/4/ Muling Pagkikita
Kabanata 4:
Muling Pagkikita
"THIS time you really did it, Miss Arissa Kim!" galit na galit na sabi sa kanya ni Mrs. Janathan. "Kailangan mong papuntahin ang guardian mo bukas na bukas!"
"P-Pero, Ma'am Janathan, si Jaakko po ang naunang nanakit! Kinulong nila 'ko sa lumang classroom!" pagtatanggol niya sa kanyang sarili.
"Wala kang ebidensya! You don't have the right to accuse me!" putol sa kanya ni Jaakko. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinagharap sila sa Guidance Office.
"Sinungaling ka!" balik sigaw niya kay Jaakko. Hindi pa rin siya magpapatalo rito. "Ma'am, Janathan, si Nick po ang makakapagsabi ng totoo!"
"Silence!" Natameme silang dalawa.
Hindi magawang makasingit ni Miss Anita dahil may punto Mrs. Janathan. Sa kasamaang palad ay wala itong magagawa upang ipagtanggol si Arki sa pagkakataong 'to.
"How dare you to hurt and accuse Mr.Jaakko Lazano, Miss Arissa Kim?! His father is the major donor in this school!"
"Pero—"
"No more buts! Tomorrow kailangang may guardian kang pumunta rito para mag-apologize!"
Sa huli, si Arki ang natalo. Wala siyang nagawa kundi tanggapin ang parusa. Sinaktan niya si Jaakko at wala siyang ebidensya na ito ang salarin.
*****
BAGSAK ang kanyang balikat habang naglalakad, ubos na ubos ang kanyang enerhiya sa mga nangyari ngayong araw. Ginabi na tuloy siya ng uwi.
Paulit-ulit niyang pinraktis sa kanyang isipan kung paano ipapaliwanag sa kanyang Lola Bangs ang mga nangyari. Nagdadasal na siya na sana huwag siyang paluin nito ng patpat.
"Arki! Ginabi ka 'ata!" bati sa kanya ni Mang Kepweng, ang magbabasura ng kanilang barangay, nang makasalubong niya 'to.
"Busy ho sa school," matamlay niyang palusot.
"Ah, oo nga pala, pakisabi kay Shiela salamat sa T-shirt ha! May bago na akong damit, imported pa!" masaya nitong wika at kumaway na sa kanya.
"Sige ho," walang gana pa rin niyang sagot hanggang sa malagpasan na nila ang isa't isa.
Ilang segundo bago siya natigilan. Napaisip. Guni-guni lang ba niya ang narinig?
"Ano raw?" nagliwanag ang kanyang mukha nang mapagtanto ang mga sinabi ni Mang Kepweng. "Umuwi na si Ate Shiela?!" Napahawak pa siya sa ulo at pagkatapos ay kumaripas siya ng takbo, hindi alintana ang kanyang mga sugat.
"ATE SHIELAAAAAA!!!"
"Naku! Nandiyan na si Arki," sabi ni Mawie. Tumayo para pagbuksan ng pinto ang paparating na si Arki.
Malakas na tinulak ni Arki ang pinto na saktong bubuksan ni Mawie, tumalsik tuloy ito. Nagulantang naman sila Shiela, Lola Bangs, at Shawie sa ginawa ni Arki.
"Arki—" napatayo si Shiela sa kinauupuan at kaagad sumunggab si Arki. Miss na miss niya na kasi ang kanyang Ate Shiela.
"Ate Shiela! Uwaaa!" ngawa ni Arki na parang bata. "Uwaaa! Bakit ngayon ka lang umuwi?! Miss na miss kita! Ni hindi ka man lang nagpaparamdam tapos bigla kang uuwi?! Asdfghjkl..." hindi na maintindihan ang kanyang mga pinagsasasabi.
"Oy, Arki! Eng seket nen—" ani Mawie na kakatayo lang mula sa pagkakatumba habang hinihimas ang puwit.
"Oh, oh, huwag ka munang sumapaw, moment nila 'yan." Hinila ni Shawie si Mawie para maawat ito.
Tumagal ng sampung minuto ang yakapan at pag-iyak ni Arki sa bisig ni Shiela.
Hindi rin naman masisisi si Arki dahil halos anim na taon ang lumipas bago umuwi si Shiela. Elementarya pa si Arki nang huli silang magkita.
Si Lola Bangs naman ay hindi maiwasang maluha sa nasasaksihang eksena, pasimple niyang pinahid ang luha sa pisngi gamit ang balabal.
"Sobra rin kitang na-miss Arki, sorry kung ngayon lang ako umuwi," nakangiting sabi ni Shiela habang hinihimas ang likuran ni Arki. "Dalagang dalaga ka na."
"Okay lang, Ate Shiela, alam kong nagpapakahirap ka para buhayin kami," umiiyak na saad ni Arki.
"Ano ba 'yan, wala namang iyakan mga bes!" sabi ni Shawie na nakikiiyak din.
"Oo nga! Sino bang nagbalat ng sibuyas dito?!" si Mawie naman ay damang-dama ang pag-eemote.
Bumitaw si Arki sa pagkakayakap at pinahid ni Shiela ang kanyang luha.
"Tama na ang drama dahil kakain na tayo," masayang wika ni Shiela na kinatuwa ni Arki, kanina pa kasi kumukulo ang tiyan niya.
Napapalakpak naman si Lola Bangs at sinabing, "Oo nga pala! Niluto ko lahat ng mga paborito niyong putahe!"
