/46/ Ang Tagpuan


Kabanata 46:
Ang Tagpuan


NAKASAKAY sa isang kulungang-karwahe si Roni at Jazis, animo'y isa silang mga mababangis na hayop na nahuli sa gubat. Hindi naman nakatali ang kanilang mga kamay at nakaupo lamang sila habang hila-hila ng mga kalabaw ang kanilang sinasakyan.

Napailing si Roni nang makita si Jazis na nakasandal at mahimbing na natutulog dahil naririnig niya ang hilik nito, napagod sa kakatakbo nila sa mga Ta-awi.

'Tingnan mo 'tong babaeng 'to, kakatayin na 'ata kami, nakuha niya pang matulog,' sa loob loob ni Roni.

Papunta sila sa kung saan at nasa loob pa rin sila ng kagubatan na pinamumugaran ng Ta-awi. Napansin ni Roni na hindi man lang nababahala ang mga kasama nilang kawal ng tribo ng Sangkil, nakita niya ang mga nakasabit sa kanilang leeg na isang trumpeta na ginagamit upang makontrol ang mga Ta-awi.

Kanina pa nakapag-ipon ng lakas si Roni, kung tutuusin ay kayang-kaya na niyang magpalit ng anyo upang makatakas sila ni Jazis. Subalit nakikiramdam lang siya sa paligid.

Napabuntong-hininga si Roni. Alam niyang mas lalong malalagay sa alanganin ang buhay nila ni Jazis kapag gumawa siya ng gulo. Naisip niya na mas maaaring ligtas sila na kasama ang tribo at nagbabaka sakali siyang maaari silang humingi ng tulong.

'Iyon lang ay kung hindi nila kami kakatayin at lulutuin ng buhay,' sa isip-isip ni Roni. Hindi niya kasi maiwasang maging mapanghusga base sa mga itsura ng mga taong kasama nila dahil naalala niya ang napanood niyang pelikula noon na mga tribong nangangain ng tao.

Ilang sandali pa'y tumigil sila sa gitna ng kagubatan. Nakiramdam si Roni. Nakita niya ang isang kawal na ginamit ang trumpeta at narinig niya ang tunog na 'yon na halos umalingawngaw sa paligid.

'May Ta-awi ba?' luminga-linga si Roni pero wala naman siyang nakitang Ta-awi.

Nagulat siya nang biglang may kumalabog mula sa ilalim at naalog sila. Nagising si Jazis nang mauntog sa gilid.

"Arouch!" si Jazis na pupungas-pungas.

Kinabahan si Roni na kaagad napalitan ng pagtataka, nakita niya na unti-unti silang umaangat sa lupa. 'Yung inaapakan pala nila ay isang malaki at malapad na kahoy, nakita ni Roni sa bawat kanto nito'y may mga makakapal na baging na siyang nag-aangat sa kanila paitaas.

"Anong nangyayari?" tanong ni Jazis na humikab pa. Bigla itong nagising nang makitang umaangat sila. "Ay shuta!"

"Ssshh!" saway ni Roni.

Inabot sila ng kalahating oras bago tumigil sa pag-angat. Muling hinila ang kanilang karwahe at halos mapanganga sila sa nakita.

Kinusot ni Roni ang mga mata niya sa pagbabaka sakaling hindi ito isang ilusyon.Mahigit isang daang talampakan ang kanilang inakyat at nakikita nila ngayon ang isang nayon sa mga puno—nakasabit ang bawat bahay na kahoy na pinag-uugnay ng mga kahoy na tulay at hagdan.

Walang kamalay-malay si Jazis at Roni na nasa kaharian na sila ng tribo ng Sangkil.

Dinala ang kanilang karwahe patungo sa gitnang puno na may malaking butas na tila pugad sa loob.

Bawat mga tao na makasalubong nila'y napapatingin sa kanila.

"R-Roni, kakainin na ba nila tayo?" natatakot na tanong ni Jazis na kumapit sa kanya.

"Kanina ko pa naiisip 'yan," kalmadong sagot niya.

