/23/ Ang Balita


Kabanata 23:
Ang Balita


"AYOKO na, Arki!!" sigaw ni Leo sabay taas niya sa dalawang kamay bilang pagsuko, pagkatapos ay humiga ito sa sahig. 

"Tumayo ka, Leo, hindi pa tapos ang training mo!" sigaw niya habang nakapamewang. Wala siyang pakialam kahit magkapasa ang kanyang kaibigan dahil mas mahalaga sa kanya na matuto ito ng self-defense.

"Ang alam ko ikaw lang ang nagte-training pero bakit dinadamay mo 'ko?" himutok ni Leo habang nakahiga pa rin.

'Di kalayuan ay nakasandal si Roni sa railings, nakapamulsa at tatawa-tawa dahil kanina pa siya nanunuod sa dalawa. Papalubog na ang araw at isang oras na ang nakalipas magmula nang magtapos ang kanilang huling klase nang maisipan ni Arki na pumunta sila sa rooftop ng lumang building para mag-ensayo.

"Umuwi na tayo!" parang batang sabi ni Leo nang bumangon ito. Kitang-kita sa uniporme nito ang dumi dahil kanina pa siya napapabagsak ni Arki.

"Sige, pagbibigyan na kita kaya bukas na lang ulit," seryosong sabi niya at mas lalong nanlata si Leo nang marinig 'yon.

"Hindi ko naman kailangang makipagbakbakan, Arki, eh! Kaya mo na 'yon!" maktol ni Leo at kinuha ang bag sa upuan 'di kalayuan.

"Baliw ka, hindi sa lahat ng oras nandito ako para ipagtanggol ka sa mga bully. Kailangan matutunan mo ring proteksyonan ang sarili mo." Bakas ang sinseridad sa kanyang mga boses subalit hindi pa rin 'yon ikinatuwa ni Leo. Masyado kasing brutal si Arki sa pagtuturo rito ng basic self-defense.

"Kung kasama pa rin ba natin si Yumi pahihirapan mo rin kaya siya?" biglang nasabi ni Leo at napatingin sa kanya si Roni. Si Arki naman ay natahimik nang marinig ang pangalan na binanggit, isang linggo na rin kasi ang nakalilipas simula nang magpasya 'tong lumayo sa kanya, isang linggo na rin silang hindi nagpapansinan

Naging usap-usapan sa kanilang klase ang biglaang hindi nila pagpapansinan, ang alam kasi ng lahat ay hindi sila mapaghiwalay ni Yumi dahil mag-best friend sila. Maraming gustong umintriga pero dahil may takot ang marami kay Arki ay hindi nila ito magawang tanungin ng direkta, may mga simpleng nagtatanong kung nag-away ba sila ni Yumi pero wala sa kanila ang sumasagot ng matino, animo'y isang tsismis showbiz. 

Ang akala ni Arki'y dudumugin ng mga manliligaw si Yumi sa oras na malaman ng mga kolokoy na hindi na sila palaging magkasama, pero himalang wala pa ring nagtatangkang lumapit kay Yumi dahil sa dalawang dahilan—palagi naman nito ngayong kasama ang transferee na si Rahinel at kay Jaakko na nangungulit dito.

"Umuwi na tayo," yaya ni Arki sabay kuhay ng kanyang bag. Nauna siyang naglakad habang sumunod sa kanya sila Roni at Leo. Narinig niya ang mga reklamo ni Leo kay Roni kung gaano kasakit ang katawan nito sa ensayo nila, at wala namang sinabi si Roni kundi tawa.

Nang makababa sila ng lobby ay saktong nakita nila na magkasamang naglalakad si Rahinel at Yumi, napahinto silang tatlo at pinagmasdan ang dalawa. Nakita nila na kumaway si Yumi kay Rahinel bago ito sumakay sa tricycle na service nito.

Napatingin lang si Roni at Leo sa kanya nang maglakad siya sa direksyon ni Rahinel.

"R-Roni, pigilan mo si Arki baka bugbugin niya si Rah!" nagpapanic na sabi ni Leo pero walang ginawa si Roni kundi humalukipkip. 

"Relax ka lang, Leo, mukhang gusto lang kausapin ng masinsinan ni Arki 'yung kaklase niyo," sabi ni Roni.

Nang maramdaman ni Rahinel ang palapit na presensiya ni Arki ay napatingin siya rito.

