/57/ Engkwentro sa Siyudad
Kabanata 57:
Engkwentro
sa
Siyudad
SRIVIJJAYA
Sulad, sa mansion ni Magwayen
GUSTO nang mamatay ni Jaakko.
Marahil ay bunga ng mahabang pagdurusa at kawalan ng pag-asa ay sumasagi na sa isipan ni Jaakko na kitilin ang sariling buhay kaysa magtiis bilang alipin ni Magwayen habambuhay.
Sa kasalukuyan ay literal na ginagawa lamang siyang alipin ni Magwayen sa ilusyong mansion nito sa Sulad ay kahit na hindi sabihin sa kanya'y alam niyang darating din ang araw na papatayin siya nito sa kung ano mang dahilan.
Tama si Jaakko dahil wala siyang kaalam-alam na naghihintay lang ng pagkakataon si Magwayen na patayin siya't gawing sahog ang kanyang katawan at mga lamang-loob sa mga itim nitong mahika. Sa ngayon ay wala pang paggagamitan si Magwayen kung kaya't maswerteng buhay pa rin siya.
Kaya naman mas mainam na wakasan na niya hangga't maaga kaysa magdusa pa siya.
Naisip din ni Jaakko na ang lahat ng pagdurusa na nararanasan niya ay ang karma sa mga nagawa niyang pambubully noon. Paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili na kung makakauwi man siya ng buhay sa normal na mundo ay magbabago na siya.
Naalala niya ang lahat ng mga ginawa niyang pambubully noon, dahil lang trip niya at kaya niya dahil takot sa kanya ang mga tao sa eskwelahan nila. Pero ang totoo'y gusto lamang ni Jaakko na makuha ang atensyon ng kanyang ama.
Atensyon at pagkalinga na kailanma'y hindi niya nakuha mula rito.
Pero may mga pagkakataong lumalakas ang loob niya, tila may mga anghel pa rin ang handang sumaklolo sa kanya sa tuwing nagkakaroon siya ng magandang panaginip—na pilit niyang iniisip. Sa panaginip ay nakabalik siya sa dati niyang buhay, nagbago na siya, pati ang kanyang ama, at kasama niya si Yumi.
Si Yumi. Ang dahilan kung bakit nandito siya ngayon.
Si Yumi na siyang dahilan ng kanyang tapang noon na sundan si Khalil sa mahiwagang portal.
Kapag iniisip ni Jaakko ang mala-anghel na mukha ni Yumi ay nawawala ang kanyang sakit kahit papaano.
Pero ang pinakanagbibigay sa kanya ng lakas ng loob ngayon ay nang malaman niyang narito rin sa mundong ito sila Arki—si Arki na mortal niyang kaaway. Pakiramdam niya'y hindi pa huli ang lahat, hindi pa oras para magpakamatay.
Kaya sa tuwing maalala niya ang pagbibigay sa kanya ng flying kick ni Arki ay hindi na siya naiinis. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon siya ng pagnanais na makita ito at katulad nang ginagawa ni Arki sa mga naaapi sa eskwelahan—sana'y mailigtas din siya nito.
Umiling si Jaakko nang maisip ang bagay na 'yon, walang mangyayari kung hihiling siya na sana mailigtas din siya ni Arki. Kailangan niyang makagawa ng paraan upang makatakas sa pugad ni Magwayen.
Nataon na isang araw ay umalis si Magwayen at iniwan siya nito sa mansion, binilin lang na maglinis siya ng buong bahay.
Alam ni Jaakko na pinaglalaruan lang talaga siya ni Magwayen dahil kung tutuusin ay sa isang pitik ay kayang maglaho ang lahat ng kalat, sadyang gusto lang siya nitong pagtripan.
Kaya habang naglilinis ay nakuha niya ang pagkakataong 'yon para maghanap ng paraan kung paano makatakas.
"Tss... As if she'll let me go easily," sa isip-isip ni Jaakko.
Sinubukan niyang lumabas sa pinto pero pumasok lang din siya sa loob ng bahay, kahit saan siya lumabas ay tila walang hanggang bumabalik lang din siya sa kanyang pinanggalingan.
At bago pa tuluyang mabaliw si Jaakko ay ibinaling niya ang atensyon sa paglilinis ng buong mansion ni Magwayen, nagbabaka sakaling may makitang paraan kung paano makatakas.
