/18/ Baka Sakali
Kabanata 18:
Baka Sakali
TILA bumagal ang ikot ng mundo. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata at nakita kung sino ang may buhat sa kanya ng mga sandaling 'yon. Nanghihina pa rin si Arki, at kahit subukan niyang igalaw ang kanyang katawan ay hindi niya magawa.
Pumikit na lamang siya subalit may naalala siyang pamilyar na pakiramdam. Hindi na ito ang unang pagkakataon na halos may mangyaring masama sa kanya. Tandang-tanda pa rin niya ang pakiramdam na 'yon, at ang estrangherong nagligtas sa kanya noong bata pa lamang siya.
Pinilit niyang imulat muli ang kanyang mga mata, at kala mo'y bumalik ang oras sa nakalipas, nakita niya ang mukha ng estranghero subalit hindi niya matukoy kung sino ito. Kumurap siya at nakita niya nang mas malinaw ang mukha ni Rahinel.
Pamilyar. Pamilyar ang pakiramdam. Pilit niyang inaalala ang nakaraan subalit hindi niya ito magawa.
"R-Rahinel..." tawag niya at tumingin ito sa kanya. Gusto sana itanong ni Arki kung saan siya nito dadalhin subalit wala pa siyang sapat na lakas.
"Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat," sagot nito sa kanya.
'Bakit? Bakit ganoon din ang sinabi niya?' tanong ni Arki sa isipan.
Isang alaala ng kahapon. Naglalaro lamang siya sa kanilang bakuran nang lumapit sa kanya ang isang magandang babae, may inabot itong mansanas sa kanya at dinala siya sa kung saan. Hindi mawari ni Arki kung mapagkakatiwalaan ba ang memorya ng kanyang kabataan sapagkat naalala niyang nasaksihan niya ang isang ritwal sa abandonadong gusali na pinagdalhan sa kanya noon.
Hanggang sa dumating ang isang estranghero upang iligtas siya mula sa kasamaan. Binuhat din siya nito noon at sinabi ang mga salitang 'Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat.'
Sa hindi malaman na dahilan ay pumatak ang ilang butil ng luha mula sa mga mata ni Arki.
*****
MABILIS na lumipas ang araw. Maliban sa mga sangkot at nakasaksi ay walang nakakaalam ng mga pangyayari. Sa kasamaang palad, matapos maganap ang insidente'y may isang security guard ang nakakita kila Arki, Rahinel,Vivienne, Leo, Yumi, at Roni sa abandonadong gusali at kaagad itong na-report sa kanilang eskwelahan.
Maraming usisero't usisera sa labas ng Guidance Office, ang iba'y pinipilit sumilip sa pagitan ng venetian blinds ng opisina para makita ang nagaganap sa loob. Pambihirang pagkakataon kasi nang makita nila na pumasok sa loob ng silid sila Arki, Leo, Yumi, Rahinel, at ang Vice-President ng Student Council na si Vivienne. Si Roni naman ay hindi pumasok noong araw na 'yon.
"Ano kayang nangyari?" ang tanong ng mga tsismoso.
Samantala, sa loob ng opisina'y nakatayo sa harapan ni Mrs. Janathan ang mga estudyanteng pinatawag. Si Miss Anita naman ay tahimik lang na nakatayo sa likuran.
"Alam niyo naman siguro kung bakit kayo nandito?" hindi ngumingiting tanong ni Mrs. Janathan sa kanila.
"Hindi po," kaagad na sagot ni Leo at masamang tiningan siya nito.
"May nakakita sa inyong security guard sa abandonadong warehouse 'di kalayuan sa eskwelahan na 'to. At base sa report ng sekyu ay nasaktan ng pisikal si Miss Arissa Kim, Miss Garcia, Mister Corpuz, at Miss Donohue. Ngayon, isang tanong lang, mga bata, anong ginagawa niyo sa lugar na 'yon at bakit nagkasakitan kayo?" mahinahon subalit may halong katarayang tanong ni Mrs. Janathan sa kanila.
Wala kaagad sumagot sa kanila. Paano nga naman nila ipapaliwanag ang mga pangyayari?
'Patay. Mukhang ako na naman pag-iinitan nitong ni Ma'am Janathan. Paano ko i-eexplain sa kanya? Na kinidnap ako ni Vivienne na Vice-President lang naman ng student council, tapos tinangka niya kong patayin, tapos sa galit ni Roni ay bigla itong nagpalit anyo na tikbalang? Nakakaloka! Hindi! Hindi siya maniniwala, pusta ko pa baon ko.' Sa isip-isip ni Arki.
Tumayo si Mrs. Janathan at naglakad-lakad habang nakapamewang sa harapan nila, lahat sila ay hindi makatingin ng diretso sa mga mata nitong nanlilisik, anumang oras ay manlalapa.
"Miss Arissa Kim." Huminto si Ma'am Jana sa harapan niya.
'Sabi ko na nga ba! Ako talaga laging nakikita nitong mamaw na 'to!!!' reklamo ni Arki sa isipan pero nanatili siyang poker-faced.
