/28/ Ang Paglusob


Kabanata 28: 
Ang Paglusob


"OH siya, Miss Anita, ikaw na ang bahalang mag-lock ng faculty, mauuna na kami," paalam ng isang kasamahan niyang matandang guro.

"Opo, Ma'am, ako na po ang bahala," nakangiti niyang sagot. Maraming nakatambak na papeles sa kanyang mesa, ang ilan dito'y mga test papers na kailangan niyang tsekan, at ang karamihan ay mga research na pinasa sa kanya ng mga mag-aaral.

Naiwan si Ms. Anita sa faculty room at natanaw niya ang labas, malapit nang lumubog ang araw. Napasulyap siya sa kanyang orasan at pinagpatuloy ang ginagawang pagtse-tsek.

Lingid sa kanyang kaalaman ay kanina pa nakasilip sa labas ang kanyang estudyante na napagsabihan niya ngayong araw, walang iba kundi si Jaakko. Kanina pa ito naghihintay ng pagkakataon at nang mag-isa na lang si Msiss Anita ay pumasok ito sa loob ng silid.

Dahan-dahang naglakad si Jaakko palapit kay Miss Anita habang may nakatagong bagay sa likuran. Kitang kita sa mga mata nito ang poot dahil sa natanggap na sampal ni Jaakko mula sa guro.

Mabilis na nakaramdam si Ms. Anita at napatingin siya sa papalapit sa kanya.

"Jaakko?" tawag niya rito at huminto ito nang makalapit sa kanya. Hindi siya tumayo pero tinigil niya ang kanyang ginagawa. "Anong problema?"

"Ikaw."

Hindi nagustuhan ni Ms. Anita ang himig ni Jaakko at tumayo na siya sa pagkakataong 'to.

"What do you mean by me? Dahil ba 'to sa nangyari kanina? Hindi ko babaguhin ang desisyon ko na ipatawag ang tatay mo para makausap," determinado niyang saad.

Walang anu-ano'y naglabas si Jaakko ng isang patalim, nakatago 'yon sa kanyang likuran at huli na para makaiwas siya nang itarak 'yon sa kanyang dibdib.

"J-Jaakko..." tumulo ang maraming dugo mula sa kanyang bibig.


*****


MAG-IISANG oras nang nakatanaw si Vivienne sa bintana habang nakahalukipkip. Malalim ang kanyang iniisip matapos ang naging pagpupulong nila kanina sa rooftop ng lumang building.

"Vice Pres, uwi na kami," paalam sa kanya ng isang co-officer subalit hindi man lang siya lumingon dito para magpaalam. Narinig na lang niya ang mga yabag at pagbagsak ng pinto.

Sumulyap si Vivienne sa pader kung saan nakasabit ang kanyang armas, ang pana ng kanyang ama. Noong lumaki't magkaisip siya'y kaagad niyang sinikap na mag-ensayo nito upang gamitin balang araw, at ngayong kasalukuyan 'yon. Subalit hindi na niya alam ang susunod na gagawin.

Hindi na niya maipaghihiganti ang kamatayan ng kanyang ama dahil tila 'nabayaran' na ang kasalanang 'yon ni Roni, muntikan na niya itong mapaslang pati ang kaibigan nito. Ang sunod na lang na kailangan niyang gawin ay hanapin ang lugar na Ibayo.

'Saan ako magsisimula?' tanong niya sa kanyang sarili at naalala niya bigla ang kababalaghang naranasan niya kasama ang iba pang mga estudyante. Sila Arki, Rahinel ,Roni, Leo, at Jazis.

Sumagi na sa kanyang isip na paano kung makipagtulungan siya sa mga 'to na hanapin ang kanyang hinahanap subalit kaagad niyang iwinaksi 'yon. Buong buhay niya'y nasanay siyang mag-isa na gawin ang mga bagay na kailangan niyang gawin kaya hindi niya kailangan ng tulong.

Nabulabog ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng pagbasag ng salamin at malakas na sigawan mula sa labas. Bigla siyang kinutuban ng masama at dinampot ang kanyang pana.

