/56/ Pagsubok ng Pagkakaibigan
Kabanata 56:
Pagsubok
ng
Pagkakaibigan
KANINA pa nagrereklamo si Jazis habang naglalakad sila sa gitna ng kagubatan. Kasabay niya sa paglalakad sina Arki at Rahinel.
"Sure ba talaga kayong mapagkakatiwalaan 'yang babaeng 'yan?" sabi ni Jazis, walang pakialam kung marinig siya ng tinutukoy na nasa likuran. "Kanina lang natin siya nakilala. Ang magic naman na kilala niya rin 'yung hinahanap natin."
Napahilot sa sentido si Arki dahil kanina pa siya natutulilig sa boses ni Jazis. "Alam mo, wala naman tayong choice kundi magtiwala, Jazis."
"Wala tayong choice? Paano kung halimaw at aswang pala 'yang babaeng 'yan tapos ang totoo dinadala niya tayo sa pugad nila para gawing midnight snack!"
"Kapag hindi ka pa tumigil bubusalan ka namin," pananakot ni Rahinel dito. "Ang ingay mo."
"Huwaw naman, Rah! Kailan ka pa naging joker?!" sabi ni Jazis sabay hampas kay Rahinel.
Nanatiling poker-faced si Rahinel dahil palagi na lang siyang pinagkakatuwaan ni Jazis at Leo.
Napangisi si Arki. "Hehhh, nahahawa na siya sa atin," panunukso ni Arki. "Akalain mo't may sense of humor na rin pala 'tong imortal nating prinsipe."
"Hindi naman ako nagbibiro," depensa ni Rahinel sa sarili niya sabay buga ng hangin. 'Totoo namang natutulilig na 'ko sa boses nitong ni Jazis, hindi naman biro 'yon.'
"Teka nga! Nawala na tayo sa topic!" biglang sabi ni Jazis at bumalik sa pagrereklamo na hindi nila dapat pagkatiwalaan si Marikit.
"Naku, naku, ang sabihin mo nagseselos ka lang, Jazis," sabat bigla ni Roni na nasa likuran nila, katabi nito si Vivienne na malayo ang tingin.
"Haaaaaah?" si Jazis na halos malaglag ang panga sa lupa. "Anong sabi mo, tikbalang?!"
Nilagay ni Roni ang kamay sa likuran ng batok at mas lumawak ang ngising nang-aasar sa mukha. "Selos ka lang kasi may iba na ang Leo labs mo."
"Anong Leo labs ka dyan?! Mandiri ka nga oy!"
Tumawa lang si Roni habang patuloy pa rin sa pag-iingay si Jazis.
"Jazis, hinaan mo naman 'yung boses mo baka mamaya magalit mga nuno at elemento rito sa'tin eh," pangkakalma ni Arki sa kasama. "Tabi-tabi po," sabi niya na lang. Iyon kasi ang turo sa kanya noon ni Lola Bangs bilang respeto sa mga hindi nakikitang elemento ng kalikasan.
Hindi pa rin natinag sa asaran si Jazis at Roni. Samantala, naglalakad sa pinakahuli sina Leo at Marikit, hindi naririnig nang maigi ang nangyayari sa harapan nila. Si Leo kasi ay masyadong nahuhumaling pa rin kay Marikit na nagkukwento tungkol sa kanilang bayan.
"Naiintindihan mo ba 'yung sinabi ko?" biglang sabi ni Marikit at saka lang kumurap si Leo.
"Ah... Oo! Eh... Ano nga 'yon?" si Leo na napakamot sa batok pero ngiting-ngiti.
"Hay..." napabuntong hininga na lang nang malalim si Marikit. "Pasensiya na nga pala sa ginawa ko sa'yo, muntik na kitang masaktan."
"U-Uy, okay lang 'yon!"
"Salamat kasi... handa mo akong tulungan na iligtas ang bayan namin... Kahit na ayaw ng mga kasama mo."
Naging seryoso bigla ang mukha ni Leo nang marinig 'yon.
"Alam kong gusto ka rin nilang tulungan," sabi ni Leo na tumingin sa harapan. "Pero kasi... nasa panganib din 'yung buhay ng kaibigan namin katulad nang naikwento ko sa'yo kanina."
"Naiintindihan ko naman 'yun—"
"Kaya nga sabi ko ako na lang ang bahalang tumulong sa'yo."
