/55/ Marikit sa Kagubatan
Kabanata 55:
Marikit
sa Kagubatan
Parroquia San Marcelo (Parokya ng San Marcelo)
UMAALINGASAW ang takot sa mga taong nasa loob ng parokya noong gabing 'yon. Maririnig ang pagkalampag ng mga bintana at pinto, maraming mga nilalang sa labas ang nais pumasok, hindi upang magdasal—kundi kumain ng mga laman ng tao.
Maraming lumikas sa simbahan noong gabing 'yon, kabilang sila Arki na mapalad na pilit pinatuloy ni Padre Gustavo, ang kura-paroko ng San Marcelo.
"Ano pong maitutulong namin?" nagboluntaryo sila Arki at ang kanyang kasama sa simbahan kung ano ang maaari nilang gawin.
Tumulong sila sa pamimigay ng mga kumot at pagkain. Pagkatapos ay hindi sila natulog upang magbantay sa entrada ng simbahan.
Napalunok si Leo habang nakatingin sa kumakalabog na bintana. "H-Hindi ba masira 'yung mga harang?"
"Baka ngayon lang," sagot ni Rahinel, tinatakot si Leo.
"Rah, kailan ka pa naging joker?" si Leo.
"Sis, feel ko ligtas naman si Vee," sabi ni Jazis kay Arki nang lumapit dito. "Huwag ka nang ma-stress diyan."
Maging si Roni ay kanina pa nag-aalala. "Saan naman siya nagpunta?"
"May tinatago siya noon pang nasa Siranaw tayo," sabi ni Arki sa mga kasama. "Hindi ba kayo nagduda noong nakita nating duguan siya pero wala naman siyang sugat?"
Napaisip sila Roni pero hindi matukoy kung anong ibig sabihin ng sinabi niya.
"Sa ngayon wala tayong ibang magagawa kundi magdasal," sabi ni Rahinel nang lumapit sa kanila.
"Wow, naniniwala ka pala sa Diyos, Rah, eh hindi ka naman namamatay" pang-aasar ni Leo na lumapit din.
"Leo," saway ni Arki na napasampal sa noo.
Sasagot pa sana si Rahinel nang makita nilang papalapit si Padre Gustavo sa kanila.
"Magandang gabi po, father," bati ni Arki sa matandang prayle.
"Magandang gabi sa inyo, mga Indio," hindi nila maitago ang gulat nang sabihin 'yon ni Padre Gustavo sa kanila.
"P-Paano n'yo ho nalaman?" si Roni.
Walang bakas ng kahit na anong takot sa kulubot na mukha ni Padre Gustavo, walang emosyon ang mukha nito habang hawak ang isang lampara.
"Sumunod kayo sa akin," sabi nito sa kanila.
Wala silang ibang nagawa kundi sumunod kay Padre Gustavo. Nagtungo sila sa isang pribadong silid na punum puno ng mga libro. Pinaupo sila nito matapos sindihan ang mga kandila.
"Ngayon ko lamang kayo nakita, hindi ganiyan ang kasuotan ng mga mamamayan ng Pas'yim, at higit sa lahat hindi kayo mga Maharlika," simula ni Padre Gustavo nang umupo ito sa harapan nilang lahat. "Hindi naman na bago na may Indiong napapadpad sa mundong ito dahil sa portal ng mga engkanto sa siyudad ng Biringan."
"Maharlika? Ano po 'yun?" tanong ni Jazis na naguguluhan. "Portal? Engkanto? Biringan?"
"Maharlika ang mga nilalang na mula sa kabilang mundo—sa mundo n'yo, na nagtutungo sa kampo nila sa Ibayo upang maging mandirigma."
"Woah, woah, woah! Merong ganun!" sabik na sabi ni Leo. Sabay-sabay siyang pinatahimik ng mga kasama.
