Kagirim sa panahon na tumuntong ito sa tamang edad, subalit higit pa sa isang pagiging kabiyak ang tungkulin ang iniatas sa kanya.

Ang sabi ng kanyang ama'y itinuro ng mga bituin kay Datu Kagirim ang daan upang mahanap sila—ang karapat-dapat na magbibigay ng proteksyon sa isang espesyal na binukot, isang prinsesang pinili ni Bathala at ng mga diyosa ng Tagalog.

Sa loob ng matagal na panahon ay daan-daang digmaan na ang kanyang hinarap, nagpapalit-palit ng katauhan, maraming mga naging kaibigan na sumakabilang buhay. Natutunan ni Rahinel na patibayin ang kanyang puso sa tuwing maiiwan siyang mag-isa sa mundo, tinatak niya sa isip niya na ang tanging dahilan kung bakit pa rin siya nabubuhay ay upang mahanap ang kanyang prinsesang nararapat na pangalagaan.

Subalit dumating ang maraming punto na nawalan siya ng loob, sa tuwing maiipit ang kanyang buhay sa iba't ibang digmaan ng bawat panahon ay lihim niyang pinapanalangin na tuluyan na siyang kuhanin ng kanyang mga ninuno.

Imortal man at prinsipe ay tao pa rin siya. Napapagod. Nasasaktan sa bawat kabiguan.

Hanggang sa dumating sa desperasyon at sinuyod maging liblib na mga kagubatan at isang panibagong sumpa ang kanyang naengkwentro, hinding hindi niya mahahanap ang kanyang hinahanap.

Nitong huli'y tumaya siya sa isang sugal, nakinig siya sa anito kahit na kaakibat na sumpa. Tinuro nito ang daan subalit muli'y nilinlang siya nito.

"Ako ang huling binukot!"

Tila tumigil ang kanyang mundo noong mga sandaling narinig niya ang sigaw na 'yon habang nakatitig siya sa babaeng nakasama niya sa paglalakbay na 'to, katulad ng nakita niya sa panaginip ay nagliliwanag ang aura sa buong katawan nito subalit katangi-tangi ang malaking tatlong nilalang na tila espiritung nakakabit sa likuran ni Arki—ang mga diyosa ng Tagalog.

"Ako ang huling binukot!"

Paulit-ulit na narinig niya sa kanyang isip ang minutawi ni Arki. Halos mapigil ang kanyang hininga nang makita ang determinasyon at katapangan sa mukha nito, sabay bumalik sa kanyang alaala noong unang araw niyang makita si Arki sa eskwelahan.

Bumagsak ang kanyang mga tuhod sa sahig habang napuno ng tubig ang kanyang mga mata.

"Arki... Ikaw... Ikaw ang aking prinsesa... Rajani."

Sumikip ang kanyang dibdib at tila nahirapan siya sa paghinga nang hindi niya makontrol ang kanyang emosyon.

"Arki..." tuluy-tuloy na bumagsak ang luha mula sa mga mata ni Rahinel sabay sinapo ang kanyang dibdib, sinusubukang kontrolin ang malakas na pagtibok ng kanyang puso na halos bumibingi sa kanyang isip.

Naaalala niyang muli ang lahat ng nakita niyang katangi-tangi kay Arki, ang katapangan nito, kabutihan ng puso, pagmamahal sa mga kaibigan nito, at ang siglang kailanma'y hindi niya nakita sa iba. Marahan siyang napailing nang mapagtanto kung gaano siya naging isang kalaking tanga, kasabay ng iling ang isang ngiti na may bakas ng ginhawa. Sino nga namang mag-aakala na ang matagal mong hinahanap ay matagal nang nasa tabi mo?

'Si Arki ang huling binukot, si Arki si Prinsesa Rajani.' Paglilinaw ni Rahinel sa kanyang isip, hindi alintana ang luhang dumadaloy sa pisngi.

Nang lubusan niyang maunawaan ang mga salita sa kanyang isip ay tila gumaan ang tila bakal na bigat na nasa puso niya, ang lahat ng pangamba, pagkadismaya, at kalungkutan ay unti-unting nawawala.

Subalit napagtanto ni Rahinel na hindi iyon ang oras para magdiwang dahil nasa gitna sila ng panganib. Naalintala ang kanyang realisasyon nang sumiklab ang labanan ni Arki at Magwayen.

