/54/ Nang Sumapit ang Dilim
Kabanata 54:
Nang Sumapit
ang Dilim
HINDI pa rin humuhupa ang pagliyab ng apoy sa paligid. Nanatiling tulala si Arki sa nagbabagang diyosa na nasa kanyang harapan, si Magayon.
"M-Magayon?" tawag ni Arki sa diyosang walang kabuhay-buhay ang emosyon ng mukha.
Tumingin muli sa kanya si Magayon subalit wala itong inusal.
"Salamat sa pagligtas sa akin," sabi niya. Nawala ang ngiti ni Arki nang hindi man lang sumagot ang diyosa.
Nanatiling tikom ang bibig ni Magayon, nakatitig ito sa kanya at hindi malaman ni Arki kung ano ang iniisip nito, parang maraming gustong sabihin sa kanya subalit pinipigilan ang sarili.
Bahagya na lamang siya napayuko. Walang anu-ano'y lumabas mula sa kanyang likuran ang dalawa pang liwanag, sila Anitung Tabu at Aman Sinaya.
"Kinalulugod naming makita ka, Magayon," bati ni Aman Sinaya sa kanyang kapwa diyosa. Samantala, si Anitung Tabu ay nakahalukipkip at umiirap-irap.
"Ano ba naman 'yan, girl, ang dami nang ganap na bakbakan mabuti't naisipan mong magpakita," sabi ni Anitung Tabu.
Humarap si Magayon sa diyosa ng hangin at tubig, wala pa ring emosyon ang mukha.
"Mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin niya kontrolado ang Hatualu," malamig na sabi ni Magayon. Napatingin dito si Arki dahil mukhang siya ang tinutukoy nito. "Anong ginagawa ninyong dalawa? Bakit ni hindi ninyo man lang tinuruan ang batang ito para protektahan ang kanyang sarili?"
Nakita ni Arki na tumaas ang kilay ni Anitung Tabu at saka pumanewang. "Excuse me? Parang sinasabi mong wala kaming ginagawa? Ikaw nga, ngayon ka lang nagkaambag!"
"Annie," awat ni Aman Sinaya kay Anitung Tabu.
'Annie?' ulit ni Arki sa isip niya. 'Iyon ba ang nickname ng kikay na diyosa na 'to?'
"Huwag mo akong awatin, Amy," sabi naman ni Anitung Tabu.
'Amy?' nagtatakang ulit ni Arki sa isip. 'Ahh... Amy short for Aman Sinaya. Bakit sila may mga nicknames?'
"Kahit kailan talaga ay napakacold nitong ni Maggie," sabi ulit ni Anitung Tabu.
Napatingin naman siya kay Magayon na tinawag na 'Maggie' ni Anitung Tabu.
"Uhm... Excuse me?" sumabat na si Arki. "Bakit kayo may mga nickname?" hindi niya talaga mapigilang itanong.
Lumapit sa kanya si Aman Sinaya. "Ipagpaumanhin mo, Arki, kung hanggang ngayon ay hindi pa rin naming binibigyang linaw ang mga bagay-bagay," tumingin saglit si Aman Sinaya sa mga kasama. "Nangako kami kay Bathala na puprotektahan ka kaya inalay namin ang aming sarili na mamuhay sa mundo ng mga mortal."
"N-Nabuhay kayo?"
"Sa maikling panahon," sabi ulit ni Aman Sinaya. "Nakakaloob an gaming kaluluwa at kapangyarihan sa loob mo. Subalit may kakayahan kaming sumapi sa katawan ng ibang tao para protektahan ka, nagkaroon kami ng katauhan sa mortal na katawan."
Medyo hindi ma-digest ng utak ni Arki ang mga sinasabi nito sa kanya kaya nanatili siyang tahimik.
"Pero simula nang ibigay ni Shiela ang Mutya sa Mayumi na 'yon ay hindi na kami muling nakalabas," sabi bigla ni Magayon. "Ang Mutya ang nagbibigay sa amin ng koneksyon sa mundo ng mga mortal."
"Si Ate Shiela?"
"Kaya nang bumalik sa'yo ang Mutya ay isa-isa na ulit kaming nagising para muli kang gabayan, lalo pa't nasa tamang edad ka na ay maaari mo nang gamitin ang aming kapangyarihan," sabi ni Aman Sinaya, pagkatapos ay tumingin ito kay Magayon.
Napagtanto bigla ni Arki na kaya pala moderno ang pagsasalita ni Anitung Tabu. Naalala niya bigla noong maliit pa lang siya, kaya pala palaging may mga estrangherong tumutulong sa kanya, at madalas ay pakiramdam niya'y may nagbabantay sa kanyang ibang nilalang.
