/24/ Ang Sumpa kay Mayumi
Kabanata 24:
Ang Sumpa kay Mayumi
TIRIK na tirik ang araw subalit natatakpan 'yon ng makakapal na ulap. Lulugu-lugo ang mga estudyante na nakasilong sa may lilim ng puno, ang iba'y tinatamad at ang iba naman ay takot na maarawan. Hanggang sa lumapit ang lalaking guro at pinituhan ang mga estudyanteng papatay-patay.
"Ano'ng ginagawa niyo?! Bumalik kayo sa field!" utos ng guro matapos pumito.
Kakamut-kamot na sumunod ang ilan at ang mga maaarteng babae naman ay walang ibang nagawa kundi magreklamo.
Samantala, si Arki ay kanina pa nasa field at nag-istretching. Isa kasi sa paborito niyang subject ang Physical Education dahil dito naipapamalas niya ang kanyang kalakasan, mahilig siya sa mga aktibidad na may kinalaman sa pisikal.
Nagsimula ang klase at tampok ngayon ang iba't ibang uri ng physical test katulad ng sprinting at iba pa. Sa girls ay hindi na nakapagtatakang si Arki ang pinakanangunguna sa lahat, at sa boys naman ay si Rahinel.
Samantala, 'di kalayuan ay may isang pigura ng babae ang nagmamasid sa kanila, nakatago ito sa likuran ng puno ng Balete.
"Madapa ka sana," bulong nito.
Nadapa bigla si Yumi at natigilan ang lahat maging ang guro. Kaagad na sumaklolo rito si Rahinel at inalalayang tumayo.
"Wow, prince charming," banat bigla ni Leo na katabi ni Arki. Akala ni Leo ay mabubwisit niya si Arki pero nanatili lang siyang nakahalukipkip at may bakas ng kaunting pag-aalala sa kaibigan.
Nagkaroon ng galos ang braso ni Yumi at OA na nag-react ang gurong lalaki.
"Dalhin si Garcia sa clinic!" nagpapanic nitong sigaw.
"S-Sir, okay lang po kung ako na lang ang pupunta sa clinic mag-isa," nahihiyang sabi ni Yumi at kaagad itong umalis dahil naiilang sa atensyong nakukuha.
'Di kalayuan naman ay nakaupo sa may liliman si Jaakko at ang kanyang alipores, wala silang pakialam at hindi nakikisali sa activity, okay lang sa teacher nila dahil takot ito kay Jaakko at sa impluwensya ng senador nitong tatay.
"JK, chance mo na kay Yumi!" sabi ng isa at siniko pa siya.
Kanina pa walang gana si Jaakko kaya wala itong inusal. Umalis na lang ito bigla at naiwang naguguluhan ang mga kaibigan. Hindi nila alam na maraming bumabagabag sa isipan ni Jaakko.
Bumalik ang klase sa kanilang ginagawa, ilang minuto na lang ay matatapos na ang klase. Hanggang sa may isang estudyanteng lalaki ang nagsalita.
"Sino kaya pinakamabilis tumakbo, si Arki o si Rah?" umigting ang kuryosidad ng lahat at parang virus itong kumalat.
"Oo nga, sino kaya?"
"Pusta ko bente si Arki."
"Dito ako sa manok kong si Rahinel."
"Bakit hindi kaya sila magkarera?" gusto sanang batukan ni Arki si Leo nang sabihin 'yon.
Umayon ang lahat, at maging ang P.E. teacher ay nadala rin ng kuryosidad at nabuyo na magkaroon ng karera sa pagitan ni Arki at Rahinel.
"Leo, gunggong ka talaga!" naiinis na sabi niya dahil ayaw niyang nakukumpara siya sa ibang tao.
"Bakit, Arki? Sabihin mong naduduwag ka kay Rahinel?" pang-aasar ni Leo at tuluyan nang nabwisit si Arki. Pinatulan niya ang karera.