Bumalik siya sa kasalukuyan nang nagsalpukan ang itim at puting liwanag. Wala siyang makita bukod sa isang malaking ipu-ipo ng liwanag sa gitna. Nakita niya si Yumi na titilapon at tatama ang katawan nito sa konrektong pader kaya mabilis siyang tumakbo at buong lakas na tumalon upang masalo ito.

Tumama sa kanya si Yumi subalit ang katawan niya ang sumalo ng pader. Ininda niya ang sakit at kaagad na dinaluhan si Yumi.

"Yumi!" tawag niya rito subalit wala itong ulirat. Tumingin siya sa direksyon ni Arki subalit wala pa rin siyang makitang malinaw.

Samantala'y sa loob ng ipu-ipong liwanag na pinaghalong puti at itim ay nagpapalitan ng pwersa si Arki at Magwayen.Gamit ni Arki ang arnis at si Magwayen naman ay bumuo ng itim na sibat.

"Hah! Kahit magsama-sama pa kayong tatlo, hindi n'yo ako matatalo!" nakangising wika ni Magwayen habang kampanteng sinasangga ang mga atake ni Arki.

Mas nangingibabaw sa laban si Magwayen kaysa kay Arki na kahit na tinutulungan nila Anitung Tabu, Aman Sinaya, at Magayon.

Halos wala na sa sarili si Arki noong mga oras na 'yon. Ang tanging nagpapagalaw na lamang sa kanyang katawan upang labanan si Magwayen ay ang tatlong diyosa na nasa likuran niya.

Alam ng tatlong diyosa na kapag nagpatuloy pa ang laban ay hindi na iyon kakayanin ni Arki. Hindi bihasa sa laban ang katawan ni Arki kung kaya't hindi maibigay ng tatlong diyosa ang kanilang buong pwersa dahil maaaring sumabog ang katawan ni Arki sa sobrang lakas ng kanilang pwersa.

"Amy! Maggie! Hindi trained ang katawan ni Arki para rito!" sambit ni Anitung Tabu sa mga kasama na nag-aalala rin.

Walang ibang nagawa si Magayon kundi magtagis bagang at tanggapin ang katotohanang hindi nila matatalo si Magwayen sa kanilang sitwasyon. Hindi nila pwedeng gamitin ang katawan ni Arki na parang puppet dahil ikamamatay nito iyon.

"Kung maaari lang akong lumabas sa katawan ng prinsesa at harapin si Magwayen!" sambit naman ni Magayon.

"Maggie! Hindi maaari! Hindi pa nagigising Laki!" pigil ni Aman Sinaya na si Lakapati ang tinutukoy. "Hindi makukumpleto ang propesiya ni Tala sa oras na lumabas tayo sa katawan ni Rajani!"

Narinig nila ang malakas na halakhak ni Magwayen na alam din kung ano ang sitwasyon.

"Ha! Ano! Tapos na ba kayo magtsikahan?! Tanggapin n'yo ang katotohann, mga loser!" muling humalakhak si Magwayen na sobrang nasisiyahan sa nangyayari. "Mas ikatutuwa pa ni Sitan kung dito pa lang ay mamamatay na ang huling binukot!"

Si Aman Sinaya ang unang kumalma sa tatlo, ito ang unang huminto at hinawakan sila Anitung Tabu at Magayon sabay umiling at kinausap sa isip ang dalawa. "Hindi na kakayanin pa ni Rajani... Kung nakatakdang mapasakamay siya ni Sitan... Pero naniniwala ako na hindi pa katapusan ng lahat. Magtiwala tayo sa mga nakaukit sa bituin!'

Tumigil na rin si Anitung Tabu at Magayon. Sabay-sabay na naglaho ang tatlong diyosa at bumalik sa loob ng katawan ni Arki. Huminto na rin si Magwayen nang sumuko ang tatlong diyosa. Humupa ang liwanag na ipu-ipo.

"Arki!" sigaw ni Rahinel nang makita si Arki na bumagsak sa sahig. "Arki!" mabilis siyang tumakbo sa kinaroroonan nito nang makita si Magwayen na akma itong hahawakan.

"Aba, at may Indio rin pala rito," sabi ni Magwayen nang tumigil.

Nilabas ni Rahinel ang kanyang sandata, hindi man lumiyab ang anito ng apoy ng kanyang kampilan ay buong lakas niyang inatake si Magwayen na madali ring nasalag ng sibat nito.

"Ang cute mo naman," nakangising sabi ni Magwayen habang walang kahirap-hirap na nakasalag sa kanya. "Ohh... May something sa aura mo, darling."

