/29/ Ang Sakripisyo
Kabanata 29:
Ang Sakripisyo
"A-ANONG nangyayari..." natulala si Shiela nang marating niya ang harapan ng eskwelahan ni Arki.
"Kailangan ko nang bumalik sa kabila, Shiela!" bulalas ni Pinai. "Kailangan kong sabihin sa aming reyna ang nangyari!"
"Mabuti pa nga, Pinai," sabi niya.
"Mag-iingat ka, Shiela."
"Ikaw din."
Nang maglaho si Pinai aya kaagad siyang tumakbo papasok sa loob ng eskwelahan. Nadatnan niya roon ang tila dinaanang gera na lugar, puro basag ang mga bintana, at maraming nagkalat na sugatan. Nakarinig si Shiela ng mga sigawan at kaagad siyang nagtungo sa kinaroonan nito.
Naabutan niya sa pasilyo ang isang kumpol ng estudyante na nagsisiksikan sa gilid habang palapit sa kanila ang isang halimaw.
"Tiktik," bulong ni Shiela nang makita niya 'yon. Aatake na ang halimaw sa mga estudyante nang gamitin niya ang kanyang bilis upang atakihin ito. Bago 'yon ay nakahiling na siya ng dasal upang basbasan ang kanyang sandata. Natamaan ang Tiktik at nangisay 'yon hanggang sa abo na naglaho.
"S-Salamat po!" sabi ng isang umiiyak na estudyante sa kanya.
"Umalis na kayo rito," utos niya sa mga 'to.
"Pero natatakot po kami!" sagot sa kanya ng isa.
"Sir Karl!" napatingin silang lahat ng sumigaw ang isa. Nakita ni Shiela ang lalaking kinamumuwian niya na palapit sa kanila.
"Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Karl. Napansin ni Shiela na may dala itong bolo, iyong bolo na pinanglaban nito sa kanya noon.
"O-Opo!" sagot ng mga estudyante.
Tumingin sa kanya si Karl at minasamaan niya ito ng tingin. May sasabihin sana ito sa kanya subalit nagsalita ulit ang isang estudyante.
"Sir! Marami pa po kaming classmates dito, hindi namin alam kung nasaan sila!" sabi ng isa na mangiyak-ngiyak.
"Don't worry, we'll find them." tumingin ulit sa kanya si Karl saka siya dali-dali siyang tumakbo. Naramdaman niya na sumunod ito sa kanya.
'Nasaan ka, Arki?' tanong ni Shiela sa sarili habang tumatakbo sa koridor at nililibot ang tingin.
"H-Hey!" tawag sa kanya ni Karl subalit hindi niya 'yon pinansin. Ang mahalaga sa kanya'y mahanap si Arki.
Maya-maya'y nakita nila ang isang estudyanteng lalaki na nakahandusay, hindi na 'to gumagalaw at may natamong sugat. Kaagad nila itong dinaluhan.
"Jaakko?" sabi ni Karl nang mamukaan ang estudyante. "Jaakko? Can you hear me?"
Kinapa ni Shiela ang pulso nito at naramdaman ang pagpintig nito.
"Buhay pa siya!" sabi niya at kaagad nilang nakita na nagmulat ng mata si Jaakko.
"Y-Yumi..." iyon ang unang salitang narinig nila mula rito.
"Yumi?" sabi niya at medyo lumapit siya kay Jaakko para marinig ang mga sasabihin nito. "Anong nangyari kay Yumi?"
"K-Kinuha si Y-Yumi..." nanlaki ang mga mata ni Shiela nang marinig 'yon.
"Sinong kumuha kay Yumi, Jaakko?" tanong ni Karl.
"S-Si Miss Anita..."
Nagkatinginan si Karl at Shiela, hindi mawari ang sasabihin.
"Si Arki? Magkasama ba sila ni Yumi?" tanong ni Shiela at tumango si Jaakko.
"Anong ibig sabihin na si Miss Anita ang kumuha kay Yumi?" bulong ni Karl sa sarili.
"M-Masama siya... isang...halimaw..." sagot ni Jaakko at pinilit na tumayo pero napangiwi dahil sa sakit ng mga sugat.
"Umalis na kayo rito," utos ni Shiela sa dalawa. "Kailangan kong mahanap si Arki."
