/20/ Ang Tinagong Kahapon


Kabanata 20: 
Ang Tinagong Kahapon


"TAO po?" pang-limang beses nang kumatok at sumigaw si Arki ngunit wala pa ring nagpapapasok sa kanya. Kanina pa kasi siya nasa labas ng bahay ni Yumi at naabutan na nga siya ng dilim sa labas.

"Imposible namang wala si Yumi, nauna siyang umuwi kanina eh," bulong ni Arki sa sarili habang sinisilip niya ang bahay. Nabuhayan siya bigla ng loob nang bumukas ang pinto at lumabas ang kasambahay nila Yumi, si Aling Tasing.

"Aling Tasing! Magandang gabi po!" bulalas niya at kumaway pa rito. Kilala na kasi siya nito dahil matagal na siyang pumupunta sa bahay nila Yumi.

"Oh, Arki, ikaw pala 'yan, magandang gabi rin sa'yo," bati ni Aling Tasing at lumapit sa gate subalit hindi siya pinagbuksan nito. "Anong sadya mo rine?"

"Si Yumi po? May gusto lang po sana akong sabihin sa kanya," sabi niya. 

"Ah... Eh... Nakow pasensya ka na Arki, masama kasi ang pakiramdam ni Mayumi at gusto niyang magpahinga lang," pagdadahilan ni Aling Tasing. Tuluyan nang nawala ang ngiti sa kanyang labi.

"Gano'n po ba?" dismayado niyang saad pero pinilit niya pa ring hindi 'yon ipakita. May naramdaman siyang hindi maganda dahil ngayon lang nangyari na tinanggihan siya ni Yumi na makipag-usap, pakiwari niya tuloy ay iniiwasan siya nito dahil sa nalaman niya kay Leo."Sige po, bukas na lang po magkikita naman kami sa eskwelahan."

"Sige pasensiya ka na, Arki. Ingat ka."

Bagsak ang kanyang balikat na naglakad palayo, hindi niya alam na kanina pa nakasilip si Yumi sa bintana at pinagmamasdan siyang naglalakad.


*****


"SAAN ka galing, apo?" salubong na tanong ni Lola Bangs kay Arki pagdating nito sa bahay.

"Galing kila Yumi," imbis na si Arki ay si Shiela ang sumagot, "mabuti't nakasalubong ko siya at sabay na kaming bumalik dito sa bahay."

Lumapit si Arki kay Lola Bangs para magmano. Kapansin-pansin ang katamlayan kay Arki, kadalasan ay puno ito ng enerhiya at madaldal sa tuwing umuuwi.

"Tamang tama nakahain na ang hapunan, kumain na tayo," yaya ni Lola Bangs.

"Lola, wala po akong gana, matutulog na po ako," sagot ni Arki at kaagad itong pumasok sa loob ng silid.

Nagkatinginan naman si Lola Bangs at Shiela, napakibit-balikat na lang ang huli.

"Anong problema ng batang 'yon?" kunot noong tanong ni Lola Bangs kay Shiela.

"Hindi ako sigurado, Lola Bangs, pero siguro dahil baka hindi niya nakausap si Yumi," sagot ni Shiela. Napansin din ni Lola Bangs ang kakaibang pagkabahala sa mukha ni Shiela.

"Shiela, anong problema?" tanong ni Lola Bangs. Hindi na rin nakatiis si Shiela.

Nagtungo sila sa bakuran upang mag-usap. Maliwanag ang buwan, malamig ang simoy ng hangin, at tanging mga kuliglig lang ang maririnig sa kanilang bakuran.

"May naghahanap sa'yo, Lola Bangs," sabi ni Shiela pagkaupo nila sa parihabang kahoy na upuan. "Nakasalubong ko siya kanina. Ang pangalan niya ay Karlheinz Ocampo, nagtuturo siya sa eskwelahan ni Arki. Ang mas ikinabahala ko lalo ay alam niya ang tunay mong pangalan."

Napaisip saglit si Lola Bangs at inalala ang pangalan na binanggit ni Shiela.

"Ocampo..." bulong ni Lola Bangs habang hinuhukay sa kanyang alaala ang nakaraan. "Wala akong ibang kakilala na Ocampo maliban sa taong nag-ngangalang Alberto Ocampo."

"Alberto Ocampo?" ani Shiela.

Napahinga nang malalim si Lola Bangs at tumanaw sa malayo kasabay ng pag-alala sa nakaraan.