Pinababa sila sa tapat ng yungib at sa entrada nito'y may nakatayong matandang babae.

"Baba Gita," bati ng mga kawal na kasama nila na sinabayan ng magalang na pagyuko.

"Pinabilib n'yo ako mga Indio, walang sinumang normal na nilalang nakakalagpas sa mga Ta-awi," sabi ni Baba Gita sa kanila na may masayang tono.

Maliit si Baba Gita, may hawak itong tungkod na pinulupot ng baging na mas mataas sa kanya. Nakatrintas ang mahabang buhok nito, mayroon itong magarang kasuotan at balabal na yari sa balat ng hayop.

Nagkatinginan si Roni at Jazis.

"Uhm... Alam n'yo po na hinabol kami ng mga halimaw?" nagtatakang tanong ni Jazis.

"Noong dumaong ang bangka ni Bantugan sa Siranaw ay pinanonood ko na kayo sa aking mahiwagang kawa. Tuloy kayo sa aking yungib, at may mahalaga akong sasabihin."

Nang mga sandaling 'yon ay napawi ang kaba at takot sa kanilang mga dibdib. Sumunod sila kay Baba Gita dahil naramdaman nilang may importante silang malalaman dito.


*****


HALOS malula at mamangha sina Arki at Vivienne buong biyahe nila patungong Bundok Apo sa kaharian ng tribo Tigabawa. Sumakay sila sa isang pribadong bangka—hindi 'yon pangkaraniwang bangka sapagkat kaya nitong lumipad sa ere.

Mabuti na lang at nasanay na sila sa paglipad kasama si Mari kaya hindi na sila nalulula sa taas.

Kakaunti lamang silang lulan ng lumilipad na bangka, si Bibot, dalawang alipin nito, tatlong kawal, si Kubil, at silang dalawa ni Vivienne.

Napatingin bigla si Arki kay Vivienne na kanyang katabi, nanunuyot na 'yung lalamunan niya simula nang si Vivienne ang makasama niya dahil hindi naman sila nag-uusap.Kaya sa pagkakataong 'to ay naisipan ni Arki na kausapin ito.

"Vee," tawag ni Arki.

Masamang tumingin si Vivienne kay Arki.

"Vee na lang ang itatawag ko sa'yo, ang haba ng Vivienne eh," sabi ni Arki na napakamot sa batok. "At saka kung 'Vivi' naman ay magmumukha kang bibe." Natawa si Arki sa sarili niyang joke pero napawi rin 'yon nang makita niyang seryoso lang si Vivienne. 'Ang sungit naman nito.'

"Whatever you like," bulong ni Vivienne at muling tumingin sa malayo.

"Alam mo," hindi pa rin sumuko si Arki, "nagtataka pa rin ako kung bakit ka sumama sa'min. Hindi ka naman friends kay Yumi kaya kung tutuusin nga wala ka namang pake sa kanya."

"You're right, wala naman talaga akong pake sa kaibigan n'yo," sagot ni Vivienne nang hindi tumitingin sa kanya. "I came here because I wanted to prove something."

"I-prove ang alin?" tanong niya.

"My father found this place—Ibayo. He wrote everything he encountered in his journal, and of course, no one believed him, everybody called him crazy," sabi ni Vivienne, dama ni Arki ang lungkot sa himig nito kahit malamig ang boses. "I used to believe his magical stories, but then... I believed other people eventually—that he's crazy. And now, nandito na 'ko at totoo pala talaga ang mga nakita niya."

Biglang natameme si Arki, hindi niya alam ang isasagot dahil nabigla siya sa pagkukwento ni Vivienne.

"Ahh... Okay... Pero sa tingin mo ba kung babalik tayo sa mundo natin eh mapapatunayan mo sa mga tao 'yung mga nakita mo rito?" simpleng tanong ni Arki.

"I don't think so," sagot ni Vivienne. "Baka nga hindi na tayo makabalik ng buhay sa mundo natin. Si Sitan ang kalaban dito, Arki."

Biglang uminit ang ulo niya sa narinig mula kay Vivienne. Para bang sinasabi nito sa kanya na wala na silang pag-asa. Sasagot pa lang siya nang biglang lumapit sa kanila si Kubil.

