/47/ Mga Busaw sa Kadiliman
Kabanata 47:
MgaBusaw sa Kadiliman
SA lahat ng pagkakataon ay palaging sinusunod ni Vivienne ang kanyang intuwisyon. Subalit noong mga sandaling 'yon ay tila may isang hindi nakikitang pwersa ang humihila sa kanya patungo sa isang misteryosong silid ng kastilyo.
Hindi rin mawari ni Vivienne kung saan siya dinadala ng kanyang mga paa. Mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa kanyang sandata na minana pa niya sa kanyang yumao na ama.
Tila nahihipnotismo, nawala sa kanyang isip ang kanyang hinahanap.Nang umapak si Vivienne sa loob ng madilim na silid ay unti-unting nagkaroong ng luntiang liwanag sa paligid.
Luminga-linga si Vivienne at nakita na tila nasa isang kweba siya, lubhang malaki ito at nang lumingon siya'y nawala ang pintuan na kanyang pinanggalingan.
Narinig ni Vivienne ang patak ng mga tubig mula sa matutulis na bato sa itaas ng kweba. Humakbang siya papalapit sa gitna kung saan may nakita siyang isang balon.
"Kay tagal ko na ring hindi nakakita ng Indio." Isang malalim na tinig ng isang babae.
Kaagad lumingon si Vivienne at tinutok ang kanyang pana sa direksyon nito. Nakita niya ang isang babae na halos magliwanag ang balat sa kaputian, kulay puti rin ang buhok nito, at kulay abo naman ang robang suot nito.
Hindi man lang nabahala ang babae at naglakad ito sa gilid. Alam ni Vivienne na hindi ito pangkaraniwang tao.
"Alam kong may hinahanap ka, Vivienne," sabi nang babae. Halos mabitawan niya ang kanyang armas nang marinig 'yon.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" tanong niya, pilit na hindi nagpakita ng takot.
Ngumiti ang babae. "Ako si Samreen, isa sa mga pinakamataas na balyan ng Tagabawa. Ako ang nagbabantay sa balon na nag-uugnay sa lupa at sa kaharian ni Magwayen sa ilalim," paliwanag nito.
Lumapit si Samreen sa balon kung kaya't napaatras siya.
"May hinahanap kayo ng kasama mo, hindi ba?" sabi nito. Hindi siya sumagot at nakita niya na halos umapaw ang tubig ng balon, nagliliwanag 'yon at nakita niya sa repleksyon ng tubig ang mukha ni Arki na may kasamang ibang babae. "Nagkakagulo ang buong palasyo dahil sa pagkawala ni Agrida, magkasama sila ng iyong kaibigan."
Nanatiling tikom ang bibig ni Vivienne. Likas sa kanya ang hindi magtiwala kung kaya't duda siya sa kaharap niyang nilalang.
Nag-iba bigla ang imahe na pinapakita ng tubig sa balon. Medyo lumapit doon si Vivienne nang makita niya sila Roni at Leo na kasama ang isang lalaki, naririnig niya ang mga pag-uusap nito.
Tumingin si Vivienne kay Samreen subalit wala siyang inusal. Tumalikod na si Vivienne para umalis nang magsalita muli ang misteryosang balyan.
Ang balyan ay nagtataglay ng salamangka, nakikita nila ang mga pangyayari sa buong Siranaw at may kakayahan din silang makipag-usap sa mga diyos at diyosa ng kanilang mga ninuno. Natatanging baylan si Samreen dahil kaya niyang magbasa ng isip, isang kakayahan na kanyang nakuha kapalit ang kanyang kaluluwa.
"Ano ang dahilan kung bakit ka nagtungo rito sa Ibayo, Vivienne," sabi ni Samreen na nagpatigil sa kanya. "Upang patunayan na totoo ang mga nakalap ng iyong ama?"
Naramdaman ni Vivienne na nasa gilid na niya si Samreen, nanlamig bigla ang buo niyang katawan. "Ipapakita ko sa'yo... ang totoong kasagutan."
Dahan-dahang lumingon si Vivienne at nakita niya na itinuro ni Samreen ang balon. Kahit hindi gustuhin ni Vivienne ay namalayan na lamang niya na lumalapit siya sa balon upang silipin ang kasagutang tinutukoy ng balyan.