"Hindi ko na mabilang ang taon na lumipas, pero hindi pa kita nakikilala noon Shiela, lumapit sa akin noon si Virgilio Donohue para hanapin ang Ibayo, kasama ang dalawa pang estranghero, isa na ro'n si Alberto Ocampo."

"Anong pakay nila sa'yo noon, Lola?"

"Pilit inaalam ni Virgilio Donohue kung nasaan ang portal papuntang Ibayo."

Nanlaki ang mga mata ni Shiela. "Paanong nalaman ng isang normal na mortal ang tungkol sa Ibayo?"

"Maaaring nalaman niya sa mga Maharlika, hindi ko rin sigurado kung saan niya 'yon nalaman."

"Pero... itinuro mo sa kanila ang portal?"

Umiling si Lola Bangs. "Mapilit si Virgilio. Sinabi kong maaari niyang mahanap ang portal sa Siquijor."

"Siquijor? Hindi ba't mapanganib ang lugar na 'yon?"

"Oo, Shiela, dahil binabantayan ng mga mangkukulam ang portal ni Magwayen... Alam kong mali ang ginawa ko noon..."

"At nahanap ba nila ang portal?"

"Hindi ko alam."

Natahimik sila parehas. Napaisip si Shiela nang maalala si Karlheinz.

"Lola, hindi kaya't posibleng konektado si Karlheinz kay Alberto Ocampo? Maaaring... anak niya o kamag-anak?" aniya at napatango si Lola Bangs.

"Maaari, Shiela."

"Sino pa ang isang estranghero na kasama ni Alberto Ocampo?"

Napaisip saglit si Lola Bangs at bahagyang umiling. "Hindi ko na maalala ang buo niyang pangalan. Ang pagkakatanda ko'y tinawag niya ang kasama niya na 'Rahinel'."

'Rahinel? Bakit parang narinig ko na ang pangalan na 'yon?' sa loob-loob ni Shiela.

"Ano naman kaya ang pakay ng Karlheinz na 'yon kung kadugo nga talaga siya ni Alberto?" tanong naman ni Lola Bangs.

"Baka gusto rin niyang pumunta sa Ibayo at manghihingi siya ng kaalaman sa'yo kung paano magtungo roon," hula niya. 

"Posible, Shiela."

Bigla siyang may naalala. 

'Nagkita na tayo kanina sa guidance. Ako nga pala si Karlheinz Ocampo...' tila umalingawngaw ang boses ni Karlheinz sa isip ni Shiela at para siyang natamaan ng kidlat nang maalala kung saan niya narinig ang pangalang Rahinel.

'Hindi kaya ang Rahinel na tinutukoy ni Lola Bangs na kasama ni Alberto Ocampo at ang Rahinel na estudyante sa eskwelahan ay iisa?' pilit niyang inalis ang posibilidad sa kanyang isip.

Kung magkadugo si Alberto at Karlheinz, at iisang tao lang ang Rahinel na tinutukoy dito... Ano ang ibig nitong sabihin? Anong kailangan nila kay Lola Bangs? Iyan ang mga tanong na gumugulo sa isipan ni Shiela.

"Oo nga pala, Shiela, maiba ako," boses ni Lola Bangs ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. "Ako ang nabahala sa'yo, kailan ka babalik sa Ibayo?"

"H-Hindi ko pa alam, Lola Bangs," napayuko siya at hindi niya maiwasang mapahawak sa kanyang kwintas, ang kanyang sariling anito.

"Ang anito mong 'yan... ang kapangyarihan ng iyong anito ay maaaring makatawag ng atensyon sa mga kampon ng kadiliman mula sa kabilang mundo."

Bilang isang Maharlika o mandirigma, nakuha ni Shiela ang kanyang anito upang maging gabay sa kabilang mundo. Subalit hindi magandang magkaroon ng anito kapag narito sa normal na mundo dahil natatawag nito ang atensyon ng mga masasamang elemento sa kabila. 

"Pero, Lola Bangs, ngayon pa't nagising na ang Mutya, kahit nasa kamay na ito ng ibang tao, gayon din ang mangyayari, kaya kailangan kong magtagal dito para protektahan si Arki," aniya.

"Kung wala na tayong magagawa, hindi ba't ito na ang oras para malaman ni Arki ang totoo?"

Napatayo siya mula sa kinauupuan at sinabing, "Hindi pa, Lola Bangs, masyado pang bata si Arki. Hindi pa siya handa."

