/17/Himala


  Kabanata 17:
Himala


PAGKAMULAT ng mga mata ni Arki ay tumambad sa kanya ang hindi pamilyar na lugar. Ang tanging pumasok sa kanyang isip ay isa 'yong abandonadong warehouse. Nakagapos siya sa isang upuan, walang busal ang kanyang bibig kaya 'agad siyang sumigaw.

"Tulong! Tulungan niyo ako!"

"It's useless to shout," biglang sumulpot si Vivienne, malamig na nakatitig sa kanya, "if I were you, I won't struggle."

Tagaktak ang kanyang pawis sa noo, hindi rin siya makapaniwala sa mga nangyayari. Malapit nang kumagat ang dilim, tiyak na nag-aalala na naman sa kanya ang kanyang Ate Shiela at Lola Bangs.

"He'll be here any minute." Tumalikod si Vivienne at siya naman ay napakunot. Sinong tinutukoy nito?

Sinamantala ni Arki ang pagkakataon, kaagad siyang nagpumiglas. Nabuhayan si Arki ng loob nang lumuwag ang pagkakatali sa kanyang mga kamay. Hindi pa rin nakakahalata si Vivienne na nakita niyang may kausap sa cellphone, nang matanggal niya ang tali sa kanyang mga kamay ay sinunod naman niyang tanggalin ang tali sa kanyang mga paa.

Nang matanggal niya ang pagkakatali ay tumayo siya, medyo namanhid lang ang kanyang mga paa dahil sa matagal na pagkakatali. Muli niyang tiningnan si Vivienne at nawala na ito sa kanina nitong kinatatayuan.

Dali-dali niyang hinanap ang labasan subalit napahinto siya nang sumulpot bigla si Vivienne sa kanyang harapan.

"Where do you think you're going?" napaabante siya nang makita ito.

"Bakit mo bo ginagawa 'to?! Wala naman akong ginagawang masama!" sigaw niya subalit nanatiling walang emosyon ang kaharap. At saka siya nagpasya ng mga sandaling 'yon na kailangan niyang lumaban para sa kanyang sarili.

Tinaas ni Arki ang dalawang kamao. Naisip niya na ito ang unang pagkakataon na mananakit siya ng kapwa babae, dahil puro kasi mga bully na lalaki sa eskwelahan ang nakakatikim ng kanyang kamao.

Mabilis siyang umatake subalit mas mabilis na nakaiwas si Vivienne. Hindi siya sumuko kaagad at sunud-sunod siyang nagbigay ng atake sa kalaban pero hindi niya ito matamaan. Hanggang sa maitulak siya ni Vivienne, sumalampak siya sahig.

"Tch! May ibubuga ka rin pala," bulong niya, tumayo at hinarap si Vivienne na kampanteng kampante. Hindi niya pwedeng mabalewala ang mga itinuro sa kanya ni Shiela, kahit na hindi pa niya nama-master ang mga turo nito, may tiwala siya sa kakayahang protektahan ang kanyang sarili.

Mabilis siyang sumugod subalit hindi napaghandaan ni Arki ang mga susunod na pangyayari. Wala siyang kaalam-alam na may alam sa freestyle wrestling at Judo si Vivienne kaya ilang segundo lang ang nangyari nang umikot si Arki sa ere ng isang daan at walompung degree, saka siya bumagsak sa sahig. 

"A-aray..." napangiwi siya sa sakit at naramdaman ang dugo sa kanyang noo. Nanghihina siyang hinila ni Vivienne patayo at muling dinala sa kinaroroonan niya kanina. Hindi na siya nakalaban nang muli siyang igapos nito.

"Hoy babae, sabihin mo sa akin, wala ka namang balak na patayin ako 'di ba?" nanghihina niyang tanong. "At saka... Hindi kami mayaman para hingian mo ang pamilya ko ng ransom money."

"Shut up." Natameme siya nang makita niyang nakatayo si Vivienne 'di kalayuan sa gilid niya at nakatutok sa kanya ang pana nito.

