/21/ Paglayo


Kabanata 21:
Paglayo


"PWEDE ba tayo mag-usap?" lakas loob na sabi ni Arki kay Yumi nang lapitan niya ito pagpasok niya sa kanilang silid-aralan. Sinadya niya talagang agahan ang pagpasok sa eskwela para makausap si Yumi dahil bigo siyang makausap ito kahapon kaya susubukan niya ngayon.

Ilang segundo ang lumipas bago mag-angat ng tingin si Yumi, naramdaman ni Arki ang kakaibang aura sa kanyang kaibigan, malamig at malayo. Hindi niya tuloy lalong maiwasang mabahala.

"Sige," malamig na tugon ni Yumi.

May kalahating oras pa sila bago sumapit ang oras ng unang klase, lumabas sila ni Yumi at nagtungo sa dulong bahagi ng pasilyo kung saan walang ibang tao.

"Pumunta ako sa inyo kahapon," panimula ni Arki nang huminto sila sa paglalakad, "sabi ni Aling Tasing may sakit ka raw kaya umuwi na lang ako. Okay ka na ba?"

"O-Oo, magaling na 'ko. Sorry kung hindi ka na napatuloy sa bahay," sagot nito. Napansin niya na hindi makatingin si Yumi ng diretso sa kanyang mga mata. Kumunot ang kanyang noo.

"Yumi—"

"Arki, may sasabihin din sana ako sa'yo," putol ni Yumi ang kanyang sasabihin. Wala naman siyang nagawa kundi magparaya. Napayuko si Yumi at huminga nang malalim bago tumingin ng diretso sa kanyang mga mata. "Mukhang kailangan ko munang lumayo sa'yo."

Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa nang bitawan ni Yumi ang mga salitang 'yon. Iniisip ni Arki kung nagkamali lang ba siya nang narinig kung kaya't hindi siya kaagad nakapagsalita.

"Anong sinasabi mo? Anong lumayo?" tanong ni Arki habang nakasalubong ang dalawang kilay. Hindi niya mawari kung bakit iyon sinabi ng kanyang matalik na kaibigan.

Nagkuyom si Yumi at yumuko, nagpipigil ng luha.

"Dahil sa nangyaring gulo noong isang araw... Napagalitan ako sa bahay... At sinisisi ka nila Tita kung bakit ako nasangkot sa gulo, ayaw nilang magkaroon ako ng masamang record..."

Habang naririnig niya ang mga sinasabi ni Yumi ay isang bagay lang ang tumatakbo sa isip ni Arki.

'Dahil ba sa nalaman ko kay Leo? Dahil ba meron siyang kakaibang kapangyarihan kaya gusto niyang lumayo sa'kin? Iyon ba ang totoong dahilan?' sa isip-isip niya.

"Yumi..." sa dami ng kanyang iniisip ay iyon lamang ang nabitawang salita ni Arki. "Yumi... Bakit?"

"Sorry, Arki, kailangan kong sumunod kila Tita," tumingin sa kanya sa pagkakataong ito si Yumi at tubigan na parehas ang kanyang mga mata, "dahil kung hindi... at masangkot na naman ako sa gulo'y baka ibalik nila ako sa Maynila—ayokong bumalik doon, Arki, alam mo 'yon."

"Yumi..." hindi pa niya lubos maintindihan ang kanyang naririnig. "N-Nagsisinungaling ka ba?" ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinagbintangan niya ang kanyang best friend.

Sunud-sunod na umiling si Yumi at pinahid nito ang luha. "Hindi! Alam mong hindi ko 'yon gagawin sa'yo, Arki. Please, sana maintindihan mo 'ko."

"Paano ka, Yumi, alam mo namang—"

"Oo, pinuprotektahan mo ko. Pero nagsasawa na rin akong palaging dumepende sa'yo, Arki. Gusto kong tumayo sa sarili kong mga paa para protektahan ang sarili ko. Ayoko na rin na maging dahilan ako na mapahamak ka."

Hindi na siya nakaimik kaagad, tumingin siya sa sahig at biglang naalala ang kahapon. Sa eskwelahan na 'to sila nagkakilala ni Yumi, at ang araw na niligtas niya ito mula sa panganib na siyang dahilan kung bakit naging labis ang pagpoprotekta niya rito. Naalala niya rin ang mga munting araw na kanilang mga pinagsamahan, palagi silang magkasama at hindi mapaghiwalay. At ngayon hindi siya makapaniwala na gusto na siya nitong layuan.

