/51/ Pagkalason ng Isip
Kabanata 51:
Pagkalason
ng
Isip
SRIVIJAYA
Sulad (Balwarte ni Magwayen)
Nagkuyom ng mga palad ni Jaakko nang magkaroon siya ng ulirat. Pakiwari niya ay napakaraming beses na niyang nawawalan ng malay at napupunta kung saan-saan. Ang alam niya noon ay pagud na pagod na siya sa mga nangyayari at nais na niyang sumuko. Subalit nang lumiwanag ang kanyang paningin ay gumaan ang kanyang pakiramdam.
'F-fuck? Nasaan na naman ako?'
Napagtanto niyang nakaupo siya sa isang malambot na silya. Mula sa kanyang kinauupuan ay nilibot niya ang kanyang paningin. Mataas ang kisame, tanaw niya ang mga puno at hardin sa labas ng malalaking bintana, nakita ni Jaakko sa kanan ang isang mahabang hapag na naglalaman ng masasarap na pagkain.
Biglang kumulo ang kanyang tiyan.
'Panaginip lang ba ang lahat? Rest house ba 'to ni Dad?'
Para makasiguro ay sinampal niya ang kanyang sarili.
"O-Ouch..." daing niya nang masaktan siya. 'Damn... Hindi 'to panaginip.'
Kahit na nagugulumihanan ay tumayo si Jaakko at kaagad niyang nakita ang kanyang kabuuan sa repleksyon ng salamin.
"W-What the hell is this?" hindi niya mapigilang mapabulalas sa nakita.
Nagmistula siyang payaso sa kanyang kasuotan. Long-sleeve at pantalon na may pahabang guhit-guhit na puti at pula, hinawakan niya ang malaking itim na kwelyo na maalun-alon, may dalawang itim na higanteng butones na nakadikit sa kanyang damit at higit niyang kinainis ang botang itim sa kanyang paa.
"Magnifico, bravo, bellisimo!" napapitlag siya nang marinig ang isang palakpak.
Tumingala siya at nakitang may bumaba sa paikot na hagdanan. Isang nilalang na nakasuot ng tila pangkasal na kulay itim, may kalakihan ang suot nitong sombrero na may belong itim na nagtatakip sa mukha nito.
Kung sino man 'yon ay tiyak ni Jaakko na hindi ito magdudulot ng maganda.
Naumid ang kanyang dila nang makarating sa kanyang harapan ang nilalang. Hindi niya maiwasang manginig sapagkat hanggang dalawang kisame ang laki nito.
Narinig niya ang pagtawa ng nilalang, babae 'yon. Huli na nang mapagtanto niya na halos lumuwa ang kanyang mga mata at tagaktak ang kanyang pawis.
"Ipagpaumanhin mo kung masyado kang nalula sa aking anyo," sabi nito at saka unti-unting lumiit sa normal na sukat ng tao. "Maligayang pagdating, Indio. Ano ang iyong pangalan?"
"J-Jaakko."
"Jaakko, maupo ka," utos ng babae at hindi siya nagdalawang isip umupo sa kulay puting sofa. Halos lumubog siya nang maupo, pinilit niyang umupo ng diretso.
Umupo ang nilalang kaharap niya, dumekwatro at kusang humawi ang belo sa mukha nito. Tila nakahinga siya nang maluwag nang makita niya ang isang magandang babae na tantiya niya'y nasa edad na tatlumpu.
Malaki ang mga mata nito, matangos ang ilong, mestiza, mapula at makapal ang labi. Aakalain mong isang banyaga sa natatangi nitong kagandahan. Hindi maisip ni Jaakko pero alam niyang may kamukha iyong artista.
"Nagagandahan ka ba sa akin, Jaakko?" biglang tanong ng babae.
Hindi siya kaagad nakasagot.
Biglang lumitaw ang isang salamin sa kamay ng babae at tinignan nito ang sarili.
"Hmm... Perpekto ang kilay, mata, ilong, at labi. Kutis ng isang dilag mula sa Europa," sabi nito sabay tingin sa kanya. "Kung hindi ka nagagandahan ay maaari kong ibahin ang aking itsura."
Hindi kumukurap si Jaakko ng mga sandaling 'yon. Natauhan siya nang maramdaman niya ang matulis na titig ng babae.
"O-Opo, m-maganda ka po!" sunud-sunod siyang tumango.
