/40/ Imong Bayani
Kabanata 40:
Imong Bayani
HINDI pa rin makapaniwala si Arki na may isa na naman siyang kaharap na diyosa ngayon. Nagliliwanag si Aman Sinaya at halos malula siya sa hindi pangkaraniwan nitong laki at kagandahan.
"Hindi ito ang oras para mag-usap tayo, Rajani," narinig niyang muli ang tinig ng diyosa. "Huwag kang mangamba dahil mula ngayon ay matutulungan na kita."
Walang anu-ano'y biglang naging liwanag muli si Aman Sinaya at hinigop ito ng letra sa kanyang likuran. Naiwan si Arki sa ilalim ng dagat at lubos siyang namangha nang maramdaman na kaya niyang huminga sa ilalim.
Nakita niya si Rahinel na tila hinihila ng dagat sa ilalim. Mabilis siyang lumangoy upang iligtas ito. Nang makalapit siya'y kaagad niyang tinapik ang pisngi nito subalit wala na itong malay, wala siyang ibang nagawa kundi hilahin si Rahinel at lumangoy siya upang makaahon.
Nang makaahon siya sa ibabaw ng dagat ay nakita niya ang palasyo ng Sama Dilaut sa malayo, sira na 'yon at kita rin niya ang itim na usok sa kaharian, hindi pa rin natatapos ang kaguluhan.
Hinanap ni Arki ang pinakamalapit na dalampasigan at mabilis na lumangoy papunta roon habang hila-hila ang walang malay na si Rahinel. Makalipas ang ilang sandali'y narating niya ang dalampasigan, hinila niya si Rahinel malayo sa tubig.
"Hoy, Rahinel, gising," tinapik-tapik niya ang pisngi nito subalit hindi pa rin nagising. Nilapit ni Arki ang tenga niya sa ilong nito at dinama niya kung humihinga pa ba si Rahinel. "Diyos ko lord naman." Dinama niya ang pulso ni Rahinel pero wala siyang naramdaman.
Natataranta siya pero pinilit niyang kumalma. Wala siyang ibang nagawa kundi bigyan si Rahinel ng first aid.Nilagay niya ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng dibdib nito at sinimulang bigyan ng chest compression si Rahinel, nagbilang siya at tumigil upang tingnan kung humihinga na ba ito.
Ikiniling niya ang ulo ni Rahinel, nilagay niya ang mga daliri sa baba nito, at ang isa niyang kamay ay inipit ang ilong ng binata. Napalunok muna siya ng ilang beses habang nakatingin sa nakaawang na labi ni Rahinel.
Mabilis siyang natauhan at kaagad niyang nilapat ang kanyang labi sa labi ni Rahinel upang bigyan ito ng hangin. Pagkatapos ng dalawang hininga ay muling binigyan ni Arki si Rahinel ng chest compression at nagbilang siya ng tatlumpu, inulit niya iyon hanggang sa naramdanan niya ang paghinga ni Rahinel.
Nagising si Rahinel at lumabas sa bibig nito ang tubig na nainom.
"Rahinel!" nag-aalalang sigaw niya nang makitang nagkamalay na ito. Inalalayan niyang bumangon si Rahinel.
"A-Arki?" sabi ni Rahinel nang makita siya. Awtomatikong napayakap siya rito. "S-Salamat."
"Kaya mo bang tumayo?" tanong niya habang nakayakap pa rin si Rahinel sa kanya. Inalalayan niya itong tumayo at bumitaw na sa kanya si Rahinel.
Narinig nila ang isang pagsabog, napatingin sila sa kaharian ng Sama Dilaut at nakitang gumuho ang isang gusali. Naririnig nila mula sa kanilang kinaroroonan ang kaguluhan.
"Kailangan nating kumilos, kapag hindi natin napigilan si Basaam ay maaaring masira ang kaharian ng Sama Dilaut," sabi ni Rahinel na medyo nanghihina pa rin.
Tumango lang si Arki at sabay silang tumakbo pabalik ng bayan. Nasa isang kilometro ang kanilang layo kung kaya't binilisan nila sa pagtakbo.
Biglang yumanig ang paligid kaya natigilan sila ni Rahinel sa pagtakbo, maya-maya pa'y lumabas mula sa ilalim ng dagat ang isang higanteng pugita, kasing taas nito ang mga naglalakihang building sa Maynila. Narinig nila ang pagsigaw ng halimaw, narinig din nila ang sigaw ng pagkasindak ng mga tao.
"L-Lahat ba ng mga hayop dito ay mga higante?!" hindi niya mapigilang sabihin habang nakatingin sa higanteng pugita.
