/25/ Ibang Dimensyon


Kabanata 25:
Ibang Dimensyon


DUMATING din ang pagkakataong hinihintay ni Yumi, pinagdasal kasi niya noong isang gabi na sana'y dalawin siya ng Mutya sa kanyang panaginip.

"Mayumi." kaagad niyang nakilala ang tinig at halos lumundag ang kanyang puso. Naroon siya sa lugar kung saan siya palaging dinadalaw ng Mutya, nang lumingon siya'y nakita niya ang isang liwanag.

"T-Tulungan mo ako may nangyayaring kababalaghan sa'kin! Iligtas mo ako!" pagsusumao niya sa Mutya.

"Mayumi, sa kasamaang palad ay hindi na kita maaaring matulungan. Nagampanan na natin ang tungkulin natin sa isa't isa dahil oras na para ibigay mo ako sa karapat-dapat na tao."

"Karapat-dapat na tao? Si Arki?"

"Oo, dinalaw kita ngayon dahil narinig ko ang iyong pagtawag, subalit narito ako upang ipaalala sa'yo ang iyong huling misyon, ang ibalik ako sa tunay na nagmamay-ari sa akin."

"Pero..."

"Bago pa mahuli ang lahat, Mayumi."

Nagising siya bigla at tumambad sa kanya ang kisame ng kanyang kwarto, bumangon siya at nakita ang kanyang balat, hindi pa rin iyon nagiging normal. Nanggaling na sila kanina sa ospital at niresetahan lang siya ng doktor ng gamot dahil inakala nitong allergy lang ang kanyang sakit. Hindi pa rin siya mapalagay.

Napatingin siya sa bintana at nakitang papalubog pa lang ang araw, mukhang hindi na siya makakatulog mamayang gabi. Maya-maya pa'y pumasok sa silid ang kanyang Tita Mercy.

"Gising ka na pala, hija," sabi nito at nilapag sa study table ang dalang isang pinggan ng mga hiwang mansanas. "Nabili ko na ang mga gamot na nireseta ni dok."

"Tita, please, huwag niyo po munang sabihin kila mama at papa kung ano'ng nangyayari sa'kin," mangiyak-ngiyak niyang sabi.

"Pero, hija, hindi na magandang biro ang nangyayari sa'yo!" pakiusap din sa kanya ni Tita Mercy.

Ayaw mang paniwalaan ng kanyang tiyahin ang mga hakahaka na kumakalat sa eskwelahan ay inunlak pa rin nitong tawagan ang kanyang mga magulang na walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa kanya.

 "Bukas magiging maayos din ang lahat, tita, ayokong mabahala sila sa'kin."

Ang totoo'y natatakot lang talaga siya na baka pabalikin siya sa Maynila, ayaw niya nang bumalik doon dahil mas gusto niya ang payak at payapang pamumuhay dito sa probinsya. Isa rin sa dahilan na ayaw niyang iwanan ang kanyang mga kaibigan at ang lihim niyang sinisinta na si Rahinel.

"Sige, ipagdasal natin 'yan, hija," iyon ang sinabi ng kanyang tiyahin bago siya nito tuluyang iwanan.

*****

"SAAN ka pupunta?" tanong sa kanya ni Lola Bangs na nakaupo sa tumba-tumba habang kalong ang manok na si Mari, pagkalabas niya ng silid, nakasuot kasi siya ng itim na t-shirt, at itim na pantalon. Nakasukbit din sa kanyang balikat ang kanyang armas na baston.

"Hindi pwedeng hindi ako kumilos, Lola Bangs. Aalamin ko kung ano'ng meron sa lalaking 'yon," sagot niya at bumakas ang pag-aalala sa mukha ni Lola Bangs.

"Huwaaat? Don't tell me pupuntahan mo si kuyang pogi?" reaksyon ni Shawie na sinundan ni Mawie.

"Haha! Bagay kayo friend! Sign na ba itu?"

"Kayong dalawa magsitino nga kayo," mataray na sawaay ni Shiela sa dalawa at tumiklop naman ang mga 'to. "Puro kayo kalokohan at kalandian, nakasalalay dito ang kapakanan ni Arki."

"Sorry na po," bulong na sabi ni Mawie.
Muling humarap si Shiela kay Lola Bangs. "Kasama ko si Pinai, Lola Bangs."

"Si Pinai?" pagkasabi nito'y biglang lumabas mula sa silid ni Shiela ang diwatang si Pinai, dumapo ang maliit nitong katawan sa kanyang balikat.

