/39/ Si Aman Sinaya at ang Prinsesa sa Dagat
Kabanata 39:
Si Aman Sinaya
at ang Prinsesa sa Dagat
"IKAW si Bantugan? Hindi makapaniwalang tanong ni Arki.
Nasa tapat sila ngayon ng isang kubo, nakaupo at nakapalibot silang tatlo sa isang iniihaw na isda. Hindi kaagad sumagot si Bantugan, abala ito sa pagsisibak ng kahoy. Pinagmasdan ni Arki ang mamang nagsisibak, matangkad ito, kayumanggi, nakasuot ng balabal at putong, mahaba ang namumuti nitong buhok at balbas sarado. Bakas ang kakisigan kay Bantugan kahit na matanda na ito.
"Isang malaking karangalan ang makita ka ng personal, Prinsipe Bantugan," sabi ni Rahinel. Napatingin si Arki rito, nagtataka na tinawag na prinspe ang mama.
"Kilala mo siya?" bulong ni Arki sa katabi. Hindi siya tiningnan ni Rahinel dahil mistula 'tong 'fan boy' na nakatingin kay Bantugan.
"Uhm..." dahil hindi pinansin ni Rahinel si Arki ay tumingin siya kay Bantugan. "Sino po ba kayo?"
Sasagutin pa lang sana siya ni Rahinel nang makita nila ang dalawang malaking tigre na umatake sa kanila kanina na papalapit sa kinaroroonan nila. Napatayo sila parehas at akmang ilalabas ang kanilang mga sandata nang sumenyas si Bantugan na kumalma lang sila.
"Paumanhin sa ginawang pag-atake sa inyo ng mga alaga ko kanina," sawakas ay nagsalita na ulit si Bantugan, lumapit ito sa dalawang tigre at hinimas ang mga 'yon, "mga alaga ko sila na tumutulong sa'kin na bantayan ang isla na 'to. Marami kasing Sama Dilaut ang nagtatakang nakawin ang Bangka ko kaya kinailangan kong mag-alaga ng mga tigre upang bantayan ang isla na 'to."
"A-Alaga mo 'yang mga 'yan?" bilib na sabi ni Arki. Naupo na ulit sila ni Rahinel.
Kumuha ng karne si Bantugan upang pakainin ang dalawang tigre, mga Baboy-ramo 'yon na nahuli nito kanina. Humarap si Bantugan sa kanila.
"Hindi mo ako kilala, mortal?" tanong ni Bantugan kay Arki. "Hindi ko alam kung dapat ba akong malungkot na hindi na naalala ng mga mortal ang mga naging kabayanihan ko noon."
"Huh?"
"Si Bantugan ang bayani ng mga Maranao, Arki," sabi sa kanya ni Rahinel, humarap ito kay Bantugan. "Ikinalulungkot ko, pero... hindi naituro sa mga mortal ang mga kwento ninyong mga sinaunang bayani."
"Bayani?" sabi ulit ni Arki. "B-Bayani siya?!"
"Prinsipe Bantugan ng Bembaran," ngumiti si Bantugan sa kanila.
Si Rahinel ang nagkwento kay Arki tungkol sa epiko ni Bantugan. Isa itong prinsipe sa kaharian ng Bembaran, nang maging hari ang kapatid nitong si Madali ay ipinagbawal na kausapin ng mga tao si Bantugan. Nang lumisan si Bantugan sa kanilang kaharian ay naglakbay ito subalit binawian ng buhay. Namatay si Bantugan sa kanyang paglalakbay pero nagawang mabawi ang kanyang kaluluwa sa langit kung kaya't muli siyang nabuhay upang labanan muli ang kasamaan.
Nakanganga lang si Arki matapos marinig ang kwento ni Rahinel.
"Matagal nang panahon mula nang makakita ako ng mga mortal mula sa mundo ninyo," sabi ni Bantugan sa kanila. "Bakit kayo nasa Ibayo?"