"Sasama ako sa'yo," sabi ni Karl pero mas nainis lang siya.
"Mas mainam kung iligtas mo ang mga estudyante mo," matigas niyang utos pero matigas din si Karl dahil ayaw niyang pakawalan si Shiela dahil sa kutob nitong may alam siya.
"Sasama ako—" natigilan silang dalawa nang maramdaman ang pagdating ng isang hindi pamilyar na lalaki.
"Ako na ang bahala sa anak ni Senator Lazano," sabi ng lalaki na nakapormal na kasuotan.
Magtatanong pa lang si Karl nang magsalita ulit ito.
"I'm Khalil, secretary of Senator Lazano," pagpapakilala nito. "I'm taking him home."
Walang ibang nagawa si Shiela at Karl kundi tumabi nang buhatin ni Khalil si Jaakko. Nang maiwan sila ay muling tumakbo si Shiela at sumunod sa kanya si Karl.
Ilang sandali pa'y natigilan sila nang maramdaman ang kakaibang presensiya. Tatlong metro ang layo sa kanila'y sumulpot mula sa kawalan ang isang babae, anyong tao subalit mababakas ang pagiging halimaw nito sa itsura, may mahabang puting buhok, nangingitim ang balat, mahaba at itim ang mga kuko, nanlilisik na mga mata. Kaagad nakilala ni Shiela kung sino 'yon.
"Hukloban!" sigaw ni Shiela nang makita ang isa sa ahente ni Sitan.
"Aba, aba, isang Maharlika," tumawa si Hukloban, "bumalik ako rito para kuhanin din sana ang anak ni Senador Lazano pero sinong mag-aakala na dito tayo ulit magkikita."
Tumingin si Karl sa kanya nang marinig 'yon.
"Parang gusto kong makipaglaro muna sa inyo, mga hampaslupang mortal!"
Iwinasiwas ni Hukloban ang kanyang tungkod at mula roon ay nagkaroon ng isang itim na lagusan, mula roon ay lumabas pa ang mas maraming halimaw.
"Patayin sila!" sigaw ni Hukloban.
Napalunok si Karl at inihanda ang kanyang sarili. Si Shiela naman ay muling umusal ng dasal sa kanyang patron na diyos, ang diyos ng karagatan na si Amanikable.
*****
KAAGAD umibis ng sasakyan ang grupo nang marating nila ang arko ng Barangay Macabebe. Gamit ang sasakyan ni Vivienne ay halos paliparin iyon papunta sa kinaroroonan nila ngayon.
"A-anong—" nangilid ang luha ni Arki nang makita na mas malala ang sitwasyon ng kanilang barangay kumpara sa nangyari kanina sa kanilang paaralan.
Nasusunog na ang ilang kabahayan, nagtatakbuhan ang mga tao at maririnig ang kanilang sigawan sa takot. May mga ilang residente ang matatapang na lumalaban, nagbabato ng mga bote at may hawak na matutulis na kawayan.
Iwinaksi ni Arki ang takot sa kanyang dibdib at tinuon ang atensyon sa kanilang dapat na gawin, ang puntahan si Lola Bangs.
"Guys," tawag ni Arki sa mga kasama sabay lingon.
Inihanda ni Vivienne ang kanyang pana at mga palaso, si Roni ay nakakuha na muli ng sapat ng lakas—handang magpalit anyo anumang oras, si Jazis at Leo naman ay nanginginig sa takot, at si Rahinel ay nilabas ang nagbabaga niyang espada.
Humarap si Arki sa kanilang barangay at inilabas ang kanyang arnis. Naisip niya na parang nangyari na ang ganitong sitwasyon na 'to noon, noong nakulong sila sa ilusyon ng mahika ni Jazis, pero ngayon ay nasa totoong mundo sila at nagkakagulo ang lahat.
"Kailangan kong puntahan si Lola Bangs!" sigaw niya.
Nanaig ang katapangan sa puso ni Arki at siya ang naunang tumakbo. Sumunod sa kanya ang mga kasama.Naagaw nila ang atensyon ng lahat maging ng mga halimaw kung kaya't sa kanila ito lumusob ngayon.
Huminto si Vivienne at isa-isang pinana ang mga lumilipad na halimaw. Si Roni ay kaagad na nagpalit ng anyo, halos himatayin si Jazis nang makita 'yon pero mabuti na lang ay nasalo siya ni Leo.
