/50/ Ang Unang Kaamulan


Kabanata 50:
Ang Unang
Kaamulan

HALOS mapigil ang hininga ng mga saksi sa pagdating ng lumilipad na barko. Kitang-kita iyon ng dalawang pinuno ng magkaribal na tribo mula sa kanilang mga kaharian. Subalit hindi roon nagtatapos ang surpresa.

Ang sabi nila'y kung kailan huli na ang lahat ay saka darating ang pag-asa. Muling tumunog ang isang panibagong trumpeta, at mula sa malayo'y rumaragasa ang mga kabayo na sakay ng mga magigiting na mandirigma ng T'blan.

"Ang mga walang kinikilingang T'blano," manghang bulong ni Sultan Mudgar sa sarili habang pinanunuod ang pagsugod nito sa mga busaw.

Pinangungunahan ni Kubil ang paglusob ng kanilang tribo laban sa mga busaw, sakay nito sa likuran ang paslit na si Prinsipe Bibot, hawak-hawak ang paborito at mistikal nitong plawta.

Mas nanlisik at mas bumagsik ang mga busaw nang makita ang mga nangyayari. Saglit na natulala sila Arki sa kanilang mga kasama na dumating, subalit walang anu-ano'y biglang nagsitalunan sa baba mula sa nakalutang na barko ang mga mandirigma ng Sangkil.

Muling nagpatuloy ang laban. Tumalon sina Jazis at Roni (na nagpalit ng anyo sa pagiging tikbalang) sa ibaba upang tumulong sa kanila.

Sabay-sabay na inihip ng mga mandirigma ng Sangkil ang kanilang trumpeta at ilang sandali pa'y dumagundong ang paligid nang magmartsa ang mga Ta-awi mula sa matatayog na kagubatan.

"T-Ta-awi!" naiiyak na sigaw ni Leo nang makita ang mga halimaw na minsang umatake sa kanila noon.

Nasaksihan nila kung paano hawiin ng mga Ta-awi ang mga busaw. Laking gulat nila nang mapagtantong kontrolado ng Sangkil ang mga halimaw.

Hindi nagpahuli ang T'blan at pinatugtog ni Prinsipe Bibot ang kanyang plawta, mula sa kabundukan ay rumaragasa paibaba ang mga Ikugan upang protektahan ang kanilang tribo.

Sa pinagsama-samang pwersa ng mga tribo, ang Manuvu, Mansaka, Kogitun, Sangkil, at T'blan, idagdag pa ang pwersa ng mga kontroladong halimaw na Ta-awi at Ikugan ay napusposan ang pwersa ng mga busaw.

Nagdiwang ang mga diyos sa langit sapagkat alam na nila ang magiging desisyon ng labanan, at isa pang ikinatutuwa nila ay ang tila pagkakaisa ng mga mortal sa lupa—isang kapanipanibagong silay. Samantala'y hindi iyon ikinatuwa ni Samreen na pinanonood ang mga kaganapan sa kanyang mahiwagang balon.

Nagwakas ang digmaan nang maitumba ang kahuli-hulihang busaw sa buhangiangdugo. Walang duda na nasupil ng pinagsama-samang pwersa ng mga mortal ang pwersa ng kadiliman.

Hindi sigurado ang bawat mandirigma mula sa iba't ibang mga tribo kung ano ang kanilang dapat gawin, bagama't nagwagi sa digmaan ay bakas sa kanilang mga mukha ang pag-aalinlangan kung ano ang mga susunod na gagawin.

Sa sandaling 'yon ay naagaw ang atensyon ng lahat nang marinig nila ang masayang pagdiriwang ng mga kabataang Indio na nasa gitna.

Hindi mapigilang mapatalun-talon sa tuwa sina Leo, Roni, at Jazis. Si Agyu naman ay nakaalalay sa kanyang kasintahan na si Agrida at parehas na naluluha sa galak. Samantalang si Vivienne ay tahimik lamang na nakatingin sa mga kasama.