Papalapit ang pugita sa kaharian ng Sama Dilaut at nakita nila ang walo nitong galamay, tiyak na kayang kaya nitong sirain ang buong bayan.
"Dalian natin!" sigaw ni Rahinel at muli silang tumakbo papuntang bayan.
Pagdating nila sa bayan ay hindi pa rin tapos ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan ni Basaam at ng mga kawal ng kaharian. Nakita nila si sila Vivienne at Roni (na nagpalit anyong Tikbalang) ang nakikipaglaban sa oposisyon.
Ang mga sibilyan ay hindi magkandaumayaw sa takot, nagtatakbuhan ang lahat, kanya-kanyang pagsalba sa kanilang sarili gamit ang mga kanya-kanyang balsa o Bangka.
"Dito! Pumunta kayo rito!" nakita ni Arki ang isang kawal na nagtatawag ng mga sibilyan upang ilikas ang mga ito sa isang malaking Bangka. Napagtanto ni Arki na Bangka 'yon ni Bantugan—nakita niya si Dayang Sulu na tumutulong sa mga tao na maglikas.
Nakipaglaban na rin si Rahinel dahil may isang rebelde ang nagtangkang saktan sila. Tatakbo si Arki sa kinaroroonan nila Dayang Sulu subalit biglang may humarang sa kanya at kaagad niyang nilabas ang kanyang arnis upang labanan ito.
Nang matalo niya ang rebelde ay mayroon na namang humigit sa kanya at akma niyang hahampasin 'yon nang makita niya ang kaibigang si Leo.
"Arki! Ano ka ba! Huwag mo akong patayin!" sigaw ni Leo habang pinangsasangga ang hawak na manok—si Mari.
"Mari!" buong tuwa niyang sigaw nang makita ito. "Ligtas ka!" kinuha niya kay Leo si Mari at niyakap.
"'Yung totoo? Sa manok natuwa ka na buhay sa akin hindi?!" reklamo ni Leo. Biglang sumulpot si Jazis na madaming suot at dalang bag.
"Yuhoo! Nahanap namin ni Leo 'yung mga gamit natin! Ang galing namin 'di ba! Sumibat na tayo rito—holy sheeeeet!" napatili si Jazis nang makita ang papalapit na higanteng pugita sa malayo. Nakita rin 'yon ni Leo.
"Ahh!!! Giant pusit?!"sigaw ni Leo sa takot. "Akala ko si Mari lang ang pwedeng maging giant!"
"Gagi, octopus 'yan! Hindi pusit!" sigaw ni Jazis dito.
"Kaya nga! 'Di ba tagalog ng octopus ay pusit?!"
"Tumigil nga kayo!" sigaw ni Arki sa dalawa. "Pugita 'yan mga mangmang!"
"Guys," lumapit si Vivienne sa kanila. "That octopus can wipe this kingdom in one strike. Nakuha na 'yung mga gamit natin, let's get out here."
Nakita nila na napatumba na nila Vivienne at Roni ang mga natitirang rebelde, ang tanging problema na lang nila ngayon ay ang higanteng pugita at si Basaam.
"Agree!" Si Jazis.
"Hindi tayo pwedeng umalis hangga't hindi natin nakukuha kay Basaam ang perlas, kailangan natin siyang matalo!" protesta ni Arki.
"How can we defeat that thing?!" sigaw ni Vivienne at tinuro muli ang halimaw na paparating.
Hindi nakasagot si Arki.
"Arki," lumapit sa kanila si Dayang Sulu.
"S-Sulu..."
"Arki, sumakay na kayo sa bangka ni Bantugan, kontroldo ni Basaam ang Samadi."
"Samadi?"
"Ang halimaw na 'yan ang isa sa mga nagbabantay sa aming kaharian at sa Ugod, at ang kapangyarihan ng perlas ang may kakayahang kumontrol sa halimaw na 'yon. Kaya kailangan n'yo nang lumikas bago pa mawasak ang buong kaharian," nag-aalang sabi ni Dayang Sulu sa kanila.
"Nasaan si Basaam?" tanong niya pero walang nakasagot. Walang nakakaalam kung nasaan ito dahil bigla itong naglaho.
Ayaw mawalan ng pag-asa ni Arki kaya nag-isip siya."Alam ko na!" inagaw niya kay Leo si Mari at inutusan itong lumaki para makalipad.
Subalit nang magpalit anyo si Mari ay nagulat sila nang hindi ito lumaki katulad noon—kasing laki lang ito ng kabayo.