Humalakhak ang babae sabay tingin sa salamin. "Mabuti naman kung gano'n, dahil kung hindi ay marami akong nakareserbang mukha. Pakiulit nga 'yung sinabi mo?"
"M-Maganda ka po?"
"Hindi ka sure?"
"M-Maganda ka po talaga!"
Muling tumingin ang babae sa repleksyon, gandang-ganda sa sarili nito habang hindi na nakatiis pa si Jaakko.
Lumunok muna siya bago nagsalita. "Uhm... N-Nasaan po ako?"
Binaba bigla ng babae ang kanyang salamin na ikinagulat niya. "Nasa Sulad tayo, Jaakko," sagot nito.
"S-Sulad?"
"Hindi ba itinuro sa inyong mga Indio kung ano ang Sulad? Sulad, ang lupain ng mga patay? Sa ingles ay 'The land of dead'."
"T-The land of dead?"
Ngumisi ang babae. "Ah, nakalimutan kong magpakilala. Ako nga pala si Magwayen, ang reyna ng Kasakitan, ito ang Sulad, ang aking palasyo. Alam kong nagtataka ka dahil parang normal na mansion lang ito ninyong mga Indio."
Pagkasabi no'n ni Magwayen ay pinitik nito ang daliri at biglang nag-iba ang itsura ng kabahayan, naging literal na kastilyo ang kanilang kinaroroonan. Halos mapatalon si Jaakko nang mag-iba ang buong paligid. Nang pumitik ulit si Magwayen ay naging lumang bahay ang kanilang kinaroroonan.
"Fantastiko, hindi ba?" naaaliw na wika ni Magwayen. Muli itong pumitik at naglaho ang lahat ng mga materyal na bagay at naging kadiliman ang lahat—tila nasa loob sila ng isang malinaw na bolang Kristal at sa labas ay nakikita nila ang mga kaluluwang kulay berde na lumalangoy sa paligid.
Gustong sumigaw ni Jaakko sapagkat nagimbal siya sa tila impyernong nasasaksihan niya. Narinig niya ang pagtawa ni Magwayen.
"Oh, ito ang totoong Sulad, ang boring kasi puro mga kaluluwa lang ang nakikita mo kaya naman naisipan kong magdecorate," sabi ni Magwayen na muling pumitik at bumalik sa naunang mansion ang itsura ng paligid.
"Hmm... Mukhang hindi naituturo sa inyong mga Indio kung sino ako," sabi ni Magwayen at umakto na parang nasasaktan. Bigla ring bumalik sa katarayan ang itsura nito. "Anyway, alam kong nagugutom ka na. Halika at kumain na tayo."
Tumayo si Magwayen at nagtungo sa kumedor. Samantalang naiwang tulala si Jaakko.
"Jaakko, darling?" tawag ni Magwayen sa kanya.
"G-Gusto ko na pong umuwi sa'min, please! Let me go home!" bulalas niya nang tumayo. "I missed my dad! Baka nag-aalala na siya sa'kin!"
Ilang segundong tumitig si Magwayen sa kanya nang bigla itong tumawa.
"Jaakko, kumain na tayo," seryosong sabi nito.
Subalit hindi natinag si Jaakko, dali-dali siyang tumakbo papuntang pintuan. Nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa kanya ang walang hanggang kadiliman, isang kaluluwang lumalangoy ang lulusob sa kanya nang mabilis niyang isara ang pinto.
Mangiyak-ngiyak siyang humarap kay Magwayen.
"Jaakko, masamang pinaghihintay ang pagkain."
Nang hindi pa siya kumilos ay itinaas ni Magwayen ang kanyang kanang kamay at ginalaw ang kanyang mga daliri—tila may hindi nakikitang tali.
Biglang nagkaroon ng sariling buhay ang mga paa ni Jaakko, kusa iyong gumalaw at dinala siya nito sa kumedor kung nasaan si Magwayen. Sabay silang umupo nang mapagtanto niya kung ano ang nangyari.
Isang masamang panaginip. Iyon ang gustong isipin ni Jaakko subalit alam niyang hindi na siya magigising.
*****
SRIVIJAYA
Pas'yim (Isang Kanluran)
"Mukha na tayong mga taong kalakal sa mga itsura natin," sabi ni Karl habang naglalakad sabay tanggal sa kapoteng yari sa dayami. Pinagmasdan niya ang suot na damit, halos magutay na ang kanyang pang-itaas at may punit ang kanyang pantalon na puro putik ang laylayan.
