/44/ Ang Binatilyo


Kabanata 44:
 Ang Binatilyo


MARIRINIG sa buong kagubatan ng Sangkil ang pagtili ni Jazis. Halos mapatid na ang litid ng kanyang lalamunan, takut na takot siyang nakapasan sa likuran ni Roni—na nag-anyong Tikbalang upang mas makatakbo ng mabilis papalayo mula sa mga Ta-awi na humahabol sa kanila.

"Roniiiii!" sigaw ni Jazis na mangiyak-ngiyak.

Kahit na sobrang bilis ng Tikbalang na si Roni ay hindi pa rin nila mailigaw ang mga Ta-awi sa kanilang likuran. Umakyat na sa malaking puno si Roni at nagpatalun-talon sa mga sanga.

Halos malamog naman si Jazis na nakasakay sa kanyang likuran.

Noong nagdaang gabi ay nagpalipas sila sa isang yungib, nang pumatak ang sikat ng araw ay kaagad silang naglakad upang pumunta sa kanilang dapat puntahan—ang Bundok Apo, ang kanilang tagpuan.

Subalit nasa pinakahitik na teritoryo sila ng mga Ta-awi at ilang sandali pa'y muli nilang natagpuan ang kanilang mga sarili na tinutugis ng isang batalyon nito.

Hindi rin alam ni Roni kung saan ang tamang direksyon kaya nagpapaikut-ikot lang sila sa loob ng kagubatan.

Matapos magpatalun-talon sa mga sanga ng malalaking puno ay bumaba si Roni at bumalik siya sa kanyang normal na anyo, hingal na hingal at sobrang pagod.

Si Jazis naman ay lupaypay ding napahiga sa lupa, halos mahilu-hilo. Nararamdaman pa rin nila ang pagyanig ng lupa, pahiwatig na hinahabol pa rin sila ng mga Ta-awi sa kanilang likuran.

"Ayoko na, mamamatay na 'ko," sabi ni Jazis habang sapo ang ulo at pilit na tumayo. "Roni! Huy!" tinapik ni Jazis si Roni na malapit nang mawalan ng malay.

"J-Jazis..." naghihingalo na ang paningin ni Roni dala ng sobrang enerhiya na kanyang ginamit.

Sumilay ang matinding pag-aalala sa mukha ni Jazis at dali-dali niyang inakay si Roni dahil kapag hindi sila kumilos ay tiyak na magiging panlaman sila ng tiyan ng mga Ta-awi.

"Letchugas ang bigat mo!" reklamo ni Jazis habang inaalalayang maglakad si Roni. "Kailangan nating tumakas ng buhay dito, Roni! Huwag mo 'kong tulugan!"

Naiiyak na si Jazis dahil parang nawawalan na ng ulirat si Roni. Kahit na nawawalan ng pag-asa ay hindi sumuko si Jazis.

"Ayoko pang mamatay, ayoko pang mamatay, ayoko pang mamatay," paulit-ulit niyang sambit.

Maya-maya'y dumating na ang kinatatakutan ni Jazis, nakahabol na sa kanila ang mga Ta-awi at wala siyang ibang nagawa kundi bilisan ang paglalakad habang akay si Roni.

Pero nanghina si Jazis nang makita niyang natabunan siya ng anino ng Ta-awi na nasa likuran niya, paglingon niya'y nakita niya ang kamay na dadakma sa kanila ni Roni.

Walang ibang nagawa si Jazis kundi mapatili at mapapikit.

Hinihintay niya ang pag-ipit sa kanilang katawan ng kamay ng Ta-awi nang makarinig siya ng tunog ng isang trumpeta. Napadilat siya at nakitang nakahinto sa ere ang kamay ng Ta-awi.

"H-Huh?" takang-taka niyang usal habang damang-dama ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.

Nakita ni Jazis sa likuran ng Ta-awi sa kanilang harapan ang iba pang mga Ta-awi na nakahinto sa paggalaw.

