/41/ Mga Paraan
Kabanata 41:
Mga Paraan
SAMANTALA, sa Srivijaya, ang gitnang mundo sa Ibayo. Sa isang masukal na kagubatan sa Pas'yim, ang kanlurang isla ng Srivijaya, tumatakbo sila Shiela at Karl sapagkat hinahabol sila ng tatlong lumilipad na halimaw.
Matagumpay silang nakatakas sa Kampo Dos, at dahil hindi pamilyar si Shiela sa Srivijaya, napadpad sila sa pugad ng mga Mangalok—isa itong mabagsik na halimaw, isang uri ng aswang na lumilipad, kaya nilang manlinlang sa pamamagitan ng kanilang mala-anghel na kagandahan—subalit tuwing gabi'y lumalabas ang kanilang tinatagong pakpak at kumakain ito ng mga lamang loob ng mga tao.
"Huwag kang lilingon, Karl!" sigaw ni Shiela sa kasama niyang nasa likuran. Patuloy ang kanilang pagtakbo.
Sa gitna ng masukal na kakayuhan ay maririnig ang malakas na pagaspas ng tatlong Mangalok. Buong tulin na tumatakbo si Karl at Shiela upang mailigtas ang kanilang mga buhay.
Iba ang mga halimaw na nakalaban ni Shiela noon sa Hilusung,napansin niya na may pagkakahalintulad ang Mangalok sa Manananggal na madalas niyang paslangin noon—pero hindi pa rin sigurado si Shiela dahil hindi niya alam ang teritoryo na kinaroroonan nila ngayon.
Takut na takot na tumatakbo si Karl.Rinig na rinig niya ang pagaspas ng mga Mangalok at pakiramdam niya ay palapit na ito nang palapit sa kanyang likuran. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili at lumingon siya.
Nakita niya ang isang nangungunang Mangalok na nasa itaas niya, handa na siyang dambahin—bigla siyang natisod at nadapa.
"Shiela!" sigaw ni Karl.
Kaagad na huminto si Shiela, hinugot niya ang bolo na ninakaw niya sa isang kawal sa Kampo Dos at buong lakas niyang hinataw ang ulo ng Mangalok na nakalapit kay Karl—muntik na itong makagat.
Tumalsik ang ulo ng Mangalok at nadaganan ng katawan nito si Karl. Dali-daling tinanggal ni Karl ang nakakasulahok na katawan ng Mangalak sa kanyang ibabaw. Inalalayan siya ni Shiela at muli silang tumakbo.
Lumiko sila nang makakita sila ng malaking puno at nagtago sa likuran nito. Parehas nilang pinipigil ang hininga nang lumagpas sa kinaroroonan nila ang dalawang lumilipad na Mangalok.
Hindi sila gumalaw hangga't hindi nakakalayo ang mga Mangalok. Nang mawala ang mga 'to ay doon lamang sila muling nakahinga ng maluwag.
"A-Akala ko magiging okay na ang lahat kapag nakatakas tayo ng Kampo Dos," mahinang sabi ni Karl sa pagitan ng paghinga.
Umiling si Shiela at muling ibinalik ang bolo sa kaluban nito. Napaupo sila parehas at sumandal sa puno.
"Nagkukubli ang bawat kampo sa loob ng Ibayo. At saka hindi magiging okay ang lahat hangga't hindi natin nahahanap sila Arki."
Hindi kumibo si Karl, napatingala na lang siya sa langit. Kay ganda pa naman ng buwan at kay kinang ng mga tala roon. Kahit papaano'y napawi ang kanyang pagod sa magandang tanawin sa langit.
"Sa ngayon kailangan na muna nating magpahinga, kapag sumikat ang araw—ligtas na tayo sa mga halimaw na 'yon," sabi ni Shiela, nakita niya na nakatingala si Karl sa langit kaya nag-angat na rin siya ng tingin.