Nauunang maglakad si Shiela, nakapatong pa rin ang kapote nito kahit na tirik na tirik na ang araw. Maingat na tinutukod ni Shiela ang hawak na mahabang patpat sa lupa, iika-iika dahil sa pinsalang tinamo nila kagabi.
"Shiela? We need to rest," sabi niya ulit subalit tuluy-tuloy pa rin itong naglalakad.
Napabuga ng hangin si Karl. Hindi niya lubos maisip kung paano niya nakakaya ang mga nangyari sa kanila. Hindi na niya mabilang kung ilang oras o araw silang naglalakad ng walang humpay at kung anu-ano nang mga halimaw ang naeengkwentro nila.
Isang malaking himala na buhay pa silang dalawa sa dami ng mga nakasagupaan nila. Katulad na lamang ng mga Calag sa nadaanan nilang baryo, noong sumapit ang gabi'y biglang bumangon mula sa ilalim ng lupa ang mga Calag, mga halimaw na kalansay, nangangain ng mga laman ng tao.
Hindi rin makalimutan ni Karl ang mga Ongloc, mga dambuhalang itim na halimaw na naengkwentro nila sa bukid na puno ng puno ng niyog. Pati ang mga Sigbin na humabol sa kanila sa sakahan na pinaniniwalaang alaga ng mga aswang, mistula itong mga halimaw na aso na kayang magpalit ng anyo. At ang naengkwentro nila kagabi sa tabing-lawa, ang mga Mansaluan, mga lumilipad na halimaw na may pinagsamang katawan ng ibon at tao.
"Shiela," muling tawag ni Karl dito. Rumehistro ang kaba sa kanyang dibdib nang makitang bumagsak sa lupa si Shiela.
Dali-dali niya itong dinaluhan.
"Shiela, hey! Huwag mo akong iwan!" mangiyak-ngiyak niyang sabi nang makitang nakapikit ito.
"Buhay pa 'ko, Karl," nanghihinang sagot ni Shiela sa kanya.
Sinipat niya ang noo nito. "Nilalagnat ka! Kailangan nating humanap ng ospital o humingi ng tulong!"
"Karl," hinawakan siya bigla ni Shiela, "pakiusap... kailangan nating makarating sa pier."
Walang ibang nagawa si Karl kundi pasanin si Shiela. Tila inaapoy ang katawan nito dahil sa taas ng lagnat. Hindi niya inalintana ang sarili niyang pagod at mas binilisan niya ang paglalakad.
Ilang sandali pa'y natanaw ni Karl ang isang arko kung saan may nagkukumpulang tao ang nagkakagulo.
"Shiela, nandito na rin tayo sa pier, sawakas!" masaya niyang sabi subalit hindi ito sumagot. "Alright, Karl, calm down. Our next goal is to ride a ferry to the island of Madhi where Magwayen is," sabi niya sa sarili.
Nang mas makapasok si Karl sa loob ng pier ay mas lumakas ang ingay ng mga tao. Nagkakagulo ang mga 'to at huminto siya upang pakinggan ang mga nangyayari.
"Walang magkakagulo! Isa-isa lang ang pwedeng sumakay!" sigaw ng isang bangkero sa harapan.
Mas umugong ang ingay ng mga tao, hindi niya maunawaan ang bawat iniinda ng isa subalit nararamdaman niya ang takot nila.
"What's going on?" tanong ni Karl sa sarili.
Nakita niyang halos lahat ng mga tao ay may mga kanya-kanyang dalang balutan.
"Pasakayin n'yo na kami!"
"Gusto na naming umalis sa islang 'to!"
"Hindi nga kayo pwedeng sumakay lahat kasi limitado lang ang pwedeng isakay sa isang bangka!" sigaw ulit ng bangkero. "Uunahin ang mga matatanda, may mga sanggol, mga buntis, at may mga kapansanan!"
Naisipan ni Karl na lumayo sa mga tao, halos hawiin niya ang mga 'to upang makapunta siya sa likuran kung saan walang siksikan. Halos maubusan siya ng hangin nang makalabas siya.
"Paano na..."
Saktong nakita ni Karl sa tabi ng puno ang isang matandang ermitanyo, base sa kasuotan at itsura nito, na may malaking karatula na may lenggwaheng hindi niya mabasa. Sumisigaw ang ermitanyo.
"Oh, sino gusto sumakay ng mabilisan diyan? Lapit-lapit na kayo!" sigaw ng ermitanyo.
