/38/ Ang Pag-aalinlangan ni Arki
Kabanata 38:
Ang Pag-aalinlangan ni Arki
Nahulog ang diwa ni Arki sa isang malalim na panaginip, dinala siya ng kanyang salagimsim sa isang malayong nakaraan—isang nakaraan na nakalimutan na ng panahon.
Nakita niya ang kanyang sarili sa katawan ng isang musmos, nakita niya ang dalawang nilalang na hindi pamilyar sa kanya, kakaiba ang mga kasuotan nito, parang mga sinaunang tao.
Kinalong siya ng babae at hinaplos ng lalaki ang kanyang buhok. Narinig niya ang paghimig ng babae habang hinehele siya nito. Hindi niya alam kung nasaan siya, wala siyang ideya sa nangyayari.
Ang mapayapang eksena ay napalitan ng silakbo—narinig niya ang ingay ng madugong digmaan. Sunod na lang namalayan ni Arki na bitbit siya ng isang babae, tumatakbo palayo mula sa kaguluhan. Pinasok nila ang isang masukal na gubat hanggang sa tumigil sa pagtakbo ang babae nang marating nila ang dampa.
Tumingin si Arki sa taong nakabuhat sa kanya, nakita niya ang kanyang Ate Shiela. May isang matanda ang lumabas mula sa dampa, nag-orasyon ito at ilang sandali pa'y lumitaw ang isang portal.
"Rajani," bulong sa kanya ni Shiela. "Tutuparin ko ang pangako ko sa iyong mga magulang, hindi kita pababayaan."
Napabalikwas si Arki at nagising siya mula sa malalim na panaginip. Nasilaw siya sa pagtama ng sikat ng araw sa kanyang mukha kaya napabangon siya. Nilibot niya ang kanyang tingin at napagtantong nakatulog siya sa gilid ng isang malaking bato.
Napatingala si Arki nang maalala ang kanyang panaginip, sariwang-sariwa ito sa kanyang memorya at bigla tuloy niyang naalala si Shiela.
"Ate Shiela?" bulong niya sa kanyang sarili. Biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata sapagkat bigla siyang nangulila rito, sabay na pumasok sa kanyang isip ang pagkawala ng kanyang Lola Bangs.
Niyakap ni Arki ang sarili habang nakaupo 'Arki, hindi ito ang oras para magkaganito ka. Kailangan n'yo pang iligtas si Yumi.'
Huminga siya ng malalim. Naalala niya rin bigla ang nangyari kagabi, hindi niya sigurado kung panaginip lang din ba 'yon pero nasisiguro niyang hindi dahil tandang-tanda pa rin niya ang naging pag-uusap nila ni Anitung Tabu.
At ang sinabi nito sa kanya na hinding-hindi niya malilimutan, na siya ang huling binukot.
Gulung-gulo ang kanyang isip dahil sa maraming katanungan. Huminga ulit siya nang malalim upang pakalmahin ang kanyang isip, kailangan niyang mahanap ang kanyang mga kasama dahil may importante pa silang misyon.
Tumayo siya, pinagpagan niya ang kanyang katawan at inayos ang sarili. Sinukbit niya ang kanyang arnis, ang tanging bagay na dala niya ngayon. Wala siyang ideya kung nasaan ang mga kaibigan niya pero kailangan niyang magpatuloy.
"Teka... Nandito ako sa isla kung nasaan si Bantugan," bulong niya sa kanyang sarili habang naglalakad. "Alam ko na, kailangan kong hanapin si Bantugan habang hinihintay sila Leo rito, for sure gagawa sila ng paraan para makapunta rito."Pagpapagaan niya sa kanyang kalooban.
Habang naglalakad ay hindi pa rin siya tinigilan ng mga bagay na bumabagabag sa kanyang isip. Si Anitung Tabu, ang panagini, si Shiela, at ang pagtawag sa kanya na 'Rajani', ang huling binukot.
Dahil lutang si Arki habang naglalakad, hindi niya namalayan ang papalapit na isang mabangis na hayop, nagtatago ito sa matataas na damo, handa siyang sugurin anumang sandali.
'Kailangan kong makita si Ate Shiela, ang dami kong gustong itanong sa kanya,' sa isip-isip niya. Noon pa man siya nagtataka dahil kakaunti lang ang naaalala niya sa kanyang pagkabata, sinabi rin sa kanya noon nila Lola Bangs na namatay sa isang aksidente ang kanyang magulang subalit kapag nagtatanong siya tungkol sa mga 'to ay palaging naiiba ang usapan.
Sa buong buhay ni Arki ay ngayon lang niya kinuwestiyon ang kanyang sarili. Ngayon lang niya tinanong kung sino ba talaga siya. Pakiramdam niya ay may malaking piraso ng kanyang pagkatao ang nawawala dahil sa sinabi sa kanya ni Anitung Tabu at sa kanyang napanaginipan.
