/42/ Hanapin si Agyu, ang Manlalayag ng Langit!
Iniaalay ko ang arc na 'to sa Mindanao/Siranaw! Para sa kanilang makulay na mitolohiya, epiko, at kultura. Para sa mga tribo at lumad na siyang naging inspirasyon ng pitong tribo ng Siranaw. Mabuhay kayo!
Kabanata 42:
Hanapin si Agyu,
ang Manlalayag
ng Langit!
SUNUD-SUNOD na humampas nang malakas ang alon sa kanilang bangkang sinasakyan. Hindi ganito ang kanilang inaasahan nang makaahon sila mula sa ilalim ng dagat, ibang-iba ito sa inaakala nila—ang akala nila'y isang isla lang ulit ang kanilang makikita, dahil hindi pa rin nila lubos na maisip kung gaano kalaki ang mundong kanilang pinasok.
Tila galit na galit ang karagatan sa kanilang pagdating, para bang hindi matanggap ng dagat na may nakapuslit mula sa kabila, ang pinanggalingan nilang kaharian ng Sama Dilaut.
Mabuti na lamang at hindi pangkaraniwan ang Bangka ni Bantugan sapagkat ang kahoy na ginamit dito'y may tinataglay na mahika ng anito, dahil kung hindi ay tiyak na kanina pa ito tumaob at nasira.
Magkatuwang si Bantugan at si Rahinel sa dalawang layag. Kasalukuyang tinatalian ni Roni ang mga gamit nila sa ilalim ng bubong upang hindi ito matangay ng malakas na alon na humahampas sa kanila. Sila Arki, Vivienne, Jazis, at Leo ang kumukontrol sa gaod (sagwan) subalit hindi na nila ito makontrol dahil mas malakas ang pwersa ng dagat.
"Kumapit kayong mabuti!" sigaw ni Rahinel sa mga kasama nang makita ang isang paparating na alon na hahampas muli sa kanila. Nang matapos si Roni sa pagtali'y tumulong ito kay Rahinel.
"Ano ba 'tong pinasok ko?!" sigaw ni Leo bago matamaan ng alon, mabuti't nakakapit siyang maagi sa gilid. Halos maubu-ubo ito.
"Mamamatay na ba tayo?!" sinundan 'yon ng sigaw ni Jazis.
"Sagwan! Sumagwan kayo!" sigaw ni Arki sa mga kasama subalit hindi pa rin nila matalo ang lakas ng alon.
"We can't control it!" pasigaw na sagot ni Vivienne.
Wala pa silang natatanaw na isla magmula nang makaahon sila. Madilim ang langit at punum-puno 'yon ng makakapal na ulap.
"Mga kaibigan!" narinig nila ang pagsigaw ni Bantugan. "Huwag na huwag kayong bibitwaw! Malapit na tayo!"
"Malapit na?! Kanina niya pa 'yon sinasabi! Huhu!" sigaw ni Jazis na may halong iyak. Nakakapit na silang maigi ngayon sa bangka.
Lihim na umusal ng dasal si Arki sa kanyang bagong kaibigan, ang diyosa ng karagatan na tumulong sa kanya noon na matalo si Basaam, si Aman Sinaya.
'Hello? Uhmm... Diyosa ng dagat? Baka naman pwede mo kami matulungan? Please, kailangan pa naming mailigtas ang kaibigan namin.' Hiling ni Arki.
'Ipagpaumanhin mo, prinsesa,' nabuhayan siya nang marinig niya ang boses ni Aman Sinaya sa kanyang isip. 'Hindi ko kontrolado ang sitwasyon dito sapagkat ganito ang kalikasan ng karagatan sa Siranaw. Sinadya ito ni Bathala upang protektahan ang Ugod.'
Nanlumo siya nang marinig 'yon at naramdaman iyon ng diyosa.
'Pero huwag kang mag-alala dahil kasama n'yo si Bantugan.Magtiwala kayo sa kanya,' sabi ni Aman Sinaya upang palakasin ang kanyang kalooban.
'That's true, Arki!' bigla niya ring narinig ang boses ni Anitung Tabu. 'Confident ako na malalampasan n'yo ang bagyong ito. Chillax lang kayo, hihi!'
'Paano kami magchichillax?' reklamo niya sa isip. Ngayon lang siya nakakita ng mga alon na halos kasing taas ng mga building.