Subalit pagkasilip ni Vivienne ay may pwersang tumulak sa kanya dahilan para mahulog siya sa mahiwagang balon.
*****
KANINA pa pabalik-balik na naglalakad si Arki, hindi mapalagay at hindi mapakali. Samantalang si Agrida ay kalmadong nakaupo sa gilid ng kama habang taimtim na kinakausap ang batang prinsipe na si Bibot na hawak-hawak si Mari.
Pinakikinggan lang ni Arki si Agrida subalit ayaw pa ring matinag ni Bibot, ayaw pa rin nitong bitawan ang kanilang Sarimanok.
"Naku, kung hindi lang ako pumapatol sa bata kanina ko pa kita nasakal Bibot," bulong ni Arki sa sarili. "At saka nasaan na ba si Vivienne?" Tumigil si Arki sa paglalakad at huminga nang malalim.
Ilang sandali pa'y nakita niya si Agrida na tumayo at lumapit sa kanya, inabot sa kanya si Mari.
"Salamat!" masayang sabi ni Arki pagkakuha sa Sarimanok. "Mari! Ano ka ba naman! Akala ko nawala ka na!"
"Pwede na ba tayong umalis?" tanong ni Agrida, bakas sa kanyang tinig ang pag-aalala dahil sa tumatakbong oras.
Nakasuot lamang ng ordinaryong saya si Agrida habang nababalutan ang kanyang ulo ng isang itim na hijab. Sinong mag-aakala na nagawa niyang makipagpalit ng damit sa kanyang alipin upang makatakas.
"Uhmm... May kasama pa 'kami—"
Walang anu-ano'y biglang bumukas ang pinto at halos mahulog ang kanilang mga puso sa sobrang kaba. Isang mandirigma ng tribo Kogitun ang pumasok sa silid. Gulat na gulat si Agrida.
"Prinsesa Agrida!" halos kaladkarin ng mandirigma si Agrida kung kaya't mabilis na kumilos si Arki para atakihin ang mandirigma gamit ang kanyang arnis, binaba niya muna si Mari.
Binitawan ng mandirigma si Agrida para harapin si Arki. Hinugot nito ang palakol sa likuran at sunud-sunod siyang inatake, maliksing nakaiwas si Arki at tumama ang palakol nito sa pader.
Narinig ni Arki ang pag-iyak ni Bibot dahil sa takot, kaagad naman itong inalo ni Agrida. Isang malakas na hampas ang hinataw ni Arki sa likuran ng mandirigma, bumagsak ito at tuluyang nawalan ng malay.
Pero may pumasok na namang isang mandirigma ng Kogitun at huli na para umiwas si Arki. Bago pa siya nito mahataw ay bumagsak ito, nakita ni Arki si Vivienne sa pintuan, ito ang nagpakawal ng pana.
"Vee!" may bakas ng galak niyang tawag dito.
"Umalis na tayo rito!" sabi ni Vivienne at kaagad na kinuha si Mari sa sahig. "Tell this chicken to fly!"
"M-Mari, help!" sa taranta ni Arki ay hindi niya alam kung anong sasabihin. Hindi niya nga sigurado kung naiintindihan ba siya ni Mari.
"Pumunta tayo sa labas!" biglang tumakbo si Agrida palabas habang karga ang umiiyak na si Bibot, hindi nito magawang iwanan ang paslit.
Walang nagawa si Arki at Vivienne kundi sumunod kay Agrida.
"Who is she?!" sigaw na tanong ni Vivienne habang tumatakbo, tinutukoy si Agrida.
"Jowa ni Agyu!" sigaw ni Arki pabalik. "Alam niya kung nasaan si Agyu! Sasama natin siya!"
Nagdalawang-isip si Vivienne kung sasabihin ba niya kay Arki ang nalaman.
"Patay! Hinahabol nila tayo!" napalingon si Arki at nakita nila ang mga mandirigma ng Kogitun at Manuvu, at kawal ng palasyo ang humahabol sa kanila, marahil nakita ng mga 'to na kasama nila si Agrida.
Hindi rin nila alam kung saan sila pupunta, umakyat sila nang umakyat paitaas ng palasyo hanggang sa marating nila ang pinakamataas na balkonahe.