Hahakbang si Arki papunta kila Leo nang manghina ang dalawang tuhod niya, mabuti na lamang ay kaagad na umalalay sa kanya si Rahinel.

"Arki..." tawag ni Rahinel sa kanyang pangalan.

Napangiti si Arki, pilit na tumayo ng maayos kahit na nanghihina. "Ang galing natin—"

"Arki!" sumugod sa kinaroroonan nila sila Leo. Namalayan na lang ni Arki na niyuyugyog siya ni Jazis sa sobrang tuwa.

Wala silang ibang maramdaman noong mga sandaling 'yon kundi kagalakan sapagkat nagawa na naman nilang masupil ang kasamaan at higit sa lahat ay dahil muli silang magkakasama.


*****


MAS mabilis pa sa apoy na kumalat ang balita sa buong Siranaw. Mas ikinabigla ng mga mamamayan ang isang hindi inaasahan na balita kaysa sa naganap na digmaan noong nagdaang gabi. Sa araw na 'yon ay nagmartsa ang bawat pinuno ng mga tribo sa Rahangmahal, ang palasyo sa Bundok Apo ng Tagabawa dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay gaganapin ang isang Kaamulan.

"Totoo ngang gaganapin ang Kaamulan sa Rahangmahal?" kanya-kanyang hakahaka ang mga mamamayan habang pinanunuod ang tila parada ng bawat tribo sa pag-akyat sa palasyo sa Bundok Apo.

Pinaghandaan ng mga balyan ng Tagabawa ang Kaamulan, sinalubong nila ang pagdating ng bawat tribo ng magarbong musika, mga paputok, at sayaw. Wala ng ligoy pa at sa pinakaitaas na palapag ng palasyo ay nagharap-harap ang mga pinuno ng walang dahas o may pagbabadya ng digmaan.

Mula sa tribo ng Sangkil ay humarap si Baba Gita, ang pinakamataas na balyan ng kanilang tribo.

Mula sa tribo ng T'blan ay humarap si Prinsipe Bibot, bagaman wala pa sa tamang edad kung kaya't nakaalalay sa kanya si Kubil.

Mula sa tribo ng Kogitun ay humarap si Khan Dumag, ang tigapagmana ng kanilang kaharian, mahina na ang kanyang ama kaya siya ang nasa pagpupulong.

Mula sa tribo ng Manuvu at Mansaka ay humarap sina Sultan Mudgar at Datu Umaru. Parehas na hindi pa gaanong nakababawi sa naganap na halos disgrasya noong nagdaang gabi.

Mula sa tribo ng Tigabawa, kung saan ay mga balyan ng Rahangmahal ang namumuno rito, ay humarap ang tatlong pinakamataas na balyan, kabilang doon si Samreen.

At sa kasamaang palad ay malubha ang tinamong pinsala ng Subanon, sa kasalukuyan ay hindi pa gumagaling ang kanilang datu kaya naman isang pinunong mandirigma ang humarap sa pagpupulong.

Si Baba Gita ang pormal na nag-umpisa ng pagpupulong, ipinaliwanag nito ang mga nakita sa kanyang mahiwagang kawa, ang kanyang mga prediksyon ukol sa mga busaw at mga maaaring mangyaring masama sa hinaharap.

Lubhang hindi makapaniwala ang nakararami sa binanggit ni Baba Gita, ang pagbabalik ng mga busaw ay posibleng hudyat ng nagbabadyang kasamaan sa Siranaw at ang pagkagising ng mga selestiyal na halimaw na Minokawa at Tambanokano.

Napuno ng pagtatalo ang silid kung dapat ba nilang ikabahala ang mga prediksyong iyon subalit nanatiling tahimik ang dalawang hapong pinuno.

"Sultan Mudgar? Datu Umaru? Ano ang inyong mga palagay ukol sa mga pangyayari?" tanong ni Baba Gita sa dalawang pinuno saka tumahimik ang lahat.