Lumipas ang mga sandali at hindi sila bumitaw sa kanilang mga kinakapitan nang unti-unting kumalma ang karagatan.Unti-unting humawi ang makapala na ulap at nakita nila ang isang isla na napiligirian ng matataas na bato.
Lupaypay silang lahat nang kumalma na ang dagat, para silang nakapasa isang mahirap na pagsusulit at pinayagan na silang makapasok sa Siranaw ng matiwasay.
"Hay, jusko, thank you lord!" sigaw ni Jazis na umalingawngaw sa buong paligid.
"Ano 'yon? Parang wala lang?" komento ni Roni nang makita ang araw na lumitaw.
'Oh, see? Sabi sa'yo magiging okay din ang lahat,' sabi ni Anitung Tabu sa kanyang isip.
"Isla ba 'yon?" tanong ni Leo habang nakatingin sa hawak niyang telescope. Kinuha sa kanya ni Rahinel ang telescope. "Teka, nasaan si Mari?!"
Tinuro ni Roni ang isang kahon. "Nando'n, tingnan mo nga kung buhay pa." Kaagad sumunod si Leo.
"Mygad! Basa na lahat ng gamit natin! Ahh! 'Yung cellphone ko!" sigaw ni Jazis at nakipag-unahan kay Leo papunta sa mga kahon.
"Ito na ba ang Siranaw?" tanong ni Rahinel matapos sumilip sa telescope, kinuha naman 'yon ni Vivienne sa kanya.
Tumango si Bantugan. "Ipagpaumanhin n'yo kung hindi ko kaagad nasabi sa inyo 'yung tungkol sa bagyo, gano'n talaga kapag sa tuwing may nakakapasok na dayo mula sa kabilang Ugod," sabi ni Bantugan na napakamot sa batok at tumawa. "Oo, iyan na ang Siranaw."
"There's no harbour,"sabi ni Vivienne habang nakasilip sa telescope. "Walang dalampasigan."
"Ah, walang daungan ba kamo?" sabi ni Bantugan. "Oo, nakita n'yo naman ang pinagdaanan nating bagyo kanina, pinaliligiran ng bato ang buong isla na may taas na mahigit isang daang talampakan upang protektahan ang isla mula sa malalakas na alon."
"Isang daang talampakan?" gulat na reaksyon ni Arki.
Ilang sandali pa'y nalula silang lahat nang makalapit ang sinasakyan nilang bangka sa tinutukoy ni Bantugan. Malalakas ang mga hampas ng alon sa bato. Si Bantugan ang nagmaniobra ng layag at nakarating sila sa isang maliit na kweba, hindi gano'n
Kinailangan nilang lumusong sa hanggang baywang na dagat upang makarating sa loob ng kweba. Dahan-dahan silang naglakad habang hawak ang kanya-kanya nilang mga gamit dahil sa matutulis at madulas na bato na kanilang inaapakan.
Nang makadaong silang lahat sa loob ng kweba ay kaagad gumawa si Arki at Jazis ng apoy. Kinikiskis pa lang ni Arki 'yung kahoy nang may iusal si Jazis at biglang umapoy 'yung hawak ni Arki, parehas silang napasigaw.
"Ano 'yon?" tanong ni Rahinel, tumawa si Jazis.
"Magaling ka eh," inis na sabi ni Arki sabay hila sa buhok ni Jazis.
"Anong oras na?" tanong ni Roni.
Tumingin si Leo sa relos pero hindi na 'yon gumagana. "Patay ako kay mama, sira na 'yung relos ko?!"
"Ten-thirty ng umaga," sagot ni Vivienne, napatingin sila lahat dito.
"Paano mo nalaman?" nakakunot na tanong ni Roni.
"Base sa araw," sagot ni Vivienne habang inaayos ang pana.
"Okay, so ano nang plano natin?" tanong naman ni Leo.
Sumenyas si Bantugan sa lahat na lumapit sa kanya, pumabilog sila sa apoy. Naglabas si Bantugan ng isang mapa at ipinakita 'yon sa kanila.
"Ito ang mapa ng Siranaw," sabi ni Bantugan at natuwa silang lahat.
"Finally! May mapa na tayo!" sabi ni Leo. "Eh? Uhm... Ano ulit 'yung susunod na mundo? Siri....Siri—ano?"
"Srivijaya," sabi ni Vivienne.
"Ikinalulungkot ko na hanggang dito ko na lamang kayo pwedeng ihatid," sabi ni Bantugan sa kanila at lahat sila'y napamaang.
