/19/ Nabunyag



Kabanata 19:
Nabunyag


KAKATAPOS lang ipatawag ang mga guardian ng mga estudyanteng sangkot sa insidente sa warehouse. Kanina pa nakaantabay si Arki sa may labas ng Guidance Office at hinihintay ang kanyang Ate Shiela, kanina pa rin niya iniisip ang mga sasabihin dahil tiyak na pagagalitan na naman siya nito.

"Nervous?" nagulat siya sa biglang nagsalita at kaagad siyang napalingon, si Roni, kampanteng nakapamulsa at nakangiti sa kanya.

"Roni!" 'di niya mapigilang mapabulalas nang makita ito. Ngayon na lang kasi niya ulit ito nakita simula noong mangyari 'yung insidente. 

Lumapit si Arki kay Roni at takang taka na hinanap ang sugat na dinulot ni Vivienne rito. 

"Roni, anong nangyari sa'yo? Natamaan ka ng pana ng baliw na babaeng 'yon! Okay ka na?" nag-aalala niyang saad at tumango lang si Roni sa kanya.

"Himala kung himala, nagising na lang ako na wala akong nararamdamang sakit," sagot nito. Base rin sa itsura ni Roni ay hindi rin niya alam kung paano ipapaliwanag kay Arki ang nangyari sa kanya. "I'm also glad na okay ka lang din."

"Ah, oo nga." napayuko siya at naalala ang pangyayari, ang pagligtas sa kanya ni Rahinel. Kaagad din siyang nag-angat ng tingin. "Pero paano si Vivienne? Pinagtangkaan niya ang buhay natin, at pwede na gawin ulit niya 'yon dahil adik 'ata ang babaeng 'yon eh."

Natawa ng bahagya si Roni sa kanyang tinuran at napailing, kumunot naman ang noo niya.

"Bakit?"

"This is not the right time to tell you about it, Arki," tinapik siya ni Roni sa kanyang balikat, "sabihin na lang natin na may atraso ang pamilya ko sa pamilya ni Vee—"

"Vee?" tumaas ang isang kilay niya. "Close kayo?"

Tumawa si Roni. "Selos ka?"

"Hindi ah!" 'Grabe selos 'agad? 'Di ba pwedeng nagtataka lang?' sa loob-loob niya habang nakanguso siya. Nagpatuloy si Roni sa sinasabi.

"She suffered a deep trauma," naging malungkot ang himig ni Roni, "kaya kung pwede sana ay kalimutan natin ang mga nangyari, alam kong hindi madali dahil sinaktan ka rin niya, pero ako talaga ang may kasalanan nito. I'm sorry dahil sa'kin nadamay ka sa gulo."

Kokontra pa sana siya pero nakita naman niya sa itsura ni Roni ang sinseridad kaya napahinga na lang siya ng malalim.

Humalukipkip muna siya bago sumagot, "Ano pa bang magagawa ko? Pero subukan lang talaga ulit ng babaeng 'yon na saktan ang kahit na sino sa mga kaibigan ko ay makakatikim talaga siya sa'kin."

Kaso naalala niya na wala siyang laban kay Vivienne noon at hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkadismaya, dahil sa kahinaan niya ay muntik na namang malagay sa alanganin ang buhay ng kaibigan niya.

"Roni?" parehas silang napatingin sa tumawag sa pangalan ng kaibigan niya at nakita ang isang matandang ale.

"Ah, si Manang Belinda nga pala," pagpapakilala ni Roni rito. "Si Arki nga pala, Manang, kaibigan ko."

"Hello po," bati niya. 'Bakit hindi magulang ni Roni ang pumunta sa school? Wala na ba siyang magulang katulad ko o busy lang?'  tanong niya sa isip. 

Nagpaalam na si Roni kasama si Manang Belinda, pagkaalis na pagkaalis ay may kumalabit sa kanya at nakita ang kanyang Ate Shiela na nakataas ang isang kilay. Mukhang kakatapos lang ng meeting.

"Arissa Kim," sa boses pa lang ng Ate Shiela ay alam niyang hindi ito natutuwa, "ano na namang kalokohan ang pinasok mo?"

"A-Ate Shiela!" hinila niya ang ate niya sa gilid at mangiyak-ngiyak niya itong kinausap. "Sorry talaga, ate! Sorry! Sorry! Sorry!"