"Kamusta naman kayo mga binibini?" nakangiting tanong nito sa kanila. "Maayos naman ba ang inyong mga pakiramdam?"

"O-Opo," sagot ni Arki at pilit na ngumiti.

Nagkwento si Kubil tungkol sa sasakyan nilang bangka, napilitan tuloy si Arki na balewalain ang inis na nararamdaman niya kay Vivienne. Habang nagkukwento si Kubil ay nabanggit nito ang pangalang Agyu, ayon dito si Agyu raw ang nagbasbas sa kanilang bangkang sinasakyan kung kaya't nakalilipad ito.

"Agyu?!" bulalas ni Arki kaya nagulat si Kubil. "A-h... Eh... Si Agyu? Kilala n'yo po si Agyu? Alam n'yo po kung nasaan siya?" nasasabik niyang tanong.

"Si Agyu ang kilalang manggagawa ng mga bangka na lumilipad sa buong Siranaw," nag-aalangang sagot ni Kubil. "Nasa dugo ng kanilang angkan ang mahikang makapagpalipad ng bangka papuntang langit. Subalit sa panahon ngayon ay walang nakakaalam kung nasaan siya, ang sabi'y sa Mansaka siya naninirahan."

Kahit na walang kasiguraduhan ang kinaroroonan ni Arki ay nabuhayan siya ng loob kahit papaano.

Ilang sandali pa'y nakarating sila sa Tagabawa at nakita nila ang pinakamataas na bundok sa buong Siranaw—ang bundok Apo. Sa tuktok nito makikita ang palasyo—ang panteon ng mga diyos ng Siranaw.

Dumaong ang kanilang bangka sa daungan ng pateyon. Mas lalong namangha si Arki dahil animo'y isa itong kastilyo na tinurok sa ibabaw ng bundok. Kapag natatamaan ito ng sikat ng araw ay nagiging kulay ginto ang buong kaharian.

Pinatuloy sila sa loob ng palasyo at kinilala sila bilang kasama ni Prinsipe Bibot kung kaya't binigyan din sila ng sariling silid.

"Maraming salamat po sa paghatid sa'min dito," sabi ni Arki kay Kubil.

"Walang anuman, binibini, nawa'y magtagpo pa ang ating mga landas at gabayan kayo ng mga diyos," paalam ni Kubil sa kanila.

Si Bibot ay ni hindi man lang sila pinansin. Iniwanan na sila ng mga 'to sa kanilang silid upang pumunta sa seremonya ng kasal.

Humarap si Arki kay Vivienne. "Okay, nandito na tayo sa tagpuan, ang tanong lang ay kung nandito rin ba ang mga kasama natin," sabi niya.

Hindi sumagot si Vivienne at tumingin lang sa bintana. Mabuti na lamang at makapal ang suot nilang damit dahil sa napakalamig na temperatura.

"I don't think they're here yet," sabi ni Vivienne habang nakatanaw sa bintana.

"Ha? Pa'no mo naman nasabi 'yan?" inis na tanong ni Arki, napipikon na siya sa ugali ng kasama niya.

"Just instinct."

"Alam mo, bakit ba ang pessimist mo? Atittude ka masyado, girl!" sawakas ay nasabi na niya ang gusto niyang sabihin pero hindi tumalab 'yon kay Vivienne. "Maki-cooperate ka naman!"

Tumingin lang si Vivienne sa kanya at bigla itong napakunot nang may mapansin.

"Where's the chicken?" tanong ni Vivienne.

"Anong chicken?!" natigilan si Arki nang may maalala. "Si Mari?! Nawawala si Mari!"


*****


"WALANG'YA ka Rahinel! Akala ko ba stealth mode tayo pero bakit tayo hinahabol ngayon?!" Sigaw ni Leo habang tumatakbo sila mula sa mga kawal ng presinto.

"Sinabi ko na sa'yo na change of plans!" sagot ni Rahinel na nangunguna sa pagtakbo.