Umiling si Datu Umaru , malalam ang mga mata nito, at bahagyang tumungo sabay nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. "Paulit-ulit kong tinatanong sa aking isip kung ano ang mga maaaring mangyari kung hindi dumating ang tulong mula sa tribo ng Sangkil at T'blan, maaaring... maaaring pinaslang ng mga busaw ang aming tribo."

Natahimik ang lahat habang nakikinig sila sa malumanay subalit nag-aalalang datu. Biglang tumayo si Datu Umaru.

"Nais kong magpasalamat sa inyong tulong, Baba Gita, Prinsipe Bibot," sabi nito. "Hindi ako nakinig sa mga babala, at muntikan na itong maging mitsa ng aming pagkasira—maging ng buong Siranaw."

"Huwag mong akuin ang lahat ng kamalian, Umaru," biglang nagsalita si Sultan Mudgar. "Ilang beses ko ring inisip ang mga sinabi mo. Hindi ko lubusang maisip na muntikan nang magtagumpay ang mga kampon ng kadiliman dahil sa aking pagiging makasarili. Nilamon ako ng poot na minana ko sa aking mga ninuno, na nakaapekto sa kaligyahan ng aking sariling anak."

Umupo si Datu Umaru matapos sabihin 'yon ni Sultan Mudgar na nagpatuloy sa pagsasalaysay, "Hindi ko na maisip kung saan nga ba nagsimula ang poot ng digmaang ito. Dahil sa pag-aagawan ng trono? Sa kapangyarihan? Kayamanan? Nakalimutan natin ang mga diyos sa langit sa mahabang panahon habang patuloy tayong naglalaro sa ating mga ilusyon, maraming mga buhay ang nasayang sa mga digmaang walang saysay."

Sa pagkakataong iyon ay si Sultan Mudgar ang tumayo at tumingin sa kanyang mga kapwa pinuno. "Ang unang kaamulan sa Siranaw, ito ang pagkakatanda na gumising ang lahat mula sa isang ilusyon na pag-aagawan ng trono o kapangyarihan. Ako, si Sultan Mudgar, sa ngalan ng aking tribo na Manuvu ay ibababa ko ang aking sandata sa hapag bilang simbolo ng pakikipaglaban sa kadiliman, para sa pagkakaisa at kapayapaan ng Siranaw."

Ilang segundong tahimik na nakatitig ang mga pinuno kay Sultan Mudgar bago muling tumayo si Datu Umaru saka nito nilapag sa mesa ang sarili nitong sandata.

"Ako, si Datu Umaru, sa ngalan ng aking tribo na Mansaka ay ibababa ko ang aking sandata sa hapag bilang simbolo ng pakikipaglaban sa kadiliman, para sa pagkakaisa at kapayapaan ng Siranaw."

Nagsisunuran ang iba pang mga pinuno at iyon ang naging hudyat na matagumpay ang unang kaamulan sa Siranaw. Ang unang pagpupulong at pagkakaisa para sa kapayapaan at pakikipaglaban sa kadiliman.

Samantala'y pinilit ngumiti ni Samreen dahil alam nitong hindi iyon magandang balita para sa kanyang panginoon, na sira ang kanilang plano at mahihirapan na sila na gisingin ang mga selestiyal dahil sa pagkakaisa ng mga tribo.

Hindi nakatakas ang mapagpanggap na ngiti na 'yon kay Baba Gita, dahil alam nito na noong mga sandaling 'yon ay kasama lang din nila sa silid ang isang traydor.


*****


ISANG masaganang hapag ang sumalubong sa kanila matapos magising sa kanilang mga silid. Halos tumulo ang laway nila Leo nang makita ang mga masasarap na pagkain na nakahanda sa mesa.

"P-Pwede na ba kumain?" nahihiyang tanong ni Leo kay Roni.