"Mari!" nilapag ni Arki si Mari sa sahig. "Lipad!" utos niya at umakto siyang may pakpak.
Halos mapasampal sa ulo si Vivienne. Papalapit na ang mga humahabol sa kanila. Ilang sandali pa'y unti-unting nagbago ang anyo ni Mari, naging higante ito at mas naging makulay ang mga balahibo.
"S-Sarimanok!" sigaw ng mga mandirigma at kawal sa nakita, natigilan sila saglit dahil kay Mari.
Dali-daling sumakay sila Arki kay Mari at bago pa sila tuluyang maabutan ay kaagad na nakatakbo si Mari at tumalon. Bumubulusok sila paibaba pero nang ibuka ni Mari ang kanyang mga pakpak ay kaagad din silang nakalipad.
Naiwang tulala ang mga kawal at mandirigma sa balkonahe. Habul-habol nila ang kanilang hininga.
"Okay... Nakatakas tayo ng buhay—" natigilan si Arki nang makita na kasama nila si Bibot. "Hoyy! Bakit kasama 'yang batang 'yan!" turo niya kay Bibot na nakaakap kay Agrida.
"H-Hindi ko siya magawang bitawan," sabi ni Agrida. "Ibabalik din natin siya sa oras na makasama natin si Agyu at ang mga kaibigan n'yo."
Wala nang nagawa si Arki, naawa rin siya kay Bibot dahil mukhang natakot talaga ito sa mga nakita kanina.
Humarap si Arki kay Vivienne na namumutla pa rin. "Huy, Vee, okay ka lang?" tanong niya. "Ano palang nangyari sa'yo?"
Tumingin si Vivienne sa kanya. "I encountered a witch," maikling pahayag niya. "Pinakita niya sa'kin kung nasaan sila Rahinel."
"Talaga? Nasaan sila?" masayang tanong niya.
"Magkasama sila ni Leo... May kasama sila... Si Agyu."
*****
NANG patuluyin ni Baba Gita sila Roni at Jazis sa kanyang yungib ay inahinan sila ng masaganang pagkain, animo'y isa silang bisitang pandangal. Pagkatapos kumain at makapagpahinga ay ipinakita na sa kanila ni Baba Gita ang malaki nitong kawa kung saan may kumukulong tubig.
Isa si Baba Gita sa bantog na balyan sa buong Siranaw, mula sa tribo ng Sangkil, siya ang kasalukuyang namumuno ng kanilang tribo. Maraming kumukonsulta na mandirigma kay Baba Gita na dumadayo pa mula sa ibang tribo sapagkat malaya siyang nagbabahagi ng kaalaman hindi katulad ng mga tagong balyan sa kastilyo sa Bundok Apo.
Nasabik si Jazis dahil tila naalala niya ang kanyang lola. Minsan itong nagkukwento sa kanya tungkol sa mga sinaunang mangkukulam kung kaya't parang pamilyar sa kanya ito.
May hinulog na mga kasangkapan si Baba Gita sa kawa kung kaya't mas kumulo 'yon at umusok. Nang humupa ang usok ay nakita nila ang imahe sa kawa, nakita nila si Arki at Vivienne na may kasamang bata at babae, kasalukuyang sakay kay Mari habang lumilipad.
"Arki! Vivienne!" masayang bulalas ni Roni. "Mabuti naman at ligtas sila!"
Sunod nilang nakita ang imahe ni Rahinel at Leo na may kasamang lalaki. Tuwang-tuwa silang dalawa na makitang maayos at ligtas ang mga kaibigan.
"Pero hindi iyon ang gusto kong ipaalam sa inyo," sabi ni Baba Gita sa mababang tono. Nawala ang ngiti sa kanilang mga labi nang maramdaman na may hindi magandang balita ito sa kanila.
Gamit ang tungkod ni Baba Gita ay hinalo nito ang kawa at unti-unting nag-iba ang imahe. Ang pangunahing dahilan kung bakit sinusugid si Baba Gita dahil sa kanyang espesyal na kakayahan na makakita ng ilang pangyayari sa hinaharap.
Naglaho ang imahe ng kanilang mga kaibigan at nakita nila ang mga kahindik-hindik na halimaw. Isang batalyong halimaw, nangingitim ang mga balat, malalaki, ang ilan ay may isang mata, mahahaba ang braso at matutulis na ngipin—nangangain ng mga tao!