Patakbong lumabas si Vivienne at laking gulat niya nang makita ang isang halimaw na may mahabang dila, kasing laki ito ng tao, mabuhok ang buong katawan nito at nanlilisik ang mga mata, at ang mas malala ay para itong butiki na gumagapang sa kisame.

Nakita niya ang mga estudyante na nagtatakbuhan at nagsisigawan, susugurin 'yon ng halimaw nang mabilis siyang humugot ng palaso at pinana ang halimaw sa ulo nito.

'A-anong nangyayari?'


*****


"ANG tagal naman ni Arki at Yumi," naiinip na sabi ni Leo habang naghihintay sila sa may koridor. Nasa kabilang hallway kasi sila Arki at sila naman ni Roni ay nakatambay malapit sa may banyo. "Gusto ko nang umuwi!"

"Eh 'di umuwi ka na, kesa naman para kang batang nagmamaktol diyan," sabi ni Roni at pumasok sa loob ng CR para umihi. Sumunod din si Leo at ginaya si Roni.

Habang umiihi sila parehas ay naramdaman ni Leo na may nakasilip sa kanila sa pintuan kaya napatingin siya roon. Nakakita siya ng tila isang tao na may dalawang sungay at pakpak sa likod na animo'y demonyo.

"May cosplay pala ngayon?" sabi ni Leo sa sarili at muling tinuon ang atensyon sa pag-ihi. Pero bigla siyang kinilabutan at tumingin ulit sa labas, nakita niya na nakatingin sa kanila ang nilalang. "D-D-D-demonyo? R-R-Roni," tinapik-tapik niya si Roni habang 'di inaalis ang tingin sa labas.

"Oy, ano ba, Leo!" inis na sabi ni Roni at kakataas lang niya ng zipper.

"M-m-m-may h-h-halimaw!"

"Ha? Ano bang pinagsasabi---" saktong pagitngin ni Roni sa labas ay kaagad lumundag sa loob ng banyo ang halimaw, mabuti't mabilis si Roni at tinulak niya si Leo at siya naman ay dumapa, bumangga ang halimaw sa pader.

"Takbo, Leo!" sigaw ni Roni at kumaripas ng takbo palabas.

Si Leo naman ay kaagad ding tumakbo kahit hindi pa niya naitataas ang kanyang pantalon. Paglabas nila'y hinabol ulit sila ng halimaw at lumilipad na ito ngayon. Biglang nadapa si Leo kaya naiwan siya.

"Roni! Waaahh!" susunggaban na si Leo ng halimaw pero mabilis na lumundag si Roni upang sipain ang halimaw. Kaagad itong umatake pero nakaiwas siya, lumundag ulit siya at saktong nahagip ang leeg nito at binali 'yon.

"What the pak is happening?!" umiiyak na sigaw ni Leo at itinaas na ang kanyang pantalon.

"Hindi ko alam," sagot ni Roni at napalingon siya. "Leo, may powers ka rin 'di ba?"

"Huh? Bakit?" napalingon din si Leo at napasigaw. May tatlo ulit na lumilipad na halimaw papunta sa kanila.

"Takbo, Leo!" sigaw ni Roni at hinila niya si Leo para tumakbo. "Masyado silang marami!"

"Wahhhhh!" sigaw lang nang sigaw si Leo habang umiiyak sa takot.

"Shit!" lumingon si Roni at nakita na marami pa ring nakasunod sa kanila. Pero napapreno sila sa pagtakbo nang makita nila na may mga papasalubong sa kanilang mga halimaw.

"A-a-anong gagawin natin?! Mamamatay na ba tayo?!" si Leo habang nakakapit kay Roni.

Napaisip si Roni nang mga sandaling 'yon, hindi sapat ang lakas niya sa normal na anyo, kapag wala siyang ginawa ay parehas silang malalapa ni Leo ng mga halimaw. Gulung gulo man ang kanyang isip kung paano nangyayari ang lahat ng 'to, napahinga siya nang malalim at nagdesisyon.

"P-p-panaginip lang 'to, hindi ba, Roni? Roni?! Papalapit na sila! Roni!" pero tinulak ni Roni si Leo at napasalampak ito sa lupa. "Roni?"