"H-hoy! Ano ba! P-papatayin mo talaga ako?! Naka-tsamba ka lang kanina pero makikita mo pag nakakawala ulit ako rito babaliin ko 'yang mga buto mo!" sigaw niya pero sa totoo lang ay natatakot siya. "B-baliw ka ba?! A-ano bang problema mo?!"Kulang na lang ay isigaw niya ang pangalan ng kanyang Ate Shiela at Lola Bangs sa sobrang kaba.

"Arki!" napatingin siya sa boses ng bagong dating at nabuhayan siya muli ng loob nang makita niya ang kaibigang si Roni.

"Roni! Tulungan mo ako!" sigaw niya.

"Vivienne! What the hell is this?!" halos dumagundong ang boses ni Roni. "Stop this madness!"

"You know what I want, Roa Nikolo! The information that I need! Nasaan na?!" nakatutok pa rin kay Arki ang pana ni Vivienne.

Napasabunot si Roni sa kanyang buhok. "Wala na ang mga files ni dad dahil nasunog ang bahay namin dati! Wala akong maibibigay sa'yo kaya parang awa mo na, itigil mo na 'to! I'll do whatever you say, I'll be your slave! Bilang kabayaran ng ginawa ng dad ko sa pamilya mo, please! Stop this!"

Natulala lang si Arki kay Roni dahil nakita niya ang pighati sa mukha nito. Nagpabalik-balik ang kanyang tingin kay Roni at Vivienne, may kasalanan ang tatay ni Roni sa pamilya ni Vivienne kaya nito ginagantihan si Roni? 

"Parehas kayong matigas ng babaeng 'to," usal ni Vivienne. "Ayaw ninyong maglabas ng impormasyon tungkol sa mga nilalang na 'yon!"

Kaagad siyang napatingin kay Vivienne.

"Oo na! Oo na! Totoong may nakita kaming mga halimaw!" sigaw niya para tumigil na si Vivienne. "Pakiusap pag-usapan na lang natin 'to ng maayos!"

Pero hindi pa rin natinag si Vivienne, tila nabingi siya noong mga sandaling 'yon. Nabitawan niya ang pana at bumubulusok 'yon sa kanya. Mabuti na lang at nadaplisan lang si Arki sa pisngi.

Subalit nang makita ni Roni ang dugong dumaloy sa pisngi ni Arki ay tila naubusan siya ng hininga, unti-unti siyang nawala sa sarili.

"R-Roni?" tawag ni Arki nang mapansing sumalampak sa sahig ang kaibigan. "Roni!"

Sa isang iglap ay nagpalit anyo si Roni—naging kahindik-hindik na tikbalang! Dahil sa sobrang galit nito na sinaktan ang 'amo' na si Arki ay hindi na nito napigilan ang sarili. Sa takot ni Vivienne ay kaagad nitong pinana si Roni, tumama 'yon sa balikat ng tikbalang subalit hindi pa rin 'yon natinag. 

"Roni!" sinubukan ni Arki kumawala sa pagkakatali pero mahigpit iyon. 

Aatakihin ni Roni si Vivienne nang buong lakas siyang sumigaw, "Roni, tama na!!! Huwag mo siyang saktan!!!" halos maputol ang litid niya sa sigaw na 'yon. Lumingon bahagya sa kanya ang tikbalang, narinig ang kanyang pagtawag.

Si Vivienne naman ay napaupo na lang sa sahig, nanginginig dahil sa takot. Unti-unting bumalik sa dating anyo si Roni, bumagsak itong duguan sa sahig dahil sa pana sa balikat.

"Roni!!!" 'Kailangan kong makakawala rito!'

Hindi napansin ni Arki na may kung anong pwersa ang tumulong sa kanya para mapatid ang lubid na nakatali sa kanyang kamay. Pagkakawala niya ay kaagad niyang dinaluhan si Roni.

"Kailangan natin siyang dalhin sa ospital!" labis na nag-aalalang sigaw niya. Bumaling siya kay Vivienne. "Hoy! Tumawag ka ng tulong!" Pero nakita ni Arki na natulala ito at nanginginig sa sobrang takot.

Kaagad siyang tumayo at tumakbo para humingi ng tulong. Narating niya ang labas ng abandonandong warehouse subalit bigla na lamang siyang nanghina, nahilo at natumba sa sahig.