Hindi lamang 'yon ang ikinabahala at pinagkataka nila, dahil ang batalyong halimaw ay may mga sandata—palakol, espada, at baluti, nagmistula itong mga kawal ng isang kaharian.
Ang lugar na kinaroroonan ng hukbo ay hindi matukoy sapagkat ito'y napupuno ng kadiliman.
"A-Ano pong ibig sabihin nito?" tanong ni Jazis kay Baba Gita.
"May itim na pwersa ang nagbigay sa mga busaw ng mga armas at sandata upang sakupin ang buong Siranaw. Nagtatago sila ngayon sa kadiliman at anumang sandali'y aatake sa Ag'da, nakita ko na napabagsak na nila ang tribo ng Subanon, kasunod nito'y nagmartsa sila patungong Kogitun."
Nagkatinginan si Roni at Jazis dahil hindi pa rin nila maintindihan ang gustong tukuyin ni Baba Gita.
"Uhm... Problema po ba 'to?" tanong ni Roni at bigla siyang tinuktukan ni Baba Gita gamit ang tukod nito. "Aray ko po!"
"Isa itong malaking problema! Bawat oras ay lumalakas ang hukbo ng mga busaw! Sa oras na masakop nila ang buong Siranaw ay maaaring gisingin nila ang mga selestiyal!"
"Sorry po, ano naman po 'yung selestiyal?" tanong ni Jazis, medyo lumayo siya sa takot na matuktokan ni Baba Gita.
"Ang Minokawa at Tambanokano ! Nakita ko ang posibilidad na pabagsakin ng mga 'to ang Ugod na naghahati sa bawat mundo ng Ibayo!" naghihisterikal na sabi ni Baba Gita.
"E-Eh, ano naman pong gagawin namin? May iba kaming misyon—aray!" muling nakatikim ng tuktok si Roni kay Baba Gita, mangiyak-ngiyak siya dahil mabigat 'yon.
Napabuntong-hininga si Baba Gita. "Kasama ng inyong mga kaibigan ang magkasintahang si Agyu at Agrida—"
"Si Agyu?!" sabay na sigaw ni Roni at Jazis.
*****
LAKING pasasalamat nila ulit sa mahiwagang birang ni Leo dahil nagawa nilang magpatong ng itim na balabal. Nakasakay sila ngayon sa tig-iisang kabayo, at matagumpay silang nakalabas ng siyudad ng Ag'da nang walang nakakahuli sa kanila.
Lumingon si Rahinel kay Leo dahil nakita niyang napag-iiwanan ito dahil nahihirapan itong kontrolin ang kabayo, unang beses pa lang kasing nakasay ni Leo roon.
"Sabi ko sa'yo umangkas ka na lang sa'kin, Leo!" sigaw ni Rahinel. Sumenyas siya kay Agyu na huminto muna saglit para balikan ang nahihirapang si Leo.
"Ugh! Ano ba naman 'tong kabayo na 'to!" reklamo ni Leo dahil ayaw lumakad ng diri-diretso ng kabayong sakay niya.
"Bumaba ka na riyan dahil nagpapabagal ka, Leo," sabi ni Rahinel nang makalapit kay Leo. "Alam mo namang may hinahabol tayo rito, 'di ba?"
"Teka lang—kaunti na lang—susunod din 'to!" pero matigas ang ulo ni Leo at ayaw nitong sumunod. Napalakas ang hampas niya sa kabayo kaya bigla 'yong nagwala. "Ahh! Rahinel Tulong!"
Bumaba si Rahinel para tulungan si Leo pero bago pa siya makalapit sa kabayo nito ay tumalsik si Leo at bumagsak sa lupa.
"Leo! Anak ng!" sigaw ni Rahinel.
"Mga kaibigan, anong nangyari?" lumapit na rin si Agyu sa kanila at bumaba na rin. "Buhay pa ba siya?"
Yumukod si Rahinel para suriin ang kalagayan ni Leo, nakapikit na kasi ito.
"Huy, Leo!" tinapik ito ni Rahinel pero hindi na ito kumikilos. "Leo!" Sinampal-sampal na ni Rahinel si Leo dahil alam naman niyang buhay pa ito.