"Pwede ba kitang makausap? Tungkol kay Yumi," direktang sabi ni Arki nang hindi kumukurap. Si Rahinel naman ay nanatiling walang emosyon subalit may kutob na kung anong sasabihin niya.

"Ano 'yon?" nakapamulsang tanong nito.

"Nililigawan mo ba si Yumi?"

Ilang segundong nagtitigan ang dalawa, walang kumukurap  at may tensyon sa pagitan nilang dalawa, parang aso't pusa na nagtagpo.

"Bakit? May gusto ka ba sa kanya?" biglang tanong ni Rahinel na ikinainis ni Arki dahil imbis na sagot ay tanong din ang sinagot nito sa kanya.

Napahinga si Arki nang malalim, hindi naman na 'yon ang unang beses na may nagtanong sa kanya ng gano'n dahil nga over-protective siya kay Yumi kaya mahaba na ang pasensya niya sa tanong katulad nito. Minsan pa nga'y may direktang nagtanong sa kanya kung babae rin ba ang gusto niya pero alam niyang walang malisya ang pagpoportekta niya kay Yumi.

"Hindi," kalmadong sagot niya. "Wala kang alam kung bakit gano'n ko ka-pino-protektahan ang kaibigan ko, transferee." sinadya niyang hindi 'to tawagin sa pangalan nito. Biglang napalitan ng kuryosidad ang ekspresyon ni Rahinel nang marinig 'yon.

"Ano'ng nangyari kay Yumi?"

Humalukipkip siya, nag-isip saglit kung dapat bang sabihin kay Rahinel ang nangyari. Wala pa rin siyang tiwala rito dahil transferee ito, pero biglang may sumaging alaala sa kanya. Naalala niya bigla nang mawalan siya ng malay mataposa ang insidente sa warehouse, buhat-buhat siya ni Rahinel para dalhin siya sa ospital.

"B-basta, gusto ko lang masiguro na wala kang intensyong masama kay Yumi!" pag-iiba niya ng usapan at dali-dali niyang iniwanan ito.

'Shet, bakit ako biglang kinabahan?' saloob loob ni Arki habang naglalakad. Hindi na nga niya napansin ang pagtawag sa kanya ni Leo at Roni sa pagmamadali niya.

Nabuhay bigla ang pamilyar na memorya sa kanya nang maalala niya ang pagbuhat sa kanya ni Rahinel, na tila parang matagal na panahon nang nangyari 'yon.


*****


ISANG linggo na namang muli ang nakalipas at walang araw na hindi naging abala si Arki sa kanyang pag-eensayo. Bukod kay Shiela ay madalas din silang mag-sparring ni Roni. Hindi lang si Leo ang naging 'estudyante' niya sa basic self-defense class niya, unti-unting kumalat sa school ang kanyang libreng pagtuturo at nilapitan siya ng mga interesadong matuto.

Si Leo talaga ang nagpakalat ng tsismis na nagtuturo si Arki para may karamay siya sa sakit ng katawan, pumayag naman siya dahil sa tingin niya'y hindi naman sa lahat ng oras ay maipagtatanggol niya ang mahihina kaya sa huli'y pumayag na rin siyang magturo. Tuwing uwian, sa rooftop ng lumang building ay nagtitipon ang mga estudyante ni Arki, naging katuwang na niya si Roni sa pagtuturo.

Tila nakalimutan na nga ni Arki ang kanyang hinanakit at nasanay na siya sa kasalukuyan nilang sitwasyon ni Yumi, magkasama sila sa iisang classroom subalit hindi nagpapansinan. Sinikap na rin ni Arki na umiwas sa gulo at sinubsob niya ang kanyang sarili sa pag-aaral.

"Nasaan si Miss Bonifacio?" natigilan ang lahat sa pag-eensayo nang sumulpot sa roof top ang Student Council President, kasunod niya ang Vice-President na walang iba kundi si Vivienne Donohue.

"Ano'ng kailangan niyo?" nagsihawian ang mga estudyante at nakita si Arki na nakapamewang.

"Nakarating sa balita namin na nagtuturo ka ng basic self-defense sa mga estudyante. Nagsampa ng reklamo ang mga Sports Club dahil wala kayong permiso na magtatag ng club."