Muli siyang umatake nang sunud-sunod, buong lakas at walang patid. Habang walang malay na nakasalampak si Arki sa sahig, kailangan niya itong protektahan.

"Isa ka ring imortal katulad ni Bagobo? Kaya pala ang lakas ng loob mong atakihin ang beauty ko!" sabi ni Magwayen sabay wasiwas ng sibat, mabilis siyang nakaiwas at nakatalon sa gilid. "Kampante ka sa pagiging imortal mo, ano? Feel mo hindi ka mamamatay?! Pwes..."

Tumigil si Magwayen sa pagwasiwas ng kanyang sibat at mula sa palad nito'y lumabas ang isang itim na pwersa na mabilis na bubulusok sa kanyang direksyon. Muli niyang nailagan 'yon subalit sa ikawalang pagkakataon ay mas marami ang ibinato sa kanya ni Magwayen.

"Aba, may ibubuga ka rin pala!" puri sa kanya ni Magwayen.

Hindi nakita ni Rahinel ang pwersang pabalik kay Magwayen sa kanyang likuran at nataman siya sa tagiliran dahilan para bumagsak siya sa sahig.

Lalapit sa kanya si Magwayen upang ibigay ang kanyang katapusan subalit parehas silang natigilan nang marinig ang mahinang tinig ni Arki.

"Huwag... huwag mo siyang sasaktan." Napatingin si Rahinel kay Arki ilang dangkal lang ang layo nila kaya sinubukan niya itong abutin kahit na hindi siya makabangon. "Rah... 'Yung promise mo sa'kin... Tuparin mo... 'Yung promise mo sa'kin... Iligtas mo si Yumi."

"Arki, hindi kita pwedeng—"

Nagulat siya nang dahan-dahan itong bumangon. Maging si Magwayen ay takang-taka kung saan kumukuha ng lakas si Arki.

Humarap si Arki kay Magwayen at inabot ang kamay.

"Huwag mo silang sasaktan, sasama ako sa'yo," sabi ni Arki kay Magwayen habang inaalok ang kamay sa diyosa.

"A-Arki, huwag—" hindi siya makapaniwala nang makitang ngumiti pa si Arki sa kanya.

"Hmm... I guess, party's over," sabi ni Magwayen sabay tanggap sa kamay ni Arki. Pumitik si Magwayen at sa isang iglap ay naglaho ang ilusyon na nilikha niya sa buong palasyo.


*****


HINDI na nahirapan si Shiela na hanapin si Karl dahil sinundan niya lamang ang tinahak nila noon na daan at sa kabutihang palad ay nakita niya si Master Yogi.

Sa sobrang tuwa ni Karl ay niyakap siya nito. "A-Akala ko hindi na kita makikita!"

Tinapik niya si Karl. "Maaga pa para magcelebrate, Karl," sabi niya sabay bitaw dito. Nadama naman niya ang sinseridad ng kasiyahan nito na makita siya. Pinigil niya ang kamay ni Karl na akmang hahaplos sa kanyang pisngi. "Alam kong gusto mong marinig ang mga nangyari pero kailangan nating puntahan sila Arki at Rahinel."

Nang marinig 'yon ni Karl ay bumalik ito sa sarili na may kailangan pa silang gampanan na misyon.

"A-Alam na ba ni Rahinel na si Arki ang huling binukot?" tanong ni Karl kay Shiela.

"Huling binukot?" biglang sumingit si Master Yogi. "Tama ba ang narinig ko?"

Tumango si Shiela.

"Kung gano'n... Nasaan si Barbara? Siya ang nangangalaga sa huling binukot!" nagulat si Shiela nang marinig ang tanong ni Master Yogi.

"Kilala mo si Barbara Salamanca?" balik tanong ni Shiela rito.

Rumehistro ang kalungkutan sa mukha ni Master Yogi nang marinig ang buong pangalan ng taong minsan niyang inibig.

"Kung gano'n ay kailangan mong sumama sa'min!" sabi ni Shiela at dali-daling hinila si Karl upang hindi na makapagtanong pa si Master Yogi. Pinili niyang huwag munang ipaalam ang katotohan dito, na wala na si Barbara Salamanca. Marami rin siyang tanong sa isip pero nasa isip niya ngayon si Arki.