"Mama... Patay na ba 'ko?" bulong ni Leo nang hindi dumidilat ang mga mata.
Halos mapasampal sa noo si Rahinel. Pinilit niyang bumangon si Leo pero umaray ito.
"Rah, masakit, dahan-dahan," sabi ni Leo at minulat ang mga mata. Nasilaw siya sa liwanag at saktong nakita niya sa langit na may lumilipad na isang malaking ibon. "H-Huh? Mari?"
Napatingala si Rahinel at nakita rin ang lumilipad na ibon, kapansin-pansin ang hindi pangkarinawang laki nito. Dali-daling kinuha ni Rahinel ang telescope sa bag at sinilip 'yon.
"Si Mari nga!" masayang bulalas ni Rahinel.
"Si Mari?!" kaagad na bumangon si Leo na parang walang sakit na nararamdaman.
"Bumalik tayo!" sabi ni Rahinel. "Sundan natin si Mari! Paniguradong nandoon si Arki!"
Pinasakay ni Rah si Leo sa kabayo at mabilis itong pinatakbo para sundan ang direksyon na pinupuntahan ni Mari.
"Pero—" aangal pa sana si Agyu pero wala na itong nagawa at sumunod na rin.
Pero bago pa makapasok sa siyudad ng Ag'da ay nakita nila na unti-unting lumapag si Mari sa lupa. Kahit na malayo ay alam ni Rahinel na sila Arki 'yon.
"Ah! Si Arki nga!" sigaw ni Leo nang masilip sa telescope. "Arkiiii! Vivienneeee!"
Nang makalapit sila'y dali-dali silang umibis. Gulat na gulat si Arki nang makita sila.
"Rahinel! Leo!" patakbo niyang sinalubong ang mga 'to at sa tuwa niya'y nayakap niya ang mga 'to. "Akala ko nawala na kayo!" Kaagad ding bumitaw si Arki sa kanila.
"Arkiiii! Huhuhu! Akala ko mamamatay na 'ko! Huhu!" ngumangalngal na saad ni Leo.
Walang inusal si Rahinel at nanatili lamang itong nakangiti habang nakatingin kay Arki.
Si Vivienne ay parang wala lang na nakatayo sa isang gilid. At si Agyu ay halos malagutan ng hininga nang makita ang babaeng kasama nila Arki.
"Eh? Sino sila?" tanong ni Leo nang makita si Agrida at Bibot.
"M-Mahal ko..." napatingin sila kay Agyu na dahan-dahang naglakad papalapit kay Agrida.
"Agyu!" kaagad na sumalubong si Agrida. Nagyakap ng ubod ng higpit ang dalawa na parang walang bukas. Nakatingin lamang silang lahat dito.
"Ahm... guys... Sino sila?" bulong ni Leo.
Nagbitiw si Agyu at Agrida, magkahawak pa rin ang kanilang mga kamay at magkadikit ang mga noo.
"Siya si Agyu?" tanong ni Arki.
"Oo, siya nga ang taong kailangan natin," sabi ni Rahinel. "At siya si Agrida?" Tumango si Arki.
"Eh, sino naman 'tong bubwit na 'yon?" tanong ulit ni Leo na nakatingin kay Bibot.
"Si Prinsipe Bibot ng T'blan, mahabang kwento na nasama siya rito pero kailangan din natin siyang ibalik sa kaharian nila," sagot ni Arki.
"Aww... Ang kyut kyut naman!" nanggigil bigla si Leo kay Bibot kaya lumapit siya rito para kurutin si Bibot sa pisngi. Pero biglang hinampas ni Bibot ng plauta nito si Leo sa maselang bahagi. "W-Walang'ya kang bata—ka" Bumagsak si Leo sa sahig.
"Huwag na tayong mag-aksaya ng oras," biglang nagsalita si Vivienne. "Kasama na natin si Agyu, paano na tayo makakaalis sa lugar na 'to?"
"Wala pa si Jazis at Roni, hindi natin sila pwedeng iwanan," protesta ni Arki.
Natahimik sila. Kaagad ding binasag ni Leo ang katahimikan.
"Nako, don't tell me maghihiwa-hiwalay na naman tayo! Ayoko na, please lang!" si Leo.