"Hulog talaga kayo ng langit mga kaibigan! Maraming salamat!" kanina pa nagpapasalamat si Agyu sa kanila at hindi man lang alintana ang paghabol sa kanila.

"Ikaw! Kanina ka pa thank you nang thank you, naririnidi na 'ko sa'yo!" Sabi ni Leo. "Nang dahil sa'yo mamamatay na kami!"

Biglang umulan ng pana sa kanilang paligid at halos maiyak si Leo sa takot.

"Rahinel! Kapag ako namatay papatayin ako ng nanay ko!" sigaw ni Leo sa takot.

Hindi mapigilang matawa ni Rahinel. "Huwag kang mag-alala, sasabihin ko na namatay kang matapang!"

"May alam kong ligtas na lugar para sa'ting lahat!" sabi ni Agyu na bumilis ang pagtakbo na ngayon ay nangunguna na.

"Huwaw! Bakit ngayon mo lang sinabi?!" galit na sigaw ni Leo.

Nagawa nilang mapalaya si Agyu kanina at nagawa rin nilang makatakas sa loob ng presinto, kaya tuloy tinutugis sila ngayon sa Ag'da.

Lumiko si Agyu sa isang masikip na eskinita at nagpaliku-liko sila kung saan-saan. Naririnig pa rin nila ang mga yabag ng kawal na humahabol sa kanila.

Huminto bigla si Agyu dahil nasa kabilang direksyon na rin ang mga kawal. Pero hindi ito nabahala dahil bigla nitong binuksan ang isang bato sa pader na hindi mo mahahalatang pintuan. Pumasok silang tatlo sa loob at saktong dumaan ang mga kawal nang hindi sila nahuhuli.

Hingal na hingal silang tatlo at napasandal sila nang maramdamang naglaho ang mga yabag.

"Wala na sila!" masayang sabi ni Agyu. "Sumunod kayo sa'kin, mga kaibigan."

Kumilos si Agyu at may hinila ito sa itaas at bumaba ang isang makipot na hagdan. Nauna itong umakyat at binuksan ang isang kahoy.

Nang makakaakyat sila'y tumambad sa kanila ang isang maliit na silid. Nagbukas ng gasera si Agyu at nagkaroon ng munting liwanag sa paligid.

Umupo silang lahat sa maliit na kahoy na upuan at napabuntong-hininga si Agyu.

"Siguro naman kailangan mong ipaliwanag sa'min kung anong ginawa mo," seryosong sabi ni Rahinel habang nakahalukipkip.

Nanatiling nakayuko si Agyu, nawala ang kaninang pagiging masayahin nito. "Gusto kong humingi ng tawad sa ginawa ko sa inyo, alam kong mali ang ginawa ko."

"Aba, mali talaga—" sasabat si Leo nang patigilin siya ni Rahinel upang hayaan si Agyu na magsalita.

Nag-angat ng tingin si Agyu at tumingin ito sa kanila na may nangungusap na mga mata.

"Kinailangan ko lang talagang magmadali dahil may naghihintay sa'kin, pero kahit ano palang gawin ko'y mahuhuli at mahuhuli rin ako," sabi nito.

"Sino ang naghihintay sa'yo?" naniningkit na tanong ni Rahinel.

"Ikakasal siya ngayon sa Tigabawa sa Bundok Apo, ang mahal ko na si Agrida..." sabi ni Agyu at nagpatuloy sa pagkukwento.

Ikinuwento ni Agyu sa kanila kung paano sila nagkakilala ni Agrida. Isang prinsesa si Agrida na lihim na pumupuslit sa kanilang kaharian upang magtungo sa Ag'da para tumulong sa mga mahihirap, pinagtagpo sila ng tadhana at 'di nagtagal ay nahulog ang loob sa isa't isa.

May isa lamang malaking problema, nalaman ni Agyu na prinsesa si Agrida ng tribo ng Manuvu at nakatakda itong ikasal. Kung kaya't bumuo sila ng plano upang makatakas.

"Pumunta ako ng Sangkil upang bawiin kay Baba Gita ang mahikang iniwan ko," sabi ni Agyu.