"Hi again, everybody!" masiglang bati ni Pinai, nakasuot ito ng kulay lilang bestida kapares ng kulay ng kanyang pakpak. "Lola Bangs, tignan mo! Suot ko 'yung bago mong bigay sa'kin."

"Shiela," tumayo si Lola Bangs at hawak pa rin ang manok na si Mari. "Hindi kita pipigilan pero sana mag-iingat kayo ni Pinai."

"Opo, Lola Bangs."

Humayo si Shiela kasama si Pinai na nagkubli sa loob ng bag na dala niya. Bago sumapit ang ala singko ay nakarating siya sa St. Rose High School, naghintay siya sa may main gate at nagkubli sa isang malaking puno. Saktong uwian na ng mga estudyante.

"Dito ba natin hihintayin ang taong 'yon?" tanong ni Pinai sa kanya na sumilip mula sa bag, tumango lamang siya.

"Arki!" narinig niya ang mga boses na 'yon at nakita niya ang isang grupo ng mga estudyante na tumatakbo, nakita niyang nangunguna sa pagtakbo si Arki at may hinarang itong estudyanteng babae, mga sampung metro ang layo ng mga 'to sa kanya.

"Ano kayang problema?" hindi maiwasang mapatanong ni Shiela nang makita niyang may pinag-uusapan ang grupo.

Napasulyap bigla si Arki sa kinaroroonan niya at kaagad siyang nagtago sa likuran ng puno. Pinakiramdaman niya ulit bago siya sumilip, nakita niyang naglalakad ang grupo pabalik sa loob ng gusali. 

"Mabuti na lang hindi ka niya nakita," pagkasabi ni Pinai ay biglang nakita niya ang kanyang hinahanap.

Naglalakad si Karl papuntang parking lot habang may kasabay na babae, pagkalipas ng ilang sandali'y pumasok ito sa loob ng kotse.

"Pinai, alam mo na ang gagawin." sabi niya at lumabas si Pinai mula sa bag.

"Oo naman, Shiela, dadapo ako sa kotse at ang anito mo na ang bahalang humanap sa lokasyon ko."

Tumango si Pinai at lumipad ito patungo sa kotse ni Karl na papaalis na.

*****

NAGKASABAY sa paglalakad palabas ng campus si Karl at Anita, paubos na rin ang mga estudyante ng St. Rose High School. Napansin ni Karl na parang namumrublema si Anita.

"Miss Anita?" tawag niya rito at kaagad naman 'tong napalingon sa kanya.
"Sir Karl, ikaw pala 'yan." pilit ngumiti si Anita nang makita siya.

"Mukhang napakalalim ng iniisip mo," puna niyang nakangiti.

"Ah... Wala naman, pagod lang sa trabaho."

Napansin ni Karl na hindi suot ngayon ni Anita ang kwintas nito, pupunahin din niya sana 'yon pero nanahimik na lang siya hanggang sa nakarating na sila ng parking lot.

"Uhm... Gusto mo sabay na kita?" alok niya at sunud-sunod na umiling si Anita.

"Naku, malapit lang ako dito, at saka isa pa, iwas na lang din sa issue, alam mo namang maraming malisyoso sa paligid." parehas silang natawa nang sabihin 'yon ni Anita.

"Okay, see you tomorrow then."

"See you."

Pumasok na siya sa loob ng kotse at pinaandar 'yon. Pagkauwi niya sa bahay ay kaagad niyang tinanong sa katulong kung umuwi na ba si Rahinel pero sinabi nito na hindi pa.

"Saan kaya pumunta 'yon?" tanong niya sa sarili dahil akala niya ay nauna na itong umuwi. Humikab si Karl dahil sa antok, sunud-sunod na gabi na rin kasi siyang nagpupuyat, hindi niya sukat akalain na nakakapagod palang maging guro ng mga high school students. Kaya pagkatapos niyang magpalit ng damit ay kaagad siyang humiga.

Sa kalagitnaan ng tulog ni Karl ay bigla siyang naalimpungatan, nakaramdam siya ng kakaibang presensya at tama nga ang kanyang hinala. Pagkamulat niya'y may nakatayo sa kanyang paanan, isang pigura ng tao na nakasuot ng itim at maskaranng itim.

'M-multo?' iyon ang una niyang naisip pero nang masuot niya ang salamin ay nakita niya na may hawak itong mahabang baston at ang dulo nito'y nakatutok sa kanya. Doon niya napagtanto na hindi ito multo at nasa panganib ang kanyang buhay.

