/49/ Isang Gabi, Isang Digmaan
Kabanata 49:
Isang Gabi,
Isang Digmaan
"PWEDE ba natin gamitin 'tong bangka na 'to papuntang langit?" tanong ni Leo sa mga kasama, tagaktak ang pawis habang patuloy ang kanilang pagsagwan.
"Naikintal ko na ang aking mahika kung kaya't maaari na tayong makalipad papuntang langit gamit ang bangkang ito," sagot ni Agyu nasa pinakaunahan, ni hindi man lang ito napapagod at mukhang sanay na sanay sa pagsagwan. "Subalit masyadong maliit 'tong bangka na 'to para sa atin."
"Sabi ko nga," sagot ni Leo.
"Agyu, sigurado ka ba sa naiisip mong plano?" tanong ni Rahinel na nasa gitna. "Kailangan nating maging handa at alerto dahil hindi tayo sigurado kung papayag ang datu n'yo."
"Huwag kang mabahala, kaibigan," paninigurado ni Agyu sa kanya na may himig ng pag-asa. "Mabuti at malumanay ang aming datu sa Mansaka! Sigurado akong makikinig siya sa atin!"
Narinig ni Rahinel ang pagbuntong hininga ni Leo. "Hindi ako naniniwala sa pagiging optimistic masyado nitong ni Agyu. Psst, Rah," tawag nito sa kanya at mas hininaan ang boses. "Baka naman pwede tayo magwish ulit dito sa magic birang ko ng alam mo na... dagdag weapons?"
"Leo—" sasagot pa lang siya nang biglang tumayo si Agyu dahilan para umugoy ang kanilang sinasakyang lumilipad na bangka. Napakapit silang dalawa sa gilid.
"Hoy, Agyu, ano ba—" si Leo.
"Malapit na malapit na tayo!" masayang wika ni Agyu habang nakaturo sa isang malawak na lupain. "Nakikita ko na ang kaharian ng Mansaka!" Humarap ito sa kanila. "Maligayang pagdating sa aking bayan, mga kaibigan!"
Umupo rin si Agyu matapos magdiwang. Bumalik sila sa pagsasagwan.
"Sila Arki kaya nakarating na sa pupuntahan nila?" tanong ni Leo.
"Bilisan na lang natin para matapos na 'to 'agad," sabi ni Rahinel na mas binilisan ang pagsagwan sa hangin.
Ilang sandali pa'y natanaw na nila ang isang hukbo na nagmamartsa patungo kung saan, ang hukbo ng Mansaka na sasalubong sa hukbo ng kanilang karibal na tribo. Hudyat iyon na malapit nang magsimula ang digmaan.
"Magsisimula na ba ang giyera?" tanong ulit ni Leo.
"Maaari pa nating kumbinsihin si Datu Umaru na huwag sumipot sa buhangiangdugo!" sagot ni Agyu.
"Ano 'yun?" tanong na naman ni Leo.
"Doon gaganapin ang digmaan!"
Mas bumilis ang pag-usad ng kanilang bangkang sinasakyan sa himpapawid. Maya-maya pa'y nakapasok na rin sila sa premihiso ng Mansaka, ang kahariang nasa kapatagan, napaliligiran ng mga matatayog na puno at kabukiran.
"Kumapit kayong mabuti!" sigaw ni Agyu sa kanila at iniba ang pagmamaniobra ng sagwan kung kaya't unti-unti silang bumubulusok pababa.
Napasigaw si Leo sa bilis ng kanilang pagbaba. Sinalubong nila ang hukbo na nasa may pasukan na may arko at mabilis iyong nagsihawian upang magbigay ng daan sa kanila. Nakababa na sila subalit hindi sumayad ang kanilang bangka sa lupa, mabilis itong umaandar habang nakalutang pa rin sa ere.
Kaagad nakilala ng mga mandirigma at mamamayan kung sino ang nagmamaneho ng lumilipad na bangka.
"Si Agyu!" sigaw ng isa.
"Nagbalik na si Agyu!"
"Agyu!" sunud-sunod ang naging pagbati ang kanilang natanggap.
Nagulat at nagtaka sina Rahinel at Leo sa reaksyon ng mga tao sa kanila. Ang buong akala kasi nila'y hindi magiging maganda ang pagtanggap sa kanila rito.