"Teka lang." itinaas ni Arki ang isang kamay para pigilan ang Student President sa pagsasalita, si Vivienne ay nanatiling poker-faced at walang sinabi. "Hindi naman kami nagtayo ng club kaya wala silang dapat na ireklamo."

Inayos ng Student Council President ang kanyang salamin na kuminang pa dahil sa sikat ng papalubog na araw saka sinabing, "The fact that you're doing this in regular session for the past seven days and you're using the school's facility on your activity, you're not registered as a club. Therefore we need to dissolve this group."

Natawa si Arki nang marinig niya 'yon.

"Kalokohan! Wala kaming ginagawang mali at wala kaming intensyon na gumawa ng club, kung ayaw niyo kaming makita rito pwes maghahanap kami sa labas ng school na pwede naming mapag-praktisan," humarap siya sa mga kasama niya. "Tara, sa plaza na lang tayo mas maluwag pa ro'n."

Kinuha na nila ang mga bag at akma na sanang aalis ang mga estudyante subalit nagsalita si Vivienne na nagpahinto sa kanilang lahat. 

"It will be more dangerous outside the school premises," malamig na sabi ni Vivienne, napatingin si Roni rito 'di kalayuan. "She's right, Mr. President, wala silang nilabag na regulations at hindi sila considered as an illegal club. Bakit hindi natin idaan sa ibang usapan?"

Tumaas ang kilay ni Arki nang marinig niya 'yon kay Vivienne. "Ano'ng trip mo?"

"I'm challenging you for a duel, Arissa Kim."

Napanganga lang ang mga estudyante nang marinig 'yon, ang Student Council President naman ay halos malaglag ang panga sa sahig sa pagkabigla, wala naman kasi itong ideya na may kakayanan si Vivienne sa martial arts.

Si Roni naman ay nanlaki ang mga mata nang marinig 'yon. "Teka lang-" kokontra sana ito nang humarang si Arki.

"Sige ba," walang takot na sabi ni Arki, pagkatapos ay  tiningnan niya si Roni na nangangahulugang 'Huwag kang mangialam.' Naisip ni Arki na pagkakataon na niya 'yon para makabawi kay Vivienne at masukat kung gaano siya humusay.

"All of you, get out," utos ni Vivienne at natakot ang ilan kaya kaagad sumunod ang mga estudyante. "Ikaw din, Mr. President."

Walang nagawa ang Student Council President kundi sumunod dahil ang totoo'y takot ito kay Vivienne. Si Leo at Roni naman ay alam parehas na kahit pilitn nila si Arki'y wala silang magagawa.

"Leo, sinong pwede nating hingian ng tulong para mapigilan sila?" nag-aalalang tanong ni Roni nang makaalis sila. "Nakita naman dati noon kung paano napatumba ni Vee si Arki."

"Sinong Vee? Ah! Si Vivienne! Oo nga! Kailangan nating magtawag ng tulong!" natatarantang sabi ni Leo na napahawak pa sa ulo. "Alam ko na!" at pagkatapos ay tumakbo na silang dalawa.

Hinubad na ni Vivienne ang suot niyang blouse at palda, natira ang sports bra at cycling sa kanya at animo'y pinaghandaan niya talaga ang hapong ito, at saka niya itinaas ang kanyang dalawang kamao. Si Arki naman ay nakasuot naman na ng t-shirt at jogging pants kaya bumuwelo na lang siya.

Unang umatake si Vivienne at kaagad 'yong nasalag ni Arki. Agresibo ang bawat atake ni Vivienne at si Arki naman ay panay ang iwas at salag, mabuti't nakakakuha pa rin siya ng pagkakataon para umatake.

Ang hindi nila alam ay nakasilip pa rin ang mga estudyante kanina pati ang Student Council President sa may pintuan ng rooftop at namamanghang nanunuod sa kanilang dalawa, ang ilan ay nagsimula nang magpustahan.

Halos pantay lang ang laban nilang dalawa dahil sa kanilang husay. Natamaan ng sipa ni Vivienne si Arki subalit nakaganti siya nang matamaan niya ito ng suntok. Naging mainit ang labanan at hindi mawari kung sino ang mananalo.

Sabay na umatake ang dalawa at parehas silang bumagsak sa sahig, si Vivienne ay nakapulot ng isang yantok na nakakalat, nakita 'yon ni Arki at kaagad din niyang kinuha ang isang yantok na nakita niyang malapit sa kanya.