"Damn!" sigaw ni Jaakko nang mabigo sa paghahanap. Sa sobrang inis niya'y hinablot niya ang isang pigurin na nadampot at saka hinagis 'yon. Saktong tumama sa isang aquarium ang pigurin kung kaya't nabasag 'yon. "Crap! No, no, no!" sigaw niya ulit nang makitang kumalat ang tubig, naglawa ang sahig at nagsisitalunan ang mga isda sa paligid.
Hindi magkandaugaga si Jaakko sa paglilinis, kaagad niyang hinuli ang mga isda sa aquarium at nilagay sa isang timbang may tubig.
"Papatayin na ba niya ako?" paulit-ulit niyang tanong sa sarili habang nililinis ang pinagkalatan niya.
Nang malinis ni Jaakko ang basag na salamin at naisalba niya ang mga isda'y napailing siya nang makita ang pinsala ng aquarium kaya naghanap siya ng maipantatakip dito.
Bago niya takpan ng itim na tela ang sirang aquarium ay napansin niya ang isang kumikislap na gintong kabibe sa loob nito. May nag-udyok sa kanya na kuhanin ang kabibe.
Lingid sa kaalaman ni Jaakko ay iyon ang mahiwagang ginintuang kabibe ni Kaptan, ang diyos ng Kahilwayan o langit ng Sriviaya. Niregalo noon ni Kaptan ang ginintuang kabibe kay Magwayen subalit ninakaw ito ng diyos na si Sinogo. Matapos mahuli ni Kaptan si Sinogo ay hindi na nalaman pa ni Kaptan kung saan tinago nito ang gintong kabibe.
Subalit walang kaalam-alam ang lahat na ilang siglo na ang lumipas ay nasa loob lamang ng balwarte ni Magwayen ang mahikal na kabibe ni Kaptan.
Nang dumampi sa palad ni Jaakko ang gintong kabibe ay kaagad naramdaman ni Jaakko ang kapangyarihan nito. At kahit na walang magsabi sa kanya'y awtomatikong pumasok sa kanyang isip kung ano ang kakayahan ng kabibe.
Inisip ni Jaakko si Magwayen kaya walang anu-ano'y nakita niya sa repleksyon ng salamin na nagpalit ang kanyang itsura—naging si Magwayen siya! Sa gulat ay nabitawan ni Jaakko ang kabibe kaya nakabalik siya sa normal.
"W-What the fuck?" bulong niya sa sarili at saka dahan-dahang pinulot ang kabibe.
Para siyang tinamaan ng kidlat nang pumasok sa kanya ang isang idea. Makakatakas na rin siya sawakas mula sa mga kamay ni Magwayen, subalit kailangan niyang magplano.
*****
SRIVIJJAYA
Ciudad de Madhi
LUMIPAS na rin ang pagkamangha ni Karl sa siyudad ng Madhi nang tuluyan nang gumaling at nagkamalay si Shiela. Muli nilang natagpuan ang sarili na sinusuyod ang mataong siyudad.
"Hey, are you sure you're really okay now?" nag-aalalang tanong ni Karl na nasunod kay Shiela.
"Hindi naman naging okay ang lahat lalo pa't hanggang ngayon ay hindi pa rin natin sila nahahanap," naiinis na sagot ni Shiela na hindi man lang lumingon.
Hindi na kumibo pa si Karl dahil nararamdaman niya ang matinding pagod sa tinig ni Shiela. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito.
"You said before na kailangan nating pumunta sa underworld... and there's Magwayen. Where is exactly that?" tanong ulit ni Karl habang pilit na umiiwas sa mga taong mistulang alon.
Sa totoo lang ay walang nakakapansin sa kakaiba at natatangi nilang anyo sapagkat sa dami ng mga tao at kanya-kanyang pinagkakaabalahan ng mga 'to, hindi maiwasang maikumpara ni Karl ang Baclaran at Divisoria sa lugar na kinaroroonan nila ngayon.
"Doon," sagot ni Shiela at tinuro ang pinakamalaking gusali sa buong isla, ang El Mahal, ang magarbong palasyo na itinirik para sa mga diyos na naghahari sa buong Srivijaya, si Haring Likabutan, apo ni Kaptan.
Hindi na kumibo pa si Karl at tahimik na lamang na sumunod kay Shiela.