"Hindi ba pwedeng sa ilalim na lang tayo dumaan hanggang sa Hilusung?" tanong ni Roni habang nakahalukipkip.
Umiling si Bantugan. "Masyadong mapanganib para sa inyo kung dadaan tayo sa ilalim at isa pa, nakikita n'yo sa hilaga na nakadikit sa lupain ang Ugod."
"Bakit hindi pwede sa ilalim ng dagat? Paano na po kami?!" ngalngal ni Leo.
Napabuntong hininga si Bantugan. "Gustuhin ko mang ihatid ko kayo ay hindi maaari. Mapanganib ang ilalim sapagkat naroon ang Gimokudan. Nasa ilalim ng dagat ang papunta roon at maraming mga nagbabantay na Markupo sa pintuan nito."
Nagtaas ng kamay si Jazis. "Question po, ano po 'yung Gimokudan? Atsaka ano po 'yung Markupo?"
Napakamot si Bantugan atsaka naalala na mga Indio nga pala sila, ang mga tawag ng tiga-Ibayo sa mga tao sa mundo ng mga mortal.
"Pasensiya na po kung marami kaming hindi alam," nahihiyang sabi ni Arki at napangiti si Bantugan.
"Ang Gimokudan ang tirahan ng mga yumao sa Siranaw," sabi ni Bantugan. "At ang Markupo naman ang mga halimaw sa ilalim ng dagat, mga malaking ahas na may habang dila at mga kamay."
"'Yung Gimokudan po ba ay parang... impyerno?" si Leo.
"No, it's more like an underworld," sabi ni Vivienne at napatango silang lahat.
"Sa loob ng Gimokudan ay pinamumunuan ito ng inang diyosa na si Mebuyan, ayaw na ayaw niyang maiistorbo sapagkat napakarami niyang pinasususo na kaluluwa ng mga sanggol."
"Ah!" biglang bumulalas si Vivienne, napatingin silang lahat dito. Pagkakuha ni Vivienne ng journal ng kanyang ama ay binuklat nito 'yon at ipinakita sa kanila ang isang larawan ng isang babae na maraming suso sa katawan. "It's her?"
"Siya nga, si Mebuyan," sabi ni Bantugan na medyo namangha dahil mayroong larawang ipinakita si Vivienne.
Kinilabutan si Leo at Jazis. "Ayokong makita si Mebuyan," sabi ni Leo.
"Hindi ko rin maimagine," sabi naman ni Roni at sabay pa silang tumingala ni Leo para isipin kung ano ang itsura ni Mebuyan sa personal, sabay din silang kinilabutan. "Pero kung diyosa naman ni Mebuyan parang..." nag-iba ang himig ni Roni at sinubukang isipin na magandang babae si Mebuyan.
"Hoy, Roni, manyak ka pala?" sabi ni Jazis na parang nandidiri.
"Hindi ah."
"Teka nga," sumabat si Arki para putulin ang usapang 'yon. Humarap siya kay Bantugan. "Naisip ko sana na pwede tayong lumipad gamit si Mari pero imposible 'yon... Kung meron lang langit."
"Tama ka," mahinang sabi ni Rahinel na nakatingin sa kawalan at nagtaka siya. "Sa langit!"tumingin siya kay Arki.
"Huh? Sa langit?" ulit ni Arki at nang mapagtanto niya 'yon ay nanlaki ang mga mata niya. "Oo nga! Sa langit! Kung merong underworld, for sure meron ding langit!"
"Skyworld... you mean," nakahalukipkip na sabi ni Vivienne at tumingin siya kay Bantugan. "Do places like that exist in this world?"
Napasabunot si Jazis sa buhok niya. "Vivi, alam mo huwag ka ngang ingles ng ingles, naiistress kami lalo sa'yo."
Umirap lang si Vivienne at muling nagsalita kay Bantugan, "Mayroon ding kaharian ng langit or whatever dito sa Siranaw?"
"Meron," tumango si Bantugan.
"Bakit naman 'di n'yo po sinabi 'agad!" reklamo ni Leo.
"Teka, paano naman tayo makakapunta ro'n?" si Roni. "Ah, si Mari!" kinuha nito ang manok at itinaas.
Umiling si Bantugan. "Hindi gano'n kadali tumungo sa Pala-kalangit. Maaari lamang kayong makapunta roon kapag mayroon kayong imbitasyon galing sa mga diyos at diyosa na naririnahan doon."