Nagtaka tuloy si Shiela sa sunud-sunod niyang pag-sosorry. Pero ang totoo'y ayaw niya lang ipaliwanag dito ang buong detalye ng mga pangyayari, ang pagtatangka ni Vivienne sa buhay nila at ang pagpapalit anyo na naman ni Roni bilang tikbalang.

"Sorry kung hindi ako nagiging mabuting bata, ate! Sorry! Pero promise, promise simula ngayon magte-training ako ng mabuti, gigising ako ng sobrang aga, hindi ako titigil hangga't hindi ako na—"

"Arki," hinawakan siya sa kamay ni Shiela kaya tumigil siya sa pagsasalita, "Arki, mabuti kang bata, sadyang iyon ang dahilan kung bakit ka napapahamak. Sana naiintindihan mo na kaya ka pinapalo ni Lola Bangs at kaya kita pinapagalitan minsan ay para 'yon sa ikabubuti mo. Hindi ka namin pwedeng pabayaan."

Tumango lang siya at ngumiti silang dalawa sa isa't isa. Inakbayan siya ni Shiela at sabay silang naglakad paalis. Wala silang kamalay-malay na kanina pa nagmamasid sa kanila si Karl.


*****


SUMAPIT ang tanghalian at sabay-sabay na kumakain sa canteen sila Arki, Yumi, Leo, at Roni. Wala si Rahinel sa hindi maipaliwanag na dahilan pero kanina pa ito lihim na hinihintay na dumating ni Yumi.

"Yumi," tawag ni Arki sa kaibigan dahil napapansin niya na maya't maya ang linga nito sa paligid. "May hinahanap ka ba?"

"Ah... Eh... Wala," sagot ni Yumi at muling kumain.

Kanina pa sila tahimik na kumakain at nakakapanibagong walang umiimik sa kanila, lalo na si Leo na tulala. Hindi nila alam na may dinadala itong lihim. Pasimpleng sumusulyap si Yumi kay Leo, tinatantsa kung sinira ba nito ang pangakong huwag sabihin kay Arki ang kanyang lihim.

"Leo," tawag naman ni Arki sa katapat niya. "Okay ka lang?"

"Huh?" lutang na sumagot si Leo at tumingin kay Arki. "Ah, oo."

Tumingin naman si Roni kay Arki na katabi niya at binigyan ito ng makahulugang tingin. Nakuha naman ni Arki ang puntong 'yon.

'Ah, sino ba namang hindi magiging okay? Kami nga ni Roni muntik ng mapatay eh.' sa isip-isip ni Arki. 'Pero nagtataka pa rin talaga ako.'

At dahil hindi mapakali si Arki hangga't hindi nasasagot ang mga katanungan sa kanyang isip ay nagsalita siyang muli.

"Guys," tawag niya at tumingin naman ang mga 'to sa kanya. "Anong nangyari sa inyo sa loob ng warehouse?"

Iyon pa lang ang tinatanong niya ay biglang nabulunan si Leo, sunud-sunod itong umubo at si Roni naman ay inabutan ng tubig si Leo. Si Yumi naman ay dali-daling nagligpit ng pinagkainan.

"S-Sorry, guys, pinapatawag pala ko ni Tita after lunch, see you," nagmamadaling saad ni Yumi at iniwanan sila nito.

Takang taka si Arki, si Roni ay dedmang kumakain at si Leo naman ay hindi mapakali. Hanggang sa matapos ang kanilang tanghalian ay nang walang umiimik.


*****


"VIVIENNE Donohue."

Natigilan siya nang marinig na may tumawag sa kanyang pangalan. Nag-angat siya ng tingin at nakita ang isang pamilyar na estudyanteng lalaki, may hawak itong tray ng pagkain.

Hindi na siya nito hinintay makapagsalita at basta na lang umupo sa harap niya. Naalala niya na ito ang bagong transferee sa kanilang school at kasama rin ito sa napatawag sa guidance noong isang araw. Minsan niya ring nakita ito noon na kasama ng grupo ni Arki

"What do you want?" malamig niyang tanong. Hindi niya mapagpatuloy ang pagkain ng tanghalian dahil hindi siya sanay na may ibang kasabay kumain. Nasanay na kasi siya kahit sa bahay na siya lang lagi mag-isang kumakain.