"Maaari na kayong kumain—" hindi pa man natatapos sabihin 'yon ng serbidor ay kaagad silang sumugod sa hapag kahit na nakasuot pa lamang sila ng pantulog.

"Oh em geeee, ang shereeep," sabi ni Jazis pagkakagat sa pinritong manok na kanyang dinakma. "Feeling ko maiiyak ako sa sheereeep."

Sunod na dumating sa hapag sina Vivienne at Rahinel na parehas ding nakasuot ng pantulog, kakagaling lang nila sa kanilang mga silid na malapit lamang sa kumedor.

Matapos mangyari ang digmaan kagabi ay sa Rahangmahal sa Bundok Apo sila tumungo upang makapagpahinga. Sa kabutihang palad ay pinatuloy sila ng mga balyan, binigyan ng malambot na matutulugan, damit, at pagkain.

"Rah, Vee, kain na!" yaya ni Roni sa mga kasama. Samantala ay nag-aaway si Leo at Jazis sa isang bahagi ng manok. "Nasaan si Arki?"

Tumingin si Rahinel kay Vivienne upang hanapin din ang sagot.

"She's still sleeping," sagot ni Vivienne sabay upo sa tabi ni Jazis. "Hindi ko na muna siya ginising dahil mukhang pagud na pagod siya."

"Well, at least ang mahalaga magkakasama na tayo ulit lahat," sabi ni Roni at nagpatuloy sa pagkain.

"At! Si Agyu, plus my flying ship!" biglang sumabat si Leo, tumalsik pa tuloy ang ilang butil ng pagkain sa bibig nito.

"Eew! Ano ka ba naman ang baboy mo!" inis na sita ni Jazis.

Lumunok muna ulit si Leo bago magsalita, "Akalain mo 'yun at 'yung flying ship ko na nagpahamak sa atin noon ay siya rin pa lang magliligtas sa atin—ay! Buong Siranaw pala!"

Walang pumansin kay Leo nang sabihin 'yon dahil abala lahat ng kanyang mga kasama sa pagkain.

"Hello?" tawag ni Leo sa mga kasama. "Hello? Wala man lang ba kong maririnig na 'Salamat, Leo!', 'Leo, you're the man!', 'Leo, ang galing mo talaga!' Wala ba talaga? As in?"

Bumusangot si Leo nang wala siyang matanggap na papuri.

"You're welcome, guys!" sarkastiko niyang sabi bago magpatuloy sa pagkain.

Hindi na napigilan ni Roni ang sarili nang bigla itong tumawa. Sinundan iyon ni Jazis at ni Rahinel.

"Ayos kayo, ah!" maktol ni Leo.

"Oo na, thank you na, Leo," pang-aasar ni Rahinel, nakangisi. Tumingin ito sa paligid. "Nasaan nga pala si Agyu? Si Agrida?"

"Ahh, ewan, nagising na lang ako wala na siya sa kama niya," sagot ni Leo na nahimasmasan na.

"Baka naman naglalabinglabing sila ng jowa niya," sinundan 'yon ni Jazis sabay subo ng malaki.

Pagkasabi no'y biglang bumukas ang pinto ng kumedor at niluwa roon ang kanilang pinag-uusapan. Masayang magka-angkla sa isa't isa si Agyu at Agrida, parehas na nakasuot ng pormal.

"Agyu! Agrida!" masaya nilang bati.

"Anong meron, bakit parang ang pormal n'yo?" tanong ni Leo.

Tumingin muna sa isa't isa ang magkasintahan, may bakas ng ningning ang kanilang mga mukha.

"May maganda kaming balita sa inyo, mga kaibigan," nakangiting sabi ni Agyu sa kanila.

"Ahmm... Pwede na tayo umalis?" hula ni Roni sabay bulong sa katabing si Leo. "Siya ba si Agyu? Sino 'yung chix na katabi niya?"