Natahimik silang lahat nang sabihin 'yon ni Bantugan. Unti-unting lumalabo ang posibilidad na mahanap nila si Yumi pero hindi nawalan ng pag-asa si Arki.
'Diyosa? Kung gano'n... Pwede kong...' sa isip ni Arki subalit kaagad na nagsalita ang mga diyosa sa kanyang isip.
'Hindi maaari, Arki. Kahit na diyosa kami ay wala kaming karapatang manghimasok sa kalangitan ng Siranaw,' malungkot na sabi ni Aman Sinaya sa kanyang isip.
Ngumiti bigla si Bantugan sa kanila. "Mga kaibigan, huwag kayong mawalan ng puso sapagkat mayroon pang paraan para makapunta kayo sa langit o Pala-kalangit ng Siranaw."
"Talaga!" nabuhayan silang lahat ng loob nang sabihin 'yon ni Bantugan.
"Paano po?" tanong ni Arki.
"Hanapin n'yo si Agyu, ang manlalayag ng kalangitan. Katulad ko ay mayroon siyang mistikal na sasakyan, isang barko na ang tawag ay Sarimbar na may kakayahang pasukin ang kaharian ng langit ng Siranaw. Maaari kayong pumunta sa katabi nitong langit ng Srivijaya, ang Kahilwayan," nakangiting sabi ni Bantugan sa kanila. Nilabas nito ang isang piraso ng kahoy at inabot 'yon kay Rahinel. "Kapag nahanap n'yo si Agyu, ibigay n'yo ang piraso ng aking bangka, sabihin n'yo na kaibigan n'yo si Bantugan ng Bembaran."
Tumango si Rahinel at maingat na nilagay sa kanyang bulsa ang maliit na piraso ng kahoy.
"Saan namin matatagpuan si Agyu?" tanong ni Rahinel.
Nilabas muli ni Bantugan ang lumang mapa at pumalibot sila rito. Itinuro ni Bantugan ang gitnang bahagi kung saan may nakaguhit na bundok at kastilyo.
"Sa pinakamataas na bundok ng Siranaw, sa Bundok Apo matatagpuan n'yo ang kaharian ng tribo Tagabawa, sila ang mga pumuprotekta sa dambana ng mga diyos. Makinig kayong mabuti sa mga sasabihin ko... Kailanga n'yong mag-ingat sa inyong paglalakbay."
Tumango sila at taimtim na nakinig sa mga sasabihin ni Bantugan. Pahayapyaw na ikinuwento ni Bantugan sa kanila ang tungkol sa pitong tribo ng Siranaw: Manuvu, Mansaka, Tagabawa, Subanon, T'Blan, Kogitun, at Sangkil. Kasalukuyang nasa gera ang mga tribo sa pag-aagawan ng mga teritoryo. Ibinilin din ni Bantugan na kailangan nilang mag-ingat sa mga halimaw na maaari nilang maengkwentro.
"At... Bago ako umalis," sabi ni Bantugan na tumayo, tumayo na rin sila. Itinuro ni Bantugan si Leo. "Gusto kong malaman kung saan mo nakuha ang Birang na suot mo sa'yong ulo."
"Ito po?" turo ni Leo sa suot niya sa noo na parang bandana. "Ah, nakuha ko lang po sa basket ng lola ni Arki."
Humarap si Bantugan kay Arki upang magtanong. "Ano ang pangalan ng iyong lola?"
"Lola Bangs po, ang pangalan niya ay Barbara—"
"Barbara Salamanca," nagulat si Arki nang ituloy ni Rahinel ang pangalan ng kanyang lola. Napakunot si Arki dahil Barbara Bonifacio talaga ang sasabihin niya. Sasawayin niya palang ito nang magsalita bigla si Bantugan.
"Hindi na ako nagulat," kalmadong sabi ni Bantugan at napailing. Mas nagulat si Arki.
"Kilala n'yo po ang lola ko?" tanong niya.
"We're following her trails, then," komento naman ni Vivienne.
"Minsan ding nagpahatid sa akin si Barbara Salamanca galing sa kaharian ng Sama Dilaut patungo rito sa Siranaw. Pagkatapos ay nabalitaan ko ang kaguluhang nagyari na ninakaw niya ang makapangyarihang Birang ni Laon."
Naguluhan si Arki. Si Leo naman ang nagulat.
