/59/ Ang Pagsisisi sa Huli


Kabanata 59:
Ang
Pagsisisi
sa
 Huli



MALUBHA ang pag-aalala ni Arki sa kalagayan ni Shiela. Kahit anong gawing pag-aalo sa kanya ni Raneah at Rahinel ay hindi siya natinag na umalis sa tabi ng kanyang kapatid. Samu't saring emosyon ang kanyang nararamdaman: saya, sapagkat sawakas ay muli na silang nagkita; lungkot, dahil sa hindi nangyaring maganda rito; takot, sa anumang maaaring masamang mangyari.

Bahagyang ipinaliwanag ni Raneah na kanina pa nila pinatingin sa manggagamot si Shiela, nalinis at natahi na ang sugat nito subalit hindi pa rin nawawala ang lagnat nito at hindi pa rin nagkakaroon ng malay dahil sadyang malakas ang mahika ni Magwayen na tumama sa katawan nito.

"Arki—" tawag ni Rahinel at akmang lalapit sa kanya subalit pumigil dito si Raneah.

"Hayaan na lang muna natin siya," umiiling na sabi ni Raneah sabay alis.

Walang ibang nagawa si Rahinel kundi isantabi ang mga bumabagabag sa kanyang isip at hayaan si Arki na mapag-isa kasama ang walang malay na si Shiela. Lumabas si Rahinel at sinarado ang pintuan nang silid.

Muling bumuhos ang luha sa mga mata ni Arki nang maiwan siyang nag-iisa sa silid. Nakaupo siya sa tabi ni Shiela habang hawak-hawak ang kamay nito.

"Saan ka nanggaling, Ate Shiela?" mahina niyang tanong kasabay nang paghikbi. "Ang akala ko ba malakas ka... Mas malakas ka sa'kin, 'di ba? Si... Si Lola Bangs... Iniwan na tayo ni Lola Bangs."

Alam ni Arki na hindi siya nito naririnig. Ayaw niyang paniwalaan ang sinabi sa kanya kanina na ginawa na ang lahat ng manggagamot upang mapagaling si Shiela subalit hindi pa rin ito nagigising.

"Iiwan mo na rin ba ako?" Tumitig siya sa mukha nito, bakas sa itsura nito at sa mga sugat sa braso ang malaking pinagdaanan nito. "Ang daya-daya n'yo ni Lola Bangs... Pakiramdam ko ang dami n'yong tinago sa'kin."

Kahit na bihirang umuwi noon si Shiela sa kanilang bahay ay tandang-tanda niya pa rin ang kasabikan sa bawat araw na dumadating ito. Hindi naman mahalaga sa kanya ang mga materyal na bagay na pasalubong nito, alam niyang mahal na mahal niya ito dahil silang dalawa ni Lola Bangs ang nag-alaga sa kanya.

Nararamdaman ni Arki noong mga sandaling 'yon ang unti-unting paghina ng pintig ng puso ni Shiela. Ayaw niya mang paniwalaan subalit alam niyang dadating din siya sa punto na kailangan niyang tanggapin.

Wala siyang ibang nagawa kundi mapasubsob sa gilid ng kama nito at ibuhos ang luhang matagal na nakaimbak sa kanyang mga mata. Hindi namalayan ni Arki na nakatulugan na niya ang pag-iyak.

Sa gitna ng kawalan ng pag-asa at pagkabasag ng damdamin ay lumitaw ang isang pag-asa—sa pamamagitan muli ng isang panaginip.

Isang kakaibang panaginip na noon lamang niya nakita, subalit pakiramdam niya'y buhay na buhay sa lob ng panaginip, alam niyang totoong nangyari 'yon kahit na hindi niya alam kung kailan at kung paano.

Nakita ni Arki ang imahe ng isang babae at lalaki—hindi niya kilala subalit namalayan na lamang niya na malapit ang kanyang loob sa mga puso nito. Sunod niyang nakita ang isang pamilyar na babae na may kasuotan noong sinaunang panahon na mas luma pa sa panahon ng mga espanyol.

Nakita niyang nakaluhod ang babae habang nagpupugay sa mag-asawang may bitbit sa kanya, ang babae ay isang matapat at marangal na tigapagsilbi. Ang babae ay si Shiela.

