/30/ Realisasyon

Kabanata 30:
Realisasyon


HALOS maluha si Shiela nang madatnan niya ang kanilang barangay. Tinutupok ng apoy ang mga kabayahan habang nagtutulungan ang mga tao upang mapatay ito. Tumingin siya sa buong paligid, at nakita ang napakaraming sugatan. Wala na ang mga kampon ng kadiliman.

Nakita niya ang kapitan ng kanilang barangay at kaagad niya itong nilapitan.

"Kap!" sigaw niya rito at naagaw niya ang atensyon nito.

"Shiela? Mabuti't ligtas ka!"

"Nakita ninyo po ba si Arki?" nag-aalala niyang tanong.

"Oo, nakita ko sila ng mga kaibigan niya na papunta sa bahay n'yo," aalis na sana siya nang magsalita ulit ito, "nag-aalala sa'yo ang lola mo, kahapon ka pa raw nawawala!"

"Sige ho, salamat, kap!" kaagad siyang tumakbo patungo sa kanilang bahay. Subalit nabitawan niya ang kanyang sandata nang makarating siya sa harapan ng kanilang bahay.

"Shawie? Mawi?" nakita niya ang dalawa na nakasalampak sa lupa na may bakas ng kalungkutan. Hindi sumagot ang mga 'to kung kaya't lumapit siya. "Nasaan si Lola Bangs? Si Arki?"

Kumabog ang dibdib ni Shiela nang makita niyang mas lumungkot ang itsura ng dalawa, tumayo ang mga 'to at hinawakan siya sa kamay.

"Bes..." si Shawie na anumang sandali'y iiya. "Si Lola Bangs..."

"B-Bakit?"

Umiling sila Shawie at Mawi. Pumatak ang mga luha niya at dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay.

"Lola Bangs?!" alam ni Shiela na kahit na isigaw niya ang pangalan nito'y hindi na magbabago pa ang lahat. Wala siyang nadatnan sa loob ng bahay, nakita niya ang tumba-tumba ni Lola Bangs at doon ay may gintong abo ang natira. Alam na ni Shiela ang nangyari kahit na hindi sabihin sa kanya.

Mabigat ang kalooban na lumabas si Shiela sa bahay upang kausapin muli sila Shawie at Mawi.

"S-si Arki?" halos mapigil ang hininga niya nang itanong niya 'yon.

"Bago magsakripisyo si Lola Bangs ay may mga binilin siya kay Arki," sagot ni Shawie na kaagad sinundan ni Mawi.

"Ligtas si Arki, Shiela. Papunta na sila ng mga kaibigan ngayon sa Ibayo para iligtas si Yumi."

"S-si Yumi?"

"Si Yumi ang nakuha ng mga ahente ni Sitan, iyon ang narinig ko sa kanila."

Natulala si Shiela sa kawalan at dahan-dahan siyang napaupo sa lupa. Magkahalong lungkot at tuwa ang nararamdaman niya, tuwa sapagkat walang nangyaring masama kay Arki, lungkot sa pagkawala ni Lola Bangs at sa nangyari kay Yumi.

Lumapit ang dalawa upang tumabi sa magkabilang gilid niya.

"Bes," si Shawie. "Si Lola Bangs." at humagulgol na naman ito.

Naalala ni Shiela ang mga kabutihang ginawa sa kanila noon ni Lola Bangs, ang pagkupkop at pagprutekta nito sa kanila ni Arki na parang tunay na kadugo. Matagal na nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagbabalik ng Mutya at posibleng pagbukas ng lagusan, matagal nang alam ni Shiela na magsasakripisyo si Lola Bangs subalit hindi pa rin kinakaya ng kanyang puso nang mangyari na ang dapat mangyari.

"Kailangan nating maging matatag," pinunsan ni Shiela ang luha sa kanyang pisngi at tumayo, "kahit wala na si Lola Bangs may mga tungkulin pa rin tayong dapat gawin."

Naalala niya na isa siyang Maharlika o isang mandirigma mula sa Ibayo, at sa ganitong sitwasyon ay hindi dapat siya panghinaan ng loob.