"Kailan siya magiging tunay na handa? Kapag huli na ang lahat?" hindi siya makasagot sa tinuran ni Lola Bangs. "Babalik at babalik ang Mutya sa tunay nitong may-ari. Kailangang malaman ni Arki kung sino ba talaga siya."

Gulung gulo ang isipan ni Shiela at pumasok na lang siya sa loob ng kanilang munting bahay.


*****


SA isang mapayapang isla noong ika-labing-anim na siglo

"Chada, ito na lamang ang tanging paraan para maisalba ang ating anak mula sa kamay ni Datu Bagobo." kahit na kilalang matapang na pintados si Datu Kagirim ay hindi na nito mapigilan ang maluha.

Akap-akap ni Chada, ang asawa ni Datu Kagirim, ang kanilang anim na taong gulang na anak. Hindi matapus-tapos ang kanyang hinagpis. Naririnig na nila mula sa labas na nagsisimula na ang gera, nariyan na ang sinugo ng kasamaan!

Bumitaw si Chada sa kanyang anak at tumingin sa kanyang uripon.

"Silak," tawag nito sa kanya. Siya ang pinagkakatiwalaang uripon. "Dalhin mo ang aking anak sa punong babaylan. Sabihin mo sa kanya na pumapayag na ako sa solusyon na kanyang naisip."

Ibinigay ni Chada ang anak sa kanya at kaagad na umalalay si Kagirim sa asawa sapagkat nanghihina ito sa mga nangyayari.

"Ipangako mo sa amin, Silak," mariing sabi ni Datu Kagirim sa kanya. "Ipangako mo na kahit anong mangyari ay poprotektahan mo ang aming anak."

Lumuhod si Silak sa harapan ng kanyang mga mahal na amo.

"Ipinapangako ko po."

At bago pa tuluyang maabutan ng digmaan ay kinarga ni Silak ang prinsesang pinagkatiwala sa kanya. Tumakbo siya nang tumakbo sa gubat hanggang sa marating niya ang lihim na dampa ng punong babaylan.

Hindi pa nagsasalita si Silak ay alam na ng punong babaylan ang kanyang pakay.

"Ang tanging paraan upang maisalba ang huling binukot, gamit ang aking buong kapangyarihan at ng mga diyos... Ang ipadala siya sa panahong hindi na siya mahahanap ni Datu Bagobo!" 

Taong dalawang libo at pito  noong unang mapadpad si Silak sa kasalukuyang mundo. Habang karga niya ang batang prinsesa ay hindi niya alam kung saan sila magtutungo. Naglakad-lakad hanggang mapadpad sa isang maliit na baryo, kaagad silang naging tampok ng usapan ng taumbayan.

Napagtanto ni Silak na dinala sila ng punong babaylan sa panahon kung saan hindi sila mahahanap ni Datu Bagobo. Ibang-iba na ang itsura ng mga tao kumpara noong panahon niya, ang lahat ay moderno mula sa pananamit hanggang sa pananalita.

Hindi katagala'y kinupkop siya ng kapitan ng barangay at ng asawa nito sa kanilang tahanan.

"Hindi kami binasbasan ng mga anak ng Panginoon, pero maaari naming kayong ituring na parang amin magmula ngayon," iyon ang sinabi sa kanila ng mag-asawa. Binihisan sila nito, pinakain, at pinatulog sa kanilang bahay.

Ang akala ng taumbayan sa kanila ay isa silang katutubo na nanggaling sa isang bundok at naligaw sa kapatagan. Hindi sinabi ni Silak ang totoo na galing sila sa lumang panahon at ang batang kanyang kasama ay ang huling binukot.

Inisip noon ni Shiela na ligtas na sila mula kay Datu Bagobo subalit hindi sila naging ligtas mula sa kampon ng mga kadiliman dahil dala-dala ng prinsesa ang kanyang Mutya. Isang araw na lang ay inatake ang kanilang baryo ng mga halimaw, bigla na lamang sumulpot ang mga 'to mula sa kabilang mundo. Ang mag-asawang kumupkop sa kanya, pati na rin ang mga naging kaibigan niya sa baryo ay napaslang.

Tumatakbo si Silak noon habang karga ang batang prinsesa habang hinahabol ng mga halimaw. Ang buong akala niya'y katapusan na nila nang dumating ang isang nilalang na may dalang liwanag at siyang nagligtas sa kanila—si Barbara Salamanca, isang kalahating tao, kalahating diwata.