Nag-iba bigla ang itsura ng paligid, napalitan ang saya at pagmmahalan ng kaguluhan at takot, nagkaroon ng isang malaking digmaan.

Nasaksihan niya ang pag-iyak ng babaeng may bitbit sa kanya at saka siya nito ipinasa sa babaeng tigapagsilbi.

"Silak, ipangako mo sa amin... Kahit anong mangyari ay puprotektahan mo ang aming anak, ang aming prinsesa...."

"Ipinapangako ko po, kahit na ang buhay ko ang kapalit, hanggang sa aking kamatayan, iaalalay ko ang lahat-lahat para kay Prinsesa Rajani," sabi ni Shiela at kasunod nito'y ang pagtakbo nito sa gitna ng kagubatan habang dala-dala ang musmos niyang sarili.

Hindi man niya lubusang naiintindihan ang lahat ay pakiwari ni Arki ay napagtatagpi-tagpi na niya ang katotohanan.

Sa panaginip ay nakita niya ang isang babaylan na lumikha ng isang makapangyarihang mahika na nagbunga ng isang mistikal na portal, habang naka-akap siya kay Shiela.

"Pangako ko sa iyong magulang, aalagaan kita at puprotektahan..."

Nanumbalik siya sa realidad nang pumasok sa loob ng misitikal na portal si Shiela. Nagising siya sa panaginip na may panibagong realisasyon: Hindi niya tunay na kadugo ang taong nakaratay sa kama, at kahit na walang dugo ang nag-uugnay sa kanya'y alam niya sa kanyang sarili na labis-labis ang pagmamahal niya rito.

Kusang gumalaw ang mga kamay ni Arki nang tanggalin niya ang suot na kwintas, ang Mutya. Kinuha niya ang kamay ni Shiela at nilagay sa loob ng palad nito ang Mutya. Sinarado niya 'yon habang nakahawak ang kanyang dalawang kamay dito.

Yumuko siya at taimtim na nanalangin.

"Pagaling n'yo po ang ate ko, pagalingin n'yo po si Ate Shiela. Ayoko po siyang mawala sa'kin, alam ko na hindi ko man siya tunay na kapatid, handa siyang ialay ang sarili niya para sa'kin. Sa buong buhay ko wala siyang ibang nagawa kundi protektahan ako mula sa masasama. Ngayon ako naman... Gusto kong ako naman ang mag-alay sa kanya ng buhay... Parang awa n'yo na, huwag si Ate Shiela."

Paulit-ulit ang panalangin ni Arki sa kanyang isip habang nakapikit, hindi man siya sigurado kung sino ang kanyang kinakausap, pero buo ang kanyang puso at loob sa pagnanais na mapagaling si Shiela.

Walang kamalay-malay na nakatayo ang tatlong diyosa sa kanyang likuran, nanunuod lamang sa kanyang ginagawa.

Napatingin sila Anitung Tabu at Aman Sinaya kay Magayon na humakbang at hinawakan ang kamay ni Arki na nakahawak kay Shiela. Hindi gumalaw si Arki sapagkat taimtim ang atensyon nito sa panalangin.

Napangiti ang dalawang diyosa sa ginawa ni Magayon at sumunod ang mga 'to. Hinawakan din ni Anitung Tabu at Aman Sinaya ang kamay ni Arki. Sabay-sabay na pumikit ang mga diyosa at tahimik na umusal ng isang sagradong lenggwahe.

Hindi namalayan ni Arki ang pagliwanag ng Mutya na nasa loob ng kamay ni Shiela. Sa tulong din ng tatlong diyosa ay mas napabilis ang pagkalat ng liwanag sa loob ng katawan ni Shiela. Natagpuan ng liwanag sa banda kung saan tumama ang pwersa ang itim na mahika ni Magwayen.

Mas nangibabaw ang liwanag at unti-unti nitong nilamon ang kadiliman. Nang makuntento ang mga diyosa ay bumitiw sila at muling naglaho. Walang kamalay-malay si Arki na nagkaroon ng isang napakagandang himala na bunga ng kanyang pagmamahal.