Ihahampas pa lang nilang dalawa sa isa't isa ang yantok nang may pumigil sa kanilang mga braso.

"Itigil niyo na ang kalokohang 'to!" nagulat na lang sila nang makita si Miss Anita sa kanilang pagitan na nakahawak sa kanilang mga braso. Hinigit ni Miss Anita ang mga yantok sa kanilang dalawa at ibinato sa malayo. Naglayo sila Vivienne at Arki. Lumingon ang guro sa pintuan dahil naroon pa rin ang mga estudyante. "Umuwi na kayo, mga bata." Sumunod naman ang mga 'to sa takot na masumbong.

Si Roni at Leo ang nagtawag kay Miss Anita dahil alam nilang ito lang ang makakapigil kila Arki at Vivienne. Napahinga nang malalim ang guro at saka napahilot sa sentido.

"Arki, Vivienne, hindi niyo ba alam na pwede kayong maparusahan ng school sa oras na may nasaktan sa inyong dalawa," nakahalukipkip na sabi ni Miss Anita. Si Roni at Leo ay hindi pa rin umalis, si Vivienne naman ay sinuot ang uniform.

"S-Sorry po." Natauhan bigla si Arki nang marinig 'yon.

"Bueno, palalagpasin ko 'to at mangako kayo na hindi na 'to mauulit."

"Opo," sagot ni Arki. Si Vivienne naman ay hindi kumibo at umalis na lang.


*****


SABAY na naglakad pauwi si Arki at Miss Anita noong hapong 'yon. Dala kasi ni Roni ang motor niya at sumabay naman si Leo rito. Habang naglalakad ay napansin ni Miss Anita ang kakaibang tamlay kay Arki.

"Okay ka lang, Arki?" tanong ng guro sa kanya.

"Okay naman po," sagot niya pero halata pa rin na wala siyang gana.

"Kamusta naman kayo ni Yumi?" tanong bigla nito sa kanya at nagulat siya.

"Pa'no mo nalaman, Ma'am?"

"Wala pa 'kong sinasabi," natawang sabi ni Miss Anita sa kanya. "Napapansin ko lang kasi na hindi na kayo magkasama tuwing lunch at uwian, sa klase naman ay parang hindi kayo nagpapansinan."

Medyo napabilib si Arki dahil magaling pala mag-obserba ang guro niya. Napayuko siya at tumingin sa lupa.

"Dahil kasi sa'kin napagalitan si Yumi ng tita niya, ayoko lang na madamay pa si Yumi sa gulong pinapasok ko," sagot niya.

"Gano'n?" maang ni Miss Anita. "Ang akala ko'y dahil nililigawan ni Rahinel si Yumi kaya ka lumayo kasi hahayaan mo na siyang magka-boyfriend."

Napatingin si Arki kay Miss Anita dahil may pagka-tsismosa rin pala 'to. "Grabe, ma'am, ang galing mo namang sumagap ng tsismis."

Natawa ng bahagya ang guro sa sinabi niya.

"Pero malay mo, gusto ka lang din protektahan ni Yumi kaya niya 'yon ginawa."

"Huh?" medyo napaisip si Arki, hindi niya kasi 'yon naisip noon. 'Lalayo siya sa'kin dahil gusto niya 'kong protektahan?' sa isip-isip niya.

Natameme bigla si Arki nang malaman niya ang insidente noon sa warehouse at nalaman niya kay Leo. Naisip niya na 'yon noon na dahil baka sa kapangyarihan ni Yumi ay kaya siya nito nilayuan at dahil posibleng gusto lang din siya nitong protektahan. Pero mula saan?

"Oh, natahimik ka na?" tanong sa kanya ng guro. Malapit na sila sa sakayan ng tricycle.Huminto sila sa paglalakad.

"S-Sa tingin ko tama ka, ma'am."

"Ha?"

"Na baka pinoprotekahan din ako ni Yumi."

Parang sasabog ang utak ni Arki at naisip niya na kailangan niyang ibahagi ang alam niya sa gurong pinagkakatiwalaan niya.

Ilang segundong nakatulala si Arki at hindi mawari kung ano'ng sasabihin niya.

"Arki?"

"H-hindi ko po alam kung dapat ko 'tong sabihin, Ma'am."