Napaisip si Arki dahil tama si Leo, mas mainam kung hindi na sila maghihiwa-hiwalay. Pero hindi niya maiwasang mag-alala dahil wala silang idea kung nasaan sila Roni at Jazis.
"Mga kaibigan," sabi ni Agyu nang humarap sa kanila. "Kung didiretsuhin natin ang daan patungong norte ay makakarating tayo sa Subanon, maaari tayong makahiram doon ng bangka na pwede nating gamitin panglayag sa langit."
"Pero sila Roni at Jazis... Hindi natin sila pwedeng iwanan," protesta ni Arki. "Hindi rin tayo pwede maghiwa-hiwalay."
"We need to keep moving," sabi bigla ni Vivienne.
"Hindi mo ba narinig 'yung sinabi ko, Vee?" inis na sabi ni Arki, hinawakan siya ni Rahinel sa balikat para pakalmahin.
"Vivienne, tama si Arki, hindi tayo pwedeng umusad kung may maiiwan," sabi ni Rahinel.
Humugot nang malalim na hininga si Vivienne, tila kumuha ng lakas ng loob para magsalita. "Darating sila."
"Ha?" reaksyon nila.
"Alam nila kung nasaan tayo dahil may kasama rin silang balyan," maikling sabi ni Vivienne, may bakas ng pag-aalangan dahil naalala na naman niya ang pangyayari.
"Teka, teka," singit ni Arki. "Nalaman mo rin ba 'to ro'n sa parang mangkukulam?"
"Oo," sagot ni Vivienne. "Kaya magtiwala kayo sa'kin at kumilos na tayo."
"Uhm... Pwede bang sumakay na tayo kay Mari?" tanong ni Leo nang kuhanin si Mari na muling bumalik sa maliit nitong anyo. "Kaso... Parang pagod na siya ulit, hindi pa 'ata kumakain."
"Akin na 'yang manok ko!" biglang sumulpot si Bibot sa tabi ni Leo para kuhanin si Mari.
"Hoy! Anong manok mo!" at nag-away ang dalawa.
"Mas mainam siguro kung hindi natin gagamitin si Mari, hinahanap si Agrida ngayon dahil tumakas lang siya, alam nila na sa Ag'da kami nagtungo," sabi ni Arki. "Mas okay kung patago tayo."
"Sang-ayon ako, masyadong nakakaagaw ng atensyon si Mari," sinundan 'yon ni Rahinel.
Umiyak si Bibot nang hindi ibigay ni Leo si Mari kaya wala itong nagawa kundi ibigay sa bata ang Sarimanok.
"Paano 'tong paslit na 'to?" inis na tanong ni Leo.
"Ihahatid natin siya sa kanila sa oras na makasakay tayo sa barko sa Subanon," sagot ni Agrida.
Napatitig si Arki kay Vivienne, medyo nag-aalangan siya kung magtitiwala ba siya sa sinabi nito na darating sila Roni at Jazis. Pero wala nang nagawa si Arki, kailangan na nilang kumilos. Medyo napanatag na ang kalooban niya dahil kasama na nila ulit si Rahinel at Leo.
Muli nilang natagpuan ang kanilang mga sarili na binabaybay ang masukal na kagubatan patungong hilaga. Bago nila marating ang Subanon, isang tribo malapit sa dagat, ay madadaanan muna nila ang kaharian ng Kogitun.
Kakaiba ang kagubatan na binabaybay nila sapagkat maraming naglalakihang mga bato, senyales na malapit lang sila sa kaharian ng Kogitun na malalaking kweba at yungib sa ilalim ng lupa.
Inabot sila ng dilim sa daan nang magpasya silang magpalipas muna para magpahinga at kumain. Habang nag-aayos ng kanilang mga gamit ay hindi maiwasang magtanong ni Leo.
"W-Wala bang mga higanteng halimaw dito na bigla na lang susulpot?" tanong ni Leo habang nilalagay ang mga kahoy na nakalap sa apoy.
"Huwag kang mag-alala, kaibigan," sabi ni Agyu. "Ligtas tayo rito dahil matagal nang naitaboy ang mga busaw."
"Busaw? Ano naman 'yung busaw?" bulong na tanong ni Leo.