Dahan-dahang nagmulat si Shiela at nakita ang isang hindi pamilyar na lugar. Wala na siyang nararamdamang anumang sakit sa kanyang katawan. Noong una'y tila lutang siya sa mga nangyayari hanggang sa naramdaman niya na may mahigpit na nakahawak sa kanyang kamay. Nakita niya ang isang nilalang na nakahawak doon habang nakayuko.

"A...Arki?" mahina niyang tawag. "Arki? Ikaw ba 'yan?"

Akala ni Arki ay guniguni lamang niya ang naririnig nang maramdaman niyang gumalaw ang kamay ay saka siya nag-angat ng tingin, nakita niya ang pares ng mga mata ni Shiela na nakatitig sa kanya.

"A...A..." tila naubusan siya ng boses nang mas mangibabaw muli ang luha sa kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw sa labis na saya nang maunahan siya nito ng isang mahigpit na yakap.

"Arki!" bulalas ni Shiela nang ikulong siya sa bisig nito. "Diyos ko... Diyos ko... Salamat...Salamat!"

"Ate Shiela..." bulong niya sabay ganti nang yakap dito.

Hindi nila parehas namalayan kung ilang oras silang nasa gano'ng posisyon hanggang sa unang bumitaw si Shiela at luhaang hinawakan ang kanyang mukha.

"Naubos 'ata ang mga salita sa isip ko," nakangiting sabi ni Shiela habang hinahaplos ang kanyang buhok. "Sobrang nag-alala ako sa'yo... Ang daming nangyari... Ang dami kong gustong sabihin..."

"Ate Shiela, saan ka ba naman kasi nagpunta?!" may bakas ng galit ang kanyang boses. "Umalis ka tapos hindi ka na umuwi, tapos nag-aalala kami sa'yo, tapos si Lola Bangs! Si... Si Lola Bangs."

Muli siyang niyakap ni Shiela at hinimas ang kanyang likuran. "Alam ko Arki... Patawarin mo ako kung wala ako noong mga oras na kailangan mo ako... Si Lola Bangs... Ginawa n'ya 'yon para sa ikabubuti ng lahat."

Kumawal siya sa yakap nito at pinahid ang luha sa pisngi. "Ate, si Yumi... Nagpunta kami rito para iligtas si Yumi! Kailangan nating iligtas si Yumi!"

"Arki, huminahon ka," malumanay na sabi ni Shiela. Umupo ito ng maayos at pinaupo siya nito sa tabi habang hawak ang kamay. "Marami akong dapat ipaliwanag sa'yo, una—"

"Alam ko na, Ate Shiela," putol niya sa sasabihin nito. "Alam ko na ang totoo. Hindi si Yumi ang... Hindi si Yumi...Ako ang dapat talaga na iaalay kay Sitan."

Nanlaki ang mga mata ni Shiela nang marinig 'yon. "P-Paanong—"

"Nagising na sila... 'Yung mga diyosa," sabi niya na hindi rin alam kung paano ipapaliwanag. "Tinutulungan nila ako kaya may ilang kapangyarihan din ako... Hangin... Tubig... Apoy..."

Napatitig lamang si Shiela sa kanya.

"Hindi dapat si Yumi ang ialay, kundi ako—"

"Arki, hindi ka rin nararapat na mapunta sa kamay ng kasamaan," seryosong sabi ni Shiela sa kanya. "Ililigtas natin si Yumi pero hindi ko rin hahayaang mapasakamay ka ni Sitan."

"Iyon ang kapalaran ni Rajani," sabi ng isang diyosa na muling lumitaw, si Magayon.

Laking gulat ni Shiela nang makita ang tatlong diyosa sa kanilang harapan.

"Sila 'yung mga sinasabi ko sa'yo, Ate," sabi niya.

"Hello, dear," bati ni Anitung Tabu. "Thank you for taking care of our princess!" rumehistro ang pagtataka sa mukha ni Shiela nang marinig ang kikay na diyosa.

"Teka lang... Anong ibig mong sabihin na kapalaran? Ilalayo ko si Arki rito, hindi siya maaaring matagpuan ng mga—"

"Shiela, nasa kapalaran na ni Rajani ang pagtatagpo nila ni Sitan," pagsingit bigla ni Aman Sinaya.

