/22/ Ang Mutya

Kabanata 22:
  
Ang Mutya


WALANG masyadong memorya si Yumi tungkol sa kanyang kabataan. Hindi katulad ng mga normal na bata na naranasang maglaro sa arawan maghapon, si Yumi ay palaging nakakulong sa kanilang bahay dahil sa kanyang kakaibang karamdaman.

Hindi matukoy ng mga doktor kung ano ang kanyang sakit, kaya dinala siya ng kanyang nanay at tatay sa albularyo ng kanilang bayan. Ang sabi'y noong ipinanganak siya'y isinumpa siya ng mga diwata na magkakaroon siya ng taglay na kagandahan subalit magkakaroon siya ng karamdaman kung hindi siya ibibigay ng mga magulang nito sa mga diwata.

Habang naglalaro ang mga bata sa kanilang baryo ay palagi lamang siyang nakatanaw sa bintana, nangangarap na isang araw ay maranasan din ang saya ng pakikipaglaro sa labas.

"Anong ginagawa mo?" isang araw ay tinanong siya ng isang batang babae, mahaba ang buhok nito na umabot hanggang bewang. "Halika laro tayo!"

"Bawal daw akong maglaro sabi ni mama at papa."

"Huh? Bakit naman?"

"Kasi may sakit ako."

"Sayang naman, palagi kasi kitang nakikita na nanunuod sa'min eh." Aalis na sana noon ang batang babae na hindi niya kilala subalit nagkaroon siya kagustuhan noong mga oras na 'yon.

"Pwede ba akong sumali?"

"Oo naman!"

Nang makatas siya sa kanilang bahay ay kaagad silang nagtungo ng kanyang bagong kaibigan papunta sa may manggahan kung saan madalas naglalaro ang mga bata. Hindi pinagsisihan ni Yumi ang mga sandaling 'yon kahit na alam niyang maaari siyang mapahamak.

At nangyari rin ang kanyang kinatatakutan. Inatake siya ng kanyang sakit, hindi siya makahinga at tila nagiging kulay bughaw ang kanyang balat.

"Ahh! Engkanto!" sigaw ng isang bata kung kaya't nagtakbuhan ang mga 'to dahil sa takot.

Naiwan si Yumi at ang batang babae na nag-yaya sa kanya maglaro. Hindi nito binatawan ang kanyang kamay habang nahihirapan siyang huminga.

"M-mama...P-papa..." impit niya habang nahihirapan.

"Huwag kang mag-alala," hinubad ng batang babae ang suot nitong kwintas. "Papagalingin ka nito." Nilagay nito ang kwintas sa kanyang palad, isang kulay itim na bato na hugis ng baligtad na puso na may kakaibang marka sa gitna.

Habang hawak niya ang kwintas ng batang babae ay naramdaman niya ang unti-unting pagluwag ng kanyang pakiramdam, unti-unti na ring bumabalik sa normal na kulay ang kanyang balat. Subalit may biglang dumating na babae ang tila hindi natutuwa sa kanila.

"Ate Shiela!" bulalas ng batang babae.

"Bakit mo ibinigay ang kwintas?" mahinahon subalit nangangambang tanong ng babae sa batang babae na tumulong sa kanya.

"M-May sakit po siya, kailangan niya ng tulong..." Hindi nakasagot ang bata. Tumingin sa kanya ang babae at hindi mawari ang itsura nito.

Kinagabihan ay dumating sa kanilang bahay ang misteryosang babae, hindi niya alam kung kaanu-ano nito ang batang nakalaro niya kanina. Nasa itaas siya at nakasilip sa ibaba sala habang kinakausap ng babae ang kanyang magulang.

Pag-uwi nito'y kinausap siya ng kanyang mama at papa.

"Yumi, binigay ng babae kanina ang kwintas na 'to," sabi ng kanyang mama at nilahad sa kanya ang kwintas na kaninang binigay sa kanya ng batang kalaro niya. "Sabi niya'y magagamot ka nito."

Noong mga sandaling 'yon ay pinaniniwalaan na halos lahat ng kanyang magulang dahil nangangailangan sila ng himala kung paano magkakaroon ng lunas ang kanyang kakaibang karamdaman.

Magmula noon ay hindi na nawalay sa kanya ang kwintas na kung tawagin ay Mutya, sapagkat binigyan siya nito ng pagkakataon na mamuhay ng normal. Lumuwas sila sa Maynila at doon tumira sa loob ng mahabang panahon.

At ang babaeng nagbigay ng kwintas na nagpakilala sa kanilang Shiela ay matagal na muli bago bumisita sa kanila. Utang na loob niya rito ang mistikal na dahilan kung bakit siya magaling ngayon.

Higit sa lahat, walang nakakaalam maliban sa kanya ang naging dulot ng Mutya sa kanyang buha. Maliban sa mawala ang kanyang karamdaman ay nagkaroon siya ng kakayahang manggamot gamit ang kapangyarihan nito.