"Ano na namang kalokohan ang pinamunuan mo?"
'Pagdating talaga sa kalokohan ako 'agad ang pasimuno? This is so unfair.'
Hindi makapagsalita si Arki, alam niya kasi na kahit ipagtanggol niya ang sarili ay hindi pa rin maniniwala sa kanya si Mrs. Janathan. Bubuka pa lang ang bibig niya nang unahan siya ni Vivienne.
"This is just a misunderstanding, Ma'am." sabay-sabay silang napatingin ng mga kasama niya kay Vivienne na biglang nagsalita.
"What do you mean, Miss Donohue?" lumapit dito si Ma'am Jana. Humakbang ng isa si Vivienne at diretsong tiningnan ang guidance counselor.
"We were just practicing."
Halos malaglag ang panga niya nang marinig 'yon. Nagulat din ang mga kasama niya pero hindi pinahalata.
'Practice? Pinaikot niya ko sa ere at muntik ng panain, tapos practice?!' nagngingitngit ang kalooban ni Arki.
"The six of us agreed to meet at the warehouse to practice martial arts. Arki and I are the ones who's teaching them. Unfortunately, nagkaroon po ng minor injuries."
'Lolo mo, minor injuries!' sigaw ni Arki sa isip.
Napaisip saglit si Mrs. Janathan, tumingin sa mga estudyanteng katabi ni Vivienne. Tumango pa si Leo para ipakita ang pag sang-ayon nito sa sinabi ni Vivienne.
"Is that true?" tanong nito sa kanila.
"Opo!" sabay-sabay nilang sagot ng walang pag-aalinlangan.
Muling tumingin si Mrs. Janthan kay Vivienne at sinabing, "Still, pinatawag ko pa rin ang mga guardian niyo para ipaliwanag ang pangyayari. At hindi na maaaring maulit sa susunod ang practice practice na 'yan."
Nakahinga sila nang maluwag nang palabasin na sila ng Guidance Office, ang mga usisero naman ay kanya-kanyang balik sa kanilang mga lungga.
"Arki, saan ka pupunta—Yumi, ikaw din—" hindi malaman ni Leo kung bakit biglang naglakad palayo ang mga kaibigan niya sa magkabilang direksyon. Si Yumi ay kaagad na umalis, si Arki naman ay may hinabol. Naiwan sina Leo at Rahinel.
"Teka, sandali lang." kung hindi pa humarang si Arki sa daan ay hindi hihinto si Vivienne sa paglalakad. Tinignan lamang siya nito at walang bakas ng kahit anong emosyon ang mukha. "Akala mo porque niligtas mo kami mula kay Ma'am Janathan ay magpapasalamat ako sa'yo? Akala mo hindi ko nakakalimutan 'yung ginawa mo sa'kin? Kay Roni! Si Roni na natamaan—"
"Your friend is safe," putol sa kanya ni Vivienne na wala man lang bakas ng kahit anong guilt sa pangyayari.
"Ha? Anong safe? Kitang kita ko na natamaan siya ng pana mo!" sa totoo lang ay malabo na sa kanyang alaala ang mga pangyayari dahil nawalan din siya ng malay.
"Ask your friends."
"Ha?"
"Kung wala ka nang sasabihin, excuse me." Pero hindi niya 'to pinadaan.
"Subukan mo mang ipagkalat ang tungkol kay Roni, walang maniniwala sa'yo, Vivienne. At sa susunod sisiguraduhin kong hindi mo na 'ko matatalo," determinado niyang saad. Hindi na ito sumagot at iniwanan na siya.
*****
"WHAT do you want?" lumingon siya at nakita ang taong katagpuan niya ngayon dito sa rooftop ng old building. Hindi niya sukat akalaing sisiputin siya ni Vivienne matapos ang mga pangyayari, tatlong araw ang makalipas.
"You almost killed me, you know," may himig ng panunumbat ang boses ni Roni. Tumayo siya mula sa kinauupuan at naglakad papalapit sa babaeng nagtangka ng masama sa buhay niya at ni Arki.
Uwian na. Papalubog na ang araw, tanda niya pa ang araw na minsang kinulong sila ni Arki sa lugar na 'to, at lugar kung saan nakuhanan siya ni Vivienne ng video nang pagpapalit anyo niya.
"I'm not expecting to hear any apologies but don't expect me to thank you for saving us from the guidance counselor," sabi niya at huminto nang makalapit siya rito. "But I called you here to tell you something."
Hindi na niya hinintay sumagot pa si Vivienne.
"Naalala mo pa ba ang gabing 'yon? Ang gabing pinatay ng dad ko ang dad mo?" nakita niya kung paano nagbago ang walang emosyong mukha ni Vivienne, napalitang ng kirot at hinagpis. "I bet you remember. They say that people tend to remember the most painful event in their lives, embedded in memory and hard to forget."
Tumingin siya sa kahel na langit, dama ni Roni ang pagtitig sa kanya ni Vivienne. Nagpatuloy lamang siya sa pagsasalita.