Walang anu-ano'y nagpalit ng anyo si Roni, nasira ang kanyang pang-itaas na damit nang mag-anyong Tikbalang siya. Sumigaw ito ng ubod ng lakas at nanataling nakadapa si Leo.

Nang sabay-sabay na umatake ang mga halimaw ay naging madali 'yon para kay Roni na pabagsakin sila isa-isa. Lumipas ang isang minuto at naglaho ang mga halimaw, si Roni naman ay bumalik sa kanyang normal na anyo, hinang-hina dahil hindi pa siya gano'n kasanay na gamitin ang kanyang kapangyarihan.

"Roni!" kaagad na umalalay si Leo rito, nawala na ang pagpapanic. "Ayos ka lang ba?!"

"O-oo," sagot ni Roni at sinusbukang makabawi ng lakas.

Pero natigilan sila parehas nang makitang may isa pang paparating at lulusob sa kanila, lumilipad 'yon na kasing laki ng tao at may mahabang sungay sa ulo.

Halos mapigil ang hininga nilang dalawa. Hindi pa makatakbo si Roni dahil hindi pa sapat ang kanyang lakas.

"Leo tumakbo ka---" papalapit na sa kanila ang halimaw nang biglang mapugot ang ulo nito at tumalsik sa kanila, napasigaw si Leo.

"Ayos lang ba kayo?" si Rahinel ang may kagagawan nito.

"W-wow!" manghang sigaw si Leo nang makita si Rahinel na may hawak na nagbabagang espada.


*****


"DIYOS ko po!" Nagulat sila Shawie at Mawi nang biglang sumigaw si Lola Bangs na nasa bakuran. Nagkukumahog ang dalawa upang tingnan ang nangyari rito at nadatnan nilang nabitawan ni Lola Bangs ang walis tingting sa lupa.

"Lola Bangs, anez nangyari?!" sigaw ni Mawi.

"What's the problem, Lola Bangs?!" sigaw din ni Shawie.

Imbis na sumagot si Lola Bangs ay tumingin siya sa dalawa at kitang kita ang pagkagimbal sa kanyang mukha.

"A-ang l-lagusan ng Ibayo... Ang lagusan ng Ibayo ay nabuksan!" nagwawalis lang siya sa bakuran nang makaramdam siya ng malakas na pwersa na biglang lumitaw sa sandaling 'yon. At nakumpirma niya lalo nang gamitin niya ang kanyang mahika.

"Hala?!" napasigaw sila Shawie at Mawi pero kaagad na tinakpan ang kanilang bibig.

"Paano nangyari 'yon, Lola Bangs?!" si Shawie.

"It kennat be! Ang mga alagad ni Sitan ay lulusob sa bayang itez!" si Mawi.

"Bumalik na kay Arki ang Mutya!" napasinghap ang dalawa nang sabihin 'yon ni Lola Bangs. Maya-maya'y sumeryoso si Lola Bangs, ang kaninang nababahalang mukha ay napalitan ng determinasyon at katapangan. Tinawag niya ang dalawa. "Sharon, Marion."

Umayos sila Shawie at Mawi, alam nila na kapag tinatawag na sila sa totoo nilang pangalan ni Lola Bangs ay seryoso ang mga nangyayari at kailangan nilang lumaban.

"Yes, Lola Bangs!" sabay na sagot ng dalawa.

"Ihanda ninyo ang inyong sarili na lumaban para sa ikaliligtas ng bayang ito."


*****


NAKATULOG si Shiela habang nakagapos sa upuan. Subalit bigla siyang nagising nang maramdaman niya ang malakas na pwersa, at ang pagtawag sa kanya ng kanyang anito.

'Silak, gumising ka!' ang isinigaw ng kanyang anito sa kanyang isip.

Napasinghap si Shiela nang magmulat, para siyang umahon mula sa pagkakalunod.

"A-Ang huling binukot," kaagad niyang nabulong. "Kailangan kong makakawala rito! Si Arki!"