"Bak-bak-bak-bak."parang tao na nagsalita si Mari pero hindi nila maintindihan. Naramdaman ni Arki kung ano ang gusto nitong sabihin.
"Hah? Masama ang pakiramdam mo, Mari?" Dismayado niyang sabi. Naisip niya sana na kung magagawang lumipad ni Mari ay maaari nilang kalabanin ang higanteng pugita—o Samadi.
"Kahit sino naman 'atang muntik nang maging inihaw na manok ay sasama ang pakiramdam," sabi ni Leo.
"Ako na ang bahala," biglang sabi ni Rahinel at nilabas ang kanyang espada, nagliyab 'yon nang humaba. "Lumikas na kayong lahat, tulungan niyo ang mga sibilyan, habang kakalabanin ko ang Samadi upang mabaling ang atensyon nito sa'kin."
Sumakay si Rahinel kay Mari at mabilis na lumipad 'yon. Naiwan sila.
"Arki, tara na!" sabi ni Jazis nang tapikin siya. Siyang dating ni Roni na kakabalik lang sa normal na anyo.
"Shet, nakita n'yo 'yong giant pusit?" sabi ni Roni sa mga kasama habang sinusuot ang pang-itaas na damit.
"Pugita hindi pusit!" pagtatama ni Jazis.
"Sumunod kayo sa'kin!" sabi ni Dayang Sulu at sumunod sila. Sinimulan nilang tulungan ang mga sibilyan na makasakay sa mga Bangka upang mailikas sila sa isla.
Nakita ni Arki na nakalapit si Rahinel sa Samadi at sinimulan 'yong kalabanin, dahil doon ay nabaling ang atensyon nito sa iba at mabibigyan sila ng maraming oras para makalikas.
Pero hindi pa rin niya matanggap na walang ibang gawin. Nakita niya na buo ang desisyon ni Dayang Sulu, hindi na mahalaga kung mawasak ang buong kaharian (na nakatirik sa dagat), ang tanging importante ay mailigtas ang mga mamamayan ng kanilang kaharian.
"Hindi kakayanin ni Rahinel kung siya lang mag-isa..."bulong niya sa kanyang sarili.
"Arki!" sigaw ni Leo sa kanya at nakitang pinasasakay na siya sa Bangka. Pero hindi siya kumilos. Nag-isip siyang muli.
"Sinabi ni Dayang Sulu na nakokontrol ng perlas ang Samadi... Kung matatalo ko si Basaam at makukuha ko sa kanya ang perlas..."
"Arki!" sigaw ng mga kasama niya nang bigla siyang tumakbo papunta sa kabilang direksyon.
Sa dami ng mga tao na naglilikasan ay hindi na siya nakita ng mga kasama. Huminto siya nang marating niya ang wasak na palasyo, nakita niya ang kanyang repleksyon sa tubig ng dagat.
Napapikit siya saglit... At inalala kung sino siya.
'Anitung Tabu. Aman Sinaya.' Umalingawngaw ang tinig na 'yon sa kanyang isip.
Pagmulat niya ay nakita niya sa repleksyon na may dalawang nilalang ang nasa likuran niya. Si Anitung Tabu at si Aman Sinaya.
Kaagad siyang napalingon.
"Hello, dear!" masiglang bati sa kanya ni Anitung Tabu.
"Rajani," tawag naman sa kanya ni Aman Sinaya.
"Paano ko matatalo si Basaam?" tanong niya sa mga diyosa. "Ni hindi ko nga alam kung nasaan siya."
Nagkatinginan ang dalawang diyosa bago ito muling tumingin sa kanya.
"Sumama ka sa akin," sabi ni Aman Sinaya at inabot nito ang kamay.
Paghawak ni Arki sa kamay ng diyosa ng karagatan ay bigla siyang hinila ng dagat. Noong una'y natakot siya at nagpumiglas pero nang maramdaman niya ang paghinga sa dagat ay kumalma siya.
Napagtanto niya na nababalutan din siya ng tila isang malaking bilog ng hangin. Ilang sandali pa'y tila isang sasakyan na umandar ang hangin at dinala siya nito sa gitna ng karagatan.
Laking gulat niya nang makita niya roon ang kanyang hinahanap. Si Basaam, nakalutang ito, nagliliwanag ang kwintas na perlas na suot at tila wala sa sarili.
'Dahil kinukontrol niya ang Samadi?' sa isip ni Arki nang maalala ang sinabi ni Dayang Sulu.
Lalapitan niya sana si Basaam subalit bigla itong napalibutan ng mga hindi maipaliwanag na halimaw ng dagat—mga isda ang katawan nito'y subalit ang ulo'y tila isang dragon. May haba iyong limang talampakan.