"Huh? Akalain mo't famous pala 'tong si Agyu?" sabi ni Leo, napangisi lamang si Rahinel.
Nakumbinsi na sina Rahinel at Leo na magiging maayos at madali lang ang lahat dahil malugod din silang pinatuloy ng mga kawal sa palasyo ni Datu Umaru. Lingid sa kanilang kaalaman ay kilala si Agyu sa buong Mansaka dahil sa mga ninuno nito at abilidad na magpalipad ng mga bangka.
Sa bulwagan ng palasyo ay humarap sila sa trono ni Datu Umaru. Lumuhod sila Agyu at Rahinel bilang pagbati at paggalang, si Leo ay walang ibang nagawa kundi gumaya.
"Shubh sandiya meri rajah," pagbati ni Agyu kay Datu Umaru.
Tumayo si Datu Umaru sa kanyang trono, nakasuot ito ng sandata bilang paghahanda sa digmaan, at kitang-kita ang batik sa buo nitong katawan na tila nagliliwanag, bakas ng kabunyian. Tinanggal ni Datu Umaru ang salakot na yari sag into, tumambad sa kanila ang maamo subalit matatag nitong mukha.
"Bapase par sabaagt hai, Agyu," bati pabalik ni Datu Umaru sabay bumaling ito sa kanila. "Hindi ko na mabilang ang siglo nang huli akong makakita ng mga Indio."
Nagkatinginan si Rahinel at si Leo nang marinig 'yon, nagtataka kung paano nito natukoy na mga Indio sila.
Tumayo silang tatlo at si Agyu muli ang nagsalita. "Hindi na kami magpapaliguy-ligoy pa, Datu Umaru, kailangan n'yong pabalikin ang inyong hukbo. Huwag n'yong sagutin ang giyera—"
"Huwag sagutin ang digmaan?" maang na tanong ni Datu Umaru at naglakad papalapit kay Agyu. Napatingala sila at doon lang napagtanto nila Rahinel na hindi pangkaraniwan ang laki ng pangangatawan ng datu. "Anong pagsagot ang iyong sinasabi, Agyu? Kailangan kong protektahan ang aking sinasakupan at tribo. Dadanak ang dugo sa buhangin ngayong gabi."
"Hindi iyon mahalaga ngayon, mahal na datu!" pakiusap ni Agyu na mas lalong ikinagalit ni Datu Umaru, naglaho ang pagkahinahon ng itsura nito.
"Hindi mahalaga?! Ang akala mo ba'y hindi nakarating sa akin ang balita tungkol sa relasyon niyo ng anak ng kaaway?!" walang anu-ano'y hinugot ni Datu Umaru ang kanyang laring at itinutok 'yon sa leeg ni Agyu.
"Agyu—" reaksyo ni Leo.
"Ikaw ang magiging dulot ng kasiraan ng aking kaharian kapag hindi nagtagumpay ang Mansaka ngayong gabi! Nang dahil sa iyo—"
"Ang mga busaw—" walang takot na sabi ni Agyu. "Lihim silang sumasalakay sa bawat tribo! Napaslang na nila ang Subanon! At ngayo'y nagmamartsa ang kanilang batalyon upang umatake sa ating lahat!"
Nang sabihin 'yon ni Agyu ay dahan-dahang ibinaba ni Datu Umaru ang kanyang laring, nakakunot at hindi makapaniwala sa narinig.
"Busaw? Imposible—"
"Nakita ng aming mga mata ang katotohanan, kamahalan. Kung hindi tayo maghahanda sa kanilang pagsalakay ay maaaring ikasira ito ng lahat ng tribo sa Siranaw! Ang giyerang ito ay hindi tungkol sa bawat tribo—ang giyerang ito ay tungkol sa nararapat na pagkakaisa upang sugpuin ang kasamaan!"
Halos mapanganga sina Rahinel at Leo sa narinig nila kay Agyu dahil damang-dama nila ang sinseridad ng mga salita nito.
Mukhang natablan si Datu Umaru nang tumalikod ito at naglakad palayo sa kanila, tila napaisip nang malalim.
"Pakiusap, Datu Umaru... Kailangan natin ng pagkakaisa."
Hindi umimik ang Datu. Ilang segundo ang lumipas nang marinig nila ang matigas nitong tinig. "Pagkakaisa?" humarap ito sa kanila at umiling. "Kaya kong protektahan ang aking kaharian ng walang hinihinging tulong. Hindi mabubuwag ang Mansaka ngayong gabi, Agyu."