Napatitig lang si Marikit sa kanya, bakas sa mukha nito na hindi makapaniwala na seryoso siya sa kanyang desisyon.
Pero alam ni Leo na hindi madali para kila Arki na maniwala sa kanya, na sa kauna-unahang pagkakataon ay handa siyang maging matapang.
Matapos ang maghapon na paglalakbay ay halos gabihin na sila nang marating ang lapang biyak, ayon kay Marikit ay dito madalas makita si Master Yogi na nangingisda at kung minsan ay namboboso ng mga dalagang naliligo.
Subalit ni anino nito ay hindi nila nakita.
"Sabi ko nga ba! Scam 'tong babaeng 'to!" bulalas na naman ni Jazis pero walang pumansin sa kanya.
"Marikit, sigurado ka bang dito makikita ang monghe na 'yon?" tanong ni Arki.
Tumango si Marikit, may bakas ng pag-aalala ang mukha. "Oo! Sigurado ako dahil kilala si Master Yogi sa buong islang ito."
"Kung gano'n maghihintay tayo," sabi ni Arki na puno pa rin ng pag-asa ang mukha.
Napagpasyahan nilang magpalipas ng gabi sa tabi ng lawa kung kaya't nag-ayos na sila ng mga gamit at ng makakakain para sa hapunan.
Habang nag-aayos ng mga gamit ay napansin ni Jazis ang kakaibang sugat sa mukha ni Vivenne.
"Veeeee?! May uod sa peslak mo!"
Patay malisyang pinalis ni Vivienne ang uod sa kanyang mukha. Sumeryoso bigla ang mukha ni Jazis nang makita na tila nagnanaknak ang sugat sa noo ni Vivienne.
"Vee, okay ka lang—" at bago pa 'yon tuluyang matitigan ni Jazis ay kaagad umalis si Vivienne papunta sa loob ng kagubatan.
*****
HINDI makatulog nang mahimbing si Vivienne noong gabing 'yon. Halos dalawang araw na siyang hindi kumakain ng laman ng tao dahil wala siyang makitang ibang bayan na pwede niyang puntahan. Isang malaking himala na nagagawa niyang magtimpi na hindi saktan ang mga kasama niya.
Maliban noong gabing 'yon.
Kahit na naka-tatlong isda siya kaninang hapunan ay hindi pa rin 'yon sapat upang mapawi ang uhaw niya sa laman at dugo ng tao. Kailangan niyang kumain ng laman dahil kung hindi ay tuluyan siyang aagnasin ng buhay...
Iyon ang kundisyon kapag hindi siya pumatay at kumain ng mga tao. Ito ang sumpa na binigay sa kanya ni Magwayen kapalit ang kanyang buhay.
"Tinatanggap ko ang alok mo." Naalala pa niya na buong tapang niyang hinarap si Magwayen, hindi siya nagpakita ng anumang takot dito.
Ngumisi si Magwayen, tila inaasahan ang kanyang magiging sagot.
"Bueno, tanggapin mo ito," inabot sa kanya ni Magwayen ang isang itim na marmol. "Sa oras na kainin mo 'yan ay manunumbalik ka sa iyong katawang lupa."
Nangibabaw ang pagnanais ni Vivienne na makabalik ng buhay kaya kinuha niya ang itim na bato at isinubo 'yon. Nangilabot ang kanyang buong katawan at naramdaman niya ang pagpitik ng kanyang mga ugat.
Nagising si Vivienne, tumatagaktak ang pawis. Alam niyang hindi na mababawi pa ang mga nangyari. Nakita niya ang pigura ng isang babaeng naglalakad papasok ng kagubatan—si Marikit.
Kusang gumalaw ang kanyang katawan at maingat na sumunod dito habang tulog pa ang kanyang mga kasama. Nang makalayo sila'y nakita niyang nagbabanyo si Marikit habang nagtatago siya sa likuran ng puno.
'Pagkakataon mo na... Kung hindi mo 'to gagawin—kung hindi ka makakatikim ng dugo ngayon ay maaagnas ka ng buhay...' paulit-ulit 'yong tumatakbo sa isip ni Vivienne.
Unti-unting nagbago ang kanyang anyo, humaba ang kanyang mga kuko, kumulubot at umitim ang kanyang balat, nanlisik ang kanyang mga mata, lumabas ang kanyang pangil at matulis na dila, lumagutok ang buto niya sa likuran at lumabas ang kanyang pakpak. Nang makita niya na pabalik na si Marikit ay kaagad niya 'yong dinamba.