"Anong gagawin mo?" tanong ni Mawi."Paano si Arki?"

"Kailangang maayos ang mundong 'to, hindi pwedeng mabulgar sa buong mundo ang tungkol sa pagbukas ng lagusan at pagsulpot ng mga kampon ng kadiliman," huminto siya saglit sabay hinga nang malalim, "dumating na ang panahong kinatatakutan ko."

Naniniwala si Shiela na hindi pababayaan ni Bathala si Arki. Tinuon ni Shiela ang atensyon niya sa kasalukuyan, at dahil isa siyang Maharlika, alam niyang darating din sila upang ayusin ang nangyaring gulo sa normal na mundo ng mga mortal.


*****


'RAJANI'

Naramdaman niya ang paggaan ng kanyang katawan. Nagmulat si Arki at nakita niya ang kanyang sarili na lumulutang sa walang hanggang kadiliman. Tumingin siya sa itaas at nakita ang isang liwanag. Hindi. Hindi ito walang hanggang kadiliman, nakita niya ang tila butil na nagningining sa kapaligiran.

'Nasaan ako?' iyon ang tanong niya sa kanyang isip.

'Nasa walang hanggang kalawakan.' may malalim na tinig ang sumagot subalit wala siyang nakitang nilalang. Nanatili lang siyang nakalutang at pinilit niyang itinayo ang kanyang sarili.

Tumingin si Arki sa ibaba at nakita na wala pa rin siyang tinatapakan na kahit na ano, lumulutang nga siya sa kalawakan at napagtanto rin niya na wala siyang kahit na anong saplot. Subalit imbis na matakot ay namayani ang kapayapaan sa kanyang puso.

'Sino ka?' tanong niya sa tinig.

Walang anu-ano'y nakita niya na nagmulat ang isang malaking mata mula sa kalawakan.

'Ang kataas-taasang diyos ng sanlibutan.'

'Bathala?'

Lumitaw naman mula sa harapan niya ang isang maliit na liwanag at kaagad 'yong lumapit sa kanya.

'Bilang gantimpala sa iyong ipinamalas na katapangan, unti-unting mabubuksan ang kapangyarihan ng Mutya... ang binasbas na kapangyarihan sa'yo ng apat N diyosa upang labanan ang kasamaan... Ang unang kapangyarihan ng Hatualu ay ipinagkakaloob ko sa'yo, Rajani'

'Hatualu? Sinong Rajani?'

Hindi siya nakarinig ng sagot, bagkus ay biglang may gumuhit sa kanyang likuran, masakit 'yon at tila sinusunog. Hindi niya nakita na isang Baybayin ang ginuhit ni Bathala sa kanyang likuran.

'Naway gabayan ka ng unang kapangyarihan ng Hatualu, at ng diyosa na nagkaloob sa'yo nito, si Anitung Tabu.'

Magsasalita pa lang sana siya subalit bigla siyang hinila pababa ng dagsin at mabilis siyang bumulusok pabalik sa kanyang kamalayan.

Napabalikwas siya at kaagad na bumangon. Habul-habol ni Arki ang kanyang paghinga dahil pakiramdam niya'y nahulog siya mula sa napakataas na lugar. Nang kumalma ang kanyang sarili'y nilibot niya ang kanyang tingin.

"H-Huh?" nasa isang malaki at magara siyang silid. Malambot ang kama na hinigaan niya kanina. Hindi na niya suot ang madumi niyang uniporme, nakasuot siya ng kulay lila na pantulog. May benda rin siya sa braso.

Hindi niya maiwasang lumibot sa magarang kwarto, parang hotel kasi ang itsura nito dahil sa magarang ilaw na nakasabit sa kisame. Nang makita niya ang kanyang arnis sa mesa 'di kalayuan ay bigla siyang natauhan at parang natamaan ng kidlat. Nanlaki ang kanyang mga mata nang maalala ang mga nangyari.

"Lola Bangs!" nangilid ang kanyang luha at kaagad na dinampot ang kanyang arnis.