"Ang akala ko... imagination ko lang 'yung mga fairy na nagbabantay sa'kin..." sabi niya. "Kayo pala 'yon?"
Tumango si Anitung Tabu. "Yes, dear. Noong nasa iyo pa ang Mutya ay kaya naming magpapalit-palit ng anyo. Pag minsan trip naming maging fairy, o babae, bata, at iba pa, sinisiguro naming hindi ka mapapahamak."
"Masyadong huli na nang muling bumalik sa'yo ang Mutya. Hindi sapat ang iyong paghahanda para harapin si Sitan," muling nagsalita si Magayon.
"Nakabuti rin ang pagkakahiwalay ng Mutya sa kanya," sabi ni Aman Sinaya. "Nagkaroon siya ng normal na kabataan—"
"Hindi iyon ang kapalaran niya, Amy," putol ni Magayon. "Kapalaran niya na nakita ni Tala na sugpuin ang kasamaan—si Sitan!"
"Don't stress yourself too much, Maggie," sabat ni Anitung Tabu.
Umirap si Magayon dito. "Marami nang naaksayang oras, Annie. Papalapit na ang panahon na magkakaharap sila ni Sitan. Kailangan nang magising ni Lakapati at kailangan na niyang mag-ensayo upang makontrol ang apat na elemento."
Makikipagtalo pa sana ulit si Anitung Tabu nang mauna si Aman Sinaya. "Hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ito. Kailangan ding maging maingat ni Arki mula sa mga kaibigan niya dahil hindi nila pwedeng malaman na siya ang huling binukot."
Hindi na nagsalita pa ang mga diyosa. Naunang naglaho si Magayon at bumalik sa kanyang likuran, sumunod si Aman Sinaya. Bago umali si Anitung Tabu ay umihip ito ng hangin at unti-unting humupa ang apoy.
Halos nakanganga pa rin si Arki nang maglaho ang mga diyosa. Natauhan siya nang mapagtantong humupa na ang apoy, wala na ring mga Calag.
Kaagad siyang kumilos para hanapin ang kanyang mga kasama.
"Leo! Jazis! Rah! Roni! Vee!" sigaw niya habang tumatakbo. "Guys, nasaan kayo?!"
"Arki!" narinig niya ang boses ni Leo sa kabila kaya dali-dali siyang pumunta roon.
"Guys, okay lang kayo?" kaagad niyang tanong nang makalapit sa mga 'to. "Anong nangyari kay Roni?" nakita niyang akay-akay ni Rahinel si Roni.
"Thanks to him naligtas kami," sagot ni Jazis.
"Nagpalit anyo siya ng tikbalang," dagdag ni Rahinel, napansin niyang may tama ito sa balikat.
"Okay ka lang?" tanong niya.
"Gasgas lang 'to."
"At salamat sa apoy!" bulalas ni Leo. "Mabuti na lang nadiskubre naming napapatay sila ng apoy. Napanood ko 'yon sa movies!"
"Don't tell me, Leo, nagwish ka na naman sa birang mo?" tanong niya. Napakamot na lang sa ulo si Leo. "'Di bale, emergency naman, mabuti na rin 'yon. Nasaan nga pala si Vee?"
"Hindi ba magkasama kayong nahiwalay sa'min?" tanong ni Jazis. Natahimik sila.
Dali-daling tumakbo si Arki upang hanapin si Vivienne.
"Vee?!" sigaw niya.
Tumulong din sa paghahanap sila Leo at Jazis.
"Wala siya kahit saan!" sabi ni Jazis nang magkita-kita sila ulit.
Siyang dating nila Rahinel at Roni na may malay na ulit.
"Anong nangyari kay Vee?" tanong ni Roni.
"Hindi namin siya mahanap," nag-aalalang sagot ni Arki.
"Vee!" sigaw bigla ni Leo at Jazis.
Nakita nila ito na iika-ikang naglalakad palapit sa kanila. Nanlaki ang mga mata nila nang makitang puro dugo ang leeg at damit nito.
"A-Anong nangyari sa'yo?! Okay ka lang?!" nag-aalalang tanong ni Arki nang makalapit ito.
"I'm fine," malamig na sagot ni Vivienne. Pero nagpumilit si Arki at tiningnan niya nang maigi ang katawan ni Vee kung may sugat ito pero wala siyang nakita. "I said I'm fine."
"Girl, sa itsura mo para kang nilapa ng zombie," nag-aalalang sabi ni Jazis. "Sure ka?"
"W-Wala siyang sugat," parang nakahinga nang maluwag si Arki nang sabihin 'yon pero sa loob-loob niya'y may hindi siya magandang nararamdaman.