"Naiintindihan ko," sabi niya na halos pabulong. "Palagi akong nasasangkot sa gulo, palagi akong naga-guidance dahil sa mga nakakaaway kong bully. Maraming nagsasabi at nagtatanong kung bakit tayo naging mag-bestfriend."

Nag-angat siya ng tingin at sa pagkakataong ito ay siya naman ang naluluha. Nagpatuloy pa rin si Arki sa pagsasalita kahit na tila winawasak ang kanyang damdamin.

"Sabi nila malayung malayo raw tayo kasi ako boyish ikaw mahinhin, ako kamote lagi sa exams pero ikaw matalino at honor student. Pero hindi naman mahalaga kung gaano tayo magkaiba, 'di ba? Kasi best friends tayo."

Si Yumi naman ay hindi na nakapagsalita. Pinahid ni Arki ang luha sa kanyang pisngi. Napagtanto nila parehas na kailangan na nilang bumalik sa classroom dahil marami ng mga estudyante ang dumadagsa sa hallway.

"At dahil best friend kita, naiintindihan ko, lalayo ako sa'yo para hindi ka na masangkot sa gulo," pinilit niyang ngumiti nang malapad katulad ng palagi niyang ginagawa. "Basta kapag kailangan mo ng tulong o ng mapagsasabihan ng mga problema mo, huwag kang mag-alala dahil nandito ako palagi para tulungan ka at makinig sa'yo."

Si Arki ang unang naglakad palayo pero kahit na pinilit niyang ngumiti ay hindi pa rin niya maitago ang sakit na nararamdaman.

'Ano ba 'yan, bakit parang daig ko pa nakipag-break sa jowa kung masaktan ako.' Nakuha na lang niyang biruin ang sarili.

Kung ano man ang tunay na dahilan ni Yumi kung bakit gusto nitong lumayo sa kanya ay hindi niya sigurado kung may kinalaman ba talaga ito sa kapangyarihang binanggit ni Leo sa kanya.


*****


"KASALANAN ko 'to eh!" bulalas ni Leo nang malaman niya ang nangyari nang sumapit ang lunch. Katulad nang nakagawian ay nasa canteen sila ngayon kasama rin si Roni na kasabay kumakain.

"Ang OA mo mag-react," saway ni Arki kay Leo at pinaupo niya 'to, "hindi mo kasalanan, hindi naman alam ni Yumi na alam ko na eh."

"Alam ang alin?" singit ni Roni pero hindi siya pinansin ni Arki at Leo.

Hindi sumabay si Yumi sa kanila sa pagkain at mas pinili nitong kumain kasama ang tiyahing guro sa faculty.

"Paano 'yan, Arki? Kung wala ka eh baka madagsa ng manliligaw 'yang si Yumi," wika ni Leo habang ngumunguya at tumatalsik pa ang kanin sa bibig. "Lalo na si Jaakko! Naku!"

Hinilot ni Arki ang sentido dahil mas lalo siyang nai-stress sa mga pinagsasasabi ni Leo.

"Alam mo, hindi ko alam, okay? Iyon ang desisyon ni Yumi kaya dapat respetuhin natin 'yon, tsaka hindi naman porke ganun ay hindi ko na siya babantayan."

"Bodyguard ka ba ni Yumi?" singit ulit ni Roni pero inirapan niya lamang ito. 

"Hay nako makaRoni, hindi mo kasi alam ang history kung bakit overprotective 'tong si Arki kay Yumi," wika naman ni Leo at sumilay naman ang kuryosidad sa mukha ni Roni.

"Bakit, anong nangyari?"

"Kasi ganito 'yon—"

"Well, well." magkukwento pa lang sana si Leo nang dumating ang isang pamilyar na asungot sa buhay ni Arki, si Jaakko. "Nasaan ang prinsesa kong si Yumi?"

Umirap lang si Arki at pinilit niyang pakalmahin ang sarili, makita at marinig pa lang niya kasi ang boses ni Jaakko ay umiinit na ang kanyang dugo.