Muling nagsalita ang seryosong si Magayon. "Nakaukit sa mga bituin na nakita ni Tala na ang huling binukot ang siyang magtatapos sa paghahari ni Sitan sa Hilusung."

Hindi makapagprotesta si Shiela dahil mga diyosa na ang kaharap niya. Ang tanging tumatakbo sa isip ni Shiela ay ilayo si Arki sa kapahamakan at iligtas si Yumi.

"Ate," tawag ni Arki. "Alam kong nasa isip mo na protektahan ako gaya ng pangako mo sa mga magulang ko."

"Paano mo nalaman na—"

"Pero hindi ako pwedeng tumakbo palayo, ang layo na nang narating namin ng mga kaibigan ko para iligtas si Yumi... Lalaban ako, Ate Shiela."

"Pero si Sitan... Hindi mo alam kung anong ginawa niya sa Hilusung, Arki..."

"Ate Shiela, tinuruan mo akong maging malakas at humarap sa anumang pagsubok," pilit ni Arki rito.

Muling naglaho ang mga diyosa at wala nang iba pang nagawa si Shiela kundi tanggapin ang katotohanan na kahit na mahanap niya si Arki ay hindi niya pa rin ito magagawang mailayo, ang kailangang tanggapin ni Shiela ay ang katotohanan na kakailanganing harapin ni Arki ang pinakamasamang diyos sa Hilusung.

"Kung gano'n, mahal kong prinsesa," sabi ni Shiela at bahagyang yumuko. "Hayaan mo akong sundan ka at ialay ang buhay ko para sa iyong kaligtasan."

Biglang yumakap si Arki rito at bahagyang tumawa. "Anong prinsesa ka d'yan, Ate? Kahit hindi kita totoong ate ako pa rin si Arki, ang nakababata mong kapatid, at lola natin si Lola Bangs, ang pinakabonggang diwata sa balat ng lupa."

Tumawa rin si Shiela kasabay ng muling pagdaloy ng luha na pinaghalong saya at pangamba.


*****


"WOO! I'm so pagod!" nagulat si Jaakko nang bumukas nang malakas ang pinto ng mansion at niluwa mula sa kadiliman si Magwayen.

"W-Welcome back," bati niya rito upang hindi siya mapag-initan.

"Oh, I missed you too, darling," bati pabalik sa kanya ni Magwayen, hinawakan nito ang baba niya sabay lagpas sa kanya. "Prepare something, darling, dahil nagugutom na ang mga bisita." Umakyat si Magwayen sa ikalawang palapag at pumasok sa isang silid.

Nakahinga naman siya nang maluwag nang hindi mapansin nito ang aquarium na tinakpan niya ng tela, hindi rin nito napansin na may nakatagong espsesyal na bagay sa kanyang bulsa.

"Bisita?" nagtaka si Jaakko nang mapagtanto 'yon saka siya tumingin muli sa pintuan at halos malaglag ang panga niya sa sahig nang makita ang dalawang nilalang na pumasok.

Halatang nagulat din ang isang babae nang makita siya, samantalang ang isa pang babae ay nakatulala lang at tila wala sa sarili.

"A-Anong ginagawa n'yo rito?" nauutal niyang tanong, hindi makapaniwala.

"Jaakko?" Hindi rin makapaniwala si Anita nang makita siya. Samantalang si Yumi ay wala pa ring reaksyon at ni hindi man lang 'ata siya nakikita.

Nang magtagpo ang tingin ni Jaakko at Anita ay sabay na pumasok sa kanilang alaala ang huling memorya ng kanilang pagkikita.

Tandang-tanda pa rin ni Jaakko ang mga bangungot niya noon, isang pagpupulong ng mga kampon ng kadiliman ang kanyang nasaksihan. Napagtanto niyang hindi panaginip ang lahat nang makilala niya ang boses ng isa sa kampon—si Anita ay isa sa kanila.

Naalala rin ni Anita na nasa faculty room siya noon at pinuntahan siya ni Jaakko nang bigla siya nitong saksakin sa dibdib. Nang malaman niyang alam na ni Jaakko ang tunay niyang katauhan ay walang atubiling sinaktan niya rin ito, subalit hindi niya inaasahan na mabubuhay pang muli si Jaakko.