Si Rahinel ang nagpaliwanag ng buong pangyayari. Napatango lamang si Bantugan pagkatapos.
"Gusto n'yong mahanap si Sitan na nasa Hilusung," sabi ni Bantugan. Napamaang si Arki.
"Hilusung?"
"Wala kayong kaalam-alam sa mundong pinasok n'yo," sabi ni Bantugan at kumuha ito ng mahabang sanga. "Pero dahil mukhang mahalaga ang inyong misyon, hayaan n'yo ako na ipaliwanag sa inyo ang mundo ng Ibayo."
Nagsimulang magkwento si Bantugan tungkol sa kasaysayan ng Ibayo. Kung paano ginawa ni Bathala ang 'kabilang mundo' upang ilagay dito lahat ng mga nilalang na maririnig lamang sa mga kwento at alamat. May mga nagpaiwan sa mundo ng mga mortal at 'di kalaunan ang mga taong 'yon ay nasakop ng mga dayuhan sa iba't ibang henerasyon. Subalit ang mga nilalang na nasa loob ng Ibayo ay nanatiling payapa sapagkat narito lahat ng mga inaakalang imahinasyon lang ng mga mortal. Isa si Bantugan sa pumasok sa Ibayo noong nilikha ito ni Bathala.
"Kung inaakala n'yo na isang malaking mundo lamang ang Bathala, pwes nagkakamali kayo," sabi ni Bantugan. Gamit ang sanga ay gumuhit ito sa lupa ng tatlong bilog na nakapila, pagkatapos ay ginuhitan ito ni Bantugan ng linya sa bawat itaas ng bilog. "Ang Ibayo ay nahahati sa tatlong mundo."
"T-Tatlong mundo?" nalululang sabi ni Arki.
Isa-isang tinuro ni Bantugan ang mga bilog, ang nasa tuktok ay tinawag nitong Hilusung, ang nasa gitna ay tinawag nitong Srivijaya, at ang nasa huling bilog ay tinawag nitong Siranaw.
"Parang pamilyar 'yung mga lugar hindi ko alam kung bakit..." bulong ni Arki sa sarili at narinig 'yon ni Rahinel.
"Luzon, Visayas, Mindanao," sabi ni Rahinel sa kanya at napahanga siya nang mapansing 'yon ang kahulugan ng bawat lugar na nabanggit.
"Tama ka sa sinabi mo," sabi ni Bantugan kay Rahinel. Sunod na tinuro ni Bantugan ang mga guhit na namamagitan sa bawat bilog. "At upang masiguro ni Bathala na mapaghihiwalay ang mga diyos ng mga tagalog mula sa diyos ng kabisayaan ay ginawa niya ang mga ugod, ang nagsisilbing pader at harang sa bawat pagitan ng mga mundo."
Sabay na napatingin si Arki at Rahinel sa ugod sa malayo, kitang kita nila ito na abot hanggang langit.
Sunod na inekisan ni Bantugan ang pinaka-itaas at baba na bahagi ng kanyang ginuhit. "Sa hilaga at timog naman matatagpuan ang mga sinasabing portal papunta sa mundo ng mga mortal—ang kasalukuyang mundo ninyo. Ang portal sa norte ay binabantayan ng kaharian ng Ivatan, at narito kayo ngayon sa timog na portal na binabantayan ng mga Sama Dilaut."
"Wala po bang paraan para makatawid sa kabila?" nagbabakasakaling tanong ni Arki.
Umiling si Bantugan. "Upang masiguro ni Bathala ang kaayusan ay hindi niya hinahayaang may makatawid sa bawat ugod. Subalit may mga mangilan-ngilang nilalang ang nakakaalam ng mga sikreto upang makatawid sa bawat ugod."
"Katulad mo..." sabi ni Rahinel kay Bantugan at tumango ito.
"Sinabi ni Dayang Sulu na meron ka raw pong bangka na pwedeng gamitin para makatawid sa kabila ng Ugod," sabi ni Arki.