"Impluwensya ng mga Maharlika ng Kampo Dos ang dahilan kung bakit kumalat ang katolisismo sa Srivijaya. Dinala ng mga Maharlika ang kultura ng kabilang mundo sa mundong ito," sabi pa ni Padre Gustavo.
"Pero bakit po?" tanong ni Arki at pagkatapos ay tumingin sa mga kasama niya. "Hindi ba sabi ni Vee nilikha ang Ibayo para hindi protektahan ang mga tao mula sa mga mananakop?"
"Matagal nang nahuhumaling ang mga engkanto sa Biringan sa modernong kultura ng mga Indio kung kaya't nakipagkasundo sila sa mga Maharlika ng Kampo Dos na dalhin dito ang kulturang 'yon," paliwanag ng pari sa kanila. "Subalit hindi nagustuhan ng mga engkanto at ng mga diyos na dinala ng mga Maharlika ang katolisismo sa Srivijaya."
"Ahh! Kaya pala tayo hinulog ng mga diyos kasi galit sila sa mga Indio!" bulalas bigla ni Leo.
"Anong ibig mong sabihin, hijo?"
"Nasa langit na po kasi kami, father, tapos ayun bigla kaming hinulog sa lupa!"
"Leo!" sabay-sabay nilang saway dito.
"A-Ano kamo? Narating n'yo ang langit?" hindi makapaniwalang sabi ni Padre Gustavo sa kanila.
"Mahabang kwento po, father!" salo ni Arki. "P-Pero... Bakit nga po ba sila galit sa mga tulad namin?"
Natulala saglit si Padre Gustavo sa sinabi ni Arki bago ito muling nagsalita.
"Bilang parusa sa mga mortal ng Srivijaya na umakap sa relihiyon na dinala ng mga Maharlika ay itinapon lahat ni Magwayen ang mga kampon ng kadiliman sa islang ito. Kaya sa tuwing sasapit ang ala sais ng gabi ay lumalabas silang lahat," mahabang paliwanag nito.
"Magwayen?" ulit ni Rahinel. "Ang pagkakaalam ko'y diyosa siya ng Sulad, ang lupain ng mga patay. Alam n'yo po ba kung saan matatagpuan si Magwayen? Nandito ba siya sa islang ito?"
"Sa gitnang isla ng Srivijaya, ang Madhi. Naroon ang kanyang balwarte," sagot ni Padre Gustavo.
Napatingin si Arki kay Rahinel. "Kung gano'n... doon tayo dapat pumunta? Baka makahanap tayo ng paraan doon!" Tumango si Rahinel.
"Yosh! Madhi ang next stop natin!" bulalas ni Leo sabay binatukan ito ni Jazis.
"Ang ingay mo!" si Jazis.
"Imposibleng makapunta sa Madhi ngayon," natigilan sila nang sabihin 'yon ng pari.
"Eh? Bakit po?" tanong ni Arki.
"Sinarado na ang pier ng Pas'yim sa dami ng mga tao na gustong pumunta sa Madhi... Nagkakagulo ngayon sa norte dahil sa balitang nagising ang dragon sa San Laon."
"D-Dragon?" natakot si Leo nang maisip 'yon.
"Pwede naman tayon lumipad," kampanteng sabi ni Roni. "Nasa atin kaya si Mari!"
"Napuprotektahan ng mahika ang Madhi, walang sinuman ang nakakapasok doon," nawala ang ngiti nila nang marinig ulit 'yon mula kay Padre Gustavo. "Pero may kilala akong bangkero na maaaring makatulong sa inyo."
"Pwew!" pare-parehas silang nakahinga nang maluwag.
"Si father naman, pakaba! May way pa naman pala!" bulalas ni Jazis.
"Uhm... Sino po 'yun, father?" tanong ni Arki.
"Duda akong mahahanap n'yo ang nilalang na 'yon, wala siyang ibang iniibig kundi ginto!"
Awtomatikong kinapa ni Leo ang bag niya na naglalaman ng sangkatutak na ginto.