Lumutang na lamang ang isip ni Karl habang naglalakad, winawari kung nasaan na nga ba sila Rahinel ngayon at kung kailan matatapos ang lahat. Subalit sa kalagitnaan ng kanyang pagmumuni-muni'y nasulyapan niya ang isang pamilyar na mukha.
"Yumi?" kinusot niya ang dalawang mata upang makasiguro, nakita niya si Yumi na nakasuot ng balabal habang naglalakad. "Yumi!" kaagad siyang tumakbo sa kinaroroonan nito.
Kaagad niyang hinawakan sa braso si Yumi at nalaglag ang balabal kung kaya't sobrang galak niya nang makitang ito nga si Yumi.
"Yumi! Ikaw nga—"
"Huwag kang gagalaw kung gusto mong mamatay dito," tila lumamig ang paligid nang maramdaman niya ang isang patalim sa gilid ng kanyang leeg.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang isa pang babaeng nakabalabal.
"A-Anita?"
Hindi pa rin siya bumibitaw sa pagkakahawak kay Yumi na blangko lang ang mukha at wala man lang sinabi nang makita siya.
"Yumi!" narinig ni Karl ang sigaw ni Shiela at nakita niyang nasa likuran ito ni Anita habang hawak ang sandata.
"Kung ako sa'yo huwag mo nang aksayahin ang enerhiya mo dahil mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mahika sa Ciudad de Madhi," kalmadong sabi ni Anita kay Shiela.
"Wala akong pakialam!" akmang gagamit ng kapangyarihan si Shiela subalit napalitan ng pagkagulat nang maramdaman nitong walang lumabas na mahika sa kanyang sandata.
Ibinaba ni Anita ang patalim na nakatutok sa leeg ni Karl at humarap kay Shiela. "Sinabi ko na sa iyo na ipinagbabawal ang paggamit ng mahika sa lugar na 'to—"
"Ibalik mo si Yumi! Anong ginawa mo sa kanya?!" galit na sigaw ni Shiela at akmang aatakihin si Anita subalit maliksi itong nakaiwas at kaagad nahagip si Karl.
Namalayan na lang ni Karl na nagdurugo ang kanyang leeg, mabuti na lang ay natural na umatras ang katawan niya dahil kung hindi ay tiyak na malalim ang pagkakahiwa sa kanyang leeg.
"Karl!" sigaw ni Shiela sa kanya, nilabas nito ang patalim ng kanyang sandata at sunud-sunod na inatake si Anita.
Kaagad na bumangon si Karl at pumunit ng tela sa laylayan ng damit upang takpan ang sugat at patigilinn ang pagdudugo nito. Naabala ang mga tao sa paligid nang biglang magsagupaan ng lakas si Anita at Shiela, subalit wala man lang umawat at tila naaliw pa ang ilan sa laban.
Natauhan si Karl at kaagad siyang bumangon.
"Yumi, kailangan mong sumama sa'min, nagpunta sila Arki rito para iligtas ka!" sabi niya subalit tila bingi lang na nakatulala sa kawalan si Yumi.
'She's not herself? Was she under a spell?' tanong ni Karl sa isip. Narinig niyang may bumagsak sa lupa at nakita niya si Anita 'yon.
Dahil isang Maharlika si Shiela ng Kampo Uno ay batak na batak ang kanyang katawan sa pakikipaglaban ng pisikal kumpara kay Anita na tanging mahika at salamangka ang ginagamit. Kaya hindi na nakapagtatakang madali lang kay Shiela na matalo si Anita.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Shiela sa kanyang sandata, hindi na ito ang unang beses na pumaslang siya ng halimaw, alam niyang isang ahente ni Sitan ang kaharap niya ngayon kaya hindi dapat siya magdalawang isip na paslangin ito.
Buong lakas niyang hinataw ang kanyang sandata subalit bago dumapo ang patalim sa ulo ni Anita ay may itim na pwersa ang nagpatigil nito.
"A-Anong—" gulat na sabi ni Shiela at sinubukang labanan ang pwersa. 'Ang akala ko ba'y hindi maaaring gumamit ng mahika sa lugar na 'to?!' Tiningnan niya si Anita at maging ito'y nagulat din kung saan nagmula ang pwersa.
Unti-unting lumaki ang itim na pwersa at sunod na lang nila namalayan ang pag-ihip nang malakas ng hangin. Nagsitakbuhan ang mga tao sa paligid maliban sa kanila.