Nang maramdaman ng mga halimaw ang kanyang intensyon ay kaagad itong sumugod sa kanya—awtomatiko niyang itinaas ang kanyang kamay at tila may isang hindi nakikitang pwersa ang pumigil sa mga 'to. Tumalsik ang mga halimaw sa malayo.
Nang makalapit siya kay Basaam at nahawakan ang suot nitong perlas ay bigla itong nagmulat at winasiwas ang kamay—dahilan para tumalsik siya. Nang huminto siya'y nakita niyang umangat sa dagat si Basaam kaya wala siyang nagawa kundi sundan ito.
Nang makaahon siya'y nakita niya si Basaam na may ipu-ipong bumabalot sa ibabang bahagi ng katawan kung kaya't nakakalutang ito. Hindi niya alam kung paano pero nakatapak siya ngayon sa ibabaw ng tubig.
"Hindi ka pangkaraniwang mortal, sino ka?!"sigaw ni Basaam sa kanya, may bakas ng takot ang himig dahil nagawa niyang mapuksa ang mga bantay nitong halimaw.
Napalingon si Arki sa kinaroroonan ng Samadi sa malayo, hindi pa rin ito tumitigil habang nilalabanan ni Rahinel na nakasakay kay Mari. Muli siyang humarap kay Basaam.
"Ako... Ako si Arki," sabi niya habang unti-unting umaangat sa tubig, nakalutang siya ngayon sa ere at halos malaglag ang panga ni Basaam.
"I-Ikaw ang—"
Hinugot ni Arki ang kanyang arnis at malakas na kinumpas 'yon sa hangin, isang malakas na pwersa gamit ang kapangyarihan ni Anitung Tabu at Aman Sinaya—pinaghalong pwersa ng hangin at tubig.
Tumalsik si Basaam sa langit at nakita ni Arki na nahulog sa tubig ang suot nitong perlas. Kaagad siyang sumisisid sa ilalim ng dagat upang kuhanin 'yon.
Pagkakuha niya ng perlas ay naglabas 'yon ng liwanag na kumalat sa buong paligid. Umahon siya at nakita niya ang Samadi na unti-unting umaatras at lumulubog.
Napangiti siya dahil nagtagumpay siya.
*****
MALAKI ang tinamong pinsala ng kaharian ng Sama Dilaut ng dahil sa nangyaring digmaan. Nahuli si Basaam na palutang-lutang sa laot kaagad na pinarusahan—ikinulong ito sa isang pinakaliblib na kweba sa Isla Ataw at hindi na muling masisikatan pa ng araw.
Dineklarang Sultan si Dayang Sulu, siya na ang bagong pinuno ng mga Sama Dilaut. Nagkaroon ng isang pagdiriwang, dineklara ni Sultana Sulu ang kabayanihan nila Arki, Rahinel, Leo, Jazis, Roni, at Vivienne sa pagligtas ng kanilang kaharian.
"Para sa ating mga bayani!" sigaw ni Sultana Sulu at itinaas ang isang kopita.
"Mabuhay!" sigaw ng mga Sama Dilaut at nagkasiyahan ang lahat.
Hindi makapaniwala ang anim na tinanghal silang bayani ng bagong Sultan. Kalikaliwa ang pasasalamat na kanilang naririnig mula sa mga mamamayan, ang mga kawal naman ay nagbigay pugay pa.
At bilang pasasalamat ni Sultana Sulu sa kanyang mga naging kaibigan ay pinabaunan niya ng maraming pagkain sila Arki, binigyan din sila nito ng tig-iisang kabibe na may isang perlas sa loob, may malaki itong halaga na maaari nilang ipalit sa pilak.
"Maraming salamat, Sulu, ang dami mo namang pabaon sa'min na pagkain, baka hindi namin makain 'yan lahat!" sabi ni Arki habang pinanonood nila ang mga kawal na naglalagay sa Bangka ni Bantugan ng mga kahon ng prutas.
"Kulang pa 'yan bilang kabayaran sa pagtulong ninyo sa amin," sabi ni Sultana Sulu. "Tinadhana ni Bathala na mapunta kayo rito, kung hindi dahil sa inyo ay hindi maililigtas sa kapahamakan ang kaharian. Kaya... Maraming salamat."
Ngumiti si Arki at niyakap siya ni Sultana Sulu. "Sana matupad mo ang pangarap mo na makapunta sa mundo ng mga mortal," sabi ni Arki habang nakayakap sa kaibigan. "Sana matulungan mo ang mga badjao sa mundo namin."
