/6/ Pag-aalala ni Shiela

Kabanata 6:  
Pag-aalala ni Shiela


ISANG malakas na hampas sa pwet gamit ang walis tambo ang natanggap ni Arki mula kay Lola Bangs.

"Aray ko po!" Hindi niya mapigilang mapahiyaw sa sakit. Wala pa rin talagang tatalo sa ultimate weapon ng kanyang lola, minsan hanger ang gamit nitong pamalo sa kanya. Ngayon na lang ulit siya nakatikim dito.

Kakauwi lang niya galing eskwelahan, naunang umuwi ang kanyang Ate Shiela matapos nitong humingi ng pasensya sa ama ni Jaakko. Mabuti at hindi na siya nabigyan ng record sa guidance dahil pinalampas na lamang ito ni Senator Lazano.

At heto sinalubong siya ng palo ni Lola Bangs dahil kinuwento na ni Shiela ang mga nangyari, pati kasi reputasyon ni Arki bilang palaban sa St. Rose High School ay sinumbong ni Mrs. Janathan.

"Ikaw talagang ba taka! Kailan ka pa naging basagulero?" akma na naman siyang hahampasin ni Lola Bangs.

"Nyay!" sumalag siya. "Si Lola naman, basagulero talaga?"

Si Shiela naman ay nakatayo sa may bintana, nakahalukipkip habang nakatanaw sa malayo, malalim ang iniisip.

"At talagang anak pa ng senador 'yang sinaktan mo?" hinampas na naman siya nito kaso nakatalon siya kaya hindi masyadong masakit. "Bumalik ka rito bata ka!"

Nag-iikutan na silang mag-lola sa sala, hinahabol siya nito kahit na medyo sumasakit ang tuhod.

"Porke ba anak ng senador wala na 'kong karapatang lumaban?" nakanguso niyang sabi.

"Aba at sumasagot ka pa!"

"Lola naman, peace na tayo! Pliiiis!"

"Huwag mo ako ma plis plis!" hinampas siya ulit nito pero nakaiwas na naman siya. Hindi na mapigilan ni Arki na tumawa. "Aba tumatawa ka pa! Nagagalit na ako rine, Arissa Kim!"

Panay tawa lang si Arki at naghahabulan pa rin sila sa sala. Papasok sa kanilang bahay si Shawie at Mawie, katulad ng palagi nitong gawi ay feel at home ang mga 'to.

"Hello, everybodyyy!" Si Mawie ay diridiretso ng kusina dahil nalanghap niya ang mabangong pagkain.

Si Shawie naman ay matitigilan nang makita si Shiela na tulala sa may bintana.

"Bes? Anyare sa'yo? Lalim naman ng iniisip mo. Tungkol ba sa lalaki 'yan? Baka makatulong ako." Nag-aalalang tanong ni Shawie at hinawakan niya pa sa balikat si Shiela.

Magbabalik si Shiela sa kasalukuyan, kung anu-ano kasing pinagsasasabi ni Shawie sa kanya.

"Gaga."

"Wow, bes, sa hinaba-haba ng sinabi ko, gaga lang talaga ang sagot mo?" umarte pang nasaktan si Shawie at napahawak pa sa dibdib.

"Lakas talaga ng tama mo," natatawang sabi ni Shiela.

"Oh, nandito na pala ang mga bwisita," sabi ni Lola Bangs, kalmado na ito. Bati na kasi sila ni Arki, nakuha sa lambing, kaya good mood na ulit ito. "Halina't kumain na tayo ng meryenda."

Pumunta silang lahat sa kusina at doon nadatnan nila si Mawie na kanina pa kumakain.

"PG talaga nitong ni Mawie!" si Shawie.

"Haha, opkors, basta pagkain papahuli ba ako? Aw!" hinampas kasi ni Lola Bangs si Mawie sa kamay nang tangkain nitong kumuha ulit ng turon sa mesa.