"Mukha ba kaming lost and found?" hindi na napigilan ni Arki magtaray.

"Hmm... Bakit nga ba ako nag-aaksaya ng energy sa mga halamang katulad mo," pang-aasar ni Jaakko at ngingisi-ngisi ang mga sidekick nito.

"Kung ako halaman ikaw naman mukang fungi," sagot niya at namuo ang tension sa pagitan nilang dalawa.

"Sa gwapo kong 'to mukha akong fungi?" naningkit ang mga mata ni Jaakko at tinuro ang sarili.

Umaktong naduduwal si Arki bago siya muling humirit. "Saan banda?"

"Crush mo lang ako, eh."

Mas lalo siyang na-badtrip, umakyat lalo ang dugo niya sa ulo lalo na nang sumapaw pa ang mga alipores ni Jaakko.

"Naghahanap ka talaga ng sakit sa katawan—" kinuwelyuhan niya si Jaakko pero naalala niya kaagad ang mga sinabi ni Yumi sa kanya. Palagi siyang nasasangkot sa gulo kaya kinailangan siya nitong layuan. Dahan-dahan niyang binitawan si Arki.

"Oh, bakit parang naiiyak ka na?" pang-aasar niJaako at imbis na pumatol siya'y dali-dali siyang umalis.

"Arki!" tawag ni Leo at si Roni naman ay sumunod din.


*****


LINGID sa kanilang kaalaman ay nasa gym lang si Yumi, nakaupo sa bench habang kumakain ng lunch mag-isa. Walang ibang tao sa gym kung kaya't dito niya napiling magpalipas ng lunch break. Para siyang bumalik sa pagiging transferee student, walang kakilala at walang kaibigan.

Pinilit niyang kumbinsihin ang sarili na tama ang kanyang ginawa na sinunod niya ang kanyang pamilya. Totoo na pinagalitan at pinagbantaan siya ng kanyang tita na ibabalik siya sa Maynila kapag nasangkot siya sa gulo. At isa pa, hindi pa talaga siya handa sabihin kay Arki ang totoo tungkol sa natatangi niyang abilidad na manggamot.

'Ano kayang ginagawa nila ngayon?' hindi niya maiwasang maisip at nalungkot na naman siya nang maalala ang masasayang mukha ni Arki at Leo.

Niligpit niya ang kanyang baunan at babalik na sana siya sa kanilang classroom nang makarinig siya ng hakbang.

"Bakit ka nag-iisa rito?" biglang kumabog ang kanyang dibdib nang makita ang pamilyar na nilalang, ang transferee sa kanilang section, si Rahinel.

"Ikaw pala," nahihiya niyang wika.

"Pwede ba kitang samahan? Kung okay lang sa'yo." ngumiti si Rahinel sa kanya at binalik niya rin ang isang matamis na ngiti.

"O-oo naman."

Dahil hindi niya alam ang sasabihin at mas nanginigbabaw ang pagkabog ng kanyang dibdib ay mas pinili na lang ni Yumi na manahimik.

"Mukhang may problema ka, Yumi."

"Paano mo naman nasabi?" hindi niya maiwasang magtanong.

"Hindi mo kasi kasama ang mga kaibigan mo."

Hindi siya makasagot sa tinuran ni Rahinel dahil tama ito. Napayuko na lang siya at napatingin sa sahig. Ang buong akala niya'y magtatanong pa si Rahinel kung anong nangyari pero hindi na rin ito kumibo kaya dahan-dahan siyang tumingin dito at nahuli niyang nakatitig ito sa kanya.

"B-bakit?" namula ang kanyang pisngi dahil tila natutunaw siya sa titig nito.

"Handa akong samahan at protektahan ka kahit saan," walang anu-ano'y sinabi ni Rahinel 'yon atsaka lumuhod sa kanyang harapan. "Kay tagal kitang hinanap, Yumi."

"A-Anong sinasabi mo?" gulat na gulat niyang tanong dahil nakaluhod ngayon sa harapan niya si Rahinel.

"Hayaan mo akong gawin ang bagay na hindi ko nagawa sa'yo noon. Hayaan mo akong protektahan ka, mahal na prinsesa."