"A-Anong nangyayari?" bulong niya sa kanyang sarili.

Hindi siya nag-aksaya ng oras at kaagad siyang naglakad habang akay si Roni. Subalit pag-apak niya sa sumunod na lupa ay bigla silang nakulong sa isang lambat na bumalot sa kanilang buong katawan.

"Ano na naman itez!" sigaw niya pagkatapos sumigaw. "Gusto ko nang umuwi!" hindi na niya mapigilang ngumalngal.

Natigilan si Jazis nang makita niya ang mga nilalang—mga tao katulad nila, ang papalapit sa kanilang kinaroroonan.

Kinabahan siya dahil sa itsura ng mga 'yon. Mga nakabahag na lalaki na may mga sungay sa ulo. Kapansin-pansin ang mga balat nilang halos kasingkulay ng lupa, at kanilang mga suot na burloloy na yari sa buto ng mga hayop.

Ang hindi niya alam ay iyon ang mga mandirigma ng Sangkil, may mga hawak itong mahahabang sibat, ang iba naman ay pana. Nakita ni Jazis ang isang sungay na tila trumpeta—iyon ang pinanggalingan ng tunog kanina, isang mistikal na kagamitan upang makontrol ang mga Ta-awi.

Halos mapigil ang hininga ni Jazis nang lapitan sila nito. Nagkatinginan ang mga mandirigma sa isa't isa nang makumpirma ang mga nilalang na kanilang natagpuan.

"Indio."

"Dalhin kay Baba Gita."


*****


MATAGUMPAY na nakalabas ng ligtas sa kagubatan ng Sangkil si Rahinel at Leo sa tulong ng kanilang mapa at compass. Sa kabutihang palad ay wala silang naekwentrong mga Ta-awi.

Natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa isang malawak na lupain na lambak na may ilog sa gilid. Tirik na tirik ang araw.

"Mukhang malayo pa tayo," sabi ni Rahinel habang binabasa ang mapa.

"Rah, baka naman..." nag-aalangang sabi ni Leo at napatingin sa kanya si Rahinel. "Buong araw na tayong naglalakad, pagod na 'ko eh. Baka pwede naman akong magwish ng sasakyan para mas mapabilis tayo."

"Sasakyan?" ulit ni Rahinel nang marinig ang sinabi niya. Napaisip saglit si Rahinel. "Hindi natin alam kung anong halimaw na naman ang matawag ng atensyon ng birang mo."

"Sige na naman... Baka mamaya abutin tayo ng isang buwan sa paglalakad eh!" OA na sabi ni Leo dahil pagod na talaga siya sa paglalakad.

Napangisi si Rahinel. "Hindi natin kailangan gamitin ang birang mo."

"Huh?" napakunot noo si Leo.

Nilagay ni Rahinel ang daliri niya sa bibig at buong lakas na sumipol.

"Anong ginagawa mo, Rahinel?"

"Maghintay ka," sabi ni Rahinel at ilang sandali pa'y nakita nila ang itim na kabayo na tumatakbo papunta sa kinaroroonan nila.

Halos malaglag ang panga ni Leo. "Saan nanggaling 'yan?! Magic?!"

Umiling si Rahinel. "Sikretong malupit," biro ni Rahinel at napasimangot na lang si Leo.

"Gusto ko rin ng kabayo, bakit ikaw lang ang meron?" reklamo ni Leo.

"Marunong ka ba?" tanong ni Rahinel sa kanya.

"Hindi—"

"Oh hindi pala, sumakay ka na at aabutin tayo ng siyam-siyam dito."

Wala nang nagawa si Leo kundi sumampa sa kabayo, inalalayan siya ni Rahinel. Kaagad na pinatakbo 'yon ni Rahinel para baybayin nila ang mahabang talampas.