Makalipas ang ilang oras ay natagpuan nila ang kanilang sarili sa harapan ng premihiso ng El Mahal na ngayon ay sarado na. Maraming mga tao sa paligid ang nakasalampak at walang malay sa lupa.

"A-Anong nangyari rito?" takot na tanong ni Karl sa pag-aakalang patay na ang mga tao sa kalsada.

Napilitan silang magtanung-tanong sa mga taong inuusisa rin ang pangyayari. Ang sabi'y nagkaroon daw ng kasiyahan sa loob ng palasyo ni Haring Likabutan subalit sa isang iglap daw ay lahat ng mga pumasok sa loob ng palasyo ay lumitaw sa labas ng walang malay.

"Mukhang nagalit si Haring Likabutan at pinalayas ang mga mortal at engkanto!" ang komento ng isa.

Napagtanto ni Shiela ang nangyari. "Kung gano'n... Maaaring nandito na sila sa labas!"

Nilabas ni Shiela ang bruhulang binigay ni Arki subalit wala itong tinuturong direksyon.

"Karl! Hanapin mo sila!" utos niya sa kasama.

Hinanap niya mula sa mga taong nakasalampak sila Arki subalit hindi niya ito matagpuan. Ilang sandali pa'y may humawak sa kanyang binti.

"S-Shiela..." laking gulat niya nang makita si Raneah na hinang-hina.

"Raneah!" kaagad niyang dinaluhan ang kaibigan. "Anong nangyari?!"

Inilahad ni Raneah ang naganap sa palasyo, isang patibong ang nangyari. Habang kasama nito si Arki ay bigla na lamang sumulpot ang mga engkanto at buong lakas nitong nilabanan. Tila walang katapusan ang labanan sabi ni Raneah hanggang sa isang iglap ay napunta na lang sila sa labas.

"Si Arki?" hindi sumagot si Raneah sapagkat wala itong ideya kung anong nangyari kay Arki.

"Shiela!" narinig niya ang sigaw ni Karl at napatingin siya roon. Nakita niyang natagpuan nito si Rahinel at Yumi.

Inalalayan niyang bumangon si Raneah bago pumunta sa kinaroroonan ni Karl.

"Prinsipe Rakum!" bulalas ni Shiela nang matagpuan si Rahinel na malubhang sugatan.

"Hindi naghihilom ang sugat niya!" mangiyak-ngiyak na sabi ni Karl. "Rah! Bakit hindi ka naghihilom!"

Dinaluhan ni Shiela si Yumi na walang malay na nasa tabi ni Rahinel. "Malala rin ang kalagayan ni Yumi..." tumingin siya kay Rahinel. "Nasaan si Arki?"

"S-Sumama na siya kay Magwayen," naghihingalong sagot ni Rahinel.

"Rah! Hindi ka pwedeng mamatay!" si Karl.

Nag-isip si Shiela kung anong gagawin subalit nablangko ang kanyang isip, nanlalamig ang buo niyang katawan.

"Kailangan natin silang ilabas ng Madhi upang magamot sila," biglang lumapit sa kanila ang kalmadong si Master Yogi.

"Pero si Arki... N-Nakuha na nila ang huling binukot!" mangiyak-ngiyak na sigaw ni Shiela.

Hindi nabahiran ang kalmadong mukha ng monghe. "Nasa Hilusung na ang binukot kung gano'n... Subalit huwag kayong mawalan ng pag-asa. Pupunta tayo ng Hilusung, ngayon din. Pero bago 'yon, iligtas muna natin mula sa kamatayan ang imortal na prinsipe."

Samantala'y nasa isla pa rin ng Pas'yim sila Jazis, Leo, Vivienne at Roni. Kung nasaan man sila'y pare-parehas silang natigilan nang maramdamang may nangyaring masama sa kanilang mga kaibigan.

"Naramdaman mo ba 'yon?" tanong ni Jazis na nanlamig ang katawan.

Hindi kumibo si Leo. Papalapit na sila sa San Laon kung kaya't halu-halo ang kanyang takot. 'Arki... Sana okay lang kayo ni Rah.'

Sila Vivienne at Roni na nasa kalagitnaan ng paglalakbay ay napagtanto rin na may hindi magandang nangyari.

"Let's be quick," sabi ni Roni na hindi pinansin ang kutob. "Arki is waiting for us."

Tumingala si Vivienne at hindi maiwasang mapawari dahil hindi rin siya sigurado kung magiging matagumpay sila. 'Arki... I hope we'll meet again... I hope we'll be friends for real.'


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top