Si Barbara Salamanca ang gumapi sa mga halimaw sa baryo dahil may taglay itong kapangyarihan. Alam ni Barbara Salamanca na hindi sila pangkaraniwan at dahil nasaksihan si Silak ang kapangyarihan nito'y sinabi niya ang kanilang kwento na galing sila sa lumang panahon upang takasan ang masamang nilalang na si Datu Bagobo.

Niligtas at kinupkop sila nito. Binigyan sila ng bagong katauhan ni Barbara Salamanca. 

"Magmula ngayon hindi na Silak ang iyong pangalan, ikaw na si Shiela, at ang batang prinsesa... ay si Arissa Kim."

Lumipas ang mga taon subalit hindi sila nilubayan ng mga kampon ng kadiliman. Kahit saang baryo sila mapadpad ay palaging lumilitaw mga 'yon/

"Dahil ito sa Mutya," turo ni Barbara Salamanca sa suot ng batang prinsesa. "Iyan ang dahilan kung bakit natutunton tayo ng mga kampon mula sa Ibayo." 

Noong mga sandaling 'yon ay napagdesisyunan ni Shiela na paghiwalayin ang Mutya at ang prinsesang nagmamay-ari nito. Ibinigay niya ang kwintas sa kanilang kapitbahay, sa isang batang may malubhang karamdaman, ang batang si Mayumi.

Pinapunta ni Barbara Salamanca si Shiela sa Ibayo dahil nasa dugo niya ang pagiging isang Maharlika, isang mandirigma sa kabilang mundo. Sumunod si Shiela upang maghanap ng kasagutan kung paano magagapi ang kadilimang magtatangkang manakit kay Arki sa hinaharap. Magmula noon ay wala ng halimaw ang gumambala sa baryong kanilang tinuluyan, wala ng kababalaghan ang sumunod sa prinsesa.

Dahan-dahang pumasok si Shiela sa silid ni Arki at nakitang nahihimbing na ito sa pagtulog.

"Kailangan kong tuparin ang aking pangako sa iyong mga magulang," sabi niya nang umupo sa gilid ng kama ni Arki. "Arki... Sa tamang panahon malalaman mo rin ang totoo... Na ikaw ang huling binukot." 


*****


SAMANTALA...

Kakapasok lang ni Karl sa luma nilang bahay at nakita niya si Rahinel sa sala na nakatitig nang malalim sa hawak nito.

"Rah?" tawag niya at dahan-dahang lumapit dito. "Rahinel."

Hindi siya naririnig nito at nagsimula siyang mabahal nang mapansing tila nahihipnotismo ng anito si Rahinel.

Akma niyang aagawin ang hawak nito nang ilayo ni Rahinel ang kamay.  

"Saan ka galing?" biglang tanong ni Rahinel sabay tingin sa kanya.

"What are you doing? May sinabi na naman ba ang anitong 'yan sa'yo?" balik-tanong niya rito. 

Tumayo bigla si Rahinel, tila wala ito sa sarili, hawak-hawak pa rin ang anito ng mangkukulam.

"Sa tingin ko nahanap ko na ang hinahanap ko, ang prinsesa... ang huling binukot. Nakumpirma ang mga ilang hinala ko."

"Rah, sigurado ka ba?"

"Oo, Karl!" 

Natigilan si Karl at napalunok. "Sino?"

"Si Mayumi Garcia."

"Rah, listen to me," sinubukan niyang kuhanin ang atensyon nito subalit muling tumingin si Rahinel sa hawak na anito. "You can't be so sure, it might be another trick."

Hindi nakinig si Rahinel, naglakad ito papuntang itaas subalit hinarangan niya ito.

"You have to make sure, Rah, you can't do the same mistake!" 

"Hindi pagkakamali ang una kong ginawa, Karl," giit ni Rahinel. "Sigurado ako ngayon."

Naiwan si Karl na naiiling. Dapat matagal na niya itong kinumbinsi na itapon ang anitong 'yon dahil hindi maganda ang nararamdaman niya. 


-xxx-


GLOSSARY:

Maharlika - were the feudal warrior class in ancient Tagalog society in Luzon, the Philippines.

Magwayen - The goddess of the sea who is believed to take the kalag (soul) of the dead in Sulad (land of the dead).

Uripon -  the equivalent word for alipin in Visayas

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top