/48/ Ang Desisyon nila Arki
Kabanata 48:
Ang Desisyon nila Arki
SUMIKLAB ang galit ni Sultan Mudgar nang malaman mula sa mga alipin ni Agrida ang katotohanan kung bakit tumakas ito sa kasal kay Khan Dumag. Matapos pahirapan ng mga kawal ay bumigay din ang mga tapat na tigapagsilbi ni Agrida noong gabing 'yon.
"Si Agyu ng Mansaka..." nanlilisik ang mga mata ni Sultan Mudgar nang sambitin ang pangalan ng taong iniibig ng kanyang anak. Hindi matanggap ng Sultan ang nangyari kung kaya't inutos niya noong gabing 'yon na maghanda ang lahat ng kanyang hukbo upang umatake sa kanilang karibal na tribo, ang Mansaka.
Hindi lamang si Sultan Mudgar ang lubhang naagrabyado sa nangyari. Kahit hindi pa naitatali ng kasal ang alyansa ng Kogitun at Manuvu ay inihanda rin ni Khan Dumag ang kanyang hukbo upang tumulong sa pagsalakay sa kanilang kalaban.
Alam ng buong Siranaw ang matagal ng gera sa pagitan ng Manuvu at Mansaka subalit iba ang magiging laban ngayong gabi—at dahil kakampi nila sa kauna-unahang pagkakataon ang Kogitun ay tinitiyak ni Sultan Mudgar na magiging abo ang Mansaka sa gabing 'yon.
Mabilis lang na kumalat ang balita at nakarating ang balita sa Datu ng Mansaka ang binabalak na pagsalakay ng Manuvu at Kogitun sa kanilang tribo. Bagama't walang alam ang Mansaka sa relasyon nina Agyu at Agrida ay naghanda rin ang kanilang tribo sa digmaan.
Samantala'y nanunuod sa kanyang mahiwagang balon si Samreen, may kakaibang ngisi sa kanyang labi habang pinanunuod ang paghahanda ng bawat tribo sa gera.
"Magiging madugo ang gabing ito," sabi ni Samreen sa sarili.
Walang kamalay-malay ang buong Siranaw sa pagsalakay ng mga kampon ng kadiliman, hinihintay lamang ang tamang pagkakataon upang sumalakay.
*****
MABILIS ang paglipad ni Mari noong mga sandaling 'yon. Habul-habol pa rin nila ang kanilang hininga dahil halos kakatakas lamang nila mula sa bingit ng kamatayan sa kamay at pangil ng mga busaw. Napilitan silang gamitin si Mari upang makatakas at iwanan ang kanilang mga kabayo.
"Wew! Muntik na tayo ro'n!" bulalas ni Leo habang nakahiga at dinadama ang pintig ng kanyang puso. Bigla itong dumapa at pumangalumbaba sa kanila. "Ayoko mang sabihin 'to pero salamat sa bubwit na 'yon," sabi ni Leo sabay nguso kay Prinsipe Bibot na natutulog sa bisig ni Agrida.
"Kung alam ko lang na may sasalakay sa'ting isang batalyong halimaw—"
"Busaw," pagtatama ni Agyu kay Arki.
"Sana lumipad na lang tayo noong una pa lang," sabi ni Arki sa mga kasama sabay himas sa balahibo ni Mari na kanyang inuupuan. "Kahit na ayokong masyadong abusuhin at pagurin si Mari..."
"Ano ang mga halimaw na 'yon? Saan sila galing?" tanong ni Rahinel kay Agyu.
Napahinga muna nang malalim si Agyu bago sumagot, "Hindi ko rin alam, kaibigan. Ang alam ko'y matagal nang naitaboy sa ilalim ang mga busaw at ilang siglo na ang lumipas magmula nang maglaho sila... Kung kaya't medyo hindi pa rin ako makapaniwala."
"Hindi ba't normal na may mga halimaw dito? Katulad na lang ng mga naengkwentro naming Ta-awi, tapos may binanggit pa si Bantugan na isa... 'Yung Markupo!" si Leo.
"At Ikugan," dagdag ni Vivienne.
Lahat sila'y nakatingin kay Agyu, naghihintay ng paliwanag. Subalit napatingin sila kay Agrida nang magsalita ito.