"Arki," hinawakan siya ni Miss Anita sa balikat, "teacher mo 'ko, pwede kang mag-confide sa'kin ng mga bagay-bagay na gumugulo sa'yo."

"K-kasi... Noong insidente sa warehouse, may nasaktan sa'min, tapos... tapos... nakita ni Leo na ginamot ni Yumi si Roni. Sa tingin ko po... May kapangyarihan si Yumi."


*****


KANINA pa sumisilip si Karl sa loob ng bahay, nakatayo siya sa harapan ng gate at nakatatlong tawag na subalit wala pa ring lumalabas sa loob. Samantala, nakasilip sa bintana sila Mawie at Shawie, tinitingnan nila si Karl.

"OMG, sinong pogi 'yan?" tanong ni Mawie. Alam nilang dayo 'to at hindi tiga-barangay nila.

"Gaga, malay ko, baka manliligaw ni Arki?" sabi naman ni Shawie.

"Parang masyado siyang thunders for Arki. OMG, baka manliligaw ni Shiela?!"

"Gaga, wala namang friends si Shiela rito at puro engkanto ka-bonding no'n!"

Habang nag-uusap ang dalawa'y biglang susulpot sa kanilang likuran si Lola Bangs.

"Ano ba 'yang sinisilip niyo riyan? Nasaan ba si Shiela?" tanong ni Lola Bangs habang dala-dala ang kanyang manok na si Mari, hindi 'to pangkaraniwang manok sapagkat nag-iiba iba 'to ng kulay.

"Namalengke si Shiela, 'La," sagot ni Shawie.

"May pogi sa labas, Lola Bangs." Sinundan 'yon ni Mawie.

Inabot ni Lola Bangs ang alaga niyang mistikal na manok kay Shawie. "Itago mo muna si Mari." Kaagad namang sumunod si Shawie.

Lumabas si Lola Bangs upang harapin ang lalaki. Nagalak si Karl nang makita niyang may lumabas na at kaagad na bumati.

"Magandang hapon ho!" ngiting ngiti na bati ni Karl. "Dito ho ba nakatira si Barbara Salamanca?"

Binuksan ni Lola Bangs ang gate at pumasok si Karl. "Ano'ng maitutulong ko sa'yo, hijo?"

"Kayo ho si Barbara Salamanca?" gulat na tanong ni Karl.

Pumasok sila sa loob ng bahay, hinainan nila si Karl ng tsaa at napansin nito na sinarado nila ang pinto at mga bintana.

"Ah... Eh... Ako nga ho pala si Karlheinz Ocampo, anak po ako ng historian na si Alberto Ocampo, humingi na ho siya ng tulong sa inyo noon na hanapin 'yung lugar na... tinatawag na 'Ibayo'."

Umupo si Lola Bangs sa harapan ni Karl.

"Nasabi na sa'kin ni Shiela ang tungkol sa'yo. Anong kailangan mo sa akin, hijo?"

"Nagbabaka sakali lang ho sana ako kung matutulungan niyo kaming hanapin ang huling binukot."

Sa mga sandaling 'yon ay nagkatinginan sila Shawie at Mawie. Si Lola Bangs naman ay medyo nagulat sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay may isang mortal na nagtanong sa kanya ng direkta kung nasaan si Arki, ang nawawalang huling binukot.

'Bakit at paano niya nalaman ang tungkol sa huling binukot?'


*****


MULING nagpulong ang mga kampon ni Sitan noong gabing 'yon. Hindi na naman makatulog si Jaakko dahil nararamdaman niya ang kakaibang presensya sa kanilang bahay, katulad noon ay lumabas siya ng kanyang silid at nagtungo sa opisina ng kanyang ama kung saan nanggagaling ang mga tinig.

Hindi sumilip si Jaakko sa loob ng silid subalit naririnig niya ang pinag-uusapan ng mga 'to, hindi man niya nakikita ang mga nakita niya noon ay dama pa rin niya ang takot.

'Isa lang 'tong panaginip.' Paulit-ulit niyang sambit sa utak.

"Unti-unting kakalat ang kadiliman sa bayang 'to."

"Nakahanda na ang isang pag-atake sa St. Rose High School. Naroon ang ating hinahanap mahal na Sitan!"

Boses iyon ng isang pamilyar na tao at pakiwari ni Jaako ay hindi iyon isang panaginip. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top