Pinili niyang bumalik ng kanilang probinsya dahil nagkaroon siya ng panaginip, dinalaw siya sa kauna-unahang pagkakataon ng espiritu ng Mutya. Isang nilalang na walang porma kundi isang purong liwanag.

"Mayumi.... Ako ang liwanag... Ako ang espiritu ng Mutya... Tinataglay ko ang kapangyarihang binasbas ng diyos sa huling prinsesa," tinig iyon ng isang babae na halos umaalingawngaw ang boses nito sa paligid.

"Huling prinsesa?" hindi niya mawari ang ibig sabihin ng liwanag.

"Nandito ako upang sabihin sa'yo ang dapat mong gawin sa oras na ipakita ko sa'yo ang mga mangyayari sa hinaharap."

Sa isang iglap ay nagbago ang kanyang paligid. Napunta ang eksena sa kanilang bahay sa Maynila, kung saan nadiskubre ng kanyang mga magulang ng hindi sinasadya ang kanyang abilidad na manggamot. Bumilis bigla ang paggalaw ng kilos at huminto 'yon at nakitang maraming mga tao ang dumadagsa sa kanilang bahay.

Nakita niya ang kanyang sarili at isa-isang ginagamot ang mga taong humihingi ng tulong. Kumalat ang himala na kaya niyang gawin kaya pinagkaguluhan ang kanilang pamilya ng mga taong gustong magpagamot at ng media.

Mas bumilis ang takbo ng kilos pero nakita ni Yumi na dahil sa bagay na 'yon ay naging magulo ang kanilang buhay. At siya'y matatali na naman sa iisang lugar at hindi magiging malaya.

"A-anong dapat kong gawin?" hindi niya mapigilang maitanong sa liwanag.

"Bumalik ka sa inyong probinsya at doon mag-aral."

Sa takot niya sa maaaring mangyari sa hinaharap ay sinunod niya ang liwanag. Sinabi niya sa kanyang magulang na mas gusto niyang mag-aral sa probinsya kaysa sa Maynila at malugod siya nitong pinagbigyan.

At magmula noon ay hindi na muling nagpakita sa kanyang panaginip ang liwanag o ang espiritu ng Mutya. Maliban sa gabing ito.

Nang makatulog si Yumi at napunta ang kanyang diwa sa malalim na panaginip. Naging pamilyar sa kanya ang lugar, isang kakahuyan na maraming puno at magagandang halaman. Tila isang mistikal na lugar na napapanood niya sa mga pelikula. Alam niyang nakapunta na siya rito.

"Mayumi."

Ang tinig.

Lumingat siya upang hanapin ang pamilyar na tinig. Maya-maya'y lumitaw mula sa kawalan ang isang liwanag, halos masilaw siya nang tingnan niya 'to.

"I-Ikaw ang... espiritu ng Mutya?" usal niya habang nakatingin dito.

"Ako nga, Mayumi," sagot sa kanya ng liwanag. "Naging mabuti kang tigpag-alaga ng Mutya, Mayumi. Subalit nandito ako upang muli kang bigyan ng babala."

Kinabahan siya ng mga sandaling 'yon. Naalala niya ang ginawa nito dati, ipinakita sa kanya nito ang mangyayari sa hinaharap.

"A-Ano 'yon?" tanong niya.

Imbis na sumagot ang liwanag ay muling nag-iba ang paligid, unti-unti itong nagbago, naging gabi hanggang sa mapunta sa isang pamilyar na lugar, ang kanilang bayan.

"Anong nangyayari?" nagimbal niyang tanong habang pinagmamasdan ang paligid, nagkakagulo ang mga tao, nagtatakbuhan at nagsisigawan sa takot.

Muntik na siyang mapasigaw nang makita niya ang mga halimaw na sumusugod, mga halimaw na nakita nila noon! Mga aswang at ang iba'y lumilipad pa!

Hindi kaagad sumagot ang espiritu ng Mutya at ilang sandali pa'y nakita niya ang isang babae na mabangis na nakikipaglaban sa mga aswang. May hawak itong dalawang yantok at buong pwersang pinapaslang ang bawat halimaw, walang iba kundi si Arki.

"Arki?" bulong niya nang makita ang kanyang matalik na kaibigan.

"Kailangan mong ibigay sa kanya ang Mutya sa lalong madaling panahon."

Napatingin siya sa liwanag na nagsalita. "Kay Arki? Bakit?"

"Dahil siya ang makakapagligtas sa inyong bayan. Mayumi, kailangan mong ibalik sa kanya ang Mutya."

"Ibalik?" naguluhan siya sa huling sinabi nito.

Sa isang iglap ay biglang nagmulat ang kanyang mga mata. Kahit na malamig ang kanyang silid dahil sa preskong hangin ay tagaktak ang pawis sa kanyang noo. Bumangon siya at kaagad na hinawakan ang suot na kwintas, ang Mutya.

"Kay Arki..." bulong niya. "Kailangan kitang ibigay kay Arki?"



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top