Gulung gulo si Yumi sa mga pinagsasasabi sa kanya ni Rahinel lalo pa't tinawag siya nitong 'mahal na prinsesa'. Hanggang sa naisip niya ang maaaring dahilan kung bakit nito ginawa at sinabi 'yon. Hindi niya tuloy maiwasang matawa ng mahinhin.

'Iba siya sa lahat ng mga manliligaw ko.' Sa loob-loob niYumi.

Kumunot ang noo ni Rahinel nang makita siyang natawa. Tumayo si Yumi, nilahad ang kanyang kamay at tinanggap naman 'yon ni Rahinel.

"Tumayo ka nga, Rah," nakangiting utos ni Yumi at sumunod naman ito. "Salamat. Lubos kong tinatanggap ang alok mo."

Ngumiti si Rahinel nang marinig 'yon.

Samantala walang kaalam-alam ang dalawa na nasaksihan ni Arki, Leo, at Roni ang eksena 'di kalayuan. Nang lumabas kasi sa canteen si Arki ay nadaanan niya ang gym at nakita si Yumi, lalapit sana siya kaso nakita niya ang ginawa ni Rahinel. Nang maabutan siya ni Leo at Roni ay saktong nakita nito ang nakita niya.

"Hala, mukhang hindi na talaga tayo kailangan ni Yumi," bulong ni Leo at siniko siya ni Roni. "Bakit?" nginuso ni Roni si Arki. At kahit hindi nila ito nakikita ay alam nilang mas lumungkot lalo si Arki.


*****


MAAGANG umuwi si Arki noong araw na 'yon. Nagulat si Lola Bangs pagpasok niya sa loob ng bahay dahil napalakas ang pagbukas niya ng pinto.

"Welcome home!" salubong sa kanya ni Shawie at Mawie pero hindi niya 'to pinansin.

"Mano po, lola," kaagad siyang nagmano kay Lola Bangs, "nasaan po si Ate Shiela?"

"Nasa bakuran, bakit, apo?" hindi na niya sinagot ang tanong ng kanyang lola at kaagad siyang nagtungo sa kinaroroonan ni Shiela.

"Ate Shiela!" bulalas niya nang makita niya 'tong kumukuha ng mga sinampay.

"Oh, Arki?"

Lumapit siya rito at inabot ang kanyang dalawang yantok.

"Gusto ko pong maging malakas na malakas."

"Ha?"

"Turuan mo 'ko, Ate Shiela!"

Wala namang nagawa si Shiela noong sandaling 'yon at kaagad nag-umpisa ang kanilang ensayo kahit na hapon na at malapit nang dumilim.

Bawat palo ni Arki sa hangin ay may pwersa at wala siyang ibang nasa isip kundi magpalakas para maprotektahan niya ang mga mahal niya sa buhay.

'Simula ngayon, magpo-focus ako sa training!' sigaw ni Arki sa isip habang nakikipagpalitan siya ng palo kay Shiela.

Wala siyang kamalay-malay na nagliwanag ng bahagya ang mga Baybaying nakaukit sa dalawang yantok na kanyang hawak. Nakita 'yon ni Shiela kung kaya't nawala ito sa konsentrasyon at natamaan siya ng yantok ni Arki.

"Ate!" sigaw ni Arki at kaagad niyang dinaluhan ito. "Naku, sorry!"

"Arki, okay lang ako," wika ni Shiela kahit nakangiwi siya sa sakit.

Maya-maya'y natahimik si Arki at bigla na lang siyang umiyak.

"Oh, bakit?" si Shiela naman ay gulat na gulat at kaagad niyang hinawakan sa magkabilang balikat si Arki.

Umiling lang siya ng sunud-sunod at kaagad niyang pinahid ang kanyang luha.

"Huwag mong sabihin dahil 'yung crush mo—" biro ni Shiela at nagtawanan sila parehas. Niyakap na lang siya ni Shiela at hinimas ang kanyang likuran. "Kung ano man 'yan, alam kong malakas kang bata at mas lalakas ka pa."

Tumango na lang siya at tahimik na humikbi.

Masakit para sa kanya na sabihan siya ng kanyang matalik na kaibigan na lumayo sa hindi malinaw na dahilan. Pero para kay Yumi at kung ano man ang dahilan nito ay kinakailangan niyang maging malakas para sa kanyang kaibigan. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top