/43/ Mga Halimaw at Pagsubok
Kabanata 43:
Mga Halimaw at Pagsubok
SIMULA nang nilikha ni Bathala ang Ibayo, sa mundo ng Siranaw ay kaagad na umakyat ang mga diyos sa siyam na patong ng langit na tinatawag na Pala-Kalangit. Ang sabi'y inaya ni Lumabat, ang pinakamataas na diyos ng Sirnaw, ang kanyang kapatid na si Mebuyan na sumama sa kanya sa langit.
Subalit tumanggi si Mebuyan na sumama sa kanyang kapatid at siya'y bumaba sa ilalim ng lupa, sa Gimokudan kung saan napupunta ang mga kaluluwa ng mga mortal ng Siranaw pagkatapos ng kamatayan.
Bago lisanin ni Lumabat ang lupa ay binigyan niya ng basbas ang pitong mortal at kalauna'y sila ang mga naging pinuno ng pitong tribo sa buong Siranaw.
Kasama ang iba pang mga diyos ay umakyat si Lumabat patungong Pala-Kalangit at mula noon ay naging mailap ang mga diyos at diyosa sa pagpapakita sa mga tiga-lupa.
Naging abala rin ang mga tiga-lupa at'Di nagtagal ay yumabong ang kanilang mga tribo.
Ang tribo Manuvu, ang kaharian ng buhangin. Nasa Hilagang-Kanluran ito ng Siranaw at napaliligiran ng disyerto at bundok ang kanilang nasasakupan. Kilala sa pagiging mababangis na mandirigma at magaling sa kalakalan at gera.
Sa Hilagang-Silangan, matatagpuan ang kaharian ng tribo Mansaka. Sila ang may pinakamalaking lupa na nasasakop sa Siranaw kung kaya't sila rin ang pinakamasagana sapagkat sila'y likas na magsasaka.
Samantala, si gitnang bahagi ng Siranaw nakatirik ang pinakamataas na bundok, ang Bundok Apo, kung saan nakatira ang tribo Tagabawa. Sila ang mga relihiyosong nangangalaga sa templo ng mga diyos na nasa tuktok ng Bundok Apo.
Sa Silangang bahagi, kung saan nakatira ang mga ninuno ng Sama Dilaut—ang tribo ng Subanon. Sila ang tribo na nagtayo ng kaharian sa tabi ng dagat at pinaniniwalaan din na binasbasan ni Lumabat ang kanilang pinuno na kontrolin ang lakas ng mga alon.
Katabi sa ibabang bahagi ng Subanon ay ang tribo ng Kogitun, sila ang mga nakatira sa mabatong kaharian, likas sa kanila ang pagiging minero at may nakapagsabi na sila ang may pinakamaring tinatagong ginto at diyamante. Mailap sila sapagkat maraming nag-iinteres sa kanilang mga kayamanan.
Ang tribo ng T'Blan naman ay nakakubling naninirahan sa matataas na bundok. Wala silang interes sa pakikidigma subalit sila ang may pinakamakulay na kultura at sining. Mahuhusay na mananayaw, musikero at mga mamamana.
Ang ikapitong tribo sa timog ay ang Sangkil. Nagkukubli ang kanilang kaharian sa gubat na pinupugaran ng mga Ta-awi. Kilala sila sa paggamit ng iba't ibang salamangka. Dinadayo ang kanilang lugar upang magpagamot gamit ang mga mistikal halaman.
At dahil likas sa puso ng mga tiga-lupa ang kasakiman, hindi nagtagal ay nagkaroon ng mga digmaan.
Dumanak ang dugo sa pagitan ng Manuvu at Mansaka, ninais ng Manuvu na maangkin ang mga lupa na sinasakupan ng Mansaka. Samantala'y naging likas na kaaway ng Kogitun ang mga katabing tribo na Subanon at T'blan sapagkat masyado nilang pinuprotektahan ang kanilang pag-aari. Nanalig lamang ang Tagabawa at nanatiling nakakubli ang Sangkil.
Nanood lamang at napapailing ang mga diyos sa langit, paminsan-minsan ay dinidinig nila ang mga panalangin ng mga tiga-lupa gaya ng masaganang ani, pag-ulan at marami pang iba. Si Mebuyan naman ay ayaw nang naiistorbo sa kanyang teritoryo.
Hanggang sa lumipas ang maraming siglo at naging normal na Manuvu at Mansaka ang digmaan. Walang hanggang pag-aagawan ng teritoryo, na hangga't hindi nabubura ang isa ay walang idedeklarang hari ng buong Siranaw.