Pinilit magpumiglas ni Shiela subalit sadyang mahigpit ang pagkakatali sa kanya ni Karl. Hindi pa rin niya maramdaman ang presensya ni Pinai, ang maliit na diwata na kasama niya. Tumingin si Shiela sa paligid, naghahanap ng bagay na maaari niyang gamitin.

Hanggang sa nakita niya ang isang baso ng tubig na nakapatong sa mesa 'di kalayuan.

'Hindi ko pa nasubukan na gamitin ang kapangyarihang 'to sa mundo ng mga mortal.' sa isip ni Shiela nang makita ang baso. Pero wala na siyang magagawa at sinubukan niyang pumikit at taimtim na nagdasal sa diyos.

'Sa ngalan ni Amanikable, diyos ng karagatan, pahiramin mo ako ng iyong kalakasan at binasbas na kapangyarihan ng hangin at ulan upang lupigin ang kasamaan.'

Unti-unting naramdaman ni Shiela ang paggaan ng kanyang pakiramdam, pagdilat niya'y tumingin siya sa direksyon ng baso at sinubukan niyang palutangin ang tubig mula roon, ilang sandali pa'y nagawa niya 'yon at pinilit niyang maging anyong patalim ang tubig.

'Gumana!' nagbubunyi ang kalooban ni Shiela at kaagad na lumutang papunta sa kanya ang tubig na naging patalim at tinanggal nito ang pagkakatali sa kanyang kamay at paa.

Hindi siya nag-aksaya ng pagkakataon at kaagad siyang tumayo, kinuha niya ang kanyang armas na nakasandal sa gilid, aakyat na sana siya nang mapansin niya ang isang maliit na hawla sa ibabaw ng cabinet, kumikislap ang loob nito.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagtanto kung ano ang nasa loob nito.

"Pinai!" sigaw niya at kaagad niyang kinuha ang maliit na hawla at binuksan 'yon. Nakita niya ang nahihimbing na si Pinai. "Pinai, gising!"

"H-huh?" pupungas-pungas na sabi ni Pinai. "A-ano'ng nangyari, Shiela?"

"Kailangan nating umalis dito, bumukas na ang lagusan sa pagitan ng Ibayo at ng mundong 'to! Nasa panganib si Arki!"

Dahil medyo nanghihina pa si Pinai ay kinuha na siya ni Shiela at dali-daling umalis sa silong. Pag-apak niya sa itaas ay nagkagulatan pa sila ni Karl na biglang dumaan.

"A-Anong-" sa galit ni Shiela ay sinuntok niya si Karl sa mukha at bumagsak ito. "T-teka lang!"

Kaagad tumakbo palabas si Shiela at walang nagawa si Karl kundi sumunod.


*****


UBOS na ang lakas ni Arki para lumaban. Mahigpit ang pagkakahawak niya kay Yumi habang tumatakbo sila parehas sa pasilyo.

"A-Arki, ano'ng nangyayari?" lumuluhang tanong ni Yumi habang panay tingin sa likuran.

"Huwag ka nang lumingon, Yumi! Makakaligtas tayo, magtiwala ka!" sigaw niya sa kasama kahit na medyo pinanghihinaan na siya ng loob dahil natamaan siya kanina ng matalim na kuko ng isang halimaw. Hindi niya alintana ang sugat sa kanyang braso at mahalaga sa kanya ang protektahan ang kanyang kaibigan.

Pero pakiramdam ni Arki ay bigla siyang minalas nang mga sandaling 'yon. Napadpad sila sa dead end ng hallway, hindi niya mabuksan ang gate dahil nakapadlock na 'yon sa loob. Tumingin siya kay Yumi.

"Yumi, walang mangyayaring masama-" pero parehas silang nagimbal nang makita ang mga paparating na halimaw. Tinago niya si Yumi sa kanyang likuran at nilabas muli ang kanyang arnis.

Handa na siyang lumaban ulit subalit...

'Alam..Salam...Tundra...Sahar!' biglang nagkaroon ng kidlat at tinamaan ang tatlong halimaw na aatake sa kanila.