Wala lang naman kay Rahinel kaya tahimik lang itong sumang-ayon. Biglang nabuhayan ang dugo ng lahat dahil nagkaroon ng pustahan, nahati ang klase sa dalawang pagitan, boys versus girls. Ang matatalo ay maglilinis ng P.E. locker room bago mag-lunch. Ang boys ay boto kay Rahinel at ang manok naman ng girls ay si Arki, kahit na ang ilan sa kanila'y may crush kay Rahinel.
''Di ako papatalo sa kumag na 'to.' sa isip-isip ni Arki habang naghahanda siya.
"Ready... Get set... Go!"
Halos sabay silang dalawa na tumakbo, maririnig ang malakas na hiyawan ng mga kaklase nila.
"Go Rahinel!!!" sigaw ni Leo. Nakita siya ni Arki at sinamaan niya ito ng tingin.
'Traydor ka Leo! Mamaya ka sa'kin!' nagngingitngit niyang nasa isip.
"Go! Go! Go! Papa Rah!" sigaw ng mga babaeng may crush kay Rahinel. "Ang gwapo mooooo, kyaaah!"
'Papa niyo mukha niyo!' sigaw ni Arki sa isip at mas lalo niyang binilisan ang pagtakbo. Napatingin siya sa gilid niya at nakitang kasabay niya pa rin si Rahinel na parang hindi man lang nahihirapan. 'Ang bilis niya!'
Binigay na ni Arki ang buong bilis at lakas niya subalit nakaramdam siya ng panghihina. Unti-unti na siyang naungusan ni Rahinel hanggang sa ito ang unang nakatapak sa finish line.
"YES! WOOO!" nagtatalunan at naghihiyawan ang mga boys nang manalo ang kanilang manok.
"HAHA! Panalo si Rah! Hindi tayo ang maglilinis!" nagtaas pa ng kamay si Leo sa sobrang tuwa, masaya siya dahil may nakatalo rin sa kaibigan niyang si Arki. "Wahahaha! Ah! Aray!" biglang may pumingot sa tenga niya. "A-Arki, aray!"
"Masaya ka? Masaya ka?" nagdidilim ang paningin niya kay Leo at gusto niya 'tong sakalin. "Traydor ka!"
"Kyaaah!!! Rahinel ang pogi mo!!!" naririndi siya at naiirita kaya wala siyang ibang nagawa kundi tanggapin ang pagkatalo.
Natigilan si Arki nang biglang lumapit sa kanya si Rahinel, halos tumingala na siya dahil sa tangkad nito.
"B-bakit?" nagulat siya ng ilahad nito ang kamay.
"Nakipaglaro ako ng pantay kahit na babae ka, at masasabi kong mabilis ka." napalunok si Arki nang biglang ngumiti ng matipid si Rahinel. "Nice game."
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang namula nang marinig niya ang puri na 'yon, hindi niya kasi inaasahan na sasabihan siya ni Rahinel nang gano'n lalo pa't alam nito na mainit ang dugo niya rito. Tinanggap niya ang kamay ni Rahinel at biglang umugong ang malakas na mapanuksong hiyawan.
"AYIEEEEEE!" pang-aasar ng mga kaklase nila na karamihang boys, ang mga girls naman ay medyo naimbyerna sa kanya.
"Ayieeeut---ARAY!" bigla niyang sinabunutan si Leo.
"Ikaw kanina pa gusto mo talagang makatikim sa'kin ano."
"Joke lang, Arki!!!"
"At dahil diyan ang mga girls ang maglilinis ng P.E. locker room." biglang singit ng PE teacher nila at mas lalong lumakas ang kantyaw ng mga boys. Ang mga girls naman ay mas lalong naimbyerna kay Arki.
"Kainis naman teh!"
"Aba kung maka-react 'tong mga 'to kala mo sila talaga ang maglilinis," sabi niya habang nakapamewang.
At gano'n na nga ang nangyari, sa huli ay si Arki lang ang naglinis ng P.E. locker area, may mga ilang kaklase na tumulong sa kanya pero pinauna na niya ito para kumain ng lunch.