Noong hapong 'yon ay umatras ang Manuvu sa laban sapagkat masyadong maraming nabawas sa kanilang mga tao. Panalo ang Mansaka. Bukas, kapag muling sumikat ang araw ay magsisimula ulit ang gera.
Mula sa Bundok Apo ay natatanaw ng Tagabawa ang mga kaganapan at sila'y napapailing na lamang. Pinagdarasal sa mga diyos na dinggin ang kanilang mga panalangin.
Lingid sa kaalaman ng pitong tribo at ng mga diyos. Lumaganap na mula sa kabilang mundo ang isang ihip ng kasamaan. Isang malaking panganib ang nagbabadya sa Siranaw.
Tuwing ika-anim na bilog na buwan ay isang pagpupulong sa kadiliman ang nagaganap sa isang sikretong yungib.
"Bumagsak na si Basaam, nabigo siya sa kanyang misyon na gamitin ang Samadi upang wasakin ang kanilang Ugod," ang sabi ng isa.
"Ang sabi ng ating espiya ay nakapasok na raw ang mga Indio sa Siranaw dahil nagkaroon ng matinding bagyo sa Timog, mukhang si Bantugan na naman ang may pakana no'n."
"Ipagpapatuloy natin ang plano. Habang abala ang Manuvu at Mansaka sa digmaan, gigisingin natin ang dalawang selestiyal na halimaw ng Siranaw—gisingin ang Minokawa at Tambanokano, na siyang sisira sa mga Ugod ng mundong ito."
"Para sa ipinangako sa atin ni Sitan!"
*****
MARIRINIG sa buong kagubatan ng Sangkil ang pagdagundong ng bawat hakbang ng mga Ta-awi, mga higanteng halimaw na may mahahabang braso na umaabot sa sahig.
Hindi na alam nila Arki at ng kanyang mga kasama kung ilang oras na silang tumatakbo. Kahit anong bilis at liko nila'y hindi nila ito maligaw.
Sinubukan ni Vivienne na panain ang isa, natamaan 'yon sa mata at tumumba. Subalit kinailangan nito ulit tumakbo dahil maraming nakasunod sa kanila.
"Leo, kasalanan mo 'to, ungas ka kasi!" paninisi ni Jazis habang mangiyak-ngiyak na tumatakbo. "Pagod na 'ko!"
Lumingon si Roni. "Ang dami nila! Paano tayo makakatakas?!"
"Si Mari!" sigaw bigla ni Rahinel. "Nasaan si Mari?!"
"Na sa akin!" sigaw ni Roni at kaagad inilabas mula sa loob ng bayong ang kanilang Sarimanok. "Ano na?!" sigaw niya sa mga kasama habang hawak-hawak ng isang kamay si Mari.
"Palakihin mo! Paliparin mo!" sigaw pabalik ni Leo kay Roni.
"Hah?! Pa'no ko 'to papaliparin?!"
"Kailangan nating huminto!" sigaw ni Arki sa mga kasama.
Mabilis silang tumakbo at nang makalayo ay huminto sila. Nilapag ni Roni si Mari lupa.
"Mari! Mag-transform ka!" utos ni Roni pero walang kibo si Mari at kinahig lang ang sahig at tumuka-tuka.
"Uhm... Guys?" turo ni Jazis sa mga papalapit na Ta-awi. "Nandiyan na sila!"
Mula sa iba't ibang direksyon ay nakita nila ang mga higante na tumatakbo sa kanilang direksyon. Wala na silang ibang matatakbuhan pa.
"Uh-oh, mukhang kailangan nating hintayin si Mari magtransform?" sabi ni Leo na nanginginig. "Alam ko na, try ko kaya magwish ng helicopter?!"
"Leo! Please lang, tumulong ka naman ng maayos!" sigaw ni Arki sa kaibigan at nasaktan si Leo nang marinig 'yon kaya hindi na ito nagsalita.
Nilabas ni Rahinel ang kanyang espada at inihanda ang sarili. Gayon din si Arki, inilabas niya ang kanyang arnis.
Nagulat sila nang tumakbo si Rahinel sa direksyon ng isang Ta-awi, hindi na nila ito napigilan. Nakita nila si Rahinel na tinira ang paa ng Ta-awi at bumagsak ito.
Binalik ni Arki ang tingin sa kanyang harapan at mas hinigpitan ang hawak sa kanyang arnis.