Bago pa man makasagot si Leo ay nagsalita na si Agrida. "Pinahintulutan na ni ama ang pag-iibigan! At nais naming ipabatid na imbitado kayo sa kasal namin mamaya!"

"Awww, congrats, gurl!" masayang sabi ni Jazis. "Ang bongga naman, invited pa tayo sa kasalan!"

"Kung gano'n kailangan pa nating hintayin matapos ang kasal bago tayo makalipad?" tanong ni Rahinel.

"Rah, huwag kang KJ, moment nila 'to," bulong na sita ni Leo. "Hindi naman tayo nagmamadali, 'di ba?"

Tila kumuliglig nang sabihin 'yon ni Leo, dismayadong nakatingin lang sa kanya ang mga kasama.

"We're not here as a tourist," biglang komento ni Vivienne.

"Wala naman tayong magagawa kundi maghintay," sagot bigla ni Roni at nagtitigan nang masama ang dalawa.

"Oh, kalma lang kayo," pag-aawat ni Jazis sa dalawa.

"Walang kasalan ang magaganap!" pare-parehas silang nagulat nang bumukas muli ang pinto at pumasok sa loob si Khan Dumag, bakas ang pait sa mukha nito.

"K-Khan Dumag!" bulalas ni Agrida. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ng aking ama? Hindi na niya kailangan ng alyansa sa inyong tribo sapagkat matagumpay ang kaamulan!"

"Hindi! Hindi ako makapapayag! Nakatakda noon ang ating kasal!" naghihimutok na sabi nito. "Hindi ako makapapayag ng hindi ka nahahamon sa isang pagsubok!"

Dahil sa namuong tensyon sa paligid ay napatayo sila at lumapit sa kinaroroonan nila Agyu at Agrida.

"Jazis, psst!" saway ni Roni kay Jazis na abala pa rin sa pagkain.

"Tinatanggap ko ang iyong hamon, Khan Dumag," nakangiting sagot ni Agyu. Nag-aalalang tumingin rito si Agrida subalit hindi man lang nabahiran ng pagkabahala ang mukha nito.

Nilahad ni Khan Dumag ang kanyang dalawang palad at mula roon ay nakita nila ang dalawang bilog na pilak.

"Isa sa pilak na ito ang may ekis na marka," sabi ni Khan Dumag. "Kung sino man ang makapili ng walang marka ay siyang magpapakasal kay Agrida. Madali lang, hindi ba?"

Alam ni Agyu na huli na para umatras. Namili siya ng isang pilak at inilagay 'yon ni Khan Dumag sa kanyang palad ng hindi nakikita ang kabilang bahagi nito.

"Ngayon, Agyu, ipakita mo ang iyong nakuha," utos ni Khan Dumag.

Saglit na napatitig si Agyu kay Khan Dumag nang akma nitong babaliktarin ang pilak ay biglang sumigaw si Leo.

"Sandaleee!"

"Kaibigan? Anong problema?" kunot-noong tanong ni Agyu.

"Mandaraya 'yan!" sigaw ni Leo. "Matatalo ka sa oras na ipakita mo sa kanya 'yang barya mo!"

Nagulumihanan si Agyu nang marinig 'yon. Pero hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Leo nang bigla niyang agawin ang pilak sa palad ni Agyu.

"Indio!" galit na sigaw ni Khan Dumag sa ginawa ni Leo. "Ibalik mo 'yan, ngayon din!" halos kumulog ang boses nito subalit hindi nagpakita ng takot si Leo.

"Leo—" sasawayin pa lamang ni Rahinel subalit nagulat sila sa ginawa nito.

Biglang sinubo at nilunok ni Leo ang pilak at halos bumagsak ang kanilang mga panga sa lupa sa sobrang gulat.

"Baliw ka?!" sigaw ni Jazis.

Maubu-ubo si Leo, uminom ito ng tubig upang mahimasmasan.

"Ipakita mo sa'min 'yung hawak mo!" sigaw ni Leo na halos pumiyok pa.