"T-Tikbalang siya?!" sigaw ni Jazis at tinulak siya ni Leo nang masalo.
"Ikaw nga mangkukulam eh may reklamo ba kami?!" si Leo naman ay walang nagawa kundi ilabas ang kanyang secret weapon na ginawa niya, isang tirador na may bala ng bolang gawa sa dinkdik na bawang at asin. Inasinta niya ang isa at tumama roon, nangisay ang halimaw at tuwang tuwa siya. "Yes!!! Nakita ninyo 'yon?! Napatay ko! Napatay ko!"
Pero pagtingin ni Leo ay nakita nitong abala ang mga kasama sa pakikipaglaban.
"Guys?!" si Leo. "Hindi ninyo ba ko nakita—ahh!" may sasakmal kay Leo pero mabuti na lang ay kaagad umusal ng salamangka si Jazis at natamaan 'yon ng kidlat.
"Tumabi ka nga!" sigaw ni Jazis at bumelat lang si Leo.
Si Arki ang pinaka-inaatake ng lahat, marahil ay nakukuha ang atensyon ng mga halimaw dahil sa suot niyang Mutya na nagtatago sa loob ng kanyang damit. Hindi niya nakikita ang pag-ilaw nito na siyang dahilan kung bakit lumalapit sa kanya ang mga kampon ng kadiliman.
Hingal na hingal na si Arki pero mabuti't lumapit sa kanya si Rahinel at magkatalikuran silang nakikipaglaban.
"Akong bahala sa'yo!" sigaw ni Rahinel sa kanya. "Puntahan mo na ang lola mo!"
"Pero paano ka?!" sabay pa silang umiwas at saktong sabay din nilang napaslang ang kalaban kung kaya't humarap sila sa isa't isa.
"Tumatakbo ang oras, Arki," sabi ni Rahinel sa kanya. "Kailangan nating mailigtas si Mayumi sa lalong madaling panahon!"
Tumango si Arki at kaagad siyang tumakbo papunta sa kanilang bahay. Susugurin sana ng mga halimaw si Arki pero kaagad humarang si Rahinel at isa-isa itong pinaslang. Hindi na lumingon si Arki, mabilis ang kanyang pagtakbo hanggang sa marating niya ang kanilang bahay.
Nagulat siya nang makita si Shawie at Mawi sa labas na kakapaslang lang sa isang halimaw gamit ang kanilang kakaibang sandata.
"Arki!" sabay pang sigaw ng dalawa nang makita siya.
"Si Lola Bangs?!"
"Nasa loob, dali!" pumasok siya sa loob ng bahay at doon nadatnan niya si Lola Bangs na kalmadong nakaupo sa tumba-tumba nito.
"L-Lola Bangs!" nangilid ang kanyang luha, tumayo ito at sinalubong ang kanyang yakap. Magsasalita pa lang siya nang hawakan siya nito sa magkabilang balikat.
"Natutuwa akong makita kang ligtas, apo."
"Lola, kinuha si Yumi—"
"Sa Ibayo siya dinala ng kampon ni Sitan, alam ko na kahit anong mangyari'y ililigtas mo siya," nagtataka siya kung bakit hindi man lang niya makitaan ng takot ang kanyang Lola, "kung kaya't inihanda ko na ang mga gamit na kakailangan ninyo sa inyong paglalakbay."
Itinuro sa kanya ni Lola Bangs ang isang bayong na nakapatong sa mesa.
"L-Lola, ano'ng nangyayari? Lahat ng mga kwento mo sa'kin tungkol sa alamat noon—"
"Arki, patawarin mo kami ni Shiela sa mga inilihim namin sa'yo. Pero balang araw malalaman mo ang iyong tunay na pagkatao, ang lahat ng 'to ay isang pagsubok lamang. Huwag kang mag-alala dahil kahit wala na ako ay patuloy kang gagabayan ni Bathala."
"T-Teka po, ano pong ibig mong sabihin, Lola?" naiiyak na naman siya dahil iba ang pakiramdam niya sa sinabi nito.
Bigla silang nakarinig ng mga kalabog at nakita nila sila Vivienne, Roni (na nagbalik na sa normal na anyo), si Leo at Jazis. Lahat sila'y habol ang hininga. Huling dumating si Rahinel at saka namayani ang katahimikan.