Si Vivienne naman ay sunud-sunod na pinana ang mga Ta-awi at lahat ng 'yon ay sapul sa mga ulo. "Leo, make yourself useful, make me a lots of arrows!" utos ni Vivienne at walang ganang sumunod si Leo.
Si Roni na nasa kaliwa ay lumapit sa isang bato na kasing laki ng pinto at sinubukan 'yong buhatin.
"H-Hoy, anong gagawin mo?" tanong ni Jazis. Imbis na sumagot si Roni ay humugot ito ng lakas at ibinato 'yon sa direksyon ng isang Ta-awi na papalapit.
Nanatiling tuod si Arki sa kinatatayuan niya at nakatingin lang sa dalawa niyang kamay na may hawak na Arnis.Huminga siya nang malalim...bago inimbay ang kanyang braso, isang pwersa ng hangin mula sa kanyang arnis ang nanggaling at tumama 'yon sa isang Ta-awi.
Nagulat siya dahil hindi niya inaasahan na gagana ang kanyang nasa isip.
'Girl, I gotchu!' pagkatapos ay narinig niya ang tinig ni Anitung Tabu.
"What the?" nagulat din si Vivienne, magkatabi silang dalawa kaya nakita rin nito ang ginawa ni Arki. "How did you that?" tanong nito.
Pero bago pa sumagot si Arki ay narinig nila ang sigaw ni Jazis.
"Guys! Si Mari!" napalingon sila dito at nakita nila na nagpalit na ng anyo si Mari.
"Sakay na!" sigaw ni Roni at mabilis silang sumakay sa likuran ni Mari.
Nang makasampa silang lahat ay napansin nila na wala si Rahinel.
"Teka lang, Mari!" sigaw ni Arki dahil tumatakbo na si Mari, bumubwelo para sa paglipad. "Rahinel!" sinigawan niya ito nang makita nila na nakikipagbunuan pa sa isang Ta-awi.
Tumakbo si Rahinel para habulin si Mari.
"Bilis!" sigaw nilang lahat dito.
At nang ipagaspas ni Mari ang kanyang pakpak at humakbang patalon ay sakto ring tumalon si Rahinel at nakasabit sa buntot nito. Halos mapigil ang kanilang hininga.
Biglang nagkaroon ng lakas ng loob si Leo at lumapit siya dulo para tulungan si Rahinel, nilabas nito ang tali na ginamit nila kanina at hinagis 'yon na ng isang kamay ni Rahinel.
"Roni, tulungan mo 'kong hilahin—"sabi ni Leo at pagkahagis niya ng dulo ng tali kay Roni ay napasigaw sila nang makita ang mahabang kamay ng Ta-awi na hahampas sa kanila.
Kaagad na umiwas si Mari dahilan para tumagilid silang lahat. Hindi nakakapit si Leo kaya nahulog siya.
"Leo!" sigaw nilang lahat.
"Ahh!" Nagimbal si Arki nang makita niyang bumagsak sa gubat ang kaibigan at hindi na ito nakita.
Hinahabol pa rin sila ng mga higanteng halimaw, hindi makalipad si Mari ng mataas dahil sa mga kamay na sumusubok na dumakip sa kanila.
"Arki, makinig kayo!" sigaw ni Rahinel. "Sa Bundok Apo, magkikita-kita tayong lahat!"
"A-Anong—"
"Hahanapin ko si Leo!" iyon ang huling sinabi ni Rahinel tsaka ito bumitaw at nahulog din sa kagubatan.
Muling umiwas si Mari, nawalan ng balanse si Jazis at napakapit siya kay Roni.
"Hoy, Jazis—wahhh!" parehas nahulog si Jazis at Roni sa kagubatan.
"Jazis! Roni!" sigaw ni Arki sa mga kasama pero wala siyang nagawa. "Balikan natin sila!"
"Are you kidding me?!" sigaw ni Vivienne na mahigpit na nakakapit sa gilid.
Tumayo si Arki nang bumalik sa balanse sa paglipad ni Mari. Nakita ni Vivienne na muling aatake ang mga Ta-awi, sa pagkakataong 'to ay sabay-sabay.
"Arki?!" tawag ni Vivienne sa kanya pero hindi siya kumibo, hawak na niya ngayon ang kanyang arnis.
Halos dumilim nang matakpan ng mga kamay ng Ta-awi ang liwanag at nakaambang hahampasin ng mga 'to si Mari. Subalit hindi natakot si Arki at huminga siya nang malalim.