"Mayroon," sagot ni Bantugan.
"Pero paano 'yon?" tanong naman ni Rahinel.
"Sa ilalim ng dagat."
Hindi sila nakapagsalita 'agad. Nagkatinginan sila sa isa't isa at tumango. Para sa kapakanan ni Yumi ay susubukan nila ang lahat.
"Sinabi mo na nasa Hilusung si Sitan—dahil siya ang diyos ng kasamaan ng mga tagalog, hindi ba?" sabi ni Arki at tinuro ang bilog na nasa tuktok. "Ibig sabihin kailangan pa nating dumaan sa Siranaw at Srivijaya? Wala bang shortcut?"
Napakunot si Bantugan dahil hindi nito naintindihan ang huling salita na sinabi niya. Kaya si Rahinel ang nagsalita.
"Ang ibig niyang sabihin, wala raw bang mas madali at mas mabilis na paraan para makapunta sa Hilusung?"
Umiling si Bantugan at naupo ito. "Ikinalulungkot ko pero walang ibang paraan kundi tawirin ang bawat ugod."
Napahinga nang malalim si Arki at tinanggap ang katotohanan na kailangan nilang magadaan sa maraming pagsubok bago maligtas si Yumi. "Mukhang wala na tayong choice."
Nagulat si Arki nang hawakan siya ni Rahinel sa balikat. "Nawawalan ka na ba ng pag-asa?"
"H-Hindi, noh!" tanggi niya at nag-iwas ng tingin. 'Nakakainis 'tong kumag na 'to. Ako? Nawawalan ng pag-asa? No way!'
Binitawan na rin siya ni Rahinel, tumayo ito. "Kung gano'n, kailangan na nating kumilos."
Napamaang siya kaya tumayo na rin siya. "Sira ka ba? Sa tingin mo ba aalis tayo ng hindi kasama sila Leo?"
"Wala akong sinasabing gano'n—"
"Anong wala? Kitang kita ko na gusto mo na 'agad umalis—"
"Tumatakbo ang oras, Arki, itigil na natin 'tong pagtatalo na 'to—"
"Hindi ako nakikipagtalo sa'yo, ang sinasabi ko lang naman—"
Nagpatuloy silang dalawa sa pagbabalik ng mga salita sa isa't isa, habang si Bantugan ay nagpapabalik-balik ng tingin sa kanilang dalawa. Tumigil silang dalawa sa pagtatalo nang magsalita si Bantugan,
"Huminahon kayo, ang mga magkasintahan ay hindi dapat nagtatalo."
"Hindi kami!" sabay na sigaw ni Rahinel at Arki.
Walang anu-ano'y biglang kumaripas ng takbo ang mga alagang tigre ni Bantugan papalayo, pumasok ito sa masukal na kagubatan. Naalarma silang lahat.
"A-Anong meron?" tanong ni Arki.
"May mga nanghimasok sa isla, naamoy nila ang mga 'yon!"pagkasabi no'n ni Bantugan ay kaagad nitong kinuha nag bolo at kumaripas ng takbo. Walang nagawa sila Arki at Rahinel kundi sundan 'to.
Makalipas ang limampung minuto na pagtakbo ay narating nila ang dalampasigan ng isla kung saan tumigil ang dalawang tigre, sunod nilang narinig ang pamilyar na mga sigaw.
"Ahhhh! T-Tigre?!
"Mamamatay na tayo?! R-Roni, magpalit anyo ka, maging tikbalang ka dali!"
Napangiti si Arki nang makita sila Leo, Jazis, Vivienne, at Roni, mga basang sisiw na nasa dalampasigan.
*****
BUMALIK sila sa kubo ni Bantugan, doon kinuwento nila Leo kung anong nangyari sa kanila noong nagdaang gabi. Muntikan na silang mahuli ng mga kawal pero dahil kila Roni at Vivienne ay nagawa nilang makatakas. Gamit ang balsa ng mga kawal ay narating nila ang isla na kinaroroonan nila ngayon. Ipinaliwanag naman ni Arki at Rahinel ang mga impormasyong nakalap mula kay Bantugan.