Nanginginig ang katawan ni Jaakko dahil sa pinaghalong takot at galit sa ginawa sa kanya ni Anita. Alam niyang dati niya itong guro at hangang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa nitong lokohin silang lahat.

"Paano ka napunta rito?" tanong ni Anita at ikinairita ni Jaakko nang mahimigan niyang nag-aalala ang dating guro.

"As if you fucking care," sagot niya. "It's true... You kidnapped Yumi."

Nawala ang bahagyang pag-aalala sa mukha ni Anita nang mapagtanto rin niya ang himig sa kanyang tinig. Sumeryoso siya at tiningnan lamang nang malamig si Jaakko sabay hawak sa braso ni Yumi.

Hindi sumagot si Anita at naglakad ito papuntang sala at umupo silang dalawa ni Yumi. Walang nagawa si Jaakko kundi magkuyom ng palad at sumunod sa inutos ni Magwayen na ipaghanda ng pagkain ang mga 'bisita'.

'Mukhang kontrolado si Yumi. Tch! Kung may mas marami lang akong oras para i-master 'tong powers na meron ako, baka pwedeng makatakas kami ni Yumi,' iyon ang naglalaro sa isip ni Jaakko.

Tahimik na kumain ang mga 'bisita' habang nakatayo lamang sa isang gilid si Jaakko na nakatingin lamang kay Yumi.

'What did she do to you?' nahahabag na nasa isip ni Jaakko habang pinagmamasdan ang mukha ni Yumi na lumubog na dahil sa kapayatan. Nagkuyom lamang ng kamay si Jaakko habang paulit-ulit na sinasabi ang mga salita sa isip, 'I promise, we'll get the hell out here, Yumi. I will protect you.'

Si Yumi ang puno't dulo ng lahat kung bakit nandito siya sa mundong ito kaya naging buo ang desisyon ni Jaakko noong mga sandaling 'yon.

"Very well, very well, mukhang nabusog na ang ating mga bisita." Sabay-sabay silang napatingin kay Magwayen na pababa ng hagdanan, bago ang suot nitong damit, isang itim na gown na kumikintab-kitab ang mga batong disenyo nito.

Tumayo si Anita at hindi nagpakita ng anumang takot. "Maraming salamat sa pagtulong sa akin, Magwayen. Ikaw ang sinadya ko kaya kung maaari lamang ay padaanin mo kami papunta sa mundo ni panginoong Sitan."

Umupo si Magwayen sa puting sofa habang hawak-hawak ang isang kopita ng alak. Tumawa ito na para bang nakarinig ng biro.

"My, my, my, Anita, paano ka naging ahente ni Sitan kung ganyan ka katanga?" sabi nito na ikinagulat ni Anita.

"A-Anong sinabi mo?"

"At saka wala man lang bang thank you na niligtas ka mula sa isang Maharlika? Kung hindi dahil sa'kin malamang ay hindi ka na nakarating dito sa aking balwarte," sabi ni Magwayen na para bang nababagot. "Ano naman sa tingin mong dahilan para hayaan kitang makiraan papunta sa pinakamamahal mong si Sitan?"

"Dahil iaalay ko sa kanya ang huling binukot!" dumagundong sa buong mansion ang galit na boses ni Anita. "Wala kang karapatang mangialam dahil si Sitan ang aking pinagsisilbihan!"

"Wow naman!" tumayo si Magwayen at hinagis sa malayo ang kopita. Si Jaakko naman ay awtomatikong lumapit doon upang linisin ang nabasag na baso. "For your information, may kasunduan na kami ni Sitan, ganito kami ka-close," sabi nito sabay taas ng kamay at pinakita ang dalawang daliri. "Hindi ka na kailangan ni Sitan."

"Hindi totoo 'yan!"

"Sinabi ko sa kanya na pekeng binukot 'yang kasama mo," kalmado at sopistikadong sabi ni Magwayen na naglalakad palapit sa nakaupong si Yumi. "Ang babaeng ito ay isa lamang ordinaryong mortal. Wala akong nakikitang kapangyarihan ng diyos na bumabalot sa kanya. Oh, gets mo na ba kung gaano ka kaboba?"