"Kailangan muna nating makahanap ng mapagpapahingahan para kay Vee at Roni," sabi ni Arki sa mga kasama. "Pati ikaw Rah, may sugat."
"I suggest we move forward," sabi ni Vivienne.
"Okay lang din ako, Arki," sabi naman ni Roni.
"Ako rin. Mabilis lang maghilom ang sugat ko," sabi ni Rahinel.
Wala nang nagawa si Arki at dali-dali silang umalis sa lugar na 'yon. Nilabas ni Arki ang mahiwagang bilog na salamin ni Lola Bangs upang humingi ng direksyon kung saan sila maaaring pumunta. Inabutan sila ng gabi sa kagubatan nang wala pa ring natatagpuang baryo kaya nagpasya silang magpalipas muna ng gabi.
Malamig noon kaya nakapalibot sila sa apoy habang kumakain. Nakita ni Arki na wala nang sugat si Rahinel sa balikat dahil kaagad din 'yong gumaling.
"Kailangan natin ng plan B," sabi ni Rahinel sa mga kasama. "For some reason, hindi tayo pinapasok sa langit."
"Baka kasi kulang 'yung suhol nating ginto," sabi ni Jazis habang ngumunguya. "No choice, plan b it is."
Napahinga nang malalim si Arki. "Kailangan ulit nating umakyat sa langit."
"Huh? Maghahanap ulit tayo ng katulad ni Agyu? Parang duda akong may katulad siya rito," sabi ni Leo.
"Wala tayong ibang choice. Nahaharangan ng mga Ugod ang bawat mundo sa Ibayo. Kailangan nating humanap ng paraan para makaakyat ulit sa langit," sabi ni Arki.
"So... Ano 'yung plan b?" tanong bigla ni Jazis.
"Wala pa, hahanap pa lang tayo ng plan b," sagot naman ni Arki.
"Kailangan muna nating i-familiarize 'yung sarili natin dito sa bagong mundo na pinasok natin, nandito tayo ano... ano nga ulit 'yon?" si Roni.
"Srivijaya," sagot ni Rahinel. "Tama si Roni, kailangan natin ng impormasyon tungkol sa lugar na 'to, kailangan natin ng mapa. Para mahanap natin 'yung daan papuntang langit o kahit na anong paraan para makatawid tayo sa susunod na mundo—sa Hilusung."
"Kung nasaan si Sitan," nakatulalang sabi ni Arki habang inaalala ang mga pinag-usapan ng diyosa kanina. Tumingin siya sa mga kasama. 'Sorry, guys... Kahit na gustuhin kong sabihin 'to sa inyo pero mas makabubuti munang itago ko ang totoo.' Tumitig siya kay Rahinel. 'Sorry, Rah. Alam kong ang tagal-tagal mo nang naghahanap at nagtitiis, ngayong nasa tabi mo na ako, wala kang kamalay-malay. Sorry kung kailangan ko nang tulong mo para iligtas si Yumi...'
Biglang tumingin si Rahinel sa kanya kaya 'agad siyang nag-iwas ng tingin.
Bago matulog ay pinatay nila ang apoy, mabuti rin na natira sa kanilang gamit ang mga kumot kaya may panlaban sila sa lamig. Wala silang kaalam-alam na hindi makatulog si Vivienne.
Hindi pa sumisikat ang araw ay narinig nila ang pagtilaok ni Mari. Isa-isa silang nagising at nag-empake upang muling maglakbay.
"Baka naman pwede na tayo lumipad gamit si Mari," sabi ni Jazis. "Mukhang may lakas naman na ang manok natin."
Nang sumikat ang araw at papasakay na sila kay Mari nang mapansin nilang nawawala si Vivienne.
"Nasaan si Vee?" tanong ni Arki sa mga kasama at naalalang hindi pa niya ito nakikita simula nang magising sila.
"Huh? Baka natae lang," sagot ni Leo habang umaakyat sa likuran ni Mari.
"Arki?" tawag ni Rahinel.
Dali-daling hinanap ni Arki si Vivienne.
"Vee?" tawag niya.
Maya-maya'y biglang sumulpot si Vivienne, napansin niyang may dugo ang kamay nito.
"Napaano ka?" tanong ni Arki rito.
"I just hunted for food," sabi ni Vivienne sabay itinaas ang patay na kuneho. "Nauubusan na tayo ng pagkain." Nilagpasan siya ni Vivienne at lumapit papunta sa Sarimanok.
"Yuck! Vee! Hindi ako kakain niyan!" narinig niyang sigaw ni Jazis. Bumalik na si Arki sa mga kasama.
