/33/ Marahuyong Mundo


Kabanata 33: 
Marahuyong Mundo


"UHM... Guys? Nasaan na nga tayo?"bulong na tanong ni Leo na nagtatago sa likuran ni Roni habang dala-dala ang bayong ni Lola Bangs kung saan natutulog ang manok nila na si Mari na ngayon ay nasa normal na anyo. Katabi naman ni Leo si Jazis na nagtatago sa likuran ni Vivienne.

"Sshh! Huwag kang maingay," saway ni Roni na hindi rin alam kung ano ang isasagot kay Leo.

Si Arki at Rahinel ang nangunguna na kanilang sinusundan. Kanina pa sila naglalakad sa kagubatan, mabuti na lamang at nagagamit nila ngayon ang mga binaon nilang flashlights. 

Maya-maya'y natigilan sila nang matanaw nila ang batang nagpakita sa kanila kanina. Nakahinto ito 'di kalayuan at tila hinihintay sila. Wala nang nagsasalita sa kanila habang lumalapit sa kinaroroonan nito. 

"Sandali." huminto si Arki dahilan para tumigil din ang mga kasama niya sa paglalakad.

"Bakit, Arki?" tanong ng katabi niyang si Rahinel.

"My ghad, babaligtarin na ba natin 'yung mga panty natin?" takot na sabi ni Jazis.

"Shunga, damit ang binabaliktad," sabat ni Leo na sinaway ni Roni, pagkatapos ay hindi na sila nagsalita. 

"Tingnan n'yo." tinuro ni Arki ang kinaroroonan ng bata na ilang pulgada na lang ang layo. "P-parang may salamin?"

Walang anu-ano'y naglakad si Rahinel patungo roon, huli na para tawagin nila ito nang tumagos ito sa loob. Namangha at natakot sila pero sa huli'y wala silang nagawa kundi pumasok din doon.

"Nasaan na—"natigilan si Arki nang makita ang kinaroroonan nila. 

"Wow!" hindi mapigilang mapabulalas ni Leo sa kamanghaan. Maging si Roni at Vivienne ay hindi makapaniwala.

Natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa isang nayon na tila sinaunang panahon pa, may mga bahay na hugis triangulo na aabot ng walong talampakan. May mga nakasinding apoy kung saan nakapalibot ang bawat pamilya.

"Maligayang pagdating mga mandirigma." may bumati sa kanilang gilid, isang lalaking kabataan na sa palagay nila ay isang katutubo ng Kalinga. 

"H-hello," sabay na bati roon nina Leo at Jazis. 

Dumating ang isang babaeng katutubo na walang suot na pang-itaas, natatakpan ng mahabang buhok nito ang hinaharap at kapansin-pansin ang maraming tattoo sa katawan nito.

"Narito kayo upang magpa-batok, hindi ba?" tanong nito sa kanila at sabay-sabay din silang tumango, hindi nila malaman kung ano ang sasabihin sapagkat masyado silang nalulula sa mga pangyayari. "Sumunod kayo sa akin, nakahanda na ang mga ninuno."

"Nasa Ibayo na ba tayo?" tanong ni Roni sa mga kasama habang naglalakad sila.

Hindi nila maiwasang ilibot ang tingin, parang normal na mga mamamayan ang mga nandito, may mga batang naglalaro, mga babaeng nag-aasikaso ng pamilya, at mga lalaking nagsisibak ng kahoy. 

"Iyan din 'yung itatanong ko." Sabi naman ni Arki.

"Hindi, wala pa tayo sa Ibayo. Isa 'tong tagong nayon na walang pangalan sa bundok ng Cordillera," sagot sa kanila ni Rahinel. "May mahika na nagpuprutekta sa nayon na 'to kaya hindi sila nakikita sa totoong mundo. Wala ring partikular na lugar kung nasaan ang kanilang lugar."

"Ang amazing!" bulalas ni Leo.