Napakalma ni Karl kaagad ang sarili, pasimple niyang nilagay ang kamay sa ilalim ng kama dahil may nakatago roong bolo, naugalian kasi ng kanyang lolo noon na magtago ng bolo sa ilalim ng unan dahil sa paniniwala noon na may mga umaatakeng aswang sa kanilang bayan. Hanggang ngayon, bilang alaala sa kanyang lolo, ay hindi na nila tinanggal ang Bolo sa ilalim ng unan.

Naramdaman ng nilalang ang ginawa niya kaya umatake ito, bago pa siya matamaan ay nasalag niya 'yon gamit ang Bolo. Kaagad siyang gumulong sa gilid nang sunud-sunod nang umatake ang nilalang, halatang may alam ito sa pakikipaglaban.

Mabuti na lang ay nagtraining siya noon ng iba't ibang martial arts dahil sa kagustuhan ng kanyang lolo. Nagpalitan sila ng palo hanggang sa tumalsik parehas ang kanilang mga sandata, akma nitong kukuhanin ang baston pero mabilis niya itong nasunggaban mula sa likuran. Nabigla siya nang mahawakan niya ang dibdib nito.

'B-babae?!' sa sobrang bigla niya'y kaagad siyang nasiko sa sikmura ng babae. Nabitawan niya ito at akma ulit dadamputin ang baston pero nilundagan niya 'to kaya parehas silang bumagsak sa sahig.

Naglabanan sila ng pwersa pero lamang ang kanyang posisyon kaya siya ang naunang pumaibabaw.

'Pasensya ka na pero kailangan ko 'tong gawin.' hingi niya ng paumanhin sa isip at ginawa niya rito ang tinuro sa kanya noon ng lolo, sinakal niya ang babae sa ibabang parte ng panga nito kung saan ay mawawalan ito ng malay. Binitawan niya ang babae nang hindi na ito gumagalaw, nawalan na ito ng ulirat.

Umalis si Karl sa ibabaw nito at tinanggal ang maskara ng babae.

"I-Ikaw?" gulat na gulat niyang sabi nang makita niya ang taong sumalakay, walang iba kundi si Shiela.

*****

MAGKAKASAMA sila Arki, Rahinel, Leo, Roni, Vivienne, at ang estudyanteng babaeng 'di umano'y nagpakulam kay Yumi, matapos mapilit ni Arki'y tinuro ng babae kung sino ang kumulam sa kanyang best friend.

"Siguraduhin mo lang na hindi 'to prank o ano," sabi niya na may halong pagbabanta sa babae.

"H-hindi niyo ba nabalitaan ang tungkol sa club na 'yon?" nanginginig na tanong sa kanila nito. "Biglang sumikat ang Wiccan Club dahil nakakagawa raw sila ng himala."

Tumawa si Roni at Leo nang marinig 'yon.

"The student council heard about it but we dismissed such nonsense, tutal ay hindi na-approve ang renewal ng Wiccan Club dahil tatlo lang ang members nila, besides tutol din ang mga teachers sa club na 'yon." napatingin sa biglang sumulpot na si Vivienne, nawala kasi ito kanina, bumalik ito sa HQ ng student council para kunin ang kanyang armas na pana.

"Ha? Wiccan Club? May ganon palang wirdong club sa school na 'to? Reaksyon naman ni Leo at napansin ang dala ni Vivienne. "Wow! Ang cool naman niyan!"

"Otaku Club mo nga meron eh," komento naman ni Roni.

"Sabagay," sabi na lang ni Leo at hindi siya pinansin ni Vivienne.

Nang marating nila ang dulo ng fourth floor ay huminto sila sa tapat ng isang lumang classroom, may takip ng itim na kurtina ang mga bintana kaya walang makikita sa loob. Sa may pintuan ay nakapatong sa isang upuan ang isang kahon na may nakasulat na 'AMING TUTUPARIN ANG IYONG HILING'

Biglang lumuhod ang babae sa harapan niya at nagulat silang lahat.

"S-Sorry talaga, Arki. Hindi ko talaga alam na totoo 'yong magic nila. Oo, galit ako kay Yumi dahil nag-break kami ng boyfriend ko dahil sa kanya! Kaya naghulog ako ng wish sa kahon na 'yan na sana may mangyaring hindi maganda sa kanya!" ngumangalngal nitong sabi.