Bago pa umiwas si Mari ay inimbay niya ang kanyang dalawang braso at isang malakas na pwersa ng hangin mula sa arnis ang lumabas, tumalsik ang mga Ta-awi. Sa pagkakataong 'yon ay wala ng sagabal sa paligid kung kaya't tumaas si Mari.
Gulat na gulat si Vivienne sa nasaksikhan, ikalawang beses niyang nakita na ginawa 'yon ni Arki.
"Hey, Arki—"nagulat si Vivienne nang mawalan ng malay si Arki matapos maubusan ng enerhiya.
Habang inaalo ni Vivienne si Arki ay nakalayo na si Mari sa teritoryo ng mga Ta-awi.At wala silang kamalay-malay na ang lahat ng mga pangyayari ay nasaksihan ng punong Babaylan ng Sangkil sa mahiwagang kawa nito.
*****
MULING tumahimik ang kagubatan. Bumalik ang mga halimaw sa kanilang mga lungga, dismyado sa dapat ay kanilang magiging panlaman sa tiyan.
Walang ibang maririnig kundi pag-ihip ng hangin at tunog ng mga nagsasayawang halaman at dahon ng puno.
Takut na takot si Leo na nagkukubli sa likuran ng isang malaking bato. Ang tanging bitbit niya lang ay ang kanyang bag, pati ang Birang na nakasabit sa kanyang ulo.
Nawawalan na siya ng pag-asa. Paano na siya kung wala si Arki? Magmula nang mahulog siya rito'y hindi na niya tinangkang maglakad sa takot na may makasalubong na Ta-awi.
'Sana kasi nakinig na lang ako kay Bantugan. Bakit ba kasi sa'kin pa napunta 'tong Birang na 'to?' wala siyang ibang ginawa kundi magsisi at umiyak. 'Dito na ba 'ko mamamatay? Hindi na ba 'ko makakabalik sa'min? Pero... Ginusto ko 'to. Ginusto ko 'to dahil... gusto ko lang patunayan na katulad ni Arki ay kaya ko ring maging matapang.'
Bumalik bigla sa alaala ni Leo ang mga panahong palagi siyang binubully sa eskwelahan. Simple lang naman siyang tao, wala siyang ibang kaligayahan kundi magdrawing at manuod ng anime pero hindi niya alam kung bakit walang kumakaibigan sa kanya.
Pinipilit niya palagi ang sarili na makisama sa mga kaklase niya kahit na minsan ay nagiging OA na. Siguro nga iyon ang dahilan kung bakit maraming may ayaw sa kanya at palagi siyang ginagawang pantatarget ng bully.
Pero kahit kailan ay hindi siya natutong lumaban.
'Sorry, Yumi... Sorry kung hindi naman talaga ako matapang para iligtas ka. Gusto ko lang talaga sumama kay Arki para... Para magkaroon ng adventure...' saloob-loob niya.
Nakayakap lang siya sa sarili hanggang sa unti-unting nagdilim ang paligid. Gabi na.
Mas nanginig ang kalamnan ni Leo dahil sa lamig at gutom. Hindi na niya iniisip gamitin ngayon ang kanyang Birang dahil natakot siya sa mga nangyari.
Ilang sandali pa'y nakarinig siya ng mga kaluskos. Sa takot ni Leo ay siniksik niya ang kanyang sarili sa bato kahit wala na siyang mauusuran pa. Pumikit siya at nagdasal nang paulit-ulit.
'Panaginip lang ang lahat ng 'to.'
"Leo?" halos mapatalon siya sa gulat nang marinig ang boses na 'yon.
"R-Rahinel?" laking gulat niya nang makita niya ito na nakatayo sa kanyang harapan.
*****
"ANG akala ko talaga katapusan ko na, mabuti na lang dumating ka, Rah," sabi sa kanya ni Leo habang magkaharapan sila, namamagitan ang isang apoy sa kanilang gitna.
May mga isdang pinabaon sa kanila ang mga tiga-Sama Dilaut at iyon ang kinakain nila ngayon. Nagkukubli sila sa isang maliit na yungib na natagpuan nila sa gubat. Sa kabutihang palad ay wala silang mga Ta-awi na naengkwentro.
"Hays, kasalanan ko 'to, hindi tayo magkakahiwalay-hiwalay kung hindi lang matigas 'yung ulo ko," sabi ni Leo habang pinapaikot ang isda sa apoy.