"Arki, hindi na ba tayo pwedeng umuwi sa'tin?" tanong ni Leo habang nilalantakan ang inihaw na isda.
"Walang uuwi hangga't hindi natin naliligtas si Yumi," sagot niya.
"Paano 'yung mga gamit natin? 'Yung cellphone ko!" reklamo naman ni Jazis.
"The clock is ticking, we didn't know how many leagues away Hilusung is, we must go immediately," sabi bigla ni Vivienne.
"Sang-ayon ako sa kanya," sabi naman ni Rahinel.
"Pero paano si Mari?"tanong bigla ni Roni at napaisip si Arki.
Labag man sa kalooban ni Arki pero sang-ayon din siya sa punto ni Vivienne.
"Arki?" tawag sa kanya ni Roni, napagtanto niya na nakatulala siya sa kawalan. Tumango si Arki sa mga kasama.
"Guys... Kailangan na nating umalis."
Sa pangunguna ni Bantugan ay dinala sila nito sa isang tagong parte ng isla, isang daungan na si Bantugan lamang ang nakakaalam. Nakita nila roon ang isang vinta, may haba itong dalawampung pulgada.
Sumakay silang lahat doon kasama si Bantugan at nagsimulang maglayag papuntang hilaga. Malakas ang hangin kung kaya't medyo mabilis ang andar ng kanilang sinasakyang bangka.
"T-Teka lang, 'di ba sabi n'yo sa ilalim tayo dadaan?" biglang tanong ni Leo sa mga kasama.
Napangiti si Bantugan at tinuro ang Ugod sa Hilaga. "Makikita mo mamaya."
Napalunok si Leo dahil sa takot. Lumipas ang isang oras nang marating nila ang laot ng karagatan, malayu-layo pa sila sa kanilang destinasyon. Subalit naagaw ang atensyon nila nang makita nila ang kaharian ng Sama Dilaut 'di kalayuan, kahit na sa malayo ay alam nilang mayroong kaguluhan dahil sa usok na itim na nanggagaling doon.
"Sinasabi ko na nga ba't darating din ang panahon na maglalaban-laban sila," bulong ni Bantugan sa sarili habang nakatanaw sa kaharian ng Sama Dilaut. "Maraming beses ang nagtangka sa kanila nanakawin ang bangka ko upang makatawid sa kabila ng ugod."
Napatayo si Arki mula sa kinauupuan. Hindi niya maiwasang mag-alala nang maalala ang kanyang naging kaibigan na si Dayang Sulu.
'Kamusta na kaya siya?' tanong niya sa kanyang sarili. Walang anu-ano'y nakaramdam siya bigla ng pangamba ng isipin niya 'yon. Kinutuban siya na may nangyaring masama kay Dayang Sulu.
Kaagad lumingon si Arki sa mga kasama. "Pupunta tayo sa kaharian nila!"
"Ha?" maang ng mga kasama niya.
Napakuyom si Arki. "Niligtas tayo ni Dayang Sulu ng walang pag-aalinlangan dahil naniniwala siya sa'tin. Oras naman para tulungan natin siya."
"Sa pamamagitan ng pakikipagdigma sa kanila?" maang ni Vivienne. "Arki, we don't even have a weapon. Naiwan sa kanila 'yung mga gamit natin! We might get killed!"
"Kailangan nating bumalik!" Sumabat si Roni. "Naiwan 'yung mga mahahalagang bagay natin, si Mari—"
"That's just a flying chicken—" kontra ni Vivienne pero pinutol siya ulit ni Roni.
"Hindi lang basta manok si Mari, galing siya sa lola ni Arki—"Nagpatuloy sa pagtatalo ang dalawa.