Mula nang makatakas sila sa Kampo Dos kanina ay hindi na sila tumitigil sa pagtakbo. Ngayon lang nila naramdaman ang pagod sa kanilang katawan.
"Sa totoo lang..." sabi ni Shiela at tumingin si Karl sa kanya. "Napakaganda ng Ibayo, hindi mo sukat na akalain na may ganitong mundo—pero puno rin ito ng mga halimaw at peligro."
"Nag-aalala ka kay Arki, Shiela," sabi ni Karl. "Nag-aalala rin ako sa kung nasaan man sila."
Hindi na kumibo si Shiela. Napapikit siya at mabilis na dinatnan ng tulog. Nakatulog sila parehas nang magkasandal sa isa't isa.
Hanggang sa mabilis na sumikat ang araw. Nagising sila parehas at medyo nakabawi na ng lakas ang kanilang katawan. Natagpuan nila ang kanilang mga sarili na muling naglalakad sa kagubatan, mas kampante sila ngayon dahil walang mga halimaw ng kadiliman.
Hinabol ni Shiela si Karl na nangunguna sa paglalakad, hinawakan ni Karl si Shiela para huminto ito sa paglalakad.
"Shiela, sandali," sabi ni Karl nang huminto sila."We need to make a plan like what you said before."
Pinalis ni Shiela ang kamay ni Karl sa kanyang braso. Naglakad sila ulit hanggang sa marating nila ang isang sapa, naupo sila sa gilid nito.
"We can't just walk aimlessly," sabi ulit ni Karl nang hindi siya magsalita. "Where do we go? What do we—"
"Teka lang," tinaas ni Shiela 'yung kamay niya para pahintuan ang naalipurang si Karl. Alam niyang masyado itong nagimbal sa mga halimaw na humabol sa kanila noong nagdaang gabi. "Kailangan mong huminahon, Karl."
"I-I'm calm."
Napahinga nang malalim si Shiela. "Kailangan muna nating kumain, diyan ka lang. Manghuhuli ako ng isda. Marunong ka bang gumawa ng apoy?"
Tumango si Karl at si Shiela ay lumusong sa sapa upang manghuli ng makakain nila. Pagkatapos ay niluto nila ang isdang nahuli ni Shiela.
Habang kumakain si Karl ay nagsalita siya."Kailangan ko pala ulit talaga ipaintindi sa'yo kung gaano kalaki ang Ibayo."
Pinulot ni Shiela ang isang maliit na sangay ng halaman at gumuhit ito ng tatlong bilog, pagkatapos ay nilagyan niya ng guhit sa bawat pagitan ng bilog.
"Ito ang Ibayo, Karl," sabi ni Shiela at binilugan ang buong guhit niya. "Sinabi ko na ba sa'yo na ang Ibayo ay mundo ng mga mundo?"
"What? A world within worlds?" ulit ni Karl na medyo naguguluhan. Ayaw man nitong aminin kay Shiela ay masyado itong nagulat sa mga naengkwentro nila, dala rin ng pagod at gutom na pinagdaanan ay hindi na ito makapag-isip ng maayos.
Tinuro ni Shiela ang unang bilog. "Hilusung, sa mundo natin—ito ang Luzon." Tinuro naman ni Shiela ang gitnang bilog. "Srivijaya, sa mundo natin ito naman ang Visayas." At tinuro ni Shiela ang huling bilog. "At ang pangatlong mundo, Siranaw—na katumbas sa mundo natin ay Mindanao."
Tahimik na kumakain si Karl habang nakikinig kay Shiela.
"Ngayon, dinakip tayo ng Kampo Dos—nasabi ko na sa'yo na sila ang Maharlika o mandirigma ng Visayas. Kaya malinaw na nandito tayo sa Srivijaya," sabi niya at tumango si Karl.