"Ang Ta-Awi sa timog ay nakukuntrol ng tribo ng Sangkil. Ang Ikugan sa silangan ay nakukuntrol ng tribo ng T'blan, katulad nang nagawa ni Prinsipe Bibot. At ang Markupo sa hilaga ay nakukuntrol ng tribo ng Subanon. Bawat tribo ay may kakayahang protektahan ang kanilang mga sarili mula sa mga halimaw na nasa sinasakupan nila subalit ang mga busaw ay hindi nakukontrol ng sinumang tribo sa Siranaw... Ang mga busaw ay mula sa Gimokudon..." mahabang paliwanag ni Agrida.
"Uhm... Ano 'yung Gimokudon?" lakas-loob na tanong ni Leo.
"Gimokudon is like t he underworld..." sagot ni Vivienne rito.
"Matagal na matagal na panahon nang ipadala ni Mebuyan ang maraming hukbo ng busaw upang sakupin ang mundong ibabaw bilang paghihiganti sa kanyang mga kapatid na diyos na si Lumabat," patuloy ni Agrida sa kanyang kwento. "'Di nagtagal ay naayos din ang sigalot sa pagitan ng mga diyos at naiwan ang mga busaw sa mundong ibabaw. Naghasik ng lagim ang mga busaw at matagumpay silang naitaboy paibalik sa ilalim ng mga tribo."
"Teka, teka," singit ni Arki. "Si Mebuyan 'yung parang reyna ngGimokudon, hindi ba?" pag-alala niya sa mga sinabi sa kanila noon ni Bantugan.
"Oo! 'Yung maraming boobs!" bulalas ni Leo at kaagad siyang binatukan ni Arki. "Aray!"
"Leo," saway din ni Rahinel na bumaling ulit kay Agrida. "Anong ibig sabihin nang pagbabalik ng mga busaw sa Siranaw?"
Tumingin si Agrida kay Agyu.
"Hindi ko man lubusang maunawaan pero may pakiramdam ako na hindi maganda," sagot ni Agyu. "May kapasidad ang mga busaw na makidigma."
"Right, they are wearing armors and they have weapons," bulong ni Vivienne sa sarili na narinig ni Arki.
Natahimik silang lahat. Ilang sandali pa'y narinig nila ang pagkalam ng sikmura, nakita nila si Leo na pumilipit habang nakahawak sa tiyan.
"Gutom na 'ko," nanghihinang sabi ni Leo.
Nagkatinginan si Arki at Rahinel sabay tango, tila nabasa ang nasa isip ng isa't isa. Lumapit si Rahinel at pinaupo ng maayos si Leo.
"H-Hoy, bakit?" tanong ni Leo.
Imbis na sumagot ay bumulong si Rahinel. Nanlaki ang mga mata ni Leo, ngumiti rin ito at sunud-sunod na tumango. Gamit ang birang ay hiniling ni Leo na magkaroon ng pagkain para sa kanila. Walang anu-ano'y lumitaw mula ang isang basket.
Kinuha at binuksan 'yon ni Arki. Si Agyu at Agrida ay gulat na gulat sa paglitaw ng basket.
"Okay, guys, sinong gutom?" masayang wika ni Arki sabay labas ng mga tinapay, prutas, at iba pang pagkain sa loob ng basket.
Napuno ang kanilang tiyan habang nasa himpapawid. Napansin ni Arki na si Vivienne lamang ang hindi nakikigulo at hindi kumakain. Napailing na lang siya sabay kuha ng isang tinapay at mansanas, lumapit siya rito.
"Uy, pagkain?" sabi niya sabay abot ng kanyang dala. Tinitigan lang 'yon ni Vivienne. "Alam mo, hindi nakakabusog ang pride."
Walang ibang nagawa si Vivienne kundi kuhanin ang dala niya. Iiwanan na sana niya si Vivienne pero may nag-udyok sa kanya na magsalita.
"Alam mo, Vee, hindi ko talaga gusto 'yung ugali mo, at saka sabi mo nga na wala ka naman talagang pake kay Yumi pero kasama ka namin dito, sana marealize mo naman na kasama mo rin kami—ang ibig kong sabihin... magkakaramay tayo rito," sabi niya.
Nang hindi kumibo si Vivienne ay muli siyang bumalik kila Leo para kumain sa tabi nila.