Rumehistro ang pagkadismaya sa mukha ni Agyu sa pagkasarado ng isip ni Datu Umaru.
Sumigaw si Datu Umaru, tinawag ang isang kawal.
"Hamala suro karu!" utos ni Datu Umaru, nangangahulugang tuloy ang pag-atake at pagdepensa ng kanilang kaharian.
*****
"VIVIENNE?" tumatagaktak na ang pawis ni Arki habang maingat na humahakbang sa madilim na pasilyo. Tumigil siya saglit at nagtago sa likuran ng malaking haligi ng bahay-hari. Hindi na niya kinaya ang temperatura kung kaya't hinubad niya ang pang-itaas at natira ang puting kamiseta. Pagkatapos ay itinali niya sa kanyang baywang ang hinubad niyang kegal bentilas.
Sumilip si Arki at pinakiramdaman ang paligid, walang ibang tao sa pasilyo kundi siya lang.
"Nasaan na ba 'yong babaeng 'yon?" bulong na tanong niya sa sarili. Yumuko siya para pilasin ang gilid ng paldang suot niya para mas makatakbo siya nang maayos.
Si Agrida ang nagturo sa kanila kung paano makakapuslit sa bahay-pari ng Sultan ng Manuvu, iniwan nila si Mari sa labas kung saan walang ibang nagbabantay. Abala ang buong hukbo ni Sultan Mudgar sa magiging pag-atake sa Mansaka kaya maswerteng walang nakakakita sa kanila hanggang ngayon.
Napakamot sa ulo si Arki nang mapagtanto niyang nawawala na talaga si Vivienne. Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa pintuan ng bulwagan ng Sultan. Hinanda niya ang arnis kung sakaling may umatake sa kanya.
Sumilip siya sa siwang ng pinto at nakita ang mag-amang nagtatalo.
"Mahal kong ama! Pakiusap maniwala ka sa akin! Hindi ako nagsisinungaling! Sasalakay ang mga busaw ngayong gabi! Kailangan n'yong ihinto ang pag-atake sa Mansaka at makipagkaisa na labanan ang mga halimaw—"
"Agrida!" kasing lakas ng kulog ang boses ni Sultan Mudgar na tumayo sa trono. "Hindi ko pa rin napapatawad ang ginawa mo, pinahiya mo ang ating buong tribo! Simula ngayon ay babantayan ka ng mga kawal at hindi ka maaaring lumabas sa'yong silid!"
"Hindi mo pwedeng gawin sa'kin ito, ama! Nais ko lamang ng kalayaan sa aking buhay! Nais ko lamang makapiling ang taong mahal ko!"
"Wala kang karapatan dahil anak kita! Hindi mo naiintindhan ang sakripisyong ginagawa ko para sa'yo, Agrida! Ang lahat ng ito ay para sa iyong kabutihan!" sumenyas ang Sultan at kumilos ang dalawang gwardiya sa gilid, lumapit sila kay Agrida at hinawakan ito.
"Ama! Makinig ka sa'kin, nagmamakaawa ako—bitawan n'yo ako!"
Nahabag ang puso ni Arki nang makita ang pamumugto ng mga mata ni Agrida, at ang pagpupumiglas nito. Hindi niya kinaya ang eksenang nasasaksihan.
"Sorry, guys, sisirain ko ang plano," bulong ni Arki sa sarili bago niya buong lakas na tinulak ang pinto papasok sa loob. "Bitawan n'yo siya!"
Naagaw ng sigaw niya ang atensyon ng Sultan. Tumigil ang mga gwardiya sa paghila kay Agrida nang sumugod sa kanya ang dalawa. At halos mapanganga si Sultan Mudgar nang magawa niyang mapatumba ang dalawang personal nitong bantay na kabilang sa pinakamagagaling na mandirigma ng kanyang hukbo.
"Arki!" gulat na bulalas ni Agrida.
"At sino ang lapastangang ito?!" galit na tanong ni Sultan Mudgar.
Imbis na matakot ay dumiretso lamang si Arki sa tabi ni Agrida. "Totoo po ang sinasabi ng anak n'yo," sabi niya sa sultan. "At saka anong klase kayong ama? Bakit hindi n'yo bigyan ng kalayaan ang anak n'yo na mamili ng buhay na gusto niya? Nang taong gusto niyang mahalin? Hindi siya bagay! Anak n'yo siya!"