*****


NAKITA lahat ni Leo ang nangyari. Kung paano nawalan ng malay si Arki at kung paano sinakay ni Vivienne si Arki sa kotse nito at dalhin kung saan. Mabuti na lamang at dala ni Leo ang bisikleta noong mga oras na 'yon kaya nasundan niya ang kotse at nalaman kung saan dinala si Arki, sa isang abandonadong warehouse malapit sa kanilang eskwelahan.

"Leo! Dito ba?" nag-aalalang tanong ni Yumi nang huminto ang kotse sa harapan ng lugar na pinanggalingan niya kanina.

"O-oo!" bumaba sila ng kotse.

Si Yumi ang hiningian ng tulong ni Leo. Nagkataong nasa eskwelahan si Yumi hoong mga oras na 'yon. At si Yumi naman ay saktong nakita si Rahinel para hingian ng tulong, kaya gamit ang kotse nito ay kaagad nagtungo sila Leo, Yumi, at Rahinel sa abandonadong warehouse.

Natanaw nila ang isang babaeng nakahandusay sa may entrada.

"S-Si Arki!" bulalas ni Leo at kaagad silang nagtakbuhan palapit doon.

"Arki!!!" sigaw ni Yumi nang makita ang kalagayan ng kanyang matalik na kaibigan. Nagdudugo ang noo at pisngi. May bahid din ng dugo ang uniporme. Halos hindi makahinga si Yumi sa nakita at inalalayan naman siya ni Leo.

Mabilis na umaksyon si Rahinel, kaagad niyang binuhat si Arki.

"S-Si Roni..." nanghihinang bulong ni Arki.

"Nasa loob ba si Roni?" tanong ni Leo at dahil likas sa kanya ang pagiging matatakutin ay hindi siya kaagad pumasok sa loob.

"Rah, please, dalhin mo siya sa ospital," sambit ni Yumi. Tumango ito at dali-daling umalis. 

"Leo," humarap si Yumi kay Leo. "Kailangan nating tulungan si Roni."

"H-Ha?" natatakot na reaksyon ni Leo, napalunok lang siya at hinayaan niyang mauna si Yumi sa loob ng abandonadong warehouse.

Pumasok sila sa loob at laking gulat nila nang makita ang senaryo. Si Roni nakahandusay habang naliligo sa sariling dugo at may isang babae sa tabi na nanginginig sa takot.

"Anong nangyari?!" sinubukang magtanong ni Yumi pero wala siyang nakuhang sagot kay Vivienne.

"Y-Y-Yumi! S-s-si R-Roni! M-M-mamatay siya kapag hindi pa dumating 'yung ambulansya! T-Teka! Hahabulin ko si Rahinel!" akmang aalis si Leo nang magsalita si Yumi.

"S-Subukan ko siyang tulungan."

"A-anong ibig mong sabihin?" nanginginig niyang tanong. Buong buhay niya ay ngayon lang siya nakakita ng ganito. Hindi siya sinagot ni Yumi, sa halip ay lumuhod ito sa tabi ni Roni.

"Leo, tanggalin mo 'yung pana."

"E-Eh?!" gulat na gulat siya. "Y-Yumi—"

"Leo!" sa sigaw ni Yumi ay nataranta siya. Wala siyang ibang magawa kundi sundi ang utos nito. Pikit mata niyang hinila ang pana mula kay Roni. Napaupo pa siya sa sahig sa sobrang takot.

Si Yumi naman ay nilagay ang dalawang kamay sa ibabaw ng sugat, nabahiran ng dugo ang kanyang mga kamay subalit hindi niya iyon inalintana. At saka siya pumikit at mahinang umusal ng dasal.

Nanlaki ang mga mata ni Leo sa kanyang nasaksihan nang tanggalin ni Yumi ang mga kamay, naghilom ang sugat at tumigil ang pagdaloy ng dugo. Isang himala!

"Y-Yumi..."

Si Yumi naman ay hingal na hingal. Hindi nag-alinlangang iniligtas ang buhay ni Roni kahit na ang kapalit nito'y mabunyag mula sa ibang tao ang kanyang pinakatinatagong lihim—ang kakayahang manggamot.

"Yumi!"

Sa pagkakataong ito, si Yumi naman ang nawalan ng malay.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top