Ayon sa mapa na nabasa ni Rahinel kanina ay kailangan lang nilang diretsuhin ang norte upang marating ang Ag'da. Hindi nabanggit ni Bantugan sa kanila kung ano ang Ag'da pero may hinuha si Rahinel na naroon ang sentralisasyon ng buong Siranaw.

Lumipas ang dalawang oras at wala pa sila sa kalahati ng kanilang paglalakbay. Naaninag ni Leo sa malayo na may isang nilalang ang nakasalampak sa lupa—parang tao.

"Rah, ano 'yon?!" sigaw ni Leo sabay turo sa nakita niya.

Nang mapansin din ni Rahinel 'yon ay kaagad niyang hininto ang kabayo at iginiya ang kabayo sa direksyon ng kanan kung nasaan ang nilalang.

"Tao?" sambit ni Leo. "P-Patay na?"

Kaagad bumaba si Rahinel upang tingnan ang lalaking nakadapa. Tinapik iyon ni Rahinel sa balikat, naramdaman ni Rahinel na gumalaw ang lalaki kaya tinulungan niya itong tumihaya.

"T-Tubig... Pahingi ako ng tubig..." nanghihinang sabi ng lalaki, madumi ang mukha nito dahil nasubsob ang mukha sa lupa.

"Leo, tubig, iabot mo sa'kin 'yung tapayan ko." Utos ni Rahinel na kaagad namang sinunod ni Leo.

Bumaba si Leo ng kabayo para iabot kay Rahinel ang tapayan. Hinawakan ni Rahinel ang ulo ng estrangherong lalaki upang maalalayan itong uminom, naubos nito ang laman no'n.

"Pagkain... pagkain..." sumunod na sambit ng estranghero.

"Aba, demanding si kuya," komento ni Leo.

Napatingala si Rahinel upang tingnan ang araw para matantiya ang oras. Pasado tanghalian na at hindi pa sila kumakain ni Leo.

"Sumilong muna tayo," sabi ni Rahinel kay Leo.

"Ha? 'Di ba nagmamadali tayo?"

"Hindi ka ba nagugutom?" tanong ni Rahinel.

"Sabi ko nga sisilong eh," sabi ni Leo na wala nang nagawa.

Sinakay nila sa kabayo ang nanghihinang lalaki at nagtungo sila sa ilalim ng isang malaking puno para lumilim. Inalalayan nilang ihiga ang nanghihinang lalaki.

Pinagmasdan nila ang itsura nito, nakasuot ng pulang putong sa ulo, asul na kamisetang guhit-guhit at pambaba, at mayroong mga kwintas na borloloy sa leeg. May nakasabit din itong dilaw na telang balutan sa likuran.

Gumawa ng apoy si Rahinel at Leo, naghanda rin sila ng makakakain, may natitira pa silang mga baon galing sa Sama Dilaut.

Ilang sandali pa'y nang umuusok ang niluluto nila ay nagising ang estranghero subalit nanghihina ito.

"Pagkaiiiin..." halos pagapang itong pumunta sa kinaroroonan ng apoy at mabuti na lang ay nahampas ni Leo ang kamay nito.

"Hoy!" saway ni Leo.

Nang maluto ang pagkain ay binigyan nila ang estranghero at hayok na hayok itong kumain. Halos mapanganga sila sa bilis nito at kumuha pa ng panibagong isda.

"Tirhan mo kami!" saway ni Leo.

Pagkatapos ay inubos ng binatilyo ang tubig na baon nila kaya inis na inis si Leo na sumalok sa malapit na ilog.

"Malinis kaya 'to?" bulong ni Leo sa sarili nang makabalik mula sa ilog. "Ito kasing si Rah... Pwede naman kaming magwish sa magig birang ko..."

"Hay, salamat! Busog na 'ko!" masayang sabi ng estranghero na ngayon ay buhay na buhay na. "Maraming salamat sa inyo mga kaibigan! Muntik na 'kong mamatay sa uhaw at gutom!" masaya nitong sambit sa kanila.