"Well, well, well, what an excellent fight," sabi ng isang hindi pamilyar na tinig.
Mula sa anino ng kadiliman ay lumitaw sa kanilang harapan ang diyosa ng Sulad, si Magwayen. Halos lumulutang ito't kasinglaki ng dalawang palapag na gusali, tila isang genie na lumabas sa isang lampara.
"M-Magwayen!" bulalas ni Anita at bahagyang yumuko upang magbigay galang.
Nagtagis bagang si Shiela nang makita niyang tumingin si Magwayen kay Yumi.
"Hmm... Ito ba ang sinasabing prinsesa?" sabi ni Magwayen at lumapit ang mukha nito kay Yumi.
"Huwag mo siyang hawakan!" galit na sigaw ni Shiela at inatake si Magwayen subalit sumubsob lamang siya sa lupa.
"Tch! Lapastangan na Indio," inis na sabi ni Magwayen at napansin ang kakaibang aura na bumabalot kay Shiela. "Hmm... May something sa aura mo, huhulaan ko... Isang Maharlika? Hindi ka Maharlika ng Kampo Dos dahil mga kasabwat ko ang mga 'yon—"
"Kasabwat?" hindi matanggap na sabi ni Shiela nang marinig 'yon, napagtagpi-tagpi ang pangyayari na dinanas nila noon sa Kampo Dos. "Anong ibig mong sabihin?!"
"Wala akong care mag-explain sa mga Indiong katulad mo lalo pa't mukhang galing ka sa ibang Kampo, Kampo Uno siguro ano?"
Sinubukan ulit umatake ni Shiela subalit muli siyang tumagos. Napasampal na lang si Magwayen sa ulo. "Ang tigas ng kokote mo, Indio. Walang makakagamit ng mahika sa Ciudad de Madhi kundi kaming mga diyos lang."
Sa isang iglap ay tumarak ang isang itim na patalim sa tiyan ni Shiela na sumuka ng maraming dugo.
"Kaya naman, tsupi!" isang pitik ni Magwayen sa noo ni Shiela'y tumalsik ito palayo.
"Shiela!" walang ibang nagawa si Karl kundi mapasigaw. Unti-unti na siyang nanghihina dahil maraming dugo na ang nawala sa kanya.
"My, my, masyadong exposed na ang beauty ko rito sa lansangan," sabi ni Magwayen at bumaling kay Anita. "May pakay ka sa'kin, hindi ba? Halina't sa palasyo tayo mag-usap."
Sa isang pitik muli'y nabalutan ng itim na pwersa ang paligid, maging si Yumi at Anita'y nabalutan ng kapangyarihan ni Magwayen hanggang sa maglaho sila na parang bula.
Walang ibang nagawa si Karl kundi matulala at mapaluhod habang paulit-ulit na sinasambit ang pangalan ni Shiela.
Samantala, bago pa tuluyang tumalsik sa dulo at tumama sa matigas na gusali ang katawan ni Shiela'y may isang misteryosong nilalang ang sumalo sa kanya. Nakasuot 'yon ng pulang balabal at salakot.
Nang masalo'y kaagad na nagtago ang nilalang at saka sumulpot ang dalawa pa nitong kasama.
"Shiela!" sigaw ng babae nang tanggalin ang balabal. "Shiela, gumising ka!"
Subalit mahika ng isang diyos ang tumarak sa tiyan ni Shiela at kung hindi ito mabibigyang lunas 'agad ay maaari itong mamatay.
"Raneah, kailangan na nating bumalik ng Hilusung," sabi ng isa. "Kailangan natin siyang magamot!"
Nabalitaan nila Raneah ang nangyari kay Shiela mula kay Shawie at Mawie, kaya naman kaagad silang kumilos at kahit na ipinagbabawal na pumunta ng ibang Maharlika sa hindi nila kampo ay pumuslit sila sa portal ng Biringan upang maligtas sila Shiela sa Kampo Dos.
Subalit pagdating nila ng Kampo Dos ay napag-alaman nilang nakatakas na sila Shiela. Pumunta sila rito sa Madhi sa kutob na dadaan si Shiela sa portal ng impyero upang makatawid sa Hilusung.
"Kayo na ang bahalang bumalik sa Hilusung," sabi ni Raneah. "May naiwan pang kasama si Shiela rito, at kailangan ko pang mag-imbestiga."