"Ahhhhhhh!!!!!!" umalingawngaw sa buong paligid ni Marikit.
Bago pa niya tuluyang malapa ito ay mabilis na nakakilos si Marikit at naiwasan niya ang pagdamba niya. Tumakbo ito palayo at mabilis siyang lumipad upang mahabol ang kanyang hapunan.
"Hoy!" may tumamang bato sa kanyang mukha at nakita si Leo na kakarating lang.
Nanlisik lalo ang kanyang mga mata at akmang susugurin si Leo. Subalit bago pa niya ito malapitan ay siyang dating ng isang tikbalang.
Nagsagupaan sila ng lakas ng tikbalang at sa huli'y nagawa niya itong malamangan. Naaninag ng gilid ng kanyang mata ang isang lumiliyab na espada kung kaya't kaagad niya 'yong iniwasan, si Rahinel at sa tabi nito'y si Arki.
Sunod na lang niyang namalayan na napaliligiran siya ng kanyang mga kasama—pero walang kaalam-alam ang mga 'to kung sino siya.
Bago pa siya nito maatake ay kaagad siyang tumalon at dinamba si Leo na hindi handa. Natigilan sila nang makitang sakal-sakal niya ang leeg ni Leo.
"A-Arki!" mangiyak-ngiyak na tawag ni Leo sa mga kaibigan nito.
Binuka niya ang bibig at handang lapain ang leeg ni Leo nang biglang lumiwanag ang paligid. Nasilaw siya kung kaya't nabitawan niya si Leo at wala siyang ibang nagawa kundi dumapa sa lupa at takpan ang kanyang sarili mula sa liwanag.
Sunod na umalingawngaw kasabay ng liwanag ang mga hindi pamilyar na salita. Isang sinaunang awit na may tinataglay na kapangyarihan.
"Raktha jvalla jatadharam suvimalam rakthaanga tejomayam thrutvaa soola kabala paacha damaruth lokasya rakshaakaram nirvaanam kaa vaahannam trinayanam aananda kolaahalam vandhe sarya pinasaasa naadha vadukam kshetrasya paalam siyam."
Napasigaw siya nang marinig ang paulit-ulit ni mantra. Namalayan na lamang niya na unti-unting bumabalik sa normal ang kanyang anyo. Saka naglaho ang liwanag.
"M-Master Yogi!" bulalas ni Marikit nang makita ang monghe na nakatayo 'di kalayuan, hawak ang kwintas na may malalaking bilog.
Si Arki ang unang nakapansin sa kanya at saka dahan-dahan itong lumapit sa kanya.
"Arki, huwag mong—" pipigilan sana ito ni Rahinel subalit natigilan din nang makita siya nang malinaw.
"V-Vee?" hindi makapaniwalang sabi ni Arki nang makalapit sa kanya.
Sinumikapan niyang bumangon subalit hindi niya magawa, nanatili siyang nakaupo sa lupa habang gulat na gulat silang nakatingin sa kanya.
"Vee?" halos pabulong na wika ni Roni nang makita siya, kakabalik lang din nito sa normal na anyo.
Alam ni Vivienne na huli na para itago ang katotohanan. Kahit na itanggi niya iyon ay kitang-kita sa kanyang mukha ang bakas ng pagiging halimaw, namumula pa rin ang kanyang mga mata, matutulis pa rin ang kanyang kuko sa kamay, at mas lumala ang sugat sa kanyang mukha.
Nanatiling nakatayo sa malayo si Master Yogi, si Marikit pa lang ang nakakapansin sa kanya.
Napailing si Roni, si Rahinel ay napayuko, si Jazis naman ay napatakip ng bibig, si Leo ay nanginginig pa rin. Walang nagtangkang magsalita sa kanila sa labis na pagkakabigla.
Pero si Arki lamang ang hindi makikitaan ng takot, magkasalubong paitaas ang kanyang kilay at akma niyang hahawakan si Vivienne nang ipalis nito ang kanyang kamay.
"Huwag mo akong hawakan!" sigaw niya. Nabigo si Vivienne na pigilan ang luha mula sa kanyan mga mata.