Ginuhitan ni Shiela ang gitnang bilog kung kaya't nahati 'yon sa tatlo. "Nahahati sa tatlong isla ang Srivijaya. Ang nasa Kanluran, ang Pas'yim, ang gitna ang Madhi, at ang Silangan ay ang Por'ob. Ang pagkakaalam ko, nasa kanlurang isla ang Kampo Dos kaya narito tayo ngayon sa isla ng Pas'yim."
Lumunok si Karl at pinunsan ang bibig bago magsalita. "Saan natin mahahanap si Arki at Yumi? There's a big possibility that they're scattered somewhere in this big world."
Muling napahinga nang malalim si Shiela. "Tiyak kong hinahanap din ni Arki si Yumi ngayon—sa palagay ko'y hindi pa rin alam ng mga kalaban na si Arki ang huling binukot."
"That's good to hear," sabi ni Karl at tumango siya.
"Kailangan nating magfocus kay Yumi dahil hawak siya ng kalaban—ng kampon ni Sitan. Ipinapanalangin ko na lang na mahanap din ni Arki si Yumi—at malaki ang probilidad na matatagpuan natin sila kapag naligtas natin si Yumi hangga't hindi alam ng mga kalaban na si Arki ang totoong huling prinsesa."
Tumango naman si Karl. "Where do we exactly find Yumi in this vast..."
"Sitan," sabi ni Shiela. "Doon siya dadalhin ng ahente nito panigurado—para ialay."
"P-Pero... Hindi ba't si Datu Bagobo ang gustong dumakip sa huling binukot? Iyon ang sinabi ni Prinsipe Rakum."
"Isa lang si Bagobo sa mga alagad ni Sitan, iyan din ang alam ko noon, Karl. Pero sinabi sa akin ni Lola Bangs ang totoo."
"Si Barbara Salamanca..."
"Alam ni Lola Bangs ang kasaysayan dahil lumaki siya sa Ibayo. Nakita ni Tala sa propesiya ng mga bituin na isang mortal ang papaslang sa diyos ng Kasanaan na si Sitan—at si Arki 'yon, ang huling binukot."
"Sitan... I've heard it before. Is he the god of underworld of Luzon's mythology?" sabi ni Karl at tumango si Shiela. "So, Sitan is in Luzon—I mean in Hilusung, we should go there to find Yumi."
"Malakas ang kutob ko na nandito rin si Bagobo sa Ibayo ngayon," sabi ni Shiela.
"We'll just go to this place, right?" sabi ni Karl at tinuro ang unang bilog, pero napansin ni Karl na hindi pa rin mapalagay ang mukha ni Shiela. "Bakit?"
"Karl... Nakita mo ba 'to?" tinuro ni Shiela ang guhit na namamagitan sa mga bilog.
"Yeah, what's with that line?" tanong ni Karl.
"Ugod," sagot ni Shiela. "Ang humaharang sa bawat mundo."
"What?"
Walang nagawa si Shiela kundi ikwento ang kasaysayan ng Ibayo, kung bakit nilikha ni Bathala ang mundong ito.
"Nilagay ni Bathala ang Ugod upang paghiwa-hiwalayin ang tatlong mundo," sabi ni Shiela. "Parang isa itong bundok o bato na umaabot hanggang langit na walang sinumang nakakatawid sa kabila. Kaya naman sa totoo lang ngayon lang ako nakatapak sa Srivijaya."
"That's... crazy." Komento ni Karl. "I'm sure may paraan kung paano makatawid sa bawat mundo, nakapunta nga tayo rito mula sa normal na mundo, eh!"
Hindi maiwasang mapangiti ng matipid ni Shiela kay Karl dahil naramdaman niya na yaw nitong panghinaan ng loob.
"Gets ko 'yung point mo, Karl," sabi ni Shiela. "May tatlong portal sa Ibayo para makapunta sa mundo ng mga tao. Ang portal sa timog, binabantayan ito ng kaharian ng Sama Dilaut. Ang portal sa norte, binabatayan ito ng kaharian ng Ivatan. At ang pangatlong portal dito sa Srivijaya... ang pinagbabawal na portal sa siyudad ng Biringan sa isla ng Por'ob."