'Pero Arki, ang priority mo ngayon ay iligtas si Yumi. Teka... Kinidnap siya ni Miss Anita dahil sabi ni Rahinel siya ang huling binukot. Pero kagabi... Sinabi sa'kin ng kikay na diyosa na...na ako ang huling binukot.' Huminto si Arki at bigla siyang sumigaw sa inis. "Naguguluhan ako!"
Nabulabog ang mabangis na hayop na nagtatago kaya 'agad itong sumugod sa kanya, pero bago pa siya nito maatake ay may humila sa kanya dahilan para bumagsak siya sa lupa.
Napapikit si Arki subalit kaagad ding napadilat nang maramdaman niya na nakadagan sa kanya ang isang tao.
"R-Rahinel?!" sigaw niya nang makita itong nasa ibabaw niya. Tinulak niya ito at sabay silang tumayo.
"Huwag kang gagalaw, Arki!" banta sa kanya ni Rahinel. Nanlaki ang mga mata ni Arki nang makita ang isang tigre—hindi 'yon basta-basta tigre dahil triple ang laki nito kaysa sa pangkaraniwan.
"T-Tigre ba 'yan?" ngayon na lang ulit siya natakot dahil bakas sa itsura nito na lalapain sila at kakainin ng buhay.
"Diyan ka lang sa likuran ko," sabi ni Rahinel sa kanya at nilabas nito ang kanyang espada.
Muling sumugod ang mabangis na tigre at sabay na umatake si Rahinel upang paslangin ito. Subalit nagulat sila parehas ni Arki nang makagat ng matatalim nitong ngipin ang espada.
Nagsagupaan ng lakas si Rahinel at ang tigre, hindi pangkaraniwan ang lakas ng hayop.
"M-Meron pang isa!" sigaw ni Arki nang makita ang isa pang higanteng tigre na lulusob kay Rahinel.
Nawalan ng ibang pagpipilian si Rahinel kaya mas pinili niyang bitawan ang kanyang espada at tumakbo papalapit kay Arki.
"Tumakbo na muna tayo!" sigaw ni Rahinel at hinawakan niya ang kamay ni Arki.
Sabay sila ngayong tumatakbo habang tinutugis sila ng dalawang mabangis na hayop.
'Girl, keri mo sila labanan, haler!' narinig bigla ni Arki ang boses ni Anitung Tabu sa kanyang isip.
"H-Ha?!" sigaw niya dahil nagulat siya sa boses nito.
'Ano ka ba, you got me, noh?! The powers of mighty wind. I gotchu, girl!' halos mawindang siya sa boses ni Anitung Tabu.
Sinunod ni Arki ang kanyang instinct at huminto siya. Hinugot niya ang dalawa niyang arnis.
"B-Bakit ka huminto?" maang ni Rahinel nang bumitaw ito sa pagkakahawak sa kanya.
"H-Hindi ko rin alam," sagot ni Arki.
Tumalon ang dalawang tigre sa kanila upang dambahin sila pero bago 'yon makadapo sa kanila ay kaagad na hinampas ni Arki ang kanyang arnis na tumama lang sa ere. Walang anu-ano'y may pwersa na nagmula roon, isang malakas na pwersa ng hangin ang nagpatilapon sa mga tigre sa malayo.
Halos malaglag ang panga ni Rahinel sa nakita. Maging si Arki ay hindi makapaniwala, kinumpirma nito ang isang bagay: Hindi panaginip ang nangyari noong nagdaang gabi, totoo si Anitung Tabu at ang kanyang balita.
*****
NANG masiguro nila Arki at Rahinel na malayo na sila sa mga tigre ay huminto sila sa paglalakad. Nakita nila ang isang malinis na sapa at doon ay uminom sila ng tubig, uhaw na uhaw sila parehas.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa kanya ni Rahinel.
"O-Oo," matipid niyang sagot.
"Paano mo nagawa 'yung kanina?" hindi na mapigilang itanong ni Rahinel ang kanina pa niya gustong itanong.
"H-Hindi ko rin alam," sagot ni Arki. 'Dapat ko bang sabihin sa kanya 'yung tungkol kay Anitung Tabu pati 'yung pinag-usapan namin? Kaso... Kaso baka katulad ko ay maguluhan lang din siya.' "Nasaan sila Leo? Paano ka nakarating dito?" tanong niya para maiba ang usapan.
"Nagkahiwa-hiwalay tayo sa kabilang isla, nakakita ako ng isang maliit na Bangka at iyon ang ginamit ko papunta rito."
"Hindi mo man lang sila hinanap o hinintay?" may halong hinanakit niyang tanong. 'Di rin niya kasi maiwasang mag-alala dahil paano kung nahuli ang mga kaibigan niya at napatay ang mga 'yon?
Napabuga ng hangin si Rahinel. "Sorry, Arki. Hinahabol din kasi ako ng mga Sama Dilaut kaya napilitan akong sumagwan palayo. Hindi ko na sila nahanap. Patawad."
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nahiya rito. Ngayon lang kasi niya narinig na sincere si Rahinel at may bakas ng pagsisisi ang boses nito, dama niya na hindi naman nito gustong iwanan ang mga kasama nila.