Hindi makapaniwala si Anita sa mga naririnig niya. 'P-Paanong...A-Anong hindi si Yumi ang huling binukot?'

"Palibhasa hindi ka kasi diyosa katulad ko kaya wala kang kakayahang tumukoy ng mga kapwa diyosa," taas noong sabi ni Magwayen. Hinawakan nito si Yumi sa mukha at hinaplos 'yon. "Kay gandang bata pa naman, pwedeng-pwede ko rin siyang gawing manika rito kasama ni Jaakko darling... Kaso may naisip na kong plano para sa kanya."

"Anong gagawin mo sa kanya?!" galit niyang sigaw.

"Woah, don't tell me at may care ka na sa mga mortal, Anita, right? Just like what your friends told me. Kaya ayaw na nila sa'yo kasi masyado ka na raw na-attached sa mga mortal," nagulat siya nang sabihin 'yon ni Magwayen, bigla itong tumawa. "Oh, my bad, naki-tsismis pa talaga ako. Of course, para man lang bago ka mamatay ay na-appreciate mo na nagkapake ako sa'yo."

Bago pa makabwelo si Anita ay mabilis na naitaas ni Magwayen ang kamay at lumabas ang mga ahas sa damit na 'to na siyang umatake sa kanya. Tumagos ang mababangis na ahas sa kanyang sikmura at napabuga siya ng dugo.

Nanlaki ang mga mata ni Jaakko nang masaksihan ang mga pangyayari subalit hindi siya kumilos.

"Sorry, dear, dahil hindi ka na kailangan ni Sitan. Bye bye," sabi ni Magwayen. "As for you, darling Yumi, ako na ang magiging bago mong master, oki?" Wala sa sariling tumango si Yumi dahil napasa na kay Magwayen ang pagkontrol sa kanya.

Bumagsak si Anita sa sahig habang unti-unting nilalamon ng kamatayan. Hindi na siya nakagalaw at wala na siyang dahilan para lumaban pa dahil tinraydor na siya ng tanging nilalang na matapat niyang pinagsisilbihan.

Hindi malaman kung bakit bumalik sa mga alaala ni Anita ang mga panahong nagpapanggap siyang ordinaryong tao sa mundo ng mga mortal. Naranasan niyang umibig, makahanap ng mga kaibigan, at maging ordinaryo.

Naalala ni Anita si Arki, ang nakangiti nitong mukha ang kanyang nakikita. Kahit na naging masama siya sa huli ay hindi siya nagsisi na maging isang butihing guro sa loob ng maikling panahon.

Umaagos ang luha sa pisngi ni Anita nang mapagtanto ang mga kamaliang ginawa niya. Alam niyang nasa huli ang pagsisisi pero naisip niya noong mga panahon na 'yon na sana pala'y nakuntento siya sa pagiging mortal at tinalikuran niya ang lahat.

"Arki... Iligtas mo si Yumi..." bulong ni Anita sa hangin..

"Come with me, darling, may pupuntahan tayon party at kailangang maging bongga ang itsura mo," sabi ni Magwayen sabay hawak sa kamay ni Yumi. "Besides, mas okay dapat kung sobrang pretty mo sa magiging reunion mo with your dearest friend."

Humalakhak si Magwayen at sabay silang umalis ni Yumi patungo kung saan, may nakahanda itong patibong para sa kaibigan ni Yumi na alam niyang ang totoong huling prinsesa. Naiwan si Jaakko at napagtanto ang ibig sabihin ni Magwayen.

"Si Arki ang pakay niya..." sambit ni Jaakko. "Arki!" 



-xxx-



ABANGAN: Unti-unti nang nagtatagpo ang bawat karakter! Ano ang binabalik ni Magwayen? Gagamitin niya si Yumi para makuha si Arki? Makakatulong nga kaya ang bad boy na si Jaakko? At malalaman na ba talaga ni Rahinel na si Arki ang huling binukot?

A/N: 

For this chapter's question: So far, how's Ang Huling Binukot for you? Do you want it to end soon? Nararamdaman mo bang posible 'tong maging book series? Just let me know what yah think! Thanks!



#PADAYON

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top