Sa pagkakataong ito ay napatitig ang lahat kay Khan Dumag, hinihintay ang kanyang reaksyon. Unti-unting nabahiran muli ng pait ang mukha nito at padabog na nilagay sa mesa ang pilak na may ekis na marka. Padabog na umalis si Khan Dumag at sabay-sabay silang nagdiwang.

"Kaibigan! Ang talino mo ro'n ah!" tuwang-tuwang sabi ni Leo.

"Hah! Ako 'ata si Leo, ang dakilang henyo! Ha! Ha! Ha!" tumuntong pa si Leo sa upuan, pumanewang at tumawa na parang hari.

"Sige na nga, ang galing mo, Leo!" puri na may halong pang-aasar na sabi ni Roni.

"Maliit na bagay, tikbalang boy," sabi ni Leo.

"Duh, kaderder kaya 'yung ginawa niya," sabi ni Jazis. "'Di ba, Vee?"

Hindi kumibo si Vivienne. Si Rahinel naman ay nailing habang nakangisi. Bumalik sila sa kanilang mga pwesto, sa pagkakataong 'to ay kasalo na nila ang magkasintahan.

"Ahm... Bakit ang ingay?" sabay-sabay silang napatingin sa bagong dating.

"Arki!" natuwa sila nang makita ito na pupungas-pungas.

"Anong meron?" tanong ni Arki. Nanlaki ang mga mata nito nang makita ang masaganang pagkain sa hapag. "Bakit hindi kayo nagtatawag?!"

Kaagad sumugod si Arki sa mesa saka sunud-sunod na dumampot ng pagkain, napuno nang tawanan ang silid.


*****


NOONG gabing din 'yon ay nagkaroon ng magarbong selebrasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakasama ang lahat ng tribo ng Siranaw sa iisang lugar upang magkasiyahan. Sinabay din sa selebrasyon ng kaamulan ang pag-iisang dibdib ni Agyu at Prinsesa Agrida.

Kabilang sila Arki sa mga bisitang pandangal kung kaya't silang mga Indio ay sinuotan ng pormal na damit na babagay sa okasyon. Nang matapos ang kasal ay mas nagdiwang ang lahat, bago umalis sa entablado ang bagong kasal ay sumenyas si Agyu sa grupo ng musikero ng T'blan na itigil muna ang pagtugtog.

Nang tumahimik ang lahat ay naghintay sila sa sasabihin ni Agyu.

"Bago natin ipagpatuloy ang kasiyahang ito ay nais naming pasalamatan ni Agrida ang mga taong tumulong sa amin, kung hindi dahil sa kanila ay sa tingin ko na hindi magaganap ang lahat ng ito," sabi ni Agyu, tumingin ito sa kabiyak. "Ang aking mga kaibigan."

Nilahad ni Agyu ang kanyang mga palad, itinuturo sila. Naramdaman nila na ang mga mata ng lahat na nakatitig sa kanila.

"Ahm... Kakaway ba tayo?" bulong na tanong ni Jazis.

"Tumayo tayo," bulong n autos ni Rahinel sa mga kasama.

Tumayo sila at narinig ang mahinang palakpakan ng mga tao sa paligid.

"Maraming salamat, Arki, Vee, sa inyong lahat," sinundan 'yon ni Agrida na bahagyang yumuko sa kanila.

Akmang sesenyas si Agyu upang ipagpatuloy ang pagtugtog ng musika nang biglang tumayo si Sultan Mudgar mula sa kinauupuan nito at lumapit sa gilid ng bagong kasal.

"Kailanman ay hindi ako nagalak sa mga Indio," panimula ni Sultan Mudgar. "Mga mapanghimasok, sakim, ganid, at mahilig manira ng kalikasan."

Napalunok sila dahil hindi maganda ang tingin sa kanila ni Sultan Mudgar. Subalit unti-unting lumiwanag ang mukha nito.