Habang si Jazis at Leo ay hindi malaman kung sino ang kakampihan dahil parehas silang natatakot.
"S-Sang-ayon ako sa pagbalik natin, para sa cellphone ko!" sigaw ni Jazis.
Napaface palm naman si Leo nang marinig 'yon. Tumayo na rin si Rahinel at tumingin ito sa kanya.
"Arki," tawag ni Rahinel. "Tama ka, babalik tayo." Tumingin si Rahinel sa mga kasama. "Kailangan nating tumulong."
Samantala, nakatingin lang si Bantugan sa mga kabataang nagpupulong, hindi niya maiwasang mapangiti dahil ngayon na lang ulit siya nakakita ng mga mortal na handing tumulong sa mga nangangailangan.
'May mga natitira pa ring mortal na may puso at matapang, Bathala,' sabi ni Bantugan sa kanyang isip.
*****
KALAT na sa buong kaharian ng Sama Dilaut na patay na si Sultan Amundagung. Noong nagdaang gabi ay matagumpay na sumalakay ang mga rebelde upang makuha ang trono mula sa Sultan, at ang bagong namumuno sa trono ngayon na siya ring may pakana ng rebelyon ay si Basaam, ang pinagkakatiwalaang heneral ni Sultan Amundagung.
Kakatapos lamang ng digmaan, sumuko ang mga natitirang kawal na dating tapat sa Sultan at sapilitan itong pinayukod sa bagong sultan. Ang mga ayaw sumumpa ng katapatan ay sapilitang pinapatay, pati ang mga sibilyan na sumubok na tumutol.
Napuno ng takot ang kaharian ng Sama Dilaut. Kaya walang nagawa ang mga mamamayan na kumontra kay Sultan Basaam dahil siya na ang makapangyarihan ngayon.
"Mabuhay si Sultan Basaam!" sigaw ng mga rebelde.
Samantala, kinulong si Dayang Sulu sa piitan sa isla ng Ataw matapos nitong tanggihan ang alok sa kanya ni Basaam na maging reyna. Wala siyang nagawa nang nakawin nito ang perlas ng kanilang ninuno na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na kontrolin ang tubig.
Tahimik na humihikbi si Dayang Sulu sa kanyang kwebang kulungan. Ilang sandali pa'y nakaramdam siya ng kaluskos sa labas.
"S-Sino 'yan?" pinunasan niya ang luha sa kanyang pisngi at sumilip. Hindi siya gano'n nakalapit sa rehas ng kanyang selda sapagkat napupuno ito ng mga tusuk-tusok na halaman.
"Umatras ka!" isang pamilyar na boses, maya-maya'y nasunog ang mga matitinik na halaman at bumukas ang rehas. Narinig niya ang mga sigawan pagkatapos.
"OMG! I did it?! Nagawa ko 'yung fire spell ni lolabels?!"
"Sshhh! Jazis, huwag kang maingay!"
Dahan-dahang lumabas si Dayang Sulu at laking gulat niya sa nakita.
"A-Anong ginagawa n'yo rito?" gulat niyang tanong. Imbis na makarinig siya ng sagot ay kaagad lumapit si Arki at niyakap siya nito.
"Mabuti naman at ligtas ka," sabi ni Arki pagkabitaw sa kanya.
"Bakit hindi pa kayo pupumunta kay—Bantugan!" mas lalo siyang nagulat nang makita si Bantugan 'di kalayuan. "Arki, sabihin mo sa'kin—"
"Bumalik kami para tulungan ka,"masayang sabi ni Arki sa kanya.
Umiling siya sa narinig. "Wala kayong kinalaman sa gerang ito," tumingin si Dayang Sulu sa mga kasama ni Arki. "Kailangan n'yo pang iligtas ang kaibigan n'yo, hindi ba?"
"Tinulungan mo kami kahit na wala kang kinalaman sa'min," sabi ni Rahinel. "Hayaan mo kaming bayaran ang tulong na 'yon."