"Talagang dapat kang magpasalamat sa'min," nakangusong sabi ni Leo at ininom ang tubig na kinuha sa ilog pero 'agad niyang nabuga 'yon. "Ang pangit ng lasa!"

"Marumi na ang tubig sa ilog dahil lahat ng polusyon sa siyudad ng Ag'da roon natatapon," sabi ng binatilyo na nakangiti pa.

"Yaak, kadiri!" reklamo ni Leo at pumunta sa malayo para dumuwal.

Pinakiramdaman ni Rahinel ang ugali ng estranghero, base sa pananalita at aura nito ay mukhang masayahin itong tao at simple lang ang pananaw sa buhay.

"Alam mo kung saan ang Ag'da?" tanong ni Rahinel.

"Oo, pag diniretso mo 'tong mahabang talampas na 'to bubungad na sa'yo ang siyudad ng Ag'da," nakangiting tanong ng binatilyo.

Muling lumapit si Leo sa kanila. "Hoy, inubos mo 'yung tubig namin!"

"Pasensiya na mga kaibigan," pinagdikit ng binatilyo ang dalawang palad at bahagyang yumuko. Napakamot ito sa ulo pagkatapos. "Hmm... Base sa mga itsura n'yo para kayong mga dayo..."

"Tama ka, mga dayo kami mula sa kabilang mundo," sabi ni Rahinel. Napagdesisyunan nitong sabihin ang totoo sa estranghero dahil malakas ang pakiramdam niya na makakatulong ito sa kanila.

"Hoy, Rahinel!" pinanlakihan ni Leo ng mata si Rahinel atsaka bumulong. "Ba't mo sinabi? Baka mamaya malagot tayo—"

"Talaga? Kung gano'n, maligayang pagdating sa Siranaw, mga kaibigan. Ako nga pala si Agyu!"

Natigilan si Leo at Rahinel nang marinig 'yon.

"A-Anong sabi mo—"

"Ikaw si Agyu!!!" at halos umalingawngaw ang boses ni Leo sa buong paligid.


*****


NAALIMPUNGATAN si Arki nang maramdaman ang ginaw. Kaagad siyang bumangon at napagtantong nakahiga siya sa lupa habang nakaunan ang bag niya sa ulo at may kumot sa kanyang ibabaw.

"H-Huh?" napatingin siya sa paligid at nakitang nasa hindi pamilyar na lugar siya.

Matataas at payat ang mga puno. Nakita niya ang usok ulap na tila usok na bumabalot sa paligid. Tirik na tirik ang araw pero napayakap siya sarili dahil sa lamig.

"Thank goodness you're awake," narinig niya ang boses ni Vivienne, wala man lang bakas ng pag-alala 'yon. "Eat."

Hinagisan siya nito ng isang platik na naglalaman ng tinapay.

"N-Nasaan na tayo?" tanong niya at napatingin siya sa gilid, nakita niya 'yung bayong ni Lola Bangs na nakatumba sa gilid, nasilip niya roon si Mari na natutulog.

"I don't know," sagot ni Vivienne. "Basta we're somewhere in a high-mountain, kaya ganito kalamig."

"Hindi kaya nasa Bundok Apo na tayo?" sabi niya.

"I doubt it," sabi ni Vivienne na umupo 'di kalayuan at sumandal sa puno. "I scouted the area, I saw the highest mountain around North-West. At least, we can follow that direction. Hininitay lang kitang magising, kumain ka na at maglalakad pa tayo." Mahabang sabi ni Vivienne.

Natameme na lang si Arki at kaagad na sinunod ang utos ni Vivienne na kumain. Tsaka siya nakaramdam ng gutom at sabik na sabik niyang kinain ang mga tinapay, halos maubos na niya 'yon. Lumapit sa kanya si Mari na nagising at hinagisan niya ito ng piraso ng tinapay at tinuka-tuka nito.