Gulat na gulat si Agrida nang marinig ang kanyang sinabi.
"Kung hindi kayo makikinig sa sarili n'yong anak, wala kayong karapatan na tawagin ang sarili n'yo na mabuting ama!"
Sa galit ni Sultan Mudgar ay inilabas nito ang kalis, ang sandatang kayamanan ng kabunyian ng Manuvu, pinalibutan ng kulay lilang pwersa ang kalis—senyales na may kapangyarihan ng anito.
Hinila ni Arki si Agrida upang makatakbo sila palabas nang ikumpas ni Sultan Mudgar ang kalis at isang malakas na pwersa ang dumaloy doon. Mabuti na lamang at hindi sila natamaan nito, nasira ang pintuan at mga pader.
"Ano nang gagawin natin? Hindi ko na nakumbinsi ang aking ama?" tanong ni Agrida habang tumatakbo sila sa pasilyo.
Narinig nila sa likuran ang pagkasira ng mga pader dahil tila nawawalan ng kontrol ang ama ni Agrida sa kapangyarihan ng kalis. Pababa sila ng hagdanan subalit narinig nila ang mga kawal ng bahay-hari na umaakyat sa kanilang kinaroroonan.
"Dito!" turo ni Arki sa malaking bintana at tumakbo sila papunta roon.
Pagkasungaw ni Arki sa bintana ay laking gulat niya nang makita si Vivienne na nakasakay kay Mari.
"Nandiyan ka lang pala?!" galit niyang sigaw
"Hop in," kaswal na sabi ni Vivienne.
At bago pa man sila maabutan ng mga kawal ng sultan ay nakatalon na sila kay Mari at lumipad na ito palayo.
Samantala, naiwan si Sultan Mudgar na mabigat ang kalooban.
"Handa na ang lahat, kamahalan."
Tinanaw ni Sultan Mudgar ang paglayo ng kanyang anak at saka sinabing, "Sisiguraduhin kong dadanak ang dugo ng Mansaka ngayong gabi. Magbabayad ka, Agyu, magbabayad ang Mansaka!"
Umalingawngaw sa buong Siranaw ang tunog ng mga trumpeta at tambol, hudyat ng paghahanda at pagsisimula ng isang madugong labanan. Ang mga diyos sa langit ay tahimik lamang na nakamasid at naiiling sapagkat pakiwari nila'y tuluyan nang nakalimot ang mga tao sa kanila.
"Wala bang bababa sa atin para tulungan silang gumising sa kanilang kamangmangan?" tanong ni Kadeyuna sa kanyang mga kasama, ang reynang diyosa ng ika-pitong ng langit ng Siranaw.
"Nagiging kapanapanabik ang mga pangyayari," sagot sa kanya ng kanyang kapatid na si Tiyun na asawa ni Malaki Lunsud, ang haring diyos ng ika-walong patong ng langit.
Naghintay ang mga diyos sa anumang sasabihin ni Lumabat, ang kataas-taasang diyos ng Pala-kalangit, subalit nanatili lamang itong tahimik habang nakatingin sa mga mortal sa lupa.
Samantala'y mabilis ang paglipad ni Mari patungong buhangiangdugo, kung saan gaganapin ang digmaan.
"Ang tigas ng ulo ng tatay mo, Agrida! Wala na tayong ibang magagawa para pigilan ang gera," sabi ni Arki sa katabi. "Paano natin sila mabibigyan na babala na paparating ang mga busaw?"
"In the first place mababa ang tiyansa na makumbinsi ang kanyang ama," biglang sumabat si Vivienne na inaayos ang kanyang sandata, napansin ni Arki na nakasuot na ito ng modernong damit.
"Teka, huwag mong sabihing kaya ka biglang nawala kasi nagpalit ka ng damit?" inis na tanong ni Arki, sumulyap lang sa kanya si Vivienne. "Wow! Mabuti ka pa at maraming time magpalit ng damit!" sarkastiko niyang sabi.
"Nasaan na kaya sila Agyu?" nag-aalalang tanong ni Agrida.
"Ayos ka na ba?" tanong niya at tumango lamang ito. Lumingon si Arki at natanaw ang direksyon ng Mansaka kung saan ay may nagmamartsang hukbo. "Mukhang hindi rin nagtagumpay sila Rahinel, Leo, at Agyu."