"Bakit naman? Ayaw ba nilang ma-modernized?" tanong ni Jazis.

"Marahil pinepreserba nila ang kanilang kultura," sagot ulit ni Rahinel.

Huminto sila sa paglalakad nang marating nila ang isang malaking bahay, hindi 'yon pangkaraniwan sapagkat malaki ang bubong nito na yari sa pawid, tila isang piramide. Kinailangan nilang yumuko upang makapasok sa loob.

Sa loob ay tumambad sa kanila ang mga matatanda na nakaupo sa kahoy na sahig, katulad ng babae na kasama nila ay may puno ng tattoo ang mga katawan ng katutubo.

"Umupo kayo at magbigay galang," bulong na utos sa kanila ng babae.

Kaagad na umupo sa sahig si Rahinel at yumuko ng bahagya bilang pagbibigay galang. Sumunod ang mga kasama niya sa kanyang ginawa. Maya-maya'y nagsalita ang babae sa hindi maintindihang lenggwahe sa mga matatanda pagkatapso ay lumapit ito sa kanila.

"Nais ninyong magpa-batok upang makapunta sa kabilang mundo, hindi ba?" tumango lang sila ulit. "Ang batok na ibibigay sa inyo ng mga ninuno ay siyang magiging marka na magtutulay sa inyo mula sa pisikal na mundo patungong Ibayo. Ihanda ninyo ang mga sarili."

Hindi na sila nag-aksaya pa ng mga oras. Inalalayan sila ng babaeng hindi nagpakilala patungo sa bawat ninuno. Nilahad nila ang kanilang mga kanang braso at laking gulat na lamang nila Leo na naglabas ng isang patpat na may tinik ng suha at isang pamalo ang ninuno.

Sinimulan ang pag-babatok sa kanilang mga braso. Napapikit si Arki pero himalang wala siyang naramdamang sakit, nang dumilat siya'y nakita niya na tapos na ang batok, sa likuran ng kanyang pulso'y nakita niya ang isang baybaying—KA.

Napatingin siya sa mga kasama at nakitang nakatingin din ito sa kanilang mga kamay. Tumayo sila at inihatid ng babae papuntang pintuan palabas ng bahay ng mga ninuno.

"Papatayin ako ng mama ko kapag nalaman niyang may tattoo na ako," mangiyak-ngiyak na sabi ni Leo habang nakatingin sa kamay niya.

"Umiyak ka siguro kanina,"pang-aasar ni Roni.

"Hindi ah!"

"Maraming salamat sa paggabay mo sa amin,"sabi ni Arki sa babae.

"Ginagawa ko lang ang aking tungkulin at iyon ay ang gabayan ang bawat mandirigma na dumadayo rito upang manghingi ng proteksyon patungong kabilang mundo. Hangad ko at ng mga ninuno ang tagumpay ng inyong paglalakbay." Binuksan ng babae ang pinto at isa-isa silang lumabas.

Si Arki ang pinakahuling lumabas at laking gulat niya nang makitang nasa kagubatan na sila ng mga kasama niya. Nawala ang masiglang nayon na kinaroroonan nila kanina.

"N-Nasaan na tayo?!" natatarantang tanong ni Jazis.

"Nasa gubat kung saan tayo nag-landing kanina," sawakas ay nagsalita na rin si Vivienne.

"Saan na tayo ngayon?" tanong ni Roni.

"Kailangan nating humuli ng mga elemento," sagot ni Rahinel, si Arki naman ay kinuha kay Leo ang bayong at kinuha mula roon ang mahiwagang dahon.

"Saan?" tanong naman ni Jazis.

Nagkibit balikat si Rahinel at tumingin sa paligid, ginaya siya ng mga kasama niya maliban kay Arki na abala sa mahiwagang dahon.

"Lalayo pa ba tayo?" sabi ni Rahinel.

"You mean... Dito tayo huhuli?" si Vivienne. "And what exactly is that thing? Anong elemento?"