Naramdaman niya ang sobrang pagkadismaya sa sarili ni Leo kaya humarap siya rito.
"Huwag mo nang sisihin 'yung sarili mo sa nangyari, Leo," sabi niya upang bigyan ito ng lakas ng loob. "Nadala ka lang naman ng emosyon."
Napabuntong hininga ulit si Leo. "Alam mo... Kanina noong hindi ka pa dumadating, naisip ko na sana hindi na lang ako sumama rito."
Napatingin siya kay Leo nang marinig 'yon. "Kaibigan mo si Yumi kaya ka sumama, 'di ba sinabi mo na gusto mong maging matapang?"
Napakamot sa batok si Leo. "Alam ko... Kaso... Sinabi ko lang 'yon para maging maganda 'yung pakiramdam ko—nagsinungaling ako sa sarili ko—ayoko talagang sumama kasi natatakot ako sa mga posibleng mangyari na masama. Pero nakita ko kayo, parang mga pangyayari sa anime—at kung iisipin na magiging parte ako nga adventure na 'to—gusto kong subukan."
Tumingin si Rahinel sa kawalan at ilang segundong napaisip. "Naiintindihan kita... Lahat naman tayo ay dumadating sa punto na nagpapanggap para masabing matapang tayo. Lahat tayo nagpapanggap sa mga bagay-bagay para magmukha tayong malakas."
Nagtaka si Leo nang sabihin 'yon ni Rahinel. "Bakit? Anong ibig mong sabihin?"
Napahinga si Rahinel nang malalim at bahagyang tumingala para alalahanin ang kahapon. "Sa totoo lang... sa mahabang panahon na pamamalagi ko sa mundo... dumating ako sa punto na napagod ako... na hindi ko alam kung ano na 'yung pinaniniwalaan ko."
Hindi nakapagsalita si Leo dahil naisip din nito ang sinabi niya, na isa nga pala siyang imortal na halos mahigit tatlong daang taon ng nabubuhay sa mundo.
"Imortal ako pero... tao pa rin ako... may damdamin..."
"Ano bang... pakiramdam na maging isang imortal na tulad mo?" dahan-dahang tanong ni Leo.
Tumingin siya kay Leo at mapait na ngumiti. "Malungkot. Kasi nakikita ko 'yung mga taong minahal ko na malipasan ng panahon at 'di katagalan ay mamatay. Lahat sila—namamatay. Wala akong ibang ginawa kundi hanapin ang huling binukot."
"Hmm... Paano kung... nahanap mo na 'yung hinahanap mo? Ano na? Magiging masaya ka na ba?" nagulat si Rahinel nang itanong 'yon ni Leo. Isang tanong na hindi niya naisip itanong sa sarili niya noon.
"Hindi ko rin alam," bigla niyang sinagot. "Sinabi kong mahal ko si Yumi—o ang huling binukot nang dahil sa tradisyon na nakaukitsa puso ko pero hindi ko na alam. May mga pagkakataong naguguluhan ang puso ko," umiling siya. "Sadyang... pagod na pagod lang ako... At may mga pagkakataon na gusto ko na lang... mamatay."
Nanlaki ang mga mata ni Leo nang marinig 'yon mula sa kanya. "Hoy, Rahinel! Hindi ka pwedeng mamatay! Huwag mo kong iwan dito, oy!"
Natawa siya sa sinabi ni Leo. Pero ang ibig lang naman niyang ipabatid ay ang kahilingan ng pagpapahinga. Sa tinagal niya sa mundong ibabaw, nangangarap siya na isang araw ay matapos na lang lahat dahil pakiramdam niya na isang malaking parusa ang paghahanap sa huling binukot.
'Gusto ko na silang makapiling sa langit,' sa isip-isip niya habang nakatanaw sa kawalan at inalala ang kanyang mga kaibigan at ang taong minahal niya noon. Ang kanyang pamilya.
"Magkikita pa tayo nila Arki sa Bundok Apo, kaya huwag kang mag-alala at hindi ako mamamatay," paninigurado niya at parang nakahinga nang maluwag si Leo.
"Si Arki... Gusto ko lang namang makatulong sa kanya," sabi ni Leo.
"Mabuting kaibigan si Arki, alam kong kahit anong mangyari tutupad siya sa pangako niya," sabi niya habang nakangiti.
*****
LUMIPAD nang lumipad si Mari nang walang kasiguraduhan ang direksyon. Hanggang sa mapagod ito at dumapo sa mga puno sa isang bundok.