"Kaya ka lumolobo!" si Lola Bangs.

"Erey nemen, Lele Bengs!" maarteng wika ni Mawie.

Napansin naman ni Arki ang pagkamatamlay ni Shiela kaya 'agad siyang lumapit dito.

"Ate, galit ka pa rin ba sa'kin?" malungkot niyang tanong.

Umiling si Shiela at pilit na ngumiti. "Hindi, hindi ako galit, nag-aalala lang ako sa'yo."

Ngumiti si Arki nang marinig 'yon, magsasalita pa lang siya nang bigyan siya ni Shawie ng Turon.

"Arki, Shiela, dito nga kayo sa likod ko't ko-kodak-an tayo ni Shawie," tawag ni Lola Bangs sa kanila.

"Lola Bangs, Kodak is so over! Ang uso ngayon, groupieeee!" hyper na wika ni Shawie at nilabas ang kanyang cellphone at sunud-sunod na kumuha ng larawan.

Pangiti-ngiti lang si Shiela pero sa loob-loob niya'y siya ay nababahala sa hindi maipaliwanag na dahilan. 


*****


"WHAT? You are staying here?" hindi makapaniwalang tanong ni Jaakko nang marinig ang sinabi ng kanyang ama.

"Don't make me repeat myself, son," wika ni Senator Lazano habang nagbabasa ng libro sa kanyang opisina. Hindi na kumatok si Jaakko nang pumasok siya kanina sa silid dahil sa pagkabigla.

"Why?" hindi pa rin makuntento si Jaakko. Ngayon na lang kasi ulit nagpakita ang kanyang ama sa kanya, himala nga't pumunta ito ng eskwelahan niya dahil sa tawag ng Guidance Office.

Huminto saglit sa pagbabasa si Senator Lazano para tumitig sa kanya.

"Am I not allowed to stay here?" balik-tanong sa kanya ng ama.

Wala nang masabi si Jaakko. Kahit kailan talaga ay napakalihim ng kanyang ama. Alam niyang may dahilan ito at tiyak niyang hindi 'yon dahil sa namimiss siya nito o ano pa man.

Kilala ni Jaakko ang kanyang ama na si Senator Lazano, isa 'tong tao na walang ibang inatupag kundi ang kanyang sariling interes, sa negosyo at sa politika. Nang mamatay ang kanyang ina sa ospital dahil sa cancer ay hindi ito kaagad pumunta dahil nasa isang conference sa Maynila.

Isiniksik sa kanyang isip ng kanyang ama na balang araw ay maiintindihan niya na lahat ng 'yon ay para sa kanya. 

"Very well then, you may go," sabi nito at napilitan siyang lumabas ng opisina.

Naglalakad siya sa hallway at biglang naalala ang pagsipa sa kanya ni Arki.

"Dapat pa pala 'kong magpasalamat sa Arki na 'yon dahil siya lang pala magpapauwi sa dad ko,' sa isip-isip niya.

Matagal naman na siyang sanay mag-isa sa kanilang malaking bahay, hindi naman siya napapabayaan dahil may mga katulong naman. Pero natuwa siya ng kaunti dahil umuwi ang daddy niya dahil napahamak siya.

"Jaakko," bati sa kanya ni Khalil, ang loyal secretary ng kanyang dad, nang makasalubong niya ito. 

Tumango lang siya rito at kaagad siyang nagtungo sa kanyang silid.

"May araw rin sa'kin ang babaeng 'yon." Hindi pa rin niya mapigilang mainis kapag nakikita niya ang sarili sa salamin. Nabigyan kasi siya ng black eye ni Arki.


*****


GABI na nang makarating sa lungsod ng Mayakawan si Rahinel. Huminto ang kotse na lulan nila sa harapan ng isang lumang bahay. Unang bumaba si Karlheinz, ang nagmaneho, at sunod siyang bumaba.