"Patay na lahat ng mga halimaw!" binasag 'yon ni Leo, bakas ang saya at pagod sa mukha.
Muling humarap si Lola Bangs sa kanya at nagsalita.
"Kailangan kong gamitin ang buo kong mahika upang isara ang nabuksan na lagusan, hindi sila matatapos hangga't hindi 'yon nasasara." Napakunot si Arki dahil hindi niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin. Napakarami niyang tanong sa kanyang isip katulad na lang ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng kanyang lola.
"No, Lola Bangs, you will sacrifice yourself?!" biglang sumingit si Mawi at nanlaki ang mga mata ni Arki nang marinig 'yon.
"Lola Bangs—" magsasalita sana si Arki pero kaagad 'yong pinutol ni Lola Bangs na tumingin sa kanilang lahat.
"Mga bata... Kayo ang magiging kasama ni Arki sa kanyang paglalakbay, hindi ko man nakikita ang hinaharap pero sigurado akong hindi magiging madali ang mga pagsubok na naghihintay sa inyo. Magpakatatag kayo." Bumaling si Lola Bangs kay Arki at hinawakan siya sa pisngi. "Mahal na mahal kita, Arki, apo ko. Subalit ito na lang ang tanging paraan..."
"Lola Bangs, hindi! Hindi ka magsasakripisyo!" lumuluhang protesta ni Arki at itinaas ni Lola Bangs ang palad, may lumabas na kung anong gintong usok doon. Nang malanghap 'yon ni Arki ay kaagad siyang nawalan ng malay.
Kaagad nasalo ni Rahinel si Arki.
"Kayo na ang bahala sa kanya," sabi ni Lola Bangs. "Kailangan ninyong umpisahan ang inyong paglalakbay, mahahabol niyo pa si Yumi. Makakatulong sa inyo ang binigay ko kay Arki." pare-parehas silang nagulat nang lumipad papunta sa kanila ang bayong, si Roni ang kumuha nito.
"S-Saan tayo pupunta?" tanong ni Leo.
"I know a place," sagot naman ni Vivienne.
Muling itinaas ni Lola Bangs ang kanyang palad, sa pagkakataong 'to ay nagliliwanag na ang buo niyang katawan. "Binibigyan ko kayo ng basbas nang sa gayon ay hindi kayo masundan ng mga kampon ng kadiliman kung saan man kayo pupunta. Isang basbas mula kay Bathala na nawa'y magtagumpay kayo sa pagpunta sa kabilang mundo, ang Ibayo."
Mula sa palad ni Lola Bangs ay lumabas ang mga liwanag na unti-unting pumaikot sa kanila.
"Humayo na kayo," utos ni Lola Bangs.
"P-Pero paano ka po?" nag-aalalang tanong ni Jazis, hindi maiwasang maalala nito ang sariling lola.
"Kayo na ang bahalang magpaliwanag kay Arki kapag nagising siya," nakangiting sabi ni Lola Bangs at tumingin sa nahihimbing na si Arki.
Nagkatinginan sila at hindi sigurado ang susunod na gagawin.
"Pero, Lola Bangs..." naiiyak na protesta ni Leo.
"Tumatakbo ang oras!" halos dumagundong ang boses ni Lola Bangs na tila sinabayan ng kulog kung kaya't nataranta sila.
Naunang lumabas si Rahinel na buhat-buhat ang walang malay na si Arki. Wala namang nagawa sila Roni, Leo, Vivienne, at Jazis kundi sumunod.
"Saan tayo pupunta?" tanong ni Leo nang matagpuan nila ang sarili na muling tumatakbo papunta sa kotse ni Vivienne.
Samantala, lumabas si Lola Bangs sa kanilang bahay at tinanaw ang mga kabataang tumatakbo. Isang luha ang dumaloy sa kanyang mata at kaagad 'yong pinahid. Ngumiti si Lola Bangs hanggang sa tuluyan siyang naging liwanag.
'Paalam, Arki, ang aming mahal na prinsesa.'
-xxx-
#TEAMBINUKOT
Arki (Kath), Rah (Daniel), Yumi (Elise), Leo (Henz), Roni (Tony), Vivienne (Sue), Jazis (Maymay), Jaakko (Paul)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top