"Si Yogi, ang monghe. Mas kilala siya sa tawag na Master Yogi."
*****
PAGPATAK ng liwanag ay kaagad na kumilos sila Arki. Matapos magpasalamat kay Padre Gustavo ay muli silang humayo sa isa na namang panibagong paglalakbay. Subalit bago nila simulant ang paghahanap kay Master Yogi ay hinalughog nila ang buong San Marcelo upang hanapin si Vivienne.
Samantala'y sa malayo ay nakita ni Vivienne ang kanyang mga kasama na nagtipun-tipon sa harapan ng simbahan. Tiyak niyang hinahanap siya ng mga 'to. Bago siya lumapit doon ay siniguro niyang maayos ang kanyang itsura.
"Vee!" sigaw nila Arki nang makita siya. Nagkukumahog silang lumapit sa kanya.
"Saan ka nanggaling?!" tanong ni Arki.
"Ano ka ba naman, gorl! Pinag-alala mo kami!" si Jazis.
"Kung nagka-LBM ka may CR naman sa loob ng simbahan!" si Leo na biglang binatukan ni Rahinel.
"Vee?" seryosong tawag ni Roni sa kanya. "Where have you been?"
"I found a shelter last night," malamig na sagot ni Vivienne. "I'm fine."
Napatitig na lang ang mga kasama niya sa kanya.
"Okay, nandito na si Vee, pwede na nating hanapin si Master Yogi!" sabi ni Leo na nauna na sa paglalakad.
"Wow, feeling matapang ka?!" sigaw ni Jazis dito sabay lakad din palayo.
"Vee—" akmang kakausapin ni Arki si Vivienne nang bigla siyang hawakan ni Roni sa balikat.
"I think she needs a break," sabi ni Roni.
"Huh? Roni, hindi mo ba nararamdaman 'yung something? Kailangan natin siyang piliting magsalita," pilit ni Arki.
"Kilala natin si Vee na hindi siya nag-oopen basta-basta. Sa tingin ko madidiskubre natin 'yon sa paglalakbay natin," sabi ni Roni sa kanya.
Lumingon si Arki kay Rahinel at tumango ito. "Tama si Roni, Arki. Kailangan na nating magmadali."
Sa huli'y wala nang nagawa si Arki at hayaan na lang si Vivienne.
*****
HINDI sila lumipad gamit si Mari dahil pinayuhan sila ni Padre Gustavo na suyurin ang susunod na kagubatan pagkatapos ng San Marcelo at hanapin ang batis kung saan madalas si Master Yogi. Kapag diniretso nila ang gubat ay matatagpuan nila ang pier.
Anim na oras silang naglakad hanggang sa inabutan sila ng tanghalian nang magpasya silang huminto muna para kumain. Gamay na gamay na nila ang gagawin, si Roni ang nagsibak ng kahoy, si Jazis ang gagawa ng apoy, si Arki ang nag-ayos ng gamit nila, si Rahinel ang naglibot upang makasigurong walang mabagsik na nilalang ang nagtatago't aatake sa kanila. At si Leo ang palaging inuutusang maghanap ng tubig.
"Aish, nakakainis naman, bakit ba ako na lang palagi ang inuutusan humanap ng tubig? Eh kung tutuusin pwede naman kami magwish gamit ang magic lamp ko—este birang," bubulung-bulong si Leo habang may hawak na timba, naghahanap ng malinis na sapa.
"Hindi ba nila alam na baka kung anong halimaw ang maengkwentro ko rito at kainin akong buhay?" reklamo niya ulit nang bigla siyang huminto. "Aha! Kaya ako ang sinusugo nila dahil alam nilang malakas ako? Ha! Ha! Ha! Siyempre naman, ako 'ata si Leo, ang henyong—"
Natigilan bigla si Leo sa kalokohan niya nang makita ang isang pigura na bumagsak 'di kalayuan.