Lumabas siya ng silid at bumungad ang mahabang pasilyo na may malalaking bintana at mga painting sa pader. Kaagad siyang tumakbo papuntang dulo kung saan may engrandeng hagdan. Nagkukumahog siyang bumaba at natigilan siya nang marating ang unang palapag.

"Arki?" tawag sa kanya ni Leo na nakaupo sa isang sofa habang may hawak na mangkok, natigilan ito sa pagsubo nang makita siya.

Napagtanto niya na nasa sala silang lahat. Si Jazis ay nakadapa sa sofa. Si Roni ay nakatayo sa may gilid ng bintana, si Rahinel naman ay nakaupo rin sa sofa at nakita niya si Vivienne na kakarating lang din ng sala. Katulad niya'y nakasuot din sila ng pantulog.

"A-Ano'ng nangyayari?" tanong niya sa mga kasama. Nagtataka siya dahil parang relax na relax ang mga 'to. "Nasaan tayo?"

"We're here at our house, the Donohue Mansion," malamig na sagot ni Vivienne sabay halukipkip. 

"Si Lola Bangs?! Ano'ng nangyari kay Lola Bangs?!"  ang huling natatandaan niya'y nasa bahay sila at kausap niya ang kanyang lola.

"Arki, patawarin mo kami ni Shiela sa mga inilihim namin sa'yo. Pero balang araw malalaman mo ang iyong tunay na pagkatao, ang lahat ng 'to ay isang pagsubok lamang. Huwag kang mag-alala dahil kahit wala na ako ay patuloy kang gagabayan ni Bathala."

Walang sumagot sa kanya at kaagad siyang kinutuban ng masama. Si Leo ay malungkot na napatingin sa sahig, si Jazis ay gano'n din. Si Roni ay bahagyang nakayuko at si Vivienne ay nanatiling walang emosyon.

"Sinakripisyo niya ang kanyang sarili para masara ang lagusan—para tumigil ang paglitaw ng mga kampon ng kadiliman," binasag ni Rahinel ang katahimikan nang sabihin ang katotohanan. 

Hindi 'yon nagustuhan ni Roni kaya kaagad itong lumapit kay Rahinel at kinuwelyuhan ito.

"Konsiderahin mo naman 'yung nararamdaman niya?!" halos pabulong sabulat galit na sabi ni Roni. Hindi man lang natinag si Rahinel. 

"Kailangan niyang malaman ang totoo, walang saysay kung hindi natin sasabihin sa kanya." kalmadong sagot ni Rahinel at napagtanto rin 'yon ni Roni kung kaya't bumitaw ito.

Napatingin sila sa kanya nang biglang sumabog ang kanyang pagluha.

"K-kailangan kong umuwi," sabi niya at akmang tatakbo sa pinto pero mabuti't kaagad siyang hinarangan nila Leo at Jazis. "Ano ba! Umalis nga kayo!"

"A-Arki! K-kailangan nating—"

"Ahh!" sabay tumalsik si Jazis at Leo nang itulak niya ito parehas.

Diri-diretso na naman siyang nakatakbo subalit sa pagkakataong 'to ay si Roni na ang humarang sa kanya.

"Tumabi ka, Roni!" matigas niyang utos pero hindi natinag si Roni. Sinubukan niyang dumaan pero mas malakas ito sa kanya kaya hindi niya ito mahawi o matulak. "Ano ba!" sigaw niya habang umiiyak.

"Hindi ka aalis, Arki," malumanay na sabi ni Roni na lalo niyang ikinagalit. Pinagsusuntok at pinaghahampas niya si Roni pero hindi ito natitinag kahit na medyo nasasaktan sa ginagawa niya.

"Alis! Akala ko ba alipin kita?! Umalis ka sabi eh!" hanggang sa siya ang napagod at tumigil siya. Ni hindi man lang umusod si Roni sa kinatatayuan.

"K-kailangan kong makita ang lola ko..." hingal na hingal niyang sabi.