"Powers?! A-Ano pong powers—este kapangyarihan nito?" sabik na tanong ni Leo.
Nagdalawang isip si Bantugan pero sa huli'y nagpasya siya."Maaari kang humiling sa Birang ni Laon ng kahit ano."
"Wow!" reaksyon ni Leo, tuwang-tuwa. Naalala niya 'yong nangyari sa Makiling, humiling siya ng mga instrumenting pagtugtog at lumitaw 'yon mula sa kawalan kaya naniniwala siya sa sinabi ni Bantugan.
Pero parang hindi natuwa si Bantugan dahil nanatili itong seryoso kaya sumeryoso si Leo. "Nagamit mo na ba ang Birang dito sa Ibayo?"
Sunud-sunod na umiling si Leo at parang nakahinga nang maluwag si Bantugan nang marinig 'yon, tinapik niya si Leo sa balikat. "Mabuti. Ang maipapayo ko sa iyo ay huwag mong gamitin basta-basta ang Birang sapagkat naaakit nito ang mga masasamang elemento upang angkinin ang kapangyarihan ng Birang."
Tumango si Leo nang sunud-sunod.
"Bueno, mukhang hanggang dito na lamang tayo magsasama. Wala akong ibang mahihiling kundi'y pagkatagumpay ng inyong paglalakbay," magiting na pagkakasabi sa kanila ni Bantugan.
"Maraming salamat po," taos pusong pasasalamat ni Arki. Nagpasalamat din ang mga kasama niya.
"Huwag n'yong kalilimutan ang mga binilin ko. Mag-iingat kayo palagi," huling salita ni Bantugan at sumulyap ito kay Arki.
Tumungo na si Bantugan sa kanyang bangka at naiwan sila sa kweba. Umandar papalayo ang bangka ni Bantugan at kumaway sila rito hanggang sa unti-unti itong lumayo.
"Napansin n'yo ba?" biglang sabi ni Vivienne na bumasag sa katahimikan.
"Huh?"
"He used the word 'bueno'," nagtatakang sabi ni Vivienne. "It's a Spanish word. How come he knew about it? He's from a the pre-colonial era, right?"
Walang nakasagot sa tanong ni Vivienne.
'Dahil si Bantugan ay pinagpalang kalahating diyos,' muntik nang mapatalon sa gulat si Arki nang magsalita si Anitung Tabu sa isip niya. 'Kaya niyang lumabas pasok sa Ibayo at mundo ng mga mortal upang tumulong.'
'Ang pagiging kalahating diyos niya ang dahilan kung bakit niya alam na ikaw ang huling binukot, Arki,' sabi ni Aman Sinaya.
"Ha?!" nagulat ang mga kasama niya nang bigla siyang bumulalas. "O-Okay, simula na nating magrock climbing," sabi ni Arki habang nag-istretching kunwari.
'Gulat ka girl?' tumawa si Anitung Tabu. 'Nakikita niya kami! Kasi you know, only gods like us can see us! Unless na lang gusto naming magpakita sa mga mortal.' Hindi na muna pinansin ni Arki ang diyosa sa kanyang isip.
"Kailangan natin ng gamit!" bulalas ni Leo. "Aha! At dahil diyan hihilingin ko 'yon sa magic Birang ko—"
"Oy, kakasabi lang ni Bantugan na huwag abusuhin," kontra ni Jazis.
"Ngayon lang! Tsaka sa tingin mo paano tayo makakaakyat sa batong 'to?" sagot ni Leo, ayaw patalo.
"Si Mari!" sagot naman ni Jazis.
"Hindi natin pwedeng gamitin si Mari," kontra ni Rahinel. "Ibinilin ni Bantugan na hindi tayo pwedeng mag-attract ng atensyon dahil ang gubat na nasa kabila ay teritoryo ng mg Ta-awi."
Napasimangot na lang si Jazis. Ang Ta-awi ay isang higanteng halimaw na naninirahan sa kagubatan na malapit sa kaharian ng tribu Sangkil.
"He's right," segunda ni Vivienne. "We need to stay hidden, as much as possible we can't get involve with these tribes. Mahirap na at baka may iligtas na naman tayong kaharian ng sinuman." Sumulyap si Vivienne kay Arki.
"Excuse me?" naramdaman ni Arki na pinapakinggan siya nito. "Gusto mo bang iparating sa'kin na masyadong pabigat 'yung ginawa nating pagtulong kila Dayang Sulu?"