Napaisip si Karl dahil parang narinig na niya ang salitang binanggit ni Shiela. "You mean... Biringan City? The mysterious Black City in Visayas? It's real?"
"Oo," sabi ni Shiela. "Ngayon, para makatawid ka sa bawat Ugod—may dalawang paraan... pero kailangan mong dumaan sa mga diyos ng langit... o ng impyerno."
Napakunot si Karl.
"Karl, walang logic at reasoning sa lugar na 'to," sabi ni Shiela dahil naramdaman niya kung anong iniisip nito—na imposible ang sinabi niya. "It's either lilipad tayo sa langit o lalanguyin natin ang impyerno sa ilalim ng lupa."
Hindi na napigilang matawa ni Karl. "Shiela... Wala na bang ibang way? Sa Kampo Dos? Baka may portal doon papuntang ibang kampo?"
Umiling si Shiela. "Walang portal sa mga tatlong Kampo para makapunta sa ibang kampo. Ang tanging paraan lang ay nabanggit ko, haharapin natin ang mga diyos ng langit o ng impyerno—iyon lang, Karl."
Napapikit si Karl dahil unti-unti na siyang pinanghihinaan ng loob. "Don't tell me that we're stuck here."
"Hindi," sabi ni Shiela at tumayo. "May paraan pa."
"Ano?"
Napabuga ng hangin si Shiela dahil nauubos na ang pasensya niya. "Hindi ka ba nakikinig sa sinabi ko—"
"I heard you, it's either we fly to heaven or—teka... don't tell me..."
"Oo, Karl, pupunta tayo ng impyerno," sabi ni Shiela at naglakad.
Kaagad napatayo si Karl at sumunod sa kanya. "Impyerno?! Hindi ba pwedeng sa langit?"
"Halatang hindi mo ginagamit 'yung utak mo sa pag-iisip, Karl," pang-aasar ni Shiela. "Nasaan ba si Sitan?"
"S-Sa impyerno?"
"Good, alam mo naman pala. Ang nakakatuwa rin dito sa Ibayo, magkakakonekta ang langit at impyerno ng Hilusung, Srivijaya, at Siranaw. Kaya pupunta tayo sa Madhi, nandoon ang daan papuntang kaharian ni Magwayen."
"Sino si Magwayen?"
Huminto saglit si Shiela at lumingon kay Karl. "Ang diyosa ng kasamaan—ang reyna ng Sulad."
At dahil history professor si Karl, pamilyar sa kanya ang salitang 'yon.
"S-Sulad...The land of the dead."bulong ni Karl.
*****
TILA walang katapusan ang paglalakad nila sa isang madilim lagusan na tila isang malaking padaluyan. Masangsang ang amoy, basa ang konkretong tinatapakan nila at maririnig ang pag-agos ng tubig 'di kalayuan.
Nanginginig sa takot si Mayumi sa takot habang naglalakad habang nakasunod kay Anita na may hawak na isang sulo na nagsisilbing ilaw nila sa lagusan. Namalayan na lamang niya na napadpad siya sa lugar na 'to—ang huli niyang natatandaan ay nasa kagubatan sila.
"M-Miss Anita," hindi na napigilan ni Yumi magsalita. "N-Nasaan na tayo?"
"Huwag kang mag-alala dahil malapit na tayong makalabas sa mabahong lugar na 'to," sagot sa kanya nito nang hindi lumilingon.
Nanahimik si Yumi pagkatapos. Nakapatong sa kanyang damit ang isang itim na balabal na nagsisilbing panabla niya sa malamig na temperatura.
Ilang sandali pa'y nakita nila ang isang hagdanan sa malayo, nang makalapit sila roon at umakyat paitaas ay nakita nila ang isang maliit na bilog na pintuan. Binuksan 'yon ni Anita at nakita ni Yumi na baliktad ang lugar sa labas.