*****
KASING lamig ng yelo ang hangin, iyon ang sumalubong sa kanila nang makadapo sila sa lupain ng Subanon. Sa ibabaw ng isang patag na bundok ay matatagpuan ang pinakamalaking ilog na nagdudugtong sa maraming talon ng bundok.
"Mari, you're a life saver talaga, kung hindi kami sumakay sa'yo sigurado ay aakyatin namin 'yung bundok na 'yon," sabi ni Leo habang hinihimas-himas ang balahibo ni Mari nang nakahiga. Sinipa ito ni Arki sa paanan. "Aray ko naman, Arki!"
"Sshhh!" saway ni Arki. "Bumangon ka riyan, Leo," mahinang utos niya. "Si Agrida at Bibot lang ang maiiwan dito kay Mari."
Labag man sa kalooban ay bumaba na si Leo.
"Diyan lang kayo, mahal ko," sabi ni Agyu sa kasintahan at hinagkan ito sa pisngi.
Nang makababa si Arki, Rahinel, Leo, Vivenne, at Agyu ay nilibot nila ang kanilang paningin sa buong paligid. Tahimik. Walang mga sindi ang sulo kung kaya't madilim.
"Kailangan nating humiram ng barko," sabi ni Agyu sa kanila. "Tiyak kong pahihiramin nila tayo dahil kilala ang Subanon sa pagiging mangingisda sa kahindik-hindik na dagat ng Siranaw."
"Uhmm... Pwedeng maiwan na lang ako rito?" tanong ni Leo sa mga kasama. "W-Walang magbabantay kila Bibot."
"Mabuti pa nga," sabi ni Rahinel at aangal sana si Arki. "Kaysa maging pabigat pa 'tong si Leo."
"Hehe, salamat, Rah—hoy! Anong pabigat—" tinakpan ni Arki ang bibig ng kaibigan upang mapatahimik ito.
Sa huli'y naiwanan si Leo upang bantayan si Mari, Agrida, at Bibot. Naglakad papasok sa loob ng tribo sila Arki. Wala pa rin silang marinig na kahit na ano at tanging liwanag mula sa buwan lamang ang tumantanglaw sa kanilang dinadaanan.
Katulad ng Sama Dilaut ay nakatirik din sa ibabaw ng katawan ng tubig ang kaharian ng tribo ng Subanon. Nang makalapit sila sa daungan ay nakita nila ang mga bangka na gulu-gulo.
"Ayun," tinuro ni Agyu ang isang malaking bangka sa dulo. "Maaari nating gamitin 'yon."
Humakbang si Agyu sa isang bangka at binalanse ang kanyang sarili.
"Kailangan mo ng tulong?" alok ni Rahinel.
"Lubos kong tinatanggap ang tulong mo, kaibigan," nakangiting sagot ni Agyu na muling humakbang.
Humakbang na rin si Rahinel sa maliliit na bangka. Samantala'y naiwan si Arki at Vivienne.
"Hindi ba muna tayo magpapaalam?" tanong niya sa mga 'to pero malayo na sila Rahinel. Napatingin siya sa kanyang tabi at nakitang naglalakad palayo si Vivienne. "Psst! Vee! Saan ka pupunta?!" mahinang tawag niya subalit hindi siya nito pinansin.
Walang nagawa si Arki kundi sundan si Vivienne.
"Huy, huwag kang lumayo, baka magkahiwa-hiwalay na naman tayo," sabi niya nang maabutan niya si Vivienne, napansin niya na dala nito ang pana.
"Hindi mo ba naririnig 'yon?" tanong sa kanya ni Vivienne.
"Ang alin?" tanong niya. Huminto bigla si Vivienne sa paglalakad kaya napatigil din siya.
Pinakiramdaman nila ang paligid. Nagkatinginan silang dalawa nang marinig din ni Arki ang narinig ni Vivienne. Napatakbo sila sa kubo 'di kalayuan, pagpasok nila sa loob ay muntik na silang mapasigaw nang makita ang mga katawan ng isang mag-anak.
Napasandal si Arki at hindi malaman kung sisigaw ba siya sa takot o maiiyak dahil naliligo sa mga sariling dugo ang mag-anak. Napansin nila na gumalaw ang katawan ng isang babae, ang ina ng pamilya.