"Wala tayong ibang choice," sabi ni Vivienne. "Tonight is war."
"Wala ka bang ibang sasabihin na makakatulong sa'tin?" tanong ni Arki.
"We got no choice but to fight," simpleng sagot ni Vivienne. Si Agrida naman ay napakunot.
Bumuntong hininga si Arki. "Ang ibig niyang sabihin wala tayong ibang magagawa kundi lumaban," bumaling siya kay Vivienne. "Pwede ba mag-adjust ka naman, Vee?"
Hindi na kumibo pa si Vivienne at mas bumilis ang paglipad ni Mari papunta sa lugar kung saan mangyayari ang madugong digmaan.
Subalit nahuli na sila nang tumunog ang panghuling tunog ng trumpeta, sumugod ang hukbo ng Manuvu at Mansaka sa pangunguna ni Khan Dumag. Huminto sa ere si Mari at wala silang ibang nagawa kundi panuorin ang pagsugod ng dalawang tribo.
"H-Hindi..." bulong ni Agrida. "Hindi pa huli ang lahat!"
"Agrida?"
"Kailangan natin silang pigilan! Kung makikita lamang ako ni Khan Dumag, sasabihin ko sa kanya na magpapakasal na ako sa kanya ng totoo, ihihinto niya ang digmaan!"
Nagkatinginan si Arki at Vivienne, sinunod nila ang hiling ni Agrida. Lumipad paibaba si Mari upang habulin si Khan Dumag na nakasakay sa kabayo, nangunguna sa pagsugod.
Hindi maiwasang mapatingala ng mga mandirigma nang makita sila, subalit nabahala ang mga 'to kung kaya't pinaulanan sila nito ng mga pana.
Mabilis na nakaiwas si Mari, kinailangan nitong lumiko at lumipad muli ng mataas upang hindi sila matamaan ng mga pana.
Subalit nangyari na ang dapat na mangyari, nagsalpukan na ang mga tribo, nagsimula na ang madugong digmaan. Sa himpapawid ay kitang-kita nila ang pinagsamang pwersa ng hukbo ng Kogitun at Manuvu, na triple ang dami kaysa sa hukbo ng Mansaka.
"Hindi alam ng Kogitun na walang kalaban-laban ang pwersa ng kanilang kaharian!" nasisindak na sabi ni Agrida. "Lahat ng pwersa nila ay narito... Kasalanan ko 'to..."
Tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Agrida, napayuko at saka humagulgol.
"Agrida..." tawag ni Arki sabay hawak sa balikat nito. "Hindi pa huli ang lahat katulad nang sinabi mo."
"Don't tell me—"
Bago pa masabi ni Vivienne ang sasabihin niya ay muling bumulusok paibaba si Mari.
Nang halos makasayad na si Mari sa lupa ay tumalon si Arki.
"Lalaban tayo, Agrida!" sigaw ni Arki.
Pinahid ni Agrida ang kanyang luha at lakas loob na tumalon. Si Vivienne ang nanatiling nakasakay kay Mari.
"Vee, ano ba?!" sigaw ni Arki rito.
Wala na ring nagawa si Vivienne nang biglang bumalik sa maliit na anyo si Mari. Kaagad bumangon si Vivienne at nilagay si Mari sa nakasabit na bag.
Katulad nang inaasahan ay naging brutal at marahas ang labanan. Pikit matang tumakbo sila Arki habang nakasunod kay Agrida, pinoprotektahan itong ligtas na makalapit kay Khan Dumag. Subalit imposible 'yon nang mapag-initan sila ng mga mandirigma ng Mansaka.
"Mukhang kailangan n'yo ng tulong, mga binibini." Laking gulat ni Arki nang makita si Rahinel.
"Guys!" sa tuwa ni Arki ay napayakap siya rito.
"Ahh! Rahh!" kaagad na bumitaw si Arki nang marinig ang sigaw ni Leo.
"Leo! Anak ng—" kaagad tumakbo si Rahinel pabalik sa kinaroroonan ni Leo upang tulungan ito.
Muling tumakbo si Arki para sumunod kila Agrida at Vivienne. Nasurpresa si Arki nang makita na marunong humawak ng espada si Agrida at kaya nitong labanan ang mga humaharang. Si Vivienne naman ay pinapaulanan ng palaso ang mga nagtatangkang sumunggab kay Agrida.