"Vee... Anong nangyari?" tanong ni Arki, kitang-kita niya ang awa sa mukha nito.
'She's pitying me?'
Suminghot siya at pinahid ang luha sa kanyang mga mata. "You should get away from me, I'm a monster now."
"Anong nangyari sa'yo, Vee?!" ulit ni Arki subalit ngayon ay mas malakas na.
"Namatay ako sa sementeryo," kaswal niyang sagot. "I was bitten by those monsters. At nagising na lang ako... sa impyerno. Nakita ko si Magwayen, the goddess of death, she offered me to live again pero may kapalit. Ito."
"B-Bakit mo tinanggap?" tanong ni Arki.
Muling tumulo ang luha mula sa mata niya. 'I hate her face right now,' sa loob-loob niya habang nakatitig kay Arki.
"I want to live," sabi niya sabay tingin sa kanilang lahat. "I had to get back to you..." halos pabulong niyang sabi. "...because you need my help."
Namayani ang katahimikan sa paligid. Yumuko si Viviene at muling pinahid ang luha bago muling bumangon.
"But I'm useless if I'm like this," sabi niya, sinusubukang maging matatag. "I killed... people. I'm a monster... Kaya please... patayin n'yo na ako."
Walang sumagot at walang kumilos kaya inulit niya ang sinabi.
"Please, kill me here, kill me now," pero wala pa ring sumagot sa kanya. "Or... jut leave me here—"
"Hindi!" biglang sabi ni Arki. "Hindi ka namin papatayin! Hindi ka namin iiwan!"
Gulat na gulat siya nang marinig 'yon kay Arki.
"Why—" hindi niya natapos ang sasabihin nang bigla siyang yakapin ni Arki.
"Sinabi ko na sa'yo noon, 'di ba, Vee? Kaibigan mo kami!"
Naalala niya nga. Naalala niya simula noong makilala niya sila Arki. Alam niya na kailanman ay hindi naging mabuti ang trato niya rito, muntik niya na silang saktan noon dahil sa mga pansarili niyang interes. Ilang beses na siyang lumalayo sa tuwing may mga pagkakataon ng munting kasiyahan nila sa paglalakbay, ilang beses niyang sinabi sa sarili na wala siyang mga kaibigan—pero aaminin niya na sa tuwing makikita niya silang tumatawa ay gusto niyang isali ang sarili niya at tawagin silang mga kaibigan niya.
Alam ni Vivienne na kaya niya tinanggap ang alok ni Magwayen dahil gusto niya pang makasama sila Arki sa paglalakbay sa mundong ito, gusto niyang makasama sila hanggang sa pagtatapos ng kanilang misyon.
Pero mas lumala lang ang sitwasyon niya dahil ang kapalit ng panibagong buhay niya ang pagiging halimaw. Pakiramdam niya ay mas lalo siyang naging mag-isa.
At ngayong damang-dama niya ang init ng yakap ni Arki, ang pag-aalala at pagmamahal nito sa kanya bilang kaibigan. Parang sasabog ang puso niya.
Niyakap niya si Arki pabalik at buong lakas na umiyak sa bisig nito.
Hindi niya alam kung ilang minuto silang nanatili sa gano'ng sitwasyon. Hanggang sa sabihin niya ang mga salitang 'yon sa kauna-unahang pagkakataon.
"Huwag n'yo akong iiwan..."
Napangiti si Arki nang marinig 'yon at hinagod ang kanyang likuran. Bumitaw si Arki sa kanya at sumalubong ang maaliwalas nitong mukha.
"Gagawa tayo ng paraan, mayroon pang paraan!" sabi ni Arki at walang halong pag-aalinlangan.
"Mayroon pang paraan." Nagulat sila nang sumabat ang monghe na dumating, si Master Yogi. Lumapit ito sa kinaroroonan niya. "May lunas para matanggal sa'yo ang sumpa ni Magwayen."
"P-Paano po?" si Arki.
"Isang mahiwagang ang sinasabing may himalang magpagaling ng mga sumpa ang matatagpuan sa kagubatan malapit sa San Isidro sa timog. Tinatawag itong Dhatura, isang puti at nagliliwanag na bulaklak," seryosong sabi ni Master Yogi. "Subalit binabantayan ni Assu Ang ang Dhatura kung kaya't walang sinuman ang nagtangkang makakuha ng bulaklak."