Wala pang isang oras nang marating nila ang isang payak na baryo. Lumapag sila sa lupa upang pasukin ang baryo. Bago 'yon ay nagsuot sila ng balabal upang itago ang moderno nilang kasuotan.
BUENAVIDEZ A SAN MARCELO
Iyon ng nakasulat sa arko ng baryo. Tahimik at walang tao nang pumasok sila sa loob. Yari sa bato at ladrilyo ang sahig. Unang bumungad sa kanila ang simbahang bato.
"This is weird," komento ni Roni.
Narating nila ang plaza na harapan ng simbahan kung saan ay may fountain. Pare-parehas sila nang nasa isip.
"Uhm... Pansin n'yo ba na para tayong nasa lumang panahon?" sabi ni Jazis. "Parang... Spanish era ang datingan ng lugar na itez ganern."
"Nasaan 'yung mga tao?" tanong naman ni Leo.
"Maghanda kayo," sabi bigla ni Rahinel, inihanda ang kanyang sandata.
Nagulat sila nang marinig ang tunog ng kampana. Ilang sandali pa'y nagsilabasan ang mga tao mula sa mga gusali. Nagbukas din ang pinto ng simbahan.
Namangha sila sapagkat ang kaninang walang laman na kalsada ay nabuhay nang makita ang mga tao. Napansin din nila ang kasuotan ng mga tao, may pagkakaparehas sa panahon ng espanyol katulad nang napag-aralan nila noon sa kasaysayan.
"Woah, ibang-iba sila sa Siranaw," sabi ni Roni. "Parang mas moderno sila—pero hindi modern, gets n'yo ba."
May mga karwahe pang dumadaan at maraming naglalako sa gilid na parang bangketa. Nagsimula rin ang misa sa simbahan.
Pumasok sila sa simbahan maliban kay Vivienne, mas namangha sila nang makita ang misa, espanyol ang gamit ng pari. Pagkatapos ay lumabas sila.
"Vee?"
"This isn't right," sawakas ay nagsalita na rin si Vivienne na kanina pa hindi nagsasalita.
"Huh? Bakit?" tanong ni Leo.
"According to my dad's journal, Ibayo was created by the ancient gods to protect humanity from the conquerors of the West. Though hindi lahat ng mortals ay pumasok sa Ibayo... How can they have this Spanish culture na mayroon tayo noong pre-colonial era?"
Nakuha nila ang sinabi ni Vivienne subalit hindi nila alam ang kasagutan.
"We must move to find answers what Srivijaya is," sabi ni Vivienne sa kanila at nauna itong naglakad.
Nagsimula silang magtanung-tanong sa mga tao. Napag-alaman nilang nasa bayan sila ng San Marcelo at nasa isla sila ng Pas'yim. Napag-alaman din nilang may tatlong isla sa Srivijaya, sa kanluran sila, sa gitna ang Madhi, at nasa silangan naman ang Por'ob.
Subalit wala silang nahanap na kasagutan kung paano makakapunta sa langit. Ang ilan ay minasamaan sila ng tingin, ang iba'y pinagtawanan sila at sinabing imposible 'yon.
Nakahanap sila ng taberna at doon kumain ng tanghalian, gamit ang mga ginto'y nakabili sila ng masasarap na pagkain.
"They're practicing Catholicism, hindi na nakakagulat na wala silang alam sa mga dieties sa langit," sabi ni Roni.
"Ang cool talaga rito! Para tayong nasa isang RPG game!" masaya pang sabi ni Leo. "Kumbaga na-unlock na nating 'yong bagong world—aray ko po!" bigla kasing sinapok ni Arki si Leo sa ulo.
"Mukha kang video game! Baka nakakalimutan mong wala tayong unlimited life dito."
"Grabe ka naman Arki, parang lang naman eh! Kumbaga ikaw 'yung fighter, si Rahinel assassin, si Vivienne marksman, tapos si Jazis mage, at si Roni ang support!"
"Dami mong alam!" si Jazis.
"Hay, talagang pagdating sa pagiging otaku mo walang aawat," tatawa-tawang sabi ni Roni.
"Paano ako naging assassin?" si Rahinel.
Hinayaan na lang ni Arki na magkatuwaan muna sila upang hindi sila lalong mastress, pero hindi niya maiwasang malungkot para kay Vivienne dahil pinipili pa rin nitong lumayo sa kanila.
*****
MULI silang nagtanung-tanong at naglibot sa bayan ng San Marcelo. Subalit bigo silang makahanap ng mapa ng buong Srivijaya at wala silang nakuhang kahit anong clue kung paano sila makakapunta sa langit.