Tinapik at ngumiti si Arki sa kanya kaya wala na siyang nagawa pa.
"Sabihin mo sa'min kung anong nangyari kagabi," utos ni Arki at tumango siya.
"Nakabalik ako sa kaharian nang hindi nahuhuli ng mga kawal. Subalit pagbalik ko'y nagimbal ako nang malaman na patay na ang aking ama, sinabi nila na bigla na lamang daw itong nawalan ng hininga pero malakas ang kutob ko na nilason nila si ama. At dahil hindi ko alam kung sino ang mga kakampi ni Basaam sa rebolusyon ay nanatili akong tahimik at nagplano. Pero isa 'yong pagkakamali dahil bigla akong nakatulog nang may maamoy akong insenso. Nagising ako... Nagising ako at nakitang wala na sa akin ang perlas... Ang perlas na 'yon ang nagbibigay sa amin ng kapangyarihan na kontrolin ang tubig, binigay 'yon sa akin ni ama nang tumuntong ako sa tamang edad—"
Tumigil saglit si Dayang Sulu sa pagkukwento dahil sa hinagpis na nararamdaman sa pagkawala ng kanyang ama.
"Inalok ako ni Basaam na magpakasal sa kanya subalit mariin ko 'yong tinanggihan. Ipinakulong niya ako rito. Dineklara niya na siya na ang bagong sultan, maraming tumutol kaya roon niya ginamit ang kapangyarihan ng perlas, pinaslang niya ang sinumang tumutol sa kanya. Doon nagsimula ang digmaan—at kahit na kaunti ang mga rebelde ay nagtagumpay sila dahil sa perlas na nasa kamay ni Basaam."
"Sorry sa nangyari sa'yo, Dayang Sulu," malungkot na sabi ni Leo.
"Oo nga, girl, okay lang 'yan," sinundan 'yon ni Jazis.
"What's the plan?" tanong ni Roni sa mga kasama. "Paano natin matatalo ang Bsaam na 'yon?"
Nag-isip si Arki. Nagsimula silang magpulung-pulong, si Bantugan ay nasa malayo lang at abala sa pagpapatalim ng kanyang bolo. Hanggang sa nakaisip sila ng taktika.
"Maggugrupo tayo," sabi ni Arki sa mga kasama. "Roni at Vivienne, isa kayo sa mga malalakas kaya kayo ang magiging muscle man—"
"Anong muscle man?" sabay pa na sabi ng dalawa.
"Basta, kayo ang makikipagcombat ng malapitan sa mga rebelde kaya dapat madistract n'yo sila, okay? Habang nangyayari 'yon si Leo at Jazis naman ang maghahanap kay Mari at sa mga gamit natin. Tapos ikaw," tumingin siya kay Rahinel. "Tayong dalawa ang haharap kay Basaam."
"M-Masyadong mapanganib ang sinasabi n'yo!" kontra ni Dayang Sulu sa sinabi ni Arki. "Hindi niyo alam kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng perlas na 'yon! Kaya nitong kontrolin ang buong karagatan, kaya niya kayong hampasin ng malalakas na alon!"
Nagulumihanan si Dayang Sulu nang ngumiti si Arki at wala man lang bakas ng kahit anong takot
*****
KATULAD nang napag-usapan ay nagkanya-kanya sila base sa nakaatas sa kanilang misyon. Si Dayang Sulu ay naiwan sa isla Ataw at binabantayan siya ni Bantugan, sakaling may umatake rito. Magkasama si Rahinel at Arki na nakapuslit sa loob ng palasyo ng sultan.
Natural na maraming sumalubong na kawal sa kanila, hinayaan ni Arki na si Rahinel ang magpatumba rito. Habang naglalakad sila patungo sa silid ng sultan ay nagsalita si Rahinel.
"Hindi ko alam kung anong binabalak mo pero nararamdaman kong may tinatago kang alas,"sabi ni Rahinel sa kanya.