"Assu Ang? Dhatura?" bulong ni Roni sa sarili. 'Iyon din 'ata ang hinahanap kong lunas sa aking sumpa.'
"Ang pinakamabagsik na aswang sa buong Srivijaya, siya ang naatasan ni Magwayen na bantayan ang bulaklak upang walang sinuman ang makakuha ng lunas," sabi ni Master Yogi sabay tingin kay Vivienne. "Kung makukuha mo ang bulaklak at maiinom ang luha nito ay maaaring mapawalang bisa ang iyong sumpa."
Noong mga sandaling 'yon ay tila nabuhaya ng loob si Vivienne dahil may pag-asa pa.
"Vee! May lunas pa! Kung pupunta tayo—" masayang sabi ni Arki subalit kaagad niya itong pinutol.
"You guys need to go," sabi niya. "You can't delay anymore dahil nasa panganib pa rin si Yumi. You can go without me, I'll go and get the flower by myself."
"Vee..."
"Sasama ako sa kanya," biglang sumingit si Roni. Napa-arko ang kilay niya nang marinig 'yon. "You need help, Vee. I won't let you go alone."
Nakita niyang seryoso si Roni at kahit na umangal siya ay alam niyang hindi rin ito papayag. Tumingin siya kay Arki at tumango ito sa kanya.
May iniabot na dahon si Master Yogi na tinanggap niya, katulad nito 'yung dahon na ibinigay sa kanila ni Baba Gita.
"Ituturo sa inyo ng dahon na 'yan kung nasaan ang pugad ni Assu Ang sa timog," sabi ni Master Yogi. "Nawa'y malagpasan n'yo ang isang malaking pagsubok."
"Vee, Roni," hinawakan siya ulit ni Arki. "Mangako kayo na babalik kayo sa'min."
Tumango siya at matipid na ngumiti. "Salamat, Arki."
"Babalik kami," sabi naman ni Roni na nakangiti rin.
"Mag-iingat kayo," sabi ni Rahinel sa kanila.
"Veeeee, huhuhuhu, Roniiiii,"si Jazis naman ay walang ibang magawa kundi umiyak.
"See you later, guys!" paalam ni Roni at tumingin ito sa kanya. "Shall we?"
'We will come back, we will come back alive.' Sa loob loob ni Vivienne habang tumatakbo kasabay si Roni.
*****
INABOT na sila ng umaga nang walang kahit anong maayos na tulog. Nilahad na rin ni Arki kay Master Yogi ang kanilang agenda subalit nanatiling kalmado ang monghe habang nangingisda sa lawa.
"Uhm... Ano po... Naintindihan n'yo po ba 'yung kwento ko?" tanong ni Arki.
Humikab si Master Yogi. "Ah, ano ulit 'yon?" lutang nitong sagot sa kanya.
Kumulo ang dugo ni Arki at hindi mapigilang itaas ang kamao. Nagulat siya nang tapikin siya ni Rahinel sa balikat.
"Maaari n'yo ba kaming tulungang makatawid sa Madhi?" kalmadong tanong ni Rahinel.
"Sa dami ng mga tao na gustong tumawid papuntang Madhi ni wala man lang silang naibigay sa'kin kundi mga repolyo, gulay, at palay," walang ganang sabi nito. "May mabibigay ba kayo sa'kin?"
Humarap si Rahinel sa direksyon ni Leo at sumenyas ito na lumapit sa kanya sabay binulungan niya.
"Haaaa?! Ibibigay sa matandang 'to 'yung mga ginto?!" hindi mapigilang mapabulalas ni Leo nang marinig ang sinabi ni Rahinel sa kanya.
"Ginto?!" nagliwanag ang mukha ni Master Yogi nang marinig ang ginto. "Aba kung ginto naman pala ang usapan baka magkasundo pa tayo, hahaha!" nabuhayan ito ng dugo sabay hawak sa batok dahilan para makita ni Rahinel ang suot nitong relos.
"Saan mo nakuha 'to?" tanong ni Rahinel na mabilis na nahawakan ang braso ni Master Yogi.
At dahil mas bihasang mandirigma ang monghe ay kaagad nitong nabaligtad si Rahinel, pumaikot ang kanyang braso at ngayon nakasubsob si Rahinel sa lupa.
"Rah!" si Arki.
"Woyyyy bata, nasaan ang galang mo sa matatanda?" tanong ni Master Yogi habang hawak-hawak si Rahinel.