"Mahikang iniwan?" ulit ni Rahinel.

"Nasa dugo ng aking ninuno ang mahika na magpalipad at maglayag ng mga barko sa langit, siyang dahilan kung bakit maraming tumutugis sa'kin upang gamitin ako bilang kasangkapan sa gera," sabi ni Agyu na may poot ang tinig. "Kaya iniwan ko ang kapangyarihang 'yon kay Baba Gita. Subalit nang magplano kami ni Agrida ay muli kong binawi ang mahikang 'yon dahil parte ng plano namin na itatakas ko siya sa kasal at maglalayag kami patungong langit."

"Teka, teka, teka," sumingit bigla si Leo. "Ang sabi sa'min ni Bantugan meron ka raw flying ship—este Sarimbar, 'yung barko na lumilipad papuntang langit? Nasaan na 'yon?"

"Matagal nang nakalayag sa langit ang Sarimbar," sagot ni Agyu.

"Pero kaya mo pa ring magpalipad 'di ba?" paniniguardo ni Leo at tumango si Agyu. "Wew! Ang cool!"

"Ano ang usapan n'yo ni Agrida?" tanong ni Rahinel.

"Napag-usapan namin sa oras na makuha kong muli kay Baba Gita ang mahika ay itatakas ko siya sa kasal at maglalayag kami papuntang langit," sagot ni Agyu. "Subalit lubhang huli na ako sa oras."

"Paano 'yan? Hindi mo naitakas si Agrida?" si Leo.

"May ikalawa kaming plano na sa oras na hindi ako umabot ay si Agrida ang tatakas at magkikita kami rito sa aming tagpuan."

"Mahusay! Magaling!" bulalas ni Leo at napatayo pa ito sa sobrang galak, pero nang maalala sila Arki ay kaagad ding napaupo. "Pero may mga kasama pa kami!" bumaling si Leo kay Rahinel. "Paano sila Arki?!"

Nakalagay ang kamay ni Rahinel sa kanyang baba at nag-iisip nang malalim. "Nasa Bundok Apo si Agrida, doon din ang tagpuan natin nila Arki... Paano kung nandoon na sila sa Bundok Apo? Kung gano'n maaaring... pero maaari ring hindi..."

"Ano? Ang gulo mo, boy! Anong gagawin natin, Rah?" bulong ni Leo. "Kapag naunang dumating si Agrida dito for sure iiwanan na naman tayo nitong ni Agyu, inlababo masyado! Wala 'tong pake sa'tin!"

Hindi pinansin ni Rah si Leo at tumayo siya.

"Paumanhin pero hindi ko magagawang maghintay dito," sabi ni Rahinel.

"Aalis kayo, mga kaibigan?" tanong ni Agyu.

"Aalis tayo, Rah?!" tanong din ni Leo.

"Parehas nasa Bundok Apo ang mahahalagang tao sa'tin, Agyu. Hindi ko hahayaang maghintay dito, kung talagang lalaki ka, gagawa ka ng paraan para makita ang taong mahal mo."

Dali-daling naglakad si Rahinel paalis.

"Hoy, Rah!" walang nagawa si Leo kundi sumunod.

Napaisip si Agyu at napagtantong tama si Rahinel. Tumayo si Agyu at sumunod sa kanila.


*****


Pinilit kumalma ni Arki. Lumabas sila ni Vivienne at magkasamang nilibot ang palasyo upang hanapin si Mari.

Lubhang malaki ang palasyo na mistulang katedral, wala silang mga ibang tao na nakita dahil abala ang lahat sa nangyayaring seremonyang kasal. Lumipas ang isang oras nang mapagod silang dalawa at huminto sila sa gitna ng malawak na pasilyo.

"Okay, Vee, sabihin mo sa'kin fucked up na tayo," nanlulumong sabi ni Arki. "Walang senyales na nandito 'yung mga kasama natin. Si Agyu wala tayong idea kung nasaan,at si Mari nawawala!"hindi alam ni Arki kung maiiyak na ba siya sa sobrang pagkabahala, nauubusan na siya ng pag-asa. "Tapos si Yumi... Si Yumi..."