"Ngunit palagi akong sinusubok ng aking pananalig, ang lahat ng bagay ay talagang may dahilan. Katulad nang sinabi ni Agyu ay hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa inyong pagdating sa aming mundo."

Nagkatinginan sila dahil hindi nila malaman kung anong gagawin sa sitwasyon na 'yon.

Sunod na tumayo at lumapit sa gitna si Datu Umaru, sumunod din sila Baba Gitan, Prinsipe Bibot at Kubil.

"Utang namin ang pagkakaisa ng buong Siranaw sa inyo mga Indio," malugod na wika ni Datu Umaru sa kanila.

Sabay na yumukod si Sultan Mudgar at Datu Umaru. Sinundan iyon ng mga pinuno at ng iba pa, tila hinipan ng hangin nang sunud-sunod na yumukod ang lahat. Namalayan na lamang nila na ang lahat ng mga tao mula sa iba't ibang tribo ng Siranaw ay nakayukod sa kanila.

Napangiti si Rahinel, manghang-mangha naman si Jazis at Roni, si Leo ay hanggang tainga ang ngiti, at si Arki ay matipid lamang na ngumiti, bakas ang pag-alaala sapagkat alam niyang marami pa silang mga bagay na dapat pagdaanan para iligtas si Yumi.

Naramdaman ni Vivienne ang kakaibang titig kung kaya't nag-angat siya ng tingin at nakita sa bintana ng palasyo ang isang pamilyar na babae. Si Samreen. Pinaalala nito bigla ang mga nakita ni Vivienne sa hinaharap.

"Mabuhay ang mga Indiong bayani!"

"Mabuhay!"

Muling nagpatuloy ang kasiyahan. Hanggang sa muling pumatak ang dilim ay tila walang katapusang pagsasayaw, kantahan, inuman, tawanan, at kainan.

Abala ang mga kasama ni Arki sa pakikipagkasiyahan habang siya'y tahimik na nakaupo at pinagmamasdan ang apoy sa gitna.

"Masyadong malalim ang iniisip mo?" halos mapatalon siya sa gulat nang sumulpot si Rahinel sa kanyang tabi. "Bakit hindi ka mag-enjoy? Tingnan mo sila Leo," pagkasabi no'y sabay silang lumingon at nakita si Leo na nakikipagpaligsahan na kumain ng mais.

"Wow, coming from you?" pinilit niyang pagaanin ang paligid kahit na marami siyang ikinakabahala. "Ang dami ko lang naiisip."

Tumango lang si Rahinel, napatitig sa apoy sa gitna.

"Hinihiling ko rin na sana matapos na ang lahat ng 'to," sabi ni Rahinel, napatingin siya rito.

"Anong gagawin mo pagkatapos?" tanong niya bigla. "Kapag... Kapag nailigtas na natin si Yumi at natapos na 'to?"

Bahagyang ngumiti at umiling si Rahinel. "Hindi ko rin alam."

Tumingin sila sa direksyon 'di kalayuan kung saan kakatapos lamang magsayaw ng Singkil ng bagong kasal. Nag-iba ang tugtog ng musika, napalitan ng mas masigla, naglipana ang mga tao sa gitna kung saan ay malayang nagsayaw ang lahat.

"Bakit ninyo sinasayang ang pagkakataon, mga kaibigan?" nakita nila si Agyu at Agrida na papalapit sa kanila.

"Halikayo at sumayaw!" masayang yaya ni Agrida sa kanila.

Walang nagawa si Arki at Rahinel kundi mahila sa gitna. Muntik nang matisod si Arki nang hindi makita ang kawayang pumipitik sa sahig. Mabuti't nakaalalay sa kanya si Rahinel. Tumingin sila sa paligid at nakita ang mga tao na tila nakikipaglaro sa bumubukas sarang kawayan sa sahig.

"Tinikling?" tanong ni Arki.