"Anong nangyari?" tanong niya pagkatapos uminom ng tubig na kinuha niya sa kanyang bag.

"Well, you know what happened," walang ganang sagot ni Vivienne. "We lost Rahinel, Leo, Jazis, and Roni. Nawalan ka ng malay, that chicken brought us here last night and..." biglang natigilan si Vivienne nang maalala ang mga pangyayari kagabi.

"Ano?" tanong ni Arki.

"A-At ngayon ka na lang ulit nagising," sabi ni Vivienne na mas piniling hindi sabihin ang kakaibang nasaksihan noong gabi.

Kumilos si Arki, inayos niya ang kanyang sarili at mga gamit. Sinuot niya ang makapal na jacket na baon sa bag atsaka tumayo siya. Nagkaroon na siya bigla ng lakas.

"Tara na," sabi ni Arki at tumitig lang sa kanya si Vivienne. "Bakit?"

"Nothing," bulong ni Vivienne tsaka tumayo na rin.

Nagsimula silang maglakad upang makababa ng bundok. Natagpuan ni Vivienne ang isang bulaos (trail) at iyon ang sinusundan nila para makababa ng bundok.

May katarikan ang bundok at medyo madulas ang lupa dahil basa 'yon. Inabot din sila ng tatlong oras nang magpahinga sila nang makita nila ang isang patag na bahagi na may malaking bato.

Kanina pa nag-iisip si Vivienne kung dapat ba niyang kilatisin si Arki, kaya siya nagpapahuli para maobserbahan ang kilos nito.

'Imposibleng guni-guni ko lang 'yon...' sabi ni Vivienne sa isip habang nakatingin kay Arki.

"Wala na tayong tubig," sabi bigla ni Arki. "Sana may makuhanan tayo rito sa bundok."

Hindi kumibo si Vivienne at muli silang naglakad pababa ng bundok.

Kasabay nilang bumababa ang araw at nang malapit nang lumubog 'yon ay nagsalita ulit si Arki, hindi kasi sila nag-uusap ni Vivienne.

"Magpalipas ba muna tayo?" tanong niya dahil sa totoo lang ay nabuburyo na siya sa katahimikan. 'Bakit kasi ito pang bruha na 'to ang kasama ko?' reklamo niya sa isip.

"No, we can't, we must move," sagot ni Vivienne na nasa likuran niya.

"No, we can't, we must move," palihim niyang ginaya si Vivienne na may kasamang maarteng ekkspresyon sa mukha. Habang naglalakad ay nilabas niya ang flash light sa bag subalit nang buksan niya 'yon ay ayaw nang gumana. "Hala, sira 'yung flashlight ko!"

Natigilan siya sa paglalakad nang makarinig siya ng ingay.

"A-Ano 'yon?"

Naalarma rin si Vivienne dahil baka sumulpot na naman ang Ikugan na nakita niya kagabi, nababahala na baka mas marami pang sumulpot na tulad nito.

Nagkatinginan sila nang marinig nila ang iyak ng isang bata.

"M-May bata!" nagpapanic niyang sabi.

"It's just a child."

Nainis na natakot si Arki sa sinabi ni Vivienne sa kanya. "Ayun nga eh! Bakit may bata rito sa bundok?!"

'Ghorl, ang tapang-tapang mo pero takot ka pala sa multo?' biglang nagsalita si Anitung Tabu sa isip niya at natahimik si Arki.

"I'll check it out, kung masyado kang duwag, diyan ka na lang," sabi ni Vivienne at kaagad na pinuntahan ang direksyon ng pinanggagalingan ng iyak.

"Hoy!" 'di papatalo si Arki kaya sumunod siya kay Vivienne.

Pinasok nila ang kakahuyan at sinundan lang ni Arki ang nangunguna na ngayong si Vivienne. Pagkatapos ay natigilan sila parehas nang makita nila ang isang literal na bata na nakaupo sa ibabaw ng bato at umiiyak.