"'Di bale, malakas naman sila Roni at Vivienne kaya baka sila na ang bahala kay Leo at Jazis. Tsaka kung hindi ka dumating baka nalapa na 'ko ng mga tigre na 'yon," sabi niya bilang pampalubag loob,
Ngumiti si Rahinel sa kanya kaya nag-iwas na siya ng tingin. Nakita niya ang repleksyon niya sa sapa at nakitang madungis ang kanyang mukha kaya naghilamos siya. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niyang nagtanggal ng pang-itaas si Rahinel.
"H-Hoy! Bakit ka naghuhubad?!" naghihisterikal niyang tanong.
"Maligamgam ang sapa—"
"Talagang balak mo pang magswimming?!" inis niyang sabi. Tumalikod siya dahil mukhang wala itong balak magpaawat. 'Grabe, talagang nakuha niya pang magparelax relax sa sapa?!'
Bigla tuloy napaisip si Arki.
"Hindi mo ba gustong maligo? Masarap 'yung tubig?" dinig niyang tanong ni Rahinel na nasa sapa na.
"Ah, ewan ko sa'yo," inis niyang sagot.
Mataas na ang sikat ng araw. Parang naiintindihan na niya kung bakit gustong magtampisaw ni Rahinel dahil sa alinsangan at init ng panahon. Humarap siya rito at nakitang nag-eenjoy ito sa sapa.
Bigla siyang may naalala kaya hindi na niya natiis ang sarili na magtanong.
"Hindi ka ba nag-aalala kay Yumi?" tanong niya.
Natigilan sa paglangoy si Rahinel. "Nag-aalala ako."
"Dahil ba... Dahil ba gusto mo siya?" 'Arki, saan nanggaling 'yung tanong na 'yon?'
"Si Yumi ang prinsesa na matagal kong hinanap. Hindi ko siya gusto—mahal ko siya. Kaya kahit anong mangyari ililigtas natin siya mula kay Sitan."
Kumabog ang dibdib niya nang marinig 'yon, hindi niya alam kung bakit.
"Mahal mo siya dahil siya ang prinsesa na hinahanap mo noon pa?" tanong niya ulit.
"Oo, mahal ko siya dahil siya ang huling binukot. Kung hindi lang nangyari noon ang gera, nakatakda kaming mag-isang dibdib."
Natulala lang si Arki at nang matauhan siya'y tumayo siya. "Kuha lang ako ng makakakain." Pagdadahilan niya at naglakad siya papasok ng gubat.
'Rajani, ikaw ang huling binukot.' Umalingawngaw ang boses ni Anitung Tabu sa kanyang isip.
Huminto si Arki sa paglalakad nang mapagtantong hindi siya makahinga ng maayos. Hinawakan niya ang kanyang dibdib at hindi niya maipaliwanag kung bakit gano'n kalakas ang tibok ng kanyang puso. Para siyang kinakabahan na natatakot na ewan.
'Mahal niya ang bestfriend ko dahil... dahil si Yumi ang huling Binukot... Pero... Pero paano kung malaman niya 'yung sinabi sa'kin ni Anitung Tabu na ako... na ako ang huling binukot... Mamahalin niya rin ba ako?'
Sinampal ni Arki 'yung sarili niya dahil sa naisip niyang 'yon. "Baliw ka, Arki! Baliw ka!" inis niyang sabi sa sarili. Naiinis siya dahil iniisip niya ang mga bagay na 'yon lalo pa't nasa isang importanteng misyon sila .
Lumingon siya sa kinaroroonan ni Rahinel, sampung metro ang layo niya rito.
"Sasabihin ko ba sa kanya?" tanong niya sa sarili. "Pero... Pero hindi ko sigurado... Ang dami kong tanong... Paanong nasabi ng kikay na diyosa na 'yon na... na ako ang huling binukot? Gusto ko munang malaman mula kay Ate Shiela pero imposible 'yon."
Mas lalong nafrustrate si Arki.
"Kung malalaman ni Rahinel na ako ang huling binukot... Baka mawalan siya ng gana sa misyon para iligtas si Yumi—"kinaltukan niya ang kanyang sarili. "Bakit? Dahil ba sa tingin mo maiinlove sa'yo si Rahinel, Arki? Inlove si Rahinel kay Yumi hindi lang dahil si Yumi ang inaakala niyang prinsesa—maganda si Yumi—hindi katulad mo!"
Kung anu-ano ang pinagsasasabi ni Arki sa sarili, nagtatalo ang dalawa niyang isip. Hanggang sa nagpasya siya na huwag munang sabihin kay Rahinel ang tungkol sa sinabi sa kanya ni Anitung Tabu.
"Chill ka lang, Arki, inhale, exhale," huminga siya ng sunud-sunod hanggang sa gumaan ang kanyang dibdib. "Tama, hangga't hindi namin naliligtas si Yumi hindi niya dapat malaman—"may humawak bigla sa kanyang balikat at kaagad siyang lumingon.
"Anong ginagawa ng mga mortal sa teritoryo ko?"
"S-Sino ka?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top