"Hindi ko rin alam, pero sure ako nangangain 'yon ng tao," sagot ni Arki.
Si Agrida ang nag-asikaso kay Bibot, naunang matulog ang mga babae at ang bata. Ang mga lalaki naman ang nagbabantay, magsasalitan sila ng pagbabantay.
"Hoy, Leo, huwag kang matulog," sabi ni Rahinel sabay tapik sa pisngi ni Leo na pumipikit-pikit na habang nakatayo.
Naghikab si Leo at pinilit na gumising. Ilang sandali pa'y naramdaman ni Leo na tinatawag siya ng kalikasan.
"Rah, samahan mo ako, nadi-jingle ako," bulong ni Leo.
"Ano ba naman 'yan, Leo, kalalaki mong tao," panunukso ni Rah.
"Aish, papasama lang, eh," reklamo ni Leo.
Sa huli ay si Leo ang mag-isang nagtungo mag-isa para umihi, hindi siya lumayo sa mga kasama niya dahil natatakot talaga siya sa kinaroroonan nila ngayon.
Nang matapos si Leo ay napatakip siya bigla ng ilong dahil nakaamoy siya ng masangsang na amoy.
"Ako ba 'yon?" inamoy niya 'yung sarili niya subalit natigilan siya nang marinig niya ang isang kakaibang tunog.
Umalingawngaw sa gubat ang sigaw ni Leo. Naalerto si Rahinel at Agyu, sila Arki naman ay nagising.
"Anong nangyayari?" tanong ni Arki.
"Si Leo!" sigaw ni Rah.
Siyang dating ni Leo na takut na takot.
"Guys, takbo!" iyon ang sinigaw ni Leo dahil sa likuran niya'y paparating ang isang batalyon ng mga busaw.
Nang makita ito ni Agyu sa malayo pa lang ay alam niya na mga busaw iyon.
"I-Imposible!" bulalas ni Agyu. "Paanong may busaw sa kagubatan?!"
Dali-dali silang kumilos at sumakay sila sa kanilang mga kabayo upang makatakbo. Pero nakita nila na tinutugis sila ng mga busaw na nakasakay din sa kabayo habang winawagayway ng mga 'to ang mga armas.
Si Agyu at Agrida ang nangunguna at kanilang sinusundan. Nakita nila sa kanilang gilid ang matataas na bato kung saan may mga tumatakbo ring busaw.
Subalit huminto bigla si Agyu at Agrida kung kaya't tumigil silang lahat.
"Napapaligiran na nila tayo!" sigaw ni Arki.
"Shet! Ayokong maging hapunan ng mga pangit na 'to!" sigaw naman ni Leo.
"Humanda kayo!" sigaw ni Rahinel sa kanila sabay labas ng kanyang nagbabagang espada.
Papalapit na nang papalapit sa kanila ang mga busaw. Napaisip si Arki, alam niyang pwede siyang gumawa ng paraan—alam niyang tutulungan siya ng mga diyosa.
Subalit hihiling pa lang si Arki nang bigla nilang marinig ang isang musika. Nakita nila si Bibot na naka-angkas kay Agrida, na tumutugtog ng kanyang plauta.
Umalingawngaw ang tunog ng plauta sa paligid.
"Hindi tayo lalagpas ng lugar na 'to nang hindi lumalaban," sabi ni Rahinel, nakahanda na ang kanyang espada.
Ilang sandali pa'y narinig nila ang pagtunog ng mga dahon ng puno. Narinig nila ang tunog ng pamilyar na hayop, lalo na kay Vivienne.
Biglang dumating ang mga Ikugan at inatake ang mga busaw sa kanilang paligid. Tumingin si Arki kay Bibot, ngayon lang niya napansin ang kakaibang aura na nagmumula sa plauta nito.
Si Bibot ang nagtawag sa mga Ikugan!
-xxx-
Busaw - is a legendary creature that resembles humans in appearance and behavior, raising farm animals and planting root crops. However, its favorite food is humans, resulting in scattered human skeletons on the grounds of its dwelling place.
Ang Huling Binukot as published book. 💛Edit ko lang 'to, guys, natuwa lang ako sa mga mockups masyado haha. 💛💛Sana real ang hardbound 😂#AngHulingBinukot#Wattpad#AnakniRizal
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top