"Iaalay natin ang mga elemento sa Makiling kung saan ipapakita sa atin ng mga diwata ang lagusan papuntang Ibayo," sagot ni Rahinel sabay tingin kay Arki na ngayon ay may hinahalukay sa loob ng bayong. "Anong hinahanap mo?"

"'Eto," sabi ni Arki at pinakita sa kanila ang mga garapon. "Garapon ni Maria, dito natin huhulihin 'yung mga elemento na 'yan."

"Parang ita-trap natin sila d'yan?" si Leo. "Parang Pokemon?!"

"Ha-ha, dami mong pauso," pambabara ni Jazis kay Leo at saka humarap kay Rahinel. "Haler, ang dami kayang uri ng elemento here sa kagubatan, anong huhulihin natin?"

"Si Roni! Tikbalang si Roni, hahaha—ah! Aray!" pang-aasar ni Leo pero kaagad siyang nabatukan ni Roni.

"Malawak ang kagubatan, sigurado ako marami tayong makikita diyan," sabi ni Arki sa kanila.

"Ha? Sure ka na merong elemento tayong mahuhuli diyan, Arki?" maang ni Leo pero hindi maitago ang pagnginig. 

"Ano ka ba, Leo, mga aswang nga lumitaw eh."

"Okay, let's werk!" masiglang sabi ni Jazis na tila nasasabik pa sa kanilang gagawin. 

Bago nila pasukin ang pinakaliblib na parte ng kagubatan ng bundok ay nilabas nila ang mga baon nilang flashlight, binigyan ni Arki ang mga kasama niya ng tig-iisang garapon ni Maria, ang gagamitin nilang lalagyan sa mahuhuli nilang elemento.

Nilibot nila ang gubat at naglakad-lakad, lumipas ang kalahating oras ay wala silang nakita, kahit anino ng maligno ay wala.

"Teka, timeout muna!" sabi ni Leo sabay aupo sa isang malaking bato.

"Hoy! Huwag ka ngang upu ng upo kung saan-saan, baka mamaya nuno sa punso 'yan eh!" sita ni Jazis at kaagad namang tumayo si Leo.

"What are we even trying to find?" sabi ni Vivienne habang hawak ang journal ng kanyang ama kung saan nakatala ng iba't ibang elemento na maaari nilang makita sa gubat.

"Natatakot 'ata sila sa atin," komento ni Roni habang nakahalukipkip.

"Bakit naman sila matatakot sa'tin? Ah! Kasi alam nila na may kasama kaming tikbalang!" si Leo.

"Takot sila sa mga tao, kung tutuusin akala natin tayo ang natatakot sa kanila pero hindi," napatingin sila kay Rahinel na nagsalita. "Natatakot ang mga elemento sa mga tao dahil nakita nila kung paano sinira ng mga tao ang mga tahanan nila sa bundok at gubat para sa mga pansarili nilang interes."

"Whoa, oo nga noh?" sabi ni Leo.

"Sad story but truth," komento ni Jazis.

Samantala, si Arki ay abala pa rin sa paglilibot, tila may sarili siyang mundo dahil inaalala niya ang mga kwento ng kanyang Lola Bangs noong bata pa lang siya.

"Lola Bangs, gusto ko pong makakita ng mga elemento." 

"Nagpapakita ang mga elemento sa mga tamang tao lamang, Arki. Magpapakita sila sa'yo kapag mayroon kang sapat na dahilan kung bakit." 

Matagal nang nababalot ng hiwaga ang kuryosidad niyang musmos na isip. Pakiramdam niya ay mga nilalang siyang hindi nakikita na laging nagbabantay sa kanya, hanggang sa lumaki siya at nakalimutan ang mga misteryong 'yon. Pero hindi niya pa rin nakakalimutan ang mga salita ng kanyang mahal na lola.

Dinama ng dalawang palad ni Arki ang isang malaking puno, dama niya ang buhay na dumadaloy dito.