Napakibit balikat si Rahinel. Ilang sandali pa'y tumalon ito at sinimulang makipaglaro sa mga kawayan sa sahig. Nilahad ni Rahinel ang kanyang kamay at nagdalawang isip si Arki dahil hindi niya alam kung paano sumabay sa indayog ng musika.

"Arki, subukan mo!" yaya ni Rahinel sa kanya.

Ilang sandali pa'y tumalon na rin si Arki at noong una'y natatakot siyang maipit ng dalawang kawayang pumipitik sa sahig. Makalipas ang ilang sandali'y nasusundan ni Arki ang ritmo ng mga kawayan at ng musika. Magkaharap sila ni Rahinel na tila naglalaro lamang, sinubukan nilang umikot upang ibahin ang kanilang mga pwesto. Hanggang sa nawala ang pagkabahala sa kanilang mga puso noong mga sandaling 'yon.


*****


NATAPOS ang pagdiriwang. Hindi pa sumisikat ang araw nang pumanaog sila sa barkong lumulutang. Iniutos ng mga pinuno na punuin ng mga pagkain at iba pang mga kakailanganin sa paglalakbay.

Habang tahimik at nagpapahinga na ang lahat ay nakahanda nang pumalaot sa langit ang kanilang barko. Bago tanggalin ni Agyu ang angkla ng barko ay pumanhik si Baba Gita upang may ibigay sa kanila.

"Isang regalo mula sa aming mga ninuno," sabi ni Baba Gita at nilahad sa kanila ang anim na pirasong parihabang dahon.

"Ano ho ito?" tanong ni Roni.

"Isang bruhula, ituturo nito ang inyong direksyon , nang sa gayon ay kapag nagkahiwa-hiwalay kayong lahat ay madali na ninyong mahahanap ang isa't isa."

"Wow, thanks, Baba Gits!" masayang pahayag ni Jazis.

"Nawa'y gabayan kayo ng mga diyos sa inyong paglalakbay, mga Indio. Paalam."

"Paalam po!"

Inalalayan ng mga kawal si Baba Gita na pumanaog ng barko. Nakita ni Arki si Prinsipe Bibot.

"Bibot!" tawag ni Arki kay Bibot at saka niya ito kinawayan. "Babye!"

Itinaas din ni Bibot ang kanyang kamay bilang pagpapaalam.

"Hays, mamimiss ko ang batang 'yon," bulong ni Arki sa sarili.

"Handa na ba kayong lahat?" tanong ni Agyu sa kanila, tumingala ito sa langit sabay pakawala ng isang hininga. "Tiyak kong mamangha kayong lahat sa siyam na langit!"

"Ready na!" sigaw nila Leo.

Nang maitaas ang angkla ng barko ay unti-unti itong lumipad paitaas. Samantala, nasabik ang mga diyos at diyos sa siyam na langit sapagkat magkakaroon silang muli ng mga bisita. 


-xxx-


GLOSSARY:


Kaamulan - "it comes from the Binukid word "amul" meaning to gather. Kaamulan is gathering for a purpose—a datuship ritual, a , a thanksgiving festival during harvest time, a peace pact, or all of these together. 

"Kaamulan Festival is an ethnic cultural festival held annually in , in the from the second half of February to March 10, the anniversary date of the foundation of Bukidnon as a province in 1917. It is held to celebrate the culture and tradition of the seven ethnic tribal groups—Bukidnon, Higaonon, Talaandig, Manobo, Matigsalug, Tigwahanon and Umayamnon—that originally inhabit the province. It is the only authentic ethnic festival in the Philippines."

Singkil - "originated from the Maranao people who inhabit the shores of . It is a re-telling of an episode from the Maranao epic legend Darangen involving the rescue of Princess Gandingan (abducted by the diwatas) by the legendary Prince Bantugan."

Bruhula - compass


Maraming salamat! Natapos din ang Siranaw Arc!

#PADAYON 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top