Kaagad dinaluhan 'yon ni Vivienne at Arki. Naghihingalo ang babae.
"Tu...long..."
Nakita nila na malalim ang pagkakatarak sa sikmura nito. Napaiwas ng tingin si Vivienne at si Arki naman ay halos maluha.
"Anong nangyari..." bulong na tanong sa sarili ni Arki.
"Bu...saw..."
Ilang sandali pa'y nalagutan ng hininga ang babae. Nagkatinginan silang dalawa pagkatapos. Tila may pumitik sa kanilang mga isip nang mapagtanto kung anong nangyayari. Tumakbo sila palabas upang bumalik sa kinaroroonan nila Rahinel at Agyu.
Napailing si Agyu nang mapagtantong sira ang barko na maaari sana nilang magamit, nakita nitong may malaking butas ang ilalim .
"Rah!" narinig nila bigla ang sigaw ni Arki. "Agyu!"
Kaagad lumingon ang dalawa nang matawag ang mga pangalan nila. Subalit bago pa man sabihin ni Arki ang nangyayari'y natapakan bigla ni Rahinel ang isang bangkay sa isang bangka.
"B-Busaw!" nang isigaw 'yon ni Arki ay mula sa kadiliman ay umilaw ang mga sulo ng isang hukbo—isang hukbo ng busaw!
Napaliligiran sila ng isang hukbo ng mga busaw. Huli na silang dumating sapagkat kanina pa pinaslang ng mga busaw ang tribo ng Subanon.
"Daalo mahar!" sigaw ng isang heneral na busaw at sabay-sabay na sumugod sa kanilang kinaroroonan ang mga busaw.
Mabilis na nailabas ni Arki ang kanyang dalawang yantok at hinanda ang kanyang sarili sa pag-atake. Si Vivienne ay kaagad na nagpaulan ng mga pana.
Tumalun-talon si Agyu hanggang sa nasa iisang bangka na sila ni Rahinel. Wala na silang ibang mapupuntahan dahil napapaligiran sila ng mga busaw na lumusong na sa tubig upang makalapit sa kanila.
Nilabas ni Rahinel ang kanyang espada at si Agyu naman ay yumukod.
"Bigyan mo ako ng maraming oras, kaibigan!" utos ni Agyu kay Rahinel at nagsimulang umusal ng mahika, nakalahad ang kanyang palad sa magkabilang gilid ng maliit na bangka.
Nang makalapit ang ilang busaw ay kaagad 'yong pinaslang ni Rahinel.
Samantala, si Arki ay nakakita ng butas upang makabalik sa kinaroroonan ni Mari. Kaakibat ang kapangyarihan ni Anitung Tabu ay naging madali lang sa kanya na hawiin ang mga busaw na humaharang sa kanya.
"Arki!" nakita niya si Leo, Agrida, at Bibot. "Sakay!"
Bago pa man siya maabutan ng mga busaw ay nakasakay na siya kay Mari at mabilis 'yong nakalipad.
"Nasaan sila Agyu?!" tanong ni Agrida.
Nakita nila 'di kalayuan ang isang lumilipad na bangka.
"Agrida!" sigaw 'yon ni Agyu na nakasakay sa lumilipad na bangka, katabi si Rahinel. "Umalis na tayo rito! Sinalakay na ang Subanon!"
"Nasaan si Vivienne?!" tanong ni Leo.
Hinanap ng paningin ni Arki si Vivienne at nakita niya ito sa may bubungan ng isang kubo, napaliligiran ng mga busaw na umaakyat habang isa-isa nitong pinapana ang mga 'yon.
"Hindi natin siya pwedeng iwan!" sigaw ni Arki na lubhang nag-aalala para sa kanilang kasama.
Nakita nila na naubusan na ng pana si Vivienne at tumakbo ito sa bawat bubong, tinutugis ng mga busaw. Kaagad na lumapit doon si Mari upang tulungan si Vivienne.
"Vee!" sigaw ni Arki at inilahad niya ang kanyang braso. "Hawakan mo 'yung kamay ko!"
Subalit hindi magawang mahawakan 'yon ni Vivienne dahil patuloy siyang tinutugis ng mga busaw sa likuran.
"Vee! Tumalon ka!" sigaw ni Arki subalit nakita niya ang pag-aalinlangan ni Vivienne. "Huwag kang matakot!"