Bitbit niya ang mop at timba para isauli sa may boys locker area nang matigilan siya pagpasok. Nadatnan niya si Rahinel na nakahubad ang pang-itaas at kitang kita niya ang mga kakaibang marka o tattoo sa dibdib at abs nito. Nagkatitigan pa silang dalawa at sa gulat niya'y bigla siyang lumabas.
"Shet," bulong niya at hindi niya maipaliwanag kung bakit siya kinakabahan. "Guni-guni ko lang ba 'yon?" malinaw sa memorya niya ang mga kakaibang marka sa katawan ni Rahinel subalit pinilit niyang kalimutan 'yon.
Dali-dali siyang umalis at si Rahinel naman ay naiwang nabahala sa may locker area.
'Imposibleng nakita niya ang mga batik sa katawan ko.' sa isip-isip ni Rahinel dahil mayroong mahika ang mga marka niya na tanging mga dugong dughaw lamang din ang mga makakakita nito---katulad niya.
*****
TAPOS na ang lunch at nakapagpalit na ang buong klase ng mga uniporme. May natitirang ilang minuto na lang bago sumapit ang next subject na si Miss Anita ang guro.
Kakapasok lang ni Yumi sa classroom, nagamot na 'yung sugat niya sa braso, galing siya ng faculty dahil sumabay siyang mag-lunch sa tita niyang teacher, nakapagpalit na rin siya ng uniform.
Pag-upo ni Yumi ay napansin niyang may kakaiba sa bag niya kaya tumayo siya at binuksan ito.
Nagulantang ang lahat nang biglang tumili si Yumi at napatingin ang mga kaklase niya sa kanya. Nagulat din ang mga kaklase niya nang makita kung ano ang kanyang nakita. Sa kanyang bag ay may daga at kung anu-anong insekto ang naglabasan. Napasigaw din ang lahat.
Si Arki at Rahinel ay parehas na naalarma, sabay pa silang tumayo. Si Yumi naman ay mangiyak-ngiyak.
"Magandang hapon, class!" biglang pumasok sa loob si Miss Anita at nagtaka siya nang makitang hindi man lang nagsiayusan ang mga estudyante. "Bumalik na kayo sa mga upuan niyo."
Hindi kumibo ang mga mag-aaral at tahimik na bumalik sa kani-kanilang mga pwesto. Pero nanatiling nakatayo sila Arki, Leo, Yumi, at Rahinel. Lumapit sa kanila si Miss Anita.
"Ano'ng problema?" nanlaki ang mga mata ng guro nang makita ang nasa bag ni Yumi. Galit siyang humarap sa klase. "Sino'ng may gawa nito?!"
Pero walang sumagot, walang umiimik. Napatingin lang si Miss Anita sa buong klase at naisip niya na walang aamin. Napabuntong hininga na lang ang guro at humarap kay Yumi.
"Hindi 'to magandang biro, huwag kang mag-alala at iimbestigahan ko kung sino ang may kagagawan nito."
Si Rahinel ay walang takot na inalis ang daga sa loob ng bag, lumabas ito para itapon 'yon. Si Arki naman ang kumuha ng bag para linisin 'yon, tinulungan siya ni Leo. Si Yumi naman ay napaupo lang at nakatulala.
Tahimik ang lahat sa buong period. Hanggang sa sumapit ang recess sa hapon. Dali-daling lumabas si Yumi, hindi na nakatiis si Arki at sinundan niya ang kaibigan dahil sa pag-aalala, sumunod din si Leo at Rahinel.
Nakarating sila ng locker area at naabutan din nila Arki si Yumi. Subalit pagbukas ni Yumi sa kanyang locker ay tumili na naman siya dahil may mga palaka na lumabas sa kanyang locker.
Gulat na gulat din sila Arki at ang iba pang mga estudyante na nakakita.
"S-Sino'ng may gawa nito?!" sa pagkakataong 'to ay 'di na napigilan ni Arki na mainis, alam niya na may nananadya ng mga nangyayari kay Yumi.