"Patay na siya at hindi mo na siya makikita pa. Just go back to your senses because we have something important to do." Nang marinig niya ang boses na 'yon ay nagpantig ang kanyang tenga. Si Vivienne. Dahan-dahan niya itong nilingon at nakita itong nakahalukipkip. "You're not thinking clearly."

"Arki—" bago pa siya mapigilan ni Roni ay kaagad siyang tumakbo papunta kay Vivienne, susugurin niya 'to at wala na siyang pakialam kung makasakit siya ng kapwa.

"Wala kang karapatan—" pero natigilan siya nang biglang may humagip sa kanyang braso at namalayan na lang niya na nakakulong siya sa mga bisig ni Rahinel.

"Nalulungkot kami sa nangyari sa lola mo." Dinig niyang sabi ni Rahinel, dama niya ang lungkot sa tinig nito. "Pero kailangan nating umusad dahil  kinuha ng masasama si Yumi."

Nanlambot siya nang marinig 'yon. Sunud-sunod na pumatak ang kanyang luha, nang bitawan siya ni Rahinel ay nakita niyang nakatingin silang lahat sa kanya. Humarap siya kay Roni.

"Sorry, Roni," halos pabulong niyang sabi at humarap naman siya kila Leo at Jazis. "Sorry..."

Nang humarap siya kay Vivienne ay sinalubong siya nito ng malamig na titig, dali-dali siyang umakyat sa itaas para bumalik sa silid na pinanggalingan niya.

"Arki—" susundan sana siya nila Leo pero kaagad 'yong pinigilan ni Roni.

"Hayaan na lang muna natin siya," sabi ni Roni.

Nang makabalik si Arki sa silid na pinanggalingan niya kanina'y kaagad siyang napasalampak sa sahig at umiyak nang umiyak. Masyadong masakit para sa kanya na tanggapin ang katotohanan na hindi na niya makikita kailanman ang kanyang pinakamamahal na lola. Wala siyang ideya kung nasaan man ang kanyang Ate Shiela dahil bigla itong nawala. At si Yumi... si Yumi na kinuha na wala man lang siyang nagagawa.

Akala ni Arki ay hindi matatapos ang kanyang pagluha. Nakatulugan na niya 'yon. Ang hindi niya alam ay muli siyang magkakaroon ng panaginip.

'Arki.' sa pagkakataong 'to ay nasa tila paraiso siya na lugar, sa harapan niya'y may isang nagsasalitang liwanag. 'Hindi ka pwedeng sumuko ngayon, kailangan mong magpalakas para sa kaibigan mong si Yumi.'

Babae naman ang nagmamay-ari ng tinig ngayon, hindi alam ni Arki kung sino ba ang kausap niya sa kanyang panaginip.

'P-Pero... Ang lola ko...'

'Balang araw ay muli mo siyang makikita.'

'T-Talaga?'

'Iyon ay kung handa kang harapin ang kasalukuyan at handa kang umpisahan ang iyong paglalakbay.'

'A-Anong paglalakbay?'

'Kung ano ang sinasabi ng iyong puso, hayaan mong ituro nito ang direksyon kung saan ka nito tinuturong dalhin.'

Nagising si Arki, medyo gumaan ang kanyang pakiramdam Dahan-dahan siyang bumangon. Nakita niya sa bintana na malapit nang lumubog ang araw. Malapit nang lumipas ang isang araw matapos ang naging insidente. Natauhan na naman siya dahil pakiramdam niya'y maraming oras ang nasayang lalo pa't may kailangan siyang gawin.

Wala na siyang nakapang pagluluksa, naisip niya na siguro ay naiiyak niya na lahat kanina. Ewan ba niya kung bakit pero naniniwala siya sa sinabi sa kanya ng misteryosang tinig sa kanyang panaginip.

Pagkababa niya'y hindi niya nadatnan sa sala ang kanyang mga kasama. Nagtungo siya sa kumedor at doon niya sila natagpuan. 

"M-May kailangan tayong gawin," lakas loob niyang sabi sa kanila nang makuha niya ang atensyon ng mga 'to. "Ililigtas natin si Yumi."

At napangiti sila Rahinel, Leo, Roni, at Jazis nang makita ang dating Arki na hindi susuko kahit ano'ng mangyari.