"Yuhoo!" at nakita nila si Jazis 'di kalayuan, ito ang may kagagawan ng mahikang kidlat. "Dali mga teh! Let's get out here!"

"Jazis!" tuwang sigaw ni Arki at hinila niya si Yumi.

Ngayon ay sabay-sabay na silang tumatakbo sa hallway papuntang main entrance ng eskwelahan para lumabas.

"Nakakalerki! Saan galing ang mga pangit na ito?!" sigaw ni Jazis habang maarteng tumatakbo.

"May kapangyarihan ka pala talaga," komento ni Arki.

"Opkors! I'm a beautiful witch ane ba!"

"Kailangan nating mahanap sila Roni, Leo, at Rahinel." napatingin si Yumi sa kanya subalit hindi nagsalita.

Pagliko nila'y sabay-sabay silang natigilan nang makita ang isang tao na iika-ika. Napasigaw si Yumi nang makita kung sino 'yon.

"Jaakko?!" sigaw din ni Arki at kaagad nila itong dinaluhan. Iika-ikang naglalakad habang duguan ang sarili, hanggang sa bumagsak ito sa sahig. "Hoy! Ano'ng nangyari sa'yo?! Masamang damo ka hindi ka pa pwedeng mamatay!"

"Jaakko..." yumukod si Yumi at akmang hahawakan ang sugat sa dibdib ni Jaakko nang pigilan nito ang kamay niya.

"Y-Yumi... U-umalis ka... K-kukuhanin ka..." sabi ni Jaakko sa pagitan ng hininga.

"Huwag ka nang magsalita pakiusap," sabi ni Yumi. "Hayaan mo ako na gamutin ka."

"Kailangan natin ng tulong," sawakas ay naisip na ni Arki na gawin 'yon. Saktong may nakita silang paparating. "M-Ma'am?!"

"Arki!" sigaw ni Ms. Anita pabalik at huminto ito nang makalapit. "Ano'ng nangyari?" kaagad napansin ni Arki na may bahid din ng dugo ang damit ng kanyang guro.

"Si Jaakko, Ma'am! Kailangan nating dalhin sa ospital!" sigaw ni Arki. "Ikaw din po, m-may tama ka sa dibdib!"

"Huwag mo akong intindihin, Arki," sabi ni Ms. Anita at yumukod.

Biglang kinalabit at hinila ni Jazis si Arki palayo roon.

"Bakit?" tanong ni Arki.

"Hindi tayo dapat magtiwala sa babaeng 'yan," nagulat si Arki nang sabihin 'yon ni Jazis.

"Huh? Ano bang pinagsasasabi mo, si Miss. Anita—"

"Tumakbo na kayo, Arki!" sigaw ni Jaakko sa kanila na bakas ang matinding takot sa itsura. "Lumayo kayo sa kanya! Kukuhanin niya si Yumi! Masama siya! Demonyo siya!"

"Jaakko, pasensiya ulit na kung pinagalitan kita ha, pero sa kasamaang palad hindi ako namamatay nang basta-basta sa isang saksak," sabi ni Miss Anita sa walang malay na si Jaakko. "Ikaw Jacintha ang nakapulot at sumira sa mahal kong anito, sinayang mo ang malakas na kapangyarihan nito! At Arki... ang paborito kong estudyante."

Nang marinig ni Arki ang boses ng guro ay nagkaroon na siya ng masamang kutob, idagdag pa ang sunud-sunod na sigaw ni Jaakko na tumakbo sila.

Ngumiti si Miss. Anita, kahindik-hindik ang ngiti nito, at hindi na niya makita ang kanyang dating guro na laging nagtatanggol sa kanya. Para siyang maiiyak nang tawagin nito ang kanyang pangalan.

Mabilis siyang nakaramdam na may hindi magandang mangyayari kaya sumunod siya kay Jaakko, hinila niya ang dalawa upang tumakbo papalayo roon.

"A-Arki, hindi natin pwedeng iwan si Jaakko!" sigaw ni Yumi subalit hindi siya nakinig. Mabilis siyang tumakbo habang hila-hila silang dalawa.