"Pero mukhang hindi mo naalala, that night... I was with my father." Tumingin siya kay Vivienne at nagsalubong sila ng tingin. "I was at the same age as you. And that night wasn't the first time I went with him."
"W-what—"
"We used to play when we're little kids, Vivienne," humakbang siya ng isa at si Vivienne naman ay napaatras ng bahagya. "Tandang tanda ko pa nga noon na palagi akong excited na pumunta sa bahay niyo para makipaglaro sa'yo. I don't have any friends before... I only got you as my friend."
Itago man ni Vivienne ang pagkagulat ay hindi nito nagawa. Nang banggitin niya ang mga salitang 'yon ay tila bigla lang nito naalala ang lahat ng mga sandaling 'yon.
"Nang gabing mawala sa sarili si dad dahil sa sumpa... Nang maging tikbalang siya at pinatay niya ang pamilya mo..." umiling-iling siya nang sunud-sunod at si Vivienne naman ay tuluyan nang lumuha. "I was there but... I was there but I am unable to stop my father."
Muli siyang tumingin ng diretso kay Vivienne, sa pagkakataong 'to ay parehas tubigan ang kanilang mga mata.
"Noong ikaw na ang tatangkain niyang saktan... Mabilis na kumilos ang katawan ko noong mga panahong 'yon, namalayan ko na lang na hawak ko ang espada ng dad mo. At bago ka pa saktan ni dad ay mabilis kong natarak sa kanya—" tumigil siya nang maalala kung paano niya 'yon nagawa. Upang iligtas ang kanyang kalaro at kaibigan nagawa niyang patayin ang kanyang sariling ama. "When I stabbed him, he went back to normal, and he said to me... That I did the right thing and my dad told me he's sorry."
Pinahid ni Vivienne ang luha sa kanyang pisngi at nag-iwas ng tingin. "Are you saying na utang na loob ko sa'yo kung bakit ako buhay ngayon?"
Umiling si Roni at sinabing, "No, gusto ko lang malaman mo. At nagbabaka sakali lang ako na sana... Kung kaya ng puso mo na patawarin ako, na kung pwede pa rin tayong maging magkaibigan."
Inabot ni Roni ang kamay niya subalit tinitigan lang 'yon ni Vivienne. Hindi ito sumagot sa kanya at iniwan lang siyang mag-isa.
*****
"HELLO, Leo?" nakahinga siya ng maluwag nang sagutin nito ang kanyang tawag.
"Oh, Yumi? Napatawag ka 'ata? Kakamustahin mo ba 'yung costume mo sa Miss UN pageant na ginagawa ko?" dinig niya ang excitement sa tinig ni Leo sa kabilang linya.
"Hindi, Leo," umiling pa siya kahit na hindi naman sila magkaharap ngayon, "may gusto lang sana ako sabihin."
"Ah... Eh, ano 'yon?"
"Tungkol sa nangyari sa warehouse."
"Y-Yumi! Okay lang kahit na hindi mo sa'kin ipaliwanag!" natatarantang sabi ni Leo.
"Leo, nakita mo ang ginawa ko. Ginamot ko si Roni dahil nasa panganib ang buhay niya. Alam ko nagtataka ka kung paano ko 'yon nagawa," hindi sumagot ang kaibigan niya at nagpatuloy lang siya sa pagsasalita, "sorry pero hindi ko kayang ipaliwanag sa'yo..."
"O-Okay lang 'yon!"
"Pero gusto kong humingi ng favor, Leo. Please... Please huwag mong sasabihin sa kahit na sino 'yung ginawa ko."
"Y-Yumi... Hindi ko sasabihin."
"Promise me, Leo. Kahit kay Arki huwag mong sasabihin."
"P-Promise, kahit kay Arki hindi ko sasabihin."
"Sorry kung sa tawag ko nasabi, hindi natin 'to pwedeng pag-usapan ng personal."
"Naiintindihan ko naman."
"Sige. Thank you, Leo. See you tomorrow."
Binaba na niya ang tawag at napahiga siya sa kanyang kama. Hindi pa rin siya makampante kahit na nangako si Leo sa kanya. At isa pa, nakita rin siya ng Vice-President na si Vivienne sa ginawa niya. Kaya wala na lang siyang ibang magawa kundi ipanalangin na huwag kumalat ang kanyang lihim.
Tiningnan niya ang kanyang mga palad. Kinuha niya ang kanyang kwintas na palagi niyang suot.
Sabi ng kanyang mga magulang dapat ay kukuhanin na siya ng Diyos nang madapuan siya ng kakaibang sakit noong bata pa lang siya. Subalit may isang estranghero ang nagbigay sa kanyang ama at ina ng kwintas na ito na kung tawagin ay Mutya, kapalit ng pagtatago ng Mutya ay gagantimpalaan ang kanyang mga magulang ng kahit na anong hiling.
At ang hiling na 'yon ay ang kagalingan niya.
Subalit higit pa sa kagalingan ang ginantimapala sa kanya ng Mutya.
Ito ang lihim na hindi niya pwedeng ipagsabi sa kahit na sino, kahit sa pinakamatalik niyang kaibigan na si Arki.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top