Subalit bigla na lamang huminto si Arki sa pagtakbo. Natulala siya saglit at pinagmasdan ang kaguluhang nangyayari sa kanyang paligid. Naramdaman niya bigla ang iba't ibang emosyon, galit, takot, pagkamuhi, at labis na pagdurusa.
"Arki!" nagbalik siya sa sarili nang marinig ang sigaw ni Vivienne, nakita niya na nakasalampak ito sa sahig habang naka-alo kay Agrida na nasugatan.
Dali-dali siyang tumakbo papunta roon.
"A-Ayos lang ako," sabi ni Agrida kahit na halatang nahihirapan. Natamaan ito ng ligaw na palaso sa binti.
"Kailangan kong alisin 'to," sabi ni Vivienne.
Tinanggal niya ang nakataling damit sa kanyang baywang at inabot 'yon kay Vivienne.
Biglang natuliro si Arki.
Napapikit siya dahil pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang emosyon. Wala siyang ibang ninanais kundi tumigil ang kaguluhan.
"Tama na..." bulong niya.
Pakiramdam niya ay may alaalang bumabalik sa kanya—isa ring madugong digmaan, subalit hindi niya maunawaan nang malinaw kung ano.
"Rajani, mahal na mahal ka namin," may isang lalaki at babae sa kanyang alala subalit hindi niya maalala kung ano.
"Silak! Kahit anong mangyari'y protektahan mo ang aming prinsesa!"
Saglit na nagkaroon ng kalinawan. Isang lumang panahon. At ang tanging luminaw sa kanyang alaala ay ang mukha ng kanyang Ate Shiela, karga siya nito habang tumatakbo sa loob ng kagubatan.
Nagmulat siya bigla nang maramdaman niya na mayroong aatake sa kanyang likuran. Tila nagkaroon ng sariling buhay ang kanyang katawan nang kusa iyong gumalaw upang umiwas. Tinaas niya ang kanyang kamay at sa pagkumpas ng kanyang hawak na arnis ay isang malakas na pwersa ng hangin ang nagmula roon dahilan upang tumalsik ang mga mandirigma.
Nagkaroon ng katahimikan matapos kumalat ang pwersa ng hangin sa buong paligid. Natumba ang lahat ng mandirigma na nakapaligid sa kanila.
"Arki?" tawag ni Vivienne sa kanya, tapos na nitong bendahan ang sugat ni Agrida.
Napaluhod si Arki matapos manggaling sa kanya ang pwersa, tinukod niya ang arnis sa sahig kung kaya't hindi siya natumba.
"O-Okay lang... ako," nanghihinang sabi niya.
Nabigla ang lahat sa nangyari kung kaya't nagkaroon ng hindi kasiguraduhan kung paano muli sisimulan ang digmaan. Subalit ilang sandali pa ang lumipas nang marinig ng lahat ang isang hindi pamilyar na trumpeta sa malayo.
Nagkatinginan ang mga mandirigma sa isa't isa, nakakunot at winawari kung saang tribo 'yon galing. Dumagundong ang lupa at unti-unting lumakas ang pagtambol mula sa timog. Tumingin ang lahat doon at nakita ang nagmamartsang batalyon.
Nagtanungan ang mga mandirigma kung anong tribo ang paparating subalit napalitan ang pagtataka ng gulat at kaba nang marinig nila ang atungal ng isang pamilyar na halimaw na akala nila'y naibaon na sa lupa.
"B-Busaw!" sigaw ng isa.
Sinamantala ng mga busaw ang pagkakataon, kalat-kalat ang pwersa ng bawat panig at nanghihina na ang ilan. Sumugod ang busaw sa direksyon nila na tila isang malaking baha na bubulusok sa buhanginan.
"Arki!" siyang dating ni Rahinel, lumapit ito sa kanya upang alalayan siyang tumayo.
"Mahal ko!" kasunod nito si Agyu na nagimbal nang makita ang kalagyan ni Agrida.
"A-Andiyan na sila! A-Ang dami nila!" takot na bulalas ni Leo.
"Leo, matuto kang protektahan ang sarili mo," seryosong sabi ni Rahinel nang alalayan si Arki na tumayo. "Kaya mo pa ba?"
"O-Oo," sagot niya.