At bago pa tuluyang maubos ang hinahakbangan ni Vivienne ay tumalon siya sa gilid at buong lakas sinalo ni Arki ang kanyang braso.
Napasigaw si Vivienne nang maramdaman niya na may busaw na nakakapit sa kanyang paa. Nagpagewang-gewang ang sinasakyan nila.
"Vee! Huwag kang gumalaw!" sigaw 'yon ni Leo, buong tapang na nilabas ang kanyang tirador at tinira ang busaw na nakakapit sa paanan ni Vivienne.
Nang bumitaw ang busaw ay tinulungan ni Agrida si Arki na mahila si Vivienne. Habul-habol nila ang kanilang hininga pagkatapos.
Nakatihaya lamang si Vivienne habang nakapikit, hindi namalayan ang luhang umaagos sa mukha.
"Vee? Okay ka lang?" nag-aalalang tanong ni Arki, yumukod sa tabi nito.
Hindi sumagot si Vivienne, nang mamalayan na umiiyak ay tinakpan nito ang mukha.
"Wuy..." tawag ni Leo. "Tubig, gusto mo?"
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ni Vivienne at hinayaan na lamang nila 'to.
*****
HABANG lumilipad sa himpapawid ay napagtanto nila na nasa panganib ang buong Siranaw sa ginawang pagsalakay ng mga busaw sa Subanon. Mas nakumpirma ang kanilang mga hinala nang madaanan nila ang kaharian ng Kogitun at nakita ang kasalukuyang pagsalakay ng isang hukbo ng busaw doon.
Napagpasyahan nilang maghanap ng mapagpapahingahan dahil nararamdaman na nila ang pagod ni Mari sa kanina pa nitong paglipad. Narating nila ang kaharian ng T'blan at ito ang ikalawang pagkakataon na makarating doon nila Arki at Vivienne. At dahil kasama nila si Bibot ay kaagad nilang natagpuan ang palasyong nakatago sa bundok.
Laking gulat ni Kubil nang malaman na kasama nila si Bibot. Kaagad namang nilahad ni Arki ang mga pangyayari. Nang dalhin si Bibot sa silid nito'y naiwan sila sa bulwagan ng palasyo kasama si Kubil na hindi na ngumingiti.
"Kubil—"
"Ipagpaumanhin n'yo, alam kong niligtas n'yo noon si Prinsipe Bibot subalit hindi ko ikinagagalak ang mga nangyari," seryosong sabi ni Kubil sa kanila, sabay tingin kay Agrida. "Sa oras na malaman ni Sultan Mudgar na narito ang kanyang anak na tumakas sa kasal ay tiyak kong malalagay sa panganib ang aming mapayapang kaharian."
"Hindi iyon ang mahalaga ngayon, Kubil," sabi ni Agrida na humakbang palapit dito. "Hindi mo ba pinakinggan ang mga nangyari? Sinalakay ang Subanon! At kasalukuyang sinasalakay ng mga busaw ang Kogitun! Maaaring dito na sila susunod na papunta sa inyong kaharian—"
"Hindi nila matatagpuan ang aming kaharian!" halos dumagundong sa buong paligid ang boses ni Kubil. Biglang huminahon ang mukha nito. "Matagal nang walang kinalaman ang T'blan sa mga digmaan—"
"Kubil, nasa panganib ang buong Siranaw!" giit ni Agrida. "Hindi ito tungkol sa mga digmaan sa pagitan ng Manuvu, Mansaka o para sa trono. Nauunawaan mo ba ang ibig sabihin nang pagbabalik ng mga busaw?" tanong ni Agrida subalit hindi sumagot si Kubil.
Humakbang si Agyu upang sumabat. "Ang ibig lamang iparating ni Agrida... Walang kamalay-malay ang buong Siranaw sa pagsalakay ng itim na pwersa. Kung sino man ang nasa likod nito at kung bakit ay walang nakakaalam. Sa tingin ko ay ito ang oras upang magkaisa ang mga tribo upang—"
"Magkaisa?" putol ni Kubil kay Agyu. "Huwag n'yo akong patawanin dahil kailanman ay hindi magkakaisa ang mga tribo ng Siranaw!"
Sumenyas si Kubil sa mga kawal na nakapalibot sa kanila at ngayon ay nakatutok sa kanila ang mga pana nito.