"Ang elemento ay matatagpuan sa lahat ng nilikha ni Bathala, lalo na sa ating kalikasan, doon sila nananatiling mas malakas."  Tila naririnig niya pa rin ang tinig ni Lola Bangs habang nakahawak sa puno.

Dahan-dahang lumuhod si Arki sa lupa, at dahil abala ang kanyang mga kasama sa kwentuhan ay hindi siya napansin ng mga 'to. Sunod niyang dinama ang lupa at naramdaman din ang buhay nito.

"Arki, dapat mong matutunan at isapuso na respetuhin ang kalikasan, dahil ang kalikasan ang pinakamgandang regalo ni Bathala sa sangkatauhan... Sa kalikasan ay maaari kang humingi ng tulong sa oras ng pangangailangan, at kung ikaw ay karapat-dapat... Susupresahin ka sa natatanging ganda at kapangyarihan nito."

Habang nakaluhod ay napapikit siya at humiling.

"Arki?" napansin na siya ni Roni.. 

"Arki, masakit tiyan mo?" tanong naman ni Leo.

"Anong problema?" sunod na nagtanong si Rahinel. 

"Baka may dysmenorrhea siya." Si Jazis.

"Tumahimik kayo," sita ni Vivienne sa kanila dahil ito lang ang nakaramdam na may kakaiba kay Arki.

Hindi naririnig ni Arki ang mga pinagsasabi ng mga kaibigan niya at nang tapos na siya'y nagmulat siya.

"Holy macaroni!" sigaw bigla ni Leo.

Pare-parehas silang nagulat nang lumitaw mula sa kadiliman ang maliliit na ilaw. Napakarami nito at napalilibutan sila, sa mga puno, sa mga damo, sa mga bulaklak,

"W-what the..." halos maputol ang hininga ni Vivienne nang mapagtanto kung ano ang mga nakikita nila ngayon.

"Mga alitaptap!" bulalas ni Jazis.

"No, they're not," sagot ni Vivienne. "I-it's like the will-o-wisp pero rito parang...para silang mga Santelmo."

"Santelmo?!" sabay-sabay na bigkas ni Roni, Leo, at Jazis.

"Hindi ba't malas ang Santelmo?" bulong ni Leo.

"Well, the truth is, our country was rich with folklores like this to the point our ancestors worshipped the spirit. When the Spaniards came, they demonized all the spirits, elements, fairies, and so on. So that our ancestor will embrace their religion which is Christianity," paliwanag ni Vivienne sabay lahad ng palad.

"Hindi sila Santelmo," sabi ni Rahinel. "Mga diwatang alitaptap sila ng kagubatan."

"Kung sa English... Fairy Fireflies...Fairey?!" walang pumansin sa banat ni Jazis.

Nag iba-iba ng kulay ang mga diwatang alitaptap, mula kulay berde ay naging asul, pula, dilaw. Tumayo si Arki na halos mapunit ang labi sa kanyang hindi maputol na ngiti nang makita ang nakikita ng mga kasama niya.

"A-ang ganda," bulong ni Arki na maluha-luha. "Lola Bangs..." saktong nagtama ang paningin nila ni Rahinel.

"Lola Bangs?" nagtatakang sabi nito.

"Tinuro niya sa'kin noong bata ako kung paano sila magpapakita," sagot ni Arki sabay lahad ng kanyang palad, may dumapong elemento roon at kitang kita niya ang maliit na nilalang na nagliliwanag na tila alitaptap. "Hello!"

Ilang minuto rin nilang pinagmasdan ang mga maliliit na diwata ng kagubatan nang maalala ni Arki ang kanilang misyon.

"Dali, ilabas ninyo 'yung mga garapon!" utos ni Arki sa mga kasama at kaagad na sumunod ang mga 'to. Bawat isa sa kanila ay hawak ang garapon ni Maria at binuksan 'yon. Awtomatikong pumasok ang mga diwatang alitaptap sa mga garapon.