*****


TUMIGIL ang oras sa Barangay Macabebe, nag-iba rin ang kulay ng kalangitan. Mula sa kawalan, lumitaw ang mga bilog na mandala at lumabas doon ang mga taong nakasuot ng pulang balabal at salakot.

"Narito na sila," sabi ni Shiela nang maramdaman ang kakaibang presensya sa paligid. Lumabas si Shiela ng kanilang bahay at sumunod sa kanya si Shawie at Mawi.

Tanging mga katulad lamang nila ang nakakagalaw sa mga sandaling 'to dahil sa isang kakaibang mahika, mga mortal na isang Maharlika, mga mandirigma na hinasa upang protektahan ang mga mortal mula sa panganib na dala ng mga kampon ng kadiliman sa kabilang mundo.

Nakita ni Shiela na naglalakad sa kanila palapit ang mga taong nakasuot ng pulang balabal at salakot. Nang makalapit ang mga ito ay tinanggal nila ang kanilang mga salakot.

"Raneah."

"Shiela."

Nagyakap silang dalawa at kaagad ding bumitiw sa isa't isa. Magkasama sila noon sa Kampo Uno sa Ibayo kung saan hinahasa ang mga Maharlika katulad nila.

"Pasensiya na kung ngayon lang kami nakarating," sabi ni Raneah sa kanya nang bumitaw. "Natagalan ang pakikipaglaban namin sa Maynila."

"Tiyak na kumalat na sa buong mundo ang nangyari," sabi niya.

"Oo, pero kakailanganing mabura sa isip ng mga tao ang mga nakita at naranasan nila. Pinapatawag tayo ng Hepe sa Kampo Uno para pagpulungan ang mga dapat gawin."

Umiling si Shiela at napansin ni Raneah ang pamumugto ng kanyang mga mata.

"Bakit, Sheila? Ano'ng nangyari?" hindi sumagot si Shiela at naramdaman ni Raneah na may gusto itong sabihin kaya lumingon ito sa mga kasama. "Iwanan ninyo muna kami."

"Masusunod, kapitana." at naglaho ang iba pang mga Maharlika na kasama ni Raneah.

Si Shiela naman ay tumingin kila Shawie at Mawi at sumenyas, umalis ang mga 'to. Naglakad sila palapit sa isang puno at nang masigurong wala ng makakarinig sa kanila'y muli silang nag-usap.

"Hindi ako makakasama sa'yo pabalik sa Kampo Uno," sabi niya. "Wala na si Barbara Salamanca—"

"Teka, ano'ng ibig mong sabihin na wala na siya?"

"Sinakripisyo niya ang kanyang buhay para masara ang nabuksang lagusan," natulala si Raneah nang marinig 'yon, "kailangan kong sundan si Arki."

"Kung gano'n kaya natigil ang paglabas ng mga halimaw. Ikinalulungkot ko ang nangyari... Pero ano'ng nangyari kay Arki?" nag-aalalang tanong ni Raneah, ito lamang ang tanging pinagkakatiwalaan niya tungkol kay Arki sa mga kasamahan niya sa Kampo Uno. 

"Ligtas siya. Pero iba ang nakuha ng mga ahente ni Sitan, kaibigan ni Arki si Yumi at alam ko na kahit ano'ng mangyari ay ililigtas niya si Yumi. Kaya hindi ako makakasama sa'yo pabalik, si Shawie at Mawi na muna ang makakasama ninyo."

"Magandang balita pa rin na walang nangyaring masama sa prinsesa," sabi ni Raneah na tila nakahinga ng maluwag.

Wala silang kaalam-alam na sa kalapit na puno'y mayroong lihim na nakikinig.

'Prinsesa?' punum-puno ng pagtataka ang mukha ni Karl nang marinig ang pinag-uusapan ni Shiela at Raneah, lihim itong sumunod kay Shiela galing eskwelahan. 

Nanlaki ang mga mata ni Karl nang mapagtanto ang katotohanan.

"Mali nang hinala si Rahinel." bulong nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top