Sinubukan na rin siya noon ng mga kapwa officers niya na yayain pero siya ang tumatanggi. Mas gugustuhin niyang mag-isa, ayaw din niyang magkaroon ng mga kaibigan dahil gusto niyang ituon ang buong atensyon niya sa kanyang mga misyon, ang paghihiganti at ang pagpapatunay na totoo ang mga research ng kanyang ama tungkol sa isang mahiwagang lugar at mga nilalang na parte ng mitolohiya.

Sa huli'y nagsawa rin ang mga tao sa pagpilit sa kanya na buksan ang kanyang loob kaya hinayaan na lang siya ng mga ito.

"Pamilyar sa akin ang apelido mo," sambit ng lalaki habang nakatingin sa kanya ng diretso. "Marahil ay nagtataka ka kung bakit kita nilapitan ngayon. Simple lang naman ang gusto kong itanong, bakit mo dinakip si Arki at Roni?"

"Dinakip? I don't know what you're talking about."

"Huwag ka ng magmaang-maangan pa," seryosong wika ng estudyanteng kaharap niya. Tiningnan niya ang nameplate nito at nakita ang pangalang 'Rahinel Montoya'. "Kaya kami dumating sa warehouse na 'yon dahil nakita ni Leo ang mga pangyayari, dinakip mo si Arki."

"Ano namang mapapala mo kung malaman mo?" tinaasan niya 'to ng kilay. Sa totoo lang ay ayaw na niyang pag-usapan ang nangyari matapos ang pag-uusap nila ni Roni noong isang araw.

"Impormasyon para sa impormasyon, sasabihin ko sa'yo kung anong alam ko tungkol sa research ni Virgilio Donohue, ang iyong ama."

Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig niya ang pangalan ng kanyang namayapang ama.

"P-Paano mo nalaman ang pangalan ni dad? Who the hell are you?"

Ngumiti lang si Rahinel sa kanya.

"Impormasyon para sa impormasyon, Vivienne."

Napaisip saglit si Vivienne. Maraming tanong ang tumatakbo sa kanyang isip pero mas nangibabaw sa kanya ang kuryosidad dahil may kinalaman ang kanyang ama. Naging madali lang sa kanya na sabihin kay Rahinel ang lahat ng nangyari.

Nilahad niya na dinakip niya si Arki upang mapilit si Roa Nikolo na ibigay ang kanyang hinahanap, subalit hindi nito nabigay, nagpalit anyo na tikbalang nang masaktan niya si Arki. Nagawa niyang tarakan ng pana ang tikbalang, at bumalik ulit ito sa dati. Dumating si Mayumi Garcia at nakita niyang ginamot nito ang sugat ni Roa Nikolo atsaka nawalan ng malay.

Pagkatapos niyang magkwento'y hindi niya mawari kung naniniwala ba sa kanya si Rahinel o hindi. Kung ano man ang intensyon nitong malaman kung bakit ay hindi niya alam. Ang mahalaga kay Vivienne ay ang impormasyon na maibibigay ni Rahinel sa kanya.

"Ang ibig mong sabihin... Ginamot ni Yumi si Roni?" halos pabulong na inusal ni Rahinel.

Nagtaka siya dahil doon mas may interes si Rahinel kaysa sa pagiging tikbalang ni Roni, pero hindi na siya nagtanong kung bakit, tumango na lamang siya.

Matapos mag-isip ni Rahinel ay muli itong tumingin sa kanya.

"What do you know about my father?" siya naman ang nagtanong sa pagkakataong ito.

Ilang segundo bago magsalita si Rahinel, "Mayroon akong matagal nang hinahanap, at minsan kong nahingian ng tulong ang iyong ama na si Virgilio. Noong mga panahon na 'yon ay hinahanap niya ang lugar na Ibayo, we went with him to find the portal... but we never found it."

Nilabas ni Vivienne mula sa kanyang bag ang palagi niyang dalang journal ng kanyang ama at nilapag 'yon sa mesa.

"This belongs to my father, tinala niya lahat dito kung ano ang mga nangkwentro niya sa Ibayo. My father went to that place," giit niya.

"Kung gano'n ay nagtagumpay din si Virgilio," bulong ni Rahinel 

"Sino ka ba talaga? Bakit mo kilala ang dad ko? Paanong nangyari na..." sunud-sunod na tanong ni Vivienne.

Akmang hahawakan ni Rahinel ang journal nang mabilis niyang makuha 'yon. 

"Answer me!" utos niya. 

"Hinahanap ko ang huling binukot," sabi ni Rahinel.