"Kung ayaw mong tumulong..." lumapit si Arki kay Kubil, hindi nagpakita ng takot kahit may mga pana na nakapalibot sa kanila. "Kukumbinsihin namin ang iba na tumulong. Paano kayo mabubuhay ng payapa sa ilusyon kung hindi n'yo kayang magsakripisyo."
Si Arki ang naunang umalis at isa-isang sumunod ang kanyang mga kasama. Wala nang nagawa si Kubil kundi panoorin silang umalis.
"Paano 'yan?" tanong ni Leo nang makalabas sila. "Anong gagawin natin?"
Humarap si Arki sa mga kasama. Nasa labas na sila ngayon ng palasyo.
"Lilipad tayo—"
"Don't tell me we're staying to help again?" maang ni Vivienne.
Nagkatinginan si Arki at Rahinel.
"Kailangan nila ng tulong natin," si Rahinel ang sumagot. "Walang alam ang ibang tribo sa mga nangyayari kaya kailangan nilang malaman."
"At tiyak kong magkakaroon ng digmaan ng dahil sa'kin," mahinang sabi ni Agrida. "Hindi malayong malaman ni ama ang katotohanan at mapagbuntunan niya ng galit ang tribo ng Mansaka."
Hinawakan ni Agyu si Agrida nang lumuha ang kasintahan.
"Masyado akong makasarili... Alam ko na maaaring mangyari ang digmaan dahil sa akin," sabi ni Agrida sa pagitan ng hikbi. "Pero... gusto kong manatali at tulungan ang aking ama—gusto kong kumbinsihin ang aking ama na may mas malaking kalaban na hindi nila nakikita."
Natahimik sila pagkatapos. Niyakap lamang ni Agyu si Agrida.
Huminga nang malalim si Arki. Alam niya na sa bawat minutong lumilipas ay maaaring may nangyayaring hindi maganda kay Yumi.
"Pumunta tayo rito para kay Yumi," sabi ni Arki na napapikit saglit. "Sa totoo lang... Gusto ko na ring matapos 'to, gusto ko nang umuwi, gusto ko nang makita ang Ate Shiela ko."
Nakatingin silang lahat kay Arki ngayon.
"Kaya lang... Parang hindi kakayanin ng kunsensya ko na lang dito... Nakita ko 'yung nanay kanina... naghihingalo... Pero namatay din siya... Naisip ko na kung maaga lang ba tayo dumating sa Subanon... Naligtas kaya natin 'yung mag-anak na 'yon?" pagkasabi ni Arki'y tumulo ang luha sa kanyang pisngi at kaagad niyang pinahid 'yon.
"Hindi mo kasalanan na namatay ang babaeng 'yon," sabi ni Vivienne. "Walang may kasalanan."
"O—kay..." sumabat bigla si Leo. "Ibig sabihin ba nito..."
"Kailangan nating ipaalam sa iba pang mga tribo ang nangyayari, ang tungkol sa busaw," sabi ni Rahinel. "Kailangan nating tumulong sa abot ng ating makakaya."
Noong mga sandaling 'yon ay tumingin si Arki kay Rahinel, lihim na pinagpapasalamat na nauunawaan din nito ang mga sinabi niya. Si Vivienne naman ay hindi na umangal pa.
Kikilos na sila ulit ng pigilan sila ni Leo.
"Hep, hep, teka lang," pigil sa kanila ni Leo, "kailangan nating magreplenish ng weapons." Abot tenga ang ngiti ni Leo.
"Leo ano ka ba naman—"
"Tama siya," putol ni Rahinel kay Arki. "Sasabak tayo sa gera ngayong gabi."
"Olrayt!!!"
-xxx-
A/N: Kasalukuyang unti-unting nirerevise/ineedit ang kwentong ito. Maaari nibyong makita ang ilang pagbabago kung babasahin n'yo mula kabanata isa. Maraming salamat!
GLOSSARY:
Busaw, Ikugan, Markupo, Ta-awi
Mebuyan -an underworld deity in the indigenous religion of the Bagobo people.
Gimokudon - underworld in Bagobo myth where Mebuyan lives.
Lumabat - brother of Mebuyan. He is mentioned as the god of the first heaven in Bagobo myth.
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top