"A-Ano 'yun?" takot niyang sabi. "Wew! Relax, Leo! Baka pusa lang 'yon. Ang tapang-tapang mo kaya! Hindi ka pwedeng bumalik ng walang tubig kasi aasarin ka na naman nila ng duwag!"
Nilakasan ni Leo ang loob at dahan-dahang lumapit sa kinaroroonan ng nilalang na bumagsak.
"Huh? A-Ano 'to?" subalit laking gulat niya nang makita ang isang nakadapang tao sa lupa. "O-Oy, Miss?"
Nang mapagtanto niyang babae 'yon ay kaagad niya 'yong dinaluhan.
"Miss, buhay ka pa?" tawag niya sa babae at inayos ito ng higa.
Halos mapanganga siya nang makita ang babae, sa hindi malaman na dahilan ay kumabog ang kanyang dibdib.
"M-Miss?" tawag niya rito at bahagyang tinapik ang pisngi. Madumi ang suot nitong saya at may mga sugat sa braso at binti.
Dahan-dahang dumilat ang babae. "T-Tulong..."
'A-Ang ganda niya!' sigaw ni Leo sa isip. Hindi niya maiwasang mamula dahil pakiramdam niya'y nasa bisig niya ngayon ang kanyang dream girl.
Morena, mahaba ang buhok, may katamtamang kapal ang kilay at labi, matangos na ilong, at hugis pusang mga mata! Damang-dama ni Leo ang pagtibok ng puso niya.
Inalalayan niyang makatayo ang babae at nagpunta sila sa batuhan upang makaupo ito ng maayos. Nawala ang kahit anong takot sa isip ni Leo noon at kaagad siyang nakahanap ng tubig, binalikan niya ang babae upang painumin ito.
"Salamat," sabi ng babae kanya.
Napahawak siya sa batok. "Ah...Eh... Walang anuman. Ikaw si?"
"Marikit."
'Marikiiiiiiit, ikaw na ba ang true love kooooo?' kinikilig na nasa isip ni Leo.
"Ako nga pala si Leo... Leo Makusug," pakilala niya. "A-Anong nangyari sa'yo?"
"Tumakas ako sa bayan namin upang humingi ng tulong," sagot ni Marikit at biglang lumungkot ang mga mata nito. "Pero... Pero alam kong imposibleng may makatulong sa'kin kahit na tumakas ako."
Biglang umiyak si Marikit kaya naalarma si Leo. Sumandal ito sa kanya nang humikbi.
'Leooooo, this is your chance!' sigaw niya sa isip. "Tulong? Tss! Kapalaran ang nagtagpo sa atin, Marikit. May kilala akong makakatulong sa 'yo."
"T-Talaga?"
"Oo, malalakas sila," pagmamayabang niya. "At ako ang leader nila, dahil nasa akin lang naman ang magic birang na 'to. Ano nga palang problema mo?"
"Anong sabi mo?"
"Huh? Ano—"
"B-Birang?" biglang tumayo si Marikit at tinuro ang suot niyang birang sa ulo. "Kaya ng bagay na 'yan na ibigay ang kahit anong hilingin mo?"
"Paano mo nalaman—"
Walang anu-ano'y humugot ng maliit na patalim si Marakit sa kanyang tagiliran.
"H-Hoy, Marikit—"
"Paano napunta sa'yo ang birang ni Haring Laon?!" sigaw ni Marikit sa kanya. "Magnanakaw! Ibalik mo ang kayamanan na 'yan sa aming bayan!"
Inatake ni Marikit si Leo pero mabuti na lamang ay marunong nang umiwas si Leo.
"Ahhh! Hoyy! Huwag mo akong patayin, baliw ka ba! Ahh! Arkiiii! Tulooong!"
Natisod si Leo, akma siyang sasasaksakin ni Marikit nang huminto ang kamay nito sa ere.