Napakunot lamang siya. "Anong binukot?"

Nagsukatan sila ng tingin. Hindi na sumagot si Rahinel, tumayo ito at iniwanan siyang punum-uno ng mga katanungan.


*****


"LEO, umamin ka nga sa'kin."

Uwian. Sumabay si Yumi sa Tita niya pauwi kung kaya't natira si Leo at Arki, si Roni naman ay nagpaalam na hindi makakasabay dahil may pupuntahan.

"A-Anong aaminin ko?"

"Huwag mo na akong lokohin, Leo, kilala kita." hindi niya ito hinayaang makadaan at wala siyang balak padaain hangga't hindi niya nakukuha ang sagot na gusto niya. "May tinatago ka. Simula nang mangyari 'yong sa warehouse, naging kakaiba kayo ni Yumi. Anong meron na hindi ko alam?"

'Patay. Wala akong takas kay Arki.' sa loob-loob ni Leo.

"Sorry, Arki!" Sa huli ay bumigay din si Leo, sinira niya ang pangako niya kay Yumi.

Walang naimik si Arki pagkatapos malaman ang totoo kay Leo. Dali-dali siyang umalis at nagtungo sa bahay ni Yumi.


*****


"BAKIT hindi pa umuuwi ang batang 'yon?" nag-aalalang tanong ni Lola Bangs habang kanina pa pasilip-silip sa bintana. Kumagat na kasi ang dilim at hindi pa umuuwi si Arki.

"Chill ka lang, Lola Bangs, masisira ang beauty," sambit ni Shawie habang naghihimay ng Malunggay.

"Oo nga, 'La, nasa galaan lang 'yun at uuwi lang din maya-maya, ganyan talaga pag bagets," sinundan 'yon ni Mawie na abala sa paghalo ng niluluto.

"Hindi gala ang apo ko. Tawagan niyo na nga ang batang 'yon!" bulalas ni Lola Bangs na hindi mapalagay ang kalooban.

"Eh, Lola Bangs, paano matatawagan si Arki eh wala namang cellphone 'yun?" sagot ni Shawie Siyang dating ni Shiela.

"Na kila Yumi raw si Arki, tumawag sa'kin si Mercy," sabi ni Shiela at nakahinga naman nang maluwag si Lola Bangs, pero si Shiela naman ang hindi mapakali.

"Oh, eh bakit naman para kang natatae dyan, friend?" si Mawie at muntik na siyang mabato ni Shiela sa biro nito.

"Lola, susunduin ko lang si Arki," sambit ni Shiela.

"Sige, mag-iingat ka."

Dali-daling lumabas si Shiela habang dala ang kanyang sandata, isang mahabang yantok na may nakatagong patalim sa oras na hinila ang dulo. Nababahala siya sapagkat alam niya ang maaaring mangyari kapag nakalapit si Arki sa Mutya, maaaring lumusob ang mga kampon ng wala sa oras kapag muli 'yong lumiwanag. 

Naglalakad siya sa gilid ng kalsada nang maramdaman niya na may sumusunod sa kanya, hindi maganda ang kanyang kutob kung kaya't mabilis siyang naglakad. 

Naramdaman din ni Shiela na bumilis ang sumusunod sa kanya kaya wala siyang nagawa kundi humarap dito at a4ambaan ng kanyang sandata.

"Woah! Miss!" napahinto siya nang makita ang pamilyar na lalaki. "I'm sorry kung sinusundan kita, magtatanong lang sana ako."

"Nagkita na tayo kanina," naniningkit niyang saad.

"Ah, oo, kaya kita sinundan, sorry," sabi ng matangkad na lalaki na kulot ang buhok. "Nagkita tayo kanina sa guidance. Ako nga pala si Karlheinz Ocampo, Karl na lang for short. Ikaw si?"

"Shiela. Shiela Bonifacio," malamig niyang sagot habang mahigpit pa rin ang kanyang hawak sa kanyang armas.

"Uhm... Shiela," tawag nito kaya binaba niya ang kanyang armas. "May hinahanap kasi ako rito sa barangay n'yo... May kilala ka bang Barbara Salamanca?" 

'Anong kailangan ng lalaking 'to kay Lola Bangs?' sa isip-isip ni Shiela. Hindi niya maiwasang mabahala sa lalaki dahil walang nakakaalam ng tunay na pangalan ni Lola Bangs maliban sa kanya. 



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top