Kinusot ni Yumi ang kanyang mata para makita kung totoo ba ang nakita niya, pero nang magmulat siya'y nakita niyang wala na si Anita, nakasampa na ito sa kabila.
Akma siyang tatakbo palayo pero may humila sa kanya, kamay 'yon ni Anita, at pilit siyang hinila papasok sa loob ng bilog, akala niya ay mahuhulog siya nang tila bumaligtad ang kanyang mundo.
Hindi na nagpumiglas si Yumi nang makalabas siya sa bilog. Inalalayan siya ni Anita para makatayo ng maayos. Nang umayos ang paningin ni Yumi at nang makatayo siya ay halos mapanganga siya nang makita kung nasaan sila.
May mga matataas na gusali, pinaghalong modern at lumang gotika ang disenyo ng mga 'yon. Nakita niya ang mga taong naglalakad—hindi siya sigurado kung tao ba ang mga 'yon dahil kakaiba ang mga kasuotan nito na halos nababalot ng itim.
Muling nilibot ni Yumi ang kanyang paningin at hindi pa rin siya makapaniwala, may mga lumilipad na sasakyan, ang disenyo nito'y malayung malayo sa mga normal niyang nakikita noon. Nakakita rin si Yumi ng mga kalesa na dumadaan sa kalsada.
"N-Nasaan tayo?" bulong niya at naramdaman niya ang paghila sa kanya ni Anita.
"Siyudad ng Biringan," sagot ni Anita. Nasa isla ng Por'Ob ang Biringan at isa ang nasa isip ni Anita ngayon ay kailangan niyang makapunta sa Madhi, ang gitnang isla ng Srivijaya.
Habang hila-hila siya ni Anita ay hindi pa rin tumigil si Yumi sa pagtingin sa kanyang paligid. Para itong siyudad sa Maynila, naisip niya na baka nasa ibang bansa lamang sila pero hindi—nakita ni Yumi ang isang naglalakad na mamamayan at nakita niya na mahaba ang tainga nito—isang engkanto.Biringan, parang narinig na ito noon ni Yumi.
Pumasok sa isang eskinita si Anita habang hila siya, mas maraming mga ibang mga 'tao' roon. Parang sa normal na mundo—may mga tiyangge, abala ang lahat sa kanilang mga kabuhayan.
Dinala ni Anita si Yumi sa isang maliit na kainan. Habang hinihintay ang kanilang pagkain ay magkaharap sila sa isa't isa.
"M-Miss Anita..." tawag ni Yumi. "B-Biringan... Nasa Biringan City tayo?"
"Oh, narinig mo rin ba ang kwento tungkol sa Biringan?" tanong sa kanya ni Anita. Hindi kumibo si Yumi at napangisi si Anita. "Biringan, the Black City. Maligayang pagdating, Mayumi."
Dahil tumiwalag si Anita sa alyansa sa kanyang mga kakampi at nawala niya ang kanyang kwintas na nagsisilbing paraan niya upang makapunta sa Hilusung ay ginamit niya ang kanyang mahika, alam niya ang lihim na salamangka upang makapunta sa Ibayo—gamit ang ipinagbabawal na portal ng Siyudad ng Biringan.
Maraming siglo na ang lumipas nang kumonsulta ang mga pinuno ng Biringan sa pinakaitim na salamangka ng mga mangkukulam sa Srivijaya, nagbukas sila ng sariling portal para makapunta sa mundo ng mga mortal.
Nahahalina ang mga engkanto ng Biringan sa mundo ng mga mortal kung kaya't ginamit nila ang portal nila upang manghalina ng mga mortal sa kanilang mundo. Madalas din nilang binubuksan ang portal upang dumayo sa mundo ng mga mortal upang obserbahan ang teknolohiya ng kabilang mundo.
Ipinasa sa mga piling indibidwal ang salamangka sa portal ng Biringan at kabilang na rito si Anita.