"Yehey! We did it!" sigaw ni Jazis at Leo. "We did it! We did it! We did it!"

"Hoy, Dora at Boots, masyado pang maaga para mag-celebrate,"tatawa-tawang sabi ni Roni sa dalawa.

"Masyado akong maganda para magmukhang Dora!" si Jazis.

"Anong boots?! Hindi ako unggoy!" si Leo.

"We need to go back to the open area," si Vivienne. "Kailangan na nating pumunta sa Makiling."

"Don't tell me sasakyan na naman natin si Mari the giant manok?" si Leo.

Habang naglalakad si Arki ay napatingin siya sa kalangitan.

"Thank you Lola Bangs," nakangiting saisip-isip ni Arki at walang siyang kamalay-malay na nakatingin sa kanya si Rahinel.


*****


SAMANTALA...

Walang kamalay-malay ang lahat na sa isang liblib na kagubatan sa bundok ng Makiling ay magkasama si Anita at Yumi.

"Kung hindi ko lang nawala ang aking anito'y madali lang akong makakapunta sa Ibayo," dismayadong bulong ni Anita sa kanyang sarili. "Wala akong ibang magagawa kundi subukan ang pinagbabawal na orasyon patungong Biringan." 

Napansin niya ang panginginig ni Yumi kung kaya't tumayo siya upang ipatong dito ang kanyang sariling balabal. Mahina ang apoy sa gitna at nakatitig lamang sa kawalan ang namumugtong mga mata ni Yumi, tila wala na sa sarili. 

"Yumi, kumain ka," utos ni Anita sa dalagita sabay abot ng isang tinapay. "Mahaba ang magiging paglalakabay natin kaya kailangan mo ng lakas."

Tumingin si Yumi sa kanya at nagbabadya ang luha sa mga mata nito. 

"Bakit mo 'to ginagawa, Miss Anita?" labag man sa kalooban ni Yumi na banggitin ang pangalan nito. "Pinagkatiwalaan ka namin ni Arki!" nag-uunahan muli sa pisngi ni Yumi ang tila gripong luha nito. 

Hindi siya kumibo. 

"L-lahat ng mga pinakita mo sa aming kabutihan noon..." sabi ni Yumi sa pagitan ng paghikbi. "H-hindi totoo lahat?"

Tumigil si Anita sa pagkain ng isda at tumingin kay Yumi.

"Kahit ano pang sabihin mo sa akin ay hindi magbabago ang isip ko na dalhin ka kay panginoong Sitan," walang emosyong sabi ni Anita. 

Walang anu-ano'y biglang tumayo si Yumi at sumigaw. "Gusto ko nang umuwi sa amin! Ibalik mo ako sa amin!" tumingin ito sa kabilang direksyon. "Tulong! Tulungan n'yo ako!"

Mabilis na kinuha ni Anita ang nakatagong mahiwagang abo sa kanyang bulsa at hinipan 'yon sa mukha ni Yumi. Ilang sandali pa'y nasalo niya ito, walang malay. 

"Pinagplanuhan ko ang lahat ng 'to at sisiguraduhin kong magtatagumpay ako sa aking misyon."'Tinraydor ko si Bagobo, pati ang aking mga kapwa ahente para lang dito, hindi ko hahayaang masira ang aking mga plano.'

Tinraydor ni Anita ang kanyang mga kasamahan upang masolo niya ang gantimpalang ipinangako sa kanya ng kanyang panginoon na si Sitan... Na kung maiaalay niya ng buhay ang huling binukot ay bibigyan siya nito ng mga gantimpala.

Lingid sa kaalaman ng lahat, si Anita ang kauna-unahang ahente na ipinadala ni Sitan sa mundo ng mga mortal upang hanapin ang huling binukot. Daang taon na ang lumipas at nagpabagu-bago ang kanyang anyo. Subalit hindi niya inaasahan ang isang bagay, ang umibig sa isang mortal. 