"May bata nga," bulong ni Arki.

Tantiya nila'y nasa limang taong gulang ang bata, maliit 'yon at mapusyaw ang balat. Nakasuot 'yon ng pulang roba na may disenyo ng guhit-guhit.

"Ang cute naman niya," sabi ni Arki. Nakita nila na may hawak ang bata na plauta sa kamay at nakasuot iyon ng telang nakabalot sa buhok.

"Teka, baka tiyanak 'yan," sabi ni Vivienne at pinigilan siya.

"Tiyanak? May tiyanak bang ganyang cute?" sabi ni Arki.

Natigilan sa pag-iyak ang bata nang makita sila.

Lumapit si Arki sa bata at yumukod sa tabi nito. "Bakit nandito ka? Nasaan ang mama at papa mo?"

Tumitig lang ang inosenteng paslit kay Arki. Pinipigilan nga niyang pisilin ang pisngi nito.

"Bata?" tawag ni Arki.

Walang anu-ano'y bigla siyang hinampas sa ulo ng plauta ng bata. Napangiwi si Arki sa sakit.

"Huwag mo akong lapitan, hampaslupa!" sigaw ng bata at parehas silang nagulat ni Vivienne.

"Aba—masakit 'yon!" si Arki.

Tumayo ang bata mula sa pagkakaupo at humalukipkip.

"Ihatid n'yo ko sa palasyo!" walang pakundangang utos ng bata sa kanila. "Ngayon din!"

Tumayo rin si Arki at pinagpagan ang sarili. "Ma-attitude din 'tong batang 'to," reklamo niya.

Sa huli sinama nila ang bata sa kanila. Pinasan 'yon ni Arki dahil inutusan siya nito.

"Grabe kang bata ka! Kung makautos ka kala mo pinapalamon mo 'ko!" reklamo ni Arki habang pasan-pasan ang bata sa likuran niya na kanina pa siya tinatawag na hampaslupa. "Kung hindi ka lang bata pepektusan kita!"

"Subukan mo 'kong saktan, hampaslupa, hindi ka na sisikatan ng araw," sagot sa kanya ng bata.

"Kainis! Ang tatas mo magsalita!" sabi ni Arki at wala siyang magawa.

Si Vivienne ang nangunguna na ngayon sa paglalakad, wala pa rin itong kibo.

"Will you two shut up?" nang marindi si Vivienne ay nilingon niya si Arki.

"Alam mo, kahit mag-english ka pa hindi ka maiintindihan ng paslit na 'to," sabi ni Arki na hinihingal.

Tuluyan nang kumagat ang dilim at tanging flashlight lang ni Vivienne ang nagtatanglaw sa kanilang dinadaanan. Biglang natakot ang bata at muling umiyak.

"Tumigil muna tayo!" reklamo ng bata. "Maraming Ikugan dito!"

"Ikugan? Anong Ikugang pinagsasasabi mo?" tanong ni Arki.

Medyo patag na 'yung lupang nilalakaran nila ngayon pero alam ni Vivienne na nasa itaas pa rin sila ng bundok.

"Hoy, Vivi, bakit ka tumigil?" tanong ni Arki na lumingon sa kasama.

Natigilan din si Arki nang makita kung anong nakita ni Vivienne.

Sa gilid nila ay may isang malaking arko ng tarangkahan. Sabay pa silang nag-angat ng tingin at nakita ang isang napakataas na gusali—tila isang palasyo.

Sobrang nagtataka si Vivienne dahil hindi naman nila ito nakita noong nasa mas itaas sila ng bahagi ng bundok.

Biglang bumaba sa likuran ni Arki ang bata at dali-daling tumakbo sa kinaroroonan ng gusali.

"H-Hoy!"

Nang makalapit ang bata sa gusali ay biglang bumukas ang malaking gate at nakarinig sila ng tunog ng mga trumpeta.