Nagbago ang ihip ng hangin sa buhangiangdugo, nasira ang lahat ng mga plano sapagkat nasa harapan nila ngayon ang isang kalabang inakala nilang isang alamat.
Mas nanabik ang mga diyos sa langit nang makita ang pagsugod ng mga busaw sa mga morta, animo'y nanunuod sila ng pelikula. Ang ilang diyos ay natutuwa, at ang karamiha'y nababahala sapagkat hindi ito magandang senyales.
"Lumabat! Wala man lang ba tayong gagawin? Paanong nakabalik sa lupa ang mga busaw?!" sigaw ni Ubnuling, ang diyos ng pangatlong patong ng langit.
Nanatiling tahimik si Lumabat at nakatuon ang atensyon sa labanang naganap.
Nawala ang bandera ng Manuvu, Kogitun, at Mansaka sapagkat walang sinasanto ang kanilang bagong kalaban. Hindi na naging mahalaga kung sino ang kalaban at kakampi o kung ano ang dahilan ng away. Maging si Khan Dumag ay nabigla at inutos sa kanyang hukbo na paslangin ang mga busaw.
Kahindik-hindik ang pagsugod ng mga busaw sapagkat bigla na lamang itong sumulpot mula sa kung saan. Napakaraming tanong na hindi maaaring sagutin sa mga sandaling 'yon, ang buhay ng buong Siranaw ang nakataya.
Napaliligiran sina Arki, Rahinel, Vivienne, Leo, Agyu, at Agrida ng mga busaw at magkakatalikuran silang lumalaban dito.
Lumiliit nang lumiliit ang kanilang espasyo dahil tila hindi nauubos ang mga busaw. Hanggang sa magkakadikit na ang kanilang mga likuran—wala na silang matatakasan pa.
Sa malayo'y hindi makapaniwala parehas si Sultan Mudar at Datu Umaru sa nasasaksihan, naniniwala na sila sa mga babala subalit hindi sila nakinig. Lihim na nagsisisi ang dalawa sa mga maling desisyon na kanilang ginawa.
"W-Wala na tayong takas," sabi ni Agyu, naisip nito noon na mukhang katapusan na nila.
Nakapalibot sa kanila ang mga busaw at tila titukso sila nito.
"Huwag kayong lalapit!" sigaw ni Leo.
'Hindi ako mamamatay, hindi rito, hindi pa ngayon...' ang mga tumatakbo sa isip ni Rahinel.
Tumawa ang mga busaw at tusong humahakbang ng sabay-sabay palapit sa kanila habang nakataas ang mga sandata—isang tusok na lamang ay tatagos ang mga patalim sa kanilang sikmura.
Gusto ni Arki na muling gamitin ang kanyang kapangyarihan kung kaya't muli siyang pumikit.
Uusal pa lamang siya ng dasal nang maantala 'yon ng isang malakas na tunog ng panibagong trumpeta.
Sa pagkakataong ito ay ang mga busaw naman ang natigilan dahil palakas nang palakas ang tunog.
"T-Tingan n'yo!" bulalas ni Vivienne at tinuro ang langit.
Nang humawi ang makakapal na ulap ay nakita nila ang isang malaking barko na lumilipad, unti-unti itong bumababa sa kinaroroonan nila. Bigla ring sunud-sunod na kumidlat at tumama iyon sa mga busaw.
"Teka," sabi ni Leo dahil tila namumukhaan niya ito. Biglang nagliwanag ang kanyang mukha. "Holy shet! G-Guys! Iyon 'yung... Iyon 'yung flying ship na dinrowing ko!"
Pagkasabi no'n ni Leo ay lumapag ang barko sa buhangin dahilan para madaganan at mapisak ang maraming busaw.
"What's poppin, bitches?!" nakita nila si Jazis na kumakaway, nakasakay ito sa barko na ginawa noon ni Leo.
"Guys!" sunod nilang nakita si Roni.
"J-Jazis?! Roni?!"
-xxx-
Ang mga nabanggit na diyos sa kabanatang ito: Kadeyuna, Tiyun, Malaki Lunsud, Lumabat, Ubnuling. Sila ang mga diyos ng Bukidnon Skyworld na may siyam na layer ng langit o Pala-Kalangit.
Laring -is another light, quick, and devastating traditional Filipino Moro weapon, r
Kalis - is a type of double-edged , often with a "wavy" section, similar to a .
Maraming salamat sa pagbabasa!
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top