"Hindi tayo pwedeng sumuko," sabi ni Arki sa mga kasama habang nakatambay sila sa may fountain sa tapat ng simbahan.
Nang tumapat sa ala singko ang orasan sa may poste ay biglang tumunog ang kampana. Sunud-sunod 'yon at tila nagbabadya ng hindi maganda.
Nagtaka sila nang biglang aligaga ang pagkilos ng mga tao.
"Anong meron?" tanong ni Roni.
"Masaya 'ata sila kasi uwian na," hula ni Jazis.
"Hindi—" sabi ni Rahinel sabay tingin sa mga tao sa paligid. "Natatakot sila."
Nagsipasukan ang mga tao sa gusali at nagsara ng mga pinto. Maging siya ay naramdaman ang kaba at niyerbyos ng mga tao.
"Mukhang may hindi magandang paparating—" sabi ni Arki.
"Anong ginagawa n'yo riyan?!" sabay-sabay silang tumingin sa boses at nakita ang pari sa labas ng simbahan. "Malapit na silang dumating!"
"Huh?"
"Sino?"
"Pumasok na kayo rito!" sigaw ng matandang pari sa kanila.
Wala mang ideya ay sumunod na lamang sila. Pagpasok nila sa loob ay sinarang maigi ng mga sakristan ang mga pintuan at bintana.
"Padre, ipagpaumanhin n'yo pero ano hong nangyayari?" magalang na tanong ni Rahinel sa paring nagpatuloy sa kanila.
"Tumutunog ang kampana bilang babala, nararapat na wala ng mga tao ang nasa labas bago mag ala sais!" bulalas ng pari.
Hindi pa rin tumitigil sa pagtunog ang kampana. Pero may napansin si Arki.
"Nawawala na naman si Vee! Baka naiwan siya sa labas—" akmang pupunta sa pintuan si Arki pero nabigla siya nang humarang ang mga sakristan.
"Hindi maaari!" pigil ng pari. "Paparating na sila!"
Huminto na ang tunog ng kampana. Tumahimik silang lahat. Nakiramdam si Arki dahil naramdaman niya ang takot ng mga sakristan, nakita niya sa gilid ang samu't saring armas.
Nakarinig sila ng mga kalabog sa labas.
"A-Ano 'yon?" tanong ni Jazis.
Nakapuslit si Leo sa mga sakristan at nakalapit siya sa bintana at inangat ang kurtina, walang anu-ano'y bumulaga sa kanya ang isang halimaw.
"Ahhhh!" sigaw ni Leo na kaagad umatras. "A-Ang dami nila!"
Napaliligiran ang bayan ng San Marcelo ng mga pugad ng iba't ibang halimaw, at sa tuwing sasapit ang kadiliman ay lumalabas ang mga ito upang humanap ng makakakain.
Walang ibang nagawa si Arki kundi magkuyom ng palad dahil sa labis na pag-aalala para sa nawawala nilang kasama.
*****
ISANG halimaw ang nakatiyempo ng hapunan noong gabing 'yon. Hindi man natural sa kanya'y pero labis siyang natatakam sa laman nito. Wala rin siyang magagawa sapagkat kapag hindi siya kumain ng laman ng tao ay unti-unti siyang maaagnas ng buhay.
Tuluyan na siyang nagpalit ng anyo, lumabas matutulis na kuko at ngipin, at higit sa lahat ay ang kanyang itim na pakpak.
Nang makita siya ng lalaki na kakagaling sa kakahuyan ay dali-dali itong tumakbo. Subalit may taglay na bilis ang kanyang pakpak at humaba ang kanyang dila na mabilis na pinuluputan ang leeg ng lalaki.
Ilang sandali pa'y nilantakan niya ang laman nito.
Nanumbalik ang kanyang lakas. Isang buong araw siyang nagtiis na walang kainin na laman. Hindi na rin ito ang unang beses na nagawa niya 'yon.
Subalit bago bumalik ang araw ay unti-unti siyang bumalik sa kanyang normal na anyo. Kitang-kita niya ang sarili na naliligo sa dugo.
Napaluhod si Vivienne at humikbi.
"I-I'm sorry..." lumuluhang sabi ni Vivienne, nakatingin sa kanyang dalawang palad na may bakas ng dugo. "I'm sorry..."
Ito ang kapalit ng pagtanggap niya sa alok ni Magwayen, kapalit ng kanyang bagong buhay ay isa na siyang kampon ng kadiliman.
Walang kaalam-alam sila Arki, Rahinel, Roni, Jazis at Leo na naging aswang na si Vivienne.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top