"Welcome to our ancestral home," masiglang wika ni Karl at humarap ito sa kanya. "Sinong mag-aakala na ang hinahanap mo ay nandito lang din sa hometown ko."

"I've been here before," sabi niya habang pinagmamasdan ang bahay na bato, itinirik ito noong panahon pa ng mga Kastila. "Hindi ka pa pinapanganak, nakapunta na ko rito," pagmamayabang pa niya.

"Oh, sorry I forgot, naging tropa mo nga pala ang tatay ng tatay ng tatay ng tatay ko," natatawang wika ni Karl. "Let's go inside."

Pumasok sila sa loob ng bahay. Hindi mapigilan ni Rahinel na pagmasdan ang kabahayan, hindi niya ring maiwasang malungkot nang maalala ang mga dati niyang naging kaibigan na wala na—tumanda ang mga 'to at sumalangit. At heto siya, buhay pa.

Sinalubong sila ng katiwala at ng mga katulong. Nasa ibang bansa na kasi nakatira ang iba pang mga kamag-anak ni Karl. 

"I used to play inside this house. What a nostalgia," sabi ni Karl na 'di ring maiwasang malungkot. "Anyway, I'll show you your room."

Pagkatapos ilagay ang kanilang mga gamit ay sabay na naghapunan si Rahinel at Karl.

"So, ano ng balak mo, Rah?" tanong ni Karl sa kanya at pagkatapos ay sumubo.

"Mag-eenroll ako sa St. Rose High School," kaswal niyang sagot.

Biglang nabulunan si Karl at kaagad siyang binigyan ng katulong ng tubig. Nauubo pa rin si Karl at ang katiwala naman ay tinapik-tapik na si Karl sa likuran.

Hindi pa rin makabawi si Karl, umuubo pa rin ito. "Seryoso ka, Rah? Anong gagawin mo ron?"

Ngumiti lang si Rahinel imbis na sumagot.


*****


"BAKIT hindi ka pa natutulog?" napatingin si Shiela sa likuran. Nakita niya si Lola Bangs, dala at hinihimas ang paborito nitong manok na may pangalang Mari. 

"Lola, ikaw pala," bati niya rito. "Ang dami ko lang iniisip."

Nasa bakuran silang dalawa, maliwanag ang buwan at malamig ang simoy ng hangin. Tulog na si Arki subalit hindi siya magawang dalawin ng antok.

"At kahit hindi mo sabihin sa akin kung anong iniisip mo, alam ko kung ano ang bumabagabag sa iyong isip, Shiela." hinawakan siya ni Lola Bangs sa balikat. 

"Nakita ko sa mga gamit ni Arki ang isang larawan... Magkasama sila ni Mayumi," nababahala niyang sabi. 

Napabuntong-hininga si Lola Bangs. "Nang malaman ko na naging kaibigan ni Arki ang batang 'yon, sinong mag-aakala na sa iisang eskwelahan sila magtatagpo."

"Ang akala ko'y umuuwi lang si Yumi dito sa probinsya para magbakasyon," nailing niyang wika. "Tama ka, Lola Bangs, sinong mag-aakala na sa dami ng eskwelahan sa bayang 'to ay doon pa sila magkikita ni Arki."

"Iyon ang tinatawag na tadhana, Shiela. Kahit na pilit mong ihiwalay ang Mutya ay babalik at babalik ito sa tunay nitong nagmamay-ari."

"Ang ikinatatakot ko lang, Lola Bangs, ay ang mga maaaring mangyari kapag nagising ang Mutya—ang pag-bangon ng mga kampon ng kadiliman." Napatingin si Shiela sa buwan, dama niya ang kaba sa dibdib. Alam niya ang mga kampon ni Sitan, maraming beses na niya itong kinalaban noon, maraming beses na rin siyang muntik mamatay dahil doon. 

"Shiela," napatingin siya kay Lola Bangs. "Panahon na para sanayin mo si Arki sa pakikipaglaban."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top