Kaagad na sumunod silang sumunod sa bata subalit napahinto rin sila sa paglalakad nang masilaw sila sa liwanang nang bumukas ang gate.

Lumabas mula sa loob ang mga tao na nakasuot ng mga pulang roba at bupanda (scarf), sabay-sabay silang yumuko.

"Nagbalik na si Prinsipe Bibot!"

Nagkatinginan si Arki at Vivienne dahil ang tinutukoy nilang prinsipe ay ang batang tinulungan nila.


*****


"SABI nang hindi ko kayo matutulungan," pang-ilang beses ng sabi ni Agyu sa kanila.

Kahit kinuwento na ng buong detalye ni Rahinel ang mga pangyayari, kung saan sila nanggaling at kung anong kailangan nilang gawin ay hindi pa rin talaga pumapayag si Agyu na tulungan sila.

"Hoy, Agyu!" sigaw ni Leo at nilabas ang isang piraso ng kahoy. "Nakikita mo 'to? Galing 'to sa tropa mong si Bantugan! Sabi niya tutulungan mo kami!"

Nanatiling nakahalukipkip si Agyu habang nasa gitna nila ang isang apoy.

Inabutan na kasi sila ng gabi sa kanilang paglalakbay at kinailangan nilang magpalipas ng gabi.

Umiling si Agyu. "Matagal na akong nagretiro sa pagpapalipad ng Sarimbar, hindi na ako umaakyat ng langit—maraming taon na ang lumipas."

"Ano naman ngayon? Kaya nga kami humihingi ng tulong eh. Nasa panganib 'yung kaibigan naming prinesa, kapag hindi namin siya naligtas ay mapupunta siya sa masamang kamay ni Sitan at may mangyayaring masama!" naghihisterikal na sabi ni Leo.

Pero nanatiling matigas si Agyu. "Paumanhin, kaibigan, hindi ko talaga kayo matutulungan. Nakita n'yo naman ang kalagayan ko ngayon, isa na lamang akong simpleng manlalakbay."

"Sana pala hindi ka namin tinulungan!" inis na sabi ni Leo at pinatigil siya ni Rahinel na nananatiling kalmado kahit na tinatanggihan sila ng taong tanging makakatulong sa kanila na makaalis ng Siranaw.

"May dahilan ka ba kung bakit huminto ka na sa pag-akyat sa langit?" tanong ni Rahinel na direktang nakatingin kay Agyu.

Napansin ni Rahinel na nag-iwas ng tingin si Agyu at doon pa lang ay natukoy na niya na may tinatago ito at ayaw sabihin.

"Kung gusto n'yo sasamahan ko kayo sa Ag'da bukas, may kakilala ako na makakatulong sa inyo sa pag-akyat ng Palakalangit."

Hindi naniwala roon si Rahinel at nag-isip siya ng paraan kung paano mapapaamin si Agyu sa tinatago nito.

Subalit paggising nila kinabukasan...

"Nawawala 'yung kabayo natin!" sigaw ni Leo na natataranta. "Nawawala rin si Agyu!"

Tinakasan at iniwanan sila ni Agyu dala ang kanilang kabayo.


-xxx-



A/N: Maraming salamat sa matiyagang paghihintay ng AHB update! Muli silang nagbabalik at nawa'y makapagfocus na 'ko rito.

Gusto ko lang din pala ipaalala na ang mga mitoholiya na binabahagi ko sa kwentong ito ay nilalagyan ko ng sariling ekspresyon, kumbaga ay sarili kong interpretasyon. Kulang kasi at hindi sapat ang mga impormasyon na nakakakalap ko sa internet kaya kailangan kong paganahin ang aking imahinasyon.

Katulad na lamang kung anong itsura ni Agyu.

Pagpasensiyahan n'yo na ang drawing at hindi perpekto, haha! Ang itsura at damit ni Agyu ay hinango sa kasuotan ng mga sinaunang Maranao. :) 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top