"K-Kay Karl 'yang relos na 'yan! Saan mo 'yan nakuha?!" sigaw ni Rahinel na pilit labanan ang pwersa.
Bumitaw si Master Yogi at kaagad na tumayo ang gulat na gulat na si Rahinel.
"Ah... Naalala ko na, may tinulungan pala akong dalawang Indio noong mga nakaraang araw na tumawid sa Madhi," lutang na sabi ni Master Yogi habang nakatingala.
"D-Dalawa? Anong pangalan nila?"
"Hmm..... Carlos? Karl? At 'yong asawa niya... si ano... Ahh... Shirley? Ah! Shiela!"
"Ano?!" sabay na reaksyon ni Arki at Rahinel.
Napilitang magkwento si Master Yogi at nakumpirma nila na si Karl at Shiela nga ang hinatid nito noon matapo ilarawan ang itsura. Sa huli'y pumayag na rin si Master Yogi na tulungan silang makatawid sa Madhi sa kundisyon ibigay nila ang kanilang mga ginto kaya wala nang nagawa pa si Leo.
"S-Sandali," biglang sumingit sa usapan si Marikit. "Paano ako? Paano ang bayan namin?"
Halos mapasampal sa mukha si Jazis nang marinig 'yon. "Oo nga pala may sabit tayo."
"Arki..." si Leo. "Mauna na kayo, nangako ako kay Marikit na tutulungan ko siya."
"Leo... Sigurado—"
"Seryoso ako, Arki," sabi ni Leo. "Alam kong kilala n'yo ako sa pagiging duwag, lampa at walang kwenta pero...Ngayon lang ako naging matapang sa buong buhay ko kaya naman... Gusto kong subukang tumulong sa iba nang walang tulong mo. Alam kong masyadong mabigat na 'yung responsibilidad mo na iligtas si Yumi kaya namana..."
"Leo..." naantig ang puso ni Arki kaya kaagad niyang niyakap ang kaibigan. "Hindi ka duwag, hindi ka lampa, at lalong hindi ka walang kwenta. Matapang ka Leo. Kaya naiintindihan ko kung ano 'yung magiging desisyon mo."
Lumapit si Rahinel sa kanila. "Naniniwala ako sa'yo Leo."
Nangilid ang luha sa mga mata ni Leo pero pinilit nitong hindi umiyak sa harapan nila.
"Kailangan na nating humayo," biglang nagsalita si Master Yogi. "At oo nga pala, tatlong tao lang ang kasya sa bangka ko."
"Tatlong tao?" bulong ni Jazis at nagbilang. "Ako, si Arki, si Rah, at si tanda... Ehh?!!! Apat tayo, paano 'yon?!" Natahimik sila habang nakatitig sa kanya at tila nabasa niya ang nasa isip ng mga 'to. "NO, NO, NO. AYOKONG MAGPAIWAN!"
"Jazis, wala tayong choice!" si Arki. "Kung pwede sana sumama ka kay Leo."
"HAAAA?! NOOOO, gusto ko sumama sa inyo, Arki!"
"Jazis naman," si Arki. "Please... Para rin may kasama si Leo."
Sa huli'y walang nagawa si Jazis kundi maiwan at sumama kay Leo. Bago sila maghiwa-hiwalay ng direksyon ay muling niyakap ni Arki si Leo at Jazis.
"Maghihiwa-hiwalay na naman tayo," sabi ni Arki habang nakayakap sa dalawa. "Ipramis n'yo rin sa'kin na pupuntahan n'yo kami sa Madhi, nasa inyo ang dahon ni Baba Gita, ituturo nito ang direksyon natin sa isa't isa."
"Arkiiiii huhuhu!" si Jazis na umiiyak dahil ayaw makasama si Leo.
"A-Ano ka ba, Arki, kung makapagsalita ka kala mo naman mamamatay kami!" si Leo.
Lumapit si Rahinel sa kanila at tinapik-tapik ang ulo ng dalawa.
"Tayo na, Arki," sabi ni Rahinel.
Labag man sa kalooban ay muli silang nagbitaw ng paalam sa isa't isa. Halu-halo ang emosyon ni Arki subalit mas nangibabaw ang katapangan.
'Ate Shiela... Sana magkita na tayo... Sana ligtas kayo.'
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top