Hindi man niya gustong paniwalaan dahil naging mabuting guro sa kanya si Ms. Anita, ang dami niyang tanong sa isip pero wala siyang ibang nagawa kundi tumakbo nang tumakbo palayo.

"Saan kayo pupunta?" sabay-sabay silang natigilan nang makita nilang sumulpot si Miss Anita sa kanilang harapan.

Hindi sila namamalikmata noong mga sandaling 'yon dahil unti-unti nang lumalabas ang tunay na kulay ng kanilang butihing guro. Nangibabaw ang itim nitong aura, ang dating maamong anyo ay napalitan ng mabangis na halimaw.

Sa isang iglap ay sakal-sakal na ni Anita si Yumi at tumalsik silang dalawa ni Jazis. Hindi pa rin gustong paniwalaan ni Arki ang nakikita.

"T-teka lang po, Ma'am—bitawan mo si Yumi!" hindi na niya mapigilang sumigaw ni Arki sa takot at galit. Inihanda niya ulit ang kanyang arnis subalit tumawa lang si Ms. Anita.

"Tapos na ang aking pagpapanggap! Arki... Arki... Arki... Sa tinagal-tagal nang pamamalagi ko sa mundong 'to ay sinong mag-aakala na ikaw ang magtuturo sa akin kung nasaan ang huling binukot."

Hindi pa matanggap ni Arki ang mga nangyayari kaya pinilit niyang tumawa.

"Ma'am naman, hindi po 'to magandang biro, ano po bang pinagsasasabi ninyo? Tama na, please." pero natigilan siya nang makitang ibang-iba na ang anyo ng guro.

"Nang sabihin mo sa akin ang kapangyarihan ni Yumi na manggamot ay kinumpirma mo sa akin na siya ang aming matagal ng hinahanap. Maraming salamat dahil tinulungan mo ako sa aking misyon, pero oras na para dalhin ko ang prisesang si Yumi sa Ibayo kung saan naroroon ang aming panginoong Sitan!"

"Yumi!" umalingawngaw ang kanyang sigaw nang maglaho na parang bula si Yumi at Anita, gamit ang itim na mahika ng huli.

Napasalampak si Arki sa sahig at natulala, hindi niya alam kung ano'ng gagawin. Sa sobrang gulat niya at takot ay hindi niya nagawang iligtas si Yumi. Tulala lang siyang umiiyak at si Jazis naman ay hindi malaman ang gagawin.

"Arki!!!" Saktong paparating sila Roni, Leo, at Rahinel. Sa kabilang direksyon naman ay tumatakbo si Vivienne palapit sa kanila.

"A-anong nangyari?!" tanong ni Roni na akay-akay ni Leo.

"Arki?" yumukod si Rahinel, hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Ano'ng nangyari?

Pero tulala lang si Arki habang lumuluha, hindi pa rin makapagsalita.

"Arki?" tawag ulit ni Rahinel.

"Kinuha ni Ms. Anita si Yumi!" si Jazis na ang naglakas loob na magsalita.

"Ha? Anong kinuha?" si Leo.

"Isa ring mangkukulam ang teacher na 'yon! Kinuha niya si Yumi dahil siya raw ang prinsesang iaalay sa panginoon nilang si Sitan!" bulalas ni Jazis at nagimbal silang lahat sa narinig.

"S-si Yumi..." halos maputol ang hininga ni Rahinel nang marinig 'yon.

Tumayo bigla si Arki, pinahid ang luha sa kanyang mukha at huminga ng malalim.

"Ililigtas natin si Yumi," sabi niya at isinukbit ang arnis sa kanyang likuran.

"Saan natin siya hahanapin?" tanong ni Roni.

"Where Sitan is, we need to go there," sabi ni Vivienne at nagkatinginan sila ni Rahinel. "Sa Ibayo."

"Pero paano tayo makakapunta roon?" si Leo.

Noong mga sandaling 'yon ay biglang pumasok sa memorya ni Arki ang isang alaala, narinig niya na ang lugar na 'yon sa mga kwento ng kanyang Lola.

"Si Lola Bangs ang nakakaalam." sagot ni Arki. 





-xxx-


#TEAMBINUKOT

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top