Dahil may kutob din si Raneah na may malaking kaganapan sa lugar na ito. Lalo pa't nasaksihan niyang nakialam na si Magwayen.
Malakas ang kutob ni Raneah na may kasunduan sila Magawayen at Sitan upang makuha ang tunay na huling binukot.
Pero bago pa man makakaalis ang mga kasama ni Raneah ay nabigla sila nang magkumbulsyon si Shiela.
"Shiela!"
"Raneah, kailangan na 'agad niya ng lunas ngayon!"
Lahat sila'y napuno ng takot sapagkat may natitira na lamang na oras ang buhay ni Shiela kapag hindi sila humanap ng lunas sa natamo nitong sugat mula kay Magwayen.
*****
HILUSUNG
Kasanaan (Kaharian ni Sitan)
BAGO mangyari ang mga kaganapan sa Ciudad de Madhi ay walang kamalay-malay ang lahat sa naganap na pormal na pag-aalyansa ng mga diyos ng kadiliman.
Sinadya ni Magwayen na magtungo sa kaharian ni Sitan sa ilalim na mundo ng Hilusung, ang Kasanaan—isang impyerno kung saan nagdurusa ang maraming kaluluwa ng kasamaan.
"Ano ang inyong sinadya rito Magwayen?" bungad ni Sitan na nakaupo sa kanyang nagbabagang trono, hindi alintana ang nagliliyab na apoy sa buong paligid..
"In fairness, it's hot here as ever, mas hot ka pa rin," sabi ni Magwayen sabay kindat sa kataas-taasang diyos ng Kasanaan.
"Hindi ako natutuwa sa paggamit mo ng mga banyagang salita mula sa mga Indio, Magwayen," malamig na sabi ni Sitan.
"Fine, whatever. Impluwensya ng mga Engkantong nahuhumaling sa kultura ng mga banyagang mortal," sabi ni Magwayen. "Anyway, gusto ko lang sabihin sa iyo na may niregalo sa'kin ang mga alipores mo, nandito sana ako para magpasalamat."
Hindi kumibo ang mga kampon ni Sitan na nakatayo sa gilid nito, sila Khalil, Manisilat, at Mankukulam.
"At nandito rin ako para sabihing nasa puder ko na ang matagal n'yo nang hinahanap, ang huling binukot. Gusto kong makipagkasundo sa inyo, dadalhin ko rito ang binukot sa isang kundisyon," kampanteng sabi ni Magwayen.
"Ano ang hinihingi mong kapalit?" tanong ni Sitan.
"Well, narinig ko ang balita na may mga alagad ka sa iba't ibang panig ng Ibayo at binabalak n'yong gisingin ang mga selestiyal upang gumawa ng malaking gulo—malaking parte lamang ng tunay n'yong plano na sirain ang bawat Ugod at ang namamagitang harang sa mundong ito at sa mundo ng mga mortal," mahabanng sabi ni Magwayen.
"At paano ka nakasisigurong maibibigay mo sa amin ang binukot?" tanong ni Khalil na humakbang sa unahana.
Umismid si Magwayen. "Hello? Simula nang mamatay si Kaptan ay ako na ang nag-mamay-ari ng buong Srivijaya, may mata ako sa lahat ng kanto nito. Isa pa, lahat ng mga Indio ay papunta sa akin para makadaan papunta rito sa inyo, gets n'yo? Ako ang pinakapowerful sa Srivijaya, kontrolado ko pati mga apo ni Kaptan."
"Kung gano'n ano pa ang iyong mahihiling kung ikaw na ang pinakamakapangyarihan sa inyong mundo?" tanong ulit ni Sitan.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Magwayen. "Ang alaga mo Sitan... Gusto ko ng iyong Bakunawa."
-xxx-
A/N:
Ano nga pala ang favorite scene or moment nyo so far sa AHB? :D THANK YOU!
GLOSSARY:
Golden Shell of Kaptan – "the supreme god of the Bisaya people, Kaptan, has a magic golden shell which allows its user to transform to whatever or whoever he or she wants to be; the shell was intended as a gift to Maguayen, goddess of the sea, but the god Sinogo stole it before it was properly delivered; Sinogo was later captured by Kaptan and imprisoned as a crocodile"
Bakunawa - "also spelled Bakonawa, Baconaua, or Bakonaua, is a dragon in Philippine mythology that is often represented as a gigantic sea serpent. It is believed to be the cause of eclipses."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top