Maayos naman silang nakababa sa lupa. Wala pa ring malay si Arki kaya inalalayan ito ni Vivienne na makahiga ng maayos. Si Mari naman ay bumalik sa maliit nitong anyo.
Naramdaman niya na sobrang lamig ng paligid kung kaya't kinuha niya sa bag ang isang kumot upang ibalot 'yon kay Arki, sinuot niya rin 'yung jacket niya.
Napahinga nang malalim si Vivienne, bigla siyang nakaramdam ng pagod at sakit sa katawan kaya nang maayos niyang maihiga si Arki ay umupo siya at sumandal sa puno.
Pinagmasdan ni Vivienne ang paligid, hindi niya alam kung nasaan sila.Madilim na ang paligid, naisip niya na magpalipas na lang ng gabi sa kinaroroonan niya pero hindi siya makampante.
Lumapit siya sa bag na nakalat at naghanap do'n ng flashlight.
Inilawan niya ang paligid, nakita niya ang maninipis at mahahabang puno na may tusuk-tusok na dahon, nababalutan ito ng usok.
Tumingin si Vivienne sa paanan at nakita ang usok. "This is not smoke... It's...Clouds?"
Hindi nila alam na napadpad sila sa matatayog na bundok ng teritoryo ng T'Blan. Nasa gitna sila ngayon ng kagubatan sa bundok nang biglang makaramdam si Vivienne ng hindi maganda.
Dahan-dahan siyang napalingon at tumingala sa isang puno nang maramdaman niya na may nakatitig sa kanya. Nang ilawan niya 'yon ay nakita niya ang isang halimaw na tila unggoy, itim ang balahibo, mahaba ang bintot at ang nakakatakot ay mas malaki ito kaysa sa gorilya.
Sinubukang alalahanin ni Vivienne ang itsura ng halimaw sa mga nakaguhit sa journal ng kanyang ama. Nakita niya na ito noon na nakaguhit.
"I-Ikugan..." bulong ni Vivienne.
Maingat siyang umatras at yumukod upang pulutin ang kanyang pana, hindi gumagalaw ang Ikugan. Inasinta niya ito sa ulo at nang pakawalan niya ang palaso ay laking gulat niya nang masalo 'yon ng Ikugan.
"N-No—"
Nagalit ang Ikugan at humiyaw ito atsaka biglang tumalon. Nanlaki ang mga mata ni Vivienne nang makita na dadambahin ng Ikugan ang walang malay na si Arki.
Pero walang anu-ano'y biglang lumabas ang isang liwanag mula sa katawan ni Arki at nakita niya ang isang usok na pumorma na dalawang babae—malaki 'yon at nakakasilaw.
May inusal ang dalawang babae at naglaho na parang bula ang Ikugan.
Ilang sandali pa'y hindi pa rin nawala ang mga usok. Tumingin sa kanya ang dalawang babae. Hindi niya makita nang malinaw ang mga mukha nito.
"Pakiusap, protektahan mo si Rajani," ang sabi ng isang babaeng usok at bigla silang nawala sa isang iglap.
Nang mawala ang mga 'yon ay nanlambot ang mga tuhod ni Vivienne atsaka siya nanghihinang sumalampak sa lupa.
"A-Ano 'yon?" takot niyang tanong at napatingin siya kay Arki na hindi man lang nagising. "Sino ka ba talaga, Arki?"
-xxx-
GLOSSARY:
Lumabat - "According to one Bagobo and Manobo myth, there once lived two deities named Lumabat (god of the sky) and Mebuyan (goddess of the underworld). Lumabat was a terrific hunter who once brought along his dog to catch an elusive deer. The hunt took so long that by the time he caught the animal, he was already old and graying. Still, he returned to his people, eager to show them his power. Lumabat even killed his father eight times, and each time the latter magically came back to life he became younger and younger."
Minokawa - "In a tale, the Minokawa is a bird as large as an island. Minokawa is a giant, -like bird in Philippine legends. Early people believed this creature is so big that it can swallow (or cover) the sun to explain the occurrence of eclipses."
Tambanokano - "a colossal crab, brought into the world through the union of the Sun & Moon. The giant moon-eating crab of Mindanao."
Ikugan - "Monkey-like creatures who stalk their victims from the tallest branches and utilize their prehensile tails to snatch and strangle their prey. In reality, they are ape-like, covered with black hair that makes them blend with the night sky. "
#Padayon
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top