"Yehey!" parang mga batang pumalakpak din sila Shawie at Mawie.
"Hindi kayo kasali!" biro ni Shiela.
Nawala ang mabigat na pakiramdam ni Arki at nagpasya siyang huwag na lang sabihin ang tungkol sa nangyari sa kanya kanina sa eskwelahan.
*****
"ARKI?" pumasok si Shiela sa loob ng silid.
May usapan kasi sila ni Arki na magkukwentuhan sila magdamag pagkatapos niyang magligo. Tulog na si Lola Bangs at sila Shawie at Mawie ay umuwi na sa kanilang mga bahay.
Subalit pagkakita niya kay Arki ay humihilik na 'to, mahimbing nang natutulog marahil sa pagod.
"Tingan mo 'tong batang 'to." Nailing at nangiti na lang si Shiela. Kinumutan niya si Arki at umupo sa gilid ng kama habang nakatingin pa rin sa nahihimbing nitong mukha.
"Akala mo ba hindi ko napansin 'yang mga sugat mo?" kinakausap niya ito kahit alam naman niyang tulog si Arki. "Ikaw talagang bata ka. Anong ginagawa mo? Sabi ni Lola Bangs may pagkapasaway ka pa rin."
Natigilan si Shiela nang may maalala.
"Parang kailan lang... Bitbit kita sa gitna ng kaguluhan," sa 'di malaman na kadahilanan ay tumulo ang luha sa mga mata niya, "nagagalak ako... Na palagi kang malusog, masaya, at ligtas."
Pinahid niya ang luha at tumayo si Shiela para ayusin ang mga nagkalat na gamit ni Arki. Nakatulugan 'ata ni Arki ang pag-aayos dahil nakalabas lahat sa sahig ang laman ng bag nito.
Habang inaayos ni Shiela ang mga gamit ni Arki ay napansin niya ang isang sobre na may selyo ng St. Rose High School.
To whom it may concern,
We'd like to call your attention to Miss Arissa Kim Bonficio's violent behavior. We are asking for your presence tomorrow to apologize...
*****
MASIGLANG pumasok kinabukasan si Arki. Nakalimutan na nga niya talaga ang atraso niya kay Jaakko at ang pagpapatawag ng guidance counselor sa kanyang guardian.
"Oh, bakit parang good mood ang bestie ko?" tanong ni Yumi sa kanya dahil napansin nito ang kanyang 'di maalis na ngiti sa labi. "Anong nangyari kahapon sa guidance?"
"Ha? Ayon guidance pa rin," sabaw niyang sagot.
"Arki! Arki!" hingal na hingal si Leo na pumasok sa loob ng silid-aralan habang sinisigaw ang pangalan niya. "Nandiyan ka na pala!"
"Bakit, Leo? Anong meron?" nawala na ang ngiti sa kanyang labi. "May umaway ba sa'yo?!"
"Wala!" hinabol muna ni Leo ang hininga bago magpatuloy na magsalita. "P-Pinapatawag ka sa baba! Sa guidance office! Nandiyan na 'yung guardian mo!"
"Guardian?" takang-taka niyang turan dahil sa pagkakaalala niya ay hindi naman niya sinabi kila Lola Bangs ang nangyari. Ilang sandali pa'y nanlaki ang mga mata ni Arki sa narinig. "Patay!"
Saktong nagring ang bell at siyang dating ni Miss Anita.
"Arki—" sasabihin pa lamang nito ang nalaman niya mula kay Leo nang dali-dali siyang umalis. Naiwan si Leo at Yumi.
Hinihingal si Arki nang makababa siya sa unang palapag, natanaw niya sa lobby ang kanyang Ate Shiela, nakasuot ito ng puting blusa at nakapalda ng pula na lagpas tuhod.
"A-Ate Shiela?" dahan-dahan siyang lumapit dito. Hindi niya mawari kung galit ba ito o hindi.
Nilabas ni Shiela ang sulat na nakuha at pinakita sa kanya.
"Kung hindi ko pa 'to nabasa, hindi ko malalaman."
"S-Sorry, Ate—"
Magpapaliwanag pa lang si Arki nang sumingit si Mrs. Janathan.
"Excuse me, Miss Arissa Kim and your guardian..."
"Ako po si Shiela, Shiela Bonifacio," pagpapakilala ni Shiela.
"Very well, nandito na ang guardian ni Mr.Jaakko Lazano, please come to my office."
Sumunod sila kay Mrs.Janathan sa Guidance Office kung saan naghihintay si Jaakko at ang kanyang ama.
"This is Mr. Jaakko Lazano's father, the former Mayor of our town, si Senator Newman Lazano."
Nakaprenteng nakaupo sa sofa ang ama ni Jaakko, bakas sa itsura nito ang pagiging makapangyarihan, sa pananamit pa lang nitong pormal at tikas. Seryoso ang itsura ng ama ni Jaakko, tanda ng pagiging maimpluwensya sa kanilang lugar. Kilala ito sa pagiging mahusay na lider sapagkat nasakop nito ang puso ng mga mamamayan.
Katabi nito sa kanan ang anak na si Jaakko at nasa kaliwa naman nakatayo ang kanyang sekretarya na si Khalil na pormal din ang kasuotan.
"You must be, Arki." Malamig na saad ni Senator Lazano sa kanya.
Samantala...Sa 'di maliwanag na dahilan ay kinabahan si Shiela sa presensya ni Senator Lazano. Nagkuyom ng palad si Shiela , pamilyar na pamilyar sa kanya ang ganitong pakiramdam.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top