Napatingin si Yumi sa paligid at muling nag-init ang sulok ng kanyang mga mata, nakaramdam siya ng takot dahil simula umaga ay may nangyayari nang hindi maganda sa kanya.
"Y-Yumi," nag-aalalang tawag ni Arki sa kanya subalit hindi niya ito pinansin at patakbong nilisan niya ang lugar.
*****
POSITIBO si Arki na may nantitrip kay Yumi at hindi niya 'yon kinatutuwa. Hindi na nila nakita si Yumi at first time nitong lumiban sa huling dalawang klase nila. Kasing bilis ng apoy kung kumalat ang balita—ang kababalaghang nangyayari kay Yumi, kaya okay lang sa mga teachers na umuwi ito ng maaga. Nagbanta rin ang mga guro na mananagot kung sino ang may kagagawan ng insidente. Ang primary suspects ay ang kanilang buong klase pero wala namang maisip si Arki kung sinong kaklase nila ang pwedeng gumawa nito.
Kinabukasan ay pinilit pa ring pumasok ni Yumi sa kabila ng kakaibang sakit na kanyang iniinda, nangangati ang kanyang balat at unti-unti 'yong pinantal at namula. Sumapit ang lunch, magkasabay na kumakain sa canteen si Yumi at Rahinel nang hindi na makatiis si Arki.
Lumapit siya sa dalawa at natigilan 'to ng makita siya.
"Yumi," tawag ni Arki na may bakas ng pag-aalala ang kanyang mukha. "Kanina ko pa nakikita na hindi ka okay."
Si Yumi naman ay napatingin sa mga braso niya at hindi pinahalatang nagulat dahil mas lumala ang mga pantal sa kanyang braso.
Nagsalita siya ulit. "Sa tingin ko kailangan mong magpatingin sa doktor."
"A-ano ka ba Arki, okay lang ako." Sinubukang umakto ng normal ni Yumi pero alam nito sa sarili na hindi talaga siya okay at natatakot na siya sa nangyayari sa kanya.
"Hindi ka okay." Nasa likuran na niya sila Leo at Roni at 'di kalayuan naman ay nakamasid sa kanila si Vivienne mula sa ikalawang palapag ng canteen.
"Sa tingin ko tama si Arki," biglang sumang-ayon si Rahinel. "Hindi ka okay."
Nagulat sila pare-parehas maging ang ibang kumakain nang biglang tumili si Yumi at napatayo ito. Nakita nila na may mga insekto na biglang sumulpot sa pagkain ni Yumi at nagsigawan din ang ilang estudyante. Nanghihinang napaupo si Yumi sa sahig at kaagad niya itong inalalayan.
"Yumi!" sigaw nila.
Napahawak si Yumi sa kwintas na nakatago, naalala nito ang panaginip noong isang gabi.
"Arki..." umiiyak na tawag ni Yumi sa kanya. May gusto itong sabihin subalit mas nangibabaw ang takot.
Nang mga sandaling 'yon ay sa sobrang lapit nilang dalawa ay umilaw ang Mutya na nakatago sa likuran ng damit ni Yumi. Natigilan si Rahinel dahil naramdaman niya ang anito niya na sumibol sa kanyang tainga, isang senyales na matagal na niyang hinihintay!
Si Arki rin ay natigilan at biglang may pumasok sa kanyang isip, hindi niya alam kung saan at kanino galing ang ideya, napatingin siya sa malayo at nakita ang isang estudyanteng babae na masamang nakatingin sa kanila. Walang anu-ano'y may tila bumulong sa tainga ni Arki. 'Siya ang salarin.'
"Siya ang salarin," bulong ni Arki nang marinig niya ang mahiwagang boses.
*****
PINAUWI na si Yumi at kaagad itong dinala sa ospital dahil sa mga kakaibang sugat na lumabas bigla sa balat nito. Nang sumapit ang uwian ay determinado si Arki na harapin ang taong nasa likuran ng kababalaghang nangyayari kay Yumi.
Nagliligpit siya ng kanyang gamit habang hinihintay siya ni Leo, silang dalawa na lang ang naiwan dahil inimbestigahan nila ang kanilang classroom at wala ngang patunay na hindi kaklase nila ang may gawa nito sa kaibigan nila.