Pinilit ni Anita na kumain si Yumi kahit na ayaw nito. Pagkatapos ay muli silang naglakad. Hindi na sinubukang manlaban ni Yumi dahil nararamdaman niya ang hindi nakikitang tali na sa kanyang leeg—isang mahika na ipinataw sa kanya ni Anita upang hindi siya makatakas.
Walang ibang nagawa si Yumi kundi lihim na magdasal. Huminto sila sa paglalakad at maya-maya'y dumating ang isang itim na kalesa, ang kutsero nito'y nababalot ng itim na balabal at tila walang mukha—nagulat si Yumi nang makita ang kamay ng kutsero—isang kalansay!
"Saan ang inyong paroon?" tanong ng kutserong kalansay.
"Sa pier papuntang Madhi," sagot ni Anita sa kalansay.
"Sa Madhi? Ano naman ang sasadyain n'yo roon?" tanong ng kalansay.
"Nais kong bisitahin si Magwayen," sabi ni Anita. "Mayroon ang iaalay sa kanya."
*****
NAALIMPUNGATAN si Jaakko subalit hindi siya gumalaw. Naramdaman niya ang kanyang sarili na nakadapa sa isang malamig na semento. Nasa likuran ang kanyang mga kamay, nakagapos iyon maging ang kanyang mga paa. Mayroon ding busal ang kanyang bibig.
'W-What the fuck?' iyon ang naisip niya habang nakadapa. Wala siyang makita maliban sa ilang kakarampot na liwanag. Hindi niya alam kung nasaan siya. Naririnig niyang umaalingawngaw sa paligid ang mga bulungan—isang pagpupulong.
"Isang malaking kahangalan ang ginawa mo! Paano ka nakapagdala ng isang indio rito?!"
Mga pamilyar na boses na narinig na noon ni Jaakko. Hanggang sa maalala niya ang kanyang mga bangungot noon, tsaka niya napagtanto na hindi 'yon bangungot o panaginip—ang lahat ng iyon ay totoo. Alam niyang hindi rin siya nananaginip ngayon.
"Aaminin ko na hindi ako naging maingat," nanlaki ang mga mata ni Jaakko nang marinig ang boses na 'yon... Si Khalil! Ang taong sinundan niya sa portal. "Pero naisip ko na kung ano ang maaari nating gawin sa batang 'yan."
"At ano naman 'yon?"
"Sinabi ninyo na wala si Anita sa Hilusung—at ang naiisip kong maaari niyang ginawa ay ginamit niya ang isang tagong salamangka papunta sa isang portal sa Biringan," sabi ni Khalil sa mga kasama.
"Biringan? Sa Srivijaya? Anong dahilan ni Anita at doon siya nagtungo?"
"Alam ni Anita na tayo ang sasalubong sa kanya kapag diretso siyang nagtungo sa Hilusung," sabi ulit ni Khalil sa mga kasama.
Tumagataktak ang pawis sa noo ni Jaakko, kahit hindi niya ito nakikita ay damang dama niya pa rin ang kilabot sa kaibuturan ng kanyang buto.
"Maaaring magtungo si Anita sa Sulad—sa kaharian ni Magwayen. At bago pa siya makahingi ng tulong sa reyna ng kasamaan—kailangan natin siyang maunahan."
"Sinasabi mo ba na kailangan nating makipagkasundo kay Magwayen, Khalil?" Sabi ni Manisilat.
"At paano naman tayo makikipagkasundo sa reyna ng Sulad?" sinundan 'yon ni Hukloban.
Ngumisi si Khalil at tumingin sa kinaroroonan ni Jaakko, hindi pa nila alam na kanina pa ito gising. "Mag-aalay tayo ng isang napakagandang regalo."
Halos maputol ang hininga ni Jaakko dahil pakiramdam niya ay nakatingin sa kanya ang mga nagpupulong. Kumilos si Mankukulam at lumapit kay Jaakko upang hilahin ito.