"Kaya ba hindi ka kumontra sa plano ko?" tanong ni Arki.
"Oo."
"Kukuhanin natin kay Basaam ang perlas."
"Paano?" nasa pintuan na sila ngayon nang huminto sila parehas.
Napahinga ng malalim si Arki. "Magtiwala ka lang sa'kin, Rahinel."
Walang kamuwang-muwang si Rahinel sa kung anong kayang gawin ni Arki ngayon.
"Magtitiwala ako sa'yo sa pagkakataong 'to," sagot ni Rahinel sa kanya. Natatandaan pa rin ni Rahinel noong makita niya si Arki makipaglaban noon, hindi niya maipaliwanag kung bakit tila may espesyal na kapangyarihang bumabalot dito. Pumayag si Rahinel sa plano ni Arki dahil sa kuryosidad kung ano ang tinatagong alas ni Arki.
Pumasok sila sa loob ng silid ng sultan at nakita nila si Basaam na nakaupo sa trono. Walang ibang kawal na nagbabantay dito dahil napaslang na lahat ni Rahinel kanina.
"Sinong mag-aakala na may ibubuga ang mga mortal na katulad ninyo?" pambungad na salita ni Basaam sa kanila habang nakaupo ito sa trono. Nilabas ni Rahinel ang kanyang espada at si Arki'y nanatiling nakatayo lamang. "Lumuhod kayo mga mortal! Ako na ang bagong pinuno ng kahariang ito!"
"Hindi ikaw ang nararapat sa trono na 'yan!" sigaw ni Arki. "Ibalik mo sa kaibigan ko ang perlas ng ninuno niya!"
Nanlisik ang mga mata ni Basaam sa galit. Tumayo ito sa trono at biglang umuga ang buong silid, tila may lindol. Dahil nakatirik sa ibabaw ng dagat ang kaharian ng Sama Dilaut ay kayang kaya yanigin ni Basaam ang kaharian dahil sa kanyang bagong kapangyarihan.
Tumingin si Rahinel kay Arki at naghihintay ng aksyon. Hindi man lang natakot si Arki.
'Anitung Tabu?!' sigaw ni Arki sa kanyang isip. 'Kailangan ko ng powers mo!'
'Hello, Arki, dear!' nabuhayan siya ng loob nang sumagot si Anitung Tabu. 'Sorry pero... Air against water?!'
"Ha?! Hindi mo 'ko matutulungan?!" gulat na bulalas ni Arki kaya nagulat din si Rahinel nang magsalita ito mag-isa.
Walang anu-ano'y itinaas ni Basaam ang kanyang kamay. Mula sa malaking bintana ng palasyo ay pumasok ang matataas na alon. Humampas silang dalawa ni Rahinel sa kahoy na pader. Nilulunod sila nito!
At dahil malakas ang agos ay nasira ang pader at diretso silang bumagsak sa karagatan. Hindi pa rin tumigil si Basaam dahil kinontrol niya ang dagat, sunud-sunod na malalakas na alon ang humahampas sa kaharian ngayon.
Unang nawalan ng malay si Rahinel at sinubukan ni Arki na abutin ang kamay nito subalit maging siya'y nawawalan na rin ng hininga.
Hanggang sa napapikit si Arki. Sa kanyang likuran ay nagliwanag ang panibagong sinaunang letra. Ang letrang 'TU'
Kasabay ng pag-ilaw ng letra ay lumabas mula roon ang isang diyosa. Ang diyosa ng karagatan—si Aman Sinaya.
Nakita ni Aman Sinaya si Arki na walang malay kung kaya't hinawakan niya ang pisngi nito.
Walang anu-ano'y nagliwanag ang kamay ni Aman Sinaya kung kaya't nakahinga bigla si Arki sa tubig at nagmulat ang kanyang mga mata.
"S-Sino ka?"
Ngumiti si Aman Sinaya."Ikinalulugod kong makita kita, Prinsesa Rajani."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top