"Gusto naming makasakay, tanda!" sabi ng isang lalaking lumapit dito.
"Mahusay, ano naman ang maibibigay mo sa'kin?" nilahad nito ang isang kamay.
"Mga prutas at gulay!"
"Pwe! Hindi ko kailangan ng prutas at gulay! Wala ka bang mas mabigat diyan katulad ng ginto?"
"W-Wala po—"
"Pasensya na pumila ka na lang!" pagtataboy ng ermitanyo s lalaki.
Nabuhayan ng loob si Karl at lumapit sa matandang ermitanyo.
"Anong maipaglilingkod ko?" tanong nito. "Marahil nagtataka ka kung bakit dinumog ang pier. Sa kasamaang palad ay nagising ang dragon sa Bundok Laon, gustong tumakas ng mga tao papuntang Madhi."
"Gusto ho naming sumakay!" kaagad niyang sabi, bago pa ito magtanong kung anong maibabayad niya ay kaagad niyang pinakita ang braso niya. "Gintong relos! Original ho 'yan!"
Nanlaki ang mga mata ng matandang ermitanyo nang makita ang suot niya. Ilang segundo rin itong hindi nakapagsalita.
"Sino kayo?" naniningkit ang mga mata nito. "Mga Indio kayo, ano?"
"H-Ho?"
Dali-daling kinuha ng matandang ermitanyo ang relos mula sa kanyang kamay at binulsa ang kanyang mamahaling relos.
"Sumunod kayo sa'kin," sabi nito.
Nagtungo sila sa likurang bahagi ng gusali. Kilala ang matanda ng mga bantay kaya nakapasok sila sa premihiso. Bago sila muling maglakad ay hinarap sila ng matandang ermitanyo.
"Bakit at paano kayo nagpunta rito?" tanong nito sa kanila na may himig ng suspteya.
"Ah... eh... M-Maharlika—"
"Isa kayong Maharlika?!" gulat nitong sabi. "Hindi mo ba alam na ipinagbabawal na makita ng mga tiga-Ibayo ang mga katulad niyong nagkukubli sa inyong mga kampo?!"
Wala pa ring malay si Shiela kaya minabuti nang sumagot ni Karl kahit hindi sigurado.
"T-Tumakas ho kami—kailangan ho naming makarating sa isla ng Madhi para... para makita si Magwayen!" hindi na natiis ni Karl kaya sinabi na niya ang totoo. Pakiramdam niya kasi ay hindi ordinary ang matandang ermitanyong kausap niya ngayon.
Walang anu-ano'y humagalpak ng tawa ang matandang ermitanyo. Takang-taka si Karl dahil hindi naman siya nagbibiro.
"Si Magwayen? Kamatayan 'ata ang hinahanap n'yo, hijo!" sabi nito sa pagitan ng pagtawa. Ilang sandali pa'y tumigil din ito. "Tutulungan ko kayong makasakay ng bangka. Sasabihin kong buntis ang iyong asawa."
"S-Salamat po," sabi ni Karl. "Sino ho kayo?"
"Ako? Ako si Master Yogi," sagot nito. "Isang kalahating Indio, kalahating engkanto."
*****
SRIVIJAYA
Por'ob (Islang Silangan)
"MAHIGPIT na ipinagbabawal ang paggamit ng mahika sa Ciudad de Madhi. Ang mahuhuli ay pinapatawan ng parusa ni Haring Likabutan."
"Tunay na interesante ang Ciudad de Madhi, walang halimaw ang nakakapasok doon sapagkat pinatapon lahat ni Haring Likabutan ang mga halimaw sa isla ng Pas'yim."
"Siyang tunay na kapanapanabik an gating magiging bakasyon sa ciudad. Ang bentahan ng opio ay mababa raw sa ciudad."
Kanina pa pinakikinggang maigi ni Anita ang mga nag-uusap na pasahero sa kanilang likuran, mga engkantong nagbabalak magbakasyon sa kanilang pupuntahan, ang Ciudad de Madhi, ang siyudad kung nasaan ang kanyang pakay—si Magwayen.
"M-Miss Anita..."
Halos umikot ang mga mata niya nang marinig na naman ang boses ni Yumi.
"Hindi ka pa ba nagsasawa sa pag-iyak, Yumi?" malamig niyang tanong. Nakayuko lamang si Yumi, hapung-hapo sa ilang beses nitong pagtangka na tumakas.