"Correction, it's Sultana Sulu, shala na ang ate girl," singit ni Jazis pero sinimangutan niya 'to.
"Ikaw ang nagsabi niyan," sabi ni Vivienne sa kanya. "What I'm trying to say is, we can't waste more time."
Akmang sasagot si Arki pero mabilis na humarang si Rahinel at hinawakan siya nito sa balikat para pakalmahin.
"Arki, tama si Vivienne," kalmadong sabi ni Rahinel. "Tumatakbo ang oras. Naghihintay si Yumi."
Natauhan siya nang marinig 'yon. Pinalis niya ang kamay ni Rahinel sa kanyang balikat.
'Haha! Ang shunga ng prinsipe mo, girl. Pogi pa naman ni bebe boy.'' biglang sabi ni Anitung Tabu pero hindi niya 'yon pinansin. '
Sa huli'y napagpasyahan ng lahat na gamitin ang kapangyarihan ng Birang ni Leo. Sa kabutihang palad ay wala namang masamang elemento sa paligid. Inabot din sila ng dalawang oras sa pag-akyat sa bato.
Nang makababa sila sa kabilang bahagi ay nakita nila ang isang kagubatan.
"Okay, back to gubat ulit," sabi ni Roni at pinatunog ang kamao.
Napabuntong hininga na naman si Jazis. "Guys, ano nga ulit 'yung Ta-awi?"
"Giant monster," sagot ni Leo. "Na mabilis tumakbo at kayang lumunok ng mga tao."
Habang papalapit sila sa gubat na teritoryo ng Sangkil ay muli silang nalula at nakaramdam ng nakakatakot na presensiya. Matataas ang mga puno at matataba ang mga 'yon, madilim sa loob ng kagubatan dahil hindi iyon napapasukan ng liwanag ng araw.
"Sshhh..." si Arki ang nasa unahan, hawak niya ang mapa. "Walang mag-iingay," mahinang sabi niya.
Pumasok sila sa loob ng kagubatan at pakiramdam nila'y mayroon nang nagmamasid sa kanila. Ibang-iba 'to sa mga gubat na napuntahan na nila. Mga higanteng puno na kasing taas ng mga gusali, ang malalaking ugat nito'y nakakalat sa kanilang dinadaanan. Madulas. Amoy putik.
Pero sa kanilang lahat ay himalang si Leo lang ang hindi natatakot. Nakangiti pa nga itong naglalakad sapagkat nangingibabaw pa rin ang saya sa kanyang isip na mayroon na siyang kapangyarihan na pwedeng gamitin. Naglalaro sa isip niya na pwede niyang hilingin ang mga espada, sandata, armor na dinodrowing niya lang noon na maaari nilang magamit.
Walang nagsasalita sa kanila habang naglalakad. Si Rahinel at Arki ang nasa unahan. Nasa gitna si Jazis at Leo at nasa likuran sila Roni at Vivienne.
Makalipas ang isang oras ng paglalakad ay hindi na natiis ni Leo ang mga naiisip niya. Naglabas siya ng sketchpad at ballpen mula sa bag niya, kahit basa pa 'yon ay nagdrawing siya.
"Guys?" mahinang tawag ni Leo sa mga kasama habang naglalakad sila. "May naisip ako. Pwede tayong magwish sa Birang ko ng flying ship na pwedeng pumunta ng langit—mas madali 'yon. Tingnan n'yo 'yung drawing ko."
"Leo, kailangan nating sundin si Bantugan," mahinang sagot ni Arki nang hindi lumilingon. Tumahimik ulit ang paligid.
Walang sumuporta sa ideya ni Leo. Pero dahil nilamon siya ng kasiyahan at kasabikan ay lihim niyang inusal sa kanyang isip ang kanyang hiling na gawing totoo ang nilikha niya.
Maya-maya'y biglang umuga ang nilalakaran nila kaya huminto sila. Nakarinig sila ng tunog ng mga pagbali ng mga puno 'di kalayuan.
"Ayun na!" hindi napigilan ni Leo na mapabulalas sabay takbo sa kinaroroonan ng barkong hiniling niya.
"Leo!" halos mapasigaw sila. Wala silang nagawa kundi sumunod kay Leo.