Nang maramdaman ni Jaakko ang kamay na may mahahabang kuko ni Mankukulam ay kaagad siyang nagpupumiglas. Pinilit niyang galawin ang kanyang katawan upang makalayo subalit wala siyang nagawa nang pagtulungan siyang buhatin ng mga 'to at nilapag siya isang bilog na batong mesa.
Nagtama ang tingin ni Jaakko at Khalil. Puro impit lamang ng boses ni Jaakko ang maririnig dahil sa busal sa kanyang bibig. Wala siyang ideya kung anong gagawin sa kanya ng mga 'to.
Nanigas siya sa takot nang makita niyang pinalibutan siya ng apat at umusal ito ng isang hindi lenggwaheng hindi maintindihan.
Tinatawag ng apat si Magwayen at maya-maya pa'y namuo ang isang itim na usok sa isang gilid at nakita nila roon ang hubog ng isang usok ng isang reyna.
"Magwayen," sabi ng apat at lumuhod ang mga 'to.
"Anong kailangan ng mga kampon ni Sitan?" hindi ngumingiting tanong ni Magwayen. Hindi makikita ang mukha ni Magwayen dahil isa lamang itong usok—isang pagtawag na sinagot ng reyna sa kabilang mundo.
Malalim at may bakas ng awtoridad ang boses ni Magwayen.
"Narito kami upang humingi ng isang pabor," sagot ni Khalil habang nakayukod.
"At ano naman ang kapalit?" tanong ni Magwayen.
Nag-angat ng tingin si Khalil at ngumiti. "Isang laruan—isang indio."
"Indio? Paanong nakapasok ang isang mortal sa Ibayo?" tanong ni Magwayen pero naging interesado ito 'agad sa regalong ibibigay sa kanya. "Hindi pa ako kailanman nakakita ng indio na nakapasok sa Ibayo, napakainteresanteng regalo."
Nagkatinginan ang apat at tumalab ang plano ni Khalil.
Tumayo si Khalil at nilabas ang dalawang larawan, ipinakita 'yon kay Magwayen. "Nais naming tulungan mo kami sa paghahanap sa dalawang ito."
Larawan 'yon ni Anita at Yumi. Ipinaliwanag ni Khalil kay Magwayen ang sitwasyon at tumawa ang reyna.
"Bilang kapatid ng kasamaan, malugod akong tutulong sa mga kampon ni Sitan," sabi ni Magwayen at lumapit kay Jaakko na nasa mesa. "Isang indio... Hmmm..."
Gustong sumigaw ni Jaakko subalit hindi niya magawa. Hinawakan siya ng usok at ilang sandali pa'y bigla siyang binalot nito. Hanggang sa tuluyang maglaho si Jaakko at kinuha ni Magwayen upang dalhin sa kanyang kaharian—ang Sulad.
-xxx-
GLOSSARY:
"Mangalok is a creature that hides in the highest tree branches by day and attacks humans at night. She has a pretty face that is covered by her hair when sleeping during the day. Her body is wrapped around by her wings. At night, it wakes up to eat."
"Magwayen is the primordial Goddess of the Sea and the Underworld in Bisayan mythology, who along with Kaptan, God of the Sky, created the world and the first humans."
"Biringan City is a mythical city that is said to invisibly lie between Gandara, Tarangnan, and Pagsanghan in Samar province of the Philippines. Biringan means "the black city" in Waray, the local dialect for "hanapan ng mga nawawala – where one finds the lost". According to lore, Biringan is a place where the engkantos (spirits who have the ability to appear in human form) live."
"Indio The indigenous peoples of the Philippines were referred to as Indios (for those of pure Austronesian descent) and negritos. Indio was a general term applied to native Austronesians as a legal classification; it was only applied to Christianised natives who lived in proximity to the Spanish colonies."
***My creation of Ibayo, Hilusung, Srivijiaya, Siranaw, the islands, etc are fictional***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top