Hinawakan bigla ni Vivienne sa balikat si Arki.

"This is not the time to whine, Arki. You need to calm down," seryosong sabi ni Vivienne pero naramdaman niya na may himig 'yon ng pampalakas ng loob. "Walang mangyayari kung magmumukmok ka. We won't stop searching."

"Sa laki ng lugar na 'to paano natin sila mahahanap?"

"Let's split up. Magtatanung-tanong ako kung may mga indio ba silang nakita, magtatanung-tanong din ako tungkol kay Agyu. At ikaw, mahalaga sa'yo ang manok na 'yon kaya ikaw ang maghanap kay Mari."

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nawala ang inis ni Arki kay Vivienne dahil may naitutulong itong maganda sa kanya.

"S-saan ko hahanapin si Mari?" tanong niya.

"Try looking for that brat prince, I got a hunch na nasa kanya ang manok," sabi ni Vivienne.

Bigla siyang naliwanagan.

"Sige," sabi niya at pinahid ang namumuong luha sa mga mata.

Kaagad silang naghiwalay ng direksyon. Hinanap ni Arki kung saan ginaganap ang kasal dahil maaaring nandoon si Bibot.

May narinig siyang tunog ng mga instrumento at iyon ang sinundan niya.

Ilang sandali pa'y nahanap niya ang pinagdadausan ng kasal, tila isang engrandeng balkonahe ng palasyo, bukas na bukas ang paligid at kita ang buong tanawin ng Siranaw. Maraming mga bulaklak at mahalimuyak ang mga amoy nito.

May mga iilang panauhin. Sa unahan ay tila may isang altar at naroon ang isang makisig na mandirigma na naghihintay sa kanyang mapapangasawa na kasulukuyang naglalakad sa gitna. Nakasuot ng magarbong pulang kasuotan ang babae, nababalutan ang kanyang ulo at mukha ng belo kaya walang nakakakita ng kanyang mukha.

Nagdahan-dahan ng kilos si Arki dahil pakiramdam niya'y sakramental ang mga nangyayari. Nagtago siya sa malaking marmol na haligi na pinaikutan ng mga dahon at bulaklak.

Maya-maya'y nahanap niya si Bibot na nakaupo, katabi si Kubil, habang may hawak-hawak.

"Walang'ya ka Bibot!" gigil na bulong ni Arki nang makita niya na nasa kanlungan ni Bibot si Mari at hinihimas-himas nito. "Paano napunta sa'yo ang manok namin?!"

Nag-iisip si Arki kung paano niya makukuha kay Bibot ang kanilang alaga.

Tumunog nang malakas ang kampanilya at napatingin si Arki sa harapan, nakita niya na kasama na ng mandirigma ang kanyang mapapangasawa.

Pinanood niya kung paano iniangat ng mandirigma ang belo ng babae subalit nagimbal sila.

"Nasaan si Agrida?!" sigaw ng isa.

"Nawawala si Agrida!"

Ang kaninang sakramental ay napalitan ng histerikal at kaguluhan. Base sa pagkakaintindi ni Arki ay impostora ang babaeng nasa altar.Ang mga bisitang kawal ay kaagad na tumakbo upang halughugin ang palasyo.

Nakita niya si Bibot na inalalayan ng dalawang alipin nito upang umalis sa magulong eksena.Dali-dali siyang kumilos upang sundan ito. Papunta si Bibot ngayon sa kanyang silid upang magtago mula sa kaguluhan.

Nagmamadali si Arki nang biglang may humila sa kanya sa gilid.Halos bumagsak siya sa lakas ng hila sa kanya.

"Ssshh!" nanlaki ang mga mata ni Arki nang makita niya ang isang magandang babae ang humila sa kanya. "Pakiusap, kailangan ko nang tulong mo," mahinang pagmamakaawa nito sa kanya.

Napakunot si Arki. "Huh? S-Sino ka?"

"Ako si Agrida, narinig ko kayo kanina. Alam ko kung nasaan si Agyu."

"A-Ano?!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top