Kinailangan na niyang talian ng literal si Yumi, may tali sa leeg nito na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata. Kaya hindi na makakalayo si Yumi sa kanya kahit na alam niyang nasasaktan ito.
"Please... iuwi ny'o na po ako... Parang awa n'yo na..."
Nakita niya ang pagpatak ng luha sa kamay nito.
Nakasakay sila ngayon sa isang barko na kakaalis lamang sa siyudad ng Biringan, ang siyudad ng mga engkanto. May kamahalan ang bayad sa sinakyan nila subalit maliit na halaga lamang 'yon para kay Anita, para sa ikatutupad ng kanyang mga plano.
"Pagud na pagod ka na ba, Yumi?" tanong niya.
Tumango ito. Nilagay niya ang kanyang kamay sa mukha ni Yumi upang iangat 'yon ng bahagya. Kitang-kita niya ang pamumugto ng mga mata nito.
"Gusto mo na bang magpahinga?" tanong niya ulit. "Gusto mo na bang mawala ang pasakit sa iyong puso?"
Wala sa sariling tumango si Yumi, gusto lamang nitong matapos ang kanyang paghihirap.
"Kung gano'n..." binitawan niya na si Yumi at nilabas niya mula sa kanyang bulsa ang isang maliit na bolang kristal. "Hayaan mong ipakita ko sa iyo ang mahal mong kaibigan na si Arki."
Hinawi niya ang bolang Kristal at pinaikut-ikot ang kanyang isang kamay sa ibabaw nito. Hanggang sa unti-unting nabuo ang mga imahe mula sa itim na usok ang mukha ni Arki.
"A-Arki!" sumaya si Yumi nang makita ang mukha ng kaibigan.
Isang eksena ang nakita ni Yumi sa bolang Kristal. Nakita niya na masaya si Arki habang kasama ang mga kaibigan nito na tila nagkakasiyahan.
"Nakikita mo ba, Yumi?" bulong niya. "Masaya si Arki ng wala ka. Masaya siya dahil sawakas nasa kanya na ang atensyon ng lahat."
"H-Hindi totoo 'yan—"
Muling hinawi ni Anita ang bolang Kristal at naiba ang eksena. Nakita niya si Rahinel at Arki na magkalapit ang mukha, hanggang sa unti-unting naglapat ang mga labi nila.
"A-Anong..."
"Ang mahal mong si Rahinel... Inagaw na siya ni Arki sa'yo, Yumi," muli niyang bulong sa tainga nito. "Nakita mo na? Wala na silang pakialam sa'yo. Inagaw ng matalik mong kaibigan na si Arki ang mahal mo. Tinraydor ka ni Arki, Yumi."
"T-Tinraydor ako ni Arki?" bulong ni Yumi sa sarili. "Tinraydor ako ni Arki? Tinraydor... ako ni Arki."
"Oo, Yumi, tinraydor ka ni Arki. Inagaw niya ang dapat na sa'yo."
Napuno ng galit ang dibdib ni Yumi. Noong mga sandaling 'yon ay alam ni Anita na tuluyan ng pumitik ang isip ni Yumi at kayang-kaya na niyang paglaruan sa kanyang palad ang isip at damdamin nito.
"Kung gusto mong makaganti at bawiin ang taong mahal mo... Susunod ka sa gusto ko, Yumi. Naiintindihan mo ba?"
Ilang segundong tumitig sa kawalan si Yumi bago ito hindi kumukarap na tumingin sa kanya.
"Opo, Miss Anita."
-xxx-
GLOSSARY:
Kasakitan - "Kasakitan is the underworld of Visayan mythology. "
Sulad - "Land of the dead where Magwayen resides. "
Calag - "(Western Visayas) Scared off by noise. Bursts corpses belly open by touching the coffin."
Ongloc - ("Waray) Large and frightful. He lives in dark nipa swamps. He uses his huge 'hard as stone' elbows and knees to break shellfish. You can tell he is eating when you hear the shells of tuway (clams) being broken."
Sigbin -"(Waray) A cross-breed between goat, dog, and kangaroo said to suck the blood out of its victims from shadows."
Mansaluan - "(Negros) a shape of great bird or ostrich. Its head resembles that of a monitor lizard, which ends with the aforementioned bird-like beak. It has a long tongue to slither down into the rooms of its sleeping victims."
Likabutan - "Eldest son of Lidagat and Lihangin. Grandson of Kaptan. He is the god of the world."
Featuring Magwayen again. The goddess of the Visayan underworld.
(photo credits to their owners)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top