"Tumayo ka nga riyan," sabi niya saka tinulungan itong tumayo. "Sige na, umuwi ka na at mangako ka sa'kin na hindi mo 'to pagkakalat sa kahit na sino."
Sunud-sunod na tumango ang estudyante atsaka ito dali-daling umalis.

"Bakit mo siya pinakawalan, Arki?!" bulalas ni Leo.

"Wala siyang kasalanan, kailangan nating harapin kung sino ang totoong may kagagawan nito." humarap si Arki sa pintuan ng Wiccan Club.

"Tama siya," biglang sumang-ayon si Rahinel. "Hindi maganda ang nararamdaman ko sa lugar na 'to." 

Tumingin muna si Arki sa mga kasama niya bago siya lumapit sa pinto para buksan 'yon. Dahan-dahan niyang tinulak ang pinto at tumambad sa kanila ang madilim na silid, walang ibang ilaw kundi mga kandila.

"This is a violation," sabi ni Vivienne nang makita ang mga kandila.

Pagpasok nila sa loob ay biglang sumara ang pinto at namatay ang mga kandila.
"Mama!" sigaw ni Leo sa takot at kumapit kay Roni.

"Huwag ka ngang humawak sa'kin," sabi ni Roni.

Naging alerto sila sa mga susunod na mangyayari. Maya-maya'y biglang suminding isang kandila at inakala nilang lumulutang 'yon kaya napasigaw si Leo sa takot.

"Leo, ano ba-" saway ni Arki pero natigilan sila nang makita ang may hawak ng kandila nang matanglawan ito ng liwanag. Isang babae na balingkinitan at may makapal na make up.

"Wahhh! Multo!!!" sigaw ni Leo.

"Excuse me? Sa ganda kong 'to mukha ba kong multo?!" natigilan sila nang magsalita ang babaeng may hawak ng kandila, katulad nila'y nakauniporme rin ito. Subalit ang kaibahan ay may suot ito na isang kakaibang kwintas. "Hello! I'm Jacintha Emilio or you can call me Jazis, the beautiful president of this incredible club!"

"Saan mo nakuha ang kwintas na 'yan?!" nagulat naman sila nang dumagundong sa silid ang boses ni Rahinel at tinuro nito ang suot na kwintas ni Jazis, nakita nila na may itim na aura ang bumabalot doon.

"Huh? 'Eto?" pagtingin ni Jazis sa kanyang suot na kwintas ay huli na para mapagtanto niya na nababalot 'yon ng kadiliman, bigla siyang napapikit at napayuko.

"A-Anong nangyayari?" si Leo.

"Jazis?" tawag ni Arki at nagulat sila nang dumilat ito, iba ang kulay ng mga mata, nanlilisik 'yon at mapula.

Biglang may inusal si Jazis na kakaibang orasyon gamit ang sinaunang lenggwahe. Napaatras sila at mas nakagugulat ang mga sunod na pangyayari, unti-unting nag-iba ang paligid, kulay ng kadiliman at tila umiikot ang mga gamit hanggang sa napunta sila sa isang disyerto.

"A-Anong?!" si Roni.

"I-Imposible." si Vivienne.

"Mama!" umiiyak na sigaw ni Leo na nakakapit kay Roni.

"N-Nasaan na tayo?" si Arki.

"Nasa dimensyon sa loob ng kanyang anito," sagot ni Rahinel at napatingin siya rito.

"Ha? Anong dimensyon? Anito?"

"Maligayang pagdating sa aking mundo!" napatingin sila kay Jazis na may malalim na boses, parang demonyo ang tinig nito at nababalutan siya ng itim na aura.

Nilabas ni Arki ang kanyang dalawang arnis, inihanda ni Vivienne ang kanyang pana, si Roni at Rahinel ay hindi nagpakita ng anumang takot at si Leo naman ay napilitang ilabas ang kanyang tirador. 

Napatingin si Arki sa kanyang mga kasama, alam niya na hindi ito isang panaginip, naalala niya ang kanyang Lola Bangs at Ate Shiela, kung paano niya ito maipapaliwanag ay hindi niya alam. Sa ngayon, ang mahalaga'y malampasan nila ang sakuna na nasa harapan.

Muling bumaling si Arki sa kalaban na nasa harapan at inihanda niya ang kanyang sarili. Nakita ni Rahinel na umilaw ang mga Baybaying naka-ukit sa arnis na kanyang hawak.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top