"A-Anong—" nakita nila si Rahinel na hawak-hawak ang kamay ni Marikit, mabilis lang nitong naagaw ang patalim.
*****
"PAKAWALAN n'yo ako rito!" sigaw ni Marikit sa kanila na ngayon ay nakagapos na.
"Leo, alam mo, ang sabi namin tubig ang kunin mo, hindi chix!" panenermon ni Jazis. Nakapaikot sila ngayon sa gitna ng apoy habang kumakain ng tanghalian.
Kakamut-kamot na lang si Leo at dismayado sa nangyari.
"Ibalik mo sa amin ang birang na ninakaw mo!" sigaw ulit ni Marikit.
"Huh?" si Arki. Tumayo siya at lumapit sa babae. "Ninakaw?" naguguluhan siya dahil alam niyang kay Lola Bangs nanggaling ang birang na 'yon.
"Pagmamay-ari ni Haring Laon ang birang na 'yan, nararapat ang birang na 'yan sa aming bayan!" pilit ni Marikit. "Kasalukuyang nasa panganib ang aming bayan... Pakiusap... Kailangan ko ng tulong..." unti-unting humina ang boses ni Markit hanggang sa tuluyan itong lumuha. "Kahit ibalik n'yo na lang ang birang na 'yan."
"Anong nangyari sa bayan n'yo?" nag-aalalang tanong ni Arki.
Kinuwento ni Marikit ang nangyari sa kanilang bayan, ang San Laon. Doon matatagpuan ang pinakamataas na bulkan sa buong Srivijaya, ang bulkang Kan. Bigla na lamang ulit nagising ang dragon na may pitong ulo at tanging mga birhen lamang ang maaaring ialay upang hindi ito maghasik ng gulo.
Subalit dumating sa punto na wala nang birhen ang mailalay sa dragon at nagsilikasan na ang mga tao sa San Laon, mananatili ang dragon sa bulkan at tuluyan nitong sisirain ang kanilang bayan.
Nalungkot si Leo nang marinig ang kwento na 'yon. Hindi kayang ialay ni Marikit ang kanyang sarili at tumakas ito upang humingi ng tulong.
"Kailangan natin siyang tulungan!" biglang tumayo si Leo pagkasabi no'n.
Pero wala sa mga kasama nila ang sumang-ayon kay Leo.
"Leo... Ang dami na nating delay," si Roni. "Nakakalungkot man pero... Kailangan nating magpatuloy."
"Huh? Bakit? N-Nangangailangan siya ng tulong! Tayo lang ang pag-asa niya. Arki?" tinawag niya si Arki pero maging ito'y hindi makapag-isip.
Tumayo si Rahinel at hinawakan siya sa balikat.
"Leo... Nasa prioridad natin ngayon na hanapin si Master Yogi."
Lubhang nainis si Leo at pinalis ang kamay ni Rahinel.
"Sige, kung gano'n! Ako ang sasama sa kanya! Ililigtas ko ang bayan nila! Kahit huwag n'yo na ko tulungan!"
"Hah?!" sabay-sabay na reaksyon ng mga kasama niya, maliban kay Vivienne na walang pakialam na nasa malayo.
"Sure ka? Kaya mong patayin 'yung dragon na may pitong ulo?!" si Jazis sabay tawa, pero kaagad din tumigil nang makitang seryoso talaga si Leo.
"Pakiusap... Payagan n'yo siya na sumama sa'kin," biglang sumabat si Marikit. "Bilang kapalit... Ituturo ko sa inyo kung nasaan si Master Yogi."
"A-Ano?" hini makapaniwalang sabi ni Arki.
"Alam ko kung nasaan ang hinahanap n'yo," sabi ni Marikit.
-xxx-
PS. Imaginin nyo na lang si Leo sumasayaw ng Marikit. XD
https://youtu.be/g0xe67i6WM4
Pps. Si Henz Villaraiz talaga 'yung nasa imagination ko na Leo ihhh.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top