Narating nila ang kinaroroonan nito at laking gulat nila nang makita ang isang barko, katulad ng iginuhit ni Leo. Isang barko na may haba ng higit isang daang talampakan at may taas na apatnapung talampakan. May malaking layag ito at may tila pakpak ng eroplano sa gilid.
"W-What the fuck?" bulong ni Roni.
"'Di ba! Sabi ko sa inyo! Pwede na tayong lumipad!" nagdidiwang na sabi ni Leo.
"Leo!" napasampal si Arki sa noo, lumapit siya rito at binatukan ng malakas. "Ang tigas ng kokote mo!"
"Ssshh!" biglang saway ni Rahinel sa kanila at natahimik silang lahat. Umihip ng malakas ang hangin at wala silang ibang naririnig kundi tunog ng mga nagsasayawang dahon at halaman.
Sunod ay mga yabag na halos yumanig sa lupa. Isa-isang nagbabaan mula sa higanteng puno ang mga higanteng nilalang.
"T-T-TA-AWI!" sigaw ni Jazis nang makita sa malayo ang mga Ta-awi. Hugis tao ang katawan nito, walang saplot subalit walang mga ari, may buhok sa ulo, malalaki ang mga mata, mahahaba ang braso at mga kamay na umabot hanggang lupa at gumegewang habang naglalakad. Kitang kita nila ang ngiti ng mga 'to.
Nilabas ni Arki ang arnis niya.
"Guys?" tawag niya pero napalitan ng ngiwi ang kanyang seryosong mukha. "Takbo!!!"
-xxx-
SIRANAW WORLD MAP
(Draft pa lang po ito pasensiya na pero nilagay ko pa rin para mas mavisualize nyo. Next time na lang yung digital version pag keribels na :D)
*Ekis na pula - Kasalukuyang lokasyon nila Arki, nasasakupan ng tribo ng Sangkil. Nasa pugad sila ng mga Ta-awi.
*Bilog na pula - Ang destinasyon nilang lahat upang mahanap si Agyu.
GLOSSARY:
gaod - sagwan
Gimokudan - "in Bagobo myth, it is the land (underworld) of the souls/dead"
Mebuyan - "A goddess of death and the underworld, whose entire body is delicious with milk glands"
Markupo - "It is a large snake, with a prominent red crest, long tongue with thorn-like hairs, sharp tusks and a forked tail. It dwells in mountain tops."
Palakalangit - "In Bagobo myth, it is their skyworld with nine layers of heaven."
Agyu, ang manlalayag ng kalangitan - "Agyu is featured in two epic tales from Mindanao: Olaging and Ulahingan. The Olaging from Bukidnon revolves around the life and adventure of Agyu. Agyu navigates a golden vessel called Sarimbar which can sail across the clouds instead of the sea. This magical ship can carry all of Agyu's race as they travel to the farthest reaches of heaven."
Kahilwayan- "To the ancient Bisaya people, there were three divisions of the world: Kahilwayan, the sky, Kamariitan, the earth and Kasakitan, the underworld."
Haring/Datu Laon - "Mount Kanlaon is surrounded by a variety of myths. A story states that its vicinity was home to a nation ruled by a datu (king or leader) named Laon. The volcano was said to be a former home to a dragon-like monster which was slain by the youthful epic hero, Kan, who was an intimate friend and lover of Laon."
Birang ni Laon - "the Hiligaynons have King Laon who can grant all his citizen's wants and needs via his Birang; a large cloth worn in his head. This simple cloth can provide nearly everything they wish. Laon was well-loved as a king – not just because of his magical item, but because of his kindness and bravery."
Ta-awi - "is a large hideous humanoid from Philippine Mythology, Despite having a body bigger than an ordinary man, the ogre-like ta-awi is very agile. Its thunderous voice terrifies Maranao hunters. It raids villages and devours people alive but doesn't eat their eyeballs because it can't digest them for some reason."
Note:
*Manuvu, Mansaka, Tagabawa, Subanon, T'Blan, Kogitun, at Sangkil are fictional tribes that I created based on Mindanao's tribes like Lumad.
*Most of Siranaw's deities are based on Bagobos myth.
*The photos I used in this chapter are not mine. Ex."Boat in the storm," by Miroslav Dobric,
"Sailboat In A Storm" by Mia Hansen
A/N: Paumanhin ulit sa matagal na update. Kita n'yo naman kung gaano kabusisi ang paggawa ng isang kabanata sa dami ng research. Sana nag-enjoy kayo, hanggang sa muli!
#PADAYON
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top