Napagtanto ni Anita na may hangganan ang buhay ng mga mortal. Labis siyang nagluksa sapagkat noon lang niya naranasan ang umibig ng totoo. Ipinangako sa kanya ni Sitan na ibabalik nito ang buhay ng kanyang iniirog kung magagawa niya ang kanyang misyon. 

Kinailangang traydurin ni Anita ang mga kasama dahil alam niya na may gantimapala ring nakalahad sa mga 'to. Pero iba pa ang kanyang binabalak.

Sa oras na iharap niya kay Sitan si Yumi ay hindi niya ito 'agad na ibibigay, alam niya na may kakaibang kapangyarihan ang huling binukot at maaaring mas higit pa sa gantimpalang binibigay sa kanya ang kanyang makukuha.

Habang walang malay si Mayumi ay inaayos ni Anita ang kanyang sarili para sa isang ipinagbabawal na itim na orasyon.

Unti-unting nag-iba ang kanyang itsura at lumabas ang kanyang tunay na anyo. Inusal niya ang mga dasal at lumitaw ang itim na bilog sa kanilang harapan.

Gamit ang kanyang mahika ay pinalutang niya sa ere ang natutulog na si Yumi at naglakad sila patungo sa loob ng portal papuntang Ibayo.


*****


DALA ng pagod ay nakatulog sila habang nakasakay kay Mari na muling lumilipad sa ere patungong Makiling. Tulog ang lahat maliban kay Arki na nakatanaw sa malayo.

"Bakit hindi ka matulog?" nakita ni Arki si Rahinel at umupo ito sa tabi niya. Tumingin sila parehas sa mga kasama nila na mahimbing na natutulog habang nababalutan ng kumot.

"Hindi ako inaantok," sagot ni Arki at muling tumanaw sa malayo.

"Hindi ko pa 'ata nasasabi sa'yo pero..." tumingin si Arki kay Rahinel. "Nalulungkot ako sa nangyari sa lola mo. Patawad."

Kumunot ang noo ni Arki. "Wala ka namang ginawang mali kaya wala kang dapat ihingi ng sorry."

Natahimik sila parehas nang magsalita ulit si Arki.

"Namimiss ko lang talaga siya," sabi niya at hindi napigilang tumulo ang luha sa mga mata na kaagad niya ring pinahid. "Alam mo ba, ang dami niyang kwento sa'kin noong bata pa lang ako. Tungkol sa mga alamat, mahika... Sinong mag-aakala na totoo pala ang mga 'yon at magagamit ko pa ngayon?" bahagya siyang natawa at napangiti lang din si Rahinel.

"Kamangha-manghang tunay ang lola mo, Arki," sabi ni Rahinel.

"Teka, 'di ba imortal ka? Edi nakita mo si Lola Bangs noong kabataan niya?" tanong niya at tumango si Rahinel, mas lalo siyang na-excite. "Ano'ng itsura niya? Ang cool niya ba?"

Tumango si Rahinel. "Oo, maganda pero astigin."

"Wow, parang ako lang," biro ni Arki.

"Oo," natigilan si Arki nang sabihin 'yon ni Rahinel.

"Alin? Maganda o astigin lang?" tanong niya.

"Hmm... Siguro parehas," sabi ni Rahinel sa kanya at parang hindi naman siya makapaniwala.

"Naku, sinasabi mo lang 'yan kasi baka takot ka lang multuhin ka no'n," natawa lalo si Rahinel nang sabihin niya 'yon. "Sabi ko na nga ba. Aba, dapat lang matakot ka sa lola ko."

Hindi nila namalayan na nagkukwentuhan sila tungkol kay Lola Bangs, tungkol sa mga mahiwaga nitong kwento, pansamantala nilang nakalimutan ang kanilang suliranin at tila nakulong sa isang marahuyong mundo.

Hanggang sa nakatulog na lang si Arki habang nakasandal kay Rahinel. 

https://youtu.be/UB6FYxSRjh4

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top