"Wala muna tayong training ngayon," abi niya pagkasara ng kanyang bag.
"Walang training ngayon?" hindi malaman ni Leo kung matutuwa ba nang marinig 'yon.
"Bingi ka? Wala nga sabi eh. May iba tayong gagawin." Sinukbit niya ang kanyang arnis sa balikat.
"Ha? Ano'ng gagawin?" tanong ni Leo.
Sasagot pa lang si Arki nang bumukas ang pinto at niluwa roon si Roni at prenteng naglakad sa kanilang kinaroroonan.
"Tara na ba, Arki? Sino'ng reresbakan natin?" pangiti-ngiting sabi ni Roni at pinatunog pa ang kanyang mga kamay.
"Reresbakan?! Sino'ng bubugbugin mo?!" OA na sabi ni Leo.
"Wala akong bubugbugin. Basta, sumunod na lang kayo sa'kin," sabi niya at naglakad sila palabas ng classroom.
"Yes, boss," sabi naman ni Roni.
Natigilan sila nang makita nila sa labas ng classroom si Rahinel at si Vivienne na nakasandal 'di kalayuan.
"Hahanapin niyo ang may kagagawan no'n kay Yumi, hindi ba? Sasama kami sa inyo," sabi ni Rahinel. Napataas ang kilay niya nang makita si Vivienne, kumulo ang dugo niya bigla at naalala ang naantala nilang labanan noong isang araw, kung hindi dumating si Miss Anita ay siguradong isa sa kanila ang nasa ospital ngayon.
"Medyo okay pa 'ko sa'yo eh," sabi niya kay Rah at bumaling siya kay Vivienne sabay turo rito. "Pero 'yang babaeng 'yan? Baka mamaya panain tayo niyan eh," gigil niyang sabi at hindi naman nagsalita si Vivienne, nanatili lang 'tong poker-faced.
Si Roni naman ay nawala ang ngiti at sinabing, "Hayaan mo na at mabuti na rin sigurong lima tayong marunong makipaglaban dito."
"Kasama ako?" turo ni Leo sa sarili at pumalapakpak ang tenga nang marinig 'yon.
Walang pumansin kay Leo at nauna nang naglakad si Arki. Sumunod sila Rahinel, Roni, Vivienne at Leo. Nakarating sila sa may entrance ng school at naghintay doon.
"Teka lang, teka lang," biglang sabi ni Leo at napatingin sila rito. "Arki, paano mo nalaman naman kung sino 'yung salarin?"
Hindi nakapagsalita bigla si Arki dahil hindi niya alam kung paano ipapaliwanag.
'Alangan namang sabihin kong may bumulong sa'kin at iisipin nilang baliw ako?' sa loob-loob niya at nag-isip siya ng ibang palusot.
"Ah... Ano—" natigilan siya nang makita niya ang salarin na hinihintay nila na papalabas na ng gate kaya bigla siyang napatakbo. Narinig niya ang pagtawag ng kanyang mga kasama pero mabilis siyang tumakbo at hinigit ang estudyanteng babae. "Ikaw!"
Gulat na gulat ang estudyanteng babae. Nakita niya sa ID nito na magka-batch sila at galing sa lower section. At kahit wala pang sinasabi ang babae ay halata sa mukha nito ang pagka-guilty.
"Ano'ng ginawa mo sa best friend ko?" mahinahon subalit may pagbabanta ang kanyang boses.
Nakalapit sa kanya ang mga kasama niya kaya mas lalong kinabahan ang estudyante, lalo pa't kasama rin nila ang Vice President ng Student Council na si Vivienne. Nagulat sila nang umiyak 'to.
"H-hindi ko naman sukat akalain na totoo 'yung kulam eh!" sigaw nito sa pagitan ng paghikbi. Napabitaw si Arki sa babae at nagkatinginan silang lima bago siya muling bumaling dito.
"Anong kulam? Kinulam mo si Yumi?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top