"Balang araw, Arki. Sana rin mailigtas n'yo na ang kaibigan n'yo."
Nagbitiw sila. Sumakay na si Arki sa Bangka ni Bantugan. Sa kahuli-hulihang pagkakataon ay kumaway sila rito habang lumalayo ang kanilang Bangka papuntang Ugod.
"Handa na ba kayo?" tanong ni Bantugan sa kanilang anim nang makalayo sila sa kaharian. "Ilang sandali pa'y mararating na natin ang Ugod."
Napalunok sila dahil hindi pa rin nila eksaktong alam kung paano sila tatawid sa ilalim ng Ugod.
Huminto ang Bangka ni Bantugan makalipas ang tatlong oras, nasa laot sila at tanaw na nila ng mas malapit ang Ugod. Madilim na ang buong paligid dahil hating gabi na.
Walang nagsasalita sa kanila dahil hinihintay nila si Bantugan, umusal ito ng dasal na hindi maintindihan. Pero narinig ni Arki ang dalawang pamilyar na mga salita mula sa dasal ni Bantugan, 'Aman Sinaya, Anitung Tabu'
Nagtaka siya. Akala niya'y susulpot ang dalawang diyosa sa kanyang likuran pero hindi 'yon nangyari. Unti-unting nabalutan ang kanilang Bangka ng isang malaking bula, habang unti-unti silang lumulubog sa ilalim ng dagat. Hindi sila nabasa ng dagat.
Sinindihan ni Bantugan ang kanyang sulo at nang magliwanag ang paligid ay namangha sila nang makita ang ilalim ng dagat, para silang nakakulong sa isang bilog na hangin.
"W-wow para tayong nasa submarine," bulong ni Leo.
Muling umandar ang Bangka at hindi nila maiwasang pagmasdan ang ilalim ng dagat.
"Huwag kayong matakot mga kaibigan," sabi ni Bantugan. "Magpahinga kayo dahil matagal tagal pa ang magiging biyahe bago natin marating ang Siranaw."
Tumingin si Bantugan kay Arki at hindi nito maiwasang mapangiti dahil nakikita nito ang dalawang diyosa sa likuran ni Arki.
*****
NAALIMPUNGATAN si Arki, pagmulat niya ay nakita niya ang ilalim ng dagat. Hindi pa rin sila nakakarating sa kanilang destinasyon. Bumangon siya at nakita ang mga kasama niya na may kanya-kanyang pwesto.
Magkatabi si Vivienne at Jazis. Si Leo naman ay nakadantay ang paa kay Roni habang natutulog sa ulohan niya si Mari. Sa Bantugan ay nasa unahan ng Bangka, nakaupo lang ito at tila minamaneobra ang direksyon ng kanilang sasakyan. Maingat siyang tumayo at pumunta sa dulo ng Bangka, nakita niya na nakaupo roon si Rahinel.
"Hindi ka natulog?" tanong niya. Umusod si Rahinel at tila inaalok siyang umupo sa tabi nito.
Wala siyang ibang nagawa kundi umupo.
"Gusto mo?" imbis na sagutin ang tanong ay inalok siya ni Rahinel ng mansanas. Tinanggap niya 'yon at kinagatan. "Salamat nga pala."
"Saan?" tanong niya.
"Sa pagligtas mo sa'kin."
"Ah... Iyon ba..." hindi na niya alam bigla ang sasabihin. "Sinabi mo..."
Napatingin si Rahinel sa kanya at saktong napatingin siya rito.
"Sinabi mo na mahal mo si Yumi... Dahil siya ang huling binukot," nakatingin lang si Rahinel sa kanya kaya nagpatuloy siya, "pero...paano kung hindi talaga siya 'yung hinahanap mo?"
Nagtaka si Rahinel at mabilis siyang nag-iwas ng tingin, nagsisisi na sinabi niya 'yon.
"Inaantok na pala ko ulit," pagdadahilan niya at muli siyang tumayo at bumalik sa kanina niyang pwesto.
Pinilit ni Arki na makatulog.
*****
"ARKI! Gising!" naramdaman niyang may tumatapik sa kanyang pisngi at nakita niya si Jazis.
"Ano ba? Istorbo naman eh—"
"Malapit na tayo!" sabi ni Jazis sabay tili. Napabalikwas siya at nakita na maliwanag ang buong paligid, naramdaman niya na unti-unting umaangat ang Bangka.Sunod niyang narinig ang boses ni Bantugan.
"Mga kaibigan, maligayang pagdating sa mundo ng Siranaw."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top